Title: Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)
Author: José Rizal
Translator: Patricio Mariano
Release date: December 11, 2014 [eBook #47629]
Most recently updated: June 28, 2020
Language: Tagalog
Credits: Produced by Marie Bartolo (etexts.bartolomarie@gmail.com)
from page images made available by the Internet Archive:
American Libraries
Paliwanag ng Tagapagsalin
Ang tekstong ito ay nasa lumang Tagalog, na gumagamit ng titik g na may tilde sa ibabaw (g̃), na makikita halimbawa sa mga salitang ng̃, mg̃a, at ng̃ayón. Kung hindi maayos na nakikita ang titik g̃, tiyaking UTF-8 ang nakasaad na file encoding sa iyong browser. Maaari ring kailangang palitan ang font na iyong gamit.
Ang tekstong ito ay nasa lumang Tagalog, na gumagamit ng titik g na may tilde sa ibabaw (g̃), na makikita halimbawa sa mga salitang ng̃, mg̃a, at ng̃ayón. Kung hindi maayos na nakikita ang titik g̃ sa iyong e-book reader, maaaring kailangang palitan ang font na iyong gamit.
(Tinagalog ni PATRICIO MARIANO)
Masasapantaha kaagád, na, lihim na nágayuma ñg isáng FILIBUSTERO ang kapisanan ñg mg̃a makapraile at mg̃a laban sa pagkakasulong, upáng, sa pag-alinsunod na waláng malay sa mg̃a udyók ñg kaniláng kalooban, ay makatulong at makapagpalusóg doon sa imbót na íisang bagay ang linalayon: palaganapin ang adhiká ñg FILIBUSTERISMO sa boong bayan at pananaligin ang lahát ñg pilipino na waláng ibáng kaligtasan liban sa humiwaláy sa España.
Ferdinand BLUMENTRITT.
[*] Kung ihuhulog sa wikang tagalog ang salitáng FILIBUSTERISMO ay lubhang hahaba ang pañgalan ñg aklát na itó at marahil ay mangyaring hindi pa mawatasan ñg babasa, kaya’t hindi na namin inihulog sa wika natin; ñguni’t ílalagáy namán ang katuturán ó kahulugán ñg salitáng itó upang mabatíd noong mg̃a hindi nakaaalam ñg kaniyang kahulugán.
FILIBUSTERO: Galing sa salitáng inglés na freebooter; itinawag sa iláng mangdadambóng na lumagusaw sa karagatang Antillas, América, niyong 1700.—FILIBUSTERO din ang tawag sa mg̃a taong nag-uusig na mápahiwalay sa España ang mg̃a lupaíng sakop nitó, sa kabilá ñg mg̃a dagat, kayá’t ang salitáng FILIBUSTERISMO ay waláng ibáng kahulugán kun di ang adhikáng pag-usígin ang paghiwaláy sa nakasasakop.—P. ng̃ T.
UNANG PAGKAKÁLIMBÁG.
MAYNILA
Limbagan at Aklatan ni I. R. Morales,
Liwasang Miranda, 11–13, Kiyapo
1911.
sa mg̃a paring G. Mariano GOMEZ (85 taón)
José BURGOS (30 taón)
at Jacinto ZAMORA (35 taón)
na binitay sa Bagumbayan ng̃ ika 28[A] ng̃ Febrero ng̃ taóng 1872.
Sa dî pagsang-ayon ng̃ Relihion na alisán kayó ng̃ karang̃alan sa pagkaparì ay inilagáy sa alinlang̃an ang kasalanang ibinintáng sa inyó; sa pagbabalot ng̃ hiwagà’t kadilimán sa inyóng usap ng̃ Pamahalàan ay nagpakilala ng̃ isáng pagkakamalîng nágawâ sa isáng masamâng sandalî, at ang boông Pilipinas, sa paggalang sa inyóng alaala at pagtawag na kayó’y mg̃a PINAGPALA, ay hindî kiníkilalang lubós ang inyóng pagkakasala.
Samantala ng̃âng hindî naipakíkilalang maliwanag ang inyóng pagkakálahók sa kaguluhan, nagíng bayani kayó ó dî man, nagkaroon ó dî man kayó ng̃ hilig sa pagtatanggol ng̃ katwiran, nagkaroon ng̃ hilig sa kalayâan, ay may karapatán akóng ihandóg sa inyó, na bilang ginahís ng̃ kasamaáng ibig kong bakahin, ang aking gawâ. At samantalang inaantáy namin na kilalanin sa balang araw ng̃ España ang inyóng kabutihan at hindî makipanagót sa pagkakápatáy sa inyó, ay magíng putong na dahong tuyô na lamang ng̃ inyóng mg̃a liblíb na libing̃an ang mg̃a dahong itó ng̃ aklát, at lahát niyong walâng katunayang maliwanag na umupasalà sa inyóng alaala, ay mabahiran nawâ ng̃ inyóng dugô ang kaniláng mg̃a kamáy.
J. Rizal.
[A] Hindí namin binago ang 28 na nasa wikang kastila, ng̃uni’t ipinauunawa namin na ika 18 ng̃ bitayin ang mg̃a tinurang pari.—P. ng̃ T.
Páh. | ||
Alaala | 5 | |
I. | —Sa Cubierta | 7 |
II. | —Sa silong ng̃ Cubierta | 18 |
III. | —Mg̃a alamát | 27 |
IV. | —Si Kabisang Tales | 33 |
V. | —Ang “Noche buena” ng̃ isáng kotsero | 44 |
VI. | —Si Basilio | 50 |
VII. | —Si Simoun | 57 |
VIII. | —¡Mabuting Paskó! | 70 |
IX. | —Si Pilato | 74 |
X. | —Kayamana’t karalitaan | 76 |
XI. | —Los Baños | 88 |
XII. | —Plácido Penitente | 104 |
XIII. | —Ang aralan ng̃ Písica | 113 |
XIV. | —Isáng tahanan ng̃ mg̃a nag-aaral | 125 |
XV. | —Si G. Pasta | 137 |
XVI. | —Ang mg̃a kapighatian ng̃ isáng insík | 146 |
XVII. | —Ang periya sa Kiyapo | 158 |
XVIII. | —Mg̃a kadayaan | 163 |
XIX. | —Ang lambal | 172 |
XX. | —Ang nagpapalagáy | 184 |
XXI. | —Mg̃a ayos Maynila | 194 |
XXII. | —Ang palabás | 207 |
XXIII. | —Isáng bangkáy | 223 |
XXIV. | —Mg̃a pang̃arap | 231 |
XXV. | —Tawanan—Iyakan | 243 |
XXVI. | —Mg̃a paskín | 252 |
XXVII. | —Ang prayle at ang pilipino | 258 |
XXVIII. | —Tatakut | 270 |
XXIX. | —Mg̃a hulíng salitáng ukol kay kapitan Tiago | 279 |
XXX. | —Hulí | 283 |
XXXI. | —Ang mataas na kawaní | 294 |
XXXII. | —Mg̃a ibinung̃a ng̃ mg̃a paskín | 300 |
XXXIII. | —Ang hulíng matuwid | 305 |
XXXIV. | —Ang kasál | 314 |
XXXV. | —Ang pistá | 318 |
XXXVI. | —Mg̃a kagipitan ni Ben-Zayb | 328 |
XXXVII. | —Ang hiwaga | 334 |
XXXVIII. | —Kasawian | 339 |
XXXIX. | — | 345 |
Sic itur ad astra.
Isáng umaga ng̃ Disiembre ay hiráp na sumasalung̃a sa palikólikông linalakaran ng̃ ilog Pasig ang bapor Tabò, na may lulang maraming tao, na tung̃o sa Lalaguna. Ang bapor ay may anyông bagól, halos bilóg na warì’y tabò na siyáng pinanggaling̃an ng̃ kaniyang pang̃alan; nápakarumí kahit na may nasà siyang magíng maputî, malumanay at warìng nagmamalakí dahil sa kaniyang banayad na lakad. Gayon man, siya’y kinagigiliwan sa dakong iyon, sanhî marahil sa pang̃alan niyang tagalog ó dahil sa tagláy niya ang sadyâng ugalì ng̃ mg̃a bagay-bagay ng̃ bayan, isáng warì’y tagumpáy na laban sa pagkakasulong, isáng bapor na hindî tunay na bapor ang kabuòan, isáng sangkáp na hindî nagbabago, hindî ayos ng̃unì’t hindî mapag-aalinlang̃anan, na, kung ibig mag-anyông makabago ay nasisiyahan na ng̃ boong kalakhán sa isáng pahid ng̃ pintura.
Na ang bapor na itó’y tunay na pilipino! Kauntìng pagpapaumanhín lamang ang gamiti’t pagkakamanláng siya ang daóng ng̃ Pamahalàan, na nayarì sa ilalim ng̃ pagsisiyasat ng̃ mg̃a Reberendo at mg̃a Ilustrísimo!
Balót ng̃ liwanag sa umaga, hayo na ang maputî niyang katawán (na iniwawasiwas ang maitim na usok) na nagpapagaláw sa alon ng̃ ilog at nagpapaawit sa hang̃in sa mg̃a maigkás na kawayang nasa sa magkábilang pangpáng; may nagsasabing nag-uumusok din ang daóng ng̃ Pamahalàan!... Sa bawà’t sandalî’y tumítilî ang pasuit na paós at mapagbalà na warì’y isáng manggagahís na ibig makapanaíg sa tulong ng̃ sigáw, kayâ’t sa loób ng̃ bapor ay hindî magkarinigan, ang lahát ng̃ mákatagpô’y pinagbabalàan; minsa’y warìng ibig durugin ang mg̃a salambáw, (mg̃a yayat na kagamitán sa pang̃ing̃isdâ) na ang galáw ay warìng kalansáy ng̃ gigante na yumúyukô sa isáng pagóng na nabuhay sa kapanahunang dako pa roon ng̃ pag-apaw ng̃ tubig sa boông [8]mundó; minsa’y tumátakbóng tung̃o sa mg̃a kakawayanán ó kayâ’y sa mg̃a karihan, na napapalamutihan ng̃ gumamela at ibá pang bulaklák, na warìng mg̃a magsisipaligòng nakalubóg na sa tubig ang mg̃a paa’y ayaw pang maglublób... minsa’y sa pagsunód sa daáng itinuturò ng̃ iláng kawayang nakatirik sa ilog ay lumalakad ng̃ boông kasiyahang loób ang bapor; ng̃unì’t ang isáng biglâng pagkakabagók ay kauntî nang ikinabuwal ng̃ mg̃a sakáy; nápadumog sa isáng burak na mababaw na hindî hinihinalà nino man......
At kung ang pagkakawangkî sa daóng ng̃ Pamahalàan ay hindî pa lubós, ay tingnan ang pagkakalagáy ng̃ mg̃a lulan. Sa ilalim ng̃ cubierta ay nang̃agdung̃aw ang mg̃a mukhâng kayumanggí at maiitim ng̃ mg̃a taga rito, mg̃a insík at mestiso na nagkakasiksikang kasama ng̃ mg̃a lulang kalakal at mg̃a kabán, samantalang sa itaás, sa ibabaw ng̃ cubierta at sa lilim ng̃ isáng panambil na nagtatanggol sa kanilá sa init ng̃ araw, ay nang̃akaupô sa maginhawang luklukan ang iláng sakáy na suot taga Europa, mg̃a prayle at mg̃a kawaní, na humihitít ng̃ malalakíng tabako, samantalàng tinátanáw ang mg̃a dinadaanan, na hindî man nápupuna ang mg̃a pagsusumakit ng̃ kapitán na maiwasan ang mg̃a balakid sa ilog.
Ang kapitán ay isáng ginoo na may magiliw na anyô, lubhâ ng̃ matandâ, dating maglalayág na noong kabataàn niya ay namahalà sa lalòng matuling daóng at sa lalòng malawak na karagatan at ng̃ayóng tumandâ’y ginagamit ang lalòng malakíng pag-iisip, pagiing̃at at pagbabantáy upáng maiwasan ang maliliít na kapang̃aniban.... At yaón dín ang balakid sa araw araw, ang dati ring mabababaw na burak, ang dati ring lakí ng̃ bapor na násasadsád sa mg̃a likô ring yaon, na warì’y isáng matabâng babai sa gitnâ ng̃ siksikan ng̃ tao, kayâ’t ang mabaít na kapitán ay humihintô sa bawà’t sandalî, umuurong, pinagkakalahatì lamang ang tulin, pinagpapalipatlipat sa kaliwâ’t sa kanan ang limáng marinerong may hawak na tikin upáng ipanibulos ang likông itinuturò ng̃ timón. Warìng isáng matandâng kawal, na matapos mamunò sa mg̃a tao sa isáng maligalig na himagsikan, ay nagíng taga pag-alagà, ng̃ tumandâ, ng̃ batàng masumpung̃in, matigás ang ulo at tamád.
At si aling Victorina na siyáng tang̃ìng babaing nakiupô sa lipon ng̃ mg̃a europeo ay siyáng makapagsasabi kung ang [9]bapor Tabò ay tamád, masuwayin at masumpung̃in; si aling Victorina, na gaya ng̃ karaniwan ay napakamasindakin, ay nagtutung̃ayaw sa mg̃a kaskó, bankâ, balsá ng̃ niyog, mg̃a indio na namamangkâ at sampûng mg̃a naglalabá at nagsisipaligò na kinayayamután niya dahil sa pagkakatuwâ at kaing̃ayan! Siya ng̃â namán, kung walâng mg̃a indio sa ilog at sa bayan ay bubuti ang lakad ng̃ Tabò, oo! kung walâng isá mang indio, sa mundó; hindî niya nápupunang ang mg̃a tumitimón ay pawàng indio, indio ang mg̃a marinero, indio ang mg̃a makinista, indio ang siyam na pù’t siyam sa bawà’t isáng daang sakáy at siyá man ay india rin kung kakayurin ang kaniyang pulbós at huhubarán siya ng̃ ipinagmamalakíng bata. Nang umagang iyón ay lalò pang namumuhî si aling Victorina dahil sa hindî siya pinapansín ng̃ mg̃a kalipon, at dapat ng̃â namáng magkagayón, sapagkâ’t tignán ng̃â namán ninyó: magkalipon doon ang tatlông prayleng nananalig na ang boông mundó’y lalakad ng̃ patiwarík sa araw na silá’y lumakad ng̃ matuwíd; isáng walâng pagál na D. Custodio na payapàng natutulog, na siyangsiya ang loób sa kaniyang mg̃a munakalà; isáng walâng pagod na mánunulat na gaya ni Ben-Zayb (katimbang ng̃ Ibañez) na nag-aakalàng kung kayâ’t may nag-íisíp sa Maynilà ay sa dahilang siya’y nag-íisíp; isáng canónigo na gaya ni P. Irene na nagbibigay dang̃al sa mg̃a parì dahil sa mabuti ang pagkakaahit ng̃ kaniyang mukhâng kinatatayuan ng̃ isáng ilóng hudío at dahil sa kaniyang sotanang sutlâ na mainam ang tabas at maraming botones; at isáng mayamang mag-aalahás na gaya ni Simoun na siya mandíng tanung̃an at nag-uudyok sa mg̃a galáw ng̃ Capitán General; akalaìn ng̃â ba namáng magkátatagpô ang mg̃a haliging itó na sine quibus non ng̃ bayan, magkápipisan doon at maligayang nag-uusap, na hindî nabibighanìng malugód sa isáng tumakwil sa pagkapilipina, na nagpapulá ng̃ buhók, ¡bagay ng̃ sukat makabugnot sa isáng Joba!, pang̃alang ikinakapit sa sarili ni aling Victorina kailan ma’t may katung̃o.
At ang pagkayamót ng̃ babai’y nararagdagan sa bawà’t pagsigáw ng̃ Kapitán ng̃: baborp! estriborp!, bubunutin ng̃ mg̃a marino ang kaniláng mahahabàng tikín at isasaksák sa isá’t isáng gilid at pinipigil sa tulong ng̃ kaniláng mg̃a hità’t balikat na másadsád sa dakong iyon ang bapor. Kung susukatin [10]sa gayóng anyô ang daóng ng̃ Pamahalàan ay masasabing nawawalâ ang pagkapagóng at nagiging alimang̃o sa tuwîng málalapít ang isáng pang̃anib.
—Ng̃unì’t kapitán, ¿bakit tumutung̃o sa dakong iyan ang inyóng mg̃a mangmang na timonel?—ang tanóng na pagalít ng̃ babai.
—Sapagkâ’t doon ay napakababaw, ali—ang sagót na malumanay ng̃ Kapitán at ikinindát ang matá.
Naugalì na ang ganitó ng̃ Kapitán upáng sabihin warì sa kaniyáng mg̃a salitâ, na dahandahang lumabás: marahan, marahang marahan!
—Kalahatìng tulin ng̃ mákina, bá, kalahatìng tulin!—ang paalipustâng tutol ni aling Victorina—¿bakit hindî boông tulin?
—Sapagkâ’t maglalayág tayo sa mg̃a palayang iyan, ali,—ang walâng katinagtinag na sagót ng̃ Kapitán na sabay ang paglabì upang iturò ang bukid; makálawang kumindát.
Ang aling Victorinang itó ay kilalá dahil sa kaniyang mg̃a kasagwâan at mg̃a himaling. Dumádalóng palagì sa mg̃a lipunán at siya’y tinitiis doon kailan ma’t kasama ang kaniyáng pamangkín, si Paulita Gomez, magandá at mayamang binibini, ulila sa amá’t iná, na kinúkupkóp ni aling Victorina. Nang tumandâ na ang aling Victorinang itó ay nag-asawa sa isáng kulang-palad na ang pang̃alan ay D. Tiburcio de Espadaña, at sa mg̃a sandalîng itó na nakikita natin siya ay may labíng limáng taón nang kasál, ang buhók ay postiso at ang kalahatì ng̃ kagayakan ay ayos taga Europa. Sa dahiláng ang kaniyáng boông hang̃ád sapol ng̃ magkaasawa ay ang mag-anyông europea, sa tulong ng̃ iláng mahalay na kaparaanan, ay nahulog díng untî-untî ang kaniyáng ayos sa isáng anyông, sa kasalukuyan, kahi’t na magtulong si Quatrefages at si Virchow ay hindî máwawatasan kung sa alíng lahìng mg̃a kilala siya máihahalò. Makaraan ang iláng taóng pagkákasál, ang kaniyáng asawang nagtiís, na warì’y fakir na umalinsunod sa lahát ng̃ kaniyáng maibigan, ay dinalaw ng̃ isáng masamâng sandalî, isáng araw, at hinambalos siyá ng̃ tinútungkód sa pagkapilay. Dahil sa pagkakabiglâ ni aling Joba, sa gayóng pagbabagong ugalì, ay hindî naalumana ang magiging kasunód ng̃ pangyayari, at ng̃ makaraan ang pagkakagitlá at [11]ng̃ ang kaniyáng asawa ay makatanan, ay sakâ pa lamang náramdamán ang sakít at náhigâng iláng araw, sa gitnâ ng̃ pagkagalák ni Paulita na mahilig sa pagtatawá at pagbibirô sa kaniyáng ali. Ng̃unì’t ang asawa, sindák sa nágawâng kasalanan, na sa kaniya’y warìng isáng kakilakilabot na pagpatay sa kabiyák ng̃ pusò ang gayóng nágawâ, habol ng̃ mg̃a furia sa tahanan (ang dalawáng aso at isáng loro sa bahay), ay nagtatakbó ng̃ boông tuling ipinahintulot ng̃ kaniyáng pílay, lumulan sa unang sasakyáng nátagpûán, sumakáy sa unang bangkâng nákita sa isáng ilog, at, Ulises na pilipino, nagpagalàgalà sa mg̃a bayán-bayán, sa isá’t isáng lalawigan, sa isá’t isáng pulô, na pinamumuntután ng̃ kaniyáng Calipso, na naka quevedo, na nakayáyamot sa bawà’t mákasama sa paglalakbáy. Tumanggáp ng̃ balità na ang lalaki’y nagtatagò sa isáng bayan ng̃ Laguna, kayâ’t yáon na siya upáng akitin sa tulong ng̃ kaniyáng buhók na tininà.
Ang mg̃a kasabáy ay nagkáisáng magsanggaláng sa kaniyáng pakikitung̃o sa pamagitan ng̃ isáng walâng hintông pagsasalitâang ang balàng bagay ay pinagtalunan. Sa mg̃a sandalîng iyón, dahil sa palikôlikô ng̃ ilog, ay pinag-uusapan ang pagtutuwíd sa kaniya at ang ukol sa mg̃a gawâin ng̃ Obras del Puerto.
Si Ben-Zayb, ang mánunulat na mukhâng prayle, ay nakikipagtalo sa isáng parìng batà na mukhâ namáng artillero. Kapwâ nagsisigawang ang anyô ng̃ mukhâ ay iniaayos sa sinasabi, itinátaás ang mg̃a bisig, inilalahad ang mg̃a kamáy, nagsisitadyák, nag-uusap ng̃ ukol sa patitís, mg̃a palaisdàan, ilog San Mateo, mg̃a indio at ibp. sa gitnâ ng̃ kasiyahang loob ng̃ mg̃a nakikiníg at sa gitnâ rin namán ng̃ boông pagkainíp ng̃ isáng matandâng parìng pransiskano, na lubhâng nápakapayát at nang̃ang̃alirang, at ng̃ isáng dominiko na magandá ang tindíg na nagbábakás.... nagbábakás sa kaniyáng mg̃a labì ng̃ isáng ng̃itîng pakutyâ.
Ang payát na pransiskano, na nakápuná sa ng̃itî ng̃ dominiko, ay nagnasàng makilahók sa usapan, upáng maputol. Iginagalang siya marahil, kayâ’t sa isáng kilos lamang ng̃ kamáy ay napigil ang pag-uusap ng̃ dalawá, nang ang parìng-artillero ay tumukoy ng̃ ukol sa kinátutuhan at ang mánunulat na prayle ay ng̃ ukol namán sa karunung̃an.
[12]—¿Alám bagá ninyó kung anó ang mg̃a taong marurunong, Ben-Zayb?—anáng pransiskano na ang boses ay malalim, na hindî man lamang halos gumaláw sa kaniyáng uupan, at ang mg̃a nang̃ang̃alirang na kamáy ay bahagyâ nang ikilos—Nariyan sa lalawigan ang Puente del Capricho, na gawâ ng̃ isáng kapatíd namin, at hindî nayarì, sapagkâ’t pinintasáng mahinà at mapang̃anib ng̃ mg̃a marurunong, sa panunuláy sa kaniláng mg̃a sapantahà, ng̃unì’t tignán ninyó’t nariyan ang tuláy na naglálabán sa lahát ng̃ bahâ at lindol.
—Iyan, puñales, iyang talagá, iyan ng̃â sana ang sasabihin ko!—ang wikà ng̃ parìng artillero na kasabáy ang suntók sa gabáy ng̃ kaniyáng luklukang kawayan;—iyan, ang Puente del Capricho at ang mg̃a marurunong; iyan sana ang sasabihin ko, P. Salvi, puñales.
Nápahintông nakang̃itî si Ben-Zayb, marahil sa paggalang ó kayâ’y dahil sa sadyâng walâng maalamang isagot; kahit gayong ¡siya ang tang̃ìng nag-íisíp dito sa Pilipinas!—Si P. Irene ay sumasang-ayon sa tulong ng̃ ulo, samantalang pinapahidpahiran ang kaniyáng mahabàng ilóng.
Si P. Salvi, iyóng parìng payát at nang̃ang̃alirang, ay nagpatuloy, na warìng nasiyahan sa gayóng pang̃ang̃ayupapà, sa gitnâ ng̃ katahimikan:
—Datapwâ’y hindî ibig sabihin ng̃ ganitó na kayó’y walâ sa katwiran at gayón dín namán si P. Camorra (itó ang pang̃alan ng̃ parìng artillero); ang kasamaán ay nasa lawà.....
—Sadyâ namáng walâng mabuting lawà sa lupaíng itó—ang patláng ni aling Victorina, na muhîng muhî na at humandâ upáng lusubing mulî ang kutà.
Ang mg̃a binabakod ay sindák na nagting̃inan, ng̃unì’t, gaya ng̃ katalasan ng̃ isáng general, dumulóg ang mag-aalahás na si Simoun:
—Ang kagamutan ay nápakadalî,—anyá na ang pagbigkás ng̃ salitâ ay katang̃itang̃ì, kalahatìng inglés at kalahatìng amerikano sa Timog—at hindî ko ng̃â maalaman kung bakit hindî pa náiisip ng̃ kahit sino.
Ang lahát ay luming̃ón, sampû ng̃ dominiko, at pinakinggán siyang mabuti. Ang mag-aalahás ay isáng taong yayát, mataas, malitid, nápakakayumanggí, suot inglés at ang ginagamit ay warìng salakót na timsim. Katang̃ìtang̃ì sa kaniya ang mahabàng buhók na putîng putî na nátitiwalî sa misáy na [13]itím, madalang, na nagpapakilala ng̃ kaniyáng pagkamestiso. Upang iwasan ang sinag ng̃ araw ay palagìng gumagamit ng̃ salamíng asul na de rejillas, na tumátakíp sa kaniyáng mg̃a matá at bahagi ng̃ mg̃a pisng̃í, na siyáng nagbibigáy sa kaniya ng̃ anyông bulág ó may sakít sa matá. Nakatayông ang paa’y nakabikakâ upáng makapanimbang warî, ang mg̃a kamáy ay nakapasok sa mg̃a alapót ng̃ kaniyáng chaqueta.
—Ang kagamutan ay lubhâng madalî—ang ulit—at walâng magugugol.
Ang pakiking̃íg na mabuti ay nag-ibayo. Násasabísabí sa mg̃a lipunán sa Maynilà na ang táong iyon ay siyang sinusunód ng̃ General, kayâ’t nákikinikinitá na ng̃ lahát na ang kagamutan ay magagawâ. Pati si D. Custodio ay nápaling̃ón.
—Magbukás ng̃ isáng ludlód na tuwid, mulâ sa pagpasok ng̃ ilog hangáng sa paglabás, na dádaan sa Maynilà, itó ng̃â, gumawâ ng̃ isáng bagong ilog na ludlód at tabunan ang dating ilog Pasig. Hindî mag-aaksayá ng̃ lupà at iiklî ang paglalakbáy, mapipigil ang pagkakaroon ng̃ dakong mababaw.
Ang panukalàng itó’y nakalitó sa lahát halos, na nahirati sa mg̃a paraáng tapaltapal.
—Isáng munakalàng yankee—ani Ben-Zayb, na ibig kalugdán ni Simoun—Ang mag-aalahás ay malaong naninirahan sa Amerika, sa Hilagà.
Inarì ng̃ lahát na malakí ang palagáy at ang gayón ay ipinakilala sa mg̃a galáw ng̃ ulo. Tang̃ì si D. Custodio, ang may magandáng loob na si D. Custodio, na dahil sa kaniyáng malayàng kalagayan at matataás na katungkulang gináganáp, ay nag-akalàng nárarapat na bakahin niya ang isáng panukalà na hindî sa kaniya buhat—¡iyon ay isáng pang̃ung̃unang baít!—umubó, hinaplós ang kaniyáng misáy at sa tulong ng̃ kaniyáng matigás na boses at warìng nasa sa isáng sadyâng pagpupulong ng̃ Ayuntamiento, ay nagwikàng:
—Patawarin akó ni G. Simoun, na aking kagalanggalang na kaibigan, kung sabihin kong hindî niya akó kasang-ayon; maraming salapî ang magugugol at marahil ay sisirà tayo ng̃ mg̃a bayanan.
—Sumirà!—ang mahinahong sagót ng̃ mag-aalahás.
—¿At ang salapîng ibabayad sa mg̃a manggagawà?......
—Huwag bayaran. Sa mg̃a bilanggô at presidiario......
[14]—Hindî makasásapát, ginoong Simoun!
—Kung hindî sásapát, ang lahát ng̃ bayan, ang mg̃a matatandâ, ang mg̃a binatà, ang mg̃a batà, ay gumawâ, at palitán ang labing limáng araw na sápilitáng paggawâ, ng̃ tatlo, apat ó limang buwang paggawâ na ukol sa Pamahalàan, na may katungkulan pang ang bawà’t isá ay magdalá ng̃ kaniyáng pagkain at kasangkapan.
Si D. Custodio ay sindák na luming̃ón upang tanawín kung sa kalapít ay may isáng indio na nakakáding̃íg sa kanilá. Salamat na lamang at ang nang̃aroroon ay pawàng taga bukid, at ang dalawáng timonel ay warìng walâng pinápansín kun dî ang mg̃a likô ng̃ ilog.
—Ng̃unì’t, ginoong Simoun.....
—Manalig kayó, D. Custodio—ang matigás na patuloy ni Simoun—sa ganiyáng paraan lamang nayayarì ang malalakíng gawâin, sa muntîng gugol. Sa ganiyang paraan nayarì ang mg̃a Pirámide, ang lawàng Mœris at ang Coliseo sa Roma. Boôboông lalawigan ay nanggagaling sa mg̃a kaparang̃an na daládalá ang kaniláng mg̃a sibuyas upáng may mákain; ang mg̃a matatandâ, mg̃a binatà at mg̃a batà ay nang̃aghahakót ng̃ bató, tinatapyás nilá at pinápasán sa pamamahalà ng̃ pamalò ng̃ nakapangyayari; at pagkatapos ay bumabalík sa kaníkaniláng bayan ang nang̃álabí, ó nang̃amamatáy sa buhang̃inan ng̃ kalawakan. Makaraán yaón ay dumádatíng ang ibáng lalawigan, pagkatapos ay ibá namán, sunód sunód sa paggawâ sa loob ng̃ mg̃a taón; ang gawâin ay natatapos at ng̃ayó’y hináhang̃àan natin, naglalakbáy tayo, napaparoon tayo sa Egipto ó sa Roma, pinupuri natin ang mg̃a Faraon, ang mg̃a mag-aanak na Antonina...... Maniwalà kayó D. Custodio; ang mg̃a patáy ay naiiwang patáy at ang malakás lamang ang binibigyán ng̃ katwiran ng̃ mg̃a kapanahunang súsunód.
—Ng̃unì’t ang mg̃a ganiyang kaparaanan, ginoong Simoun, ay mangyayáring magíng sanhî ng̃ kaguluhan—ang sabi ni D. Custodio na hindî mápalagay dahil sa masamâng tung̃o ng̃ salitâan.
—Kaguluhan; ha, ha! ¿Naghimagsík bagá ang bayang ehipsio minsan man, naghimagsik ang mg̃a piít na hudio ng̃ laban sa maawâíng si Tito? ¡Hindî ko akalàing mahinà palá kayó sa mg̃a bagay na násasabi sa kasaysayan!
[15]Napagkíkilala na ang Simoung yaón ay napakamapagmalakí ó walâng pinagaralan. ¡Ipamukhâ kay D. Custodio na hindî nakababatíd ng̃ kasaysayan, ay isáng bagay na makagagalit sa káhit kanino! At gayón ng̃â ang nangyari, nakalimot si D. Custodio sa dating hilig at sumagót ng̃:
—Ang bagay, ay sa dahiláng hindî ehipsio ni hudio ang inyóng mg̃a kakaharapín!
—At ang bayang itó’y hindî miminsang naghimagsík na—ang dugtóng na may muntîng takot ng̃ dominiko—noong kapanahunang pinahihila ng̃ malalakíng kahoy upáng gawíng mg̃a daóng, kung hindî dahil sa mg̃a parì......
—Ang kapanahunang iyón ay malayò na;—ang sagót ni Simoun na ang tawa’y lalò pa mandíng matigás kay sa karaniwan—ang mg̃a pulông itó’y hindî mulîng maghihimagsík ng̃ dahil sa mg̃a gawâin at buwis...... ¿Hindî bagá pinupuri ninyó P. Salvi—ang dugtóng, na, ang hinaráp ay ang payát na pransiskano—ang bahay at pagamutan sa Los Baños na kinaroroonan ng̃ General?
Iginaláw ni P. Salvi ang ulo at tuming̃íng may pagkakamanghâ sa tanóng.
—¿Hindî bagá sinabi ninyó sa aking ang dalawáng bahay na iyon ay naitayô sa tulong ng̃ pagpilit sa mg̃a bayan na gumawâ doon, sa ilalim ng̃ kapangyarihan ng̃ isáng uldóg? Marahil, ang Puente del Capricho, ay nayarì din sa gayóng kaparaanan. At sabihin ninyó ¿naghimagsík bagá ang mg̃a bayang itó?
—Ng̃unì’t.... naghimagsík na noong araw—ang sabi ng̃ dominiko—at ab actu ad posse valet illatio.
—Walâ, walâ, walâ!—ang patuloy ni Simoun na humandâng dumaán sa escotilla upáng pumanaog sa kámara—ang nasabi ay nasabi na. At kayó P. Sibyla ay huwag bumanggit ng̃ mg̃a wikàng latín at ng̃ mg̃a katunggakán. ¿Sa anó’t náririto kayóng mg̃a prayle kung maaarìng maghimagsík ang mg̃a bayan?
Si Simoun ay pumanaog sa muntîng hagdanan, na hindî pinansín ang mg̃a tutol at sagót, at inuulit ulit ang salitâng: Vaya, vaya!
Si P. Sibyla ay namutlâ; noon lamang siya, Vice-Rector sa Universidad, napagsabihang may katunggakán; si D. Custodio ay kulay berde; sa alín mang pulong na kanyáng kinároonan [16]ay hindî nakatagpô ng̃ isáng katunggalîng kagaya niyon. Ang gayón ay nápakalabis.
—Isáng mulato amerikano!—ang pabulalás na ung̃ol.
—Indio-inglés!—ang marahang sabi ni Ben-Zayb.
—Sinasabi ko sa inyóng amerikano, ¿hindî ko malalaman?—ang tugóng nayayamót ni D. Custodio—sinabi sa akin ng̃ General; iyá’y isáng mag-aalahás na nákilala niya sa Habana at ayon sa hinalà ko’y siyang nagbigáy sa kaniya ng̃ katungkulan, sapagkâ’t pinautang siya ng̃ salapî. Kayâ ng̃â, upang mabayaran, ay pinaparito at ng̃ gawín ang balà na, dagdagán ang kaniyáng kayamanan sa pagbibilí ng̃ mg̃a brillanteng.... hindî totoo, ¡anó ang malay natin! At napakawalâng ling̃ap, na, matapos kunan ng̃ salapî ang mg̃a indio ay ibíg pang..! ¡Pf!
At tinapos ang salitâ sa isáng makahulugáng kilos ng̃ kamáy.
Walâng makapang̃ahás na makisali sa gayóng mg̃a pag-alimura; si D. Custodio ay mangyayaring makipagsirâ sa Capitán General kung ibig niya, ng̃unì’t ni si Ben-Zayb, ni si P. Irene, ni si P. Salvi, ni ang hinalay na si P. Sibyla ay walâng katiwalà sa paglilihim ng̃ ibá.
—Ang taong iyan, sapagkâ’t amerikano, ay nag-aakalàng ang kákaharapín natin ay ang mg̃a “pieles rojas”.... ¡Magsalitâ ng̃ mg̃a bagay na iyan sa loób ng̃ isáng bapor! Ipag-utos, pilitin ang tao!.... At iyan ang nag-udyók ng̃ pagsalakay sa Carolinas, ng̃ pagdigmâ sa Mindanaw na pupulubi ng̃ kalaitlait sa atin.... At siya ang humandóg na mamagitná sa paggawâ ng̃ “crucero”, ng̃unì’t ang tanóng ko namán: ¿anó ang muwang ng̃ isáng mag-aalahás, kahit na napakayaman at napakabihasa, sa pagpapagawâ ng̃ mg̃a daóng?
Ang lahát ng̃ itó’y sinasabing pinalalaki ang boses ni D. Custodio, kay Ben-Zayb, na sabáy ang kumpáy, higít ng̃ balikat, maminsanminsang tumátanóng sa ting̃ín sa ibáng iginagaláw namán ang ulo nang walâng ibig turan. Ang kanónigóng si P. Irene ay napapang̃itîng walâng ibig sabihin, na tinátakpán ng̃ kamáy sa tulong ng̃ paghaplós sa kaniyáng ilóng.
—Sinasabi ko sa inyó, Ben-Zayb—ang patuloy ni D. Custodio na ináalóg ang bisig ng̃ mánunulat—ang lahát ng̃ kasamâáng nangyayari ay sanhî ng̃ hindî pagtatatanóng sa mg̃a taong may malaong paninirahan dito. Isáng panukalàng may malalakíng salitâ at malakíng gugol, isáng gugulíng [17]malakíng halagá ay nakabubulag at tinátanggáp agád.... dahil dito!
Pinagkiskis ni D. Custodio ang kaniyáng mg̃a dalirìng hinglalakí, hintuturò at panggitnâ.
—Mayroon ng̃âng kauntì niyan, kauntì niyan—ang akalà ni Ben-Zayb na dapat niyang isagót, dahil sa kaniyáng pagkamamamahayag ay dapat makaalám ng̃ lahát.
—Tignán ninyó, una diyan sa mg̃a gawâin ng̃ Obras del Puerto, ay nagharáp akó ng̃ isáng munakalà, bago, malinaw, mapakikinabang̃an, muntîng gugol at magagawâ upang luminis ang wawà ng̃ dagat na tabáng, at hindî tinanggáp dahil sa hindî nagbíbigáy ng̃ ganitó!
At inulit ang kiskís ng̃ mg̃a dalirì, kinibít ang balikat at ang lahát ay tinignán na warìng ang ibig sabihin ay: ¿Nakakita na kayó ng̃ ganiyang kasawián?
—At ¿maarì bagáng mabatíd ang palagáy?—At..—Abá!—ang pamanghâ ng̃ isá’t isá na nang̃aglapitan at nagkagipitan sa pakiking̃íg. Ang mg̃a munakalà ni D. Custodio ay pawàng bantóg na kagaya ng̃ mg̃a yarìng lunas ng̃ mg̃a manggagamot.
Kauntî ng̃ hindî sabihin ni D. Custodio ang bagay, sapagkâ’t nagdamdám dahil sa hindî siyá sinang-ayunan noong dinudustâ si Simoun. “Pag walâng pang̃anib ay ibig ninyóng akó’y magsalitâ, ha? at pag mayroon ay walâ kayóng imík”, ang sasabihin sana; ng̃unì’t ang gayón ay isáng pagpapakawalâ ng̃ isáng mabuting pagkakataón at yayamang hindî na maisasagawâ ang panukalà ay mákilala man lamang at hang̃àan.
Matapos ang dalawá ó tatlóng bugá ng̃ asó, umubó at lumurâ ng̃ patagilíd, ay tinanóng si Ben-Zayb, na sabáy ang tampál sa hità nitó.
—¿Nakakita na ba kayó ng̃ pato?
—Tila... nakáhuli kamí sa lawà—ang tugóng pahang̃â ni Ben-Zayb.
—Hindî, hindî ko tinutukoy ang patong bukid, ang tinutukoy ko’y ang mg̃a maamô na ináalagàan sa Pateros at sa Pasig. At ¿alám ninyó kung anó ang kaniláng kinakain?
Si Ben-Zayb, ang tang̃ìng ulong nag-iisíp, ay hindî nakaáalám niyon; hindî niya napanghihimasukan ang hanap-buhay na iyon.
—Mg̃a susông maliliít, tao kayo, mg̃a susông maliliít!—ang sagót ni P. Camorra—hindî kailang̃ang magíng indio [18]upáng makabatíd ng̃ bagay na iyan, sukat na ang magkaroon ng̃ paning̃ín!
—Iyán ng̃â, mg̃a susông maliliít!—ang ulit ni D. Custodio na iginágaláw ang hintuturò—at alám ninyó kung saan kinukuha?
Hindî rin batíd ng̃ ulong mapag-isíp.
—Kung kayó’y nanirahan na sa lupaíng itó ng̃ kágaya ng̃ habà ng̃ aking paninirahan, ay mababatíd ninyóng nakukuha sa wawà at doon ay marami na kahalò ng̃ buhang̃in.
—¿At ang inyóng munakalà?
—Iyán ng̃â ang tung̃o ko. Pipilitin ko ang lahát ng̃ bayang kalapít ng̃ wawà na mag-alagà ng̃ pato, at mákikita ninyó na silá, sa kaniláng sarili, ay palalalimin nilá ang wawà sa panghuhuli ng̃ susô... Ganiyáng ganiyán.
Binuksán ni D. Custodio ang kaniyáng dalawáng bisig at malugód na tinanáwtanáw ang pagkakagulilát ng̃ mg̃a nakiking̃íg sa kaniyá; walâng isá mang nakáisip ng̃ gayóng kainam na panukalà.
—¿Pinahihintulutan bagá ninyóng makasulat akó ng̃ isáng artículo ukol sa bagay na iyan?—ang tanóng ni Ben-Zayb—nápakakauntî ang nag-iisíp sa lupaíng itó....
—Ng̃unì’t D. Custodio,—ani aling Victorina na nagpakendengkendeng at kumilingkiling—kung ang lahát ay mag-áalagà ng̃ pato ay dadami ang itlóg na balót. ¡Uy nakapangdidiri! ¡Matabunan na muna ang wawà!
Sa silong ay ibá namán ang nangyayari. Nang̃akaupô sa bangkô at sa maliliít na luklukang kahoy, kasalamuhà ng̃ mg̃a maleta, bakol at tampipì, sa kalapít ng̃ mákina, init ng̃ kaldera, sing̃áw ng̃ katawáng tao at mabahòng amóy ng̃ lang̃ís, ay naroon ang lalòng makapál na taong sakáy.
Tinátanáw na matahimik ng̃ ilán ang sarìsarìng anyô ng̃ mg̃a pangpang̃in sa gitnâ ng̃ dagundóng ng̃ mg̃a pala, ing̃ay ng̃ mákina, sagitsít ng̃ nakatatanang sing̃áw, buluwák ng̃ tubig na nahahalò, pasuwít ng̃ pakakak. Sa isáng súlok, nagkakapipisang warì’y bangkáy, ay natutulog ó nagtátangkâng [19]matulog ang iláng insík na mámimili, mg̃a liyó, nang̃amumutlâ, sumasago ang laway sa mg̃a nakang̃ang̃áng bibíg, at naliligò sa malagkít na pawis ng̃ kaniláng katawán. Ang iláng binatà lamang, na ang karamihan ay nang̃ag-aaral, madalîng makilala dahil sa kaniláng kagayakang lubhâng maputî at sa maayos na kiyas, ang nang̃ang̃ahás magyao’t dito sa popa at proa, na palundáglundág sa mg̃a bakol at kaha, masasayá dahil sa nálalapit na pagpapahing̃á sa pag-aaral. Mayâmayâ’y pinagtatalunan ang mg̃a galáw ng̃ mákina, na inaalaala ang napag-aralan, at mayâmayâ’y nang̃agpapaligidligid sa mg̃a binibining kolehiala, sa maghihitsóng may mapupuláng labì at may kuwintás na sampaga, at inaapung̃utan ang mg̃a dalaga ng̃ mg̃a salitâng nagpapatawa ó ikipinagtátakíp sa mukhâ ng̃ mg̃a pamaypáy na may pintá.
Ng̃unì’t ang dalawá ay hindî nakikihimasok sa mg̃a maglalakbáy na babai kundî nakikipagtálo, sa may dakong proa, sa isáng matandâ na may makiyas at matuwid na tindíg. Siláng dalawá’y kapuwâ kilalá at iginagalang mandín alinsunod sa ting̃íng ipinatátanaw sa kanilá ng̃ ibá. Ang pinakamatandâ ng̃â sa dalawá, na pulós na itím ang kagayakan, ay si Basilio na nag-aaral sa Medisina, kilala dahil sa kaniyáng mabubuting panggagamót at mg̃a kahang̃àhang̃àng pang̃ang̃alagà sa mg̃a may sakít. Ang isá, ang malakí at malusog ang katawán, kahit batà kay sa una, ay si Isagani na isá sa mg̃a makatà ó kun di man makatà ay mánunulâng lumabás ng̃ taóng iyon sa Ateneo, may tang̃ìng kaugalìan, parating walâng kibô at lubhâng malungkutin. Ang matandâng katung̃o nilá ay si kapitáng Basilio na namilí sa Maynilà.
—Opò, mabutíbutí na si kapitang Tiago,—ang sabi ng̃ nag-aaral na iginágaláw ang ulo—ayaw pumayag sa anománg pang̃ang̃alagà...... Sa udyók ng̃ ilán ay pinatung̃o akó sa S. Diego, sa kadahilanang dalawin ko ang bahay doon, ng̃unì’t ang tunay na sanhî ay upáng makahitít lamang siya ng̃ apian.
Sa pagsasabi ng̃ nag-aaral ng̃ salitàng ilán ay si P. Irene ang tinutukoy, matalik na kaibigan at tanung̃an ni kapitáng Tiago sa mg̃a hulíng araw ng̃ kabuhayan nitó.
—Ang apian ay isá sa mg̃a salot ng̃ kapanahunang itó—ang sabing paalipustâ’t pagalít ni kapitán, na warì’y senador romano—nákilala rin ng̃ mg̃a tao sa una ang apìan, [20]ng̃unì’t hindî nang̃agpakalabis. Samantalàng nanagumpáy ang pagkakahilig sa pag-aaral sa mg̃a clásico (liwanagin ninyong mabuti, mg̃a binatà), ang apian ay nagíng gamót lamang, at kung hindî, ay, sabihin ninyó sa akin kung sino ang nang̃agsisihitít. Ang mg̃a insík, ang mg̃a insík na hindî nakaáalám ng̃ isá mang salitâng latín! Ah, kung pinag-aralan lamang ni kapitán Tiago si Ciceron!......
At ang dî kasiyahang loob na lalong clásico ay nábakas sa mukhâ niyang epicúreo na ahít na ahít. Pinagmamasdán siyang mabuti ni Isagani: ang matandâng iyon ay nagdaramdám ng̃ kauhawan sa matatandâng bagay.
—Ng̃unì’t balikán natin ang tungkól sa Akademia ng̃ wikàng kastilà—ang patuloy ni kapitang Basilio—pinatutunayan ko sa inyóng hindî ninyó magagawâ......
—Magagawâ pô, inaantáy na lamang namin ng̃ayón ó bukas ang pahintulot—ang sagót ni Isagani—si P. Irene, na marahil ay nákita ninyó sa itaas, na hinandugán namin ng̃ dalawáng kabayong castaño, ay nang̃akò na sa amin. Kayâ’t makikipag-usap sa General.
—Walâng kabuluhán iyon; laban si P. Sibyla.
—Lumaban man siya! Kayâ ng̃â’t kasama upáng...... sa Los Baños, sa haráp ng̃ General.
At sa pagsasabi ng̃ ganitó’y pinagbubunggông pasuntók ng̃ nag-aaral na si Basilio ang kaniyáng dalawáng kamáy.
—¡Batíd ko na!—ang tugóng tumatawa ni kapitáng Basilio.—Ng̃unì’t kahi’t ninyó mákuha ang pahintulot, ¿saan kukuha ng̃ salapî?......
—Mayroon na pô kamí; ang bawà’t nag-aaral ay aambág ng̃ sikapat.
—¿Ng̃unì’t ang mg̃a magtuturò?
—Mayroon kamí; ang kalahatì’y pilipino at ang kalahatì’y kastilà.
—¿At ang bahay?
—Si Makaraíg, idudulot ng̃ mayamang si Makaraíg ang isá niyang bahay.
Napahinuhod si kapitáng Basilio; náihandâ ng̃ mg̃a binatàng iyón ang lahát ng̃ kailang̃an.
—Kun sa bagay,—anyáng kinibít ang balikat,—ay hindî lubhâng masamâ ang panukalà, at yamang hindî na mangyayaring mapag-aralan ang latín, ay mapag-aralan man lamang [21]ang wikàng kastilà. Diyan ninyó mákikita tukayo, ang katunayan ng̃ paurong na lakad natín. Noong aming kapanahunan ay nag-aaral kamí ng̃ latín, sapagkâ’t ang lahát ng̃ aming mg̃a aklát ay nasa wikàng latín; ng̃ayón ay kauntìng latín na lamang ang inyóng pinag-aaralan, ng̃unì’t walâ kayóng mg̃a aklát sa wikàng latín; sa isáng dáko namán, ang mg̃a aklát ninyó’y nasa wikàng kastilà at hindí itinuturò ang wikàng itó: ætas parentum pejor avis tulit nos nequiores! gáya ng̃ sábi ni Horacio.
At másabi itó’y lumayông nagmámalakí na warìng isáng emperador romano.
—Iyáng mg̃a tao sa una,—ani Isagani,—ay may puná sa lahát; ipalalagáy mo sa kanilá ang isáng bagay at walâng mákikitang kabutihan kun dî pawàng salabíd. Ibig niláng dumatíng na lahát ng̃ palás at bilóg na warì’y bola ng̃ bilyar.
—Ang amaín mo ang kasundông-kasundô niyá—ang wikà ni Basilio;—paguusapan iyóng kaniláng kapanahunan.... Hintáy ka ng̃â palá, ¿anó ang sabí-sabí ng̃ amaín mo kay Paulita?
Si Isagani ay namulá.
—Sinermonan akó ng̃ ukol sa pag-aasawa.... Sinagót ko siyáng sa Maynilà ay walâng kaparís niyá, magandá, may pinag-aralan, ulila......
—Mayamang-mayaman, makisig, masayá at walâng kasiràan kung dî ang pagkakaroon ng̃ isáng inaling tiwalî sa lang̃it at sa lupà,—ang dugtóng na tumatawa ni Basilio.
Si Isagani mán ay nápatawá rin.
—Mábanggít ng̃â palá ang ali, alám mo bang ipinagbilin sa aking hanapin ko ang kaniyáng asawa?
—¿Si aling Victorina? ¿At nang̃akò ka namán upang huwag kang mawalán ng̃ iniirog?
—¡Mangyari pá! Ng̃unì’t ang bagay nitó’y sa bahay pa namán ng̃ amaín ko.... nagkakanlóng ang asawa.
Kapuwâ silá nagkatawánan.
—Itó ang sanhî,—ang pátuloy ni Isagani—kung kayâ ang aking amaín, taong matalino, ay ayaw pumasok sa kámara, dahil sa nang̃ing̃ilag na bakâ itanóng sa kaniyá ni aling Victorina, si D. Tiburcio. ¡Akalàín mo bang ng̃ mabatíd ni aling Victorina na ang bayad ko’y “de tercera” ay tiningnán akó ng̃ warì pakutyâ....
[22]Nang mg̃a sandalîng iyón ay pumapanaog si Simoun, at ng̃ mákita ang dalawáng binatà ay:
—¡Abá, Basilio!,—ang batìng may kiyás mapag-ampón—¿Patung̃o bagá kayó sa pagpapahing̃á? Ang ginoo ba’y kababayan ninyó?
Ipinakilala ni Basilio si Isagani at ipinabatíd na hindî silá magkababayan, ng̃unì’t ang kaniláng mg̃a bayan ay magkakalapít. Si Isagani’y tagá kabiláng baybayin.
Pinagmasdán ni Simoun si Isagani, kayâ’t ng̃ mainíp itó’y hinaráp na warì hinahamon ang nagmamasíd sa kaniyá.
—At ¿anó ang lagáy nang lalawigan?—ang tanóng ni Simoun na lining̃ón si Basilio.
—¿Bakit, hindî pa ba ninyó kilalá?
—¿Papaano bang mákikilala ko, sa hindî pa akó nátutungtong sa lupà niyá? May nagsabi sa aking nápakamaralitâ’t hindî bumibilí ng̃ mg̃a hiyás.
—Hindî kamí bumíbilí, sapagkâ’t hindî namin kailang̃an—ang biglâng sagót ni Isagani, na nagdamdám.
Isáng ng̃itî ang nabadhâ sa maputlâng mg̃a pisng̃í ni Simoun.
—Huwag pô kayóng magalit, binatà,—ang sabi:—walâ akóng masamâng tangkâ, ng̃unì’t sa dahiláng pinatibayan sa akin, na ang lahát ng̃ curato ay nasa kamáy ng̃ mg̃a klérigong taga rito, aní ko, ay: ang mg̃a prayle ay nagpapakamatáy sa isáng curato at pinasasalamatan na ng̃ mg̃a pransiskano yaong pinakamarálitâ, kayâ’t pag ganyáng ipinauubayà nilá sa mg̃a klérigo ay sa dahiláng doon ay hindî kilalá ang mukhâ ng̃ harì. ¡Siyá, mg̃a ginoo, halina kayóng magsiinóm ng̃ serbesa, patungkol sa ikatitigháw ng̃ Lalawigan!
Ang mg̃a binatà’y nagpasalamat at nagsabing hindî silá umíinóm ng̃ serbesa, upáng makaiwas.
—Masamâ iyang ginágawâ ninyó,—ang sabi ni Simoun na masamâ ang loob;—ang serbesa ay isáng mabuting bagay, at náding̃ig kong sinabi kang̃inang umaga ni P. Camorra, na ang kakulang̃án sa lakás na nápupuná sa bayang ito, ay alinsunod sa napakaraming túbig na iniinóm ng̃ mg̃a tao rito.
Si Isagani na halos kasingtaas ng̃ mag-aalahás, ay tumuwíd:
—Sabihin ninyó kay P. Camorra,—ang sábi kaagád ni Basilio, na sinikóng palihím si Isagani—sabihin ninyó sa [23]kanyá, na kung tubig ang iníinóm niyá at hindî alak ó serbesa, marahil ay ikabuti ng̃ lahát at hindî pá siyá magigíng sanhî ng̃ bulungbulung̃an......
—At sabihin ninyó sa kaniyá—ang dugtóng ni Isagani, na hindî pinuná ang pagsikó ng̃ kanyáng kaibigan—na ang tubig ay matamís at napaiinóm, ng̃unì’t lumulunod sa alak at sa serbesa at pumapatáy sa apóy; na pag pinaiinit ay nagigíng sulák, na pag namumuhî ay nagigíng karagatang malawak at minsán ay pumugnáw na sa katauhan at pinapang̃iníg ang mundó.
Itinaas ni Simoun ang ulo, at kahìt ang ting̃ín niya’y hindî makita dahil sa pagkatakíp ng̃ salamíng asúl, ay nákita sa kaniyáng mukhâ ang paghang̃à.
—¡Mainam na tugón!—ang sabi—ng̃unì’t nang̃ang̃ambá akóng bakâ idaan sa birò at itanóng sa akin kung kailán magiging sulák ang tubig at kung kailán magiging karagatang malawak. Si P. Camorra ay may pagka hindî pániwalaín at napakápalabirô.
—Pag siya’y pinainit ng̃ apóy, pag ang mumuntîng ilog na sa ng̃ayó’y nagkakáhiwahiwaláy pa sa kaníkaniláng madawag na pinanggagaling̃an ay magkaisáng bumuhos na abóy ng̃ kasawían sa bang̃íng hinuhukay ng̃ mg̃a tao—ang sagót ni Isagani.
—Huwag, ginoong Simoun—ang dugtóng ni Basilio na inihulog sa birò ang sálitàan.—Ang mabuti pa’y ulitin ninyó sa kaniyá ang mg̃a tulâng itó, ng̃ kaibigang Isagani:
Kamí ay tubig at kayó’y apóyang wikà ninyó; ¡kamí’y sang-ayon!mamuhay tayo ng̃ mahinaho’thuwag patanáw sa sunog, ng̃ayón,na magkababág! Kun di magtulongsa lilim niyong bihasang dunong.Sa loob niyong isáng kaldera,waláng sigalót at pagbabaka’ygawín ang sulák, na, ikalimasa elemento, na magbubung̃aniyóng liwanag, ilaw, pagtumpása karapata’t pagkabihasâ.
[24]—¡Walâng pangyayari, walâng pangyayari!—ang biglâng sagót ni Simoun—ang mákina ay hahanapin pa...... samantala’y tutungâin ko ang aking serbesa.
At iniwan ng̃ walâng paalam ang dalawáng magkaibigan.
—Ng̃unì’t anó ka ba mayroon at nápakamapanghamók ka ng̃ayón?—ang tanóng ni Basilio.
—Walâ, aywan ko, ng̃unì’t ang taong iyan ay nakasisindák sa akin, halos nakatatakot.
—Sinísikó kitá, é: ¿hindî mo nálalamang ang tawag diyan ay Cardenal Moreno?
—Cardenal Moreno?
—O Eminencia negra, kung papaano mo ibig.
—Hindî kitá máwatasan!
—Si Richelieu ay may isáng tanung̃ang kaputsino na pinang̃anláng Eminencia Gris; itó’y siya namáng tánung̃an ng̃ General......
—¿Siya ng̃â bá?
—Gayón ang nading̃íg ko sa ilán...... na nagmumurá sa kaniyá kung siya’y nakatalikód, at pinupuri siyá kung kaharáp.
—¿Dumadalaw din bá kay kapitáng Tiago?
—Mulâ ng̃ unang araw nang kaniyáng pagdatíng, at ang katunayan ay may isáng nag-aakalàng kaagáw niyá...... sa pagmamamana...... At ináakalà ko na makikipagkita sa General tungkól sa usap na ukol sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà.
Nang sandalîng iyon ay lumapit ang isáng alilà upang sabihin kay Isagani na tinatawag ng̃ kaniyáng amaín. Sa isáng bankô sa popa at kasalamuhà ng̃ ibáng kasakáy ay nakaupô ang isáng klérigo na minamasdán ang anyô ng̃ mg̃a tánawing nagdadaan sa kaniyáng paning̃ín. Niluluwagan siyá ng̃ kaniyáng mg̃a kalapít; pag nagdáraan sa tabí niyá ang mg̃a lalaki’y nang̃agpupugay at ang mg̃a mánunugal ay hindî nakapang̃ang̃ahás na ilagáy ang dulang na pinaglalarûan sa kalapít niyá. Ang parìng iyon ay bibihiràng magsalitâ, hindî humihitìt ni hindî umaanyông mapagmataás, hindî nahihiyâng makihalò sa ibáng tao at tumutugóng malumanay at maayos sa mg̃a pagpupugay sa kaniyá na warìng ikinadadang̃al niyá at kinikilala ang gayón. Siya’y lubhâng matandâ na, ang buhók ay pawàng putî, ng̃unì’t ang kaniyang pang̃ang̃atawán ay mabuti, at, kahit nakaupô ay tuwíd ang katawán at taás ang ulo, dátapwá’y [25]hindî mapagmalakí at mapalalò. Náiibá sa karamihan ng̃ klérigong indio, na lubhâ namáng kauntî, na ng̃ kapanahunang iyon ay gumáganáp sa pagkakoadhutor ó nang̃ang̃asiwàng pangsamantalá sa ilang kurato, dahil sa kaniyáng pagkamalumanay at ugalìng tuwíd na tagláy noong may lubós na pagkákilala sa karang̃alan ng̃ kaniyáng kalagayan at kabanalan ng̃ kaniyáng tinútungkól. Isáng muntîng pagsisiyasat sa kaniyáng anyô, kundî man dahil sa kaniyáng buhók na putî, ay mapag-uunawà kaagád na siya’y náuukol sa malayòng panahón, sa nakaraang kapanahunan, noong ang mg̃a mabubuting binatà ay hindî nang̃ing̃imìng ilaán ang kaniláng karang̃alan sa pagiging parì, noong ang mg̃a klérigo ay kasingpantáy sa kalagayan ng̃ sino mang prayle, at noong ang kagaya niya, na hindî pá dusta at alimura, ay humíhing̃î ng̃ mg̃a taong malayà at hindî alipin, matatayog na pag-iisip at hindî budhîng apí. Sa kaniyáng mukhâng malungkót at anyông mapagtapát ay napagkikilala ang katiwasayán ng̃ kaniyáng kaluluwang pinatibayan ng̃ pag-aaral at pagkukurò, at marahil ay sinubukan na ng̃ mg̃a sariling pagtitiís ng̃ damdamin. Ang klérigong iyón ay si P. Florentino na amaín ni Isaganí at ang kasaysayan ng̃ kaniyang buhay ay lubhâng maiklî.
Anák ng̃ isáng lipìng mayaman at kilalá sa Maynilà, mainam ang tindíg at may kasapatáng mábantóg, ay hindî nagkaroon kailan man ng̃ hilig sa pagpaparì; ng̃unì’t dahil sa iláng pang̃akò ng̃ kaniyáng Iná ay pinilit siyang pumasok sa Seminario matapos ang di kakauntìng pagtutunggalî at matindíng pagtatalo. Ang Iná’y may matíbay na pakikipagkilala sa Arsobispo, may matigás na loob at walâng pagbabago sa anómáng máisip, na gaya ng̃ sino mang babaing may pag-aakalàng umaalinsunod sa hang̃ád ng̃ Dios. Walâng nangyari sa tutol ng̃ binatàng si Florentino, hindî nagkabisà ang samò, walâng nahitâ sa pagsasabing siya’y may iniibig at gumawâ na tulóy ng̃ guló; magpaparì siya at ng̃ umabot sa dalawáng pû’t limáng taón ay naging parì; ang Arsobispo ay siyang naggawad sa kaniyá ng̃ mg̃a orden, ginanáp na lubhâng maring̃al ang unang pagmimisa, nagkaroon ng̃ tatlóng araw na pigíng at ang iná’y namatáy na masayá at siyángsiyá ang kalooban, matapos na maipamana sa anák ang lahát ng̃ kaniyang kayamanan.
Ng̃unì’t sa pagtutunggalìang iyón ay tumangáp si Florentino [26]ng̃ isáng sugat na hindî na gumalíng kailán man; mg̃a iláng linggó muna bago ganapín ang una niyáng pagmimisa, ang babaing kaniyang pinakagigiliw ay nag-asawa ng̃ walâ nang pilìpilì dahil sa samâ ng̃ loob; ang dagok na iyon ay siyang pinakamahapdîng tinanggáp niyá; nanghilambót ang kaniyang budhî at ang kabuhayan ay nagíng isá niyang kinamuhîan at mabigát na dalahin. Kung dî man ang kabaitan at pagbibigáy dang̃ál sa kaniyang kalagayan ay ang pag-ibig na iyon ang nagligtás sa kaniya sa bang̃íng kinahuhulugan ng̃ parìng prayle at hindî prayle dito sa Pilipinas. Hinaráp ang kaniyáng mg̃a nasasakóp dahil sa kaniyang pagtupád sa katungkulan at pagkakahilig sa mg̃a likás na karunung̃an.
Nang mangyari ang mg̃a kaguluhan noong 72 ay ipinang̃anib ni P. Florentino na siya’y mápuna dahil sa kalakihán ng̃ kinikita ng̃ kaniyang kurato, at sa dahiláng siya’y payapàng tao, ay huming̃î ng̃ pagpapahing̃á at mulâ na noon ay nanirahan nang warì’y isáng táong karaniwan sa mg̃a lupaín niláng mag-aának na nasa baybayin ng̃ dagat Pacífico. Doo’y inarugâ ang isá niyang pamangking lalaki, si Isagani, na alinsunod sa mg̃a masasamâng dilà ay anák niyá sa kaniyáng dating iniibig, ng̃ mabáo, anák sa pagkadalaga ng̃ isáng pinsan niyáng tagá Maynilà, alinsunod namán sa mg̃a lalóng nakabábatíd at hindî bulàan.
Nang makita ng̃ Kapitán ng̃ bapor ang klérigo ay pinilitpilit na pumasok sa kámara at umakyát sa kubierta. Upang mapahinuhod lamang siya’y nagsabing:
—Kung hindî kayó paparoon ay aakalàin ng̃ mg̃a prayle na áayaw kayóng makisama sa kanilá.
Walâ nang nagawâ si P. Florentino kundî ang sumunód at ipinatawag ang kaniyang pamangkín upang pagsabihan ng̃ nangyayari at ipagbilin na huwag lalapit sa kámara samantalang siya’y nároroon.
—Kung mákikita ka ng̃ Kapitán ay aanyayahan ka at magpapakalabis namán táyo.
—Paraan ng̃ aking amaín!—aní ni Isagani sa sarili—walâ namáng dahilán kung dî upang huwag lamang akóng mákausap ni aling Victorina.
Ich weiss nicht was soll es bedeuten
Dass ich so traurig bin!
Nang bumatì si P. Florentino sa muntîng lipunán ay hindî na naghaharì doon ang pagkakainisan dahil sa nakaraáng pagtatalo. Marahil ay nakaakit sa mg̃a budhî ang masasayáng bahay sa bayan ng̃ Pasig, ang mg̃a kopa ng̃ mg̃a alak na Jeréz na tinunggâ upáng humandâ ó marahil ay ang pag-aantabáy sa isáng mabuting pananghalìan; magíng alín man sa mg̃a tinuran ang sanhî, ang katunayan, ay nang̃agtatawanan at nang̃agbibiruán na, sampû ng̃ pransiskanong payát, kahit na hindî nang̃agiing̃áy: ang kaniláng mg̃a tawa’y kahawíg ng̃ mg̃a ng̃iwî ng̃ isáng mamámatáy.
—¡Masasamâng panahón!, ¡masasamâng panahón!—ang sabing tumatawa ni P. Sibyla.
—¡Maano namáng huwag kayóng magsalitâ ng̃ ganyán, Vice-Rector!—ang sagót ng̃ kanónigong si P. Irene, sabáy sa pagtutulak sa luklukan noon—sa Hongkong ay malusog ang inyóng pang̃ang̃alakal at nagpapatayô kayó ng̃ mg̃a bahay na bawà’t isá ay.... ¡bá!
—¡Tate, tate!—ang sagót—hindî ninyó nákikita ang aming mg̃a gugol, at ang mg̃a naninirahan sa aming mg̃a arìng lupaín ay nagsisimulâ na sa pagtutol....
—¡Siyá, siyá na ng̃ kádadaíng, pagkâ’t kung hindî ay iiyák na akó!—ang masayáng sigáw ni P. Camorra.—Kami’y hindî dumádaíng gayóng walâ kamíng mg̃a lupaín ni mg̃a banko. At alamín ninyó na nagsisimulâ na ng̃ pagtawad sa mg̃a deretsos ang aking mg̃a indio at iniuukilkil sa akin ang mg̃a taripa! Sukat bá namáng ukilkilán akó ng̃ taripa ng̃ayón, at taripa pa namán ng̃ Arsobispo na si D. Basilio Sancho, puñales, warì bagáng mulâ noon hangáng ng̃ayón ay hindî námahal ang mg̃a bagay-bagay. Ha, ha, ha! Bakit mámumura pá ang isáng binyág kay sa isáng inahíng manók? Ng̃unì’t akó’y nagtataing̃ang kawalì, sinising̃il ko hangáng saan makaabót at hindî akó dumadaíng kailán mán. Hindî kamí makamkám, anó, P. Salvi?
[28]Nang mg̃a sandalîng iyón ay siyáng paglabás sa eskotilya ng̃ ulo ni Simoun.
—Ng̃unì’t ¿saan bagá kayó nagsuot?—ang sigáw sa kanyá ni D. Custodio na nakalimot na sa samâ ng̃ loob:—hindî ninyó nákita ang pinakamainam sa paglalayág!
—¡Psh!—ang sagót ni Simoun nang makaakyát na ng̃ túluyan;—nakákita na akó ng̃ maraming ilog at maraming tánawín, kayâ’t walâ ng̃ may kabuluhán sa akin kun dî iyóng may mg̃a alamát....
—Kung sa alamát, ay may ilán ang Pasig—ang sagót ng̃ Kapitán, na ayaw mawaláng kabuluhán ang ilog na kaniyáng nilalayagan at pinagkakakitaan ng̃ pagkabuhay,—nariyan ang Malapad-na-bató, na sinásambá noong kapanahunang hindî pá dumárating dito ang mg̃a kastilà, na umano’y tirahan ng̃ mg̃a espíritu: ng̃ mawalâ na ang pananalig diyan at masalaulà na ang bató ay nagíng tirahán ng̃ mg̃a tulisán, na mulâ sa tugatog niya’y hinaharang ang mg̃a bangkâ na nakikilaban na sa agos ay nakikilaban pá sa mg̃a tao. Nang makaraan iyon at sa kapanahunan na natin, kahit nábabakás sa kanyá ang kamáy ng̃ tao, ay may nábabanggít díng mang̃isáng̃isáng bangkâng nátataób, at kung sa paglikô ay hindî ko ginagamit ang anim kong sentido ay hindî malayòng mapabarandal sa kanyáng mg̃a tagiliran. Náriyan pá ang isáng alamát, ang sa yung̃íb ni doña Jerónima, na maibubuhay sa inyó ni P. Florentino.
—Walâng hindî nakaalam niyon!—ang pawalâng báhalàng sabi ni P. Sibyla.
Ng̃unì’t ni si Simoun, ni si Ben-Zayb, ni si P. Irene, ni si P. Camorra ay nakaaalám, kayâ’t hining̃î niláng isaysáy; ang ilán ay pabirô at ang ibá’y sapagkâ’t sadyâng ibig mabatíd. Ang klérigo ay umanyông pabirô, kagaya ng̃ paghilíng ng̃ ilán, gaya ng̃ pagsalaysay sa mg̃a batà ng̃ isáng sisiwa, at nagsabing:
—May isáng lalaking nag-aaral na nang̃akòng pakakasal sa isáng babai, sa kanyáng bayan, at pagkatapós ay hindî na naalaala ang pang̃akò. Dahil sa pagkamatapát ng̃ babai ay inantáy-antáy ng̃ malaon ang lalaki: nakaraan ang kanyáng kabatàan, nagíng dalagsót at isáng araw ay nabalitâang ang kanyáng katipán sa pag-aasawa ay siyang Arsobispo sa Maynilà. Nagsuot lalaki at lumigid sa ung̃ós ng̃ Cabo, sa [29]pagparito, at humaráp sa Ilustrísima na hiniling̃áng tumupád sa pang̃akò. Ang kahiling̃a’y hindî mangyayari, at ipinagawâ ng̃â ng̃ Arsobispo iyang yung̃ib na nákita ninyóng may takíp at napapalamutihan sa pagpasok ng̃ mg̃a punòng gumagapang. Diyan siyá nanahán at namatáy, at diyan din siyá nálibing, at ayon sa sabisabihán ay tumatagilid si doña Jerónima kung pumapasok sa yung̃íb dahil sa katabaán. Ang kabantugan niyá sa pagkaenkantada ay buhat sa ugalì niyang paghahagis sa ilog ng̃ mg̃a kasangkapang pilak na ginagamít sa mg̃a pigíng niyang dinádaluhán ng̃ maraming ginoo. Isáng lambát ang nasa ilalim ng̃ tubig at siyang sumasahód sa mg̃a kasangkapang doon na nahuhugasan. Walâ pang dalawáng pung taón ang nakararaan na ang ilog ay dumadaang halos humáhalik sa pintúan ng̃ yung̃íb, ng̃unì’t untîuntîng lumálayô, gaya rin namán ng̃ pagkalimot ng̃ mg̃a taga rito sa kay doña Jerónima.
—¡Mainam na alamát!—ani Ben-Zayb,—susulat akó ng̃ ukol diyan. Nakaaawà.
Iniisip na ni aling Victorina na manirahan sa isá namáng yung̃ib at sasabihin na sana ng̃ unahan siyá ni Simoun, na nagsabing:
—Ng̃unì’t anó ang palagáy ninyó sa bagay na iyón, P. Salvi—ang tanóng sa pransiskano na walâng imík dahil sa may iniisip—¿hindí bagá lalóng mabuti, sa palagáy ninyó, na dapat sanang hindî sa isáng yung̃ib siyá inilagáy ng̃ Arsobispo kung dî sa isáng beaterio, sa Santa Clara, sa halimbawâ?
Galáw na pamanghâ ni P. Sibyla, na nakakitang si P. Salvi ay nang̃iníg at sumulyáp sa dako ni Simoun.
—Sapagkâ’t hindî namán mainam—ang patuloy na walâng tigatig ni Simoun,—iyáng bigyán ng̃ muntîng tahanan ang mg̃a nádadayà natín; labág sa pagkamapanampalataya ang ipain siyá sa mg̃a tuksó, sa isáng yung̃ib, sa tabí ng̃ ilog; nang̃ang̃amoy ninfa ó kaya’y driada ang gayón. Marahil ay nagíng mainam pá, lalò pang kabanalan, lalò pang magandá, lalò pang kápit sa ugalì dito, ang kulung̃ín siyá sa Santa Clara, na warìng isáng bagong Eloisa, upang madalaw at mahimok maminsánminsán, ¿Anó ang sábi ninyó?
—Hindî ko mahahatulan ni dapat kong hatulan ang kagagawán ng̃ mg̃a Arsobispo—ang tugóng mabigát ang loob ng̃ pransiskano.
[30]—Ng̃unì’t kayó, na siyang gobernador eclesiástico, ang kahalili ng̃ Arsobispo, ¿anó ang gagawín ninyó kung sa inyó mangyari ang bagay na iyon?
Kinibít ni P. Salvi ang kaniyáng balikat, at payapàng tumugón ng̃:
—Walâng kabuluháng isipin ang isáng bagay na hindî mangyayari.... Datapwâ’y yayamang napag-uusapan na rin lamang ang tungkol sa mg̃a alamát, ay huwag ninyóng káligtâán ang lalòng mainam, dahil sa siyang lalóng katotohanan, ang kababalaghán ni San Nicolás, na marahil ay nákita ninyó ang mg̃a sirâng muog ng̃ kaniyáng simbahan. Ibubuhay ko kay G. Simoun na siyáng hindî dapat makaalám. Warìng noong araw ay maraming buwaya sa lawà’t sa ilog, mg̃a buwayang napakalalakí’t napakamasibà na dinudumog ang mg̃a bangkâ at pinalulubog sa hagkís ng̃ kaniláng buntót. Sinasabing isáng araw, ang isáng insík na hangga noon ay hindî pa nagbibinyagan, ay dumaraan sa harap ng̃ Simbahan, at walâng anó anó’y sásisipót sa kaniyáng harapán ang demonio, na anyông buwaya, na itinaob ang kaniyáng bangkâ upang lamunin siyá at dalhín sa Impierno. Sa tulong ng̃ Dios ay tinawagan ng̃ insík si San Nicolás at noon din ay nagíng bató ang buwaya. Sinasabi ng̃ mg̃a matatandâ na ng̃ kapanahunan nilá ay nákikilala pang maliwanag ang anyô ng̃ hayop sa putól putól na batóng nálalabí; sa ganang akin ay masasabi kong nakita ko pang malinaw ang ulo at kung huhulàan ang katawán dahil sa aking nákita ay dapat na magíng lubhâng malakí ang hayop na yaón.
—¡Kahang̃ahang̃àng alamát!—ang pabulalás ni Ben-Zayb,—at magigíng sanhî ng̃ isáng salaysayín. Ang pagsasabi ng̃ anyô ng̃ háyop, ang takot ng̃ insík, ang tubig ng̃ ilog, ang kakawayanan.... At magigíng sanhî ng̃ pagsusurì ng̃ mg̃a pananampalataya. Sapagkâ’t tignán ninyó; tawagan pá namán ng̃ isáng insík na hindî binyagan, sa gitnâ ng̃ kasakunàan, ang isáng santó na hindî niyá sinasambá at marahil ay kilala lamang sa ding̃íg.... Itó’y hindî sákop noong sáwikaíng mabuti pá ang masamáng kilalá na, kay sa mabuting kikilalanin pá. Kung akó’y mápapásakainsikán at málalagay akó sa gayong kagipitan ang una ko munang tatawagan ay yaóng lalong hindî kilalang santó sa calendario kay sa kay Confusio ó Budha. Kung itó’y isáng kataasang tunay ng̃ urì ng̃ katolisismo [31]ó kaya’y kahinàan sa paghuhulò at pagka walang katibayan ng̃ pag-iisip ng̃ mg̃a lahìng diláw, ay malilinaw lamang ng̃ isang pagkilalang masusì ng̃ antropología.
Si Ben-Zayb ay gumamit ng̃ kílos gurô at pinagalaw ang hintuturò sa hang̃ín, sabáy sa pagtataká sa sariling pag-iisip na marunong humang̃ò ng̃ maraming banggít at katuturán sa maliliit na bagay. At sa dahiláng nákita, na si Simoun ay nagbubulaybulay dahil sa bagay na kasasabi pá lamang niyá, ay tinanóng na kung anó ang iniisip.
—Dalawáng bagay na mahalagá—ang sagót ni Simoun,—dalawáng katanung̃ang maidaragdág sa inyóng susulatin. Una: ¿anó kayâ ang nangyari sa diablo ng̃ biglâng mákulong sa bató? ¿nakatanan? ¿naiwan doon? ¿napilpíl? At ang pang̃alawá, ay kung yaóng mg̃a háyop na naging bató na nápagkitá ko sa iláng museo sa Europa, ay hindî kayâ nagkagayón ng̃ dahil namán sa iláng santóng nabuhay na una sa panahón ng̃ pag-apaw ng̃ tubig sa sangmundó?
Walâng kaping̃asping̃as na birò ang pagkakasábi ng̃ mag-aalahás at itinukod pa sa noo ang kanyáng hintuturò, tandâ ng̃ malakíng pagmumunìmunì, kayâ’t si P. Camorra ay walâng kaping̃asping̃as ding sumagót na:
—¡Sino ang makapagsasabi, sino ang makapagsasabi!
—At yayamang mg̃a alamát ang napag-uusapan at pumapások tayo sa lawà,—ang tugón ni P. Sibyla—ang kapitán ay dapat makabatíd ng̃ marami....
Nang mg̃a sandalîng yaón ay pumapások sa wawà ang bapór at ang tánawing nasa haráp ay lubhâng mainam. Ang lahát ay nalugód. Sa harapán ay nakalátag ang magandáng lawà, na nalilibid ng̃ baybaying berde at bughaw na bulubundukin, na warìng isáng malakíng salamín na nakúkulong ng̃ palibid na pawàng esmeralda at sápiro, na sa kaniyáng lunas ay nanánalamín ang lang̃it. Sa kanan ay nakalatag ang dalampasigang mababà, na may mg̃a look na may maiinam na anyô, at doon sa malayò, halos napapawì na sa paning̃ín, nároon ang káwit ng̃ bundók Sung̃ay; sa harapán at sa hulíng dákong abót ng̃ paning̃ín ay nakatayô ang Makiling, mataás, nakahahang̃à, napuputúng̃an ng̃ manipís na úlap; at sa kaliwâ ang pulông Talím, ang Súsong-dalaga na taglay ang matatambók niyang gúhit na nagíng sanhî ng̃ kaniyáng [32]pang̃alan. Isáng malamíg na simuy ang nagpapakulót sa malápad na ibabaw ng̃ túbig.
—Maala-ala ko palá, Kapitán—ang sábi ni Ben-Zayb, na kasabáy ang pagling̃ón—¿alám bagá nínyó kung saan dako ng̃ lawà nápatay ang isáng nagng̃ang̃alang Guevara, Navarra ó Ibarra?
Lahát ay nápating̃ín sa Kapitán, tang̃ì lamang si Simoun na ibinaling ang mukhâ sa kabilâng dáko, na warîng may hinahánap sa dalampasigan.
—¡Ay siyá ng̃â!—ani aling Victorina,—¿saan Kapitán? ¿nakaiwan kayâ ng̃ bakás sa tubig?
Kumindát ng̃ makailán ang tinátanóng, bilang katunayan na laban sa kanyáng kalooban ang katanung̃an; ng̃unì’t ng̃ mabatyág ang samò sa mg̃a matá ng̃ lahát, ay lumápit ng̃ iláng hakbáng sa unahán ng̃ bapór at minataan ang baybayin.
—Tuming̃ín kayó roón—ang sabing marahan, matapos na maunawàng walâng ibáng tao:—alinsunod sa Cabo na nang̃ulo sa pag-uusig, ng̃ makita ni Ibarra na siya’y nakúkulóng, ay lumunsád sa bangkâ, sa malapit sa Kinabutasan at sa kásisisid ay linang̃óy ang habàng may dalawáng milla, na hinahábol siya ng̃ punlô kailán ma’t ilálabas ang ulo sa tubig upang huming̃á. Sa dako pa roon ay hindî na siya nákita, at sa malayôlayô pa, sa may pangpáng, ay nakakita ng̃ warì’y kulay dugô. At ng̃ayón ang ikalabíng tatlóng taón ng̃ pangyayari, na walâng kulang at labis na araw.
—¿Kung gayón, ang kaniyáng bangkáy?...—ang tanóng ni Ben-Zayb.
—Ay nakisama sa bangkáy ng̃ kaniyáng amá,—ang sagót ni P. Sibyla;—¿hindî bá isá ring pilibustero, P. Salvi?
—Iyán ang mg̃a murang libíng, P. Camorra, ¿anó?—ang sábi ni Ben-Zaib.
—Lagì ng̃ sinasabisabi ko, na pilibustero ang mg̃a hindî bumabayad ng̃ maring̃al na libíng—ang sagót na tumatawa ng̃ tinukoy.
—Ng̃unì’t ¿anó ang nangyayari sa inyó G. Simoun?—ang tanóng ni Ben-Zayb nang makitang ang mag-aalahás ay nakatigil at nag-iísip—¿Nahihilo bagá kayó, kayóng mapaglakbáy, sa isáng paták na tubig na kagaya nitó?
[33]—Ang masasabi ko sa inyó,—ang sagót ng̃ Kapitán na nagkaroón na ng̃ giliw sa mg̃a pook na iyón;—huwag ninyóng pang̃anlán itó ng̃ paták na túbig: itó’y malakí sa alín man sa mg̃a lawà sa Suisa at malakí pa kahit pagpisanin ang lahát ng̃ lawà sa España; nakákita akó ng̃ matatandâng mangdaragát na nang̃aliyó rito.
Ang mg̃a nakabasa ng̃ unang bahagi ng̃ kabuhayang itó, ay maaalaala marahil ang isáng matandâng magkakahóy na naninirahan doon sa kalookan ng̃ isáng gubat.
Si Tandâng Selo ay buháy pá at kahi’t ang kaniyáng buhók ay pumutî na ay mabuti rin ang kaniyáng katawán. Hindî na nanghuhuli sa bitag at hindî na rín nagpuputól ng̃ káhoy; sa dahiláng bumuti na ang kabuhayan ay naggagawâ na lamang ng̃ walís.
Ang kaniyáng anák na si Tales (palayaw ng̃ Telesforo) ay nakisamá muna sa isáng namumuhunan; ng̃unì’t ng̃ malaunan, ng̃ magkaroon ng̃ dalawáng kalabáw at mg̃a iláng daáng piso, ay gumawâ na sa sarili, na katulong ang kaniyáng amá, ang kaniyáng asawa at ang kaniyáng tatlóng anák.
Hinawan ng̃â at lininís ang makapál na gúbat na nasa labasan ng̃ bayan na inakalà niláng walâng may-arì. Nang kaniláng ginágawâ ang lupà at máayos ay linagnát na isá isá siláng mag-aanak at namatáy ang Iná at anák na pang̃anay na si Lucía, na nasa katamtamang gulang. Ang bagay na iyón na sadyáng ibiníbigáy ng̃ pagkakabungkál ng̃ lupà na saganà sa sarisarìng bágay, ay inakalà niláng higantí ng̃ mg̃a lamán-lupàng naninirahan sa gubat, kayâ’t kinalamay nilá ang kaniláng loob at ipinagpatuloy ang gawàin sa pag-asang lumipas na ang pagkamuhî ng̃ espíritu. Nang aanihin na ang unang taním ay inangkín ang mg̃a lupàng iyón ng̃ isáng “Corporación” ng̃ mg̃a prayle na may pag-aarì sa bayang kalapít, na ang ikinakatwiran ay nasa sa loob ng̃ kaniláng mg̃a hanganan, at upáng mapatunayan ang gayón ay itinayô noon dín ang kaniláng mg̃a muhón. Gayón [34]man, ay pinabayàan siyá ng̃ tagapang̃asiwà ng̃ mg̃a parì upang pag-anihan, kailan man at magbabayad siyá sa taón taón ng̃ isáng muntîng halagá, isáng walâng gaano, dalawáng pû ó tatlóng pûng piso.
Si Tales, na mabaít sa dilàng mabaít, ayaw sa usapín na gaya ng̃ ibá at masunurin sa mg̃a praile gaya ng̃ ilán, sa pag-iwas na ibunggô ang isáng palyók sa isáng kawalì, gaya ng̃ sábi niyá, (sa ganáng kanya’y kasangkapang bakal ang mg̃a prayle at siya’y kasankapang pútik), ay umalinsunod sa kahiling̃an, dahil sa naisip niyáng siya’y hindî marunong ng̃ wikàng kastilà at walâng maibabayad sa mg̃a tagapagtanggol. At sakâ sinabi sa kanyá ni tandâng Selo, na:
—Tiisín mo na! malakí pá ang magugugol mo sa pakikipag-usapín ng̃ isáng taón kay sa magbayad ng̃ makásampû ng̃ hinihilíng ng̃ mg̃a parìng putî. ¡Hmh! Marahil ay gantihín ka namán nilá ng̃ misa. Ipagpalagáy mong ang tatlóng pûng pisong iyán ay natalo sa sugal, ó kayâ’y nahulog sa túbig at kinain ng̃ buwaya.
Ang ani ay nagíng masaganà, nábilí sa mabuting halagá, at inisip ni Tales ang magtayô ng̃ isáng bahay na tablá sa nayon ng̃ Sapang, ng̃ bayang Tiani, na kalapít ng̃ San Diego.
Nakaraán ang isá pang taón at dumatíng ang isá pang mabuting ani, at dahil sa paganitó ó pagayóng sanhî ay ginawâ ng̃ mg̃a prayle na limáng pûng piso ang canon, na pinagbayaran namán ni Tales upang huwag siláng magkagalít at sa dahiláng umasang maipagbibilí sa mabuting halagá ang asukal.
—¡Tiisin mo na! Ibilang mong lumakí ang buwaya,—ang páyo ni matandâng Selo.
Nang taóng yaón ay naganáp ang kaniláng pang̃arap: manirahan sa bayan, sa kaniláng bahay na tablá sa nayon ng̃ Sapang, at inisip ng̃ amá at ng̃ nunò ang papag-aralin ang dalawáng magkapatíd, lalònglalò na ang babai, si Juliana ó Hulî, gaya ng̃ kaniláng tawag, na magiging magandá sa warì. Isáng batàng lalaki, si Basilio, na kaniláng kaibigan at kagaya rin nilá sa urì ay nag-aaral na noon sa Maynilà.
Ng̃unì’t ang pang̃arap na itó’y warìng ukol sa hindî pangyayari.
Ang unang ginawâ ng̃ bayan, ng̃ mákita ang untîuntîng pagtigháw nilá, ay ang paghahalal na kabisa sa pinakamalakás na gumawâ sa mag-aanak; ang anák na pang̃anay [35]na si Tanò ay may labíng apat na taón pá lamang. Tinawag na ng̃âng kabisang Tales, nang̃ailang̃ang magpagawâ ng̃ chaqueta, bumilí ng̃ isáng sambalilong pieltro at humandâ sa paggugugol. Upang huwag makipagkagalít sa Kura at sa Pamahalàan ay pinagpapaluwalan niya ang náaalís sa padrón, ipinagbabayad ang mg̃a umaalís at namamatáy, nag-aaksayá ng̃ maraming panahón sa panining̃íl at pagtung̃o sa Cabecera.
—¡Magtiís ka na! Ipagpalagáy mong dumatíng ang mg̃a kamag-ának ng̃ buwaya,—ang sabing nakang̃itî ni tandâng Selo.
—Sa taóng dárating ay magsusuot ka na ng̃ de cola at paparoon ka sa Maynilà, upang mag-aral na gáya ng̃ mg̃a dalaga sa bayan!—ang sabí-sabí ni kabisang Tales sa kaniyáng anák kailan ma’t mádiding̃íg dito ang mg̃a pagkatuto ni Basilio. Ng̃unì’t ang taóng dáratíng na iyon ay hindî sumasapit at sa kanyá’y nápapalít ang pagdaragdág sa buwís ng̃ lupà; natubigan na si kabisang Tales at nagkakamót ng̃ ulo. Ibiníbigáy na ng̃ lutùang putik ang kaniyáng bigás sa caldero.
Nang umabot sa dalawáng daang piso ang canon ay hindî na nagkasiyá si kabisang Tales sa pagkamot sa ulo at pagbubuntóng hining̃á: tumutol at bumulóngbulóng. Nang mangyari ang gayón ay sinabi sa kaniyá ng̃ prayleng tagapang̃asiwà, na, kung hindî siyá makababayad ay ibá ang magtataním sa mg̃a lupàng yaón. Maraming may nasà ang nagbabayad.
Inakalà ni kabisang Tales na nagbíbirô ang prayle, ng̃unì’t tinótotoó ng̃ parì ang pagsasalitâ’t itinuturò ang isá sa mg̃a alilà niyá na siyáng kukuha ng̃ lupà. Ang kaawàawàng tao’y namutlâ, ang taing̃a niya’y umugong, isáng mapuláng ulap ang tumakíp sa kaniyáng paning̃ín at doo’y namalas ang kaniyáng asawa’t anák na babaing nang̃amumutlâ, yayát, naghíhing̃alô, dahil sa walâng gisaw na lagnát. At pagkatapos ay namalas ang makapál na gubat na nagíng bukirín, namalas niyá ang agos ng̃ pawis na dumídilíg sa mg̃a lubák, namalas niyá siyá, siyá rín, ang kaawaawàng si Tales, na nag-aararo sa gitnâ ng̃ arawán, na nasusugatan ang mg̃a paa sa mg̃a bató’t tuód, samantalang ang uldóg na iyón ay nagliliwalíw na nakasakáy sa isáng sasakyán at yaóng kukuha ng̃ kaniyáng arì ay súsunódsunód na gaya ng̃ isáng alipin sa kaniyáng pang̃inoon. ¡Ah, hindî! ¡makálilibong hindî! Lumubóg na muna ang mg̃a kaparang̃ang yaón sa káilaliman ng̃ lupà at málibíng [36]na siláng lahát. ¿Sino ang dayuhang iyón upang magkaroon ng̃ karapatáng makapag-arì sa kaniyáng mg̃a lupaín? ¿Nagdalá bagá siya ng̃ pumarito ng̃ isáng dakót man lamang ng̃ alabók na iyón? ¿Nabaluktót bagá ang isá man sa mg̃a dalirì niyá sa pagbunot ng̃ isáng ugát man lamang na nanuód doon?
Bugnót na sa mg̃a pagbabalà ng̃ prayle na nag-aakalàng papagharìin ang kaniyáng mg̃a karapatán sa lahát ng̃ paraan, sa haráp ng̃ ibáng naninirahan doon ay nagmatigás si kabisang Tales, ayaw magbáyad, ni isá mang kualta, at dalá rin sa haráp ang mapuláng ulap, ay sinabing ipagkakaloob lamang niyá ang kaniyáng mg̃a bukirín sa dumilíg muna doón ng̃ dugô ng̃ kaniyáng mg̃a ugát.
Nang makita ni matandâng Selo ang mukhâ ng̃ kaniyáng anák, ay hindî nakapang̃ahás na banggitín ang buwaya, ng̃unì’t tinangkâ niyáng paglubagín sa pagsasabi ng̃ ukol sa mg̃a kasangkapang pútik at ipinaalaala, na sa mg̃a usapín, ang nananalo’y nawáwalán ng̃ barò’t salawál.
—Sa alabók tayo mauuwî, amá, at walâ tayong damít ng̃ sumilang sa malíwang!—ang sagót.
At nagmatigás na sa hindî pagbabayad ni ibigáy ang isáng dangkal man lamang ng̃ kaniyáng lupà, kung hindî ipakikilala muna ng̃ mg̃a prayle ang katibayan ng̃ kaniláng paghahabol sa paraan ng̃ pagpapakita ng̃ kahi’t anóng kasulatan. At sa dahiláng walâng máipakita ang mg̃a prayle ay nagkaroón ng̃ usapín, at tinanggáp ang gayón ni kabisang Tales sa pag-asang kundî man ang lahát ay may iláng lumiling̃ap sa katwiran at gumagalang sa mg̃a kautusán.
—Naglilingkód akó at marami ng̃ taóng akó’y naglilingkód sa harì, sa tulong ng̃ aking salapî at mg̃a pagpapagod,—ang sábi sa mg̃a nagwiwikàng walâ siyáng mararatíng:—hiníhilíng ko sa kaniyá ng̃ayón na ling̃apín ang aking katwiran at liling̃apín niyá akó.
At akay ng̃ isáng kasawíán at parang sa usapín ay nátatayâ ang kaniyáng kabuhayan sa araw ng̃ búkas at ang sa kaniyáng mg̃a anák, ay ginugol ang kaniyáng naiipon sa pagbabayad sa mg̃a abogado, escribano at procurador, na hindî pa kabilang dito ang mg̃a kawaní at mg̃a taga-sulat na sinasamantalá ang kaniyáng kamangmang̃án at kalagayan. Yao’t dito siyá sa pang̃ulong bayan ng̃ lalawigan, nakararaan siyá ng̃ boong maghapon [37]na hindî kumakain at hindî nátutulóg, at ang kaniyáng pakikipagusap ay pawàng tungkol sa mg̃a kasulatan, pagharáp, paghahabol sa lalòng may mataás na kapangyarihan, ibp. Noon nákita ang isáng labanáng hindî pá námamasdán sa silong ng̃ lang̃it ng̃ Pilipinas: ang sa isáng marálitâng indio, mangmáng at walâng mg̃a kaibigan, tiwalà sa kaniyáng katwiran at sa kabutihan ng̃ kaniyáng pinag-uusig, na nakikilaban sa isáng malakás na “corporación” na niyuyukuán ng̃ kapangyarihan at sa haráp niyá’y binibitiwan ng̃ mg̃a hukóm ang kaniláng timbang̃an at isinusukò ang kaniláng tabák. Mapilit sa pakikitunggalî na warìng langgám na kumákagát, gayóng nakikilalang siyá’y matitirís, warìng lang̃aw na tinátanaw ang kalawakang walâng hanggán sa likód ng̃ isáng salamín. ¡Ah! Ang kasangkapang lupà, sa pakikipaglaban sa mg̃a caldero, ay may nakahahang̃à ring anyô, sa pagkadurog: tagláy niyá ang kaigting̃án ng̃ pagdumog ng̃ walâng pag-asa. Sa mg̃a araw na hindî siyá naglalakbáy, ay dinadaán niyá sa paglilibót sa kaniyáng bukirín na dalá ang isáng baríl, sinásabisabí niyáng ang mg̃a tulisán ay nangloloob at nang̃ang̃ailang̃áng magtanggol siyá upang huwag mahulog sa kaniláng mg̃a kamáy at matalo ang úsap. At warìng pagsasanay sa pagtudlâ ay binabaríl ang mg̃a ibon at mg̃a bung̃ang káhoy, bumabaríl ng̃ mg̃a paróparó ng̃ walâng kalihíslihís, kayâ’t ang tagapang̃asiwàng uldóg ay hindî na nang̃ahás na tumung̃o sa Sapang kung walâng kasamang mg̃a guardia sibil, at ang palamon ng̃ parì na nakakita sa magandáng tíkas ni kabisang Tales na naglilibót sa kaniyáng bukirín na warì’y isáng bantáy, ay umayáw nang lipús ng̃ tákot na kunin ang pag-aarì.
Datapwâ’y hindî makapang̃ahás na bigyán siyáng katwiran ng̃ mg̃a hukóm pamayapà sa bayan at nang nasa cabecera, dahil sa natatakot maalís sa katungkulan, sapagkâ’t nadadalâ na dahil sa isáng kaagad-agad ay inalís. At hindî namán masasamâ ang mg̃a hukóm na iyón, pawàng taong matatalino, matapát, mabubuting mámamayán, maririlag na mg̃a magulang, mabubuting anák... at nakatataya ng̃ kalagayan ni Tales ng̃ mabuti pa kay sa sariling may katawán. Marami sa kanilá ang nakababatíd ng̃ mg̃a sanhî at pangyayari nang pagkakaarì, alám niláng ang mg̃a prayle ay hindî dapat magkaroon ng̃ mg̃a pag-aarìng lupà alinsunod sa kaniláng mg̃a [38]palatuntunan, ng̃unì’t alám dín namán nilá na ang panggagaling sa malayò, ang pagtatawíd dagat sa pagtupád sa katungkulang pinaghirapang lubhâ bago nákamít, mag-usig na makagampáng mabuti at pawalán ang lahát ng̃ iyon dahil lamang sa sinapantahà ng̃ isáng indio na ang katwiran ay gáganapín sa lupà ng̃ gaya sa lang̃it, ¡abá! isá rin namáng kahibang̃án ang gayón! Silá ay mayroon dín namáng mg̃a kaának at marahil ay may malakí pang pang̃ang̃ailang̃an kay sa indiong yaon: ang isá’y may ináng pinadadalhán sa tuwina ng̃ salapî, at ¿mayroon pa bang kabanalbanalang bagay na gaya ng̃ pakanin ang isáng iná?; ang isá ay may mg̃a kapatíd na babaing nápapanahón sa pag-aasawa, ang isá pa’y may mg̃a anák na maliliít na nag-aantáy ng̃ pagkain na warìng mg̃a inakáy sa pugad na marahil ay mang̃amatáy pagdatíng ng̃ araw na maalís sa katungkulan; at ang pinakamuntî ay may asawang nálalayô, lubhâng malayò, na kung hindî tumanggáp ng̃ ukol na salapî ay magigipít...... At ang lahát ng̃ hukóm na iyon, na ang marami sa kanilá’y may mg̃a budhî at may malinis na hilig, ay nag-aakalàng ang lalòng pinakamabuti niláng magagawâ ay ang himukin sa pagkakasundô, sa paraang magbayad si kabisang Tales ng̃ buwís na hinihing̃î. Ng̃unì’t si Tales, gaya ng̃ sinomang may maiklîng paghuhulò, ay patuloy sa layon, kailan ma’t nakakábanaag ng̃ katwiran. Humihing̃î ng̃ mg̃a katunayan, katibayan, kasulatan, título, ng̃unì’t walâng máipakita ang mg̃a prayle at walâng pinanghahawakan kundî ang mg̃a nakaraang pag-alinsunód.
Datapwâ’y, ang tutol namán ni kabisang Tales:
—Kung sa araw araw ay naglilimós akó sa isáng pulube upang huwag na lamang akóng yamutín ¿sino ang makapipilit sa akín na magpatuloy akó sa pagbibigay, kung nagpapakasagwâ namán?
At walâng makapag-patinag sa kaniyá sa gayón at walâ namáng bantâng makapagpalubág sa kaniyá. Walâng nangyari sa Gobernador M.... na naglakbáy at sinadyâ siyá upang takutin; ang lahát ay sinasagót niyá nang:
—Magagawâ ninyó ang ibig gawín, G. Gobernador, akó’y isáng mangmáng at walâ akóng lakás. Ng̃unì’t inayos ko ang mg̃a bukiríng itó, ang asawa ko’t anák ay nang̃amatáy sa pagtulong sa akín sa paglilinis, kayâ’t hindî ko siyá maipagkákaloob [39]sa sino mang hindî makagawâ sa kanilá ng̃ higít sa ginawâ ko. Diligín muna silá ng̃ dugô ng̃ nagnanasà at ilibíng sa kanilá ang asawa’t anák.
Ang kinahinatnán, sa katigasang itó ng̃ ulo, ay ang bigyán ng̃ katwiran ang mg̃a prayle ng̃ mg̃a matapát na hukóm, at siya’y pinagtátawanán ng̃ balà na at pinagsasabihan pang hindî naipapanalo ang mg̃a usapín ng̃ dahil sa katwiran. Gayon man ay patuloy din siyá sa paghahabol, linalagyán ng̃ punlô ang kaniyáng baríl at mahinahong liniligíd ang kaniyáng lupaín. Sa kapanahunang iyón ay warìng isáng pang̃arap ang kaniyáng kabuhayan. Ang kaniyáng anák na si Tanò, binatàng kasingtaas ng̃ amá, at gaya ng̃ kapatíd na babai sa kabutihan, ay násundalo; pinabayàan niyáng lumakad at hindî ibinayad ng̃ mákakapalít.
—Magbabayad akó sa mg̃a abogado,—ang sabi sa anák na babaing umíiyák:—kung manalo akó sa usapín ay mapababalík ko siyá, ng̃unì’t kung akó’y matalo ay hindî ko kailang̃an ang anák.
Lumakad ang anák at ang tang̃ìng balitàng tinanggáp ay ang pinutulan ng̃ buhók at natutulog sa ilalim ng̃ isáng karreta. Nang makaraan ang anim na buwan ay may nagsabing nákitang dinalá sa Carolinas; may iláng nagbabalitàng tila nákitang suot guardia sibil.
—¡Guardia sibil si Tanò! ¡Susmariosep!—ang pamanghâ ng̃ ilán na sabáy sa pagtatalukob kamáy:—¡Si Tanò na napakabuti at napakabaít! ¡Rekimeternam!
May iláng araw na hindî binatì ng̃ nunò ang amá, si Hulî ay nagkasakít, ng̃unì’t hindî tumulò ang isá mang paták na luhà ni kabisang Tales; dalawáng araw na hindî umalís sa bahay, na warìng nang̃ang̃ambá sa pagsisi ng̃ kaniyáng mg̃a kanayon; natatakot tawaging siyáng pumatáy sa kaniyáng anák. Ng̃unì’t ng̃ ikatlóng araw ay mulîng lumabás na dalá ang kaniyáng baríl.
May nagsapantahà na siya’y may nasàng pumatáy ng̃ tao at may isáng nagsabi na náding̃íg umanóng ibinúbulóng niyá ang balàng ibaón ang uldóg sa mg̃a lubák ng̃ kaniyáng bukirín; kayâ’t mulâ noo’y kinatakutan na siyáng lubhâ ng̃ prayle. Dahil dito’y pumanaog ang isáng utos ng̃ Capitán General na nagbabawal ng̃ paggamit ng̃ baríl at ipinasásamsám na lahát. Ibinigáy ni kabisang Tales ang kaniyáng [40]baríl, ng̃unì’t nagpatuloy dín sa kaniyáng pagbabantáy na ang dalá ay isáng mahabàng iták.
—¿Anó ang gágawin mo sa iták na iyán sa ang mg̃a tulisán ay may baríl?—ang sabi sa kaniyá ni matandâng Selo.
—Kailang̃an kong bantayán ang aking mg̃a pananím,—ang sagót;—ang bawà’t isáng tubó doon ay isáng butó ng̃ aking asawa.
Inalisán siyá ng̃ iták dahil sa nápakahabà. Ang ginawâ namán niyá ay kinuha ang matandâng palakol ng̃ kaniyáng amá at ipinatuloy ang kaniyáng paglalakád na nakapang̃ing̃ilabot.
Si matandâng Selo at si Hulî ay nang̃ang̃ambá sa tuwîng áalís siyá ng̃ bahay. Si Hulî ay títindíg sa habihán, dudung̃aw, nagdádasal ng̃ mg̃a nobena. Ang matandâ namán ay hindî mátumpák kung minsán sa pagyarì ng̃ buklód ng̃ walís at násasabisabíng pagbábalikán ang gubat. Ang pamumuhay sa bahay na iyón ay nápakahirap.
Nangyari din ang kinatatakutan. Sa dahiláng ang bukid ay malayò sa pook ng̃ mg̃a bahay, kahì’t na may palakól si kabisang Tales ay nabihag ng̃ mg̃a tulisán, na may mg̃a rebolber at baríl. Sinabi sa kaniyá ng̃ mg̃a tulisán na yamang mayroon siyáng náibabayad sa mg̃a hukóm at tagatanggol-usap ay dapat din namán siyáng magkaroon ng̃ máibibigay sa mg̃a náwawakawak sa kabuhayan at mg̃a pinag-uusig. Dahil doon ay hining̃án siyá ng̃ limáng daang pisong tubós sa pamag-itan ng̃ isáng tagabukid at pinatibayan pang pag may nangyari sa utusán ay itítimbáng ang búhay ng̃ dakíp. Dalawáng araw ang ibinigáy na taning.
Ikinasindák na lubhâ ng̃ mag-anak ang balità at lalò pa mandíng naragdagán ang gayón, ng̃ mabatíd na lálabás ang Guardia sibil upang usigin ang mg̃a tulisán. Kung magkátagpô at magkálabanán ay alám ng̃ lahát na ang unang mápapatáy ay ang dakíp. Nang tanggapín ang balità’y hindî nakatinag ang matandâ, at ang anák na babai, sa gitnâ ng̃ pamumutlâ’t pagkasindák, ay makáilàng nagnasàng mang̃usap, ng̃unì’t hindî nangyari. Datapwâ’y isáng hinalàng lalòng mabigát ang nakapagpabalík sa kaniláng diwà. Ang sabi ng̃ tagabukid na inutusan ng̃ mg̃a tulisán, ay marahil magsisilayô silá, kayâ’t kung magluluwát [41]sa pagbibigáy ng̃ tubós ay lalawig ang araw at si kabisang Tales ay pupugutan ng̃ ulo. Ang sabing itó’y nakatulíg sa dalawá, na kapuwâ mahihinà at kapuwâ walâng magawâ. Si tandâng Selo ay mápaupô’t mapatindíg, akyát manaog, hindî malaman ang tung̃uhin, hindî malaman ang lapitan. Si Hulî’y padulógdulóg sa kaniyáng mg̃a larawan ng̃ santó, ulî’t ulîng binilang ang salapî, ng̃unì’t ang dalawáng daang piso’y hindî nararagdagán, ayaw dumami, bigláng magbibihis, iipunin ang lahát ng̃ kaniyáng hiyás, hihing̃îng sangunì sa matandâ, tatangkâíng makipagkita sa Kapitán, sa hukóm, sa tagasulat, at sa teniente ng̃ Guardia sibil. Oo ang sagót ng̃ matandâ sa lahát, at pag sinabi ng̃ batàng huwag ay huwag dín namán siyá. Dumatíng ang iláng babaing kapitbahay na kamag-anakan at kakilala, mg̃a marálitâ, at may maralitâ pa kay sa ibá, mg̃a walâng malay na tao at minámalakí ang lahát ng̃ bagáy. Ang pinakamatalas sa lahát ay ang pusakál na pagingera na si Hermana Balî na nanirahan sa Maynilà upang mag ejercicio sa beaterio ng̃ La Compañía.
Ipagbibilí ni Hulî ang lahát ng̃ kaniyáng mg̃a hiyás liban lamang ang isáng agnós na may brillante at esmeralda na bigáy ni Basilio. Ang agnós na iyon ay may kasaysayan; ibinigáy ng̃ monja na anák ni kapitáng Tiago sa isáng ketong̃in, dahil sa pagkakagamót ni Basilio sa may sakít ay ibinigáy nitó na parang isáng handóg. Hindî niyá máipagbilí hanggáng hindî maalaman ng̃ nagbigáy.
Madalíng ipinagbilí ang mg̃a sukláy, hikaw at kuwintás ni Hulî sa isáng mayamang kapitbahay at dinagdagán pá ng̃ limáng pûng piso; kulang pa rin ng̃ dalawang daan at limang pû. Maaarìng isanglâ ang agnós, ng̃unì’t nápailíng si Hulî. Iminunkahì ng̃ isáng kalapít na ipagbilí ang bahay, bagay na sinangayunan ni tandâng Selo ng̃ boông lugód, sapagkâ’t bábalík sa gubat upang makapang̃ahoy na mulî na gaya noong una, ng̃unì’t ang gayón ay hindî mangyayari ang sábi ni Hermana Balî sa dahiláng walâ ang tunay na may-arì.
—Minsan ay pinagbilhan akó ng̃ isáng tápis ng̃ asawa ng̃ hukóm, sa halagáng piso, at kadumatdumat ay sinabi ng̃ asawa na walâ raw kabuluhán ang bilihang iyon sapagkâ’t walâ siyang malay. ¡Abá! Kinuha sa akin ang tápis at hindî isinaulî sa akin [42]ng̃ babai ang piso hangga ng̃ayón, ang ginágawâ ko namán ay hindî ko siyá binabayaran sa panginge kung siya’y nananalo, abá! Sa gayóng paraan ay násing̃íl ko siyá ng̃ labíng dalawáng kualta; dahil lamang namán sa kaniyá kung kayâ akó nagsusugál. Hindî ko mapapayagang hindî akó pagbayaran, abá!
Tátanung̃ín sana ng̃ isáng kalapít kung bakit hindî siyá pinagbabayaran ni Hma. Balî sa isáng maliit na utang, ng̃unì’t natalasan ng̃ pangingera, kayâ’t nagpatuloy kaagád:
—¿Alam mo Hulî ang mabuti mong gawín? Isanglâ mo muna sa halagáng dalawáng daan at limáng pùng piso ang bahay, sanlâng pagbabayaran hanggáng sa manalo ang usap.
Itó ang pinakamabuti sa mg̃a balak, kayâ’t tinangkâng gawín noon ding araw na iyon. Sinamahan ni Hermana Balî at linibot nilá ang lahát ng̃ bahay ng̃ mayayaman sa Tiani, ng̃unì’t walâng pumayag sa gayóng kasundûan: anilá’y talo ang usap, at ang pagtulong sa isáng kalaban ng̃ mg̃a prayle ay parang humahandâ na sa paghihigantí nitó. Sa kahulihulihan ay nakátagpô rín ng̃ isáng matandâng mapanata na nahabág sa kaniyáng kalagayan, ibinigáy ang halagá sa pamag-itan ng̃ kasundûan na si Hulî’y paaalilà sa kaniyá hanggáng sa mabayaran ang utang. Sa isáng dako namán ay walâng maraming gagawín si Hulî, manahî lamang, magdasál, samahan siya sa simbahan, magpanatá maminsánminsán ng̃ patungkol sa kaniyá. Lumuluhàng pumayag si Hulî sa kasundûan, tinanggáp ang salapî at nang̃akòng sa kinabukasan, araw ng̃ Paskó, ay maglilingkód na siyá.
Nang matantô ng̃ matandâ ang gayóng halos pagbibilí ng̃ katawán, ay nag-iiyák na warì’y batà. Dî yatà’t ang apó niyáng yaón na ayaw niyáng palalakarin sa init ng̃ araw upang huwag masunog ang balát, si Hulîng may maliliít na dalirì at mapuláng sakong, ¡dî yatà! ang binibining yaón na siyáng pinakamagandá sa nayon at marahil ay sa boong bayan, na lagì nang tinátapatán ng̃ mg̃a binatàng nagtutugtugan at nagkakantahan, ¡dî yatà! ang bugtóng niyáng apó, ang kabugtóng niyáng anák, ang tang̃ìng lugód ng̃ malabò niyáng paning̃ín, yaong pinang̃arap niyáng nakasayang mahabà, nagsasalitâ ng̃ wikàng kastilà at nagpapaypáy ng̃ pamaspás na may mg̃a pintá, na kagaya ng̃ mg̃a anák ng̃ mayaman, ¿yaón ang papasók na alilàng kagagalitan at pagwiwikàan, upang masirà [43]ang kanyáng mg̃a dalirì, upang mákatulog sa kahì’t saang sulok at mágisíng nang walâng patumangâ?
Ang matandâ’y walâng humpáy sa kaiiyák, sinásabisabíng siya’y magbibigtí at magpapakamatáy sa gutom.
—Kung áalís ka—ang sabi—ay babalík akó sa gubat at hindî na akó tútuntóng ng̃ bayan.
Pinapayuhan siyá ni Hulî na kinakailang̃ang makabalík ang amá, at pag nanalo ang usapín ay madalî siyáng matutubós sa pagkaalilà.
Dinaang malungkót ang gabíng yaon; alín man sa dalawá ay hindî nakakain at ang matandâ’y nagmatigás na hindî humigâ, at magdamág na naupô na lamang sa isáng sulok, walâng imík, ni kakibôkibô, at hindî man kumikilos. Sa isáng dako namán ay tinangkâ ni Hulî ang matulog, ng̃unì’t malaong hindî nápikít ang mg̃a matá. Nang mapayapà na dahil sa kapalaran ng̃ magulang, ay ang kaniyá namáng kalagayan ang inisip ng̃unì’t tinitimpî ang pag-iyak na walâng humpáy upang huwag máding̃íg ng̃ matandâ. Sa kinabukasan ay alilà na siyá, at yaón pá namán ang araw na karaniwang idatíng ni Basilio na galing sa Maynilà’t may daláng handóg sa kanyá.... Dapat na niyáng limutin ang pag-irog na iyon; si Basilio, na dî malalao’t magiging manggagamot, ay hindî maaarìng mag-asawa sa isáng maralitâ.... At nákikiníkinitá niyá na tumutung̃o sa simbahang kasama ng̃ pinakamayaman at pinakamagandáng dalaga sa bayan, na kapuwâ silá gayák na gayák, maliligaya at kapuwâ nang̃akang̃itî, samantalang siyá, si Hulî, ay súsunódsunód sa kaniyáng pang̃inoon at ang dalá’y nobena, hitsó at durâan. Pagsapit sa dakong itó’y nakáramdám siyá ng̃ isáng paghihigpít ng̃ lalamunan, isáng pataw na malakí sa pusò at hiníhing̃î niyá sa Birhen na mamatáy na muna siyá bago mámalas ang gayón.
—Datapwâ’t—aniyá sa sariling budhî—málalaman niyá na pinilì ko pá ang akó na ang másanglâ kay sa masanglâ ang agnós na bigáy niyá sa akin.
Ang pagkukuròng itó’y nakapagpalubág ng̃ kauntî sa kaniyáng samâ ng̃ loob at nagpang̃aráp na siyá ng̃ sarìsarì. ¿Sino ang makapagsasabi? maaarìng mangyari ang kababalagháng makakuha siya ng̃ dalawáng daán at limáng pûng piso sa ilalim ng̃ larawan ng̃ Birhen; marami na siyáng nábasang [44]kababalaghán na gayón ang pangyayari! Maaarìng huwag sumilang ang araw at samantalà’y mapanalo ang usap bago mag-umaga. Maaarìng makabalík ang kaniyáng amá; makapupulot siya sa bakuran ng̃ isáng gusì, ang mg̃a tulisán ang siyáng may padalá sa kaniyá ng̃ gusì; ang kura, si P. Camorra na nagbíbirô sa kaniyáng parati, ay mangyayaring dumatíng na kasama ng̃ mg̃a tulisán.... lumalaon lumalaon ay untî-untîng naguguló ang kaniyáng mg̃a pag-íisip hanggáng, sa, dahil sa pagkapatâ at pagdadalamhatì ay nákatulog, na pinapang̃arap ang kaniyáng kabatàan doon sa gitnâ ng̃ kagubatan: siyá’y naliligò sa batis na kasama ang dalawá niyáng kapatíd, may mg̃a isdâng sarìsarì ang kulay na napahuhuling warì’y tang̃á, at nayayamót siyá sapagkâ’t hindî siyá masiyahang loob sa panghuhuli niyóng mg̃a isdâng nápakaamò: si Basilio ay nasa ilalim ng̃ tubig, ng̃unì’t hindî niyá maalaman kung bakit ang mukhâ ni Basilio ay ang sa kaniyáng kapatíd na si Tanò. Silá’y minamatyagán mulâ sa pangpáng ng̃ kaniyáng bagong pinaglilingkuráng babai.
Dumatíng si Basilio sa San Diego ng̃ mg̃a sandalíng inililibot ang prusisión sa mg̃a lansang̃an ng̃ bayan. Siyá’y nabalam ng̃ iláng oras sa kaniyáng lakad sapagkâ’t náhuli ng̃ guardia sibil ang kotsero na nakalimot magtagláy ng̃ sédula personal at dinalá sa kuartel upang iharáp sa comandante, matapos mabigyán ng̃ iláng halibas ng̃ kulata.
Mulîng napigil ang kalesa upang paraanin muna ang prusisión at ang kotserong nábugbóg ay nag-alís ng̃ sombrero at nagdasál ng̃ isáng Amá namin sa pagdaraan ng̃ isáng larawan, ng̃ isáng bantóg na banál mandín, na nasa andás. Anyông matandâng may mahabàng misáy na nakaupô sa gilid ng̃ isáng hukay na nasa ilalim ng̃ isáng punòng may sarìsarìng pinatuyông ibon. Isáng kalán na may isáng palayók, isáng lusonglusung̃an at isáng kalikut na pandurog ng̃ hitsó ang kaniyáng mg̃a tang̃ìng kasangkapan, warìng upang ipakilala na ang matandâ ay naninirahan sa gilid ng̃ libing̃an at doon linulutò ang kaniyáng pagkain. Iyón ay si Matusalem, [45]ayon sa pananampalataya sa Pilipinas; ang kaniyáng kasama at marahil ay kapanahóng taga Europa ay si Noel ng̃unì’t may matalagháy at masayáng anyô, kay sa kay Matusalem.
—Nang kapanahunan ng̃ mg̃a banál—ang hakàhakà sa sarili ng̃ kotsero—marahil ay walâng guardia sibil, sapagkâ’t kung mayroon, ay hindî silá mabubuhay ng̃ malaon dahil sa pang̃ung̃ulata.
Makaraán ang matandâ ay sumunód ang tatlóng Harìng Mago na nang̃akasakáy sa mg̃a kabayong tátalóntalón, lalònglalò na ang sa maitím na harìng Melchor na warìng ibig sagasàin ang kaniyáng mg̃a kasama.
—Walâ, walâ ng̃âng guardia sibil noon—ang patuloy ng̃ kotsero na kinaíinggitán sa sarili ang mg̃a maliligayang kapanahunang iyon,—sapagkâ’t kung mayroon ay nádalá na sa bilanggùan ang maitím na iyan na naglílilikót sa piling niyáng dalawáng kastilà (si Gaspar at si Baltazar).
Ng̃unì’t sa dahilang nápuna niyá na ang maitím ay may korona at harì ding kagaya ng̃ dalawáng kastilà, ay sumaisip niyá ang harì ng̃ mg̃a tagalog at nagbuntónghining̃á.
—¿Alám pô ba ninyó—ang magalang na tanóng kay Basilio—kung ang paang kanan ay nakakalág na?
Ipinaulit ni Basilio ang katanung̃an.
—¿Paang kanan nino?
—¡Nang harì!—ang sagót na maraha’t malihim ng̃ kotsero.
—¿Sinong harì?
—Ang harì natin, ang harì ng̃ mg̃a tagalog....
Si Basilio ay ng̃umitî at ikinibít ang balikat.
Mulîng nagbuntonghining̃á ang kotsero. Ang mg̃a tagá bukid ay may isáng alamát na, ang kaniláng harì umanó na nakúkulong at nakatanikalâ sa yung̃íb ng̃ San Mateo, ay dárating isáng araw at sila’y palalayàin. Bawà’t isáng daang taón ay napápatíd ang isá niyáng tanikalâ, kayâ’t nakakawalâ na ang mg̃a kamáy at paang kaliwâ: walâ nang nátitirá kundî ang paang kanan. Kung nagpúpumiglás ó gumágaláw ang harìng itó ay nagigíng sanhî ng̃ paglindól at pang̃ing̃iníg ng̃ lupà; nápakalakás, kayâ’t ináabután siyá ng̃ isáng butó, na nadudurog sa kaniyáng pisíl, ng̃ sino mang nakikipagkamáy. Tinatawag siyáng Bernardo ng̃ mg̃a tagalog, [46]nang hindî maalaman kung bakit, marahil ay pinagkakamaláng siyá ang Bernardo del Carpio.
—Pag nakakalág na ang paang kanan—ang bulóng ng̃ kotsero na tinimpî ang isáng buntónghining̃á—ay ibíbigay ko sa kaniyá ang aking mg̃a kabayo, paglilingkurán ko siyá at magpapakamatáy na akó ng̃ dahil sa kaniyá.... Ililigtas niyá kamí sa mg̃a guardia sibil.
At sinundán ng̃ may hapis na ting̃ín ang tatlóng harìng lumálayô na.
Sumúsunód ang dalawáng hanay na batàng malulungkót, mg̃a walâng katawatawa, na warìng pinilit lamang. Ang ilán ay may daláng huepe at ang ibá ay kandilà, at ang ibá ay paról na papel na may tukod na kawayan, at nang̃agtitilìan sa pagdarasál ng̃ rosario, na, warìng may kaaway. Sumúsunod si San José na nasa marálitâng andás, na ang anyô ay malungkót at pakumbabâ at ang tungkód ay may bulaklák ng̃ asusena, sa gitnâ ng̃ dalawáng guardia sibil na warì nakáhuli sa kaniyá: sakâ pá lamang natahô ng̃ kotsero kung bakit gayón ang anyô ng̃ santó. Dahil sa siya’y nagulumihanan sa pagkakakita sa guardia sibil ó kayâ’y dahil sa walâ siyáng paggalang sa santóng may gayóng kaakbáy, ay hindî nagdasál ng̃ kahit isáng requiem eternam man lamang. Sa likurán ng̃ San José ay sumúsunód ang mg̃a batàng babaing umiilaw na nang̃akatalukbóng ng̃ panyông nakabuhól sa ilalim ng̃ babà, nagdadasál din ng̃ rosario, ng̃unì’t hindî lamang kasinglakás ng̃ mg̃a batàng lalaki. Sa gitnâ’y ilán ang may hilahilang mumuntîng konehong papel, na ang buntót na papel ding ginupít ay nakataás at naiílawan ng̃ isáng muntîng kandilàng pulá. Dumádaló ang mg̃a batà na dalá ang mg̃a laruáng iyón upang sumayá ang prusisión. At ang mg̃a hayúphayupang matatabâ’t mabibilog na warì itlóg ay masasayá mandín kayâ’t nápapalundág, napapagiwang, nabubuwal at nasusunog; lalapitan ng̃ may arì upang patayín ang lágabláb, hihip dito, hihip doon, mapapatáy ang ding̃as sa kápapalò at kung minsán ay umiiyák, pag nákitang sirâsirâ ang laruán. Malungkót na nápupuná ng̃ kotsero na umuuntî sa taón taón ang lahì ng̃ mg̃a hayop na papel, na warìng násasalot ding kagaya ng̃ mg̃a buháy na hayop. Naalaala niyá, siyá, ang binugbóg na si Sinong, ang kaniyáng dalawáng magagandáng kabayo, na upang máilayô sa pagkakahawa sa sakít, ay pinaggugulan niyá ng̃ sampûng [47]piso upang benditahin, alinsunod sa hatol ng̃ kura—yaon ang pinakamabuting panglaban sa episootia na natagpuán ng̃ kura at ng̃ Pamahalàan—ng̃unì’t gayón man, ay nang̃amatáy din. Datapwâ’y kinakalamay niyá ang sarili, sapagkâ’t matapos máwisikán ng̃ agua bendita, matapos ang mg̃a latín ng̃ parì at mg̃a ceremonias, ay nagtagláy ng̃ ugalìng pagmamataás ang mg̃a kabayo, nang̃agmalakí na, ayaw pasingkáw, at sa dahiláng siyá’y mabuting kristiano ay hindî niyá mapalò, sapagkâ’t sinabi sa kaniyá ng̃ isáng Hermano tercero na benditado ang mg̃a kabayong iyón.
Ang panghulí ng̃ prusisión ay ang Birhen, suot “Divina Pastora” na may sombrerong ayos frondeuse na may malapad na pardilyas at mahahabàng pakpák ng̃ ibon upang ipakilala ang paglalakbáy sa Jerusalem. At upang maipahiwatig ang pang̃ang̃anák, ay ipinag-utos ng̃ kura na patambukin ang tiyan at lagyán ng̃ mg̃a basahan at bulak sa ilalim ng̃ saya, upang walâng mag-alinlang̃an sa kaniyáng kalagayan. Ang Birhen ay isáng magandáng larawan, na may anyông hapís, na kagaya ng̃ lahát ng̃ larawang gawâ ng̃ mg̃a pilipino, ayos na nahihiyâ dahil sa ginawâ sa kaniyá marahil ng̃ P. Kura. Sa dakong harapán ay may iláng kantores at sa likurán ay iláng músiko at ang mg̃a kaukuláng guardia sibil. Gaya ng̃ maaantáy ay hindî kasama ang kura, matapos ang kaniyáng ginawâ: nang taóng iyón ay masamâ ang loob, sa dahiláng kinailang̃an niyáng gamitin ang boô niyáng katalinuhan at pananalitâng pasilòsilò upang ang mg̃a taong bayan ay magbayad ng̃ tatlóng pûng piso sa bawà’t isáng “misa de aguinaldo” at hindî dalawang pû na gaya nang dating halagá.
—Nagiging pilibustero kayó—ang sabi.
Lubhâng natutubigan marahil ang kotsero dahil sa mg̃a bagay na napagkitá sa prusision, sapagkâ’t nang makaraán itó at nang ipag-utos ni Basilio na magpatuloy, ay hindî nápuná na ang ilaw ng̃ paról ng̃ karomata ay namatáy. Sa isáng dako namán ay hindî rin nápuna ni Basilio sapagkâ’t nalilibáng sa pagmamasíd sa mg̃a bahay na naiilawan, sa loob at labás, ng̃ mg̃a paról na papel na maiinam ang ayos at ibá’t ibá ang kulay, mg̃a bituwing nalilibid ng̃ bilog na may mahahabàng palabuntót, na pag náhipan ng̃ hang̃in ay naglalagaslasan, at mg̃a isdâng ang ulo’t buntót ay gumágaláw, na may baso ng̃ ilaw sa loob, na pawàng nakasabit sa balisbisan [48]ng̃ bahay at siyáng nagbibigáy nang anyông masayá. Namamasdán ni Basilio na ang mg̃a pag-iilaw ay umuuntî rin, na ang mg̃a bitwín ay nawawalâ, na nang nakaraang taón ay kakauntî na ang mg̃a palamutì at palawít, at nang taóng itó ay lalò pa manding kauntì kay sa nakaraán.... Bahagyâ ng̃ nagkaroon ng̃ músika sa lansang̃an, ang masasayáng galawan sa mg̃a kúsinàan ay hindî na námamalas sa lahát ng̃ bahay at ang gayón ay sinapantahà ng̃ bagong tao na alinsunod sa kasamaán ng̃ panahón, ang asukal ay matumal, ang ani ng̃ palay ay nasirà, nang̃amatáy ang mahigít sa kalahatì ng̃ mg̃a hayop at ang mg̃a buwís ay tumátaás, nádadagdagán nang dî maalaman kung bakit at sa anóng dahil, samantalang naglalalò namán ang pamamasláng ng̃ guardia sibil na siyáng pumápatáy sa kasayahan ng̃ mg̃a bayan.
Itó pá namán ang kaniyáng iniísip nang máding̃íg ang isáng ¡alto! na nagumugong. Kasalukuyang nagdáraán silá sa harapán ng̃ kuartel at nápuná ng̃ isáng bantáy na patáy ang tangláw ng̃ kalesa at ang bagay na iyón ay hindî dapat manatili. Sunód-sunód na mura ang tinanggáp ng̃ kaawàawàng kotsero na nagsabing ang kadahilanan noon ay ang kahabàan ng̃ prusisión, at sa dahiláng pipiitin at ilalathalà sa mg̃a pahayagan, sapagkâ’t lumabág sa ipinag-uutos ay lumunsád sa sasakyán ang ayaw ng̃ basagulo at mahinahong si Basilio at ipinatuloy ang lakad na pasán ang kaniyáng takbá.
Yaón ang San Diego, ang kaniyáng bayan, na walâ man siyá ni isáng kamag-anak......
Ang tang̃ìng bahay na nákita niyáng masayá ay ang kay kapitáng Basilio. Ang mg̃a tandáng at mg̃a inahín ay nag-iiyukan, na sinásaliwán ng̃ mg̃a tunóg ng̃ warì nagtátadtád ng̃ karné sa sangkalan at ng̃ sagitsít ng̃ mantikà sa kawalì. May handâ sa bahay at umaabot sa lansang̃an ang maminsan minsáng simoy na may halòng amóy ng̃ ginisá.
Sa entresuelo ay nákita ni Basilio si Sinang, na pandák ding gaya ng̃ mákilala ng̃ aming mangbabasa, kahit tumabâ at lalò pang bumilog sapol ng̃ magka-asawa. At siya’y nápamanghâ nang makitang kausap ni kapitáng Basilio, ng̃ Kura at ng̃ alperes ng̃ guardia sibil ang mag-aalahás na si Simoun na may salamíng asúl sa matá at kilos malayà ring gaya ng̃ dati.
[49]—Yarì na, ginoong Simoun,—ang sabi ni kapitáng Basilio—tutung̃o kamí sa Tiani upang tingnán ang inyóng mg̃a hiyás.
—Akó ma’y paparoon din—anáng alperes—sapagkâ’t kailang̃an ko ang isáng tanikalâ sa relos, ng̃unì’t mayroon akóng maraming gawàin.... Kung iibigin sana ni kapitáng Basilio na siyá na ang mamanihalà....
Malugód na sumang-ayon si kapitáng Basilio at sa dahiláng ibig niyáng mákasundô ang militar upang huwag siyáng magambalà, sa paggambalà sa kaniyáng mg̃a tao, ay ayaw tanggapín ang halagáng pinagpipilitang dukutin ng̃ alperes sa bulsá.
—¡Iyon na ang aking pamaskó!
—¡Hindî ko mapapayagan, kapitán, hindî ko mapapayagan!
—¡Siyá, siyá! ¡Sakâ na tayo magtuós sa hulí!—ang sabing mapagparayà ni kapitáng Basilio.
Ang Kura man ay nang̃ang̃ailang̃an din ng̃ hikaw at ipinagbilin sa kapitán na ipakibilí na siyá.
—Ang ibig ko ay yaóng mabuti. Sakâ na tayo magtuós.
—Huwag kayóng mag-alaala P. Kura,—ang sabi niyá, na ibig díng mákasundô ang nasa dako ng̃ simbahan.
Isáng patibay na masamâ ng̃ kura ay ikagagambalà niyá ng̃ malakí at ibayo pá ang magugugol: ang hikaw na iyón ay isáng sápilitáng handóg. Samantala namá’y pinupuri ni Simoun ang kaniyáng mg̃a hiyás.
—¡Nakágugulat ang taong itó!,—ang sabi sa sarili ni Basilio—sa lahát ng̃ pook ay nakapang̃ang̃alakal.... At kung paniniwalàan natin ang ilán, ay biníbilí niyá sa iláng ginoo, sa muntîng halagá, ang mg̃a ipinagbilí din niyáng hiyás upang ipang-alay.... ¡Ang lahát ay nakapang̃ang̃alakal sa Sangkapulùang itó; kamí lamang ang tang̃ìng hindî!
At nagpatuloy sa kaniyáng bahay, sa bahay ni kapitáng Tiago, na tinátahanán ng̃ isáng katiwalà. Ináantay siyá, upang balitàan, ng̃ katiwalà na may malakíng paggalang sa kaniyá mulâ noong mákita siyáng bumúbusbós na warìng inahíng manók lamang ang iníiwàan. Ang dalawáng manggagawà ay nápipiít, ang isá’y mátatápon sana sa malayòng bayan.... namatáy ang iláng kalabáw.
[50]—¡Ang dati rin, matatandâng balità!—ang may yamót na putol ni Basilio—¡Kailan pá man ay ganyán ang pasalubong ninyó sa akin!
Ang binatà’y hindî ganid, ng̃unì’t sa dahiláng madalás siyang mákagalitan ni kapitáng Tiago, ay iginagantí namán niyá sa kaniyáng mg̃a napag-uutusan. Ang matandâ’y nag-apuháp ng̃ bagong balità.
—¡Namatáy ang isá nating mangsasaka, ang matandâng bantáy sa gubat, at hindî pumayag ang kura na málibíng ng̃ libíng mahirap, sapagkâ’t mayaman daw ang pang̃inoon!
—¿At sa anó namatáy?
—¡Sa katandaán na!
—¡Ba, namatáy sa katandaán? Kung namatáy ng̃ dahil sa isáng sakít man lamang sana!
Ang ibig ni Basilio ay may sakít, dahil sa kaniyáng hang̃ád na makagawâ ng̃ “autopsia”.
—¿Walâ na bagá kayóng maibabalità sa aking bagong bagay? Nawawalán tulóy akó ng̃ gana sa pagkain dahil sa pagbabalità ng̃ mg̃a bagay na gaya rin ng̃ dati. ¿May balità bagá kayóng ukol sa Sapang?
Isinalaysáy ng̃ matandâ ang pagkakabihag kay kabisang Tales. Si Basilio ay napahintông nágmumunimuní at hindî umimík. Hindî na nakakain.
Nang ang mg̃a kampanà’y nagrerepike na, dahil sa misa sa hatìng gabí, at nang ang mg̃a may ibig pa sa mahimbíng na pagtulog kay sa mg̃a kapistahan ay nágigisíng at bumúbulóng bulóng dahil sa kaing̃ayan, ay dahandahang pumanaog si Basilio at nagpaligid ng̃ makalawá ó makaitló sa iláng lansang̃an, at nang matunayang walâng sumúsunód at nakababatyág sa kanyá ay nagliglig sa mg̃a landás na dî pinagdaraanan ng̃ maraming tao at tinung̃o ang dating gubatán ng̃ mg̃a Ibarra, na nábilî ni kapitáng Tiago, nang inangkíng at ipinagbilí ng̃ Pamahalàan ang mg̃a pag-aarì noón.
Sa dahiláng ang Paskó ng̃ Pang̃ang̃anák sa taóng yaón ay nátamà sa pagliít ng̃ buwan ay laganap doón ang kadilimán. Ang [51]pagrerepike ay humintô at ang mg̃a tugtóg na lamang ang nádiding̃íg sa katahimikan ng̃ gabí, sa gitnâ ng̃ lagaslás ng̃ mg̃a dahong pinagagaláw ng̃ simuy at mg̃a dagundóng ng̃ alon ng̃ kalapít na lawà, na warì’y hilík ng̃ kadalagahang nálululong sa isáng mahimbíng na pagtulog.
Ang binatà ay patung̃óng lumalakad na warìng ibig makaaninag sa gitnâ ng̃ kadilimán, may guniguní siyáng tagláy dahil sa poók at mg̃a sandalîng iyon. Maminsanminsa’y itinátaás ang ulo upang tanawín ang mg̃a bituwin sa pag-itan ng̃ mg̃a dahong matataás ng̃ kakahuyan, at pagkatapos ay ipinagpapatuloy ang lakad na hinahawì ang mg̃a sang̃á at siít na nakasasagabal sa kaniyá. Kung minsán ay bumabalík sa pinanggaling̃an, ang kaniyáng mg̃a paa’y násasalabíd sa isáng punòng maliit, másasagasà sa isáng ugát na nakalabás sa lupà ó sa isáng sang̃áng baklî. Nang makaraán ang kalahatìng oras ay nakaratíng sa isáng muntîng batis na sa kabiláng pangpang ay may isáng warì bundókbundukan, na sa gitnâ ng̃ kadilimán ay nagaanyông malakíng bundók. Tinawíd ni Basilio ang sapà sa tulong ng̃ pagpapalungdáglundág sa mg̃a bató na namumukód sa kaitimán sa ibabaw ng̃ kináng ng̃ tubig, umakyát sa bundókbundukan at tinung̃o ang isáng muntîng pook na nakukulóng ng̃ matandâ’t sirasirâng muog. Tinung̃o ang punò ng̃ balitìng malakí, mahiwaga, matandâ, (na binubuô halos ng̃ mg̃a ugát na pataás at paibabâ na warì mg̃a sang̃áng nang̃agkasalásalabíd) na nakatayô sa kalagitnáan.
Humintô sa piling ng̃ isáng buntón ng̃ bató, nag-alís ng̃ sombrero at warìng nanalang̃in. Yaón ang libing̃an ng̃ kaniyáng Iná, at ang unang dinadalaw niyá ay ang libing̃ang iyóng walâng nakababatíd, walâng nakamamalay. Sa dahiláng sa kinabukasan ay dadalaw sa mag-aanak ni kabisang Tales, ay sinamantalá niyá ang gabíng yaón upang gumanáp sa gayóng kautang̃án.
Naupô sa isáng bató at warìng nag-iisíp. Sumipót sa kanyáng pagbubulaybulay ang mg̃a panahóng nakaraán na warìng isáng maitîm at mahabàng badhâ na mapulápulá sa simulâ, matapos ay nakapang̃ing̃ilabot, may bahid na dugô, at sa hulí’y maitím, maitím, abuhíng malinaw at untîuntîng lumiliwanag. Ang dakong dulo ay hindî mámalas sapagkâ’t nákakanlóng sa isáng ulap na nagbabanaag ng̃ liwanag at pagbubukáng liwaywáy......
[52]May labíng tatlóng taón nang ganáp na ganáp na namatáy doón ang kanyáng iná, sa gitnâ ng̃ karalitàan, nang isáng magandáng gabí na ang buwan ay maliwanag at ang mg̃a kristiano sa bóong mundó ay naggagalák. Sugatín at pípiláy-piláy siyáng nakaratíng doon sa pagsunód sa kanyáng iná, at itó namán ay balíw at lipus katakutang lumalayô na warì’y anino sa kaniyáng anák. Doón namatáy; dumatíng ang isáng taong hindî niyá kilalá at ipinag-utos sa kanyáng magbuntón ng̃ kahoy, biglâ siyáng umalinsunod at ng̃ siyà’y bumalík ay isá pang hindî rin kilalá ang nátagpûán sa piling ng̃ bangkáy ng̃ una. ¡Anóng araw at gabí iyon! Tinulung̃an siyá noóng taong hindî kilalá sa pagbubuntón ng̃ kahoy na pinagsunugan sa bangkáy ng̃ lalaki, hinukay ang pinagbaunan sa kanyáng iná at matapos abután siya ng̃ kauntîng kuwalta ay ipinag-utos sa kaniyáng umalís sa pook na iyon. Noon lamang niyá nákita ang lalaking iyon; matangkád, mapupulá ang matá, mapuputlâ ang labì, matang̃os ang ilóng....
Ulila ng̃ lubós, walâng magulang at kapatíd, ay iniwan niyá ang bayang iyon na mayroong mg̃a may kapangyarihang kinasisindakán niyá at tumung̃o sa Maynilà upang pumasok na alilà sa isáng mayaman at mag-aral, na gaya ng̃ ginagawâ ng̃ ilán. Ang kaniyáng paglalakbáy ay isáng paglalagalág, punô ng̃ pagpupuyát at pag-aagam-agam, na ang gutom ay inaalintana. Ang ipinangtatawíd kagutuman niyá ay mg̃a bung̃ang kahoy ng̃ mg̃a kagubatang kaniyáng pinagtatagùan kailan ma’t nakakatanáw ng̃ suot guardia sibil, kasuotang nakapagpapaalaala ng̃ pinagbuhatan ng̃ kaniyáng mg̃a kasawîán. Nang nasa sa Maynilà na siyá, gulágulanít ang damít at may sakít pá ay dumulóg sa mg̃a baháybaháy at pumapasok na alilà. ¡Isáng batàng taga lalawigan na hindî marunong ng̃ ano mang wikàng kastilà at masasaktín pá! ¡Walâng pag-asa, dayukdók at hapís na gumalàgalà sa mg̃a lansang̃an na nápupuna ng̃ mg̃a táo dahil sa ayos na karumaldumal ng̃ kaniyang damít! ¡Makáilang tinangkâ ang payurak na sa mg̃a kabayo, na nang̃agdaraáng parang kidlát na hila ang mg̃a sasakyáng nagkikinang̃an sa pilak at barnís, upang matapos na ang kaniyáng mg̃a paghihirap! Salamat at nakitang nagdaán si kapitáng Tiago na kasama si tia Isabel; kilalá niyá ang mg̃a taong iyón mulâ sa San Diego at sa kaniyáng kagalakán ay inakalàng warì mg̃a kababayan níyáng mistulà. [53]Sinundan ang karuahe, nawalâ sa kaniyáng paning̃ín, ipinagtanóng ang bahay, at sa dahiláng noóng araw na iyón pumasok si María Clara sa kombento at si kapitáng Tiago ay nalulungkót, ay nátanggáp siyáng alilà, na walâng upa, ng̃unì’t sa isáng dako namán ay may pahintulot siyáng makapag-aral, kung kailán niyá ibig, sa San Juan de Letrán.
Nang may iláng buwan na siyá sa Maynilà ay pumasok sa “primer año” sa latín, kahì’t nanglilimahid, masamâ ang bihis at nakabakyâ. Nang mákita ng̃ mg̃a kasamahán ang kaniyáng gayák ay lumayô sa kanyá, at hindî siyá kinatung̃o kailan man ng̃ katedrátiko, isáng dominikong magandáng lalaki, subalì pa ng̃â’t ikinúkunót ang noó kung siya’y mákita. Ang mg̃a tang̃ìng salitâ na nágamit ng̃ dalawá sa loób ng̃ walóng buwáng pasukán ay ang pagbanggít ng̃ pang̃alan sa pagbasa ng̃ talàan at ang sagót na adsum na itinútugón sa araw-araw ng̃ nag-aaral. ¡Gaanóng kapaitan ang linálagók niyá sa tuwîng paglabás sa klase at ng̃ mahulàan ang sanhî ng̃ inaasal sa kanyá ay gaanong luhà ang namulás sa kaniyáng mg̃a matá at gaanong hinanakít at daíng ang sumisilakbó’t iniinís sa kaniyáng pusò! ¡Gayón na lamang ang kaniyáng iyák at paghihinagpís sa ibabaw ng̃ libing̃an ng̃ kaniyáng iná na pinagsasabihan ng̃ mg̃a lihim niyang sákit, kahihiyan at kaapihán, ng̃ siyá’y ipagsama ni kapitáng Tiago sa San Diego ng̃ magpapaskó! Gayón man ay isinasaulo niyáng buongbuô ang lisyón kahì’t marami ang hindî niyá natatarók! Ng̃unì’t tumiwasáy siyá sa hulí, ng̃ mákitang sa tatló ó apat na raáng kasama niyá ay may apat na pû lamang ang nátatanóng sapagkâ’t nápuna silá ng̃ parìng nagtuturò dahil sa kiyas, ó kayâ’y dahil sa isáng kalikután, ó kayâ’y dahil sa kinalugdán, ó kayâ’y dahil sa ibá pang sanhî. Sa isáng dako namán ay nagagalák sa gayón ang marami sa nag-aaral sapagkâ’t hindî na silá mag-iisíp at magninilay.
—Pumapasok sa colegio hindî upang mag-aral kun dì upang makaraán sa paglilitis, at kung naaarìng maisaulo ang aklát ¿anó pá ang mahihing̃î? naaarìng tapusin din namán ang pinag-aaralan sa sangtaóng pagpasok.
Si Basilio ay nakaraán sa paglilitis dahil sa pagsagót sa tang̃ìng katanung̃ang ginawâ sa kaniyá, ng̃unì’t parang mákina, walâng hintô’t walâng kahing̃áhing̃á, at ang tinamó ay “aprobado” sa gitnâ ng̃ tawanan ng̃ mg̃a lumilitis. Ang [54]kaniyáng siyam na kasama (sampûsampû kung litisin upang matapos agád) ay hindî nagtamó ng̃ gayon, kayâ’t nang̃atakdâáng ulitin ang sangtaón pagkadung̃ô.
Nang siya’y nasa pang̃alawáng taón ay binigyán siya ng̃ mabuting pabuyà ni kapitáng Tiago, sapagkâ’t nanalo ang manók niyang ináalagàan, at ibinilí niya agád ng̃ sapatos at sombrerong pieltro. Dahil sa kanyáng binilí at sa mg̃a damít na ibinigáy sa kaniyá ng̃ kaniyáng pang̃inoón, na tinatabas niyáng mulî at isinusukat sa sariling katawán, ay bumutíbutí ang kaniyáng ayos, ng̃unì’t hanggáng doón na lamang namán. Sa isáng clase na marami ang pumapasok ay lubhâng mahirap na mápuna ng̃ gurô ang isáng batà, at ang nag-aaral na sa una pang taón ay hindî nápatampók dahil sa katang̃ìan ó kayâ’y hindî kinalugdán ng̃ nagtuturò ay mahirap nang mápuna sa boô niyáng pag-aaral. Gayon man ay nagpatuloy din siyá, dahil sa isá na sa kaniyang hilig ang pagkamatiyagâ.
Warìng nagbago ng̃ kauntî ang kaniyáng kalagayan ng̃ pumasok sa pang̃atlóng taón. Ang nagíng gurô niyá ay isáng dominikong masayá, palabirô at mapagpatawá sa mg̃a tinuturùan, nápakatamád, sapagkâ’t karaniwang ang pinapagsasalaysay ng̃ katuturán ng̃ lisyón ay ang kaniyáng mg̃a itinatang̃ì lamang; kung sa bagay ay nasisiyahán na sa kahì’t anó. Nang panahóng iyón ay gumagamit na si Basilio ng̃ sapatos at mg̃a baròng malinis at pinirinsá. Sa dahiláng nápuna ng̃ propesor na hindî siyá matatawanín at namatyagán sa kaniyáng mg̃a matáng hapís at malalakí ang tila pagtatanóng, ay ipinalagáy siyáng balíw at isáng araw ay tinangkâng gipitín siyá sa pagtatanóng ng̃ lisyón. Sinagót ni Basilio ng̃ mulâ sa punò hanggáng dulo na walâng kagatól-gatól sa isá mang f; tinawag siyáng bubutok ng̃ gurô, nagsalaysáy ng̃ isáng bagay na ikinátawá ng̃ boông klase, at upang maglalò ang halakhakan at matibayan ang pagkakapang̃alan ay tinanóng pa siyá ng̃ iláng tanóng na kasabáy ang pagkindát sa mg̃a minámabuti, na ang ibig sabihin ay:
—“Tingnán ninyó’t masasayahán tayo.”
Noón ay marunong na ng̃ wikàng kastilà si Basilio at nakasagót nang walâng nakatawa. Ang bagay na iyón ay isinamâ ng̃ loób ng̃ lahát, ang inaantáy na kamalìan ay hindî sumipót, walâng nápatawá at ang pangyayaring iyón ay [55]hindî naipatawad sa kaniyá ng̃ mabuting praile, sapagkâ’t sinirà ang pag-asa ng̃ boong klase at pinabulàanan ang hulà. Ng̃unì’t sino ang makahihinalà na lalabás ang anománg bagay na may kabuluhán sa isáng ulong ang buhók ay walâng ayos na nagtátapós sa katawán ng̃ isáng indio na masamâ ang sapatos at kahahalò pá lamang sa kaniya sa mg̃a ibong mapang̃unyapít? At kung sa ibáng paaralán, na may sadyâng pagnanasàng ang mg̃a batà’y matuto, ay nagágalák ang mg̃a nagtuturò kung nakakatagpô ng̃ gayón, sa mg̃a paaralan namáng pinamamahalàan ng̃ mg̃a taong ang lalòng marami’y nananalig na ang matuto ay makasasamâ (kun di man sa lahát ay sa mg̃a nag-aaral) ang nangyari kay Basilio ay hindî minabuti, kayâ’t hindî na siyá nátanóng sa boông taón. ¿Sa ano pa’t tatanung̃ín siyáng mulî kung hindî rin makapagpapatawá sa kang̃ino man?
Masamâ ang loob at may tangkâ nang iwan ang pag-aaral ng̃ nálipat siyá sa ika apat na taón sa latín. ¿Anó pa’t mag-aaral, bakit hindî magtulóg na lamang na gaya ng̃ ibá at umasa na sa isáng pagpapasumalá?
Ang isá sa mg̃a gurô ay lubhâng kilalá, náiibigan ng̃ lahát; kinikilalang marunong, dakilàng makatà at may mg̃a pagkukuròng malayà. Isáng araw na kasama ng̃ mg̃a “colegial” sa paglilibót ay nákagalít ng̃ iláng “cadete”, na, nagíng sanhî muna ng̃ simulâng pag-aaway at pagkatapos ay paghahamunán. Ang parì, na marahil ay naalaala ang kaniyáng mabuting kabatàan, ay nang̃ayag at nang̃akòng bibigyán ng̃ mabuting nota ang sinomang makilahók sa pakikilaban sa linggóng dáratíng. Nagíng masiglá ang boong linggóng yaón: nagkaroon ng̃ pulúpulutóng na paglalabang ginamitan ng̃ sable at tungkód at sa isá’y napatang̃ì si Basilio.
Dinalá siyáng galák na galák ng̃ mg̃a nag-aaral at iniharáp sa propesor; mulâ niyon ay nákilala siyá at kinagiliwan. Dahil sa pangyayaring itó at dahil din namán sa kaniyáng pagsusumigasig sa pag-aaral ay nagtamó siyá ng̃ mg̃a sobresaliente at medalla pá ng̃ taóng iyon. Sa nákitang itó, si kapitáng Tiago, na mulâ nang magmonha ang anák ay may pagkamuhî na sa mg̃a praile, sa isáng sandalîng masayá, ay inudyukán siyang lumipat sa Ateneo Municipal, na noon ay lubhâng nábabantóg.
Isáng bagong mundó ang náhayág sa kaniyáng mg̃a matá, [56]isáng paraan sa pag-aaral na hindî man niyá nahinalà na mákikita sa paaralang iyon. Líban sa iláng bagay na walâng malakíng kabuluhán at iláng bagay na walâng kapararakan ay hinang̃àan ang pátakarang sinusunód doon sa pagtuturò at lubós ang kaniyáng pagkilala ng̃ utang na loob sa pagsusumakit ng̃ mg̃a gurô. Nápapaluhâ siyá kung minsán at naáalaala ang apat na taóng nakaraan na dahil sa kakulang̃án sa mágugugol ay hindî siyá nakapasok doon. Kinailang̃an niyáng gamitin ang lahát ng̃ pagsusumikap upang mapantayán ang nang̃agkaroon ng̃ mabuting pasimulâ at nasabi niyá sa sarili na nang taón lamang na iyón napagaralan niyá ang limáng taón ng̃ “segunda enseñanza”. Dinaan ang bachillerato sa gitnâ ng̃ kagalakán ng̃ kaniyáng mg̃a propesor at sa paglilitis ay ipinagmalakí siyá sa haráp ng̃ mg̃a hahatol na dominiko na pinaparoon upang makibatyág. Upáng mapawì ng̃ bahagyâ ang kagalakán ay tinanóng ang nililitis kung saan nag-aral ng̃ mg̃a unang taón sa latín.
—Sa San Juan de Letrán, Padre—ang sagot ni Basilio.
—¡Ah! Sa latín ay mabuti—ang nakang̃itîng sabi ng̃ dominiko.
Dahil sa kaniyáng hilig at ugalì ay pinilì ang Medicina; ibig sana ni kapitáng Tiago ang Derecho upang magkaroón ng̃ abogadong walâng bayad, ng̃unì’t hindî ang dumunong at makabatíd ng̃ mg̃a kautusán ang kailang̃an lamang upang magkaroón ng̃ ipagtatanggol sa Pilipinas: kailang̃ang magpanaló ng̃ mg̃a usapín at upang itó’y mangyari ay kailang̃ang magkaroon ng̃ maraming kakilala, lakás sa itaás, maraming salitâng pasalisalimuút. Napahinuhod din si kapitáng Tiago sapagká’t naalaalang ang mg̃a nag-aaral ng̃ Medicina ay naglalamuták ng̃ patáy; malaon nang humahanap siyá ng̃ isáng lason na ipangsusubó sa tarì ng̃ kaniyáng mg̃a manók at ang pinakamabuting nálalaman niyá ay ang dugô ng̃ isáng insík na namatáy dahil sa sakít na sípilis.
Gaya rin ng̃ dating pagsusumigasig, ó higít pá kung mangyayari, dinaán ng̃ binatà ang mg̃a taóng pag-aaral ng̃ “facultad”, at mulâ pa sa ikatlóng taón ay nanggamót na siya, na pinalad namán, bagay na hindî lamang pagsisimulâ ng̃ isáng magandáng háharapín kundî nagbibigáy din namán sa kaniyá ng̃ sapát na gúgugulin upang makapagbihis ng̃ mainám-inám at makapag-ipon pá ng̃ kauntî.
[57]Ang taóng itó’y siyáng hulíng taón ng̃ kaniyáng pag-aaral at sa loób ng̃ dalawáng buwan na lamang ay “médico” na siyá, uuwî na sa kaniyáng bayan, pakákasal kay Juliana at mamumúhay siláng maligaya. Ang pagtatamó niyá ng̃ “licenciatura” ay hindî lamang tiwasáy niyáng ináantáy kun dî ináasahan pá niyáng magigíng maningníng na pinakaputong ng̃ kaniyáng kabuhayan sa pag-aaral. Siyá ang nátakdâáng bibigkás ng̃ talumpatìng pagpapasalamat sa pagsusuót ng̃ “muceta”, at nákikiníkinitá na niyáng siyá’y nasa gitnâ ng̃ Paraninfo, sa haráp ng̃ lahát ng̃ nang̃agtuturò, at siyá ang pinagtiting̃inanan at pinakikinggan ng̃ madlâ. Lahát ng̃ ulong iyón na bantóg sa karunung̃an sa Maynilà na nang̃akalubóg halos sa kaniláng mg̃a muceta na ibá’t ibáng kulay, ang lahát ng̃ babaing dumaló dahil sa hang̃ád na makapanoód lamang, na noóng mg̃a taóng nakaraán ay hindî mán siyá nápuna, kundî mán nátingnan siyá na may pagwawalâng bahalà, ang lahát ng̃ kaginoóhang iyón na noóng siyá’y batà ay kauntî ng̃ pagulung̃an siyá sa karuaheng sinásakyan sa gitnâ ng̃ lusakán na warì áso lamang, sa mg̃a sandalíng iyón ay siyá ang pakikinggan, at ang mg̃a tuturan namán niyá ay mg̃a maiínam na bagay, yaóng hindî pá nádiding̃íg sa poók na iyón; lilimutin ang sarili upang alalahanin ang mg̃a kaawàawàng mag-aaral sa haharapín, at siyá’y papasok sa sosyedad sa pamagitan ng̃ talumpatìng yaón.
Ang mg̃a bagay na ito’y siyáng náiísip ni Basilio ng̃ dumalaw sa libing̃an ng̃ kaniyáng iná. Bábalík na siyá sa bayan, ng̃ tila nakábanaág ng̃ liwanag sa loób ng̃ kakahuyan at nakading̃íg ng̃ lagitlít ng̃ mg̃a sang̃á, yabág ng̃ paa at lagaslás ng̃ dahon...... Ang ilaw ay nawalâ, ng̃uni’t ang yabág ay untî-untîng lumálapít at nákita niyá ang isáng anino sa gitnâ ng̃ poók na iyón at ang tinutung̃o ay ang kaniyáng kinalalagyán.
Si Basilio ay sadyáng hindî mapamahîin at lalò na ng̃â ng̃ makabiyák na siyá ng̃ maraming bangkáy ng̃ tao at nakapang̃alagà sa dî kakauntîng naghihing̃alô: ng̃unì’t ang matatandâng [58]alamát na ukol sa nakapang̃íng̃ilabot na poók na iyón, ang oras ng̃ gabí, ang kadilimán, ang malungkót na simoy, at ang mg̃a iláng kasaysayang nápakinggán nang siya’y musmós, ay nakasindák dín sa kaniyáng kalooban at naramdamán niyáng ang kaniyáng pusò’y tumítibók ng̃ malakás.
Ang anino’y tumigil, sa kabiláng ibayo ng̃ balitì, na nákikita ng̃ binatà sa puwáng ng̃ dalawáng ugát na sa katandâan ay warìng dalawáng sang̃á na. Kinuha sa ilalim ng̃ damít ang isáng ilawáng may malakás na lente na inilagáy sa lupà at nakaliwanag sa mg̃a “botas de montar”; ang ibáng dako ng̃ katawán ay nababalot din ng̃ kadilimán. Warìng hinalungkat ng̃ anino ang mg̃a bulsá at pagkatapos ay tumung̃ó upang ikamá ang dahon ng̃ isáng asaról sa isáng malakíng tungkód: nagulat si Basilio ng̃ makitang kaanyô yaon ng̃ mag-aalahás na si Simoun. At siyá ng̃âng talagá.
Hinuhúkay ng̃ mag-aalahás ang lupà at maminsanminsa’y naliliwanagan ng̃ ilaw ang mukhâ: walâ ang salamíng nakapagpapabago ng̃ anyô. Si Basilio ay nang̃ilabot. Yaón din ang taong may labíng tatlóng taón nang humukay doon ng̃ paglílibing̃an sa kaniyáng iná, tumandâ ng̃â lamang; ang buhók ay pumutî at nagkaroón ng̃ bigote at balbás, ng̃unì’t ang paning̃ín ay hindî nagbabago, yaon dín ang dating anyông malungkót, yaón din ang ulap ng̃ noo, ang malakás na bisig ay yaón dín, tuyô ng̃â lamang ng̃ kauntî, yaon ding kaloobang masulák. Ang mg̃a alaala sa nakaraan ay mulîng umalí sa kanyá: warì’y naramdaman ang init ng̃ sigâ, ang gutom, ang kaniyang panglulupaypáy noon, ang amóy ng̃ lupàng nabungkal...... Ang pagkakatuklás na itó’y nakapang̃ilabot sa kaniyá. Kung gayón ay ang mag-aalahás na si Simoun, na ináakalàng indio inglés, portugés, amerikano, mulato, Cardenal Moreno, Eminencia Negra, ang budhîng nag-úudyok ng̃ masamâ sa Capitán General, gaya ng̃ tawag ng̃ ilán, ay dilì ibá palá’t yaóng mahiwagàng tao na ang kaniyang pagsipót at pagpanaw ay nátaón sa pagkamatáy ng̃ magmamana sa mg̃a lupaíng yaón. Ng̃unì’t ¿sino ang Ibarra, doon sa dalawáng taong kaniyáng nákaharap, ang buháy ó ang patáy?
Ang katanung̃ang itó na itinátanong niyá sa sarili, kailan ma’t napagsasalitâan ang pagkamatáy ni Ibarra, ay [59]mulîng pumasok sa kaniyáng pag-iisip sa haráp ng̃ mahiwagàng táong yaón.
Ang namatáy ay may dalawáng sugat na gawâ ng̃ punglô, ayon sa kaniyáng napag-aralan pagkatapos, at marahil iyon ay gawâ ng̃ paghahabulán sa lawà. Kung gayón ay si Ibarra ang namatáy na naparoon upang mamatáy sa libing̃an ng̃ mg̃a magulang, at ang nasàng sunugin ang kaniyáng bangkáy ay marahil nakuha sa ugalì sa Europa na doo’y sinusunog ang patáy. Kung gayón ay sino ang isá pa, ang buháy, ang Simoung itó na manghihiyas, na noon ay anyông dukhângdukhâ at ng̃ayó’y mayamangmayaman at kaibigan ng̃ mg̃a may kapangyarihan? Doo’y may lihim na sa kalamigang loob ng̃ ating nag-aaral ay ninasàng tahûín, at inantáy ang kailang̃ang pagkakátaon.
Samantala namá’y hukay ng̃ hukay si Simoun, ng̃unì’t námasdán ni Basilio na nanghinà na ang dating lakás: si Simoun ay humihing̃al, hiráp sa paghing̃á at sa bawà’t sandalî ay tumitigil.
Si Basilio’y nang̃anib na bakâ siyá mákita, kayâ’t sa biglâng udyók ng̃ kalooban ay tumindíg sa kinauupán at nagsabing walâng pagbabago ang boses:
—¿Matutulung̃an ko pô ba kayó, ginoo....?—ang tanóng, ng̃ makaalís sa kinákanlung̃án.
Si Simoun ay umunat, lumundág na warì’y tigreng nabiglâ, idinukot ang kamay sa bulsá ng̃ amerikana at tiningnáng namumutlâ at kunót ang noo ang nag-aaral.
—May labíng tatlóng taón na ng̃ayóng akó’y pinautang̃an ninyó ng̃ loob, ginoo,—ang patuloy na walâng tigatig ni Basilio—sa pook ding itó, sa paglilibíng sa aking iná, kayâ’t ikaliligaya ko ang matulung̃an namán kayó.
Dinukot ni Simoun sa kaniyáng bulsá ang isang rebolber, na hindî inilalayô sa bagongtao ang paning̃ín. Náding̃íg ang lagitlít ng̃ isang armás na iniakmâ.
—¿Sino pô bá akó sa akalà ninyó?—ang sabing humakbáng ng̃ dalawáng hakbáng na pauróng.
—Isá pong táong aking iginagalang—ang sagót ni Basilio na may pakagulumihanan, sapagkâ’t inaakalâng yaon na ang hulí niyáng sandalî,—isang taong tang̃ì sa akin, inaakalà ng̃ lahát na patáy na, at táong ang kaniyáng mg̃a kasawîán ay dinamdám kong palagì.
[60]Isáng lubós na katahimikan ang sumunód sa mg̃a salitâng itó, katahimikang inarìng amóy kabilang buhay ng̃ binatà. Gayón man, makaraan ang isáng mahabàng pag-aalinlang̃an, ay linapitan siyá ni Simoun at piniglán sa balikat at sinabi sa kaniyáng ang boses ay nang̃ing̃iníg, na:
—Basilio, nakababatíd kayó ng̃ isáng lihim na mangyayaring ikasawî ko at ng̃ayó’y nakátuklás ng̃ isá pá, na kung mábanság ay makasisirà sa aking layon, kayâ’t ang boô kong buhay ay nasa kamáy ninyó. Upang akó’y tumiwasáy at alangalang sa ikaaayos ng̃ inaakalà kong gawín ay dapat kong sagkâán ang iyóng mg̃a labì, sapagkâ’t ¿anó ang kabuluhán ng̃ buhay ng̃ isáng tao sa kalakhán ng̃ bagay na aking tinutung̃o? Mainam ang pagkakátaón, walâng nakababatíd ng̃ aking pagparito, akó’y may sandata, kayó’y walâ; sa mg̃a tulisán ibibintáng ang kamatayan ninyó kun dî man sa isáng bagay ng̃ kabiláng mundó.... ng̃unì’t, gayón man ay babayàan kong kayó’y mabuhay at inaakalà kong hindî ko ipagdaramdam sa hulí ang gayón. Kayó’y nagsumakit, nakipagtunggalî ng̃ lubhâng tiyagâ.... at gaya ko rin kayóng may kailang̃ang makipagtuús sa sosyedad; ang kapatíd ninyóng muntî ay pinatáy, ang inyóng iná’y naulól, at hindî pinag-usig ng̃ sosyedad ni ang nakamatáy ni ang nagpahirap. Tayong dalawá’y nábibilang sa mg̃a uháw sa katwiran, at hindî dapat tayong magtunggalî kun di magtulung̃án.
Si Simoun ay humintông pinigil ang buntónghining̃á at pagkatapos ay banayad na nagpatuloy na paling̃asling̃as ang ting̃ín:
—Oo, akó ng̃á iyong may labíng tatlóng taón na ng̃ayón nang naparito, na may sakít at karumaldumal ang anyô upang dulutan ng̃ hulíng handóg ang isáng kaluluwang magitíng at matapát na inilaán ang búhay nang dahil sa akin. Inís ng̃ isáng pamamahalàng masamâ ang hilig ay naglagalág akó sa boông mundó at maghapo’t magdamág na pinunyagî ko ang makapag-ipon ng̃ isáng kayamanan upang masunód ang aking layon. Ng̃ayó’y nanumbalík akó upang durugin ang pamamahalàng iyán, padaliín ang kaniyang pagkabulók, iabóy sa bang̃íng tinutung̃o, kahì’t na kailang̃anin kong gamitin ang pagbahâ ng̃ luhà at dugô.... Hinatulan na ang kaniyáng sarili, yarì na, at ayokong mamatáy ng̃ hindî ko muna siyá mákitang durógduróg sa kailaliman ng̃ bang̃ín.
[61]At iniunat ni Simoun ang kaniyáng mg̃a kamáy na tung̃ó sa lupà, na warìng sa kilos na iyón ay ibig palagîin doón ang mg̃a labí ng̃ nasirà. Ang kaniyáng ting̃ig ay nagkaroón ng̃ kasindáksindák at kalagímlagím na tunóg, na nakapang̃ilabot sa nag-aaral.
—Sa tawag ng̃ masasamâng hilig ng̃ mg̃a namamahalà ay bumalík akó sa Kapuluang itó, at sa ilalim ng̃ anyông máng̃ang̃alakál ay linibot ko ang mg̃a bayánbayán. Sa tulong ng̃ aking yaman ay napasok ko ang lahát at saa’t saán man ay nákita ko ang pang̃ang̃amkam sa lahát ng̃ anyông kahalayhalay, minsán ay may balát-kayô, minsa’y lantád na lantád, minsan ay ganid na nagpapakasawà sa isáng katawáng patáy, na gaya ng̃ ginágawâ ng̃ isáng buitre sa bangkây, at náitanóng ko sa sariling ¿bákit hindî tumitindí sa kaniyáng bituka ang kamandág, ang ptomaina, ang lason ng̃ mg̃a libing̃an upang mamatáy ang nakaririmarim na ibon? Binábayàan ng̃ bangkáy na siya’y gutayín, ang buitre’y napupundakanan sa lamán, at sa dahiláng hindî ko makaya ang siya’y bigyán ng̃ búhay upang makalaban sa nagpapahirap sa kaniyá, at sa dahiláng mahinà ang pagkabulók, ay pinasiglá ko ang kayamúan, aking inayunan, ang pagsalansáng sa katwiran at kapaslang̃án ay nag-ibayo sa dami; aking pinalalò ang pagkakasala, ang mg̃a gawâng malulupít, upang ang bayan ay mahirati sa kamatayan; aking pinalagì ang ligalig upang sa pag-iwas dito ay humanap ng̃ kahì’t anóng kaparaanán; aking hinadlang̃án ang pang̃ang̃alakal upang kung mahirap na ang bayan at pulubi na ay walâ ng̃ sukat ipang̃anib; aking inudyukán sa pang̃ang̃amkám upang magsalát ang kayamanang bayan, at dahil sa hindî pá sapát sa akin ang mg̃a bagay na itó upang gising̃in sa panghihimagsík ang bayan, ay sinugatan ko ang bayan sa dakong lalòng dádamdamín, ginawâ kong ang buitre na ang lumait sa bangkáy na nagbibigáy buhay sa kaniyá at kaniyáng bulukín...... Ng̃unì’t nang akin ng̃ magagawâng sa lubós na kabulukán, ng̃ pawàng yagít, na pagkakahalohalò ng̃ maraming bagay na nakaririmarim, ay tumindí ang lason, nang ang pagkagahaman ng̃ kayamùan sa kaniyáng kalituhán ay nagdudumalî na sa pagsunggáb sa lahát ng̃ abót ng̃ kaniyáng kamáy na warìng isáng matandâng babaing nábiglâ ng̃ sunog, ay sásisipot kayóng na nang̃ang̃alandakan ng̃ pagkakastilà, umaawit ng̃ [62]pag-asa sa Pamahalàan, bagay na hindî dáratíng; nárito’t isáng lamán na kumikilos dahil sa init at búhay na dalá, malinis, batà, malusóg, kumikiníg sa dugô, sa kasiglahán, ay biglâng sásusulpót upang humandóg na mulî na warì bagong pagkain...... ¡Ah, ang kabatàang kailán ma’y mapang̃arap at kulang sa pagkákilala sa mg̃a bagay-bagay, lagìng kasunód ng̃ mg̃a paróparó at mg̃a bulaklák! Nang̃agsapìsapì kayó upang sa inyóng lakás ay mapagtalì ninyó ng̃ talìng pulós na bulaklák, ang inyóng bayan at ang España, gayóng ang tunay ninyóng ginágawâ ay ang pagyarì ng̃ tanikalâng matigás pá kay sa diamante. ¡Humíhing̃î kayó ng̃ pagkakapantáypantáy sa karapatán, pag-uugalìng kastilà sa inyóng mg̃a hilig, at hindî ninyó nákikitang ang hiníhing̃î ninyó’y ang kamatayan, ang pagkapawì ng̃ inyóng pagkamámamayán, ang pagkaduhagi ng̃ inyóng ináng-bayan, ang pananagumpáy ng̃ paniniíl! ¿Anó kayó sa araw ng̃ búkas? Bayang walâng budhî, bansâng walâng kalayàan; ang lahát ng̃ tagláy ninyó’y pawàng hirám, sampû ng̃ inyóng mg̃a kasiràan. ¡Humihing̃î kayóng magíng parang kastilà at hindî kayó namumutlâ sa kahihiyan kung ipagkaít sa inyó! At kahit na ipagkaloob sa inyó ¿anó ang inyóng hang̃ád? ¿anó ang inyóng mátatamó? Maligaya na kayó kung magíng bayan ng̃ pag-aalsá, bayan ng̃ mg̃a digmâan ng̃ mg̃a magkababayan, repúblika ng̃ mg̃a mangdaragít at di nasisiyaháng loób na kagaya ng̃ iláng repúblika sa timog ng̃ Amérika! ¿Anó ang layon ninyó sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà; hang̃ád na kahiyahiyâ kung hindî lamang nápakasamâ ang ibubung̃a? ¡Ibig ninyóng dagdagán ng̃ isá pang wikà ang apat na pû’t kung ilán pang ginagamit sa Kapulùan upang huwag kayóng lalòng magkaantiluhan!......
—Hindî pô—ang tugón ni Basilio—kung dahil sa pagkaalám ng̃ wikàng kastilà ay mápapalapít tayo sa Pamahalàan, sa isáng dako namán ay magiging sanhî ng̃ paglalapítlapít ng̃ mg̃a pulô.
—¡Lakíng kamalîan!—ang putol ni Simoun—napadadayà kayó sa maiinam na pang̃ung̃usap at hindî ninyó tinutung̃o ang latak at sinusurì ang hulí niyáng iaanák. Hindî magiging siyáng karaniwang salitâ dito kailán man ang wikàng kastilà, hindî siya gagamitin ng̃ bayan, sapagkâ’t ang mg̃a bukál ng̃ pag-iisip at pusò nitó ay walâng katimbáng [63]na salitâ sa wikàng iyan; bawà’t bayan ay may kaniyáng sarili, gaya rin namán ng̃ pangyayaring may sariling pagdaramdám. ¿Anó ang gágawín ninyó sa wikàng kastilà, kayóng iíláng gagamit? Patayín ang inyóng katang̃ìan, isailalim ng̃ ibáng utak ang inyóng mg̃a pag-iisip at hindî kayó magíging malayà kundî magiging tunay na alipin pa ng̃â. Ang siyam sa bawà’t sampû ninyóng nag-aakalàng kayó’y mg̃a bihasá, ay pawàng tumakwíl sa inyóng tinubùan. Ang bawà’t isá sa inyó na gumagamit ng̃ wikàng iyán ay napapabayàan ng̃ lubós ang kaniyáng sarili na hindî man maisulat ni máwatasan, at ¡ilán na ang nákita ko na nagpapakunwarîng hindî nakababatíd ni isáng bigkas man lamang ng̃ salitâng iyán! Salamat na lamang at mayroón kayóng isáng mulalâng pamahalàan. Samantalang ipinipilit ng̃ Rusia ang wikàng ruso sa Polonia upang itó’y kaniyáng maalipin, samantalang ipinagbabawal ng̃ Alemania ang wikàng pransés sa mg̃a lalawigang kaniyáng nasakóp, ang inyóng pamahalàan namán ay nagpupunyagî na huwág alisín sa inyó ang sariling wikà, datapwâ’t kayó, bayang kahang̃àhang̃à na hawak ng̃ isáng pamahalàang hindî malirip, kayó’y nagpupumilit na iwan ang inyóng katang̃ìan sa pagkabansâ! Ang isá’t isá sa inyó ay nakalilimot na samantalang ang isáng bayan ay may sariling wikà ay tagláy niyá ang kaniyáng kalayàan, gaya rin namán ng̃ pagtatagláy ng̃ tao ng̃ pagsasarilí samantalang tinatagláy ang kaniyáng sariling pagkukurò. Ang wikà ay siyáng pag-iísip ng̃ bayan. Mabuti na lamang at ang inyóng pagsasarilí’y sadyâng dáratíng: ¡inaandukhâ siyá ng̃ mg̃a kalaswâán ng̃ tao!......
Si Simoun ay humintô at pinahid ng̃ kamáy ang noo. Ang buwan ay sumisikat at iniháhatíd doon ang kaniyáng malamlám na liwanag na nakalúlusót sa puwang ng̃ mg̃a sang̃á. Dahil sa naliliwanagang papaitaas ng̃ lámpara ang mag-aalahás, na matigás ang anyô at maputî ang buhók, ay warìng isáng multó ng̃ kagubatan na nagbabalak ng̃ kalagímlagím. Sa haráp ng̃ gayóng katitigás na sumbát ay nakatung̃óng walâng imík si Basilio. Nagpatuloy si Simoun:
—Nákita kong binabálak ang kilusáng iyan at dumanas akó ng̃ magdamagang ligalig, sapagkâ’t batíd kong sa kabatàang iyan ay mayroong may tagláy na katalinuhan at pusòng maitatang̃ì na nagpapakalulong sa bagay na inaakalà niláng [64]mabuti, ng̃unì’t ang katotohana’y gumagawâ ng̃ laban sa kaniláng bayan.... Makailáng kong tinangkâ ang lumapit sa inyó, hubdín ang pagbabálatkayô at pawìin ang inyóng pagkakamalí! ng̃unì’t sanhî sa mg̃a pagpapalagáy sa akin ay marahil masamaín ang aking mg̃a pang̃ung̃usap at magkabisô pa’y magbung̃a ng̃ laban sa aking akalà...... ¡Makailang tinangkâ ko ang lumapit sa inyóng Makaraig, sa inyóng Isagani! Maminsan minsan ay náiisip kong silá’y patayín, lipulin......
Si Simoun ay tumigil.
—Basilio, itó ang sanhî kung kayâ hindî ko kayó pinatáy, at máhandâ ako, na dahil sa isáng kabiglâanan, balang araw ay ihayág ninyó ang aking kalagayan.... Batíd ninyó kung sino akó, alám ninyó ang aking mg̃a tiniís, paniwalàan ninyó akó; hindî kayó kabilang ng̃ karamihan na ang ting̃ín sa mag-aalahás na si Simoun ay isáng maglalakò na nag-uudyók sa mg̃a may kapangyarihan sa gawâng pamamasláng upang ang mg̃a naapí’y bumilí sa kaniyá ng̃ hiyas.... Akó ay isáng hukóm na may nasàng magparusa sa isang pamamahalà, na, ang gagawíng kasangkapan ay ang sarili niyang kasamâán; bakahin siyá sa paraang siya’y ayùin.... Kailang̃an kong akó’y inyóng tulung̃an, gamitin ninyó ang inyóng kayang makaakit sa kabatàan upang labanan ang balíw na nasàng makikastilà, pakikiugalì, pagpapantáypantáy sa karapatán.... Sa landasing iyan ay ang magíng isáng masamâng huwad lamang ang mátatamó, at nárarapat na ang bayan ay luming̃ap ng̃ lalòng mataás. Isáng kabang̃awán ang akitin ang pag-iisip ng̃ mg̃a namamahalà; mayroon na siláng takdâng balak, may piring ang mg̃a matá, at, bukód sa ang gayón ay isáng pag-aaksayá ng̃ panahón, ay dinadayà pá ninyó ang bayan sa mg̃a pag-asang hindî mangyayari at nakatutulong pá kayó upang yumukô sa haráp ng̃ nangduduhagi. Ang dapat ninyóng gawín ay samantalahín ang kaniyáng mg̃a pag-aalinlang̃an sa kapakinabang̃án ninyó. ¿Ayaw kayóng ihawig sa kastilà? ¡Mabuti! sa gayón ay magpakatang̃ì kayó sa pagbabadhâ ng̃ sariling kaugalìan, itayô ninyó ang tuntung̃an ng̃ bayang pilipino.... ¿Aayaw kayóng bigyán ng̃ pag-asa? ¡Mabuti ng̃â! huwág kayóng umasa sa kaniyá, asáhan ninyó ang sarili at kumilos kayó. ¿Aayaw kayóng bigyán ng̃ kinatawán sa Corte? ¡Lalòng mabuti! Kahì’t na kayó makapagpadalá [65]doón ng̃ kinatawán na náhalal ng̃ ayon sa inyóng hang̃ád, ¿anó ang magágawâ ninyó roón kun dî malunod sa gitnâ ng̃ maraming ting̃ig at sang-ayunan, sa pamamagitan ng̃ inyóng pagkakáharáp doón, ang mg̃a kapaslang̃án at kamalìang gawín? Samantalang lalòng kauntî ang mg̃a karapatáng ipagkaloób sa inyó ay lalò namáng malakí ang inyóng karapatán sa pagpawì ng̃ pasanin at gantihín silá ng̃ masamâ sa kasamâán. Kung ayaw iturò sa inyó ang kaniláng wikà ay pag-aralan ninyó ang inyó, inyóng pakalatin, bayàang mamalagì sa bayan ang sariling pag-iisip, at sa pagnanasàng magíng isáng lalawigan ay ipalít ang hang̃ád na magíng bansâ, sa paghahakàng sumasalilong ay paghahakàng malayà, ni sa hilig, ni sa salitâ ay huwág mangyaring máipalagáy ng̃ kastilà na siyá’y parang nasa bahay niyá dito, ni ipalagáy ng̃ tagá rito na silá’y kababayan kundî manglulupig magpakailán man, dayuhan, at sa málaó’t mádalî’y tatamuhín ninyó ang inyóng kasarinlán. Itó ang sanhî kung kayâ hang̃ád kong kayó’y mabuhay.
—Ginoo, nápakalakíng karang̃alan ang ipinagkaloób ninyó sa akin sa pagpapahayag ng̃ inyóng mg̃a balak upang huwag akóng magtapát at sabihin na ang hiníhilíng ninyó sa akin ay higít sa makakaya ko. Akó’y hindî nakikilahók sa polítika, at kung sakalìng linagdâan ko ang kahiling̃an sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà ay dahil lamang sa nákikita kong iyo’y makabubuti sa pag-aaral, at walâ nang ibá. Ang aking tung̃o ay ibá, ang hang̃ád ko’y mapagalíng lamang ang mg̃a sakít na dináramdam ng̃ aking mg̃a kababayan.
Ang mag-aalahás ay nápang̃itî.
—¿Anó na lamang ang mg̃a sakít ng̃ katawán sa sakít ng̃ damdamin?—ang tanóng—¿anó na lamang ang kamatayan ng̃ isáng tao sa kamatayan ng̃ isáng kalipunán? Balang araw marahil ay magiging isá kayóng bantóg na manggagamot kung pababayàang makapanggamot na mapayapà; ng̃unì’t lalò pang dakilà yaóng makapagbigáy búhay sa lugamîng bayang itó. Kayó ¿anó ang ginágawâ ninyóng ukol sa bayang itó na kinákitàan ng̃ unang liwanag, nagbíbigáy búhay sa inyó at nagdudulot sa inyó ng̃ ikatututo? ¿Hindî ba ninyó alám na walâng kabuluhán ang buhay na hindî iniuukol sa isáng malakíng layon? Iyá’y isáng muntîng batóng natapon sa kaparang̃an na hindî kasama sa pagkabuô ng̃ isáng bahay.
[66]—Hindî, hindî pô ginoo,—ang pakumbabâng sagót ni Basilio—hindî pô akó humahalukipkíp, akó’y gumágawâ na gaya ng̃ paggawâ ng̃ ibá upang maibang̃on sa labí ng̃ nakaraán ang isáng bayan na ang kaniyáng mg̃a tao’y nagtutulung̃án at ang bawà’t isá sa kanilá’y dumádamdám sa sarili, ng̃ budhî’t kabuhayan ng̃ kalahatán. Ng̃unì’t kahì’t anóng sigabó ang taglayín ng̃ mg̃a tao sa ng̃ayón ay nákikilala namin na sa malakíng gawâang bayan ay dapat magkaroón ng̃ paghahatìhatì ng̃ gawâ; pinilì ko ang aking gagawín at tinung̃o ko ang karunung̃an.
—Ang karunung̃án ay hindî siyáng hantung̃an ng̃ tao—ang wikà ni Simoun.
—Siyá ang tinutung̃o ng̃ mg̃a bansâng lalòng bihasá.
—Oo, ng̃unì’t parang isáng kaparaanan lamang sa paghanap ng̃ kaligayahan.
—¡Ang karunung̃an ay siyáng walâng paglipas, lalòng kagaling̃an ng̃ katauhan, lalòng ukol sa sangsinukob!—ang sagót ng̃ binatà sa isáng sulák ng̃ kalooban—Sa loob ng̃ iláng daang taón, pag ang katauhan ay matalino na’t nahang̃ò sa kinalalagyán sa ng̃ayón, pag walâ na ang mg̃a lipì, pag ang lahát ng̃ bayan ay pawàng malalayà na, pag walâ ng̃ alipin at umaalipin, sakóp na bayan at nakasasakop, pag ang nagharì ay isáng kapangyarihan na lamang at ang tao’y nagíng mámamayán ng̃ sanglupalop, ay walâng málalabí kundî ang pananalig sa karunung̃an, ang salitâng pag-ibig sa bayan ay magkakaroon ng̃ kahulugáng dalubhasàng pananalig at ang sa panahóng iyán ay magbunyág ng̃ kaniyáng tagláy na pag-ibig sa bayan ay marahil kulung̃ín na warìng isáng mapang̃anib na may sakít, isáng mangguguló sa pagkakasundô ng̃ lahát.
Si Simoun ay nápang̃itî ng̃ malungkót.
—Oo, oo—ang wikàng iníilíng ang ulo—datapwâ’y upang sumapit ang gayóng kalagayan, ay kailang̃ang huwág magkaroón ng̃ mg̃a bayang manggagahís, ni mg̃a bayang mang-aalipin, kailang̃ang ang tao’y magíng malayà saán man pumaroon, mátutuhang igalang sa karapatán ng̃ ibá ang kaniyáng sariling pagkatao, at upang mangyari itó’y kailang̃an munang magsabog ng̃ maraming dugô, ang pagtutunggalî’y kailang̃an...... Upang daigín ang matandâng pananalig, na sumisiil sa mg̃a budhî, ay kinailang̃ang ang marami ay matupok [67]sa apóy, upang, sa pang̃ing̃ilabot ng̃ budhîng bayan ay ihayág na malayà ang budhî ng̃ bawà’t isáng tao. Kailang̃an din namán na ang lahát ay tumugón sa katanung̃ang sa araw-araw ay ginagawâ ng̃ bayan na inilalahad sa kanilá ang kamáy na nakatanikalâ. Ang pag-ibig sa bayan ay magiging pagkakasála sa mg̃a bayan lamang na manglulupig sapagkâ’t ang pagnanakaw namán ay lalagyán ng̃ isáng mainam na pang̃alan; ng̃unì’t kahì’t magíng wastông-wastô na ang katauhan ay magiging isáng kabanalan din ang pag-ibig sa tinubùan, sa mg̃a bayang sákop, sapagkâ’t sa lahát ng̃ sandalî’y may kahulugáng pag-ibig sa katwiran, pag-ibig sa kalayàan, pag-ibig sa karang̃alan. Ang kalakhán ng̃ isáng tao’y hindî ang magpáuna sa kaniyáng kapanahunan, bagay na hindî namán mangyayari, kundî ang hulàan ang kaniyáng mg̃a adhikâ, tugunán ang kaniyáng mg̃a pang̃ang̃ailang̃an at turùan siyáng magpatuloy sa lakad. Ang mg̃a “genio” na inaakalà ng̃ karamihan na nagpáuna sa kaniláng kapanahunan, ay námamalas lamang na gayón sapagkâ’t tinátanaw siláng mulâ sa malayò ng̃ mg̃a sumusurì, ó inaakalàng dáang taón ang buntót na nilalakaran ng̃ mg̃a náhuhulí.
Si Simoun ay tumigil. Nang nákitang hindî mapasigabó ang malamíg na kaluluwáng iyón, ay gumamit ng̃ ibáng pang̃ang̃atwiran, at tumanóng na inibá ang pagsasalitâ.
—At sa ala-ala ng̃ inyóng iná at kapatíd ¿anó ang ginagawâ ninyó? ¿sukat na bá ang sa taón taón ay pumarito at tumaghóy na warì’y babai, sa ibabaw ng̃ libing̃an?
At tumawa ng̃ pakutyâ.
Tumamà ang tudlâ; si Basilio’y nagbagong anyô at humakbáng ng̃ isáng hakbáng.
—¿Anó ang ibig ninyóng gawín ko?—ang tanóng na nagng̃ang̃alit—Walâng pagkunan nang kailang̃an, walâng katang̃ìan ¿matatamó ko bagá ang katwirang laban sa mg̃a pumatáy sa kanilá? Isá pá akóng masasawî, at madudurog akóng kagaya ng̃ kaputol na salaming ipukól sa isáng batóng buháy. ¡Ah, masamâ ang ginawâ ninyóng ipaalala pá sa akin, sapagkâ’t iya’y isáng walâng kabuluháng pagtangkî sa sugat!
—At kung ihandóg ko sa inyó ang aking tulong?
Iginaláw ni Basilio ang ulo at nag-isíp.
—¡Lahát ng̃ pagtatagumpáy ng̃ katwiran, lahát ng̃ higantí [68]sa lupà, ay hindî makapagbibigáy buhay pang mulî sa isáng buhók man lamang ng̃ aking iná, hindî makapagpapasariwà ng̃ isáng ng̃itî sa mg̃a labí ng̃ aking kapatíd! Matulog na siláng mapayapà.... ¿anó ang máhihitâ ko kahi’t maghigantí?
—Iwasan na tiisin ng̃ ibá ang inyóng tiniís, upang sa súsunód ay maiwasang magkaroon pá ng̃ mg̃a anák na pinatáy at mg̃a ináng napilitang maulol. Ang pagpapaumanhín ay hindî lagìng kabaitan, siya’y kasamaán pag naguudyók sa paniniíl: walâng mang-aalipin doon sa walâng napaaalipin. ¡Ay! ang tao’y sadyâng may kasamàán, na kailan ma’y nagpapakalabis pag nakakatagpô ng̃ uma-alinsunod. Gaya ninyó’y ganyán din ang paghahakà ko, at alám ninyó kung anó ang aking sinapit. Binabantayán kayó gabí’t araw ng̃ mg̃a may pakanâ ng̃ inyóng kasawîán; naghihinalàng kayó’y nag-aantáy ng̃ isáng sadyâng panahón; inaakalàng isáng mahigpít na hang̃ád na makagantí ang inyóng pagpupunyagîng matuto, ang inyóng hilig sa pag-aaral, sampû ng̃ inyóng pananahimik.... Ang araw na magagawâng kayó’y pawìin ay papawìin kayó na gaya ng̃ ginawâ sa akin, at hindî kayó papayagang lumakí, sapagkâ’t kayó’y kinatatakutan at kinamumuhîán.
—¿Kamuhîán akó? ¿Kamuhîán pá akó matapos ang masamâng ginawâ sa akin?—ang tanóng na pamanghâ ng̃ binatà.
Si Simoun ay humalakhák.
—Katutubò ng̃ tao ang mámuhî doon sa inapí niyá, ang sabi ni Tácito na pinatibayan ang quos læserunt et oderunt ni Séneca. Kung ibig ninyóng masukatan ang mg̃a ginágawâng pang-aapí ó kabutihan ng̃ isáng bayan sa kapuwâ, ay walâ kayóng ibáng dapat gawín kundî tingnán na lamang kung kinamumuhîán ó minámahál. At sa ganyán ay naliliwanagan na kung bakit ang iláng yumaman dito, mulâ sa mg̃a matataás na katungkulang ginanáp, ay pawàng pag-alimura at pag-alipustâ ang ipinatutunkol sa kaniláng pinahirapan, pagbalík sa España. Proprium humani ingenii est odisse quem læseris.
—Datapwâ’y kung ang mundó ay malakí, kung binabayàang matahimik sa kanilá ang kapangyarihan.... Kung walâ akóng ibáng hiníhing̃î kundî ang gumawâ, bayàan akóng mabuhay......
—¡At magkaroon ng̃ mg̃a anák na mapayapà na pagkatapos [69]ay ilalaán sa pahirap!—ang patuloy ni Simoun na pakutyâng ginayahan ang pag-bigkás ni Basilio ng̃ mg̃a salitâ—¡Kay inam na kinabukasan ang inihahandâ ninyó sa kanilá, at pasasalamatan sa inyó ang isáng kabuhayang pawàng pang̃ang̃ayupapà at paghihirap! ¡Mabuti, binatà! Pag ang isáng katawán ay hindî na kumikilos ay hindî na kailang̃ang siyá’y patibayin. Dalawáng pûng taóng ganáp na pagkaalipin, na pang̃ang̃ayupapàng walâng likat, walâng hulaw na pagkakaratay, ay nakalilikhâ sa kaluluwá ng̃ isáng pagkahukót na hindî maitutuwid sa isáng araw. Ang mabubuti ó masasamâng kalooban ay minamana at nagkakasalinsalin sa mg̃a magulang at mg̃a anák. Mabuhay na ng̃â ang inyóng kaigaigayang mg̃a paghahakà, mabuhay ang pang̃arap ng̃ alipin na walâng hiníhing̃î kundî kauntìng bunót na sukat maibalot sa tanikalâ upang mapahinà ang kalansíng at ng̃ huwag masugatan ang kaniyáng balát! Ang hinahang̃ád ninyó’y isáng muntîng tahanan na may kauntîng kaluwagan; isáng asawa’t kauntîng bigás: iyán ang lalaking pinakamagalíng sa Pilipinas! Siyá, kung ipag-kaloob sa inyó ang bagay na iyán ay akalàin na ninyóng kayó’y mapalad.
Si Basilio na nahirati sa pagsunód at sa pagtitiís sa kainitan ng̃ ulo ng̃ kapitáng Tiago, at nabighanì kay Simoun na namamalas niyáng kasindáksindák at kakilakilabót sa gitnâ ng̃ isáng lagáy na tigmák sa luhà at dugô, ay nagnasàng mang̃atwiran, sa pagsasabing walâ siyáng kakayaháng manghimasok sa polítika, na walâ siyáng masasabi, sapagkâ’t hindî niyá napag-aaralan ang bagay, ng̃unì’t kailan ma’y handâ siyáng maglingkód, sa araw na hìling̃ín sa kaniyá, na sa mg̃a sandalîng iyón ay walâ siyáng nákikitang kailang̃an liban sa ang bayan ay mátuto, at ibp. Pinigil ni Simoun ang kaniyáng salitâ sa isáng galáw, at sa dahiláng malapit nang mag-umagá, ay nagsabing:
—Binatà, hindî ko ipinagbibilin sa inyó na itagò ang aking lihim, sapagkâ’t batíd ko na ang pagkamalihim ay isá sa inyóng ugalìng tagláy, at sakâ ang isá pa’y kahi’t na ibigin ninyóng akó’y isuplóng ay unang paniniwalàan ang mag-aalahás na si Simoun, ang kaibigan ng̃ mg̃a may-kapangyarihan at ng̃ mg̃a parì, kay sa nag-aaral na si Basilio, na pinaghihinalàan nang pilibustero, sa dahiláng siyá’y taga ritong nátatang̃ì at nábabantóg, at sapagkâ’t sa ninanasàng [70]mátutuhan ay makakátagpô ng̃ malalakás na kalaban. Gayón mán, kahi’t hindî ninyó tinugunán ang aking pag-asa, sa araw na magbago kayó ng̃ paghahakà, ay hanapin ninyó akó sa aking bahay sa Escolta at paglilingkurán ko kayó ng̃ boông lugód.
Napasalamat si Basilio at lumayô.
—Námalî kayâ akó ng̃ tukoy?—ang bulóng ni Simoun ng̃ siyá’y nag-iisá na—alinlang̃an kayâ sa akin ó lubhâng lihim na binabalak ang kaniyáng higantí kayâ’t ipinang̃ang̃ambáng ipagkatiwalà sampû sa katahimikan ng̃ gabí? Ó kayâ’y sa dahiláng pinawì na sa kaniyáng pusò ang damdaming pagkatao ng̃ mahabàng panahóng pamamang̃inoon at walâng inilabí kundî ang hilig pagkahayop na mabuhay na lamang at magpadami ng̃ lipì? Kung gayón ay sirâ ang bubuán at ang nararapat ay tunawing mulî.... Ang pagkakamatáy ng̃â ay kailang̃an na: mamatáy ang mg̃a walâng kaya at málabí ang mg̃a lalòng malakás.
At mapangláw na nagpatuloy, na warìng may katung̃o:
—Magtiístiís muna kayó, kayóng mg̃a nagpamana sa akin ng̃ isáng pang̃alan at isáng tahanan, magtiístiís muna kayó! Lahát ay nawalâ sa akin, ang bayan, ang kinabukasan, sampû ng̃ inyóng mg̃a libing̃an.... ng̃unì’t magtiístiís muna kayó! At ikáw budhîng marang̃ál, dakilàng kaluluwá, pusòng mapagling̃ap na nabuhay sa iísáng hang̃ad lamang at ipinará mo ang iyóng buhay na hindî man nag-antáy ng̃ pasasalamat at paghang̃à ng̃ kahit sino, magtiís ka muna, magtiís tiís ka! Ang mg̃a kaparaanang ginagamit ko ay hindî marahil ang ginamit mo, ng̃unì’t siyáng lalòng madalî.... Nálalapít na ang araw, at pagliliwanag ay akó na rin ang magbabalità sa inyó: ¡Magtiístiís muna kayó!
Nang imulat ni Hulî ang namumuktông matá ay nákitang madilím pá ang bahay. Nagtitilaok ang mg̃a manók. Ang unang pumasok sa kaniyáng kalooban ay ang sapantahàng marahil ay gumawâ ng̃ isáng himalâ ang Birhen at ang araw ay hindî sisilang kahi’t na inaanyayahan ng̃ mg̃a manók.
[71]Nagbang̃on siyá, nag angtanda, taimtím na dinasál ang kaniyáng mg̃a dalang̃in sa umaga at lumabás sa batalán, na pinag-iing̃atang huwag may kumalatís sa kaniyáng paglakad.
Walâng himalâ; ang araw ay sisikat na, ang umaga’y magiging maliwanag, ang simuy ay may daláng lamíg, ang mg̃a bituwín sa silang̃anan ay lumálamlám at ang mg̃a manók ay naglalalò sa kaniláng pagtitilaok. Ang gayó’y malabis na paghing̃î; madalî pang magawâ ng̃ Birhen ang magpadalá ng̃ dalawáng daa’t limang pûng piso! ¿Anó na lamang sa kaniyá, siyá na Iná ng̃ Dios, ang magbigáy noon? Ng̃unì’t sa ilalim ng̃ larawan ay walâng nátagpûán kundî ang sulat ng̃ kaniyáng amá na humihíng̃î ng̃ limáng daang pisong pangtubós.... Walâ ng̃ daan kundî ang lumakad. Nang mákitang ang kaniyáng lelong ay hindî kumikilos, ay inakalàng natutulog, at naglutò na siyá ng̃ salabát na pang-agahan. ¡Katakátaká! Siyá’y panatag at warì pang ibig mátawá. ¿Anó kayâ ang dinamdám niyá’t naghinagpís ng̃ katakottakot ng̃ gabíng yaón? Hindî namán siyá málalayô, maaarìng dalawin sa tuwîng makalawá ang bahay; mákikita siyá ng̃ kaniyáng lelong, at tungkol namán kay Basilio ay malaon ng̃ alám ang masamâng lakad ng̃ usap ng̃ kaniyáng amá, kayâ’t madalás na sabihin sa kaniyà na:
—Pag akó’y nagíng médiko at mákasal na tayo ay hindî na kakailang̃anin ng̃ amá mo ang kaniyáng mg̃a lupàín.
—¡Malakíng kahang̃alán ang nágawâ kong panggigipuspós!—anyá sa sarili samantalang inaayos ang kaniyáng tampipì.
At sa dahiláng násagì ng̃ kaniyáng mg̃a dalirì ang agnós ay inilapit sa kaniyáng labì, hinagkán, ng̃unì’t kinuskos kaagad ang bibíg dahil sa takot na máhawa; ang agnós na iyon na may brillante at esmeralda ay galing sa isáng ketong̃in.... ¡Ah! kung magkagayón, kung siyá’y magkaroon ng̃ gayóng sakít, ay hindî na siyá mag-aasawa.
Sa dahiláng naglíliwanág na at nákita ang kaniyáng lelong na nakaupô sa isáng sulok, na sinusundán ng̃ ting̃ín ang lahát ng̃ kaniyáng kilos, ay kinuha ang kaniyáng tampipì ng̃ damít at nakang̃itîng lumapit upang humalík ng̃ kamáy. Benindisionan siyá ng̃ matandâ na walâng kaimíkimík. Nagbirô pá siyá.
—Pagdatíng ni tatay ay sabihin ninyóng nápasok din [72]akó sa kolehiyo: ang pang̃inoon ko’y marunong ng̃ kastilà. Itó ang mura sa lahát ng̃ kolehiyong mákikita.
At ng̃ mákitang napupunô ng̃ luhà ang mg̃a matá ng̃ matandâ ay sinunong ang tampipì at matuling pumanaog sa hagdanan. Ang kaniyáng sinelas ay masayáng tumutunóg sa mg̃a baitang na kahoy.
Ng̃unì’t ng̃ luming̃ón upang tumanáw pang mulî sa kaniyáng bahay, ang bahay na kinapawìan ng̃ kaniyáng kabatàan, at kinasilang̃an ng̃ kaniyáng mg̃a unang pang̃arap sa pagkadalaga; ng̃ mákita niyáng malungkót, nagiísá, walâng tao, sa mg̃a durung̃awáng nakalapat ng̃ kauntì ay walâng nakadung̃aw at madilím na gaya ng̃ mg̃a matá ng̃ isáng patáy; ng̃ mading̃íg ang mahinàng kaluskós ng̃ kakawayanan at nákitang nang̃agduduyan dahil sa simuy sa umaga na warìng nagsasabi sa kaniyáng “paalam”, ay nawalâ ang kaniyáng maliksíng kilos, nápahintô siyá, ang kaniyáng mg̃a matá’y napunô ng̃ luhà at matapos magpatiupô sa isáng sang̃á ng̃ kahoy na nasa tabíng daan ay umiyák ng̃ kahapishapis.
Malaon nang nakaalís si Hulî at mataás ng̃ lubhâ ang araw. Si tandâng Selo ay nakadung̃aw at tinátanáw ang mg̃a nakagayák na taong tung̃o sa bayan upang magsimbá sa misa mayor. Halos lahát ay may dalá ó kayâ’y kilik na batàng lalaki ó batàng babai na nabibihisang warì’y tung̃o sa isáng kapistahan.
Ang kaarawán ng̃ Paskó sa Pilipinas, ayon sa matatandâ, ay pistá ng̃ mg̃a batà; marahil ay hindî kasang-ayon sa gayóng akalà ang mg̃a batà, at mahihinalàng kanilá pang kinatatakutan ang araw na iyón. At gayón ng̃â marahil, sapagkâ’t ginigising siláng maaga, linilinis, binibihisan at isinusuót sa kanilá ang lahát ng̃ kagayakang bago, mahal at mainam na mayroon silá, mg̃a sapatos na sutlâ, malalakí’t malalapad na sombrero, damít na lana, sutlâ ó tersiopelo, kasama ang apat ó limáng maliliít na kalmen na may daláng ebanhelio ni San Juán, at matapos na matagláy ang lahát ng̃ yaón ay dinadalá silá sa misa mayor na kulángkuláng sa isáng oras ang habà, pinagtitiís silá ng̃ init at sing̃áw ng̃ maraming taong nagkakasiksikan at nagpapawís, at kung hindî man silá pinagdadasál ng̃ rosario ay kailang̃an namán nilá ang huwag maglilikót, mayamót ó mákatulog. Sa bawà’t kagaslawáng makapagpapadumí [73]sa damít ay isáng kurót ó isáng galit ang katugón; kayâ’t hindî man silá tumatawa ni naggagalák at nábabasa sa kaniláng mg̃a matá ang pag-aalaala sa lumàng kamisola na pang-araw-araw at ang pag tutol sa tungkol may burdá. Matapos yaón ay dinádalá silá sa mg̃a baháy baháy ng̃ mg̃a kamag-anakan upang humalík ng̃ kamáy; doon ay kailang̃an nilá ang magsayáw, umawit at sabihin ang lahát ng̃ ikatutuwâng nálalaman, sa ibig man ó sa ayaw, suot ó hindî man ang kaniláng masisikíp na bihis, na kasama rin ang kurót at galit pag sumuway ó gumawâ noong bagay na dî iniuutos sa kanilá. Binibigyán silá ng̃ kualta ng̃ mg̃a kamag-anak, ng̃unì’t karaniwang hindî man nilá másilip pagkatapos, sapagkâ’t kinukuha ng̃ kaniláng mg̃a magulang. Ang tang̃ìng bagay na kaniláng nápapalâ sa mg̃a kapistahang yaón ay ang mg̃a bakás ng̃ kurót na tinuran, ang mg̃a kasikipán at madalás pa’y isáng pagkasirà ng̃ sikmurà dahil sa pagkabundát sa matamís ó biskotso sa bahay ng̃ mg̃a kamag-anak. Datapwâ’y yaón ang kaugalìan at ang mg̃a batà’y pumasok sa kabuhayan sa gayóng paraan, na sa isáng dako’y siyáng pinaká hindî malungkot, ang pinaká lalòng hindî mahirap sa kabuhayan ng̃ mg̃a taong yaón.
Ang mg̃a taong may kagulang̃an na, may sarili nang pamumuhay, ay nákakalahók din sa kapistahang itó. Dumadalaw sa kaniláng mg̃a magulang at mg̃a minamà, iluluhód ang isáng paa at babatìín ng̃ magandáng paskó: ang kaniláng aginaldo ay isáng matamís, isáng bung̃ang kahoy, isáng basong tubig ó isáng muntîng handóg na walâng halagá.
Napagmamasdán ni tandâng Selo ang pagdaraan ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan at malungkót na iniisip na walâ siyáng maibibigáy na aginaldo sa kang̃ino man ng̃ taóng iyón at ang kaniyáng apó ay umalís na walâng tagláy na aginaldo at hindî man lamang siyá nábatì ng̃ magandáng paskó. ¿Isá kayâng kahinhinán iyón ni Hulî ó isáng pagkalimot lamang?
Nang sinalubong ni tandâng Selo ang mg̃a kamag-anakang dumatíng na dalá ang kaníkaniláng mg̃a anák ay hindî makabigkás ng̃ anománg salitâ, kayâ’t sa sarili niyá’y námanghâ; walâng nangyari sa pagpupumilit, hindî nakabanggít ng̃ isá mang sabi. Pinigilan ang kaniyáng lalamunan, pinailíng [74]ang ulo, hindî rin maarì! ¡nagnasàng tumawa at ang kaniyáng mg̃a labì ay kumimbót lamang! ang tang̃ìng napalabás sa kaniyáng bibíg ay isáng ipít na tunóg na kagaya ng̃ sa hungkóy. Gulilát na nang̃agkating̃inan ang mg̃a babai.
—¡Pipí, pipí!—ang sigawang balót ng̃ sindák at nang̃agkaguló.
Ang balità ng̃ gayóng kasawìán ay dumatíng sa bayan; kinahabagán ng̃ ilán at kinibít na lamang ng̃ ibá ang kaniláng balikat. Walâng may kasalanan sa pangyayaring yaón at ang sino ma’y walâng masisisi.
Ni hindî man namilíg ang teniente ng̃ guardia sibil; tumanggáp siyá ng̃ utos na samsamín ang lahát ng̃ armás, at siyá’y tumupád sa kaniyáng katungkulan; inuusig niyá ang mg̃a tulisán kailan ma’t magagawâ ang gayón, at ng̃ bihagin si kabisang Tales ay linakad niyá agad ang pag-uusig at inauwî niyáng balitî sa bayan ang limá ó anim na taong bukid na kaniyáng pinaghinalàan, at kung hindî napasipót si kabisang Tales ay sapagkâ’t walâ sa bulsá ni sa balát ng̃ mg̃a hinuli na pinakaigihan sa palò.
Kinibít ng̃ uldóg na tagapang̃asiwà sa hacienda ang kaniyáng balikat. Walâ siyáng pakialám sa bagay na iyón; kagagawán ng̃ tulisán! at siyá’y tumútupád lamang sa kaniyáng katungkulan. Tunay ng̃âng kung hindî siyá nagsumbóng ay hindî marahil sinamsám ang mg̃a armás at hindî marahil nábihag si kabisang Tales: ng̃unì’t siyá, si Fr. Clemente, ay kailang̃an niyá ang mag-ing̃at at ang Tales na iyón ay may isáng ting̃íng warì’y humahanap ng̃ dakong patatamàan sa kaniyáng katawán. Ang pagsasanggaláng sa sarili ay katwiran. Kung may tulisán man ay hindî niyá kasalanan; hindî niyá katungkulan ang umusig: katungkulan iyón ng̃ guardia sibil. Kung si kabisang Tales ay namalagì sa kaniyáng tahanan at hindî naglibót sa kaniyáng mg̃a lupàín ay hindî sana nábihag. Yaón ay isáng parusa ng̃ lang̃it sa lahát ng̃ mg̃a lumalaban sa mg̃a utos ng̃ kaniyáng “corporación”.
Nabatíd ni Hermana Penchang, ang matandâng mapanatang [75]pinaglilingkuran ni Hulî, ang nangyari: bumigkás ng̃ dalawá ó tatlóng susmariosep!, nag-angtandâ at nagsabing:
—Kung kayâ tayo pinadadalhán ng̃ Dios ng̃ ganyáng parusa, sa kadalasán, ay dahil sa tayo’y makasalanan ó kayâ’y mayroon tayong mg̃a kamag-anak na makasalanan na dapat sanang turùan natin ng̃ kabaitan, ng̃unì’t hindî natin ginawâ.
Sa pagsasabi nang “kamag-anak na makasalanan” ay si Hulî ang tinutukoy; sa ganáng sarili ng̃ matandâ ay lubhâng makasalanan si Hulî.
—Sukat ba namáng ang isáng dalagang maaarì ng̃ mag-asawa ay hindî pá marunong magdasál! Jesús, anóng lakíng pagkakasala! ¿Dapat ba namáng bigkasín ng̃ tunggák na iyón ang Dios te Salve María ng̃ hindî humihintô sa es contigo, at ang Santa María ay walâng patláng sa pecadores, na gaya ng̃ ginagawâ ng̃ sino mang mabuting kristiana na may takot sa Dios? Susmariosep! ¡Hindî nakaaalám ng̃ oremus gratiam at ang sinasabi’y mentibus at hindî méntibus! Ang sino mang makakading̃íg sa kaniyá ay mag-aakalàng ang sinabi’y suman sa ibus. Susmariosep!
At nag-aantandâng warì’y dî mápalagáy at nagpapasalamat sa Dios na pinayagang máhuli ng̃ tulisán ang amá upang maalís sa pagkakasala ang anák at mátuto ng̃ kabaitan, na alinsunod sa sabi ng̃ kura, ay dapat taglayín ng̃ bawà’t babaing kristiana. At dahil dito’y kaniyáng pinipigil, hindî pinadadalaw sa nayon upang kaling̃àin ang nunò. Kailang̃an ni Hulî ang mag-aral, magdasál, basahin ang mumuntîng aklát na ikinákalát ng̃ mg̃a prayle at gumawâ hanggáng sa mabayaran ang dalawáng daan at limang pûng piso.
Nang maalamang tumung̃o si Basilio sa Maynilà upang kunin ang salapîng naiipon at ng̃ matubós si Hulî sa bahay na pinaglilingkurán, ay inakalà ng̃ babai na ang dalaga’y masasawî na at pakikiharapán ng̃ diablo na mag-aanyông kagaya ni Basilio. ¡Kahit na nakaiiníp, ay lubhâng makatwiran iyóng muntîng aklát na ibinigáy sa kaniyá ng̃ kura! Ang mg̃a binatàng tumutung̃o sa Maynilà upang mag-aral, ay nang̃aliligáw at nanglíligáw pá ng̃ ibá. At sa pag-aakalàng inililigtás niyá si Hulî ay ipinag-uutos dito na basahing mulî’t mulî ang aklát ni Tandang Basio Makunat at pinapaparoon sa bahay-parì upang makipagkita sa kura, na kagaya ng̃ babaing pinakakapuri ng̃ prayleng kumathâ.
[76]Samantala namá’y nagsásayá ang mg̃a prayle; nanalo na silá sa usapín at sinamantalá ang pagkakabihag kay kabisang Tales upang ibigáy sa huming̃î ang mg̃a lupàín nitó na walâng muntî mang karang̃alan, ni walâng kahiyâhiyâ. Nang dumatíng ang dating mayarì at nabatíd ang mg̃a nangyari, ng̃ mákitang inaarì ng̃ ibá ang kaniyáng mg̃a lupaín, yaóng mg̃a lupaíng nagíng sanhî ng̃ ikinamatáy ng̃ kaniyáng asawa’t anák; nang matagpûang pipi ang kaniyáng amá, ang kaniyáng anák ay naglilingkód na parang alilà, at tumanggáp pá ng̃ isáng utos, na bigáy ng̃ tinintí sa nayon, upang alisín ang mg̃a lamán ng̃ bahay at iwan itó sa loob ng̃ tatlóng araw, ay umupô si kabisang Tales sa piling ng̃ kaniyáng amá at hindî man halos nang̃usap sa boong maghápon.
Kinabukasan, sa gitnâ ng̃ pagkakamanghâ ng̃ boong nayon, ay nakituloy sa bahay ni kabisang Tales ang manghihiyas na si Simoun na may kasamang dalawáng batàán na may pasáng malalakíng takbá na nababalutan ng̃ lona. Sa gitnâ ng̃ kaniyáng pagdadálitâ ay hindî nalilimutan ni Tales ang magandáng ugalì ng̃ tagarito, kayâ’t nagugulumihanan sapagkâ’t walâ siyáng sukat maíhandóg sa dayuhang yaón. Datapwâ’y may tagláy nang lahát ng̃ bagay si Simoun, mg̃a alilà at kakanin, at walâ siyáng nais kun dî ang manirahan ng̃ isáng gabí’t isáng araw sa bahay na iyón, sapagkâ’t siyáng pinakamalakí sa nayon at sa dahiláng nápapagitnâ sa San Diego at sa Tiani, mg̃a bayang inaakalà niyang may maraming mámimili. Inusisà ni Simoun ang kalagayan ng̃ mg̃a daan at itinanóng kay kabisang Tales kung sukat na ang kaniyáng rebolber upang makapagtanggól sa mg̃a tulisán.
—May mg̃a baríl na malayò ang abót—ang sabi ni kabisang Tales na nátatang̃á.
—Hindî na páhuhulí ang rebolber na itó—ang sagót ni Simoun na nagpaputók, na ang pinatamàán ay isáng punòng bung̃a na may dalawáng daang hakbáng ang layô.
Námalas ni kabisang Tales ang pagkahulog ng̃ ilang bung̃a, ng̃unì’t hindî umimík at nagpatuloy sa pag-íisíp.
[77]Untî untîng dumadatíng ang mg̃a taong akay ng̃ kabantugán ng̃ mg̃a hiyás na dalá ng̃ mag-aalahás: isá’t isá’y nagbabatìán ng̃ maligayang paskó, nang̃ag-uusap ng̃ tungkól sa misa, mg̃a santó, masamâng ani, ng̃unì’t gayón man ay gúgugulin ang kaniláng naiipon sa pagbilí ng̃ mg̃a bató at mg̃a bagay bagay na galing sa Europa. Balitàng balità na ang mag-aalahás ay kaibigan ng̃ Capitan General at hindî magiging isáng kalabisán ang pakikipagkilala sa kaniyá dahil sa mg̃a bagay na bakâ mangyari.
Si kapitáng Basilio ay dumatíng na kasama ang kaniyáng asawa, ang kaniyáng anák na si Sinang at ang kaniyáng manugang, na nang̃ahahandâng gumugol ng̃ hindî bábabâ sa tatlóng libong piso.
Nároroon si Hermana Penchang upang bumilí ng̃ isáng singsíng na brillante na ipinang̃akò niyá sa Birhen sa Antipolo; iniwan niyá sa bahay si Hulî na isinásaulo ang isáng muntîng aklát na nábilí niyá ng̃ dalawáng kualta sa kura; ang arsobispo ay nagbibigáy ng̃ apat na pung araw na indulgencia sa sino mang bumasa ó makading̃íg ng̃ pagbasa ng̃ aklát na iyón.
—¡Jesús!—ang sabi ng̃ mabaít na mapanata kay kapitana Tikâ—ang kaawà-awàng batàng iyán ay lumakí ditong warì’y kabutíng itinaním ng̃ tikbalang!.... May makálimáng pûng ipinabasa ko ng̃ malakás ang aklát ng̃unì’t walâng náisaulo ni bahagyâ; warìng isáng buslô ang ulo, na, punô lamang sámantalang nasa sa tubig. Marahil ay hindî lamang dalawáng pûng taóng indulgencia ang aming tinamóng lahát, sampû ng̃ aso’t pusà sa pakiking̃íg sa kaniyá.
Inihandâ ni Simoun sa mesa ang dalawáng takbá na kaniyáng dalá: ang isá’y malakílakí kay sa isá.
—Marahil ay ayaw kayó ng̃ hiyás na double ni batóng huwad lamang.... Itóng ali—ang sabing tinukoy si Sinang—ay brillante marahil ang ibig......
—Iyán ng̃â pô, mg̃a brillante at mg̃a matatandâng brillante, mg̃a matatandâng bató ¿há pô?—ang sagót—ang magbabayad ay si tatay at ibig niyá ang mg̃a matatandâng bagay, mg̃a bató sa una.
Kung gaano ang pagbibirô ni Sinang sa kakauntî at masamâ pang latín na nalalaman ng̃ kaniyáng asawa ay gayón din namán ang sa maraming latín na nalalaman ng̃ kaniyáng amá.
[78]—Sadyâ ng̃â pông mayroon akong mg̃a hiyás na lubhâng matatandâ—ang sagót ni Simoun, na inalís ang balot ng̃ muntîng takbá.
Yaó’y isáng sisidláng bakal, na patalím na kininis, at maraming palamutìng bronse at mg̃a matitibay at pasuotsuot na panará.
—Mayroon pô akóng mg̃a palamutì ng̃ liig ni Cleopatra, mg̃a sadyâng tunay, na nákuha sa mg̃a pirámide, mg̃a singsíng ng̃ mg̃a senador at mg̃a ginoong romano na nákuha sa mg̃a labíng muog ng̃ Cártago......
—Marahil ay ang mg̃a ipinadalá ni Anibal ng̃ matapos ang labanán sa Cannes!—ang sabing walâng kaping̃asping̃as na birò at lipús kagalakán ni kapitáng Basilio.
Ang mabuting ginoo natin, kahit na nakábasa ng̃ maraming kasulatan na ukol sa matatandâng kapanahunan ay hindî pá nakákikita ng̃ mg̃a bagay bagay ng̃ panahóng iyón dahil sa walâng museo dito sa Pilipinas.
—May dalá rin akó ritong mg̃a mahahalagáng hikaw ng̃ mg̃a marang̃al na babaing romana, na nákuha sa bahay liwaliwan ni Antonio Mucio Papilino sa Pompeya......
Iginagaláw ni kapitáng Basilio ang kaniyáng ulo, na ang ibig sabihin ay alám niyá ang mg̃a bagay na tinuran, at ninanasà niyáng mamalás kaagád ang mg̃a mahahalagáng labíng iyón. Sinasasabi namán ng̃ mg̃a babai na ibig niláng magkaroon ng̃ galing sa Roma, mg̃a kuwintás na benenditahan ng̃ Papa, mg̃a relíquias na nakapagpapatawad ng̃ mg̃a kasalanan na hindî na kailang̃an ang mang̃umpisál, at ibp.
Nang mabuksán ang takbá at maalís ang bulak na panakíp, ay námalas ang isáng lalagyáng punô ng̃ singsíng, agnós, guardapelo, krus, alpiler, at ibp. Ang mg̃a brillante na sinaglitán ng̃ mg̃a batóng may sarìsarìng kulay ay kumíkináng at nagniningníng sa gitnâ ng̃ mg̃a bulaklák na gintô na ibá’t ibá ang kulay, may gisuk na esmalte at may sarìsarìng liluk at kudyá.
Inalís ni Simoun ang bandeha at lumitáw ang isá namáng punô ng̃ mg̃a kahang̃àhang̃àng hiyás na dapat ng̃ makasiyá sa pitóng binibini sa pitóng araw na sa kinabukasan ay magdadaós ng̃ sayawang parang̃al sa kanilá. Ang ayos ay sarìsarì, mg̃a pagkakasaglítsaglít ng̃ mg̃a bató at perlas na anyông mg̃a hayuphayupang may mg̃a kulay bugháw at balok na nang̃ang̃aninag; [79]ang mg̃a sápiro, esmeralda, rubí, turkesa at brillante ay magkakasamang anyông tutubí, paróparó, panilan, pukyutan, uwang, ahas, himbubuli, isdâ, bulaklák, kumpól, at ibp.; may sukláy na ayos diadema, gargantilya, pamutì ng̃ liig na perlas at brillante, na dahil sa kagandahan ay hindî tulóy napigil ng̃ iláng dalaga ang isáng pahang̃àng ¡inakú! at si Sinang ay napapalaták, kayâ’t kinurót siyá ng̃ kaniyáng ináng si kapitana Tikâ, sapagkâ’t bakâ lalòng mahalán ng̃ mag-aalahás ang daláng lakò. Patuloy pá rin si kapitana Tikâ sa pagkurót sa kaniyáng anák kahit may asawa na.
—Hayan pô ang mg̃a brillante sa una—ang sabi ng̃ mag-aalahás—ang singsíng na iyán ay inarì ng̃ princesa Lamballe, at ang mg̃a hikaw na iyán ay sa isáng dama ni María Antonieta.
Ang itinurò’y iláng magagandáng brillante na kasinglakí ng̃ butil ng̃ maís, ang kintáb ay mang̃asúlng̃asul, mainam, na warìng tagláy pá nilá ang mg̃a pang̃ing̃ilabot noong kapanahunang tinawag na “mg̃a araw ng̃ hilakbót”.
—¡Ang dalawáng hikaw na iyán!—ang sabi ni Sinang na ang ting̃ín ay sa kaniyáng amá at ipinagsasanggaláng ng̃ kamáy ang bisig na nálalapít sa kaniyáng iná.
—Ibáng lalò pang matatandâ, ang mg̃a romana—ang sagót ni kapitáng Basilio na sabáy ang kindát.
Inisip ng̃ mapanatang si Hermana Penchang na kung yaón ay ihandóg niyá sa Birhen sa Antipolo ay pahihinuhod at ipagkákaloób ang kaniyáng pinakamasidhîng hang̃ád: malaon ng̃ humihing̃î siyá ng̃ isáng kababalagháng bunyág na kahalò ang kaniyáng pang̃alan upang huwag nang mapawì ang pag-aalala sa kaniyá dito sa lupà, at pagkatapos ay magtulóy sa lang̃it, gaya ni kapitana Inés ng̃ mg̃a kura, kayâ’t itinanóng ang halagá. Ng̃unì’t tatlóng libong piso ang turing ni Simoun. Ang matandâng babai’y nag-angtanda. ¡Susmariosep!
Inilahad ni Simoun ang pang̃atlóng lalagyán.
Punôngpunô ng̃ mg̃a orasán, kalupì, lalagyán ng̃ pósporo at mg̃a agnós na pinamutihan ng̃ brillante at maninipís na mumuntîng larawang esmalte.
Ang pang-apat ay siyáng kinalalagyán ng̃ mg̃a lagás na bató, at ng̃ buksán, ay isáng paghang̃à ang kumalat sa bahay; nápapalaták na mulî si Sinang, kayâ’t kinurút siyá ng̃ [80]kaniyáng iná, ng̃unì’t itó mán ay nakabitíw din ng̃ isáng pahang̃àng ¡Sus María!
Hanggáng sa mg̃a sandalîng iyón ay walâ pang nakákikita ng̃ gayóng karaming kayamanan. Sa kahóng iyon, na may balot na tersiopelong bugháw na mang̃itímng̃itím, na may mg̃a halang, ay namamakás ang katunayan ng̃ mg̃a pang̃arap sa “Isáng libo’t isáng gabí”, ang pang̃arap ng̃ mg̃a salamisim sa kasilang̃anan. Mg̃a brillanteng kasinglakí ng̃ mg̃a garbansos na nagkikinang̃ang nagtatapon ng̃ kisláp na nakasisirà ng̃ matá, na warìng ibig matunaw ó mag-alab sa kintáb; mg̃a esmeraldang galing sa Perú na ibá’t ibá ang tapyás at ayos, mg̃a rubí sa India na mapupuláng warì’y paták ng̃ dugô, mg̃a sápiro sa Ceylán na bugháw at putî, mg̃a turkesa sa Persia, perlas na makinis ang balát, na ang ilan sa kanilá’y namúmulámulá, mang̃abóng̃abó at maitím. Ang makabubulay ng̃ anyô ng̃ sisidláng iyon, ay yaóng nakakita lamang sa gabí ng̃ isáng kuwitis na nagsabog ng̃ mumuntîng liwanag na sarìsarìng kulay, na ang kináng ay nakapagpapalamlám sa mg̃a walâng kupas na bituwin.
Warìng upang lalòng maragdagán ang pagkakamanghâ ng̃ mg̃a kaharáp ay hinalòhalò ni Simoun ang mg̃a bató ng̃ kaniyáng kayumanggí at mahabâng dalirì at warìng naiigaya sa tagintíng at sa pagdudulasang warì’y paták ng̃ tubig na nagbibigáy kulay sa bahag-harì. Ang kináng ng̃ gayóng maraming tapyás at ang kahalagahan nilá’y nakaaakit sa mg̃a matá. Si kabisang Tales, na lumapit dahil sa nasàng makakita namán, ay ipinikít ang mg̃a matá at lumayông biglâ na warìng upang mapawì ang isáng masamâng akalà. Ang gayóng karaming kayamanan ay warìng nakaaalipustâ sa kaniyáng kahirapan; naparoon ang taong yaon na ipinagpaparang̃alan ang kaniyáng malakíng yaman sa kasunód pá namán ng̃ araw na iíwan niyá ang bahay na iyon dahil sa kakulang̃án sa salapî at sa sukat mag-ampón.
—Nárito ang dalawáng brillanteng itím na pinakamalakí sa lahát—ang sabi ng̃ mag-aalahás—mahirap tapyasán, sapagkâ’t napakatitigás.... Ang batóng itó na may kauntîng kulay pulá ay brillante rin, gayón din namán itóng berde na marami ang nag-aakalàng esmeralda raw. Tinawaran na iyán sa akin, ng̃ anim na libong piso, ng̃ insík na si Quiroga upang ibigáy sa isáng señora na malakás ang kapit.... [81]At hindî pá ang mg̃a kulay dahon ang pinakamahal sa lahát, kungdî itóng mg̃a bugháw.
At ibinukód ang tatlóng bató na hindî namán lubhâng malalakí ng̃unì’t lubhâng makakapál at mabuti ang pagkakatapyás, na may kauntìng kulay bugháw.
—Kahit na mumuntî iyán kay sa mg̃a kulay dahon—ang patuloy—ay ibayo ang halagá.
Tingnán ninyó itó na pinakamaliit sa lahát, na ang timbáng ay hindî hihigít sa dalawáng kilatis, nábilí ko ng̃ dalawáng pûng libong piso at ng̃ayó’y hindî ko maibibigáy ng̃ kulang sa tatlóng pûng libo. Upang mabilí ko lamang iyan ay linakbáy ko pang sadyâ. Itóng isá na nákuha sa mina sa Golconda ay tatlóng kilatis at kalahatì ang timbáng at ang halagá’y higít sa anim na pûng libo. Tinatawaran sa akin iyan ng̃ labing dalawáng libong libras esterlinas nang Virrey sa India, sa pamag-itan ng̃ isáng sulat na tinanggáp ko kamakalawá.
Sa haráp ng̃ gayóng karaming kayamanan na naipon sa kamáy ng̃ taong iyón, na palagáy na palagáy kung mang̃usap, ay nagdaramdám ng̃ warì’y paggalang na may halòng sindák ang mg̃a nároroon.... Makáilang pumalaták si Sinang at hindî siyá kinurót ng̃ kaniyáng iná, sapagkâ’t natutubigan marahil ó kayâ’y sa dahiláng inaakalà niyá na ang isáng mag-aalahás na kagaya ni Simoun ay hindî magnanasàng magtubò ng̃ limang piso pá, humigít kumulang, dahil sa isáng bulalás na hindî napigil. Ang lahát ay nakating̃ín sa mg̃a bató, walâng nagpapamalas ng̃ nasàng humipò, nang̃atatakot. Natitigilan silá dahil sa pagkakamanghâ. Si kabisang Tales ay sa kaparang̃an nakatanáw at iniisip na ang isá lamang sa mg̃a brillanteng iyon, ang pinakamuntî marahil, ay sukat ng̃ maitubós sa kaniyáng anák, huwag maiwan ang bahay at marahil ay maipagpagawâ ng̃ ibáng bukid.... ¡Dios! ¡diyatà’t ang isá lamang sa mg̃a batóng iyon ay mahalagá pá kay sa tahanan ng̃ isáng tao, sa ikaliligtás sa pang̃anib ng̃ isáng dalaga, sa kapayapàan ng̃ isáng matandâ sa kaniyáng mg̃a hulíng araw!
At dahil sa warìng nahuhulàan ni Simoun ang kaniyáng iniisip ay sinabi sa mg̃a kaharáp na magkakaanák na:
—At tingnán ninyó, tingnán ninyó; dahil lamang sa isá sa mg̃a maliliit na batóng bugháw na itó, na warìng walâng [82]kamalaymalay at dî makasásamâ sa kang̃ino man, malinis na warìng buhang̃ing natanggal sa lang̃it, sa isá lamang nitó na ihandóg sa ukol na panahón ay nagawâ ng̃ isáng tao ang ipatapon ang kaniyáng kagalít, isáng magulang na may inaampóng mg̃a kaanak, na warì’y nangguló sa bayan.... at dahil sa isáng muntîng bató pang gaya nitó, mapuláng warì’y dugô ng̃ pusò, gaya nang nasàng paghihigantí at kumikisláp na gaya ng̃ luhà ng̃ mg̃a ulila ay binigyang layà, ang tao’y nakauwî sa kaniyáng tahanan, napagbalikán ng̃ amá ang kaniyáng mg̃a anák, ng̃ asawa ang kaniyáng kabiyák ng̃ pusò, at marahil ay nailigtás ang isáng boong mag-aanak sa isáng marálitang sasapitin.
At samantalang tinátapiktapík ang sisidlán:
—Mayroon akó dito, gaya ng̃ nasa tatagûan ng̃ mg̃a manggagamot—ang patuloy sa wikàng tagalog na hindî tumpák—ang buhay at ang kamatayan, ang lason at lunas, at sa isáng dakót na itó ay magagawâ ko ang lunurin sa luhà ang lahát ng̃ tao dito sa Pilipinas!
Ang lahát ay sindák na nápating̃ín sa kaniyá sa pagkâ’t nabábatíd niláng tunay ang sinasabi. Sa boses ni Simoun ay nápupuná ang isáng kakaibáng ting̃ig at matalas na ting̃ín ang warì’y namumulás sa kaniyáng salamíng bugháw sa matá.
Warìng upang maputol ang pagkakamanghâ ng̃ mg̃a taong iyón sa pagkamalas sa mg̃a batóng nakita, ay itinaás ni Simoun ang bandeha at inilantád ang ilalim na pinagtatagùan ng̃ sancta sanctorum. Mg̃a sisidláng balát sa Rusia, na hiwáhiwaláy dahil sa mg̃a halang na bulak ang siyáng pumúpunô sa káilalimang ang balot ay tersiopelong mang̃abóng̃abó ang kulay. Lahát ay nag-aantáy na makakikita ng̃ mg̃a kahang̃àhang̃à. Ináantáy ng̃ asawa ni Sinang na makakita ng̃ mg̃a karbungko, mg̃a batóng nag-áapoy at kumíkináng sa gitnâ ng̃ kadilimán. Si kapitáng Basilio ay nasa pintô ng̃ kabantugan; makakikita ng̃ bagay na may katuturán, bagay na katunayan, ang katawán ng̃ kaniyáng mg̃a lagìng pinang̃arap.
—Ang pamuting itó sa liig ay kay Cleopatra—ang sabi ni Simoun at maing̃at na kinuha ang isáng kahang lapád na ang ayos ay kalahatìng buwán—isáng hiyás na hindî mahahalagahán, isáng bagay na nárarapat lamang ilagáy sa mg̃a museo, sa mg̃a pamahalàang mayayaman lamang nauúkol.
[83]Yaón ay isáng warì’y kolyar na binúbuô ng̃ ibá’t ibáng palawít na gintô na mg̃a ayos anitong uwang na kulay dahon at bugháw, at sa gitnâ’y may isáng ulo ng̃ buitre na gawâ sa bató, na ang kilabot ay katang̃ìtang̃ì, na nápapagitnâ sa dalawáng pakpák na nakabuká, sagisag at hiyas ng̃ mg̃a harìng babai sa Ehipto.
Nang makita ni Sinang ay ikinimbót ang ilóng at ng̃umuwîng paalipustâ na warì’y batà, at si kapitang Basilio kahi’t na may malakíng hilig sa mg̃a lumàng arì ay hindî nakapigil ng̃ isáng ¡abá! na anák ng̃ hindî kasiyaháng loób sa nákita.
—Isáng mainam na hiyas na naing̃atang mabuti, kayâ’t mayroon nang dalawáng libong taón ang tandâ.
—¡Psh!—ang sabing agád ni Sinang upang huwag mahulog sa tuksó ang kaniyáng amá at nang huwag bilhín.
—¡Hang̃ál!—ang sabi nitó, na napigil ang kaniyáng hindî kasiyahang loob na una—¿anó ang malay mo kung umalinsunod sa kolyar na iyan ang kalagayan ng̃ayón ng̃ kabuhayan ng̃ tao? Sa pamag-itan niyan marahil ay násilò ni Cleopatra si Cesar, si Marco Antonio...... iyan ay nakáding̃íg ng̃ mg̃a panunumpâ sa pag-ibig ng̃ dalawáng lalòng bantóg na bayani sa kaniláng kapanahunan, iyan ay nakáding̃íg ng̃ mg̃a banggít na lubhâng ayós at malinis na wikàng latín, at maanong mágamit mo na lamang siyá!
—¿Akó? ¡ni hindî ko pá iyan tawaran ng̃ tatlóng piso!
—Kahi’t na dalawáng pû’y matatawaran, gonga!—ang sabing animo’y may pagkabatid ni kapitana Tikâ—mabuti ang gintô at maaarìng gawíng ibáng hiyas kung tunawin.
—Itó’y isáng sinsíng marahil ni Sila—ang patuloy ni Simoun.
Ang sinsíng ay maluwang, buô ang gintô at may isáng taták.
—Iyan marahil ang taták na itinitik sa mg̃a kahatuláng pagpatáy noong siyá ang nag-uutos—ang sabing namumutlâ sa pagkatigagal ni kapitang Basilio.
At tinangkâng siyasatin at hulàan ang ibig sabihin ng̃ taták, dátapwâ’y kahi’t nagpilit at pinihit-pihit ay walâ siyáng nábasa, sa dahiláng hindî siyá maalam ng̃ paleografia.
—¡Nápakalalakí ang dalirì ni Sila!—ang sabi tulóy—[84]másusuot na ang dalawáng dalirì ng̃ sino man sa atin; sinasabi ko na ng̃â, tayo’y pumápauróng.
—Mayroon pa akóng mg̃a ibáng hiyas dito....
—¡Kung lahát ay kaayos niyan ay salamat!—ang sagót ni Sinang—ibig ko na ang mg̃a bago.
Ang bawà’t isá’y pumilì ng̃ isáng hiyas, may kumuha ng̃ isáng singsíng, may isáng orasán, may isáng guardapelo. Ang binilí ni kapitana Tikâ ay isáng agnós na may kaputol ng̃ bató na nádiinan ng̃ ating Poong Jesucristo sa ikatlóng pagkakadapâ; si Sinang ay isáng hikaw at si kapitang Basilio ay ang talì ng̃ orasang pabilí ng̃ alperes, ang mg̃a hikaw ng̃ babai na pabilí ng̃ kura at ibá pang bagay na panghandóg: ang ibá namáng magkakaanak na taga Tiani ay bumilí rin ng̃ hanggáng may ibibilí upang huwag máhulí sa mg̃a taga San Diego.
Si Simoun ay namimilí rin namán ng̃ mg̃a lumàng hiyás, nakikipagpalitan, kayâ’t dinalá roon ng̃ mg̃a mapag-impók na iná ang mg̃a hiyás na hindî na nilá magamit.
—¿At kayó, walâ pô ba kayóng ipagbíbilí?—ang tanóng ni Simoun kay kabisang Tales, dahil sa nákitang minamalas nitóng may tagláy na inggít ang mg̃a pagbibilí at pagpapalitan.
Sinabi ni kabisang Tales na ang mg̃a hiyas ng̃ kaniyang anák ay naipagbilí na at ang mg̃a nátitirá ay mg̃a walâng halagá.
—At ang agnós ni María Clara?—ang tanóng ni Sinang.
—¡Siyá ng̃â palá!—ang bulalás ng̃ lalaki, at biglâng kumináng ang paning̃ín.
—Yaón ay isáng agnós na may brillante at esmeralda—ang sabi ni Sinang sa mag-aalahás—na ginamit ng̃ aking kaibigan bago magmongha.
Si Simoun ay hindî sumagót; sinundán ng̃ ting̃ín si kabisang Tales.
Matapós mabuklát ang iláng kahón ay nátagpûán ang hiyás. Pinagmasdáng mabuti ni Simoun, makáiláng binuksán at isinará; yaon ng̃â ang agnós na suot ni María Clara noong pistá sa San Diego, na sa pagkahabág ay ibinigáy sa isáng ketong̃in.
—Ibig ko ang pagkakaayos—ang sabi ni Simoun—¿sa magkano pô ninyó pagbibilí?
[85]Kinamot ni kabisang Tales ang kaniyang ulo, na hindî maalaman kung anó ang gagawín, kinamot ang taing̃a at pagkatapos ay tuming̃ín sa mg̃a babai.
—Naiibigan ko ang agnós na iyan—aní Simoun—¿ibig bagá ninyóng ibigáy sa isáng daan...... limang daang piso? ¿Ibig ninyóng ipagpalít ng̃ ibá? Pumilì kayó ng̃ inyóng ibig.
Si kabisang Tales ay walâng imík at nakamulalàng pinagmamasdán si Simoun na warì’y alinlang̃an sa kaniyáng nádiding̃íg.
—¿Limang daang piso?—ang bulóng.
—Limang daan—ang ulit ng̃ mag-aalahás na nabago ang boses.
Kinuha ni kabisang Tales ang agnós at pinihitpihit; malakás na tumítibók ang kaniyáng palipisan, ang kaniyáng mg̃a kamáy ay nang̃ing̃iníg. ¿Kung huming̃î pá kayâ siyá ng̃ lalòng malakí? Makapagliligtás sa kanilá ang agnós na iyon: ang pagkákataóng iyon ay mainam at hindî na mangyayaring mulî.
Kinikindatán siyá ng̃ mg̃a babai upang ipagbilí na, tang̃ì lamang si Penchang, na, sa pang̃ang̃ambang bakâ tubusín si Hulî, ay nagwikàng:
—Kung akó’y pakakaing̃atan ko iyang warì relikias.... ang mg̃a nakakita kay María Clara sa kombento ay nagsasabing namalas niláng payát na payát na hindî halos makapagsalitâ, kayâ’t inaakalàng mamámatáy na banál.... Pinupuri siyá ni P. Salvi, sapagkâ’t siyá niyang pinagkukumpisalan. Bakâ dahil doon kung kayâ hindî iyan ipinagbilí ni Hulî at pinilì pa ang masanglâ siyá.
Ang pahiwatig na itó’y nagkakabuluhán.
Nakapigil kay kabisang Tales ang pagkaalaala sa kaniyáng anák.
—Kung ipahihintulot ninyó—anyá—ay tutung̃o akó sa bayan at isasangunì ko sa aking anák; babalík akó rito bago magtakipsilim.
Nagkásundô silá sa gayón at pumanaw noon din si kabisang Tales.
Ng̃unì’t ng̃ nasa labás na siyá ng̃ nayon, ay nátanaw niyá sa malayò, sa isáng landás na tung̃o sa kagubatan, ang prayleng nang̃ang̃asiwà sa hacienda at ang isáng taong nákikilala niyáng siyang kumuha ng̃ kaniyáng mg̃a lupaín. [86]Ang pagkagalit ng̃ isáng lalaking nakakita sa kaniyáng asawa na pumapasok na kaakbáy ng̃ ibáng lalaki sa isáng silíd na lihim ay hindî papantáy sa sulák ng̃ galit ni kabisang Tales sa pagkakakita sa dalawáng iyón na patung̃o sa kaniyáng bukid, sa mg̃a bukid na kaniyáng ginawâ at inasahan niyáng maipamamana sa kaniyáng mg̃a anák. Sa warì niyá’y nagtatawanan ang dalawáng iyón, linilibák siyá sapagkâ’t walâng magawâ; pumasok sa kaniyáng alaala ang sinabing: hindî ko ibibigáy kung dî sa dumilíg muna sa kanilá ng̃ sariling dugô at ilibing sa kanilá ang asawa’t anák......
Nápahintô, hinaplós ng̃ kamáy ang noo at ipinikít ang mg̃a matá; ng̃ mulîng dumilat ay nákitang namimilipit sa kátatáwa ang taong iyón at sapol ng̃ prayle ang kaniyáng tiyan upang huwag pumutók sa katuwâán; at pagkatapos ay nákita niyáng itinurò ang kaniyáng bahay at mulîng nang̃agtawanan.
Naghumugong ang kaniyáng taing̃a, náramdamán sa kaniyáng palipisan ang higing ng̃ isáng hagkís, ang ulap na pulá’y sumipót na mulî sa kaniyáng paning̃ín, mulîng namalas ang katawáng bangkáy ng̃ kaniyáng asawa’t anák at sa kapiling ay ang lalaki at ang prayleng nagtatawá na pigil ang tiyan.
Nalimot niyá ang lahát, lumikô at tinung̃o ang landás na linalakaran ng̃ lalaki at ng̃ prayle; yaon ang landás na tung̃o sa kanyáng bukirín.
Si Simoun ay nabagót sa kaaantáy kay kabisang Tales sa gabíng yaón.
Nang mágisíng siyá kinabukasan ay nápunáng ang supot na katad na kinalalagyan ng̃ kaniyáng rebolber ay walâng lamán; ng̃ kaniyáng buksán ay nakakuha sa loob ng̃ kaputol na papel na kinababalutan ng̃ agnós na may esmeralda at brillante at kinasusulatan ng̃ iláng salitâ sa wikàng tagalog, na ang sinasabi ay:
“Ipagpatawad pô ninyo, ginoo, na kahi’t nasa aking bahay ay pagnakawan ko kayó: ng̃unì’t ang pang̃ang̃ailang̃an ay siyáng nag-udyók sa akin, ng̃unì’t iniwán kong kapalít ng̃ inyóng rebolber ang agnós na pinakananasà ninyó. Kailang̃an ko ang armás at makikisama na akó sa mg̃a tulisán.
Ipinagbibilin ko sa inyóng huwag ipagpatuloy ang inyóng [87]lakad, sapagkâ’t sa dahiláng walâ na kayó sa aking bahay, ay hihing̃án namin kayó ng̃ malakíng tubós pag kayó’y aming nábihag.
Telesforo Juan de Dios.”
—Nátagpûán ko rin ang taong aking hinahanap!—ang bulóng ni Simoun—may kauntî pang balisa...... ng̃unì’t lalòng mabuti; mátututong gumanáp sa kaniyáng ipang̃akò.
Ipinag-utos sa kaniyáng alilà na tumung̃o sa Los Baños na sa dagat-dagatan magdaan at dalhín ang malakíng maleta, at doon siyá hintín, sapagkâ’t siya’y sa katihan magdáraán na dalá ang kinalalagyán ng̃ mg̃a batóng mahahalagá.
Ang pagdatíng ng̃ apat na guardia sibil ay lalò pang nakagalák sa kaniyá. Húhulihin ng̃ mg̃a sibil si kabisang Tales, ng̃unì’t sa dahiláng hindî nákita ay si tandâng Selo ang dinalá.
Tatlóng patayan ang nangyari sa gabíng yaón. Ang praileng nang̃ang̃asiwà sa hacienda at ang bagong hahawak ng̃ mg̃a lupà ni kabisang Tales ay nang̃átagpûáng patáy, baság ang ulo at may sumpál na lupà sa bibíg, sa kalapít ng̃ mg̃a lupaín nitó; sa bayan, ang asawa ng̃ bagong mag-aarì ng̃ lupà na pinatáy ay patáy ding inumaga, na punô rin ng̃ lupà ang bibíg at pugót ang ulo, at may kasiping na papel na kinasusulatan ng̃ pang̃alang “Tales” na ang ipinanulat ay dalirìng isinawsáw sa dugô......
¡Manahimik kayó, mapapayapàng tagá Kalambâ! Sa inyó’y walâng nagng̃ang̃alang Tales, sino man sa inyó’y hindî siyáng nakagawâ ng̃ kasalanan! Ang mg̃a pang̃alan ninyó’y Luis Habaña, Matias Belarmino, Nicasio Eigasani, Cayetano de Jesús, Mateo Elejorde, Leandro López, Antonino López, Silvestre Ubaldo, Manuel Hidalgo, Paciano Mercado, kayó ang boong bayan ng̃ Kalambâ!.... Lininis ninyó ang inyóng mg̃a bukirín, ginugol ninyó sa kanilá ang boong búhay, ang mg̃a naimpók, mg̃a pagpupuyát, pagtitipíd, at pagkatapos ay inalís sa inyó, pinalayas kayó sa inyóng mg̃a tahanan at ipinagbawal sa ibá ang kayó’y patuluyin! Hindî pa nasiyahang lapastang̃anin ang katwiran kundî niyurakan sampû ng̃ mg̃a banal na kaugalìan ng̃ inyóng bayan.... Naglingkód kayó sa Harì at sa España, at ng̃ sa ng̃alan nilá’y pinag-usig ninyó ang katwiran ay itinapon kayó’t sukat ng̃ hindî man linitis, inilayô kayó [88]sa yakap ng̃ inyóng mg̃a asawa at sa halík ng̃ inyóng mg̃a anák.... Mahigít sa tiniís ni kabisang Tales ang tiniís ng̃ bawà’t isá sa inyó, ng̃unì’t gayón man, ay walâ sa inyóng naghigantí. Hindî nagkaroón sa inyó ng̃ ling̃ap ni kaawàan at pinag-usig pa kayó hangáng sa kabilâng buhay, gaya ng̃ ginawâ kay Mariano Herbosa.... ¡Lumuhà kayó ó matuwâ sa mg̃a liblíb na pulông iyóng linálagalág nang hindî alám ang sasapitin! Kinakandili kayó ng̃ España, at sa málao’t mádalî ay tatamuhín ninyó ang katwiran!
Ang kataastaasang Capitan General at Namamahalà sa Kapulùang Pilipinas ay nang̃aso sa Busóbusó.—Ng̃unì’t sa dahiláng may abay na isáng bandang músika (sapagka’t ang gayóng kataás na tao’y hindî dapat máhulí sa mg̃a santóng kahoy na ipinagpuprusisyón) at sa dahiláng ang pagkagiliw sa dî matingkalâng arte ni Sta. Cecilia ay hindî pa laganap sa ugalì ng̃ mg̃a usá at baboy-damó sa Busóbusó, ay walâng nahuli ni isá mang dagâ, ni ibon, ang General na may kasamang banda ng̃ músika at kaalakbáy na mg̃a prayle, mg̃a militar at mg̃a kawaní.
Inakalà na ng̃ mg̃a may kapangyarihan sa lalawigan na may maaalis sa katungkulan ó kayâ’y malilipat; ang mg̃a kaawàawàng kapitán sa bayan at mg̃a kabisa ay hindî nang̃ápalagáy at hindî nang̃ákatulóg sa pang̃ang̃anib na baká masumpung̃án ng̃ maalindog na máng̃ang̃asó ang ipalít silá sa mg̃a hayop sa gubat na hindî marunong umalinsunod, gaya ng̃ ginawâ na ng̃ isáng alcalde noóng mg̃a nakaraáng araw na napapasán sa tao, sa boô niyáng paglalakbáy, sapagkâ’t walâng mabaít na kabayong maaásahang hindî magbabagsák sa kaniyá. May isáng balitàng kumalat na mayroón ng̃âng gagawín ang General sapagka’t ang gayóng pangyayari umanó ay isáng simulâ ng̃ paghihimagsík na dapat sugpûín kaagád: na ang isáng pang̃ang̃asong walâng náhuli ay makasisirâ sa karang̃alan ng̃ mg̃a kastilà, at ibp., at humanap na tuloy ng̃ isáng kahabaghabág na taong papagsusuutín ng̃ suot usá, nang sinabi ng̃ General (sa udyók ng̃ isáng pagkahabág na [89]hindî natimbang̃án ni Ben Zayb ng̃ salitâng pagpuri) at pinawì ang lahát ng̃ pang̃ambá at sinabi, na siyá’y naaawàng pumatáy ng̃ mg̃a hayop sa gubat.
Kung ipagtatapát ay sadyâ ng̃âng nasisiyahang loob ang General at inter se ay nalulugód siyá, sa dahiláng ¿anó ang nangyari sana kung hindî tumamà sa pagtudlâ sa isáng usá na hindî nakababatíd ng̃ ugalìng dapat ipamalas sa mg̃a gayóng kaparaanan? ¿saán masasadlák ang karang̃alan ng̃ nakapamamahalà? ¿Bákit? ¡Isá ba namáng Capitang General ang hindî tumamà na warì’y bagong nang̃ang̃aso! ¿anó na lamang ang wiwikàin ng̃ mg̃a indio, na, sa kanilá’y mayroón din namáng iláng mabuting manudlâ? Málalagáy sa kapang̃aniban ang tíbay ng̃ Inang bayan.....
Yaón ang sanhî kung kayâ’t ipinag-utos ng̃ General (na nakatawa ng̃ tawang koneho at anyông mang̃ang̃asong masamâ ang loób) ang pagbabalík kaagád sa Los Baños, at ipinaghambóg, sa paglalakbáy, ang kaniyáng kagiting̃an sa pang̃ang̃aso sa ganitó ó gayóng páng̃asuhán sa España at warìng ibig ipahiwatig ang pag-alipustâ niyá sa mg̃a pang̃ang̃aso sa Pilipinas, bagay na inaakalàng kapit sabihin dahil sa nangyari; ¡psé! ang paliligò sa Dampalít (daáng paliit), ang sigang̃an sa baybay ng̃ lawà, ang paglalarô ng̃ tresillo sa palasyo at pagdayo sa gayón ó ganitong kalapít na binúbulusán ng̃ tubig ó sa lawàng kinalalagyán ng̃ mg̃a buwaya ay mainam pá kay sa roón at hindî pá mápapará ang karang̃alan ng̃ inang bayan.
Nang isá sa mg̃a hulíng araw ng̃ buwan ng̃ Disiembre ay nakikipaglarô ng̃ tresillo ang Capitang General samantalang inaantáy ang oras ng̃ pananghalìan. Katatapos pá lamang niyáng maligò at pag-inom ng̃ isáng basong sabáw at lamán ng̃ buko, kayâ’t ang mg̃a sandalîng iyón ay siyáng bagay samantalahín sa paghing̃î ng̃ mg̃a biyayà. Isá pang nakapagpaparagdág sa kaniyang katuwâan ang pananalo, sapagkâ’t pinupunyagî ni P. Irene at ni P. Sibyla, na kaniyang mg̃a kalaban, ang lihim na pagpapataló, samantala namáng si P. Camorra ay nagng̃íng̃itng̃ít sapagkâ’t, sa dahiláng karáratíng pa lamang ng̃ umagang yaón ay hindî niyá batíd ang mg̃a pakanáng iyón. Sa dahiláng pinagbubuti ng̃ parìng-artillero ang pakikipaglarô ay namúmulá at nápapakagát labì sa tuwîng malilibáng ó mámamalî sa pagsugál [90]si P. Sibyla, ng̃unì’t hindî siyá makaimík dahil sa malakí niyáng pag-aalang-alang sa dominiko; datapwâ’y si P. Irene namán ang pinagbubuntuhán niyá ng̃ galit, sapagkâ’t ipinagpápalagáy niyáng mapagpusà at sa gitnâ ng̃ kaniyáng kabuhalhalan ay dî binibigyáng halagá. Hindî man lamang siyá tinitingnán ni P. Sibyla: binabayàan siyáng mag-uung̃ól; datapwâ si P. Irene, sa dahiláng mapakumbabâ, ay humihing̃îng tawad samantalang hinihimas ang tungkil ng̃ mahabà niyáng ilóng. Ang General namán ay nagagalák at sinasamantalá ang pagkakámalî ng̃ kaniyáng mg̃a kalaban, sapagkâ’t siyá’y mabuting magparaán, alinsunod sa payo ng̃ kanónigo. Hindî batíd ni P. Camorra na ang pinaglalaruán sa ibabaw ng̃ dulang na iyón ay ang ikalulusog ng̃ pag-iisip ng̃ mg̃a pilipino, ang pagtuturò ng̃ wikàng kastilà, sapagkâ’t kung nalalaman niyá, ay malugód sanang nakihalò sa láruan.
Sa mg̃a durung̃awáng bukás ay pumapasok ang malinis at masaráp na simoy at nátatanaw ang lawà, na ang kaniyáng tubig ay mahinhíng bumúbulong, sa paanan ng̃ bahay, na warìng nang̃ang̃ayumpapà. Sa dakong kanan, sa malayò, ay nátatanáw ang pulông Talím na lubhâng bugháw; sa gitnâ ng̃ lawà at halos katapát lamang ay may isáng pulông kulay dahon, ang pulô sa Kalambâ, na walâng tao at ang ayos ay warìng kabiyak na buan; sa kaliwâ, ang magandáng pángpang̃in na nahihiyasán ng̃ kakawayanán, isáng bundók bundukang tanáw ang boong lawà, malalawak na bukirín, sa dako pá roon ay bubóng na sagà sa mg̃a pagitan ng̃ kulay na berdeng maitímitím ng̃ mg̃a dahon, pagkatapos ay ang bayang Kalambâ at sa hulíng dakong abót ng̃ tanáw ay warìng bumábabâ ang lang̃it sa tubig ng̃ lawà na anyông dagat, na siyáng sanhîng tawagin siyáng “dagat na tabáng” ng̃ mg̃a taga roon.
Sa isáng dulo ng̃ salas ay nároroon ang kalihim na nakaupô sa haráp ng̃ isáng mesa na kinapapatung̃an ng̃ iláng putol na papel. Ang General ay masipag at hindî niya ibig ang mag-aksayá ng̃ panahón, kayâ’t tinatapos ang iláng gáwàin samantalang nag-aalkalde sa tresillo ó samantalang namimigáy ng̃ baraha.
Samantala namáng naglalarùan ay naghihikáb at nabubugnót ang kalihim. Ang ginágawâ sa umagang iyon ay ang pagpapalitpalit ng̃ bayang dapat kalagyán ng̃ mg̃a kawaní, [91]mg̃a pag-aalís sa katungkulan, pagpapatapon sa malayòng lupà, pagbibigáy ng̃ biyayà at ibp., ng̃unì’t hindî pá dumárating sa malakíng usapang inaantáy ng̃ lahát, ang ukol sa kahiling̃an ng̃ mg̃a nag-aaral na pahintulutan siláng makapagtayô ng̃ isáng Academia ng̃ wikàng kastilà.
Ang isáng kawaníng may mataas na katungkulan, si don Custodio at isáng prayleng nakatung̃ó at warìng may iniisip ó may kabigatan ang loob (P. Fernandéz ang kaniyáng pang̃alan) ay nang̃agtatalong marahan ang usapan, samantalang payao’t dito silá sa dalawáng dulo ng̃ salas. Sa isáng silíd na kalapít ay nádiding̃íg ang tunóg ng̃ mg̃a bola ng̃ billar, tawanan, halakhakan, ang boses ni Simoun; itó’y nakikipagbillar kay Ben Zayb.
Si P. Camorra ay bigláng nagtindíg.
—¡Si Cristo na ang makisugal sa inyó, puñales!—ang pabulalás na sabing kasabáy ang paghahagis ng̃ mg̃a barahang nálalabí sa kaniyá, sa ulo ni P. Irene—¡puñales! ang tayâ ay sigurong siguro na, kundî man ang codillo, at natalo pá dahil sa tawag! ¡Puñales! si Cristo na ang makisugal!
At galít na galít na isinasalaysáy sa lahát ng̃ naroroon ang pangyayari, lalòng lalò na sa tatlóng naglalakád, na warìng siyáng ibig niyang pahatulin. Sumúsugal ang General, siyá ay laban, may tiklóp na si P. Irene: humatak siyá sa espada at ¡puñales! hindî pinasunód ng̃ kamoteng si P. Irene ang kaniyáng masamâng baraha. ¡Si Cristo na ang makilarô! Siya’y hindî naparoon doon upáng magpatalo ng̃ salapî at durugin ang kaniyáng ulo sa walâng kapararakan.
—Ang akalà marahil ng̃ neneng itó—ang patuloy na námumulá—ay kinikita ko ang salapî ng̃ papalikwatlikwat lamang. ¡Ng̃ayón pá namáng ang aking mg̃a tao’y nang̃agsisitawad na!
At umuung̃ol na tumung̃o sa kinalalagyán ng̃ billar, na, hindî na pinakinggán ang mg̃a hing̃îng ipagpaumanhín ni P. Irene na nagtatangkâng mang̃atwiran sa tulong ng̃ paghaplós ng̃ ilóng.
—¿Ibig pô bá ninyóng umupô, P. Fernandez?—ang tanóng ni P. Sibyla.
—Masamâng manglalarò akó ng̃ tresillo—ang sagót ng̃ prayle.
—Kung gayó’y paparituhin si Simoun—ang sabi ng̃ General[92]—¡eh! Simoun, eh, mister! ¿ibig bagá ninyóng makilahók sa isáng larô?
—¿Anó ang ipasisiyá tungkól sa mg̃a “armas de salón”?—ang tanóng ng̃ kalihim na sinamantalá ang pagkakáhintô.
Dumung̃aw si Simoun.
—¿Ibig bagá ninyóng maupô sa lagáy ni P. Camorra, ginoong Simoun?—ang tanóng ni P. Irene—ang itatayâ ninyó’y brillante at hindî tantós.
—Walâng kailang̃an sa akin ang gayón—ang sagót ni Simoun na lumapit at ipinapagpág ang yeso na nasa kaniyáng kamáy—at kayó ¿anó ang inyóng itátayâ?
—¿Anó bá ang maitatayâ namin?—ang tugón ni P. Sibyla—Ang General ay makatátayâ ng̃ maibigang itayâ, ng̃unì’t kamí, mg̃a parì, mg̃a sacerdote......
—¡Bah!—ang putol na pakutyâ ni Simoun—ang ibabayad ninyóng dalawá ni P. Irene ay mg̃a kaawànggawâ, panalang̃in, kabaitan, ¿anó?
—Batíd ninyóng ang mg̃a kabaitang tagláy ng̃ isá’t isá—ang talád na walâng halòng birò ni P. Sibyla—ay hindî kagaya ng̃ mg̃a brillante na maaarìng másalin sa ibá’t ibáng kamáy, ipagbilí na sa isá’t ipagbilí pa nitó.... yaón ay dalá ng̃ tao, mg̃a bagay na hindî málalayô sa katawán......
—Kung gayón ay papayag akóng sa salitâ na lamang ninyó akó bayáran—ang paklíng masayá ni Simoun—Kayó P. Sibyla sa bawà’t limáng tantós na ibíbigay ninyó sa akin ay sasabihin na lamang ninyó, sa halimbawà: lilimutin kong limáng araw ang karálitàan, ang kababàang loob, ang pagkamasunurin.... kayó namán P. Irene: lilimutin ko ang kalinisang ugalì, ang pagkamahabagin, at ibp. Nakita na ninyó na napakauntîng bagay, at akó, ang ibibigáy ko’y ang aking mg̃a brillante.
—¡Nápakatang̃ìng tao itóng si Simoun, kung anó anó ang iniisip!—ang sabing tumatawa ni P. Irene.
—At itó,—ang patuloy ni Simoun na tinangkî sa balikat ang General—ang ibabayad nitó sa akin sa bawà’t limáng tantós ay isáng vale na katimbáng ng̃ limáng araw na pagkakábilanggô, sa isang solo ay limáng buwan, sa isáng codillo ay isáng utos na pagpapatapon, na walâng nakatalâng pang̃alan, sa isáng bola.... ay isáng utos sa guardia sibil na [93]makabaríl sa daán sa taong parurusahan, samantalang ipinaghahatiran, at ibp.
Ang hamon ay napakatang̃ì. Ang tatlóng lálakadlakád ay nang̃agsilapit.
—Ng̃unì’t ginoong Simoun—ang tanóng ng̃ mataás na kawaní—¿anó ang máhihitâ ninyó sa pananalo ng̃ kabaitan sa bung̃ang̃à, at mg̃a buhay ng̃ tao, mg̃a pagpapatapon at mg̃a pagpatáy?
—¡Malakí! Bagót na akó sa kádiding̃íg ng̃ mg̃a usapang tungkol sa mg̃a kabaitan at nasà kong maipong lahát, ang lahát ng̃ nákakalát sa mundo, na nakapasok sa isáng supot upang itapon sa dagat kahi’t na kailang̃aning pamataw ang lahát ng̃ aking brillante.
—¡Sumpóng din iyán!—ang bulalás na tumatawa ni P. Irene—¿at anó namán ang gágawín ninyó sa mg̃a pagpapatapon at pagpapapatáy?
—Upang linisin ang bayan at pawìin ang lahát ng̃ masasamâng budhî.
—¡Ah! hanggá ng̃ayó’y may galit pá kayó sa inyóng mg̃a tulisán, gayóng mangyayaring hing̃án sana kayó ng̃ lalòng malakíng tubós ó kinuha sana ang lahát ng̃ inyóng alahas. ¡Huwag namán kayóng walâng utang na loob!
Ipinamarali ni Simoun na siya’y hinarang ng̃ mg̃a tulisán, na pagkatapos siyáng mapigíng na isáng araw, ay pinabayàan siyáng magpatuloy ng̃ lakad na walâng hining̃îng tubós kundî ang dalawá niyáng rebolber na Smith at ang dalawáng kahang punglô na kaniyáng dalá. Idinugtóng pang ipinakukumustá raw sa kaniyá ang Capitan General.
Dahil doon at sa dahiláng ibinalità ni Simoun na ang mg̃a tulisán ay maraming escopeta, baril at rebolber at sa gayóng mg̃a tao’y hindî maaarìng makalaban ang nag-íisá kahi’t na may sandata, ay lalagdâ ng̃ bagong utos ang Capitang General na ukol sa mg̃a “pistolas de salón” upang maiwasan na ang mg̃a tulisán ay magkaroon ng̃ armás.
—¡Huwag, huwag!—ang tutol ni Simoun—sa ganáng akin, ang mg̃a tulisán, ay siyáng mg̃a taong lalòng may karang̃alan sa lupaíng itó; silá ang tang̃ìng kumikita ng̃ ikabubuhay sa mabuting kaparaanan...... ¿Inaakalà ba ninyóng kung akó’y nahulog sa mg̃a kamáy...... ninyó sa halimbawà, ay pakakawalán ba ninyó akó ng̃ hindî kukunin ang kalahatì man lamang ng̃ aking mg̃a hiyas?
[94]Tututol sana si Dn. Custodio; tunay ng̃âng isáng amerikanong mulato na walâng pinag-aralan ang Simoun na iyon, na sinásamantalá ang pakikipag-ibigan niyá sa Capitan General upang alimurahin si P. Irene. Tunay ng̃â kung sa bagay na kung si P. Irene ang nakádakíp sa kaniyá ay hindî siyá nakawalà ng̃ dahil sa gayóng kaliit na bagay.
—Sa ang kasamaán ay walâ sa pagkakaroon ng̃ tulisán sa mg̃a bundók at kaparang̃an—ang patuloy ni Simoun—ang kasamâan ay nasa sa mg̃a tulisáng bayan....
—Na gaya ninyó—ang dugtóng na tumatawa ng̃ kanónigo.
—Oo, gaya ko, gaya natin, tayo’y mang̃agtapát; dito’y walâng indio na nakadiding̃íg sa atin,—ang dugtóng ng̃ mag-aalahás—ang kasamâan ay nasa pangyayaring tayong lahát ay hindî mg̃a tulisáng hayág: kung ito’y mangyari at manirahan na tayo sa gubat, sa araw na iyan, ay ligtás na ang bayan, sa araw na iyá’y sisibol ang isáng bagong kalipunán na siyá na sa sarili ang mag-aayos.... at sa gayón ay matiwasáy nang makapaglalarô ng̃ tresillo ang Capitan General, na hindî siyá kailang̃ang linlang̃ín ng̃ kalihim....
Nang mg̃a sandalîng iyón ay naghihikáb ang kalihim at nag-iinát na itinataás sa ulo ang mg̃a kamáy at iniunat sa ilalim ng̃ mesa ang mg̃a paa niyang nagkakapatong.
Ang lahát ay nagtawanan ng̃ siyá’y mákita. Pinutol ng̃ General ang pag-uusap at matapos na bitiwan ang barahang kaniyang sinúsuksok ay nagwikàng:
—¡Siyá, siyá! Siyá na ang birûan at sugalan; gumawâ tayo, pagbutihin natin ang gawâ, kalahatìng oras pá ang kúlang sa oras ng̃ pagkain. ¿Marami bagáng bagay ang kailang̃ang lutasín?
Lahát ay naking̃íg. Sa araw na iyón pagtatalunan ang ukol sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà, kayâ’t may iláng araw nang nároroon si P. Sibyla at si P. Irene. Batíd nang ang una, sa dahiláng siya’y Vice-Rector, ay laban sa panukalà, at ang pang̃alawá ay kumakatig at kinakatigan namán ng̃ condesa.
—¿Anó, anó?—ang tanóng na naíiníp ng̃ General.
—Hang hunghol ha maha hama he halon—anáng kalihim na tinimpî ang isáng paghihikáb.
—¡Ipinagbabawal mulâ ng̃ayón!
—Ipagpatawad pô ninyó, aking General,—ang sabi ng̃ mataás [95]na kawaní—Ipahintulot po sa akin ng̃ inyóng karang̃alan na sabihing sa alin mang bansâ sa Sangsinukob ay hindî ipinagbabawal ang mg̃a “armas de salón”.
Ikinibít ng̃ General ang kaniyáng balikat.
—Hindî tayo nakikigaya sa alín mang bansâ sa mundó—ang matigás na sabi ng̃ General.
Kailán ma’y nagkakatalo ang General at ang mataás na kawaní, at sukat na ang isáng pahiwatig nitó upang ang una’y magmatigás sa kaniyáng balak.
Humanap ng̃ ibáng daan ang mataás na kawaní.
—Ang mg̃a “armas de salón” ay sa mg̃a dagá at inahíng manók lamang nakasásakit—ang wikà—masasabi......
—¿Na tayo’y mg̃a inahíng manók?—ang dugtóng ng̃ General na kinibít ang balikat—at anó sa akin? Ipinakilala ko náng hindî akó gayón.
—Ng̃unì’t may isáng bagay—ang hiwatig ng̃ kalihim—may apat na buwan lamang ng̃ayón, nang ipinagbawal ang paggamit ng̃ armas, na pinatibayan sa mg̃a máng̃ang̃alakal na tagá ibáng bayan, na ang mg̃a armas de salon ay may pahintulot.
Ikinunót ng̃ general ang noo.
—Datapwâ’y may kagamutan ang bagay na iyan—ani Simoun.
—¿Papaano?
—Walâng kaliwágan. Hálos lahât ng̃ “armas de salon” ay may anim na milímetro ang lakí ng̃ punglô, tang̃ì lamang kung may ibáng lakí na ipinagbíbilí. Pahintulutang ipagbilí ang lahát ng̃ mg̃a walâng anim na milímetro.
Pinuri ng̃ lahát ang náisip ni Simoun, tang̃ì ang mataas na kawaníng ibinulóng kay P. Fernandez na iyon ay hindî tuwíd, ni hindî pamamahalà.
—Ang gurô sa Tiani,—ang patuloy ng̃ kalihim samantalang binabasa ang iláng papel—humíhing̃îng bigyán siyá ng̃ lalòng malakíng bahay upang......
—¿Anó pang malakíng bahay, sa mayroon na siyáng sariling isáng kamalig?—ang putol ni P. Camorra na nalimutan na ang tresillo at lumapít sa usapan.
—Sirâ daw ang bubung̃án—ang sagót ng̃ kalihim—at sa dahiláng bumilí siyá ng̃ mg̃a mapa at cuadro, sa sariling gugol, ay hindî mapabayàang ulani’t arawin......
[96]—Ng̃unì’t walâ akóng pakialam sa mg̃a bagay na iyan—ang bulóng ng̃ General—sa Namamahalà sa Pang̃asiwàan huming̃î, sa Pang̃ulong Pulong lalawigan, sa Nuncio.....
—Ang masasabi ko sa inyó—ang sabi ni P. Camorra—ang maestrillong iyan ay isáng filibusterillo na masamâ ang loob; akalain ba ninyóng ipinagsásabí ng̃ ereheng iyan na ang inilílibíng daw ng̃ mainam na paglilibíng at ang hindî ay magkaisá din kung mabulók! ¡Balàng araw ay pagkukukutusán ko iyán, eh!
At inianyông pasuntók ni P. Camorra ang kaniyáng kamáy.
—At sadyâ namán,—ang wikà ni P. Sibyla na warìng walâng kinakausap kundî si P. Irene—na ang ibig mag-turò ay maaarìng magturò kahì’t saang dako, sa walâng bahay: si Sócrates ay nagturò sa mg̃a lansang̃ang bayan, si Platón ay sa mg̃a halamanan ng̃ Akademo at si Cristo ay sa mg̃a kabundukan at karagatan.
—Marami akong karaing̃an ng̃ maestrillong iyán—ang sabi ng̃ General na nakipagsulyapan kay Simoun—inaakalà kong ang lalòng mabuti ay alisín siyá.
—¡Alisín!—ang ulit ng̃ kalihim.
Ikinalungkót ng̃ mataás na kawaní ang kapalaran ng̃ sawîng taong iyón na humíhing̃î ng̃ abuloy at ang nákamit ay ang pagkaalís sa katungkulan, kayâ’t tinangkâng saklolohan.
—Ang katotohanan ay—ang sabing may pang̃ang̃anib—na ang pag-aaral ay hindî naáarugâng mabuti.....
—Nagtakdâ na akó ng̃ maraming halagá na ipamímilí ng̃ mg̃a kailang̃an—ang sabing mataás ng̃ General, na warìng ang ibig turan ay: ¡Gumawâ na akó ng̃ higít sa nárarapat!
—Ng̃unì’t sa dahiláng walâng bahay na sadyâ ay nang̃asisirà ang mg̃a kasangkapang biníbilí....
—Hindî magagawâng sabáysabáy na lahát—ang biglâng putol ng̃ General—Hindî mabuti iyang paghing̃î ng̃ mg̃a gurô dito ng̃ mabubuting bahay gayóng ang mg̃a gurô sa España ay namamatáy ng̃ gutom. Kalabisán na iyang ibig pang humigít kay sa mg̃a nasa Ináng-bayan.
—¡Filibusterismo!....
—¡Una muna sa lahát ang Inang-bayan! ¡una muna ang ating pagkakastilà!—ang dugtóng ni Ben Zayb na ang [97]matá’y kumíkináng dahil sa busóg ng̃ pag-ibig sa tinubùang lupà, at námulá ng̃ kauntî dahil sa nákitang siya’y napag-isá.
—Magmulâ ng̃ayón—ang sabi ng̃ General—ay alisín sa tungkól ang bawà’t dumaíng.
—Kung ang munakalà ko lamang ay tatanggapín—ang pasumaláng sabi ni don Custodio, na warìng kinákausap ang sarili.
—¿Ukol sa mg̃a bahay páaralán?
—Magaán, magágawâ at walâng gugol, na gaya ng̃ lahát ng̃ aking munakalà, anák ng̃ mahabàng pagkamalas sa mg̃a bagaybagay at pagkakilala sa lupaíng itó. Ang mg̃a bayan ay magkákaroon ng̃ páaralán na hindî paggugugulan ng̃ pamahalàan.
—Batíd na ang bagay na iyan—ang pakutyâng sabi ng̃ kalihim—ipag-utos sa mg̃a bayang itayô sa tulong ng̃ kaniláng sariling gugol.
Ang lahát ay nagtawanan.
—Hindî pô, hindî pô—ang sigáw ni Don Custodio na nang̃upinyó at namulá—ang mg̃a bahay ay nakatayô na at nag-áantay lamang na gamitin. Mabuti sa katawán, walâng kapintasan at maaliwalas......
Ang mg̃a prayle ay may pang̃ambáng nagting̃inan. ¿Ipalálagay kayâ ni Don Custodio na gawíng páaralán ang mg̃a simbahan at mg̃a kombento ó bahay-parì?
—¡Tingnán natin!—anáng General na ikinunót ang noo.
—Nápakadalî, aking General—ang tugón ni Don Custodio na umunat at ginamit ang malakíng boses na kagamitán niyá sa mg̃a tang̃ìng pagpupulong—ang mg̃a páaralán ay bukás lamang sa mg̃a araw na iginágawâ at ang mg̃a sabung̃án ay sa mg̃a araw lamang ng̃ pistá.... Gawíng páaralán ang mg̃a sabung̃án kahì’t sa loob man lamang ng̃ sanglinggóng araw.
—¡Bah, bah, bah!
—¡Pumuslít na rin!
—Ng̃unì’t ¡kung anó anó ang naiisip ninyó Don Custodio!
—¡Isáng kahalákhalák na panukalà!
—¡Ang lahát ay nalulusután nitó!
—Ng̃unì’t mg̃a ginoo—ang sigáw ni D. Custodio ng̃ máding̃íg ang gayóng mg̃a pabulalás—magpakatinô ng̃â tayo, [98]¿alín pa ang bahay na lalòng agpáng kay sa sabung̃án? Malalakí, mabubuti ang pagkakayarì, at walâ namáng kapararakan sa loob ng̃ sanglinggó. At magíng sa dako man ng̃ maayos na ugalì tingnán, ang aking panukalà ay matatanggáp; magiging isáng panglinis at pagsisisi sa lingguhan ng̃ sabung̃án.
—Ng̃unì’t maminsánminsán ay may sabong sa boong sanglinggó—ang pahiwatig ni P. Camorra—at hindî dapat na yamang ang may pasabong ay nagbabayad sa Pamahalàan ay......
—¡Oh, siyá...... sa mg̃a araw na iyan ay huwag magpaaral!
—¡Bah, bah!—anáng General—¡ang ganiyáng kakilákilabot na bagay ay hindî mangyayari samantalang akó ang namamahalà! ¡Hindî magpapaaral dahil sa nagsasabong! ¡Bah, bah, bah! ¡magbibitíw na muna ako ng̃ tungkól!
At ang General ay lubhâ ng̃â mandíng nasusulukasok.
—Ng̃unì’t aking General, mabuti na ang mawalâ sa iláng araw kay sa buwanang mawalâ.
—¡Iyan ay laban sa mabuting ugalì!—ang dugtóng ni P. Irene na lalò pa mandíng bugnót kay sa General.
—Lalòng laban sa mabuting ugalì, ang pagkakaroon ng̃ maiinam na bahay ang sugalan at ang páaralán ay walâ...... Magpakatinô tayo mg̃a ginoo at huwag tayong paakay sa mg̃a udyók ng̃ kalooban. Samantalang sa paggalang sa katauhan ay ibinabawal natin ang pagtataním ng̃ apìan sa mg̃a lupàng ating nasasakop ay binábayàan namán natin ang paghitít, ang nangyayari’y binabaka natin ang masamâng hilig at namumulubi tayo......
—Ng̃unì’t unawàin ninyóng iyan ay nagbíbigáy sa pamahalàan ng̃ may apat na raa’t limáng pûng libong piso na walâng anomang gawâ—ang tugón ni P. Irene na lalò’t lalò pang kumakampí sa pamahalàan......
—Siyá, siya na, mg̃a ginoo—ang sabi ng̃ General na pinutol ang pagtatalo—mayroon akóng balak tungkol sa bagay na iyan at iniuukol ko ang aking pagninilay sa katalinuhang bayan. ¿Mayroon pá bang bagay na pagpapasiyahán?
Warì’y natatakot na tiningnán ng̃ kalihim si P. Sibyla at si P. Irene. Ang pinakamalakí’y lálabas na. Ang dalawá’y humandâ.
[99]—Ang kahiling̃an ng̃ mg̃a nag-aaral na humihing̃îng pahintulot upang magbukás ng̃ isáng Akademia ng̃ wikàng kastilà—ang sagót ng̃ kalihim.
Nápuna sa lahát ng̃ nasa salas ang pagkaguló, at matapos siláng makapagting̃inan ay nápatitig sa General upang mákilala ang ipapasiya. May anim na buwan nang ang kahiling̃an ay nag-aantáy doon ng̃ isáng kapasiyahan at nagíng isáng warì’y casus belli na tulóy ng̃ iláng lupon. Ang General ay nakatung̃ó na warìng upang huwag mákilala ng̃ ibá ang kaniyáng iniisip.
Bumíbigát ang anyô ng̃ pananahimik at ang gayón ay nahalatâ ng̃ General.
—¿Anó ang pasiyá ninyó?—ang tanóng sa mataás na kawaní.
—¡Anó pá ang ipasisiyá ko, aking General!—ang sagót ng̃ tinanóng na kinibít ang balikat at ng̃umitî ng̃ ng̃itîng malungkót—¡anó ang ipasisiyá ko kundî ang kahiling̃an ay karapatdapat at ipinagtátaká ko ang pagtatagál ng̃ anim na buan upang ang bagay na iyan ay mapasiyahán!
—Hindî’t may napapagitnâng mg̃a bagaybagay—ang malamíg na tugòn ni P. Sibyla na ipinikít ng̃ kauntî ang matá.
Mulîng ikinibít ng̃ mataás na kawaní ang kaniyáng balikat na warìng hindî niyá batíd kung anó ang mg̃a bagaybagay na iyon.
—Bukód sa walâ sa panahón ang ninanasà,—ang patuloy ng̃ dominiko—bukod sa tagláy niyáng laban sa aming kapangyarihan....
Hindî nakapagpatuloy si P. Sibyla at tuming̃ín kay Simoun.
—Ang kahiling̃an ay may anyông dapat paghinalàan—ang dugtóng nitóng hulí na nakipagting̃inan sa dominiko.
Itó’y makálawáng pumikít. Nang mákita ni P. Irene ang gayón ay nahalatâ na niyang ang kaniyáng usap ay talo na halos, sapagkâ’t kalaban si Simoun.
—Isáng payapàng pagtakwíl, isáng pagbabang̃ong ang gamit ay papel sellado—ang dugtóng ni P. Sibyla.
—¿Pagbabang̃on, pagtakwíl?—ang tanóng ng̃ mataás na kawaní, na nápating̃ín sa madlâ na warìng walâng maantiluhan.
—Ang nang̃ung̃ulo ay mg̃a binatàng kilalá sa pagkamakabago [100]at napakalalò, kundî pang̃ang̃anlán ng̃ ibá pang tawag;—ang dugtóng ng̃ kalihim sa dominiko—ang isá sa kanilá’y nagng̃ang̃alang Isagani, ulong hindî matinô...... pamangkín ng̃ isáng klérigo......
—Isá sa mg̃a tinúturuàn ko—ang sagót ni P. Fernández—at akó’y nasisiyaháng loob sa kaniyá.
—¡Puñales, kasiyahán din namán iyán!—ang bulalás ni P. Camorra,—kamuntî na kamíng magpanuntukan sa bapor: sapagkâ’t nápakawalâng galang, ¡itinulak ko siyá at itinulak namán akó!
—Mayroon pang isáng nagng̃ang̃alang Makaragui ó Makarai......
—Makaraig,—ang sagót ni P. Irene na nakihalò sa usapan,—isáng binatàng nápakagandáng ugalì at nakalúlugód.
At ibinulong sa General.
—Iyan ang sinabi ko sa inyó, mayaman...... iniluluhog ng̃ condesa na inyóng tingnán.
—¡Ah!
—Isáng nag-aaral sa panggagamót na nagng̃ang̃alang Basilio.
—Sa Basiliong iyan ay walâ akóng masasabi—ang tugón ni P. Irene na itinaás at ibinuká ang mg̃a kamáy na warìng mag dodominus vobiscum;—sa ganáng akin iyan ay tubig na hindî kumikilos. Kailán ma’y hindî ko naunawà ang ninanasà ni ang iniisip. ¡Sayang at hindî natin kaharáp ng̃ayón si P. Salvi upang magpakilala sa atin ng̃ pinagmulán ng̃ binatàng iyan! Náaalala kong aking náding̃íg na sinasabing niyong kaniyáng kabatàan ay may ipinakialám sa kaniyá ang guardia sibil.... ang kaniyáng amá’y nápatay sa isáng guló na hindî ko na maalaala....
Si Simoun ay napang̃itîng malumanay, walâng kalatís, ipinatanáw lamang ang kaniyáng ng̃iping mapuputî’t mabuti ang pagkakahanay....
—¡Ahá, ahá!—anáng General na tumang̃ô tang̃ô—¿gayón palá? ¡Italâ ninyó ang pang̃alang iyán!
—Ng̃unì, aking General,—ang sabi ng̃ mataás na kawaní ng̃ makitang masamâ ang tung̃o ng̃ salitâan—hanggáng sa ng̃ayón ay walâ pang nababatíd na bagay na laban sa mg̃a binatàng iyán; ang kaniláng kahiling̃an ay matuwid at walâ tayong karapatáng huwág dinggín dahil sa panunuláy lamang sa mg̃a hakàhakà. Sa akalà ko ay nárarapat na sang-ayunan [101]ng̃ Pamahalàan ang kahiling̃an at sa gayón ay magpapamalas ng̃ kaniyáng pagkakátiwalà sa bayan at ng̃ katibayan ng̃ kaniyáng pagkakatatag; at siya’y may kalayàang bawìing mulî ang pahintulot kung mákitang dahil sa kaniyáng mabuting kalooban ay nagpapakalabis. Mg̃a sanhî at paraán sa pagbawì ay hindî mawawalán, mababantayán natin silá.... ¿Anó’t pasasamâín ang loób ng̃ iláng binatà, na mangyayaring magdamdám pagkatapos, gayóng ang kaniláng hiníhilíng ay nálalagdâ sa mg̃a utos ng̃ harì?
Si P. Irene, si don Custodio at si P. Fernández ay nagpamalas ng̃ kaniláng pagsang-ayon sa pamagitan ng̃ tang̃ô ng̃ ulo.
—Ng̃unì’t ang mg̃a indio ay hindî nárarapat mátuto ng̃ wikàng kastilà ¿batíd bagá ninyó?—ang sigaw ni P. Camorra—hindî dapat mátuto, sapagkâ’t pagkatapos ay nakikipang̃atuwiranan sa atin, at ang mg̃a indio ay hindî dapat mang̃atuwiran kundî sumunód lamang at magbayad.... hindî dapat manghimasok sa pagsurì ng̃ sinasabi ng̃ mg̃a kautusán at ng̃ mg̃a aklát ¡napakamatatalas at mg̃a mapag-usáp! Pagkaalám ng̃ wikàng kastilà ay nagiging kalaban ng̃ Dios at ng̃ España.... basahin ninyó ang kabuhayang “Tandâng Basio Makunat” at kung hindî gayón; ¡iyán ang aklát! ¡May mg̃a katotohanang ganganitó!
At ipinakita ang mabibilog niyáng kamáy na pasuntók.
Hinaplós ni P. Sibyla ang kaniyáng anit na bilang tandâ ng̃ pagkainíp.
—¡Isáng salitâ!—aniyá na umanyô ng̃ anyông lalòng mapayapà sa gitnâ ng̃ kaniyáng pagng̃ing̃itng̃ít—hindî ang pagtuturò lamang ng̃ wikàng kastilà ang pinag-uusapan dito, dito’y may isáng piping pagtutunggalî ng̃ mg̃a nag-aaral at ng̃ mg̃a parì sa Unibersidad ng̃ Sto. Tomás; kung masusunód ng̃ mg̃a nag-aaral ang kaniláng hang̃ád ay manghihinà ang pananalig sa amin, sasabihing kamí’y dinaíg at mang̃agmamataás, at walâ na ang paniniwalà, walâ na ang lahát! Pagkaguhô ng̃ unang sagkâ ¿sino pá ang makahahadláng sa kabatàang iyan? Sa aming paglagpák ay walâ kamíng gágawín kun dî ang ipakilala namán ang paglagpák ninyó! Matapos kamí ang pamahalàan namán.
—¡Iyan ang hindî mangyayari, puñales!—ang sigáw ni P. Camorra—¡tingnan muna natin kung sino ang may malakás na pangsuntók!
[102]Sa gayón ay nagsalitâ si P. Fernández, na sa boong pagtatalo ay nanirá lamang sa kang̃ing̃itî. Lahát ay nakimatyág sapagkâ’t kilaláng siya’y may mabuting ulo.
—Huwag sumamâ ang loób ninyó sa akin, P. Sibyla, kung hindî ninyó akó káisá sa paghuhulòng ukol sa bagay na itó, ng̃unì’t nápakatang̃ìng kapalaran ang sa akin, na kailán man halos, ay kasalung̃át akó ng̃ aking mg̃a kapatíd. Ang sabi ko ng̃â’y hindî tayo dapat mabaklá. Ang pagtuturò ng̃ wikàng kastilà ay mangyayaring pahintulutan ng̃ walâng anománg kapang̃aniban, at upang huwag lumabás na isáng pagdaíg sa Unibersidad, ay nárarapat na tayong mg̃a dominiko ay magpáuná sa pagkagalák ng̃ dahil sa bagay na iyan; iyan ang política. ¿Bakit tayo makikipaglabanán tuwî na sa bayan, sa tayo ay kakauntî at silá ay marami, sa kailang̃an natin silá at tayo’y hindî nilá kailang̃an?—¡Hintáy muna kayó, P. Camorra, hintáy muna kayó!—Payagan na nating ng̃ayón ay mahinà ang bayan at walâng maraming nálalaman, ako mán ay gayón din ang akalà ko, ng̃unì’t bukas ay hindî na gayón, ni sa makalawá. Bukas makalawá ay silá ang magiging malakás, mababatíd ang kaniláng mg̃a kailang̃an at hindî natin mapipigil, gaya rin namán ng̃ hindî mangyayaring mapigil, na, pagdatíng ng̃ batà sa iláng gulang ay makaalám ng̃ maraming bagay... Ang sinasabi ko ng̃â ay ¿bakit hindî natin samantalahín ang kalagayang itó sa kamangmang̃án upang magpalít ng̃ paraan sa pamamalakad at itatág sa matibay na batayán, na hindî mapapawì, sa batayáng katwiran, sa halimbawà, at huwag sa batayáng kamangmang̃án? Sapagkâ’t walâ nang kagaya ng̃ magíng makatwiran, gaya ng̃ sinabi ko sa tuwi na sa aking mg̃a kapatid, ng̃unì’t ayaw akóng dinggín. Ang indio, gaya rin ng̃ alín mang bayang batà pá ay mapag-usig ng̃ katwiran; humíhing̃î ng̃ parusa kung nagkasala, at námumuhî pag hindî kinamít ang gayón. ¿Marapat ang hinihing̃î? Ipagkaloob, ibigáy natin sa kanilá ang lahát ng̃ páaraláng kailang̃an, mapapagod din silá: ang kabatàan ay bulagbol na talagá, ang nag-uudyók lamang sa kanilá sa pag-uusig ay ang ating pagsalung̃át. Ang ating panilòng karang̃alan ay lumà na, P. Sibyla: gumawâ tayo ng̃ ibá, ang panilòng pagkilala ng̃ utang na loób, sa halimbawà. Huwag tayong magsamangmáng, gayahan natin ang mg̃a hesuita......
[103]—¡Oh, oh, P. Fernández!
Hindîng hindî: matitiis na lahát ni P. Sibyla, liban na lamang sa pagayahan sa kaniyá ang mg̃a hesuita. Namumutlâ’t nang̃ing̃iníg na nagbubusá ng̃ mg̃a matalas na wikà.
—Magpransiskano na muna.... ¡Kahit na anó, huwag lamang hesuita!—ang sabing walâng patumanggâ.
—¡Oh, oh!
—¡Eh, eh! Padre P.....!!
Ang sumunód ay isáng pagtatalong panabáy ng̃ lahát, na nalimot na ang General; nagsasalitâng sabáysabáy, nagsisigáwan, hindî mang̃agkalinaw, nang̃agtatalo; si Ben Zayb ay kaharáp ni P. Camorra at nag-uumang̃án ng̃ suntók, binábanggit ng̃ isá ang mg̃a gansâ at ang isá’y ang mg̃a manghihitít ng̃ tintá, tinutukoy ni P. Sibyla ang kapítulo at si P. Fernández namán ay ang sa Summa ni Sto. Tomás, at ibp., hangáng sa pumasok ang kura sa Los Baños at sinabing nakahandâ na ang pananghalìan.
Tumindíg ang Capitan General at sa gayó’y naputol ang pagtatalo.
—¡Siya, mg̃a ginoo!—ang sabi—ng̃ayó’y marami tayong nagawâ, gayóng tayo’y nasa kapanahunan ng̃ pagpapahing̃á! May nagsabing ang mg̃a maseselang na bagay ay dapat pag-usapan sa pagtatapós ng̃ pagkáin. Akó’y lubós na sang-ayon sa sabing iyón.
—Bakâ masirà ang tiyán natin—ang sabi ng̃ kalihim, na ang tinutukoy ay ang init ng̃ salitàan.
—Kung gayón ay ipagpabukas na natin.
Nagtindigang lahát.
—Aking General—ang sabing marahan ng̃ mataás na kawaní—ang anák na babai ni kabisang Tales ay nagbalík na mulî’t hinihing̃î ang paglayà ng̃ kaniyáng nunòng may sakít na hinuling bilang kapalít ng̃ amá......
Tiningnán siyáng masamâ ang loób ng̃ General, na hinaplós ang malapad na noó.
—Putris yatàng ¡hindî na babayàang ang tao’y makapananghalìng mapayapà!
—Ikatlóng araw na ng̃ kaniyáng pagparito; isáng kaawàawàng dalaga...
—¡Ah, demonio!—ang bulalás ni P. Camorra—sinasabi ko na ng̃âng mayroón akóng bagay na sasabihin sa General; [104]kung kayâ ng̃â akó naparito ay...... upang katigan ang kahiling̃an ng̃ binibining iyán!
Kinamot ng̃ General ang kaniyáng taing̃a.
—¡Siyá!—ang sabi—padalhán ng̃ sulat ng̃ kalihim ang teniente ng̃ guardia sibil upang pakawalán. ¡Hindî masasabing hindî akó maawâín at mahabagin!
At tuming̃ín kay Ben Zayb. Ikinisáp ng̃ mamamahayag ang kaniyáng matá.
Masamâ ang loób at halos ang mg̃a matá’y lumuluhà ng̃ lumalakad sa Escolta si Plácido Penitente upang tumung̃o sa Universidad ng̃ Sto. Tomás.
May mg̃a iláng linggó lamang na kararatíng na galing sa kaniyáng bayan at makálawá nang sumulat sa kaniyáng iná na ang iniuukilkil ay ang kaniyáng nasàng iwan ang pag-aaral upang umuwî at maghanap buhay. Sinagót siyá ng̃ kaniyáng iná na magtiístiís, makuha man lamang ang pagka bachiller en artes, sapagkâ’t sayang namáng iwan ang pag-aaral, matapos ang apat na taóng paggugugol at paghihirap ng̃ isá’t isá sa kanilá.
¿Saán buhat ang pag-ayáw ni Penitente sa pag-aaral, gayóng siya’y isá sa mg̃a masumigasig at bantóg sa paaraláng pinamamahalàan ni P. Valerio sa Tanawan? Doon ay nábibilang si Penitente na isá sa mg̃a lalòng mabuti sa latin at matalas sa pakikipagkatwiranan, na marunong gumusót at maghanay ng̃ mg̃a paguusap na lalòng magàan at walâng kahirapan; siyá ang inaarìng lalòng pinakamatalas ng̃ kaniyáng mg̃a kababayan, at dahil sa kabantugang iyon, ay ibinibilang na siyáng pilibustero ng̃ kaniyáng kura, katunayang lubós na hindî siyá hang̃ál ni táong walâng namumuwang̃an. Hindî máwatasan ng̃ kanyáng mg̃a kasama ang gayóng nasàng pag-uwî at iwan ang pag-aaral; walâ namáng nililigawan, hindî mánunugal, bahagyâ ng̃ marunong ng̃ hungkìan at kapang̃ahasan na sa kaniya ang pakikilarô ng̃ isáng rebesino; hindî naniniwalà sa payo ng̃ mg̃a prayle, kinukutyâ ang tandáng Basio, may salapîng higít sa kailang̃an, may mahuhusay na damít; ng̃unì’t gayón man, ay masamâ ang loób kung pumasok at kinasusuklamán ang mg̃a aklát.
[105]Sa tuláy ng̃ España, na ang tang̃ìng bagay na tagláy na ukol sa España ay ang pang̃alan lamang, sapagkâ’t sampû ng̃ kaniyáng mg̃a bakal ay galing sa ibáng lupaín, ay nákatagpô ng̃ mahabàng hanay ng̃ mg̃a binatàng tung̃o sa loób ng̃ Maynilà upang pumasok sa kaníkaniláng páaraláng pinápasukan. Ang ilán ay suót tagá Europa, matutulin ang lakad, na dalá ang mg̃a aklát at kuaderno, may iniisip, inaalaala ang kaniláng mg̃a lisyón at mg̃a sinulat na iháharáp; ang mg̃a itó’y tagá Ateneo. Ang mg̃a tagá Letrán ay nápupuná sapagkâ’t lahát halos ay suot pilipino, silá ang lalòng makapál at walâng maraming aklát. Ang bihis ng̃ mg̃a tagá Universidad ay lalòng maayos at makisig, mararahan ang lakad at madalás pang tungkód ang dalá at hindî aklát. Ang kabatàang nag-aaral sa Pilipinas ay hindî mapangguló at mapag-ing̃áy; nang̃aglálakád na warì’y may iniisip; ang sino mang makakita sa kanilá ay magsasabing sa haráp ng̃ kaniláng mg̃a matá ay walâng anó mang pag-asang nátatanáw, ni magandáng kinábukasan. Kahi’t na sa mg̃a ilan iláng dako’y nakapagpapasayá sa hanay ang matalagháy at makulay na anyô ng̃ mg̃a nag-aaral na babai sa Escuela Municipal, na may mg̃a sintás sa balikat at bitbít ang kaniláng mg̃a pinag-aaralang aklát at kasunód ang kaniláng mg̃a alilà, ay bahagyâ nang máding̃ig ang isáng tawa, bahagyâ nang máding̃ig ang isáng aglahì; walâng mg̃a awitan; walâng masasayáng parunggít; kung bagá man ay mabibigát na birò, awayán ng̃ maliliit. Ang mg̃a malalakí ay karaniwan nang walâng kibô at maayos ang kagayakan na gaya ng̃ mg̃a nag-aaral na alemán.
Si Plácido ay naglálakád sa liwasan ni Magallanes upang pumasok sa butas—dating pintô—ng̃ Sto. Domingo nang biglâng tumanggáp ng̃ isáng tampál sa balikat na siyáng nakapagpaling̃ón sa kaniyáng biglâ, na masamâ ang ulo.
—¡Hoy, Penitente, hoy, Penitente!
Ang tumampál palá ay ang kasama niyáng si Juanito Pelaez, ang mapaglang̃ís at minámahal ng̃ mg̃a gurô, walâng kapara sa kasamâán at kalikután, may ting̃íng mapanuksó at ng̃itîng mapagbirô. Anák ng̃ isáng mestisong kastilà, mayamang máng̃ang̃alakál ng̃ isá sa mg̃a arrabal, na umaasa sa katalinuhan ng̃ binatà; dahil sa kaniyáng pagkamakulabíd ay hindî náhuhulí sa ibá, may ugalìng mapagbirô ng̃ masamâ sa lahát [106]at pagkatapos ay magkakanlóng sa likurán ng̃ mg̃a kasama at may katang̃ìtang̃ì siyáng kakubàan na lumálakí kailan ma’t may panunuksóng ginagawâ at nagtátawá.
—¿Nakapag-alíw ka bang mabuti, Penitente?—ang tanóng na kasabáy ang mg̃a malakás na pagtampál sa balikat.
—Ganoon, ganoon—ang sagót na may kamuhîán ni Plácido—¿at ikáw?
—¡Mabuting mabuti! Sukat ba namáng anyayahan akó ng̃ kura sa Tiani, na sa kaniyáng bayan akó magpahing̃á; naparoón akó........ kaibigan! ¿Kilalá mo ba si P. Camorra? Siyá’y isáng kurang mapagpaumanhín, mabuting kaibigan, matapát, lubhâng mapagtapát, kagaya ni P. Paco.... At sa dahiláng maraming dalagang magagandá doón, ay nanapatan kamíng dalawa, ang pigil niyá’y gitarra at kumakantá ng̃ mg̃a peteneras at akó namá’y biolin.... Masasabi ko sa iyó, kaibigan, na gayón na lamang ang sayá namin; walâng bahay na hindî namin inakyát.
Bumulóng sa taing̃a ni Plácido ng̃ iláng salitâ at pagkatapos ay nagtawá. At sa dahiláng nagpakita ng̃ pagkakámanghâ si Plácido, ay idinagdág pang:
—¡Maisusumpâ ko sa iyó! At walâng hindî pangyayari, sapagkâ’t sa pamag-itan ng̃ isáng utos ng̃ pamahalàan ay maaarìng pawìin ang amá, asawa ó kapatíd at tapús ang salitàan! Gayón man ay nakátagpô kamí ng̃ isáng ung̃ás, katipán mandín ni Basilio sa akalà ko. Nápakaulól niyóng si Basilio! Magkaroón ba namán ng̃ niligawang hindî marunong ng̃ wikàng kastilà, walâng yaman at nagíng alilà pa! Masung̃it na masung̃ít ng̃unì’t magandá. Isáng gabí’y hinambalos ni P. Camorra ang dalawáng nanapatan sa kaniyá at salamat na lamang at hindî nang̃ápatáy. Ng̃unì’t gayón man ay masung̃ít pá rin ang babai. Datapwâ’y susukò rin siyá na gaya ng̃ ibá.
Si Juanito Pelaez ay malakás na humáhalakhák na warì’y ikinaliligaya niyáng lubós ang gayón. Minasdán siyáng masamâ ang loób ni Plácido.
—Hintáy ka palá ¿anó bá ang iniulat kahapon ng̃ katedrátiko?—ang tanóng na inibá ang sálitàan.
—Kahapon ay walâng pasok.
—¡Oho! At kamakalawá?
—¡Tao ka, Huebes, e!
[107]—Siyá ng̃â palá ¡napakahayóp akó! ¿Alám mo Plácido na nagíging hayop akó? At noong Miérkoles?
—¿Noong Miérkoles? Hintáy ka.... niyóng Miérkoles ay umambón.
—¡Mainam! at noong Martés?
—Noong Martés ay pistá ng̃ katedrátiko at hinandugán namin siyá ng̃ isáng orkesta, kumpól ng̃ mg̃a bulaklák at ilán pang handóg....
—¡Ah, putris!—ang bulalás ni Juanito—nakalimutan ko ng̃â palá, ¡napakahayop akó! At ¿itinanóng bá akó?
Kinibít ni Penitente ang kaniyáng balikat.
—Ayawán ko, ng̃unì’t ibinigáy sa kaniyá ang tálàan ng̃ mg̃a may gawâ ng̃ pista.
—¡Putris!.... at noong Lunes ¿anó ang nangyari?
—Sa dahiláng siyáng unáng araw ng̃ pasukán ay binasa ang tálàan ng̃ mg̃a pang̃alan at itinakdâ ang lisyon: ang ukol sa mg̃a salamín. Tingnán mo; mulâ rito hanggáng doon, isasaulo, walâng labis walâng kulang.... tátalunán ang kaputol na ìtó at itó ang isúsunód.
At itinuturò ng̃ dalirì sa písika ni Ramos ang mg̃a dakong pag-aaralan, ng̃ bigláng sumalipadpad sa hang̃in ang aklát dahil sa isáng tampál na papaitaas na ibinigáy ni Juanito.
—Siyá bayàan mo ng̃â ang lisyón, mag ipít na araw na tayo.
Tinatawag na ipít na araw ng̃ mg̃a nag-aaral sa Maynilà, ang araw na napapagitnâ sa dalawáng kapistahan, na inaalís at pinapawì sa kaibigáng sarili ng̃ mg̃a nag-aaral.
—¿Alám mo bang nápakahayop mo ng̃â?—ang tugóng pagalít ni Plácido samantalang pinupulot ang kaniyáng aklát at mg̃a papel.
—Halinang mag ipít na araw—ang ulit ni Juanito.
Ayaw si Plácido: hindî dahil sa pagkukulang ng̃ dalawá’y hindî itútulóy ang klase ng̃ mahigít sa isáng daa’t limang pû. Naaalaala ang mg̃a paghihirap at pag-iimpók ng̃ kaniyáng iná na siyáng nagbibigáy ng̃ ginugugol niyá sa Maynilà at siyáng nagsasalát.
Nang mg̃a sumandalîng iyón ay pumapasok silá sa butas ng̃ Sto. Domingo.
—Maalala ko palá—ang bulalás ni Juanito ng̃ mákita [108]ang liwasan sa haráp ng̃ bahay-aduana—¿alám mo bang akó ang nátungkuláng mang̃ilak ng̃ ambágan?
—¿Anóng ambagan?
—Ang sa monumento.
—¿Anóng monumento?
—¡Alín pá! ang sa kay P. Baltazar ¿hindî mo ba nálalaman?
—¿At sino ba ang P. Baltazar na iyán?
—¡Abá! ¡isáng dominiko! Kayâ’t lumapit ang mg̃a parì sa mg̃a nag-aaral. ¡Sulong na, magbigáy ka na ng̃ tatló ó apat na piso upang mákitang tayo’y hindî maramot! Upang huwag masabing sa pagtatayô ng̃ isáng estátua ay ang alapót nilá ang dinukot. ¡Sulong na Placidete! hindî mawawalâng kabuluhán ang salapî mo!
At sinabayán ang salitâng itó ng̃ isáng makahulugáng kindát.
Naalaala ni Plácido iyong isáng nag-aaral na nakalalampás sa pagsusurì dahil sa paghahandóg ng̃ kanario, kayâ’t nagbigáy ng̃ tatlóng piso.
—Tingnán mo, isusulat kong maliwanag ang iyong pang̃alan upang mábasa ng̃ propesor, ¿nákikita mo bá? Plácido Penitente, tatlóng piso. ¡Ah! ¡tingnán mo! Sa loób ng̃ ikalabíng limang araw ay pistá ng̃ propesor sa Historia Natural.... Alám mong napakamasayá, na hindî naglalagáy ng̃ pagkukulang at hindî tumátanóng ng̃ lisyón. ¡Kaibigan, dapat tayong gumantí ng̃ utang na loób!
—¡Siyá ng̃â!
—¿Anó, dapat ba nating handugán ng̃ isáng pistá? Ang orkesta ay dapat na magíng kaparis ng̃ dinalá ninyó sa katedrátiko sa Písika.
—¡Siyá ng̃â!
—¿Anó sa akalà mo kung gawín nating tigalawang piso ang ambagan? Sulong Placidíng, magpáuna ka sa pagbibigay, sa gayón ay máuuna ka sa talàan.
At sa dahiláng ibinigáy ng̃ walâng gatól ni Plácido ang hiníhing̃îng dalawáng piso, ay idinagdág ang:
—Hoy, apat na ang ibigáy mo, at sakâ ko na isasaulì sa iyó ang dalawá; upáng magíng pain lamang.
—Kung isasaulì mo rín ¿anó’t ibíbigay ko pá sa iyo? Sukat nang ilagáy mong apat.
[109]—¡Ah, siyá ng̃â palá! nápakahayop akó! ¿alám mong nagiging hayop akó ng̃ayón? Ng̃unì’t ibigáy mo na rin sa akin upang ipakita ko sa ibá.
Upang huwag pabulaanan ni Plácido ang kura na naglagáy sa kaniyá ng̃ pang̃alan, ay ibinigáy ang hiníhing̃î sa kaniyá.
Dumatíng silá sa Universidad.
Sa papasukan at sa hinabàhabà ng̃ banketa na nakalatag sa palibid ng̃ Unibersidad ay nang̃aghihintùan ang mg̃a nag-aaral na nag-aantáy ng̃ pagpanaog ng̃ mg̃a propesor. Ang mg̃a nag-aaral ng̃ taóng paghahandâ upáng mag-aral ng̃ Derecho, ikalimáng taón ng̃ segunda enseñanza, at ng̃ paghahandâ upáng mag-aral ng̃ Medicina ay nagkakahalobilo: ang mg̃a hulíng tinuran ay madalîng mákilala dahil sa kaniláng kagayakan at sa kaniláng kiyás na hindî nákikita sa ibá: ang marami sa kanilá ay galing sa Ateneo Municipal at kapiling nilá ang makatàng si Isagani na ipinakíkilala sa isáng kasama ang pang̃ang̃aninag ng̃ liwanag. Sa isáng pulutóng ay nagtatalotalo, nagkakatwiranan, bumabanggit ng̃ sinabi ng̃ propesor, ng̃ mg̃a nátatalâ sa aklát, ng̃ mg̃a principios escolásticos; sa ibáng pulutóng ay nagkukumpayan ng̃ mg̃a aklát, sa pamagitan ng̃ mg̃a tungkód ay iginuguhit sa lupà ang ibig ipakilala; sa dako pa roon ang nang̃alílibang namán sa panonood sa mg̃a mapanatang tumutung̃o sa kalapít na simbahan, at kung anó anó ang ibinubuhay dahil sa namamálas.
Isáng matandâng babai na akay ng̃ isáng dalaga ay papiláypiláy na nagdádasal; nakatung̃óng lumalákad ang binibini, natatakót-takót, nahihiyâng dumaan sa haráp ng̃ gayóng karaming tumíting̃ín; itinátaás ng̃ matandâ ang kaniyáng saya na kulay kapé ng̃ mg̃a kakapatid ni Sta. Rita, upang ipakita ang matatabâng paa at mg̃a medias na putî; kinagagalitan ang kaniyáng kasama at tinitingnán ng̃ masamâng ting̃ín ang mg̃a nanonood.
—¡Mg̃a saragate!—ang pang̃itng̃ít na bulóng—¡huwag mo siláng tingnán, itung̃ó mo ang iyong ulo!
Ang lahát ay nápupuná, ang lahát ay nagiging sanhî ng̃ biruán at buhaybuhay.
Minsan ay isáng mainam na victoria na hihintô sa piling ng̃ pintùan upang iwan doon ang isáng mag-aanak na [110]mapanata; dadalaw sa Birhen del Rosario sa kaniyáng pinilìng araw: ang mg̃a matá ng̃ nanonood ay handâng lahát upang tanawín ang anyô at lakí ng̃ paa ng̃ mg̃a binibini sa pag-ibís sa sasakyán: minsán ay isáng nag-aaral na lumálabás sa pintúan na tagláy pá sa mukhâ ang pagkakapanalang̃in: dumaan sa simbahan upang idalang̃in sa Birhen na mangyaring maliwanagan niyá ang lisyón, upang tingnán kung nároroón ang kaniyáng nilalang̃it, makipagsulyapan at tumung̃o sa páaralán na tagláy sa alaala ang mg̃a matáng magiliw na iyon.
Ng̃unì’t námatyág sa mg̃a pulutóng ang galawan, isáng warìng pagaantabáy, at si Isagani ay nápatigil at namutlâ. Isáng sasakyán ang humintô sa pintùan: ang magkaparis na kabayong putî ay kilaláng-kilalá. Yaon ang sasakyán ni Paulita Gómez na nakalundág na agád sa lupà, na mabilís na warì’y ibon, na hindî binigyáng panahóng mákita ng̃ mg̃a nanónoód ang kaniyáng paa. Sa isáng mainam na kilos at isáng haplós ng̃ kamáy ay naayos ang mg̃a tupî ng̃ kaniyáng saya, at sa isáng matuling sulyáp na warì’y hindî kinukusà ay nákita si Isagani, bumatì’t ng̃umitî. Bumabâ namán si aling Victorina, tuming̃ín ng̃ paimbabáw sa kanyáng salamin, nákita si Juanito Pelaez, ng̃umitî at binatì itó ng̃ magiliw.
Si Isagani ay sumagót ng̃ batìng takót, na namumulá dahil sa lugód; si Juanito ay nagpakayukôyukô, nag-alís ng̃ sombrero at ikinilos ang mukhâ na kagaya ng̃ bantóg na kómiko at karikato Panza kung tumatanggáp ng̃ pagakpakan.
—¡Mecachis! ¡Kay gandáng dalaga!—ang bulalás ng̃ isá, na humandâ sa pagyao—sabihin ninyó sa katedrátiko na akó’y malubhâ.
At si Tadeo, itó ang kaniyáng pang̃alan, ay pumasok sa simbahan upang sundán ang dalaga.
Si Tadeo ay pumaparoon araw araw sa Unibersidad upang itanóng kung may pasok at tuwî na’y nagtátaká kung bakit may pasok: mayroon siyáng hinalàng may isáng cuacha na panáy at walâng katapusán at ináantáy niyáng dumatíng sa bawà’t sandalî. At bawà’t umaga, matapos na hindî mangyari ang mungkahì niyáng magliwalíw, ay áalís na nagdádahiláng may malakíng kagipitan, ó gágawin, ó sakít, sa sandalî pa namáng ang kaniyáng mg̃a kasama ay papasok sa klase. Ng̃unì’t sa dî mabatíd na kaparaanan ay nakalálampás [111]si Tadeo sa mg̃a pagsusurì, ginigiliw ng̃ kaniyáng mg̃a propesor at náhaharáp sa isáng magandáng kinábukasan.
Samantala namán ay nagsísimulâ ang mg̃a kilusán at gumágaláw ang mg̃a pulúpulutóng; pumanaog na sa klase ang propesor sa Písika at Kímika.
Ang mg̃a nag-aaral, na warìng nawalán ng̃ pag-asa, ay pumasok sa loób ng̃ páaralán na nang̃akabitíw ng̃ iláng bulalás sa dî kasiyahang loób. Si Plácido Penitente ay nakisunód sa karamihan.
—¡Penitente, Penitente!—ang tawag sa kaniyáng palihím ng̃ isá—lumagdâ ka rito!
—At ¿anó iyán?
—Huwag mo nang tanung̃ín, lumagdâ ka!
Warìng náramdamán ni Plácido na may pumipirol sa kaniyáng taing̃a; nasa sa alaala niyá ang kabuhayan ng̃ isáng kabisa sa kaniyáng bayan, na dahil sa pagkakálagdâ sa isáng kasulatang hindî batíd ang lamán, ay nábilanggông maláon at kauntî pang nápatapon. Upang huwág niyáng malimot ang pangyayaring iyón ay pinirol siyá ng̃ malakás sa taing̃a ng̃ isá niyáng amaín. At kailán mang nakakading̃íg siyá ng̃ salitàang ukol sa paglagdâ ay warìng náraramdamán niyá sa kaniyáng taing̃a ang sakít na tinanggáp.
—Patawarin mo akó, kasama, ng̃unì’t hindî akó lumálagdâ sa anó man, kailan pa ma’t hindî ko pa nauunawà.
—¡Napakahang̃ál mo! nakalagdâ na rito ang dalawáng carabineros celestiales ¿anó pa ang ikatatakot mo?
Ang pang̃alang carabineros celestiales ay nakapagbíbigay tiwalà. Yaón ay isáng banal na pulutóng na itinatag upang tumulong sa Dios sa pakikibaka sa dilàng kasamâan, upang pigilin ang pagpasok ng̃ contrabando herético sa talipapâ ng̃ bagong Siyon.
Lalagdâ na sana si Plácido upang matapos na lamang ang usap sapagkâ’t nagmamadalî; ang kaniyáng mg̃a kasama ay nagdadasal na ng̃ O Thoma, ng̃unì’t náramdamán niyá mandíng pinipigilan ng̃ kaniyáng amaín ang kaniyáng taing̃a, kayâ’t nagsabing:
—¡Makatapos na ang klase! ibig ko munang mábasa.
—Napakahabà, ¿alám mo bá? ang bagay ay upang gumawâ ng̃ isáng kahiling̃ang laban, sa tuwid na sabi, isáng [112]tutol. ¿Alám mo bá? Si Makaraig at ilán pang kasama ay humihing̃îng magbukás ng̃ isáng akademia ng̃ wikàng kastilà, bagay na isáng malaking kaululán......
—¡Siyá, siyá! kasama, mamayâ na sapagkâ’t nang̃agsisimulâ na—ang sabi ni Plácido na nagpupumiglás.
—¡Ng̃unì’t, hindî namán bumabasa ng̃ talàan ang inyong propesor!
—Oo, kung minsan ay bumabasa. ¡Mamayâ na! mamayâ na! At sakâ.... ayokong sumalung̃át kay Makaraig.
—Ng̃unì’t hindî namán pagsalung̃át, lamang ay......
Hindî na siyá náding̃íg ni Plácido, malayò na’t nagtutumulin sa pagtung̃o sa klase. Nakáding̃íg ng̃ ibá’t ibáng ¡adsum! ¡adsum! ¡putris, binabasa ang talàan!.... nagmadalî at dumatíng sa pintô ng̃ nasa letrang Q pa namán.
—¡Tinamàan ng̃...!—ang bulóng na nápakagát labì.
Nag-alinlang̃an kung dapat ó hindî dapat pumasok; ang guhit ay nakalagáy na at hindî na maaalís. Kayâ lamang dumádaló sa klase ay hindî upang mag-aral kundî upang huwag lamang magkaróon ng̃ guhit; walâng ginagawâ sa klase kundî pagsasabi ng̃ lisyong sinaulo, basahin ang aklát at malaki na ang mang̃isang̃isáng tanóng na malabò, malalim, nakalilitó, warì’y bugtóng; tunay ng̃â na dî nawawalâ ang muntîng pag-aaral—ang dati rin—na ukol sa kapakumbabàan, sa pagka-maalinsunod, sa paggalang sa mg̃a parì, at siyá, si Plácido, ay mapakumbabâ, masunurin at magalang. Aalís na sana ng̃unì’t naaalaalang nálalapít ang paglilitis at hindî pá siyá nátatanóng ng̃ propesor at warìng hindî siyá napupuná; mabuting pagkakataón iyón upang siyá’y mápuná at makilala. Ang mákilala ay katimbáng ng̃ pagkaraán ng̃ isáng taón, sa dahiláng kung walâng anomán ang magbigáy ng̃ suspenso sa isáng hindî kilala, ay kailang̃ang magkaróon ng̃ pusòng matigás upang huwag mabaklá sa pagkakita sa isáng binatà na isinisisi sa araw-araw ang pagkaaksayá ng̃ isáng taón niyáng buhay.
Pumasok ng̃â si Plácido na hindî patiyád na gaya ng̃ dating ugalì kundî pinatunóg pá ang kaniyáng mg̃a takón ng̃ sapatos. At ¡labis na tinamó ang ninanasà! Tiningnán siyá ng̃ katedrátiko, ikinunót ang noo at iginaláw ang ulo na warìng ang ibig sabihin, ay:
—¡Walâng galang, magbabayad ka rin sa akin!
Ang klase ay isáng look na higít ang kahabàan sa kaluwang̃an at may malalakíng durung̃awáng may karali na pinapasukan ng̃ hang̃in at liwanag. Sa hinabahabà ng̃ dingdíng na bató ay may tatlóng baitang na bató na may takíp na dalíg, na punô ng̃ mg̃a nag-aaral na ang pagkakahanay ay alinsunod sa unang letra ng̃ kaniláng pang̃alan; sa ibayo ng̃ pasukán, sa ilalim ng̃ isáng larawan ni Santo Tomás de Aquino, ay nálalagay ang luklukan ng̃ propesor, mataas at may dalawáng hagdán sa magkabilâng panig. Liban sa isáng magandáng tablero na may markong narra na hindî halos nagagamit, sapagkâ’t násusulat pa ang viva! na nákita roon sapol sa araw ng̃ pasukán, doon ay walâng anománg kasangkapang matinô ó sirâ. Ang mg̃a dingdíng, na pinintahán ng̃ putî at nátatanggól sa iláng dako ng̃ mg̃a lariong may sarìsarìng kulay upang maiwasan ang mg̃a pagkakakiskís, ay buhad na buhad; ni isáng guhit, ni isáng inukit, ni bahagyâng kasangkapan na ukol sa Písika! Ang mg̃a nag-aaral ay hindî nang̃ang̃ailang̃an ng̃ higít pá sa roon, walâng nagháhanáp ng̃ pagtuturò sa pamamag-itan ng̃ pagsasanay sa isáng karunung̃ang lubhâng ukol sa kasanayán; mahabàng panahón nang gayón ang pagtuturò at hindî naguló ang Pilipinas, kundî patuloy pá rin ng̃âng gaya ng̃ dati. Maminsan minsan ay bumábabâng buhat sa lang̃it ang isáng kasangkapan na ipinakikitang malayò sa nag-aaral, gaya ng̃ pagpapakita ng̃ Santísimo sa mg̃a mapanambáng nang̃akaluhód, tingnán mo akó ng̃unì’t huwag salang̃ín. Panapanahón, pag nagkakaroon ng̃ nagtuturòng may magandáng loób, ay nagtatakdâ ng̃ isáng araw sa loób ng̃ taón upang dalawin ang makababalagháng Gabinete at hang̃àan mulâ sa labás ang mg̃a kasangkapang dî maturan ang kabuluhán, na nang̃akalagáy sa loób ng̃ mg̃a kinalalagyán; walâng makadadaíng; ng̃ araw na iyón ay nakakita ng̃ maraming tansô, maraming bubog, maraming tubo, bilog, gulóng, kampanà, at ibp.; at hindî na hihigít pa roón ang pagtatanyág, ni hindî naguguló ang Pilipinas. Sa isáng dako namán ay alám ng̃ mg̃a nag-aaral na ang mg̃a kasangkapang iyón ay hindî binilí dahil sa kanilá [114]¡hindî hang̃ál ang mg̃a prayle! Ang Gabineteng iyón ay ginawâ upang ipakita sa mg̃a taga ibáng lupà at sa mg̃a matataás na kawaníng nanggagaling sa España, upang sa pagkakita noón ay igaláw ang ulo na may kasiyaháng loób, samantalang ang umaabay sa kanilá’y ng̃uming̃itîng ang ibig sabihin warì’y:
—¡Eh! Inakalà ninyóng ang mátatagpûan ay mg̃a parìng hulí sa kapanahunan? Kamí ay kapantáy ng̃ mg̃a kasalukuyan; mayroón kamíng isáng Gabinete!
At isusulat pagkatapos ng̃ mg̃a dayuhan at mg̃a matataás na kawaní, na pinasalubung̃an ng̃ malugód na pagtanggáp, sa kaniláng mg̃a paglalakbáy ó mg̃a tala, na: Ang Real y Pontificia Universidad ñg Sto. Tomás sa Maynila, na pinamamahalaan ñg bihasang orden dominikana, ay may isáng mainam na Gabinete ñg Písika na ukol sa ikatututo ñg kabataan... Sa taóntaón ay may dalawáng daa’t limang pu ang nag-aaral ñg tinurang asignatura, at marahil dalá ñg katamaran, ñg pagwawalang bahala, sa kauntian ñg kaya ñg indio ó ibá pang sanhing likás sa kanilá ó bagay na di mawatasan.... hanggáng sa ñgayón ay hindi pa sumisipót ang isáng kahi’t munti man lamang, na Lavoisier, isáng Secchi, ni isáng Tyndall, na lahing malayong pilipino.
Datapwâ’y upang mapagkilala ang katotohanan ay sasabihin namin, na sa Gabineteng itó nag-aaral ang tatló ó apat na pûng pumapasok sa ampliación sa ilalim ng̃ pamamahalà ng̃ isáng nagtuturòng gumáganáp namán ng̃ mabuti sa kanyáng tungkulin; ng̃unì’t sa dahiláng ang lalòng marami sa mg̃a nag-aaral ay galing sa Ateneo Municipal na ang pagtuturò doon ay sa pagsasanay sa loób ng̃ Gabinete, ay walâ ring malakíng kabuluhán ang gayóng pangyayari na dî gaya nang kung ang makasamantalá noon ay ang dalawáng daa’t limang pûng nagbabayad ng̃ kaniláng matrícula, bumibilí ng̃ aklát, nang̃ag-aaral at gumugugol ng̃ isáng taón at walâng namumuang̃an pagkatapos. Ang nangyayari, liban sa isáng kapista ó utusán na nagíng bantáy ng̃ mahabàng panahón sa museo, kailán man ay walâng nábalitàng may nápalâ sa mg̃a isinaulong lisyón na pinagkakahirapan muna bago nátutuhan.
Ng̃unì’t balikán natin ang klase.
Ang katedrátiko ay isáng dominikong batà na tumungkól [115]ng̃ lubhâng mahigpít at mabantóg sa kaniyang pagtuturò sa iláng kátedra sa paaralang San Juan de Letrán. Bantóg siyá sa pagkamabuting manalitâ’t mabuting pilósopo at isá sa mg̃a may mainam na maaasahan sa loob ng̃ kaniyáng pangkátin. Ang mg̃a matatandâ’y may pagting̃ín sa kaniyá at kinaiinggitán siyá ng̃ mg̃a batà, sapagkâ’t silá man ay mayroon ding pangkátpangkát. Yaón ang pang̃atlóng taón na ng̃ kaniyang pagtuturò at kahì’t ng̃ taóng iyón lamang siyá magtuturò ng̃ Písika at Kímika, ay kinikilala na siyáng marunong, hindî lamang ng̃ mg̃a nag-aaral, kundî sampû ng̃ mg̃a kagaya niyang palipatlipat na mg̃a propesor. Si P. Millon ay hindî kabilang ng̃ karamihang sa taóntaón ay palipatlipat ng̃ kátedra upang magkaroón ng̃ kauntîng pagkabatíd sa karunung̃an, nag-aaral sa gitnâ ng̃ ibáng nag-aaral, na walâng pagkakaibá kundî ang pangyayaring íisáng bagay lamang ang pinag-aaralan, tumátanong at hindî tinátanong, may mahigít na pagkabatíd ng̃ wikàng kastilà at hindî nililitis pagkatapos ng̃ taón. Hinahalungkát ni P. Millon ang karunung̃an, kilalá niyá ang Písika ni Aristóteles at ang kay P. Amat; maing̃at niyang binabasa ang Ramos at maminsanminsán ay tumutungháy sa Ganot. Gayón man ay iginágalaw kung minsán ang ulo na warì’y nag-aalinlang̃an, máng̃ing̃itî at búbulong ng̃: transeat. Tungkol sa Kímika, ay inaakalàng mayroon siyang dî karaniwang kabatirán sapol noong, sa pag-alinsunod sa isáng banggít ni Sto. Tomás, na ang tubig ay isáng halò, ay maliwanag niyang pinatunayan na ang taga lang̃it na doctor ay nagpáuna ng̃ malakí sa mg̃a Berzelius, Gay Lussac, Bunsen at ibá pang materialista, na pawang may muntî ó malaking kahambugán. Datapwâ’t kahì’t na nagíng propesor sa Geografía ay mayroon siyáng mg̃a iláng pag-aalinlang̃an tungkol sa kabilugan ng̃ mundó at gumagamit ng̃ may makakahulugáng ng̃itî pagsasalitâ ng̃ pag-ikit at pagligid sa araw, at binábanggít yaóng:
Ang sa bitûing pagbubulaa’yIsáng pagbubulaang mainam......
Ng̃umíng̃itîng may pakahulugán sa haráp ng̃ iláng paghahakà tungkol sa písika at inaakalàng hibáng, kundî mán bang̃áw, ang hesuitang si Secchi, na umanó’y ang pagputol nitó ng̃ pariparisukát sa ostia ay anák ng̃ pagkaguló sa astronomía, at dahil doón, ang sabi’y pinagbawalang magmisa; [116]marami ang nakápuna sa kaniyá ng̃ tila pagkamuhî sa bagay na itinuturò; ng̃unì’t ang mg̃a kapintasang itó’y maliliít na bagay, mg̃a himaling sa paraán ng̃ pag-aaral at pananampalataya, at madalîng malilinawan, hindî lamang sa dahiláng ang karunung̃an sa písika ay lubós na galing sa kasanayán, sa kábabatyág at panghihinuha, samantalang siyá’y malakás sa pilosopía, lubós na ukol sa paghuhulòhulò, sa palagáy at kurò, hindî, sa dahiláng siya’y mabuting dominiko, na magiliw sa karang̃alan ng̃ kaniyáng kapisanan, ay hindî mangyayaring malugód sa isáng katarung̃ang hindî ikinábantog ng̃ isá man sa kaniyáng mg̃a kapatíd—siyá na ang unang hindî naniniwalà sa kímika ni Sto. Tomás—ng̃unì’t ikinadadakilà ng̃ ibáng Samaháng kalaban, sabihin na nating katunggalî nilá.
Itó ang propesor ng̃ umagang iyon, na matapos mabasa ang talàan, ay ipinauulit sa mg̃a tinuturùan ang mg̃a isinaulong lisyón na walâng labis walâng kulang. Ang mg̃a ponógrapo ay umalinsunod, ang ilán ay mabuti, ang ibá’y masamâ, ang ibá’y pautal-utál, nag-aanasan. Ang makapagturing ng̃ walâng malî ay nagtátamó ng̃ isáng mabuting guhit at masamang guhit ang magkámalî ng̃ higít sa makáitló.
Ang isáng batàng matabâ, na mukhâng nag-aantók at ang mg̃a buhók ay nang̃agtuwíd at matitigás na warì’y balahibo ng̃ isáng sepilyo, ay naghikáb ng̃ makalinsád-sihang at nag-inát na iniunat ang mg̃a kamáy na warì’y nakahigâ pá sa baníg. Nakita ng̃ katedrátiko at pinag-isipang gulatin......
—¡Oy! ikáw, matutulugín, abá! cosa? Perezoso también, siguro hindî ka marunong ng̃ lisyón, ha?
Hindî lamang hindî pinúpupô ni P. Millón ang lahát ng̃ nag-aaral, gaya ng̃ sino mang mabuting prayle, kundî kinákausap pa silá ng̃ wikàng tindá, bagay na nátutuhan sa katedrátiko sa Cánones. Kung sa gayóng pananalitâ ay inakalà ng̃ Reberendo ang kutyâin ang mg̃a nag-aaral ó ang mg̃a banál na takdâ ng̃ mg̃a concilio, ay bagay na hindî pa napasisiyahán, kahì’t pinagtalunan na ng̃ mahabà.
Ang pagkakatukoy ay hindî ikinamuhî ng̃ mg̃a nag-aaral kundî ikinagalák pa at marami ang nang̃agtawanan; yaón ay nangyayari sa araw araw. Gayón mán ay hindî nátawá ang matabâ; biglâng tumindíg, kinuskós ang mg̃a matá, at [117]warìng mákina ng̃ bapor ang nagpagaláw sa ponógrapo at sinimulán ang pagsasabi ng̃:
—“Tinatawag na salamín ang lahát ng̃ pamukhâng binuli at nálalaan upang malarawan sa kaniyá, dahil sa tamà ng̃ liwanag, ang mg̃a larawan ng̃ bagay na ilapít sa tinurang pamukhâ; dahil sa mg̃a bagay bagay na bumúbuô ng̃ mg̃a pamukhâng itó ay binabahagi sa salamíng metal at salamíng bubog......”
—¡Hintáy, hintáy, hintáy!—ang biglâng pigil ng̃ katedrátiko—Jesús para kang pagupak! Tayo’y nasa salitàang ang mg̃a salamín ay binabahagi sa mg̃a salamíng metal at salamíng bubog ¿ha? At kung bigyán kitá ng̃ isáng kahoy, ang kamagóng sa halimbawà, na lininis na mabuti at hinibùan, ó kaputol na marmol na maitím na pinakabuli, isáng balok na asabatse na másisinagán ng̃ larawan ng̃ mg̃a bagay na ilagáy sa haráp ¿saang bahagi mo ilálahók ang mg̃a salamíng iyán?
Ang tinanóng, sa dahiláng hindî maalaman ang isásagot ó kayâ’y sa dahiláng hindî nalinawan ang katanung̃an, ay tumangkâng makalusót sa pagpapakilalang alám niyá ang lisyón, kayâ’t nagpatuloy na warì’y bahâ:
—“Ang mg̃a una ay binúbuô ng̃ tansô ó pagkakahalòhalò ng̃ ibá’t ibáng metal at ang pang̃alawá ay binúbuô ng̃ isáng lapád na bubog na ang dalawáng mukhâ’y kapwâ kininis at ang isá rito’y may pahid na tinggáng putî.”
—¡Tum, tum, tum! hindî iyán; dóminus vobiscum ang sinasabi ko sa iyó at ang isinásagót mo sa akin ay requiescat in pace!
At inulit sa wikàng tindâ, ng̃ mabaít na katedrátiko, ang katanung̃an na linahukán sa bawà’t sandalî ng̃ mg̃a cosa at abá.
Hindî makaiwas sa kagipitan ang kaawàawàng binatà: nag-aalinlang̃an sa kung nárarapat niyáng ihalò ang kamagóng sa mg̃a metal, ang marmol sa mg̃a bubog at ang asabatse ay iwan sa alang̃anin, hanggáng sa ang kalapít niyáng si Juanito Pelaez ay bumulóng sa kaniyá ng̃ lihim na:
—Ang salamíng kamagóng ay kasama ng̃ mg̃a salamíng kahoy!
Inulit ng̃ litó nating binatà ang kaniyáng náding̃íg, kayâ’t nag-ihít sa kátatawa ang kalahatì ng̃ klase.
[118]—¡Ikáw ang mabuting kamagóng!—ang sabi ng̃ katedrátiko na napilitang tumawa—Tingnán natin kung alín ang tatawagin nating salamín: ang pamukhâ, per se, in quantum est superficies, ó ang katawáng bumubuô ng̃ ibabaw na itó ó kayâ’y ang bagay na kinapapatung̃an ng̃ pamukhâng itó ang pinagbuhatang bagay, na náiba dahil sa pagkakabago sa kaniyá ng̃ tinatawag na pamukhâ, sapagkâ’t maliwanag na, sa dahiláng ang pamukhâ ay kabaguhan ng̃ mg̃a katawán, ay hindî mangyayaring mawalán ng̃ kabagayán. Tingnán natin ¿anó ang sabi mo?
¿Akó? ¡walâ! ang isásagót sana ng̃ kahabághabág na hindî na maalaman kung anó ang pinagsasalitàan dahil sa karamihan ng̃ mg̃a pamukhâ at mg̃a pagbabagong bumabayóng masakít sa kaniyáng taing̃a; ng̃unì’t nakapigil sa kaniyá ang udyók ng̃ kahihiyán, kayâ’t balót kahapisan at pinapawisan na, noong inulit ng̃ marahan:
—“Tinatawag na salamín ang lahát ng̃ pamukhâ na binuli....”
—Ergo, per te, ang salamín ay ang ibabaw,—ang dukit ng̃ katedrátiko.—Kung gayón ay linawin mo sa akin ang ganitóng bagay. Kung ang pamukhâ ay siyáng salamín, ay ibá sa kabagayán ng̃ salamín ang ano mang nálalagáy sa líkurán, sa dahiláng ang nasa likód ay hindî makapagbabago sa nasa sa harapán, id est, ng̃ ibabaw, quæ super faciem est, quia vocatur superficies facies ea quæ supra videtur; pinaayunan mo ó hindî?
Lalò pang nanindíg ang buhók ng̃ kaawàawàng binatà, na warì pinakilos ng̃ isáng malakás na galáw.
—¿Pinaayunan mo ó hindî?
—Kahì’t na anó, ang ibigin pô ninyó, Padre, ang inaakalà niyang isagót, ng̃unì’t hindî makapang̃ahás na turan ang gayón, dahil sa natatakot siyang mang̃agtawanan. Yaon ang matatawag na kagipitan at kailan pa man ay hindî pa siyá nápapasok sa gayóng kahigpít. May-roon siyang muntîng gunitâ na hindî mapapaayunan ang kahì’t nápakaliít na bagay sa mg̃a prayle, na hindî nilá pinalalabasán ng̃ lahát ng̃ pangyayari at kapakinabang̃áng mahahakà, kundî’y magsabi na ang kaniláng mg̃a lupaíng arì at mg̃a kurato. Kayâ’t ang iniuudyók ng̃ kaniyáng anghel na tagá pag-adyá ay ipagkaít ng̃ boong tibay ng̃ kaluluwá [119]at katigasán ng̃ kaniyáng buhók ang ano máng bagay, at handâ nang bumitíw ng̃ isang matindíng ¡nego!, sa dahiláng ang hindî umaamin ng̃ anoman ay walâng tinatanggáp, ang sabi sa kaniyá ng̃ isáng kawaní sa hukuman; datapwâ’y ang masamâng ugalìng hindî nakiking̃íg sa udyók ng̃ sariling budhî, ang dî pananalig sa mg̃a taong nakaáalám ng̃ kautusán at ang paghanap ng̃ abuloy sa ibá, gayóng sukat na ang kaniyáng sarili, ay siyang sa kaniyá’y sumirà. Hinuhudyatán siyáng umayon ng̃ mg̃a kasama, lalò na si Juanito Pelaez, at sa pagpapadalá sa masamâ niyáng kapalaran, ay bumitíw ng̃ isáng umaayon po akó, Padre na ang boses ay malamlám na warìng ang tinuran ay In manus tuas commendo spiritum meum.
—Concedo antecedentum—ang ulit ng̃ nagtuturò na ng̃umitî ng̃ may kahulugán—ergo, maaarìng kayurin ko ang tinggáng putî ng̃ isáng salamíng bubog, palitán ng̃ kaputol na bibingka at mayroon din tayong salamín, ¿ha? ¿Anó, magkakaroon tayo?
Ang binatà’y tuming̃ín sa mg̃a nagsusuplóng sa kaniyá, ng̃unì’t nang mákitang silá’y pawàng gulilát din at hindî maalaman ang turan, ay nálarawan sa kaniyáng mukhâ ang mapaít na pagsisisi. Deus meus, Deus meus, quare dereliquiste me, ang ipinahahayag ng̃ kaniyáng hapís na paning̃ín samantalang ang kaniyáng mg̃a labì’y bumibigkás ng̃ ¡linintikán! Walâng nangyari sa kaniyáng káuubó, binatak ang petsera ng̃ kaniyáng barò, itatayô ang isáng paa, pagkatapos ay ang isá namán, walâng mátagpông kalinawan.
—Siya, ¿may anó tayo?—ang ulit ng̃ nagtuturò na nagtátalík sa bung̃a ng̃ kaniyáng tinuran.
—¡Ang bibingka!—ang bulong ni Juanito Pelaez—¡ang bibingka!
—¡Tumigil ka, hang̃al!—ang sigáw na tulóy ng̃ dî magkangtututong binatà na ibig ng̃ maiwasan ang kagipitan sa paraang mang-away.
—¡Tingnán natin, Juanito, kung mapaliwanagan mo ang bagay na itó!—ang tanóng ng̃ katedrátiko kay Pelaez.
Si Pelaez, na isá sa mg̃a kinagigiliwan niyá, ay dahandahang tumindíg, ng̃unì’t sinikó muna si Plácido Penitente na siyáng sumúsunod sa lagáy sa talàan. Ang ibig sabihin ng̃ pag-sikó ay:
—¡Huwag kang máliling̃át at tambisán mo akó!
[120]—¡Nego consecuentiam, Padre!—ang sagót na walâng kagatol-gatól.
—¡Ahá, kung gayó’y probo consecuentiam! Per te, ang makintáb na ibabaw ay siyáng tunay na salamín.
—¡Nego suppositum!—ang putol ni Juanito ng̃ mâramdamáng binabatak siyá ni Plácido sa amerikana.
—¿Papaano? Per te......
—¡Nego!
—Ergo ¿inakalà mo na ang nasa likurán ay nagiging sanhî ng̃ nasa haráp?
—¡Nego!—ang sìgaw na lalò pang malakás, dahil sa pagkakáramdám ng̃ isá pang batak sa kaniyáng amerikana.
Si Juanito, ó lalóng tumpák si Plácido, na siyáng tumátambís, ay hindî nakahahalatâng ang ginagamit niyáng kaparaanan ay ang sa insík: huwág tumanggáp ng̃ isá mang dayuhan upang huwag siyang masalakay.
—¿Papaano ba tayo?—ang tanóng ng̃ nagtuturô na may kaontîng kalituhán at dî mápalagáy, na tinitingnán ang ayaw magparaang nag-aaral—¿nagbíbigay sanhî ó hindî sa harapán ang bágay na nasa likurán?
Sa tiyák na katanung̃ang itó, na maliwanag, na warì’y ultimatum, ay hindî maalaman ni Juanito ang isagót at walâ namáng iudyók sa kaniyá ang kaniyáng amerikana. Walâng mápalâ sa káhuhudyát kay Plácido; si Plácido ay alinlang̃an. Sinamantalá ni Juanito ang sandalíng pagkakáting̃ín ng̃ katedrátiko sa isáng nag-aaral, na palihím na inalís sa paa ang mahigpít na sapíng suot, at niyapakang malakás si Plácido na sabáy ang sabing:
—¡Tambisán mo akó, sulong, tambisán mo akó!
—Distingo.... ¡Aray! ¡nápakahayop ka!—ang sigáw na hindì kinukusà ni Plácido na tinitingnáng pagalít si Juanito, samantalang hinihipò ang kaniyáng sapatos na tsarol.
Náding̃íg ng̃ parì ang sigáw, nakita silá’t nahulàan ang nangyayari.
—¡Oy, ikáw, espíritu sastre!—ang sabi—hindî ikáw ang tínátanóng ko, ng̃unì’t yayamang ginawâ mo ang magligtás sa ibá, ay tingnán natin, iligtás mo ang katawán mo, salva te ipsum, at paliwanagan mo sa akin ang likwád.
Magalák na umupô si Juanito at katunayan ng̃ kaniyáng utang na loob ay pinanglawitán ng̃ dilà ang tumatambís [121]sa kaniyá. Samantala namáng itó, namumulá dahil sa kahihiyán, ay tumindíg at bumulóng ng̃ dî malinawang mg̃a dahilán.
Tinaya siyáng sandalî ni P. Millón, kagaya ng̃ lumálasap sa ting̃ín ng̃ isáng kakanín. ¡Kay inam marahil ng̃ pang̃ayumpapàin at ilagáy sa kahihiyán ang binatàng iyóng magara, kailán ma’y mainam ang bihis, taás ang ulo at aliwalas ang paning̃ín! Isá ring kaawâáng gawâ ang gayón; kayâ’t ipinatuloy ng̃ boong pusò ng̃ nagtuturò ang gawâin, na maliwanag na inulit ang katanung̃an:
—Sinasabi ng̃ aklát na ang mg̃a salamíng metal ay binubuô ng̃ tansô ó pagkakahalò ng̃ ibá’t ibáng metal totoo ó hindî?
—Sinasabi ng̃ aklát, Padre......
—Liber dixit ergo ita est; hindî mo nasà ang dumunong pá kay sa aklát....—At pagkatapos ay idinugtóng, na, ang mg̃a salamíng bubog ay binúbuô ng̃ isáng palás na bubog, na ang dalawá niyang mukhâ ay kininis at ang isá sa kanilá ay may pahid na ginilong na tinggâng putî,—¡nota bene! isáng ginilong na tinggâng putî. ¿Tunay ba itó?
—Kung sinasabi ng̃ aklát, Padre......
—¿Ang tinggâng putî ay metal?
—Tila pô, Padre; sinasabi ng̃ aklát......
—Metal ng̃â, metal ng̃â, at ang ibig sabihin ng̃ salitâng ginilong ay ang pagkakahalò niya sa asoge na isá ding metal. Ergo ang isáng salamíng bubog ay isáng salamíng metal; ergo ang mg̃a pagkakabahagi ay hindî maliwanag, ergo ang pagiibáibá ay masamâ, ergo.... ¿Papaano ang pagpapaliwanag mo, espíritu sastre?
At tinindihán ang mg̃a ergo at ang mg̃a mo ng̃ boong diín at ikinindát ang matá na warìng ang ibig sabihin, ay: ¡lutô ka na!
—Itóng.... ang ibig sabihin ay itóng....—ang bulóng ni Plácido.
—Kung gayón ay hindî mo nawatasan ang lisyón, budhîng abâ, na walâng namumuwang̃an ay sumúsulsól sa kapwà.
Ang boông klase ay hindî nagdamdám sa gayón, inarì pang mainam ng̃ marami ang pagkakátulâ, kayâ’t nang̃agtawanan. Kinagát ni Plácido ang kaniyáng mg̃a lábì.
—¿Anó ang pang̃alan mo?—ang tanóng ng̃ parì.
[122]Matigás na sumagót si Plácido.
—¡Ahá! Plácido Penitente, mukhâ ka pang Plácido Soplón ó Soplado. Ng̃unì’t bibigyán kitá ng̃ penitencia dahil sa iyong mg̃a sopladuría.
At siyáng siya sa kaniyáng mg̃a pasalisalikwát na pananalitâ, ay ipinag-utos kay Plácido na sabihin ang lisyón. Sa kalagayang yaón ng̃ binatà ay nagkaroón ng̃ mahigít na tatlóng malî. Nang makita ang gayón ng̃ parìng nagtuturò ay itinang̃ôtang̃ô ang ulo, binuksáng dahan dahan ang talàan at banayad na banayad na tinunghán, samantalang binabanggít na marahan ang mg̃a pang̃alan.
—Palencia.... Palomo.... Pang̃aniban.... Pedraza.... Pelado.... Penitente, ¡ahá! Plácido Penitente, labíng limáng araw na kusàng pagkukulang sa pagpasok.
Si Plácido ay umunat:
—¿Labíng limáng pagkukulang, Padre?
—Labíng limáng kusàng pagkukulang sa pagpasok—ang patuloy ng̃ nagtuturò—Kung gayó’y isá na lamang ang kulang upang maalís sa talàan.
—¿Labíng limáng pagkukulang, labíng limá?—ang ulit ni Plácido na nagugulumihanan—makaapat pa lamang akóng nagkukulang at kung bagá mán ay ng̃ayón ang ikalimá.
—¡Husito, husito, señolía!—ang sagót ng̃ parì, na minasdán ang binatà sa ibabaw ng̃ kaniyáng salamíng may kulob na gintô.—Kiníkilala mong nagkulang ka ng̃ makálima, at ang Dios lamang ang nakababatíd kung hindî ka nagkulang ng̃ higít pa sa roon! Atqui sa dahiláng bihirà kong basahin ang talàan at sa bawà’t pagkahuli ko sa isá ay nilalagyán ko ng̃ limáng guhit, ergo ¿ilán ang makálimang limá? ¡Nakalimot ka na marahil ng̃ multiplicar! ¿Makálimang limá ay ilán?
—Dalawáng pû’t limá.
—¡Husito husito! Sa gayón ay nakalamáng ka pa ng̃ sampû sapagkâ’t makáitlo lamang kitáng náhuli sa pagkukulang.... ¡Uy! kung náhuli kita sa lahát ng̃ pagkukulang mo, a.... At ¿ilán ang makáitlóng limá?
—Labíng limá......
—Labíng limá, parejo camarón con cangrejo!—ang tapos ng̃ nagtuturò na itinupî ang talàan—pag nagkábisô ka pang minsán ay, sulong! ¡apuera de la fuerta! ¡Ah! at ng̃ayón ay isáng pagkukulang sa lisyón sa araw araw.
[123]At mulîng binuksán ang talàan, hinanap ang pang̃alan at linagyán ng̃ isáng muntîng guhit.
—¡Siyá, isáng muntîng guhit!—ang sabi—pagkâ’t walâ ka pá ni isá man lamang!
—Ng̃unì’t Padre—ang sabi ni Plácido na nagpipigil pá—kung lalagyán po ninyó akó ng̃ pagkukulang sa lisyón, Padre, ay dapat pô namán, Padre, na alisín ninyó ang pagkukulang ko sa pagpasok na inilagáy ninyó ng̃ayón sa akin.
Ang parì ay hindî sumagót; inilagáy munang dahandahan ang pagkukulang, tiningnáng ikiniling ang ulo—marahil ay mainam ang pagkakaayos ng̃ guhit—tiniklóp ang talàan at pagkatapos ay pakutyâng tumanóng:
—¡Abá! at ¿bakit ñol?
—Sapagkâ’t hindî malilirip, Padre, na ang isáng tawo’y magkulang sa pagpasok at makapagbigáy ng̃ lisyón.... ang sabi pô ninyó, Padre, ay, ang naroon at ang walâ......
—¡Nakú! metápisiko pá, ¡walâ pa lamang sa panahón! Hindî malilirip, ha? Sed patet experientia at contra experientiam negantem, fusílibus est arguendum, alám mo? At hindî mo malirip, pilósopo, na mangyayaring magkásabáy na magkulang sa pagpasok at hindî mátuto ng̃ lisyón? ¿Dî yatà’t ang hindî pagpasok ay katuturán na ng̃ karunung̃an? ¿Anó ang sasabihin mo pilosopastro?
Ang hulíng binyág na itó’y siyang nagíng paták na nakapagpaapaw sa sisidlán. Si Plácido, na kinikilalang pilósopo ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan, ay naubusan ng̃ pagtitiís, inihagis ang aklát, tumindìg at hinaráp ang parìng nagtuturò:
—¡Sukat na, Padre, sukat na! Maaarì pong lagyán ninyó akó ng̃ mg̃a pagkukulang na ibig ninyóng ilagáy, ng̃unì’t walâ pô kayóng karapatáng lumait sa akin. Maiwan kayó sa inyóng klase, sapagkâ’t hindî na akó makapagtitiís pá.
At umalís na ng̃ walâng paalam.
Ang boông paaralán ay nasindák: ang gayóng pagpapakilala ng̃ karang̃alan ay hindî pa halos nákikita: ¿sino ang makaákalà na si Plácido Penitente....? Ang parìng nagtuturò, na nabiglâ, ay nápakagát labì at minasdán siyá sa pag-alís na itinátang̃ô ang ulo na may pagbabalà. Ang boses ay nang̃ing̃iníg na sinimulán ang sermón na ang salaysayin ay ang dati rin, kahi’t lalòng malakás at lalòng mapusók ang pang̃ung̃usap. Tinukoy ang nagsisimulâng pagmamataás, [124]ang dî pagling̃ap ng̃ utang na loob sapol pagkatao, ang kapalalùan, ang dî paggaláng sa mg̃a nakatataas, ang kapalalùang iniuudyók sa mg̃a binatà ng̃ sitán ng̃ kadilimán, ang kakulang̃án sa pinag-aralan, ang kadahupán at ibp. Matapos iyon ay tumulóy namán sa pagpaparunggít at pagkutyâ sa hang̃ád ng̃ iláng sopladillo na magturò pá sa kaniláng mg̃a gurô at magtátayô ng̃ isáng akademia na ukol sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà.
—¡Ha, ha!—aniyá—iyáng mg̃a kamakalawá lamang ay babahagyáng makabigkás ng̃ si, Padre, no, Padre ¿ay ibig páng lumalò sa mg̃a inubanan na sa pagtuturò? Ang sadyâng ibig matuto ay natututo mayroon man ó walâng mg̃a akademia! ¡Marahil iyán, iyáng kaáalis pa lamang, ay isá sa mg̃a may panukalà! ¡Kay inam ng̃ kalalabasán ng̃ wikàng kastilà sa mg̃a ganyáng tagapagtanggól! ¿Saáng kayó kukuha ng̃ panahóng ipaparoon sa Akademia sa halos kinákapós kayó sa ikagáganap sa kailang̃an ng̃ klase? Ibig naming matuto kayó ng̃ wikàng kastilà at masalitâ ninyóng mabuti upang huwág ninyóng siràin ang aming taing̃a sa inyóng mg̃a gawî at inyóng mg̃a pe, ng̃unì’t una muna ang katungkulan bago ang pagdadasál; tumupád muna kayó sa inyóng pag-aaral at sakâ kayó mag-aral ng̃ wikàng kastilà at pumasok pa kayóng mánunulat kung ibig ninyó.
At nagpatuloy sa gayóng kásasalitâ hangáng sa tumugtóg ang kampana at natapos ang klase, at ang dalawáng daan at tatlóng pû’t apat na nag-aaral, matapos makapagdasál, ay umalìs na walâ ring namumuwang̃áng kagaya ng̃ pumasok, ng̃unì’t nang̃agsihing̃áng warì’y naalisán ng̃ isáng malakíng pataw sa katawán. Ang bawà’t isá sa mg̃a binatà’y nawalán ng̃ isáng oras pa sa kaniyáng pamumuhay at kasabáy noón ang isáng bahagì ng̃ karang̃alan at pagpapahalagá sa sarili, ng̃unì’t sa isáng dako namán ay nararagdagán ang panghihinà ng̃ loob, ang dî pagkagiliw sa pag-aaral at ang mg̃a pagdaramdám ng̃ mg̃a pusò. ¡Matapos itó’y hing̃án silá ng̃ karunung̃an, karang̃alan, pagkilala ng̃ utang na loob!
—¡De nobis post hæc, tristis sententia fertur!
At gaya rin ng̃ dalawáng daa’t tatlóng pû’t apat na itó’y dinaán ang mg̃a oras ng̃ kaniláng klase ng̃ libo at libong nag-aral na náuna sa kanilá, at, kung hindî maaayos ang [125]mg̃a bagaybagay, ay dáraan ding gayón ang mg̃a súsunod at magiging mg̃a bating̃ól, at ang karang̃alang sinugatan at ang sigabóng ligáw ng̃ kabatàan ay magiging pagtataním at katamaran, na gaya ng̃ mg̃a alon, na nagiging maputik sa iláng poók ng̃ dalampasigan, na sa pagsusunuran ay lalò’t lalò pang lumalapad ang naiiwanan ng̃ yagít. Datapwâ’y, Yaóng mulâ sa walâng katapusan ay nakakikita sa mg̃a ibubung̃a ng̃ isáng kagagawán na nakakalás na warì’y sinulid, Yaóng tumitimbang ng̃ mg̃a sandalî at nagtakdâ sa kaniyáng mg̃a nilaláng na ang unang batás ay ang paghanap ng̃ ikasusulong at ng̃ kawastûán, Yaóng, kung tapát, ay híhing̃î ng̃ pagtutuús sa dapat hing̃án, ng̃ dahil sa mg̃a yutàyutàng pag-iisip na pinalabò at binulag, ng̃ dahil sa karang̃alang pinawì sa yutàyutàng tao at ng̃ dahil sa dî mabilang na panahóng lumipas at gawâng nawalân ng̃ kabuluhán! At kung ang mg̃a turò sa Ebanhelio ay may tining na katotohanan, ay mananagót dín ang mg̃a yutàyutàng hindî nang̃atutong itagò ang liwanag ng̃ kaniyáng pag-iisip at ang karang̃alan ng̃ kaniyáng budhî, gaya rin namán ng̃ pag-uusisà ng̃ pang̃inoon sa alipin nang salapîng ipinanakaw niyá dahil sa karuwagan!
Lubhâng karapatdapat dalawin ang bahay na tinitirahán ni Makaraig.
Malakí, maluwang, may dalawáng patong na entresuelo na may magagaràng saláng-bakal, warì’y isáng páaralan sa mg̃a unang oras ng̃ umaga at isáng hinalòng linugaw magmulâ namán sa ika sampû. Sa mg̃a oras ng̃ paglilibáng ng̃ mg̃a nang̃ung̃upahan, mulâ sa pagpasok sa maluwang na silong hanggán sa itáas ng̃ kabahayán, ay walâng humpáy ang tawanan, ang kaguluhan at ang galawan. May mg̃a binatàng damít pangbahay na naglalarô ng̃ sipà, nang̃agsasanay sa pagpapalakás sa pamagitan ng̃ mg̃a trapesiong gawâ lamang nilá; sa hagdanan ay nagpapamook ang waló ó siyam na ang mg̃a sandata ay mg̃a tungkód, mg̃a sibát, mg̃a kalawit at silò, ng̃unì’t ang mg̃a lumulusob at nilulusob ay karaniwan [126]nang hindî nagkakasakitan; ang mg̃a palò ay tumatamà sa likód ng̃ insík na nagbibilì ng̃ kaniyáng tindáng mg̃a kakanín at nakasisiràng kalamay, sa tabí ng̃ hagdán. Nalilibid siyá ng̃ maraming batà, binabatak ang kaniyáng buhók na kalág na’t gusót, inaagawan siyá ng̃ isáng kalamay, tinatawaran sa halagá, at ginagawán ng̃ ibá’t ibáng kabuktután. Ang insík ay nagsísisigaw, nagtutung̃ayáw sa lahát ng̃ wikàng kaniyáng batíd, sampû sa kaniyáng sariling wikà, mag-iiyakiyakan, tatawa, sasamò, isásayá ang múkhâ kung walâng mangyari sa kaniyá sa masamâ, ó pabalík.
—¡A, muasama yan!—Bo kosiesia—Hienne kilistiano—Kayó limonyo—¡Salamahe!—¡tusu tusu! at ibp.
¡Piph, paph! ¡walâng kailang̃an! Ililing̃óng nakang̃itî ang mukhâ; kung sa kaniyáng likód lamang tumatamà ang mg̃a palò ay patuloy ding walâng kagambágambalà sa kaniyáng pang̃ang̃alakal, sumisigáw na lamang ng̃:—No hugalo ¿e? no hugalo! ng̃unì’t pag tumamà sa biláo ng̃ kaniyáng mg̃a kakanín, ay sakâ susumpâng hindî na bábalik, pupulas sa kaniyáng bibíg ang lahát ng̃ tung̃ayaw at lait na maiisip; ang mg̃a batà namán ay lalòng nagsusumidhî upang siya’y pagalitin at pag nakitang naubos na ang masasabi ng̃ insík at silá namán ay busóg na sa hupyâ at inasnáng butó ng̃ pakuwán ay sakâ lamang siyá babayaran ng̃ walâng kadayàdayà at ang insík ay áalís na masayá, tumatawa, kumikindát at tinatanggáp na warì’y himas ang mahihinàng palò na ibiníbigáy ng̃ mg̃a nag-aaral na bilang pinakapaalam.
—¡¡Huaya, homia!!
Ang mg̃a tugtugan ng̃ piano at biolin, ng̃ biguela at kurdión ay nakikisalíw sa tunóg ng̃ palùán ng̃ bastón sa pag-aaral ng̃ eskrima. Sa paligid ng̃ isáng malapad at mahabàng dulang ay sumusulat ang mg̃a nag-aaral sa Ateneo, ginágawâ ang kaniláng mg̃a sulatíng iháharap, niyayarì ang kaniláng mg̃a suliranin sa piling ng̃ mg̃a ibáng sumusúlat sa mg̃a papel na kulay rosa at may palamuting úkit na batbat ng̃ mg̃a guhit sa kaníkaniláng mg̃a iniibig; ang isá’y gumágawâ ng̃ dulâ sa siping ng̃ isáng nag-aaral na tumugtóg ng̃ plauta, kayâ’t ang mg̃a tulâ’y napasusuwitán na sa simulâ pa lamang. Sa dako pa roón, ang may katandâan, mg̃a nag-aaral ng̃ facultad, na, mg̃a sutlâng midias at sapatilyang may burdá ang suot, [127]ay nang̃aglílibáng sa pagpapagalit sa mg̃a batàng pinipirol sa taing̃a na namumulá na tulóy dahil sa kapiping̃ot; dalawá ó tatló ang pumipigil sa isáng maliít na sumísigáw, umiiyák at ipinagtátanggól sa pamagitan ng̃ kásisipà ang talì ng̃ kaniyáng salawál: ibig lamang na iwan siyáng kagaya noong sumipót sa liwanag.... pumapalág at umíiyák. Sa isáng silíd, sa paligid ng̃ isáng mesa velador, ang apat ay nagrerebesino sa gitnâ ng̃ tawanan at biruáng ikinayáyamót ng̃ isáng kunwarì nag-aaral ng̃ lisyón ng̃unì’t, ang tunay ay nag-áantay lamang na makahalili at siyá namán ang makásugal. Ang isá’y dumatíng na warì’y nagugulumihanan sa gayón, gulilát at lumapit sa mesa.
—¡Nápakamabisyo kayó! ¡Kaagaaga ay sugál na! ¡Tingnán ko, tingnán ko! ¡Tunggák! ¡ihatak mo ang tatlóng espada!
At itinupî ang kaniyáng aklát at nakilarô namán.
Náding̃íg ang sigawan, kumalabóg ang hampasan. Ang dalawá’y nag-away sa kanugnóg na silíd: isáng nag-aaral na piláy na napabarahin at isáng kaawàawàng kagagaling pa lamang sa kaniyáng lalawigan. Itó, na bahagyâ pa lamang nagsísimulâ sa pag-aaral, ay nakátagpô ng̃ isáng aklát na ukol sa pilosopía at binasang malakás, walâng kamalákmalák at masamâ ang diín sa pagbigkás ng̃ mg̃a banggít na:
—¡Cogito, ergo sum!
Inarì ng̃ piláy, na siya’y pinatatamàan, ang ibáng kasama’y namagitnâ’t pumapayapà, ng̃unì’t ang katunayan ay naguulót pa ng̃â, kayâ’t sa hulí’y nang̃agpanuntukan.
Sa kakanán ay isáng binatàng may isáng latang sardinas, isáng boteng alak at ang mg̃a baong dalá na galing sa kaniyáng bayan, ay naglulunggatî sa pagpupumilit na siya’y saluhan sa pagkain ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan, samantalang ang mg̃a kaibigan namán ay nang̃aglulunggatî rin sa pag-ayáw. Ang ibá’y nang̃aliligò sa azotea at pinagsasanayan ang tubig sa balón sa pagbobombero, nang̃aglalaban ng̃ sabuyán sa gitnâ ng̃ kagalakán ng̃ mg̃a nanonood.
Ng̃unì’t ang ing̃ay at kaguluhán ay untîuntîng napapawì samantalang dumarating ang iláng may katang̃ìang nag-aaral, na tinipán ni Makaraig upang balitàan ng̃ lakad ng̃ Akademia ng̃ wikàng kastilà. Si Isagani’y sinalubong ng̃ boong giliw, na gaya rin ng̃ taga Españang si Sandoval, na kawaníng [128]dumating sa Maynilà at tinatapos ang kaniyáng pag-aaral, na kaisáng lubós sa mg̃a hang̃arin ng̃ mg̃a nag-aaral na pilipino. Ang halang na inilalagáy ng̃ polítika sa mg̃a lahì ay nawawalâ sa mg̃a páaralan na warì’y natutunaw sa init ng̃ karunung̃an at ng̃ kabatàan.
Sa kawalán ng̃ mg̃a Ateneo at lipunáng ukol sa katarung̃án, sa wikà at sa polítika ay sinasamantalá ni Sandoval ang lahát ng̃ paglilipon upang gamitin ang kaniyáng malakíng kaya sa pagsasalaysay, sa pamag-itan ng̃ pagbigkás ng̃ mg̃a talumpatì, pakikipagtalo sa kahì’t na anóng sanhî at napapapagakpák ang mg̃a kaibigan at nakiking̃íg sa kaniyá. Nang mg̃a sandalîng yaón ang sanhî ng̃ salitàan ay ang pagtuturò ng̃ wikàng kastilà.
Sa dahiláng si Makaraig ay hindî pa dumárating, ang mg̃a paghuhulòhulò ay siyáng idinadaos.
—¿Anó kayâ ang nangyari?—¿Anó ang ipinasiya ng̃ General?—¿Ipinagkaít ang pahintulot?—¿Nagtagumpáy si P. Irene?—¿Nagtagumpáy si P. Sibyla?
Itó ang tanongtanung̃an ng̃ isá’t isá, mg̃a tanóng na ang tang̃ìng makasasagót ay si Makaraig.
Sa mg̃a binatàng nagkakalipon ay may mg̃a may palagáy na loob na gaya ni Isagani at ni Sandoval na nakikiníkinitá nang yarì ang bagay, at pinag-uusapan na ang pagkalugód at pagpupuri sa Pamahalàan, ang ukol sa pag-ibig sa tinubùan ng̃ mg̃a nag-aaral, mg̃a kapalagayang loob na nag-udyók kay Juanito Pelaez upang kanyahín ang malakíng bahagi ng̃ karang̃alan ng̃ pagtatatag ng̃ Kapisanan. Ang lahát ng̃ itó’y sinásagot ng̃ dî nasisiyaháng loob na si Pecson,—isáng matabâng kung tumawa’y animo bung̃ô—sa pagsasalitâ ng̃ ukol sa mg̃a sulsól na makapangyayari, na ang Obispo A., si Padre B., ang Provincial C. ay pinagtanung̃án ó hindî at ang ipinayo ó hindî ay ang ipasok sa bilangùan ang lahát ng̃ nasa kapisanan, balitàng nagdudulot ng̃ dî ikápalagay ni Juanito Pelaez, na naúutal namán sa pagsasabing:
—¡Abá, huwág ninyó akóng ihalò!......
Si Sandoval, dahil sa kaniyáng pagkakastilà at pagkamalayà, ay nag-iinit:
—¡Ng̃unì’t p....!—aniyá—ang ganiyán ay isáng paghihinalà ng̃ masamâ sa General! ¡Alám ko ng̃âng nápakamakaprayle, [129]ng̃unì’t sa mg̃a ganiyáng bagay ay hindî napasúsulsol sa mg̃a prayle! ¿Ibig bagá ninyóng turan sa akin, Pecson, kung anó ang pinanunulayán ninyó sa pagsasabing walâng sariling pasiyá ang General?
—Hindî iyán ang sinasabi ko, Sandoval—ang sagót ni Pecson na sa pagtawa’y ipinatátanáw halos ang kaniyáng hulíng bagáng—sa ganáng akin, ang General, ay may sariling kapasiyahán, itó ng̃â, ang kápasiyahán sa lahát ng̃ nasa abót ng̃ kaniyang kamáy...... ¡Itó’y lubhâng maliwanag!
—¡At sulong pa rin! Ng̃unì’t turan ninyó sa akin ang isáng pangyayari—ang sigáw ni Sandoval—iwasan natin ang mg̃a pagtatalong walâng katuturán, ang mg̃a salitâng walâng kabuluhán, at tumung̃o tayo sa mg̃a pangyayari—ang dugtóng na sinabayán ng̃ makiyás na kilos ang pagsasalitâ—Mg̃a pangyayari, mg̃a ginoo, mg̃a pangyayari; ang hindî gayón ay mg̃a hulòhulòng dî ko ibig tawaging pilibustero.
Si Pecson ay tumawa at sinabát siyáng:
—¡Lumabás na ang pilibusterismo! Ng̃unì’t hindì na ba mangyayaring makapagkatwiranan ng̃ hindî sasapit sa masasamâng bintáng?
Si Sandoval ay tumutol at humíhing̃î ng̃ mg̃a pangyayaring tunay sa pamag-itan ng̃ isáng muntîng talumpatì.
—Hindî pa nalalaunang dito’y nagkaroón ng̃ usapín ang iláng taong bayan at iláng prayle, at pinasiyahán ng̃ samantalang General, na, ang humatol ay ang Provincial ng̃ mg̃a parìng kausáp—ang sagót ni Pecson.
At mulîng nagtawá na warì’y walâng kabuluhán ang pinag-uusapan. Tumukoy ng̃ mg̃a pang̃alan, araw at nang̃akòng magdadalá ng̃ mg̃a kasulatang magpapatunay ng̃ paraang ginamit sa pagkakapit ng̃ katwiran.
—¿Ng̃unì’t saan mananáng̃an, sabihin ninyó sa akin, saan mananang̃an upang huwag pahintulutan ang maliwanag na maliwanag na ikabubuti at kailang̃an?—ang tanóng ni Sandoval.
Ikinibít ni Pecson ang kanyáng balikat.
—Na mápapang̃anib ang tibay ng̃ tinubùang lupà....—ang tugón na ang pagsasalitâ’y kagaya ng̃ isáng abogado na bumabasa ng̃ isáng alegato.
—¡Iyán ang malakíng bagay! ¿Anó mayroon sa tibay ng̃ tinubùang lupà ng̃ mg̃a kaparaanan sa mabuting pagsasalitâ?
[130]—May mg̃a doctor ang Santa Madre Iglesia.... ¿Anó ang malay ko? marahil ay pang̃ilagang mabatíd namin ang mg̃a batás at aming masunód.... ¿Anó kayâ ang mangyayari sa Pilipinas sa araw na ang isá’t isá sa amin ay magkaantiluhán?
Hindî naibigan ni Sandoval ang ayos na tugunan at pabirô ng̃ kaniláng pag-uusap. Sa paraang iyon ay hindî maaarìng sumipót ang isáng talumpatìng may kauntìng kabuluhán.
—Huwag ninyóng idaan sa birò—ang sabi—ang pinag-uusapan ay mahalagá.
—¡Iligtás akó ng̃ Lumikhâ sa pagbibirô kung napapagitnâ ang mg̃a prayle!
—Ng̃unì’t ¿saan mananang̃an....?
—Sa dahiláng sa gabí ang pag-aaral—ang patuloy ni Pecson, na gayon din ang ayos, na warìng ang pinag-uusapan ay kilalá na’t alám—ay mangyayaring banggitín na pinakasagabal ang kahalayan, gaya ng̃ sa paaralan sa Malolos...
—¡Isá pá! ¿Hindî ba sa ilalim din ng̃ balabal na madilím ng̃ gabí idinadaos ang “Academia de dibujo” at ang mg̃a nobenario at mg̃a prusisyón?....
—Lumalabág sa karang̃alan ng̃ Unibersidad—ang patuloy ng̃ matabâ na hindî pinuná ang paalaala.
—¡Lumabág! Ang Unibersidad ay mapipilitang sumang-ayon sa kailang̃an ng̃ mg̃a nag-aaral. At kung iyan ay tunay ¿ay anó kung gayón ang Unibersidad? ¿Isá bagáng kapisanan upang huwag mátuto? ¿Nagkásasama bagá ang iláng katao na nagtatagláy ng̃ katawagáng may katarung̃án at dunong upang humadláng na ang ibá’y mátuto?
—Hindî’t... ang mg̃a balak ng̃ nang̃asaibabâ ay tinatawag na dî kasiyahang loob......
—At mg̃a panukalà ang tawag sa nanggagaling sa itaas—ang dunggít ng̃ isá—¡nariyan ang paaralang “Artes y Oficios”!
—Dahan dahan, mg̃á ginoo—ang sabi ni Sandoval—hindî akó makaprayle; kilalá ang aking mg̃a malayàng pagkukurò, ng̃unì’t ibigáy natin sa Cesar ang sa Cesar! Ang páaralang iyan ng̃ Artes y Oficios, na akó ang una unang nagtatanggol at ang araw na siya’y mátayô ay babatìing kong warí’y unang liwaywáy na ikagiginhawa ng̃ Kapuluang itó, ang paaralang iyan ng̃ Artes y Oficios, ay ang mg̃a prayle ang siyáng nang̃agsumíkap......
[131]—O ang aso ng̃ magguguláy, na kagaya rin nilá—ang dagdag ni Pecson na pinutol na mulî ang talumpatì.
—¡Ng̃unì’t p....!—ang sabing pagalít ni Sandoval dahil sa pagputol, na nawalâ tulóy ang tuwid ng̃ pagsasalaysay—samantalang walâng masamâ tayong nálalaman, ay huwag tayong mag-akalà ng̃ masamâ, huwag tayong magkamalîng maghinalà sa kalayàan at pagkamasarilí ng̃ pamahalàan....
At sa pamamagitan nang magagandáng pang̃ung̃usap ay inihanay ang mg̃a pagpupuri sa pamahalàan at sa mg̃a balak nitó, bagay na hindî napang̃ahasáng hadlang̃án ni Pecson.
—Ang pamahalàang kastilà—ang sabi, sa gitnâ ng̃ iláng bagay—ay nagbigáy sa inyó ng̃ lahát ng̃ kailang̃an, walâng ipinagkaít sa inyó. Sa España ay nagkaroon kamí ng̃ kapangyarihang alinsunod sa kaibigán ng̃ iisáng tao at kayó’y nagkaroon ng̃ gayón ding pamahalàan; kinalatán ng̃ mg̃a prayle ng̃ kaniláng kombento ang aming mg̃a lupaín at kombento ng̃ mg̃a prayle ang lamán ng̃ isáng katlóng bahagi ng̃ Maynilà; sa España ay pinalalakad pá ang bitay, at ang bitay ay siyáng hulíng kaparusahán dito; kamí ay katóliko at ginawâ namin kayóng katóliko; kamí’y nagíng escolástico at ang escolastícismo ay siyáng nanánagumpay sa inyóng mg̃a páaralán; sa isáng sabi, mg̃a ginoo, umiiyak kamí kung kayó’y umiiyak, nagtitiis kamí kung kayó’y nagtitiís, iisá ang dambanà natin, iisá ang ating hukuman, iisáng kaparusahán, at nararapat na ibigáy namin sa inyó ang amin ding mg̃a karapatán at ang amin ding mg̃a katuwâán.
At sa dahiláng walâng humahadláng sa kaniyá, ay sumigabó ng̃ sumigabó ang kalooban hanggáng sa tinukoy na ang sasapitin ng̃ Pilipinas.
—Gaya ng̃ sinabi ko, mg̃a ginoo, ang liwaywáy ay hindî malayò, binubuksán ng̃ España ang Kasilang̃anan sa kaniyáng iniibig na Pilipinas, at ang mg̃a kapanahunan ay nag-iibá at batíd kong ang ginágawâ’y higít kay sa inaakalà natin. Ang pamahalàang iyan, na, ayon sa inyó, ay gumigiwang at walâng sariling kalooban, ay nararapat na ating udyukán sa pagpapakilala ng̃ ating pagtitiwalà, ipakita na tayo’y nag-aantáy sa kaniyá; ipaalaala natin sa ating kilos (kung nakalilimot, bagay na hindî ko pinaniniwalàang mangyari) na tayo’y nananalig sa kaniyáng magagandáng hang̃ád at hindî siyá dapat umalinsunod sa ibáng palakad liban [132]doon sa sadyáng katwiran at ikabubuti ng̃ kaniyáng mg̃a pinamamahalàan. Hindî, mg̃a ginoo,—ang patuloy na lalò’t lalò pang umayos nagtatalumpatì—hindî natin dapat tanggapín man lamang sa bagay na itó, ang pangyayari marahil, na nagtanóng sa ibáng taong laban sa panukalà, sapagkâ’t ang sapantahà lamang ay mákakatimbáng ng̃ pagpapaumanhin sa pangyayari; ang inyóng inaasal hanggáng sa ng̃ayón ay matapát, malinis, walâng pagmamaliw, walâng agam-agam; humíhilíng kayó sa kaniyá ng̃ maliwanag at walâng palikawlikaw; ang inyóng mg̃a pinagbabatayang katwiran ay lubhâng karapatdapat dinggín; ang inyóng layon ay ang awasán ng̃ gawàin ang mg̃a gurô, sa mg̃a unang taón, at magíng madalî ang pagkatuto ng̃ daán daáng mg̃a nag-aaral na pumúpunô sa mg̃a klase, na hindî mangyayaring magampanán ng̃ iisáng gurô. Kung hanggá ng̃ayón ay hindî pa napasisiyahán ang kasulatan ay dahil sa alám kong may maraming gawàing naiimbák; ng̃unì’t inaakalà kong ang pag-uusig ay nagtagumpáy, na ang sanhî ng̃ tipán ni Makaraig ay upang ibalità sa atin ang pananalo, at bukas ay mákikita nating magtatamó ang ating mg̃a pagsusumikap ng̃ papuri at pagkilala ng̃ bayan, at sino ang makapagsasabi, mg̃a ginoo, kung hindî ipalagáy ng̃ pamahalàan na kayó’y dulutan ng̃ mabuting condecoración dahil sa kayó’y karapatdapat sa kapurihán ng̃ inyóng bayan!
Nag-umugong ang masisigabong pagakpakan; naniniwalà na ang lahát sa pananalo at ang marami sa condecoración.
—¡Dapat mákilala, mg̃a ginoo,—ang sabi ni Juanito Pelaez—na ako’y isá sa mg̃a unang nagmunakalà!
Ang dî mapaniwalaíng si Pecson ay hindî nagagalák.
—¡Pag hindî nagkaroon tayo ng̃ condecoración sa bintî!—ang sabi.
Salamat na lamang at hindî náding̃íg ni Pelaez ang banggít na iyon, dahil sa lakás ng̃ pagakpakan. Nang mahintóhintô ng̃ kauntî, ay sinabi ni Pecson, na:
—Mabuti, mabuti, mabuting mabuti, ng̃unì’t isáng palagáy.... ¿kung sa lahát ng̃ iyán, ang General ay sumanggunì rin, sumanggunì at sumanggunì, at pagkatapos ay ipagkaít sa atin ang kapahintulutan?
Ang palagáy ay bumagsák na warì’y tubig na malamíg.
Ang lahát ay nápating̃ín kay Sandoval; itó’y natubigan.
—Kung gayón....—ang sabing paurongsulong.
[133]—¿Kung gayón?
—Kung gayón—ang bulalás ni Sandoval na sumúsulák pa ang dugô dahil sa mg̃a pagakpakan at sa isáng udyók ng̃ sigabó—sa dahiláng sa mg̃a kasulatan at sa mg̃a limbág ay ipinahahayag na iniibig niyá ang inyóng ikatututo ng̃unì’t pinipigil at ipinagkakaít ang gayón pag sumapit na ang pagsasagawâ, kung gayón, mg̃a ginoo, ang inyóng mg̃a pagsusumikap ay hindî nasayang, nátuklás ninyó ang hindî natuklás ng̃ sino man, na maalís ang balatkayô at kayó’y hamunin!
—¡Mabuti, mabuti!—ang masigabóng sigawan ng̃ ilán.
—¡Purihin si Sandoval! ¡Mabuti ang ukol sa paghamon!—ang dagdág ng̃ ibá.
—¡Hamunin tayo!—ang sagót ni Pecson na hindí binibigyáng kabuluhán ang gayón—¿at pagkatapos?
Sa gitnâ ng̃ kaniyáng pananagumpáy ay nápatigil si Sandoval, ng̃unì’t sa katalasang tagláy ng̃ kaniyáng lipì at dahil sa kaniyáng dugông mánanalumpatî ay agád nakabalikwás.
—¿Pagkatapos?—ang tanóng—pagkatapos, kung walâng pilipinong makapang̃ahás tumugón sa hamon, ay akó, si Sandoval, sa ng̃alan ng̃ España ay sasaluhín ko ang guantes, sapagkâ’t ang gayóng paraan ay isáng pagpapabulàan sa mabuting hang̃ád na kailan ma’y tinagláy ng̃ España sa kaniyáng mg̃a lalawigan, at sa dahiláng sa gayóng asal ay sinasalaulà ang katungkulang ipinagkatiwalà sa kaniyá at nagpapakalabis sa kaniyáng walâng sagkâng kapangyarihan, hindî siyá karapatdapat sa pag-aampón ng̃ inang bayan ni sa pagkupkóp ng̃ sino mang mámamayáng kastilà.
Ang kagalakán ng̃ mg̃a nakiking̃íg ay halos nagíng kahibang̃án. Niyakap ni Isagani si Sandoval, bagay na ginayahan ng̃ ibá; nabanggít-banggít doon ang ináng bayan, ang pagkakáisa, ang pagkakapatiran, ang pagkamatapát; anáng mg̃a pilipino’y kung walâ kundî pawàng Sandoval sa España, ang lahát ng̃ tao sa Pilipinas ay magiging Sandoval na lahát; nagníningníng ang mg̃a matá ni Sandoval at mapapaniwalàang kung sa mg̃a sandalîng iyón ay hinagisan siyá ng̃ sino man ng̃ isáng guantes na tandâ ng̃ paghamon, ay sumakáy sana sa kahì’t aling kabayo upang magpakamatáy ng̃ dahil sa Pilipinas. Ang tubig na malamíg lamang ang nagwikàng:
[134]—Mabuti, mabuting mabuti, Sandoval; akó man ay makapagwiwikà ng̃ ganiyán kung ako’y taga España; ng̃unì’t sa dahiláng hindî gayón, kung akó ang nagsabi ng̃ kalahatì man lamang ng̃ sinabi ninyó, kayó mán ay magpapalagay na ako’y pilibustero.
Nagsimulâ na si Sandoval ng̃ isáng talumpatìng táganás na pagtutol, nang mapigil.
—¡Matuwâ na tayo, mg̃a kaibigan! ¡Tagumpáy!—ang sigáw ng̃ isáng binatàng pumasok at niyakap ang lahát.
—¡Matuwâ na tayo, mg̃a kaibigan! ¡Mabuhay ang wikàng kastilà!
Isáng maugong na pagakpakan ang sumalubong sa balità; ang lahát ay nagyayakapán, ang lahát ay maningníng ang matá dahil sa luhà. Si Pecson ang tang̃ìng nagtatagláy ng̃ kaniyáng ng̃itîng mapagmakatang̃ì.
Ang dumatíng na may dalá ng̃ mabuting balità ay si Makaraig, ang binatàng nang̃ung̃ulo sa kilusán.
Ang tinitirahán ng̃ nag-aaral na itó sa bahay na iyon ay dalawáng silíd na napapalamutihang mabuti para sa kaniyang mag-isá lamang, mayroon siyang alilà at kotsero na nag-aarugâ sa kaniyáng sasakyáng araña at sa kanyáng mg̃a kabayo. Ang tindíg niya’y makiyas, ugalìng banayad, magarà’t mayamang mayaman. Kahì’t nag-aaral ng̃ pag-aabogado upang magkaroon lamang ng̃ isáng título académico, ay may kabantugan siyá sa pagkamasipag mag-aral, at kung sa pagsasalitâ ng̃ alinsunod sa turòng páaralán ay hindî na máhuhulí sa ibáng mapaghamón sa pagtatalo sa loob ng̃ Unibersidad. Hindî rin namán náhuhulí sa mg̃a akalà’t bagong mg̃a pagkasulong; sa tulong ng̃ kaniyáng salapî’y nagkákaroón siya ng̃ mg̃a aklát at pamahayagan na hindî mapigil ng̃ previa censura. Dahil sa mg̃a tagláy na itó, sa kaniyáng kabantugan sa katapang̃an, sa kaniyáng mapalad na pakikitunggalî noóng kaniyáng kabatàan, at sa kaniyáng magandâ’t mabuting ugalì, ay hindî dapat pagtakhán na panuntán siya ng̃ kaniyáng mg̃a kasama at siyang máhalál upang máisagawâ ang gayóng kahirap na balak na pagtuturò ng̃ wikàng kastilà.
Makaraán ang mg̃a unang silakbó ng̃ kagalakán, na sa kabatàan ay nagkákaroón kailán man ng̃ kasagwâan dahil sa ang kaniyáng malas sa lahát ng̃ bagay ay magandá, ay siniyasat kung papaano ang nangyari.
[135]—Kang̃inang umaga’y nakipagkita akó kay P. Irene—ang sabi ni Makaraig na warì’y palihím.
—¡Mabuhay si P. Irene!—ang sigáw ng̃ isáng nagagalák na nag-aaral.
—Inihayág sa akin ni P. Irene—ang patuloy ni Makaraig—ang lahát ng̃ nangyari sa Los Baños. Tila isáng linggó siláng nagtatalo, ipinaglaban at ipinagtanggól niyá ang ating usap ng̃ laban sa lahát, laban sa kay P. Sibyla, sa kay P. Fernandez, sa kay P. Salvi, sa General, sa Segundo Cabo, sa mag-aalahás na si Simoun......
—¡Ang mag-aalahás na si Simoun!—ang putol ng̃ isá—¿ng̃unì’t anó ang ipinanghihimasok ng̃ hudyóng iyán sa mg̃a bagay bagay ng̃ ating bayan? At pinayayaman natin iyán sa pagbilí......
—¡Tumigil ka ng̃â!—ang sabi ng̃ isá, na naíiníp sapagkâ’t ibig mabatíd kaagád kung papaano at tinalo ni P. Irene ang mg̃a nakasísindák na kalabang iyón.
—Mayroón pa mandíng matataás na kawaníng laban sa ating panukalà, ang Namamahalà sa Pang̃asiwàan, ang Gobernador Civil, ang insík na si Quiroga......
—¡Ang insík na si Quiroga! Ang bugaw ng̃ mg̃a....
—¡Tumigil ka na, tao ka!
—Sa kahulihulihan—ang patuloy ni Makaraig—ay itatago na sana ang kahiling̃an at babayàang mákatulog doon ng̃ iláng buwan, ng̃ maalala ni P. Irene ang Kataastaasang Lupon ng̃ Paaralan at ipinalagáy niyáng ang kasulatan ay mahulog sa Lupong yaon upang magbigáy ng̃ munkahìng nárarapat yamang ang ukol sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà ang pinag-uusapan......
—Ng̃unì’t ang Lupong iyan ay malaon ng̃ hindî kumikilos—ang tukoy ni Pecson.
—Iyan din ng̃â ang isinagót kay P. Irene—ang patuloy ni Makaraig—at sinagót niyáng mabuti ng̃âng pagkakataón upang mulîng mabuhay, at sinamantalá ang pagkakáparoon ni Don Custodio, na isá sa mg̃a kasanggunì, at nagpalagáy noon din ng̃ isáng lupon, at sa dahiláng kilalá ang kasipagan ni D. Custodio ay siyáng tinakdâáng magpalagáy ng̃ ipapasiyá, kayâ’t ng̃ayó’y nasa kamáy niyá ang kasulatan. Ipinang̃akò ni D. Custodio na lulutasín niyá sa loob ng̃ buwang itó.
[136]—¡Mabuhay si D. Custodio!
—¿At kung ang ipasiyá ni D. Custodio ay laban?—ang tanóng ng̃ dî mapag-asáng si Pecson.
Iyan ang hindî nilá naáalaala, dahil sa kahibang̃án sa akalàng mabuti ang lakad ng̃ usap. Lahát ay nápating̃ín kay Makaraig upang mabatíd kung anó ang sasabihin.
—Ang bagay ding iyan ang sinabi ko kay P. Irene, ng̃unì’t sinabi sa akin, na kasabáy ang kaniyáng palabirông tawa, na: Malakí na ang ating tinamó, nagawâ nating ang usap ay makaratíng sa isáng kapasiyahán, mapipilitan ang kalaban na tanggapín ang pakikihamok.... Kung mangyayaring mapakiling natin si D. Custodio, upang sa pag-alinsunod sa kaniyáng malayàng hilig, ay magpasiyà ng̃ sang-ayon, ay nanalo na tayo; ang General ay nagpapakilalang walâng kikiling̃an.
Si Makaraig ay humintô.
—¿At papaano ang pagpapakiling?—ang tanóng ng̃ isáng iníp.
—May sinabi sa aking dalawáng paraan si P. Irene....
—Ang insík na si Quiroga!—ang sabi ng̃ isá.
—¡Ba! Hindî pinupuná si Quiroga......
—¡Isáng mabuting handóg!
—Lalò pa, ipinagmamalakí ang katigasán niyá sa mg̃a handóg.
—¡Ay, nálalaman ko na!—ang bulalás na tumatawa ni Pecson—ang mánanayaw na si Pepay.
—¡A, oo ng̃â! ¡ang mánanayaw na si Pepay!—ang sabi ng̃ ilán.
Ang Pepay na itó’y isáng makiyas na dalaga na kilaláng matalik na kaibigan ni D. Custodio: sa kaniyá lumalapit ang mg̃a tumatanggap ng̃ mg̃a pagawâ, ang mg̃a kawaní at ang mg̃a mapaglaláng kung may nasàng tamuhín sa bantóg na Konsehal. Si Juanito Pelaez na kaibigan din ng̃ mánanayaw ay humáhandóg na siyáng lalakad ng̃ usap; ng̃unì’t si Isagani’y umilíng at nagsabing sukat na ang pagkakagamit kay P. Irene at magiging kasagwâán ang lapitan si Pepay sa ganitóng bagay.
—¡Tingnán ang isá pang paraan!
—Ang isá ay lumapit sa abogadong pinagsanggunìan, si G. Pasta, tánung̃ang pinang̃ang̃ayupapàan ni D. Custodio.
[137]—Ibig ko pa iyán,—ang sabi ni Isagani—si G. Pasta ay pilipino, at nagíng kasama sa pag-aaral ng̃ aking amaín. Ng̃unì’t ¿papaano ang gágawin upang mapakiling?
—Nariyán ang kid—ang sagót ni Makaraig na tinitigan si Isagani—si ginoong Pasta ay may isáng mánanayaw, itóng.... may isáng mangbuburdá......
Inailíng na mulî ni Isagani ang kaniyáng ulo.
—Huwág kayóng nápakamaselang—ang sabi sa kaniyá ni Juanito Pelaez—ang mg̃a layon ay siyáng naglíligtás sa mg̃a kaparaanan! Kilalá ko ang mangbuburdá, si Matea, na may isáng pagawàang pinápasukan ng̃ maraming dalaga.....
—Huwág, mg̃a ginoo,—ang putol ni Isagani—unahin muna natin ang mg̃a paraang hindî mahalay.... Paparoón akó sa bahay ni G. Pasta at kung walâ akóng mápalâ, ay saká na ninyó gawín, ang ibig gawín sa mg̃a mánanayaw at mg̃a mangbuburdá.
Napahinuhod silá sa palagáy at nagkásundông si Isagani ay makipag-usap kay G. Pasta sa araw ding yaón at sa kinahapunan ay ipababatíd sa Unibersidad, sa kaniyáng mg̃a kasama, ang nangyari sa pakikipagkita.
Si Isagani ay naparoón sa bahay ng̃ abogado, isá sa mg̃a may tang̃ìng katalinuhan sa Maynilà na pinagtátanung̃an ng̃ mg̃a prayle sa kaniláng malalakíng kagipitan. Nag-antáy ng̃ kauntî ang binatà, sapagkâ’t maraming ipinagtátanggol ang nároroon, ng̃unì’t dumatíng din ang taning na ukol sa kaniyá at pumasok sa gawàan ó bufete gaya ng̃ karaniwang tawag sa Pilipinas.
Tinanggáp siyá ng̃ mánananggol-usap sa pamagitan ng̃ isáng mahinàng ubó at tinítingnang palihím ang kaniyáng mg̃a paá; hindî tumindíg ni hindî man lamang siyá pinaupô at nagpatuloy sa pagsusulat. Nagkaroón si Isagani ng̃ panahón upang matyagán siyá at kilalanin. Malakí ang itinandâ ng̃ abogado, ubanin na at ang kaniyáng upaw ay halos laganap sa boong tuktók. Ang kaniyáng mukhâ’y pasumang̃ót at matigás.
[138]Sa gawàan, ang lahát ay tahimik; walâng nadiding̃ig kungdî ang anasan ng̃ mg̃a tagasulat ó nang̃agsasanay na gumágawâ sa kanugnóg na silíd: ang kaniláng mg̃a panitik ay gumágaralgal na warì’y nakikipagtunggalî sa papel.
Natapos din ang mánananggól sa sinusulat, binitiwan ang panitik, itinaás ang ulo, at ng̃ mákilala ang binatà, ay nagliwanag ang mukhâ, at malugód siyáng kinamayán.
—¡Abá, binatà!.... ng̃unì’t umupô kayó, patawarin ninyó.... hindî ko nápunang kayó palá. ¿At ang inyóng amaín?
Lumakás ang loob ni Isagani at inakalàng mapapabuti ang kaniyáng lakad. Isinalaysáy niyáng lahát ang nangyari, na pinag-aaralang mabuti ang nápapalâ ng̃ kaniyáng sinasabi. Pinakinggáng walâng katigatigatig ni G. Pasta ang simulâ, at kahì’t batíd niyá ang lakad ng̃ mg̃a nag-aaral, ay nagmamaangmaang̃an upang ipakilala na walâ siyáng pakialám sa mg̃a kamusmusáng iyón, ng̃unì’t ng̃ maramdamán ang pakay sa kaniyá at náding̃íg na natutukoy sa Vice-Rector, mg̃a prayle, Capitáng General, panukalà at ibp., ang mukhâ niyá’y untîuntîng nagdilím at nagtapós sa pagbulalás ng̃:
—¡Itó ang lupaín ng̃ mg̃a panukalà! Ng̃unì’t itulóy, itulóy ninyó.
Hindî nanglupaypay si Isagani: sinabi ang kapasiyaháng ibíbigay at nagtapós sa pagpapahayag ng̃ pagkakatiwalà ng̃ kabinatàan na siyá, si G. Pasta, ay mamámagitnâ ng̃ sang-ayon sa kanilá sakalìng si D. Custodio ay sumanggunì sa kaniyá, gaya ng̃ maáasahan. Hindî nang̃ahás si Isaganing sabihin na pagpayuhan dahil sa ng̃ibít na ipinamalas ng̃ mánananggol.
Ng̃unì’t may takdâ ng̃ gagawín si G. Pasta, na dilì ibá’t ang huwag manghimasok sa bagay na iyón, ni sumanggunì, ni pagsanggunìan. Alám niyá ang nangyari sa Los Baños, batíd niyáng may dalawáng pangkát at hindî si P. Irene ang tang̃ìng bayani na nasa dako ng̃ mg̃a nag-aaral, ni hindî siyá ang nagpalagáy ng̃ pagdaraán ng̃ kasulatan sa Lupong ng̃ Paaralan, kundî lubós na kaibá. Si P. Irene, si P. Fernandez, ang condesa, isáng mang̃ang̃alakál na nakakikiníkinitá nang makapagbibilí ng̃ kagamitáng ukol sa bagong Akademia at ang mataás na kawaníng nagtukóy ng̃ iba’t ibáng [139]kapasiyaháng-harì ay mang̃agtatagumpáy na sana, ng̃ ipinaalaala ni P. Sibyla, upang magkapanahón, ang Kataastasang Lupon. Ang lahát ng̃ bagay na itó’y nátatalâ sa alaala ng̃ abogado; kayâ’t ng̃ matapos makapagsalitâ si Isagani, ay tinangkâng lituhín itó sa pariway na mg̃a pang̃ung̃usap, guluhín at ilipat ang usapan sa ibáng bagay.
—¡Oo!—ang sabi na inilawít ang labì at kinamot ang upaw—walâng mang̃ung̃una sa akin sa pag-ibig sa tinubùan at paghahang̃ád ng̃ pagkakasulong, datapwâ’y.... hindî akó makasugbá.... hindî ko masabi kung batíd ninyó ang aking kalagayan, isáng kalagayang lubhâng maselang.... marami akóng pag-aarì.... kailang̃an akong kumilos sa loob ng̃ isáng masusìng pagkatarós.... isáng pagsugbá....
Ibig lituhín ng̃ abogado ang binatà sa pamag-itan ng̃ maraming salitâ at nagsimulâ ng̃ pagtukoy sa mg̃a batás, sa mg̃a kapasiyahán, at napakarami ang nasabi, na hindî ang batà ang naguló kundî siyá sa sarili ang halos naguló sa isáng pasikot sikot na kábabanggít.
—Hindî pô mangyayaring háhang̃arín naming ilagáy kayó sa kagipitan—ang mabanayad na sagót ni Isagani—¡Iligtás kamí ng̃ Lumikhâ sa pagbibigáy gambalà sa mg̃a taong ang kaniláng buhay ay lubhâng kailang̃an ng̃ ibáng pilipino! Datapwâ’y kahì’t napakauntî ang nababatíd ko tungkól sa mg̃a batás, mg̃a kautusáng harì, mg̃a lathalà at mg̃a kapasiyahang umiiral sa ating bayan, ay hindî ko inaakalàng magkaroón ng̃ kasamaán ang makitulong sa mg̃a adhikaín ng̃ pamahalàan, ang punyagìin ang siya’y maalinsunod na mabuti; iisáng layon ang aming inuusig at sa kaparaanan lamang kamí nagkakaibá.
Ang manananggól ay nápang̃itî: ang binatà’y napadadalá sa ibáng landás at doon niyá lilituhín, litó na ng̃â.
—Diyán ng̃â naririyan ang kid, sa karaniwang sabi; hindì ng̃a ba kapuripuri ang tumulong sa pamahalàan pag ang pagtulong ay sa pamag-itan ng̃ pang̃ang̃ayupapà, alinsunurin ang kaniyáng mg̃a kapasiyahan, ang tuwíd na katuturán ng̃ mg̃a batás na katugón ng̃ tuwid na paghahakà ng̃ mg̃a namamahalà at hindî málalaban sa unang una at karaniwang paraan sa pagkukurò ng̃ mg̃a ginoong may hawak ng̃ ikaaanyô ng̃ mg̃a taong bumubuô ng̃ isáng kapisanan. At dahil dito ay masamâ, karapatdapat parusahan, sapagkâ’t nakahahalay [140]sa batayán ng̃ kapangyarihan, ang gumawâ ng̃ isáng bagay na laban sa kaniyáng mg̃a munakalà kahì’t na inaakalàng mabuti kay sa nanggagaling sa pamahalàan, sapagkâ’t ang gayóng kagagawán ay makasusugat sa kaniyáng katibayan na siyáng batayán ng̃ alín mang pamamahalà sa mg̃a bayang sákop.
Ang matandâng abogado, sa pananalig na ang mg̃a tinurang iyon ay nakalitó kay Isagani, ay nagpakabuti sa kaniyáng silyon ng̃ walâng kaimík-imík, kahì’t na sa loob niyang sarili ay nagtatawá.
Gayón man, ay tumugón si Isagani.
—Inakalà ko, na ang mg̃a Pamahalàan ay dapat humanap ng̃ ibáng batayáng lalòng matibay kailan pá man at nadadawal.... Ang pinagbabatáyang lakás ng̃ mg̃a pamahalàang ukol sa nasasakop ay siyáng pinakamahinà sa lahát, sapagkâ’t walâ sa kanilá kundî nasa mabuting kalooban ng̃ mg̃a nasasakupan samantalang ibig kilalanin ang gayón.... Ang batayáng katwiran ay siyang inaakalà kong lalòng matibay.
Itinaás ng̃ abogado ang ulo; ¡anó! ¿ang binatàng iyón ay nang̃ang̃ahás tumutol at makipagtalo sa kaniyá, siyá, si G. Pasta? ¿Hindî pá litó sa kaniyáng mabigkás na pang̃ung̃usap?
—Binatà, nararapat iwan sa isáng dako ang mg̃a hakàng iyan, sapagkâ’t mapang̃anib,—ang hadláng ng̃ mánananggol na ing̃iniwî ang mukhâ—Ang sinasabi ko sa inyó ay dapat na bayaang gumawâ ang pamahalàan.
—Ang mg̃a pamahalàan ay itinatag upang ikagalíng ng̃ mg̃a bayan, at upang makatupád ng̃ lubós sa layunín niyá ay dapat umalinsunod sa kahiling̃an ng̃ mg̃a namamayan na siyang lalòng nakababatíd ng̃ kaniláng mg̃a kailang̃an.
—Ang mg̃a bumubuô ng̃ pamahalàan ay mg̃a mámamayán dín at yaong mg̃a may lalòng kasapatán.
—Ng̃unì’t sa dahiláng silá’y tao, ay maaarìng magkámalî, at hindî nárarapat na huwag pansinín ang sa ibáng hakà.
—Dapat magtiwalà sa kanilá, ibíbigáy niláng lahát.
—May isáng sáwikàíng likás na kastilà, na ang sabi’y: ang hindî umíiyak ay hindî nakasususo. Ang hindî hiníhing̃î ay hindî ipinagkakaloob.
—¡Baliktád!—ang sagót ng̃ abogado na tumawang pakutyâ—sa pamahalàan ay pasaliwâ ang nangyayari......
[141]Datapwâ’y biglâng nápahintô na warì’y nakapag-wikà ng̃ higít sa nárarapat at tinangkâng gamutín ang kaniyáng pagkábulalás.
—Pinagkalooban tayo ng̃ pamahalàan ng̃ mg̃a bagay na hindî natin hinilíng, ni hindî natin mahihilíng.... sapagkâ’t ang paghilíng.... ang paghilíng ay nagpapakilalang may pagkukulang at dahil doon ay hindî gumáganáp sa kaniyáng katungkulan.... pagpayuhan siya ng̃ isáng paraan, tangkâíng ibunsód siyá, huwag nang siya’y tunggalìin, ay isáng pagsasapantahàng siya’y mangyayaring mámalî, at sinabi ko na ng̃â sa inyóng ang mg̃a gayóng paghahakà’y laban sa kabuhayan ng̃ mg̃a pamahalàang ukol sa nasasakop.... Ang bagay na itó’y hindî batíd ng̃ karamihan at hindî alám ng̃ mg̃a binatàng nagdadalosdalos, hindî nilá kilalá, ayaw kilalanin ang lubhâng káibayóng ibubung̃a ng̃ paghing̃î.... ang kasagwâáng tagláy ng̃ panukalàng iyan......
—Ipagpatawad po ninyó—ang putol ni Isagani na namuhî sa mg̃a pang̃ang̃atwirang ginamit sa kaniyá ng̃ abogado—pag sa makatwirang paraan ang isáng bayan ay humihing̃î ng̃ anó man sa isáng pamahalàan ay sapagkâ’t inaakalàng mabuti at nálalaáng pagkalooban siyá ng̃ isáng kabutihan, at ang kagagawáng itó, ay hindî dapat makamuhî sa kanyá kundî bagkús pa ng̃âng dapat makagalák; humihing̃î sa iná, sa inainahan ay hindî, magpakailán man. Ang pamahalàan sa ganáng pahát kong pag-aakalà, ay hindî isáng may laganap na paning̃ín na nakikita’t napaglalaanan ang lahát ng̃ bagay, at kahì’t na magíng gayón, ay hindî mangyayaring mamuhî, sapagkâ’t naririyan ang Pananampalataya na walâng ginágawâ kundî maghihing̃î sa Dios na nakakikita at nakakikilala ng̃ lahát ng̃ bagay, at kayó man ay humíhing̃î at humíhilíng ng̃ maraming bagay sa mg̃a hukuman ng̃ pamahalàan ding iyan, at ni ang Dios, ni ang pamahalàan hanggáng sa ng̃ayón ay hindî pa nagpapahalatâ ng̃ kamuhîán. Nasa sa budhî ng̃ lahát na ang pamahalàan, dahil sa siya’y itinatag ng̃ mg̃a tao, ay nang̃ang̃ailang̃an ng̃ tulong ng̃ ibá, nang̃ang̃ailang̃ang ipakita at iparamdám sa kaniyá ang katunayan ng̃ mg̃a bagay bagay. Kayó na sa sarili ay hindî naniniwalàng lubós sa katotohanan ng̃ inyóng mg̃a ikinatwiran; kayó sa sarili’y alám ninyóng marahás at dî nátutungtóng sa matuwid ang pamahalàan, na, upang makapagparang̃al ng̃ kalakasán [142]at pagkamapagsarilí, ay nagkákaít ng̃ lahát ng̃ bagay sa katakután ó sa kakulang̃áng tiwalà, at ang mg̃a bayan lamang na dinádahás at inaalipin ay siyá lamang may katungkulang huwág huming̃î ng̃ kahì’t anó magpakailán man. Ang isáng bayang nasúsuklám sa kaniyáng pamahalàan ay walâng dapat hiling̃ín dito kundî ang iwan ang pamamahalà.
Ang matandâng abogado ay ng̃umíng̃iwî at pinaíilíng-ilíng ang ulo, tandâ ng̃ dî kasiyaháng loob at hináhaplos ng̃ kamáy ang kaniyáng upaw; pagkatapos, sa isáng pananalitâng mapag-ampón na warì’y may pagkahabág ay nagsabing:
—¡Hm! masamâng aral iyán, masamâng palagáy, ¡hm! ¡Napagkikilalang kayó’y batà at walâ pa kayóng pagkatalós sa ukol sa kabuhayan! Tingnán ninyó ang nangyayari sa Madrid sa mg̃a binatàng walâng muwáng na humíhing̃î ng̃ maraming pagbabago: lahát silá’y pinararatang̃ang mg̃a nag-uusig ng̃ paghiwaláy, marami ang hindî makapang̃ahás na umuwî, ng̃unì’t gayón man ay ¿anó ang kaniláng mg̃a hiníhing̃î? Mg̃a banal na bagay, matatandâ na’t hindî makasásamâ sapagkâ’t lubós nang kilalá.... Datapwâ’y may mg̃a bagay na hindî ko maipaliliwanag sa inyó, mg̃a lubhâng maselang.... siyá.... ipinagtátapat ko sa inyóng may ibá pang katwiran, bukód sa mg̃a tinuran na, na naguudyók sa isáng matinóng pamahalàan upang kailán mán ay huwág duming̃íg sa mg̃a kahiling̃an ng̃ isáng bayan...... hindî.... mangyayari ding makatagpô tayo ng̃ mg̃a pinunòng palalò at mahang̃in ang.... ng̃unì’t mayroón díng ibáng katwiran.... kahì’t na ang hiníhing̃î ay yaóng lalòng nararapat.... ang mg̃a pamahalàan ay may ibá ibáng palakad......
At ang matandâ’y nag-aalinlang̃ang nakatitig kay Isagani, at pagkatapos ay tumalagá na sa isáng bagay, ikinumpáy ang kamáy na warì’y may inilálayông paghahakà sa kaniyáng pag-iisip.
—Nahuhulàan ko ang inyóng ibig sabihin—ang patuloy ni Isagani na ng̃umitîng malungkót—ibig ninyóng sabihin na ang pamahalàang ukol sa nasasakupan, yamang natatatág ng̃ hindî lubós na wastô at sa dahiláng nananáng̃an sa mg̃a palápalagáy......
[143]—¡Hindî, hindî, hindî iyan, hindî!—ang biglâng hadláng ng̃ matandâ na nagpakunwarîng may hinahanap sa kaniyáng mg̃a papel—hindî, ang ibig kong sabihin.... ng̃unì’t ¿násaán kayâ ang aking salamín sa matá?
—Hayán pô—aní Isagani.
Ikinamá ni G. Pasta ang kaniyáng salamín, warìng may binasang iláng kasulatan, at ng̃ mákitang inaantáy siyá ng̃ binatà ay nagwikàng pautal-utal:
—May ibig akóng sabihing isáng bagay.... ibig kong sabihin, ng̃unì’t nakalimutan ko na.... kayó sa inyóng kapusukán, ay pinigil ninyó akó.... isáng bagay na walâng malakíng kabuluhán.... Kung alám lamáng ninyó kung papaano ang ulo ko, ¡napakarami kasí ng̃ aking gagawín!
Náramdamán ni Isaganing siyà’y iniaabóy na.
—Kung gayón,—ang sabing sabáy tindíg—kamí ay......
—¡Ah!.... mabuti pang bayàan na ninyó sa kamáy ng̃ pamahalàan ang bagay na iyan; siyá na ang bahalàng magpapasiyá diyan ng̃ alinsunod sa kaniyáng máibigan.... Sinasabi ninyóng ang Vice-Rector ay laban sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà, marahil ng̃â’y gayón, ng̃unì’t hindî sa panukalà kundî sa paraan ng̃ panukalàng iyan. Sinasabing ang Rector na páparito ay may daláng panukalàng pagbabago ng̃ pagtuturò.... magantáy kayó ng̃ kauntî, bigyán ninyó ng̃ panahón ang panahón, mang̃agaral kayó, sapagkâ’t nálalapít na ang examen at ¡putris yatà! kayóng mabuti nang magwikàng kastilà at maluwag na magsalitâ ¿anó’t nakikihimasok pá sa guló? anó pa ang hang̃ád ninyóng bukód na iturò? ¡Matitiyak na si P. Florentino ay káisa ko sa pasiyá! Ipakikumustá ninyó......
—Kailán pa man ay kabilinbilinan sa akin ng̃ aking amaín—ang sagót ni Isagani—na alalahanin ko ang ibá gaya ng̃ pag-aalaala ko sa sarili.... hindì akó naparito ng̃ dahil sa akin, naparito akó sa ng̃alan ng̃ mg̃a nasa sa kalagayang lalò pang abâ.....
—¡A, putris! gawín nilá ang ginawâ ninyó, sunugin nilá ang kaniláng kilay sa pag-aaral at magíng upawin siláng gaya ko sa pagsasaulo ng̃ boô boông salaysáy.... At inaakalà kong kung kayâ kayó nakapagsásalitâ ng̃ wikàng kastilà ay sapagkâ’t pinag-aralan ninyó; ¡kayó’y hindî tagá Maynilà ni anák ng̃ kastilà! Pag-aralan nilá ang pinag-aralan [144]ninyó at gawín nilá ang ginawâ ko.... Akó’y nagíng alilà ng̃ lahát ng̃ prayle, ipinaglutò ko silá ng̃ chocolate, at samantalang ang kanan ko’y ipinanghahalò sa batidor ay pigil ko sa kaliwâ ang gramátika, nag-aaral akó at, salamat na lamang sa Dios, hindî akó nagkailang̃an ng̃ ibá pang mg̃a gurô, ni ibá pang akademia, ni mg̃a pahintulot ng̃ pamahalàan.... Paniwalàan ninyó akó; ¡ang ibig na mag-aral ay nakapag-aaral at natututo!
—¿Ng̃unì’t ilán na sa mg̃a ibig na matuto ang makaaabot sa inabot ninyó? Isá sa isáng libo, at yaón pa man!
—¡Psch! ¿at anó pa ang kailang̃an ng̃ higít pa roon?—ang sagót ng̃ matandâ na ikinibít ang balikat—Ang mg̃a abogado’y labis na, ang marami’y pumapasok na lamang na tagá sulat. ¿Mg̃a médiko? silá silá’y nagmumurahán, nag-uupasalàan at nagkakamatayan dahil sa pag-aagawán sa isáng gágamutín.... ¡Bisig, ginoo, ang kailang̃an natin ay bisig na ukol sa pagtataním!
Nákilala ni Isagani na nag-aaksayá siyá ng̃ panahón, ng̃unì’t tumugón:
—Tunay ng̃â—ang sagót—maraming abogado at médiko, ng̃unì’t hindî ko masasabing lumalabis, sapagkâ’t mayroon tayong mg̃a bayang walâ ng̃ isá man sa kanilá; ng̃unì’t kung marami man sa bilang, marahil ay kulang sa mabuti. At yayamang hindî mapipigil na mag-aral ang kabatàan at dito’y walâ na namáng ibáng carrera ¿bakit babayàang masayang ang kaniláng panahon at pagsisikap? Kung ang kasiràan ng̃ pagtuturò ay hindî makahadláng na ang marami’y magíng abogado ó médiko, kung tayo’y magkakaroon din lamang ¿bákit hindî pá mabubuti? at gayón man, kahì’t na ang nasà’y gawíng lupaín ng̃ mg̃a mánananim ang lupaíng itó, isáng lupaín ng̃ mg̃a manggagawà sa lupà, at patayín sa kaniyá ang lahát ng̃ gawàing isip, ay hindî ko maunawà ang kasamâan ng̃ patalinuhin ang mg̃a mánananim at mg̃a manggagawàng lupàng iyán, bigyán man lamang silá ng̃ isáng pinag-aralang magpahintulot sa kanilá, pagkatapos, na máwastô at magwastô ng̃ kaniláng mg̃a gawàin, na ilagáy bagá silá sa kalagayang máwatasan ang maraming bagay na hindî batíd sa ng̃ayón.
—¡Bah, bah, bah!—ang bulalás ng̃ abogado na ikinumpay ng̃ palikawlikaw sa hang̃in ang kamáy na warìng ibig [145]bugawin ang mg̃a paghahakàng nábanggít—upang maging mabuting mang-aani ay hindî kailang̃an ang maraming retórica. ¡Pang̃arap, malîng akalà, buko ng̃ pag-iisip! ¡Siya! ¿ibig bagá ninyóng sumunód sa isáng hatol?
At tumindíg, masuyòng ipinatong ang kamáy sa balikat ng̃ binatà, at nagpatuloy:
—Bíbigyan ko kayó ng̃ isáng lubhâng mabuti, sapagkâ’t nakikita kong kayó’y matalino at ang hatol ay hindî mápapagayón lamang. ¿Magaaral kayó ng̃ panggagamót? Kung gayón ay magkasiyá kayó sa pag-aaral ng̃ kung papaano ang paglalagáy ng̃ tapal at pagpapasigíd ng̃ lintâ at huwag ninyóng panghimasukan ang pagpapabuti ó pagpapasamâ ng̃ kalagayan ng̃ inyóng kapuwâ. Pag kayó’y licenciado na, ay mag-asawa kayó sa isáng dalagang mayaman at mapanata, pagpilitan ninyó ang makapanggamót at makasing̃il na mabuti, layûán ninyó ang lahát ng̃ bagay na may pakialám sa kalagayan ng̃ bayan, magsisimbá kayó, magkumpisál at makinabang pag ang ibá’y gumágawâ ng̃ gayón, at makikita ninyóng pagkatapos ay pasasalamat kayó sa akin at ang gayó’y makikita ko kung akó’y buháy pa. Palagì ninyóng aalalahanin na ang lalòng wastông pagling̃ap ay ang ling̃apin muna ang sarili; walâng dapat hanapin ang tao sa mundó kundî ang lalòng malakíng kaligayahan ng̃ kaniyáng sarili, gaya ng̃ sabi ni Bentham; pag kayó’y nanghimasok sa mg̃a kaululán, ay hindî kayó magkakaroón ng̃ carrera, ni hindî kayó magkakaasawa, ni hindî kayó magiging anomán. Pag-iiwananan kayó ng̃ lahát at ang una unang magtátawá sa inyóng kalinisang ugalì ay ang inyó ring mg̃a kababayan. ¡Maniwalà kayó sa akin, akó’y maaalaala din ninyó at sasabihin ninyóng may katwiran akó pag kayó’y nagkaroon na ng̃ ubang kagaya ko, mg̃a ubang kagaya nitó!
At hinipò ang iilan niyáng buhók na putî ng̃ matandang abogado na ng̃umitî ng̃ malungkót at inilíng-ilíng ang ulo.
—Pag nagkaroon na akó ng̃ mg̃a ganiyáng uban, ginoo,—ang sagót na malungkót dín ni Isagani—at pag iniling̃ón ko ang aking paning̃ín sa nakaraan at mákita kong walâ akóng ginawâ kundî ang ukol sa sarili, na hindî ginawâ ang mangyayaring gawín at dapat kong gawíng ukol sa bayang nagbigáy sa akin ng̃ lahát ng̃ bagay, ukol sa mg̃a namamayang [146]tumutulong sa aking kabuhayan, ang bawà’t uban ay magiging isáng tiník sa akin, at hindî ko silá ikadadang̃al kundî bagkus ikahihiyâ!
At masabi itó ay yumukô at umalís.
Nápatigil ang abogado sa kaniyáng kinalalagyán, na ang matá’y susulingsuling. Náding̃íg ang mg̃a yabág na lumalayông untîuntî at mulîng umupô na bumúbulóng:
—¡Kaawàawàng binatà! Ang mg̃a ganiyán ding hakà ay sumagì isáng araw sa aking pag-iisip! ¿Maanong ang lahát ay makapagsabing: ginawâ ko itó ng̃ dahil sa aking bayan, iniuukol ko ang aking buhay sa ikabubuti ng̃ lahát....? ¡Putong na laurel, na pigtâ ng̃ katás ng̃ kamansá, mg̃a dahong tuyô na nagkakanlóng ng̃ mg̃a tiník at mg̃a uód! ¡Hindî iyan ang kabuhayan, iyan ay hindî nagbibigáy ng̃ kakanin, ni hindî nagdudulot ng̃ karang̃alan; ang mg̃a laurel ay bahagyâ nang mágamit sa isáng sawsawan.... ni hindî nagbibigáy ng̃ katiwasayán.... ni hindî nagpapanalo ng̃ mg̃a usap, kundî tiwalî pa ng̃â! Ang bawà’t bayan ay may kaniyáng hilig, gaya rin ng̃ kaniyáng sing̃áw ng̃ lupà at kaniyáng mg̃a sakít, na ibá sa sing̃áw ng̃ lupà at mg̃a sakít ng̃ ibáng bayan!
At idinugtóng pagkatapos:
—¡Kaawàawàng binatà!.... Kung ang lahát sana’y nag-iisip at gumágawâ ng̃ gaya niyá, ay hindî ko sinasabing hindî.... ¡Kaawàawàng binatà! ¡Kaawàawàng Florentino!
Nang kinagabihán ng̃ Sábado ring yaón, ang insík na si Quiroga na nagnanasàng makapagtatag ng̃ isáng consulado ng̃ kaniyáng bansâ, ay naghandâ ng̃ isáng hapunan sa itaás ng̃ kaniyáng tindahan na nasa daang Escolta. Maraming dumaló sa kaniyáng pistá: mg̃a prayle, mg̃a kawaní, mg̃a militar, mg̃a mang̃ang̃alakal, lahát ng̃ kaniyáng mg̃a sukì, mg̃a kasamá ó mg̃a ninong, ay pawàng nang̃aroroon; ang kaniyáng tindahan ay siyáng kinukunan ng̃ lahát ng̃ kailang̃an ng̃ mg̃a kura at ng̃ mg̃a kombento, tumatanggáp ng̃ vale ng̃ lahát ng̃ kawaní, mayroon siyáng matatapát na alagád na [147]masunurin at masisipag. Ang mg̃a prayle ay hindî nang̃ang̃aníng̃aníng dumaan ng̃ mg̃a buô buông oras sa kaniyáng tindahan, magíng sa pook na tanáw ng̃ madlâ, magíng sa mg̃a silíd na nasa loob, na, may mg̃a kaayaayang kapulong....
Nang gabí ng̃âng iyon, ang kabahayán ay may katang̃ìtang̃ìng anyô. Namumunô sa mg̃a prayle at mg̃a kawaní na nang̃akaluklók sa mg̃a uupáng Viena at mg̃a mumuntîng bangkông maitím ang kahoy at ang uupán ay marmol na galing sa Cantón, sa haráp ng̃ mg̃a mumuntîng dulang na parisukat, at nang̃aglalarô ng̃ tresillo ó nang̃ag-uusap usap, sa tulong ng̃ maníngníng na liwanag ng̃ mg̃a ginintûáng lámpara ó ng̃ kukutakutatap na ilaw ng̃ mg̃a parol insík na may matitingkád na palamutìng borlas na sutlâ. Sa mg̃a dingdíng ay magulóng nagkakahalò ang mg̃a pánooríng payapà at bugháwin na gawâng Cantón at Hongkong, na kasama ng̃ mg̃a cromo ng̃ mg̃a babaing naglilingkód sa mg̃a sultán, mg̃a babaing halos hubád, mg̃a larawan ng̃ Cristo na mukhâng babai, ng̃ kamatayan ng̃ banal at ng̃ makasalanan, na pawàng yarì sa mg̃a pagawàang hudio sa Alemania upang ipagbilí sa mg̃a bayang katóliko. Naroroón din ang mg̃a larawang insík na nasa puláng papel na may isáng lalaking nakaupô na ang anyô’y kagalanggalang, mapayapà at nakang̃itî, sa likuran nitó’y may nakatayông aliping napakapang̃it, na ang pigil ay isáng sibát na ang talím ay malapad at matalas: tinatawag na Mahoma ng̃ mg̃a taga roon at tinatawag na Santiago ng̃ ilán, hindî namin maalaman kung bakit; ang mg̃a insík namán ay hindî nagpapaliwanag tungkol sa pagkakakilalang iyon sa dalawáng pang̃alan. Mang̃a putók ng̃ botella ng̃ Champagne, bunggûan ng̃ mg̃a kopa, tawanan, usok ng̃ tabako at isáng tang̃ìng amóy ng̃ bahay insík, na may halòng pebete, apian at mg̃a imbák na bung̃ang kahoy ang nagiging kabuôan ng̃ lahát ng̃ iyon.
Suot warì’y mandarín, na bugháw ang borlas ng̃ kopià, ay nagpapalakadlakad sa mg̃a silíd, si insík Quiroga, na tuwíd at unát na unát, na pasulyápsulyáp na warìng sinisiyasat kung walâng nangduduwit ng̃ anó mán. Datapwâ’y kahì’t na tagláy ang gayóng dî pagtitiwalàng likás sa kaniyá ay nakikipagkamayan, binabatì ang ilán sa tulong ng̃ mg̃a masuyò at pakumbabâng ng̃itî, at ang ilán ay batìng mapag-ampón, at ang ibá’y batìng palibák na warìng ang ibig sabihin ay:
[148]—¡Alám ko na! hindî kayó naparito ng̃ dahil sa akin kundî dahil sa aking hapunan.
May katwiran si insík Quiroga. Yaong matabâng ginoo na pumupuri sa kaniyá at nagsasabi ng̃ pang̃ang̃ailang̃an ng̃ isáng konsulado ng̃ insík dito sa Maynilà, na ang ibig mandíng sabihin ay walâng makagaganáp sa katungkulang iyón liban na kay Quiroga, ay si G. Gonzalez na pumipirmang Pitilí kung tinutuligsâ sa mg̃a tudlíng ng̃ pahayagan ang pagparito ng̃ insík. Yaóng isá na may kagulang̃an na at sinisiyasat na malapit na malapit ang mg̃a bagay bagay, ang mg̃a lámpara, at mg̃a cuadro, at ibp., at ng̃umíng̃iwî at bumubulalás ng̃ padustâ, ay si G. Timoteo Pelaez, amá ni Juanito, máng̃ang̃alakál na nang̃ang̃alandakan ng̃ laban sa pakikiagáw ng̃ mg̃a insík na naghahapay sa kaniyáng kalakal. At ang isá, ang nasa dako pa roon, iyóng kayumanggíng ginoo, payát, na ang paning̃ín ay magasláw at banayad ang ng̃itî, ay yaón ang bantóg na may kagagawán ng̃ ukol sa mg̃a pisong mehikano na nagbigáy ng̃ dî kakauntîng samâ ng̃ loob sa isáng kinakalong ni Quiroga; ang kawaníng iyon ay kilalá sa Maynilà dahil sa katalasan! Ang nasa malayòlayô pa, yaóng kung tuming̃ín ay pairáp at hindî husáy ang bigote ay siyang kawaníng kiníkilalang lalòng karapatdapat sapagkâ’t nagkaroón ng̃ katapang̃ang magsalitâ ng̃ laban sa pang̃ang̃alakal ng̃ mg̃a billete sa lotería na ginágawâ ni Quiroga at ng̃ isáng babaing bantóg sa mg̃a lipunán sa Maynila. Sadyâ ng̃âng kung hindî man ang kalahatì ay ang dalawá ng̃ katlông bahagi ng̃ mg̃a billete ay dinádalá sa kainsikán at ang nálalabíng kauntî sa Maynilà ay ipinagbíbilíng may patong na sikolo. Lubós ang pananalig ng̃ tinurang ginoo na sa balang araw ay mápapasa-kaniyá ang pinakamalakíng tamà, kayâ’t muhîng muhî sa mg̃a gayóng kagagawán.
Samantala namá’y nagtatapós ang hapunan. Mulâ sa kakainán ay umaabot sa kabahayán ang mg̃a bahagi ng̃ talumpatì, tawanan, mg̃a pagsalangsáng, halakhakan.... Ang pang̃alan ni Quiroga ay paulit-ulit na nádiding̃íg, na kahalò ng̃ mg̃a salitâng consul, pagpapantáypantáy, mg̃a karapatán....
Ang may pigíng, na hindî kumakain ng̃ lutòng Europa, ay nakikitunggâ na lamang maminsánminsán sa kaniyáng mg̃a panaohin, at nang̃ang̃akòng makikisabáy sa pagkain ng̃ mg̃a hindî nakadulóg sa unang hain.
[149]Nakapaghapunan na si Simoun ng̃ dumatíng at nakikipag-usap, sa kabahayán, sa iláng máng̃ang̃alakál na nang̃agsisidaíng dahil sa kalagayan ng̃ paghahanap buhay: masamâ ang lakad ng̃ lahát, náhihintô ang pang̃ang̃alakal, ang pakikipagsuklîan sa Europa ay nápakataás ang halagá; nang̃agsisihing̃î ng̃ liwanag sa mag-aalahás ó inuudyukán siyá ng̃ iláng paraan sa pag-asang sasabihin sa Capitan General. Sa bawà’t kaparaanang ipalagáy ay tinutugunán ni Simoun ng̃ isáng ng̃itîng pakutyâ’t paglibák. ¡Ba! ¡kaululán! hanggáng sa nang mamuhî na ang isá, ay itinanóng ang kaniyáng hakà.
—¿Ang aking hakà?—ang tanóng—pag-aralan ninyó kung bakit lumulusog ang ibáng bansâ at gayahan ninyó silá.
—¿At bakit nang̃agsisilusog, G. Simoun?
Kinibít ni Simoun ang kanyáng balikat at hindî sumagót.
—¡Ang mg̃a gawàin sa daong̃an na nakabibigát sa pang̃ang̃alakal at ang daong̃ang hindî mayarìyarì!—ang buntonghing̃á ni G. Timoteo Pelaez—ay isáng kayo ni Guadalupe, gaya ng̃ sabi ng̃ anák ko, na hinahabi at kinakalás.... ang mg̃a buwis....
—¡At dumadaíng kayó!—ang bulalás ng̃ isá—¡At ng̃ayóng kapapasiyá pa lamang ng̃ General ng̃ pagpapagibâ ng̃ mg̃a bahay na pawid! ¡Kayóng may maraming hierro galvanizado!
—Oo—ang sagót ni G. Timoteo—¡ng̃unì’t ang nagugol ko namán sa kapasiyaháng iyán! At sakâ ang pagpapagibâ’y hindî pa gágawin kundî sa loob ng̃ isáng buwán, hanggáng dumatíng ang kurismá; mangyayaring may dumatíng pang ibá.... ang ibig ko sana’y ipagibâ ng̃ayón din, datapwâ’t.... Bukód sa rito, anó ang ibíbilí sa akin ng̃ mg̃a may arì ng̃ bahay na iyán sa pawàng marálitâ?
—Mangyayari ding mábilí ninyó ng̃ murang mura ang kaniláng mg̃a bahay....
—At pagkatapos ay lakaring pawalâng bisà ang kautusán at ipagbilíng mulî, na ibayo ang halagá....! Naiyan ang isáng kalakal!
Si Simoun ay ng̃umitî ng̃ ng̃itî niyang malamlám, at sa dahiláng nákitang sumásalubong din si insík Quiroga ay iniwan ang mg̃a madaing̃ing mang̃ang̃alakál upang batìin ang magiging consul. Bábahagyâ pa lamang siyang nakita nitó ay nawalâ na ang anyông may kasiyahang loob at ang mukhâ’y iginaya sa mg̃a máng̃ang̃alakál, at yumukô ng̃ bahagyâ.
[150]Iginagalang na lubhâ ng̃ insík na si Quiroga ang mag-aalahás, hindî lamang sa dahiláng kilalá niyang mayaman, kundî dahil sa mg̃a bulungbulung̃ang umanó’y kaututang dilà ng̃ Capitán General. Nababalitàng inaayunan ni Simoun ang mg̃a hang̃arin ng̃ insík, kasang-ayon sa ukol sa consulado, at sa gitnâ ng̃ mg̃a banggitin, mg̃a parunggít at mg̃a puntos suspensivos ay tinukoy na siyá ng̃ isáng pamahayagang laban sa insík, sa isáng nábantóg na pakikipagsagutan sa isáng kasamang kampí sa mg̃a may buhók. Idináragdág pa ng̃ ilán kataong malumanay na iniúudyók sa Capitán General ng̃ Eminencia Negra na gamitin ang mg̃a insík sa pagsugpô sa matibay na karang̃alan ng̃ mg̃a tagá rito.
—Upang magíng masunurin ang isáng bayan—aniyá—ay walâng paraang gaya ng̃ duhagihin at ipakilala sa kaniyá ang sariling kaabàan.
Madalîng nagkaroón ng̃ isáng pagkakátaón.
Ang mg̃a balang̃ay ng̃ mg̃a mestiso at ng̃ mg̃a naturales ay nang̃agmamanmanan at ginagamit ang kaniláng katapang̃an at kasipagan sa paghihinalà at dî katiwalàan. Isáng araw, sa misa, ang kapitan sa naturales na nakaupô sa bangkông nasa dakong kanan at lubhâng payát, ay nakaisip na pagpatung̃in ang kaniyáng mg̃a paá, na anyông nonchalant, upang lumakílakí sa warì ang kaniyáng mg̃a pigî at maipamalas ang kaniyáng mainam na sapatos; ang sa mestiso namáng náluluklók sa kabiláng ibayo, sa dahiláng may juanete at hindî mapagpatong ang paa dahil sa katabâán at buyunin ay umanyô namáng ibinikakâ ang kaniyáng mg̃a hità upang málantád ang tiyang nakukulong ng̃ isáng chaleco na walâng kakutón kutón na napapalamutihan ng̃ isáng magandáng tanikalâng gintô at brillante. Ang dalawáng pangkatin ay nagkapakiramdaman at nagsimulâ na ang paghahamok: sa sumunód na pagsisimbá, ang lahát ng̃ mestiso, patî ng̃ mg̃a lalòng payát, ay pawàng may mg̃a buyon at ibinikakàng mabuti ang mg̃a hità na warìng nang̃ang̃abayo: lahát ng̃ naturales ay pinagpatong ang kaníkaniláng paa, sampû ng̃ lalòng matatabâ, kayâ’t may kabisa tulóy na umarinkín. Ang mg̃a insík na nakakita sa kanilá, ay gumamit namán ng̃ kaniláng anyô: nang̃agsiupông gaya ng̃ kung nasa sa kaniláng tindahan, ang isáng paa’y baluktót at nakataás, [151]ang isá’y nakabiting kukuyákuyakoy. Nagkaroón ng̃ mg̃a tutulán, mg̃a kasulatan, mg̃a expediente, at ibp., ang mg̃a kuadrilyero ay matuling nang̃agsipanandata upang pasimulán ang paghahamok ng̃ magkakababayan, ang mg̃a kura ay galák na galák, ang mg̃a kastilà’y nasasayahán at ang lahát ng̃ itó’y pinagkakakitàan ng̃ salapî, hanggáng sa pinigil ng̃ General ang kaguluhan sa pamagitan ng̃ pag-uutos na silá’y mang̃ag-upùang kagaya ng̃ insík, sa dahiláng ang mg̃a itó’y siyáng bumabayad ng̃ lalòng malakí, kahì’t hindî siyáng lalòng katóliko. At dito nangyari ang kagipitan ng̃ mg̃a mestiso at naturales, na, sa dahiláng makikipot ang salawál ay hindî makagaya sa insík. At upang ang nasàng duhagihin silá’y mabunyág, ay ginanáp ang kautusán ng̃ boong karing̃alan at ginamitán ng̃ mg̃a sangkáp, nilibid ang simbahán ng̃ isáng pulutóng na kábayuhan, samantalang ang lahát ng̃ nasa loob ay pinapawisan. Ang usapín ay nakaratíng sa España, ng̃unì’t doo’y náulit ding sa dahiláng ang nagbabayad ng̃ lalóng malakí ay ang mg̃a insík ay mangyayaring pairalin ang kaniláng ibigin sampû sa mg̃a ceremonias religiosas, kahì’t pagkatapos ay tumakwíl sa pananampalataya at libakín ang pagkakristiano. Nasiyaháng loob ang mg̃a naturales at mestiso at pinag-aralan nilá ang hindî pag-aaksayá ng̃ panahón sa mg̃a gayóng bagay na walâng kabuluhán.
Sinuyòsuyò ni Quiroga si Simoun sa tulong ng̃ kaniyáng haluang pananalitâ’t ng̃itîng napakamakumbabâ; ang kaniyáng ting̃ig ay nápakamahimok, paulit-ulit ang kaniyáng yukô, ng̃unì’t pinutol ng̃ mag-aalahás ang kaniyáng pang̃ung̃usap at itinanóng sa kaniyáng biglâ:
—¿Náibigan bagá ang mg̃a galáng?
Sa tanóng na ító’y napawìng warì’y pang̃arap ang siglá ng̃ kalooban ni Quiroga; ang ting̃ig na dating mahimok ay nagíng mahinagpís, lalò pang nagpakáyukôyukô at matapos pinapagdoop ang mg̃a kamáy na itinaas na pantáy mukhâ, anyông pagbatì sa kainsikán, ay dumaíng ng̃:
—¡Uu, sinyó Simoun! ¡akieng lugí, akieng hughóg!
—¿Bakit, insik Quiroga, kayó’y lugi at hughóg? ¡at ganyáng karami ang botella ng̃ champagne at mg̃a panaohin!
Ipinikít ni Quiroga ang kaniyáng mg̃a matá at ng̃umiwî. ¡Hss! Ang nangyari ng̃ hapong iyon, ang nagíng hanggán ng̃ mg̃a galáng, ay nakapaghughóg sa kaniyá. Si Simoun ay ng̃umitî: [152]kapag ang isáng mang̃ang̃alakál na insík ay dumádaíng ay sapagkâ’t mabuti ang lagáy; kapag ang ipinamalas ay warìng mabuting mabuti ang kaniyáng lakad ay sapagkâ’t nakikinikinitá ang isáng pagkalugi ó magtatanang tung̃o sa kanyáng bayan.
—¿Kayó mo hienne alam akieng lugi, akieng hughóg? ¡A, sinyó Simoun, akieng hapay!
At upang lalòng maipabatíd ng̃ insík ang kaniyáng kalagayan ay sinabayán ang salitâng hapay ng̃ anyông pagpapatimbuwang.
Ibig ibig ni Simoun na siya’y pagtawanán, ng̃unì’t nagpigil at sinabing walâ siyáng anó máng nalalaman, walâ, walâng walâ.
Dinalá siyá ni Quiroga sa isáng silíd, na inilapat na mabuti ang pintô, at ipinaliwanag sa kaniyá ang sanhî ng̃ kasawîán ng̃ insík.
Ang tatlóng galáng na brillante na hining̃î kay Simoun upang ipakita sa kaniyáng asawa, ay hindî sadyáng para rito, kaawàawàng india na nakukulóng sa isáng silíd, na warìng isáng babaing insík, kundi para sa isáng magandá at kaayaayang babaing kaibigan ng̃ isáng mataás na tao, na kailang̃an niyá ang tulong, dahil sa isáng kalakal na pagtutubùan niyá ng̃ mg̃a anim na libong piso. At sa dahiláng ang insík ay walâng kabatirán sa mg̃a máiibigan ng̃ babai at nasà niyáng magpakita ng̃ garà, ay hining̃î ang tatlóng pinakamabuting galáng na mayroón ang mag-aalahás, na tatló ó apat na libo ang halagá ng̃ bawà’t isá.
Ang insík ay nag-anyông walâng malay at sa tulong ng̃ kaniyáng mahimok na ng̃itî ay sinabi sa babaing pumilì ng̃ máibigan; ng̃unì’t ang babai, lalòng walâng muwang at lalò pa mandíng mahimok, ay nagpahayag na ibig niyá ang tatló, at kinuhang lahát.
Si Simoun ay humalakhák.
—¡A, sinyolia! ¡akieng lugi, akieng hoghóg!—ang sigáw ng̃ insík na sabáy ang pagtatampál sa sarili ng̃ kaniyáng malíliít na kamáy.
Patuloy din ang mag-aalahás sa katatawa.
—¡Huu! ¡masamâ tao, sigulo híenne tutô sinyola!—ang patuloy ng̃ insík na ginágaláw ang ulong masamâ ang loob—¿Anó? bo hiyâ, kahi insiek sa akieng akó tao, ¡A, sigulo hienne tutô sinyola; kung sigalela belong pa kontî hiyâ!
[153]—Náhuli kayó, náhuli kayó—ang bulalás ni Simoun na sabáy sa pagtumbók ng̃ marahan sa tiyán ng̃ insík.
—At lahát tao hieng̃e utang at hienne mayad ¿anó iyán?—at binilang sa kaniyáng dalirìng may mahahabàng kukó—impelealo, opisiá, tinienti, sunnalo, ¡a, sinyó Simoun, akieng talô, akieng hapay!
—Siyá, siyá na ang kádadaíng—ang sabi ni Simoun—iniligtás ko kayó sa maraming opisyal na humíhing̃î sa inyó ng̃ salapî.... Silá’y pinautang ko ng̃ huwág na kayóng gambalàin at batíd kong hindî nilá akó mababayaran......
—Ng̃unì, sinyó Simoun, kayó pautang sa opisiá, akó pautang sa mamae, sinyola, malinelo, lahát tao......
—¡Masising̃íl din ninyó!
—¿Akieng makásing̃íl? ¡A, sigulo hienne pô ikaw alam! ¡Pagtalo sa sugá walâ na mayad! Mamuti sa inyó melon konsu, maalì habol, akieng walâ....
Si Simoun ay nagiisíp.
—Tingnán ninyó insík Quiroga,—ang sabing warì’y natatang̃á—akó ang manining̃íl ng̃ utang sa inyó ng̃ mg̃a opisiyal at mg̃a marinero, ibigáy ninyó sa akin ang katibayan ng̃ pagkakátanggáp nilá.
Mulîng namighatî si Quiroga; hindî siyá binibigyán kailán man ng̃ katibayan.
—Pag nang̃agsiparitong hihing̃î ng̃ salapî, ay paparoonin ninyó sa akin; ibig kong iligtás kayó.
Napasalamat ng̃ lubós si Quiroga, ng̃unì’t nábalik na namán sa kaniyáng mg̃a pagdaíng, tinukoy ang mg̃a galáng at inulit-ulit ang:
—¡Kung sigalela belon pa hiyà!
—¡Putris!—ang sabi ni Simoun na tinitingnang pasulyáp ang insík na warìng ibig hulàan ang nasa kalooban—nang̃ang̃ailang̃an pa namán akó ng̃ salapî at inaakalà kong mababayaran ninyó akó. Ng̃unì’t ang lahát ay may kagamutan, ayaw kong mahapay kayó ng̃ dahil lamang sa walâng kabuluháng bagay na iyan. Siyá, isáng utang na loob at gágawin kong pitó ang siyám na libong utang ninyó sa akin. Kayó’y nakapagpapasok sa aduana ng̃ lahát ng̃ lámpara, mg̃a bakal, mg̃a pinggán, tansô, mg̃a pisong mehikano; ¿nagbíbigáy kayó ng̃ armas sa mg̃a kombento?
[154]Napaoo ang insík sa tulong ng̃ tang̃ô; ng̃unì’t kailang̃an niyáng sumuhol sa maraming tao.
—¡Lahát akieng bigáy sa Pale!
—Kung gayón ay tingnán ninyó—ang marahang patuloy ni Simoun—kailang̃an kong ipapasok ninyó ang iláng kaha ng̃ pusíl na dumatíng ng̃ayóng gabí.... ibig kong itagò ninyó sa inyóng tindahan; hindî magkakasiyáng lahát sa aking bahay.
Si Quiroga’y nagulumihanan.
—Huwág kayóng masindák, hindî kayó maaanó: ang mg̃a baril na iyán ay untî untîng itatagò sa iláng bahay, at pagkatapos ay gágawâ ng̃ pagsisiyasat at marami ang ibinibilanggô.... marami tayong kikitain sa paglakad na makawalâ ang mg̃a nápipiít. ¿Batíd na ninyó?
Si Quiroga ay alinlang̃an; takót siyá sa mg̃a armas. Sa kaniyáng mesa ay mayroon siyáng isáng rebolber na walang punlô na hindî niyá hinihipò kailan man kundí liling̃on munang nakapikít ang matá.
—Kung hindî ninyó magagawâ ay hahanap akó ng̃ ibá, ng̃unì’t kailang̃an ko kung gayón ang aking siyam na libong piso upang padulasín ang mg̃a kamáy at ipikit ang mg̃a matá.
—¡Siyá, siyá!—ang sa hulí’y sabi ni Quiroga—¿ng̃unì’t huli ba malami tao? ¿utos lekisa, ha?
Nang bumalík sa kabahayán si Quiroga at si Simoun ay nátagpûán ang mg̃a galing sa paghapon na nang̃agtatalo: pinatabil ng̃ champagne ang mg̃a dilà at nagpapagalaw sa mg̃a utak ng̃ ulo. Nang̃ág-uusapang walang kakimìkimì.
Sa isáng pulutóng na may maraming kawaní, iláng babai at si D. Custodio, ay pinag-uusapan ang isáng pasugò sa India upang pag-aralan ang ukol sa paggawâ ng̃ mg̃a sapatos ng̃ mg̃a sundalo.
—¿At sinosino ang bumubuô?—ang tanóng ng̃ isáng babaing malakí.
—Isáng koronel, dalawáng opisyal at ang pamangkin ng̃ General.
—¿Apat?—ang tanóng ng̃ isáng kawaní—¡ganyán na lamang ang lupon! ¿at kung magkahatì sa kapasiyahán? ¿may pagkabatíd man lamang kayâ sa bagay na iyon?
—Iyán ng̃â ang tanóng ko—ang dugtóng ng̃ isá—ang sabi ko’y dapat pumaroon ang isáng hindî kawal sa hukbo, [155]isáng walâng hilig sa pagkamilitar.... sa halimbawà, isáng manggagawâ ng̃ sapatos.
—Iyan ng̃â—ang sagót ng̃ isáng manghahang̃ô ng̃ sapatos—ng̃unì’t sa dahilang hindî bagay na magpadalá ng̃ isáng indio ni ng̃ isáng makáw at ang tang̃íng magsasapatós na kastilà ay humihing̃î ng̃ malaking sahod....
—Datapuwâ’y ¿anó pa’t pag-aralan ang sapín sa paa?—ang tanóng ng̃ isáng babaing malakí—¡marahil ay hindî iuukol sa mg̃a artillerong kastilà! Ang mg̃a indio ay maaring waláng sapatos gaya nang kung nasa kaniláng bayan.
—Siyang dapat ¡at ang kabáng bayan ay lalòng makapag-titipíd!—ang dugtong ng̃ isáng señorang balò na hindî nasisiyahán sa kaniyáng sinasahod na pensión.
—Ng̃unì’t unawàin namân ninyó—ang sagót ng̃ isa sa mg̃a kaharáp, na kaibigan ng̃ mg̃a opisial na magsisiyasat—tunay ng̃âng ang maraming indio ay walâng sapín kung lumakad sa kaniláng bayan, ng̃unì’t hindî ang lahát, at hindî magkaisá ang lumakad nang alinsunod sa sariling kaibigán kay sa nasa paglilinkód: hindî napipilì ang oras, ni ang dáraanan, ni hindî nakapagpapahing̃á kung kailan ibigin. Tingnan ninyó, ali, na kung katanghalian ay nakalulutô ng̃ tinapay ang init ng̃ lupà. At maglakád pa kayó sa buhang̃inan, doon sa may mg̃a bató, araw sa itaas at apóy sa ibabâ, at punglô sa haráp....
—¡Sa sanayán din lamang iyan!
—¡Gaya ng̃ hayop na burro na nasanay sa hindî pagkain! Sa kasalukuyang labanán, ang lalòng marami sa nasasawî sa atin ay gawâ ng̃ mg̃a sugat sa talampakan.... ¡Inuulit ko ang sa burro, ali, ang sa burro!
—Ng̃unì’t anák ko—ang tutol ng̃ babai—isip-isipin ninyóng napakaraming salapîng magugugol sa katad. Sukat nang maibuhay sa maraming ulila’t balo upang mapagtibay ang karang̃alan. At huwag kayóng ng̃umitî, hindî ko sinasabi nang dahil sa akin na mayroon namán akong pensión, kahi’t kakauntî, lubhâng kauntî sa mg̃a ipinaglinkód ng̃ aking asawa, tinutukoy ko ang ibá na may napakamarálitâng kabuhayan ng̃ayón: hindî nárarapat na matapos ang maraming kahihing̃î upang máparito at matapos na makapaglakbáy dagat ay maging katapusán ang mamatáy dito ng̃ gutóm.... Ang sinasabi ninyóng ukol sa mg̃a sundalo ay totoo marahil, ng̃unì’t [156]ang katunayan ay kahi’t mahigít na akong tatlong taón dito ay hindî pa akó nakakikita ng̃ pipiláypiláy.
—Sa bagay na iyan ay kasang-ayon akó ng̃ aling kuan—ang sabi ng̃ isáng babaing kalapít—¿ano pa’t bibigyan ng̃ sapatos sa walâ namán silang sapatos ng̃ sumipót sa maliwanag?
—¿At anó pa ang kailang̃an ng̃ barò?
—¿At anó pa ang kailang̃an ng̃ salawal?
—¡Isipisipin ninyó ang mápapalâ natin sa pagkakaroón ng̃ isáng hukbóng hubô’t hubád!—ang tapós ng̃ nagtatanggol sa mg̃a sundalo.
Sa isáng pulutóng ay lalòng mainit ang pagtatalo. Si Ben-Zayb ay nagsásalitâ’t nananalumpatì, gaya ng̃ dati’y hináhadlang̃án siyá sa bawà’t sandalî ni P. Camorra. Ang manunulat na prayle, kahì’t niya iginagalang na lubhâ ang mg̃a taong may satsát, ay palaging nakikipagtalo kay P. Camorra na inaarì niyáng isáng praylepraylihang mangmang; sa gayó’y ginagamit ng̃ anyông malayà at dinudurog ang mg̃a sabisabihan ng̃ mg̃a tumatawag sa kaniyáng Fray Ibañez. Kinalulugdán ni P. Camorra ang kaniyáng katunggalî; iyon lamang ang tang̃ìng nagpápalagáy na may katuturán ang kaniyáng mg̃a tinatawag na pang̃ang̃atwiran niya.
Ang pinag-uusapan ay ang ukol sa magnetismo, espiritismo, magia at ibp., at ang mg̃a salitâ’y sumasahimpapawíd na gaya ng̃ mg̃a sundáng at bola ng̃ mg̃a salamangkero: silá ang naghahagis at silá rin ang sumásaló.
Nang taóng iyón ay pinagkákaguluhán sa peria sa Kiyapò ang isáng ulo na dî bagay sa tawag na esfinge, na itinátanghál ni Mr. Leeds, isáng amerikano. Malalakíng pabalità na makababalaghán at nakapang̃ing̃ilabot na nakaaakit sa panonoód ang nang̃akadikìt sa pader ng̃ mg̃a bahay. Ni si Ben-Zayb, ni si P. Camorra, ni si P. Irene, ni si P. Salvi ay hindì pa nakakikita sa ulong yaón; si Juanito Pelaez ang tang̃ing nakakita isáng gabí, at siyáng nagbabalità ng̃ kaniyáng pagkahang̃à sa mg̃a magkakalipon.
Si Ben-Zayb, dahil sa kaniyáng pagkamámamahayag, ay nagpupumilit na makatuklás ng̃ kalinawan; binábanggít ni P. Camorra ang diablo; si P. Irene ay ng̃umíng̃itî; si P. Salvi ay walâng kaimík-imík.
—Ng̃unì’t, Padre, sa hindî na pumaparito ang diablo; tayo sa ating sarili ay sukat na upang magkasala....
[157]—Kung hindî gayón ay hindî makukurò....
—Kung ang karunung̃an....
—¡Ulit na namán ang karunung̃an! ¡puñales!
—Ng̃unì’t making̃ig kayó, aking ihahayag. Ang lahát ay alinsunod lamang sa paning̃in. Hindî ko pa nákikita ang ulo, ni hindì ko batíd kung papano itinatanghal. Anang ginoo—itinurò si Juanito Pelaez—ay hindî kagaya ng̃ mg̃a ulong nagsasalità na karaniwang itinatanghal—¡kahi’t na! Ng̃unì’t ang sanhî ay yaon din; lahat ay dahil lamang sa paning̃in; hintay kayó, ilalagay na paganitó ang isáng salamín, ang isá pa’y sa likurán, ang malalarawan ay matatanaw... anó, isá lamang suliranin ng̃ Písika.
At ibinabâ sa kinalalagyán ang isáng salamín, iniayos, ikiniling at sa dahiláng hindî niyá mapalabas ang kalinawan ay tinatapos sa wikàng:
—Gaya ng̃ sabi ko, walâng pinagibhán sa isang pagsirà lamang ng̃ paning̃in.
—Ng̃unì’t anóng salamín ang ibig pa ninyó, sa sinabi sa atin ni Juanito na ang ulo ay nasa lóob ng̃ isáng kaha, na ipinapatong sa isáng mesa.... Nakikinikinitá ko sa bagay na iyan ang espiritismo, sapagka’t kailan man ay gumagamit ng̃ mesa ang mg̃a espiritista, at sa akalà ko’y sapagka’t gobernador eclesiástico si P. Salvi ay dapat niyáng ipagbawal ang pagtatanghal.
Si P. Salvi ay walâng kasalisalità; hindî sumásagot ng̃ oo ni hindî.
—Upang maalaman kung may diablo ó espíritu sa loob—ang sabi ni Simoun—ang mabuti’y paroonan ninyó’t tingnán ang bantóg na ulong iyan.
Ang palagáy ay minabuti at tinanggáp, ng̃unì’t si P. Salvi at si D. Custodio ay nagpakita ng̃ kaunting ng̃aníng̃aní. ¡Silá ay máparoon sa isáng peria, makipagsiksikan sa mg̃a tao at manood ng̃ mg̃a esfinge at mg̃a ulong nang̃ung̃usap! ¿Anó na lamang ang wiwikàin ng̃ mg̃a indio? Ariin siláng tao na may hilig at kahinàan ding tagláy ng̃ ibá. Sa gayón, si Ben-Zayb, akay ng̃ kaniyáng pagkamamamahayag ay nang̃akòng ipamamanhik kay Mr. Leeds na huwag magpapasok ng̃ manonood samantalang silá’y nasa sa loob: nápakalaking karang̃alan ang ibibigáy nilá sa kaniláng pagdalaw upang huwag sumangayon, at sakâ hindì pa silá hihing̃an ng̃ upa [158]sa pagpasok. At upáng mapang̃atwiranan ni Ben-Zayb ang sinabi, anyá ay:
—¡Sapagkâ’t akalàin na lamang ninyó! ¡Kung mahuli ko ang dayà sa haráp ng̃ mg̃a nanonood na indio! ¡Aalisán ko ng̃ kakanin ang kaawàawàng amerikano!
Si Ben-Zayb ay isáng taong maling̃ap.
May labíng dalawá ang pumanaog, na kabilang ang ating mg̃a kilaláng si D. Custodio, si P. Salvi, si P. Camorra, si P. Irene, si Ben-Zayb at si Juanito Pelaez. Inihatíd silá ng̃ kaniláng mg̃a sasakyán sa pagpasok sa liwasan ng̃ Kiyapò.
Ang gabí’y magandá at ang anyô ng̃ liwasan ay lubháng masayá. Sa pagsasamantalá sa masaráp na simoy at maníngning na buwan kung Enero ay punông-punô ang periya ng̃ taong ibig makakita, mákita at makapaglibáng. Ang mg̃a músika ng̃ mg̃a kosmorama at ang ilaw ng̃ mg̃a parol ay siyang nagbibigáy galák at kasayahan sa madlâ. Mahahabàng hanay ng̃ mg̃a tindahan, nagniningning̃ang aliyamás at mg̃a pangkulay, lantad sa tíng̃ín ay may mg̃a kumpol-kumpol na pelota, mg̃a máskarang nang̃akatuhog sa matá, mg̃a larùang lata, mg̃a tren, karrong maliliít, kabayong maliliít na napagágalaw, mg̃a sasakyán, mg̃a bapor na may kanikaniláng maliliit na kaldera, mg̃a pingánpinganang maliliit, mg̃a beléng mumuntì na kahoy na pino, mg̃a manikàng gawâ sa ibáng lupaín at gawâ dito, ang mg̃a una ay masasaya at bulháw at ang mg̃a hulí ay mg̃a walâng katawatawa at mapagnilay na warìng mg̃a maliliit na babaing may gulang, sa piling ng̃ mg̃a batàng nápakalalakí. Ang tugtóg ng̃ mg̃a tambol na maliliít, ang kaing̃ayan ng̃ mg̃a trompetrompetahang lata, ang tugtuging ng̃ong̃ò ng̃ mg̃a kurdiyon at mg̃a organillo ay nagkakahalòng warì’y tugtugan sa karnabal, at sa gitnâ ng̃ lahát ng̃ iyon ay paroo’t parito ang makapal na tao na nang̃agtutulakán, nagkakabunggùang ang mukhâ’y nang̃akaling̃ón sa mg̃a tindahan kayâ’t madalás ang untugan at kung minsán ay katawatawa. Napipilitang pigilan ang takbó ng̃ mg̃a kabayo ng̃ mg̃a sasakyán, ang tabi! tabi! ng̃ mg̃a kotsero ay nádiding̃íg na sunódsunód; [159]nang̃agkakasalúsalubong ang mg̃a kawaní, mg̃a militar, mg̃a nag-aaral, mg̃a insík, mg̃a dalagindíng na kasama ng̃ kaniláng mg̃a iná at ali, nang̃agbábatián, nang̃agkikindatan, masasayáng nagtutudyuhan.
Si P. Camorra ay nasa karurukan ng̃ kaniyang kaligayahan sa pagkakita ng̃ gayóng karaming magagandáng dalaga; nápapatigil siya, nápapaling̃ón, itutulak si Ben-Zayb, mapapapaaták, sumusumpa’t aniya’y: at iyan, iyan, manghihitit ng̃ tintá? at doon sa isá ¿anó ang masabi mo? Sa kaniyang kagalakan ay hindî na pinupupô ang kaniyáng kalaban at katunggalî. Tinitingnán siyang maminsan minsan ni P. Salvi, ng̃unì’t hindî niya pinápansín si P. Salvi, kundî bagkús pa ng̃âng binubunggô ang mg̃a dalaga upang masagì silá, na kinikindatan at tinititigan ng̃ titig na may palamán.
—¡Puñales! ¿Kailan kayâ akó magiging kura sa Kiyapô?—ang tanóng sa sarili.
Si Ben-Zayb ay biglâng nakabitáw ng̃ isáng tung̃ayaw, nápalundág at pinigilan ang kaniyang bisig; sa gitnâ ng̃ kagalakan ni P. Camorra ay kinurot siya. Dumarating ang isáng nakasisilaw na binibining pinagtitingnanan ng̃ lahát ng̃ taong nasa liwasan; dahil sa hindî magkasiya sa kagalakan si P. Camorra ay pinagkámaláng bisig ng̃ dalaga ang bisig ni Ben-Zayb.
Ang binibini’y si Paulita Gómez, ang makisig sa madlâng makisig na sinusundán ni Isagani; sa likurán ay sumusunod si aling Victorina. Ang dalaga’y nagniningning sa kagandahan; ang lahát ay nápapatigil, ang mg̃a liíg ay bumabaluktot, napapahintô ang mg̃a usap-usapan, sinusundán ng̃ mg̃a paning̃ín at si aling Victorina ay tumatanggáp ng̃ mg̃a magalang na batì.
Ang suot ni Paulita Gomez ay barò’t panyông pinyá na binurdahan, ibá kay sa isinuot ng̃ umagang iyon sa pagparoón sa Sto. Domingo. Ang nang̃ang̃aninag na habi ng̃ pinya ay nagbibigáy ng̃ lalòng gandá sa kaniyáng ulo, at ang mg̃a pilipinong nakakamalas ay iginagaya siya sa buwang nalilibid ng̃ maputî’t manipís na ulap. Isáng sayang sutlâ na kulay rosa, na nagkakutonkutong mainam ang ayos sa pagkakápigil ng̃ kaniyáng muntîng kamáy, ay nagbibigay dilág sa kaniyáng tuwíd na ulo, na ang mg̃a kilos na inaayusan ng̃ malambót na liig ay nagpapahayag ng̃ pananagumpay na lubós ng̃ kataasan at kalindîán. Si Isagani’y [160]warìng hindî nasisiyaháng loób; nayayamót siya sa gayóng karaming matá, karaming mg̃a talogigì na tumatanáw sa kagandahan ng̃ kaniyáng iniibig: ang mg̃a ting̃ín ay inaakalà niyang nakaw, at ang mg̃a ng̃itî ng̃ dalaga’y inaarì niyang pagtataksíl.
Nang makita ni Juanito ang binibini ay pinaglalò ang kakubâan at nagpugay: sinagót siya ng̃ pasumalá ni Paulita, at tinawag siya ni aling Victorina. Si Juanito ang kaniyang kinikiling̃an at sa ganang kaniya ay ibig pa itó kay sa kay Isagani.
—¡Anóng gandáng dalaga! ¡Anóng gandá!—ang bulóng ni P. Camorra na sumilakbó ang kalooban.
—¡Padre ang tiyan mo pò ang kurutin at bayaan ninyó kamí!—ang payamót na sabi ni Ben-Zayb.
—¡Anóng gandáng dalaga! anóng gandáng dalaga—ang ulit—at ang lumíligaw ay ang nag-aaral na kilalá ko, ang nanulak.
—¡Mapalad siyá at hindî taga roon sa bayan ko!—ang patuloy pagkatapos na iniling̃óng makailan ang ulo upang sundán ng̃ ting̃ín ang binibini. Ibig ibig nang iwan ang kaniyáng mg̃a kasama at sundán ang dalaga. Nahirapan si Ben-Zayb bago siyá napahinuhod.
Si Paulita ay patuloy sa paglakad at nakita ang kaniyáng magandáng anyô at ang kaniyáng muntîng ulo, na mainam ang pagkakápusód, na malindíng gumágaláw.
Ang ating mg̃a nagliliwalíw ay patuloy sa kaniláng paglakad na ang parìng artillero ay nagbúbuntóng hining̃á, at nakasapit silá sa isáng tindahang nalilibid ng̃ mg̃a nanonood na madalîng sila’y linuwagan.
Yaón ay isáng tindahan ng̃ mg̃a mumuntîng larawang kahoy, na gawâ dito, na nagpapakilala sa sarìsarìng lakí at anyô ng̃ mg̃a ayos, lahì at mg̃a paghahanap buhay sa kapulùan, mg̃a indio, kastilà, insík, mestiso, prayle, klérigo, kawaní, kapitán sa bayan, nag-aaral, sundalo at ibp. Dahil mandín sa ang mg̃a artista ay may hilig sa mg̃a parì, na ang mg̃a kutón ng̃ mg̃a habito ay siyáng naaayos sa kaniláng mg̃a kagawìan sa pagyarì, ó dahil sa ang mg̃a prayle, sa pakikihimasok nitóng lubhâ sa mg̃a lipunang pilipino’y nakapagpapaulap sa pag-iisip ng̃ eskultor, magíng alín man sa dalawáng kadahilanan, ang katunayan, ay marami ang [161]kaniláng kawangkî, na mabuti ang pagkakayarì, anyông anyô, at itinátanghál silá sa mg̃a dakilàng sandalî ng̃ kabuhayan, baligtád kay sa ginágawâ sa kanilá sa Europa, na doo’y inilálarawan siláng nákakatulog sa ibabaw ng̃ mg̃a barriles ng̃ alak, nang̃agsúsugál, tumútunggâ, nangaapung̃ot ó hináhaplós ang sariwàng mukhâ ng̃ isáng dalaga. Hindî: ang mg̃a prayle sa Pilipinas ay kaibá: mg̃a makikiyás, malilinis, mabubuti ang bihis, ang anit sa tuktok ay mainam ang pagkakaputol, ang mg̃a mukhâ’y ayós at maliwanag, ang matá’y mapagmasíd, anyông banal, may kauntîng pulá sa pisng̃í, may tungkód na palasan sa kamáy at sapatos na tsarol sa paa, na nakaaakit na sambahín silá at ilagáy sa birina. Kapalít ng̃ mg̃a sagisag ng̃ katakawan at kahalayang tagláy ng̃ kaniláng mg̃a kapatíd na nasa Europa, ang dalá ng̃ mg̃a nasa Maynilà ay ang aklát, ang crucifijo, ang sang̃áng sagisag ng̃ paghihirap; kapalít ng̃ panghahalík sa mg̃a mangmáng na babaing tagá bukid, ang mg̃a nasa Maynilà ay nagpapahalík ng̃ kamáy sa mg̃a batà, sa mg̃a taong may kagulang̃àn na nang̃akayukô’t halos nakaluhód; kapalít ng̃ paminggalang punô ng̃ kakanín at mg̃a kakanán na siyáng tanghalan nilá sa Europa, sa Maynilà ay mg̃a dálang̃inan, mesang aralán; kapalít ng̃ prayleng marálitâ na lumalapit sa mg̃a baháybaháy na dalá ang kaniyáng burro at ang supot upang manghing̃î ng̃ limós, ang prayle sa Pilipinas ay nagsasabog ng̃ dakótdakót na gintô sa mg̃a kaawàawàng indio......
—¡Tingnán ninyó, nárito si P. Camorra!—ang sabi ni Ben-Zayb na dalá pa ang sing̃áw ng̃ champagne.
At itinuturò ang larawan ng̃ isáng payát na prayle, na warì’y nag-íisíp, nakaupô sa piling ng̃ isáng dulang, ang ulo’y nakapatong sa palad at sumusulat mandín ng̃ isáng sermon. May isáng lámparang nakapagpapaliwanag sa kaniyá.
Ang pagkakaibayó ng̃ anyô’y ikinahalakhák ng̃ lahát.
Náramdamán ang tukoy ni P. Camorra, na nalimutan na si Paulita, at siyá namáng tumanóng:
—At ¿sino namán ang kamukhâ ng̃ larawang itó, Ben-Zayb?
At tumawa ng̃ kaniyáng tawang paleto.
Ang larawan ay isáng matandâng babaing bulág ang isáng matá, gusgusin, na nakalupasay sa sahig, gaya ng̃ mg̃a anito ng̃ mg̃a indio, na namimirinsá ng̃ damít. Ang kasangkapan [162]ay nagayahang mabuti; tansô, ang ding̃as ay palará at ang alimpuyó ng̃ usok ay marurumí’t pinilipit na bulak.
—¿Hoy, Ben-Zaib, hindî hang̃ál ang nakámunakalà, anó?—ang tanóng na tumatawa ni P. Camorra.
—Hindî ko malaman ang ibig tukuyin!—ang sabi ng̃ manunulat.
—Ng̃unì’t ¡puñales! hindî ba ninyó nákikita ang pang̃alan, la prensa filipina? Ang kasangkapang iyan na ipinamimirinsá ng̃ matandâng babai ay tinatawag ditong prinsá!
Lahát ay nagtawanan at si Ben-Zayb man ay humalakhák din.
Dalawáng sundalong guardia sibíl na may tandâng mg̃a sibil, ay nálalagay sa likurán ng̃ isáng taong nakabalitì ng̃ matitibay na tanikalâ at ang mukhâ’y natatakpán ng̃ sambalilo: ang pang̃alan ay Ang Lupaín ng̃ Abaká at warìng bábarilín.
Hindî naibigan ng̃ marami sa ating mg̃a dalaw ang tanghalan. Pinag-uusapan ang tuntunin ng̃ Arte, humáhanap ng̃ pagkakatimbángtimbáng ng̃ lakí, ang sabi ng̃ isá’y walâng pitóng ulo ang larawang gayón, na ang mukhâ’y kulang ng̃ isáng ilóng, walâ kundî tatatló, bagay na ikinapag-isíp ng̃ kauntî ni P. Camorra na dî makahulòng kung bakit, upang magíng ayos ang isáng larawan ay, dapat magkaroón ng̃ apat na ilóng at pitóng ulo; anáng isá’y kung bakit malitid, sa, ang mg̃a indio ay hindî gayón; na kung yaón ay matatawag na escultura ó carpintería lamang, at ibp.; balà na’y nagpahayag nang kaniyáng panunuligsâ at upang huwag namáng mápahulí sa ibá si P. Camorra ay nang̃ahás humanap ng̃ tatlóng pûng hità sa bawà’t manikà. Kung makahihing̃î ng̃ ilóng ang ibá ay ¿bakit ng̃â namán hindî siyá makahihing̃î ng̃ hità? At doon din nang̃agtatatalo kung ang indio’y may katalinuhan sa pag-eeskultor, kung nárarapat palusugin ang gayóng arte, at sisimulán na ang pagtatalong sabáy-sabáy na pinutol ni D. Custodio sa pagsasabing ang mg̃a indio ay may katalinuhan, ng̃unì’t ang paggawâ lamang ng̃ santó ang dapat harapín.
—Kahì’t sino ay magsasabi—ani Ben-Zayb na ng̃ gabíng yaón ay nagíng mapanudyó—na ang insík na iyan ay si Quiroga, ng̃unì’t kung pagwawarìing mabuti ay kamukhâ ni P. Irene.
[163]—¿At anó ang masasabi ninyó sa indio-inglés na iyan? Náhahawíg kay Simoun.
Umaling̃awng̃áw ang pamulîng halakhakan. Hinaplós ni P. Irene ang kaniyang ilóng.
—¡Tunay ng̃â!—¡Tunay ng̃â!—¡Siyang siya!
—Datapwâ’y ¿násaan si Simoun? ¡Bilhín ni Simoun!
Si Simoun ay nawalâ, walâng nakakita sa kaniya.
—¡Puñales!—ang sabi ni P. Camorra—¡nápakakuripot ang amerikano! Natatakot na pabayaran natin sa kaniyá ang kaupahán ng̃ lahát sa pagpasok sa patanghalan ni Mr. Leeds.
—¡Hindî!—ang sagót ni Ben-Zayb—ang ipinang̃ang̃ambá ay ang magipít siya. Nahuhulàan na ang masamâng biròng aabot sa kaniyáng kababayang si Mr. Leeds, kayâ’t nagmamaangmaang̃an.
At nang̃agpatuloy ng̃ lakad, upang panoorin ang nábabantóg na ulo, na walâng binilíng anománg kahì’t masamâng larùan.
Humandóg si Ben-Zayb na siyáng makikipag-usap: hindî maáarìng hiyaín ng̃ amerikano ang isáng mámamahayág na mangyayaring maghigantí sa pamagitan ng̃ isáng mapaniràng lathalà.
—Mákikita ninyó’t pawàng kagagawán lamang ng̃ salamín—aniya—sapagkâ’t tingnán ninyó......
At mulîng nagsimulâ ng̃ isáng mahabàng pagpapaliwanag, at sa dahiláng walâ siyang kaharáp na salamín na makasisirà sa kaniyáng sinasabi, ay idinugtóng nang lahát ang kabulastugáng matuturan hanggáng sa káhulihulihan ay hindî na matumpakán ang sinasabi.
—At mákikita rin ninyó kung hindî pawàng pagkasirà lamang ng̃ paning̃ín.
Sinalubong silá ng̃ lubhâng maling̃ap ni Mr. Leeds, isáng tunay na yankee, na ang suót ay pulós na itím. Mabutíng magsalitâ ng̃ wikàng kastilà dahil sa nagtiráng malaon sa Amérika, sa Timog. Hindî sumalansáng sa nasà ng̃ ating mg̃a dalaw; sinabing maaarìng siyasating lahát lahát bago gawín at matapos ang pagtatanghál; sa kasalukuyan ng̃ pagtatanyág [164]ay ipinamanhík na manahimik lamang. Si Ben-Zayb ay ng̃umíng̃itî at nilálasáplasáp na ang samâ ng̃ loob na ibíbigay niya sa amerikano.
Ang loob na nababalot na buông buô ng̃ itím ay naiilawan ng̃ mg̃a matatandâng lámpara na ang iláw ay aguardiente. Isáng halang na natatakpán ng̃ tersiopelong itím ang siyáng humahatì ng̃ dalawáng hatìng magkasinglakí sa loob na iyon; ang isá’y punô ng̃ mg̃a luklukang laán sa mg̃a manonood, at ang isá, ay kinalalagyán ng̃ isáng tuntung̃an na ang alpombra ay pariparisukat. Sa ibabaw ng̃ tuntung̃ang itó, sa dakong gitnâ, ay nálalagáy ang isáng mesa na natatakpán ng̃ isáng mainam na kayong itím na punô ng̃ bung̃ô at ibá pang larawang mahiwagà. Ang mise en scene ay malungkót kayâ’t nakapang̃ilabot sa mg̃a masasayáng dalaw. Náhintô ang mg̃a birûán, marahan ang mg̃a pag uusap at kahì’t na ibig magpatanáw ang ilán ng̃ dî nilá pagpapahalagá sa gayón ay hindî pumulás ang tawa sa mg̃a labì. Ang damdám ng̃ lahát ay warìng nápasok sa isáng bahay na may patáy. Isáng amóy suób at pagkít ay siya pang nakapagpaparagdág sa gayón. Si D. Custodio at si P. Salvi ay marahang nagsanggunìang kung nárarapat ó hindî na ipagbawal ang mg̃a gayóng pánoorín.
Upang mapalakás ni Ben-Zayb ang loob ng̃ mg̃a matatakutín at magipít niya si Mr. Leeds ay sinabi ritong:
—Hoy, mister, yamang walâng ibáng tao kundî kamí lamang at hindî kamí mg̃a indio na napapahuli ay ¿ipahihintulot bagá ninyóng ipakita ko sa kanilá ang dayà? Alám na naming ang lahát ng̃ iyan ay ukol lamang sa paning̃ín, ng̃unì’t sa dahiláng si P. Camorra ay ayaw maniwalà......
At humandâng lumundág sa halang na hindî nagdaan sa sadyâng pintùan, samantalang si P. Camorra ay naglulunggatî sa pagtutol dahil sa nang̃ang̃ambáng bakâ may katwiran si Ben-Zayb.
—¿At bakit pô hindî, ginoo?—ang sagót ng̃ amerikano;—ng̃unì’t huwag pô lamang kayóng sumirà ng̃ anomán, hané pô?
Ang mamamahayag ay nasa ibabaw na ng̃ tuntung̃an.
—¿Ipinahihintulot pô ba ninyó?—ang sabi.
At sa pang̃ing̃ilag na bakâ hindî siya payagan ni [165]Mr. Leeds ay hindî na naghintáy ng̃ pahintulot at itinaás ang kayo at hinanap ang mg̃a salamíng inaantáy niyáng mátatagpûán sa mg̃a paa. Si Ben-Zayb ay nakabitíw ng̃ kalahatìng tung̃ayaw, napaurong, mulîng ipinasok at iniwagaywáy ang mg̃a kamáy niyá sa ilalim ng̃ dulang: walâng maapuhap. Ang mesa ay may tatlóng paang bakal na maliliít na nakabaón sa lupà.
Ang mamamahayag ay tuming̃ínting̃ín sa lahát ng̃ sulok na warìng may hinahanap.
—¿Násaan ang mg̃a salamín?—ang tanóng ni P. Camorra.
Mamatámatá si Ben-Zayb, hinihipò ang dulang, itinátaás ang kayong takíp, at maminsanminsang inilálagáy ang kamáy sa noó na warìng may ibig maalaala.
—¿Mayroon pô bang nawalâ sa inyó?—ang tanóng ni Mr. Leeds.
—Ang mg̃a salamín, mister, ¿násaán ang mg̃a salamín?
—Ang inyó’y hindî ko maalaman kung saan nároón, ang akin ay nasa fonda...... ¿ibig bagá ninyóng manalamín? Masamâ ng̃ kauntî ang ayos ninyó at namumutlâ.
Kahì’t na may kabá, nang makíta ng̃ marami ang kapalagayáng paaglahì ng̃ amerikano’y pinagtawanán si Ben-Zayb na híyânghíyâng bumalík sa kaniyáng uupán, na bumúbulóng ng̃:
—Hindî mangyayari; makikita ninyó’t hindî magagawâ ng̃ walâng salamín; mayâmayâ’y magpapalit iyan ng̃ dulang....
Inilagay na mulî ni Mr. Leeds ang kayo sa mesa at nang maharáp na ang mg̃a mararang̃ál na dalaw ay tumanóng:
—¿Nasisíyahan na bagá kayó? ¿mapasisimulán na natín?
—¡Napakatulóg na dugô namáng tao!—ang sabi ng̃ isáng babaing balo.
—Kung gayón ay mang̃agsiupô na pô ang kaginoohan at pag-isipin kung anó ang ibig itanóng.
Pumasok si Mr. Leeds sa isáng pintô at nang makaraan ang iláng sandalî ay bumalík na may daláng isáng kahang kahoy na maitím, bukbukin, na may iláng lilok na ibon, mg̃a hayop, mg̃a bulaklák, mg̃a ulo ng̃ tao at ibp.
—Mg̃a kaginoohan,—ang sabi ni Mr. Leeds na walâng tawa—sa minsang pagdalaw ko sa pirámide ni Khufu, ika apat na lipì ng̃ mg̃a Faraón, ay nakátagpô akó ng̃ isáng libing̃ang batóng buháy na pulá sa isáng liblib na silíd. [166]Ang kagalakan ko’y gayón na lamang sapagkâ’t inakalà kong nakátagpô ng̃ isáng momia ng̃ mg̃a anák harì; ng̃unì’t gaano ang aking samâ ng̃ loób ng̃ matapos paghirapan ng̃ katakot-takot ang pagbubukás ng̃ libíng ay walâ akóng nátagpûán kundî ang kahang itó na mangyayari ninyóng siyasatin.
At inilibot ang kaha sa mg̃a nasa unang hanay ng̃ luklukan. Iniurong ni P. Camorra ang kaniyáng katawán na warì’y may pagkasuklám, si P. Salvi ay tuming̃íng malapit na warì’y nakaáakit sa kaniya ang mg̃a bagay na ukol sa libing̃an; si P. Irene ay ng̃umíng̃itî ng̃ ng̃itîng matalino, si D. Custodio ay nag-anyông walâng imík at mapagwalâng bahalà, at si Ben-Zayb ay humahanap ng̃ salamin; doon dapat málagáy, sapagkâ’t salamín lamang ang sangkáp ng̃ lahát ng̃ iyón.
—¡Walâng iniwan sa amóy bangkáy!—ang sabi ng̃ isáng babai—¡puff!
At namaypáy ng̃ katakot-takot.
—¡Kaamóy ng̃ apat na libong taón!—ang sabing biglâ ng̃ isá.
Nakalimutan ni Ben-Zayb ang salamín dahil sa pagting̃ín kung sino ang bumanggít ng̃ salitâng iyón. Ang bumigkás ay isáng militar na nakabasa ng̃ kasaysayan ng̃ buhay ni Napoleon. Kinainggitán siyá ni Ben-Zayb, at upang bumitíw ng̃ isáng salitâng dapat tumamà kay P. Camorra, ay sinabing:
—¡Amóy simbahan!
—Ang kahang itó, kaginoohan,—ang patuloy ng̃ amerikano—ay may lamáng isáng dakót na abó at kaputol na papiro, na kinatatalâan ng̃ iláng sulat. Tingnán ninyó, ng̃unì’t ipinamamanhík ko lamang na huwág kayóng híhing̃áng malakás, sapagkâ’t kung mátapon ang kauntîng abó ay lálabás na sirâsirâ ang aking esfinge.
Ang kabulaanan, na tinuran ng̃ boông pananalig at walâng kabiròbirò ay untîuntîng nagtagumpáy, kayâ’t nang idaan ang kaha ay walâng isá mang nang̃ahás na huming̃á. Si P. Camorra, na sa púlpito sa Tiani ay nagpakilalang madalás ng̃ mg̃a parusa at paghíhirap sa inpierno samantalang pinagtátawanán sa sarili ang mg̃a matáng sindák ng̃ mg̃a makasalanan, ay nagtakíp ng̃ ilóng; at si P. Salvi, ang tunay na si P. Salvi na sa araw ng̃ kapistahan ng̃ mg̃a patáy [167]ay gumawâ ng̃ giniginí ng̃ mg̃a kaluluwá sa Purgatorio na may apóy at mg̃a larawang nang̃ang̃aninag na naiilawan sa dakong likurán, na may lámparang ang ilaw ay aguardiente, mg̃a putolputol na halimayas, sa malaking dambanà ng̃ simbahan ng̃ isáng arrabal upang makakuha ng̃ mg̃a pamisa at limós, ang payát at walâng imík na si P. Salvi ay pumigil sa kaniyáng paghing̃á at tiningnán ng̃ ting̃íng may pang̃ang̃anib ang isáng dakót na abóng iyón.
—¡Memento, homo, quia pulvis es!—ang bulóng na nakang̃itî ni P. Irene.
—¡P......!—ang bitíw ni Ben-Zayb.
Nakahandâ na siya sa pagsasabi ng̃ mg̃a salitâng iyón at inunahan siya ng̃ kanónigo.
—Sa dahiláng hindî maalaman kung anó ang dapat kong gawín—ang patuloy ni Mr. Leeds na inilapat nang boong pag-iing̃at ang takíp ng̃ kaha—ay siniyasat ko ang papiro, at nakita ko ang dalawáng salitâ na hindî ko batíd ang kahulugán. Hinanap ko ang katuturán at tinangkâ kong bigkasín ng̃ malakás, at bábahagyâ pa lamang na nabibigkás ang una nang máramdamán kong dumudulás sa aking kamáy ang kaha na warì’y tang̃áy ng̃ isáng malakíng pataw at gumulong sa lupà, at doo’y hindî ko na magalaw. Ang pagkakamanghâ ko’y nagíng sindák nang buksán ko’t mátagpuán sa loob ang isáng ulo ng̃ tao na ang ting̃ín sa akin ay walâng kakisápkisáp. Sindák, at dahil sa hindî ko maalaman ang gawín sa haráp ng̃ gayóng kababalaghán, ay natulíg akóng nang̃aykáy sumandalî na warìng isáng gulilát.... Akó’y nagbalíkloob.... Sa akalàng yaón ay isáng malikmatà lamang ay tinangkâ kong mapalipas yaon at ipinatuloy ko ang pagbasa ng̃ pang̃alawáng salitâ. Babahagyâ ko pa lamang nasasabi, ay nálapat ang takíp ng̃ kaha, nawalâ ang ulo, at ang nápalít na mulî ay ang isáng dakot na abóng itó. Hindî sinasadyâ’y natagpûán ko ang dalawang salitâng lalòng makapangyarihan, ang mg̃a salitâng panglikhâ at panggunaw, ang pangbuhay at pangpatáy!
Humintông sandalî na warìng ibig tingnán ang ibinung̃a ng̃ kaniyáng mg̃a sinabi. Pagkatapos ay lumapit sa dulang na ang lakad ay maing̃at at banayad at ipinatong ang makababalagháng kaha.
—¡Mister, ang takíp!—ang sabi ni Ben-Zayb na hindî mapigil.
[168]—¿At bakit hindî?—ang tugóng masunurin ni Mr. Leeds.
At matapos na máitaás ng̃ kanang kamáy ang kaha ay hinawì ng̃ kaliwâ ang kayo at naiwang lantád ang mesa na natutukuran ng̃ kaniyáng tatlóng paá. Mulîng inilagáy ang kaha sa ibabaw at banayad na lumapit sa mg̃a nanonood.
—¡Dito ko siyá makikita!—ang sabi ni Ben-Zaib sa kaniyáng kasiping—tingnán ninyó pag hindî iyán nagdahilán ng̃ kahì’t anó.
Ang lubós na pagbatyág ay nálalarawan sa lahát ng̃ mukhâ; nagharì ang katahimikan. Maliwanag na maliwanag na nádiding̃íg ang ing̃ay at kaguluhan sa daan; ng̃unì’t ang lahát ay nagugulumihanan kayâ’t ang kaputol na salitàang umabot hanggáng sa kanilá’y hindî man nilá náinó.
—¿Porque ba no di podí nisós entra?—ang tanóng ng̃ isáng boses babai.
—Aba, ñora, porque ’tallá el mana prailes y el maná empleau—ang sagót ng̃ isáng lalaki—’ta jasí solo para ilós el cabesa de espinge.
—¡Curioso también el maná prailes!—ang sabi ng̃ boses babai—¡no quiere pa que di sabé nisós cuando ilós ta salí ingañau! ¡Cosa! ¿querida ba de praile el cabesa?
Sa gitnâ ng̃ boông katahimikan ay nagpatuloy ang amerikano na ang boses ay nang̃ing̃iníg:
—Kaginoohan: sa isáng salitâ’y bubuhayin ko ang isáng dakót na abóng iyan at kayó’y makikipag-usap sa isáng nakababatíd ng̃ ukol sa nakaraan, ng̃ sa kasalukuyan at maraming bagay ng̃ sa dáratíng.
At banayad na bumitíw ng̃ isáng sigáw ang mahiko, mapanaghóy muna, matapos ay matindí, halòhalòng matatalas na tunóg na warì’y tung̃ayaw at tunóg na paós na warì’y pagbabalà na nakapagpang̃alisag sa buhók ni Ben-Zayb.
—¡Deremof!—ang sabi ng̃ amerikano.
Ang mg̃a tabing na nakapalibid sa salón ay naggalawan, ang mg̃a ilawán ay warìng mamámatáy, ang mesa ay humaginít. Isáng mahinàng daíng ang sumagót na galing sa loob ng̃ kaha. Ang lahát ay nagkating̃inang namumutlâ’t hindî mápalagáy: ang isáng babaing lipús katakutan at nakaramdám ng̃ isáng pagkabasâng mainítinît sa kaniyáng saya ay kumapit kay P. Salvi.
Sa gayón ay nábukás na mag-isá ang kaha at sumipót [169]sa malas ng̃ mg̃a nanonoód ang isáng ulo na anyông bangkáy, na nalilibid ng̃ isáng mahabà’t makapál na buhók na itím. Dahandahang ibinukás ng̃ ulo ang mg̃a matá at inilibot ang ting̃ín sa lahát ng̃ nanonoód. Ang mg̃a matáng iyón ay may matalas na ningníng na nararagdagán pa ng̃ kaniyáng mg̃a panglook, at sa dahiláng abyssus abyssum invocat, ang mg̃a matáng iyón ay napatitig sa mg̃a malalalim at nang̃ang̃alóng matá ni P. Salvi na dilát na dilát na warì’y nakakikita ng̃ isáng multó. Si P. Salvi ay nang̃iníg.
—Espinghe—ani Mr. Leeds—sabihin mo sa mg̃a nakíking̃íg kung sino ka.
Ang lubós na katahimikan ay nagharì. Isáng malamíg na simoy ang lumaganap sa salas at nagpagaláw sa bugháw na ding̃as ng̃ mg̃a lámparang gamit sa libing̃an. Ang mg̃a lalòng hindî mapaniwalâín ay nang̃ilabot.
—Akó’y si Imuthis—ang sagót ng̃ ulo na ang boses ay malalím ng̃unì’t nagbabalà mandín—ipinang̃anák akó ng̃ kapanahunan ni Amasis at akó’y pinatáy nang kasalukuyang nakasasakop ang mg̃a persa, samantalang si Cambises ay papauwîng galing sa sinamâng pagsalakay sa kalookan ng̃ Lybia. Galing akó sa pagtatapós ng̃ aking pag-aaral makaraan ang mahabàng paglalakbáy sa Gresia, Asiria at Persia, at papauwî na akó sa aking bayan upang manirahan doon hanggang sa akó’y paharapín ni Thot sa kaniyáng kakilákilabot na hukuman. Dalá ng̃ kasawián ko, sa aking pagdaraan sa Babilonia, ay nabatíd ko ang isáng kakilákilabot na lihim, ang lihim ng̃ dî tunay na Smerdis na nagnakaw ng̃ kapangyarihan, ang pang̃ahás na magong si Gaumata na namamahalà sa tulong ng̃ isáng pagdarayà. Sa katakutang isumbóng ko siya kay Cambises, ay binalak ang aking ikasasawî sa pamagitan ng̃ mg̃a saserdoteng taga Egipto. Ang mg̃a itó’y siyang nakapangyayari noon sa aking bayan; dahil sa pag-aarì nilá sa dalawá ng̃ katlóng bahagi ng̃ mg̃a lupaín, tang̃ìng may hawak ng̃ karunung̃an ay inilulubóg ang bayan sa kamangmang̃án at sa pagsiil, inilalagmak sa ugaling hamak at inihahandâ upang huwag marimariman sa pagpapalitpalít ng̃ pang̃inoon. Ang mg̃a manglulupig ay nanghahawak sa kanilá at sa pagkakilala ng̃ kaniláng maitutulong ay kinakalong silá’t pinayayaman, at ang ilán ay hindî lamang umalinsunod sa kaniláng máibig kundî nagíng tagaganáp lamang nilá. Ang [170]mg̃a saserdoteng ehipsiyo ay umalinsunod ng̃ boong loob sa mg̃a utos ni Gaumata sapagkâ’t akó’y kaniláng kinatatakutan at upang huwag kong ihayág sa bayan ang kaniláng mg̃a pang-uulól. Upang masunód ang kaniláng hang̃ád ay ginawâng paraan ang mg̃a udyók ng̃ pusò ng̃ isáng batang saserdote sa Abidos na inaarìng banal!....
Isáng kahambalhambal na katahimikan ang sumunód sa mg̃a salitâng itó. Ang ulong yaon ay nagsasalaysay ng̃ ukol sa mg̃a pailalim na paraan at mg̃a pagdarayà ng̃ mg̃a parì at kahi’t ibáng kapanahunan at ibáng pananampalataya ang tinutukoy ay nakapagpaparamdám din sa mg̃a prayleng kaharáp doon sanhî marahil na makikitang ang kinauuwîan ay kahawig ng̃ kasalukuyang kalagayan. Si P. Salvi, na nang̃ing̃iníg, ay iginagaláw ang mg̃a labì at sinusundán ng̃ nanglilisig na matá ang titig ng̃ ulo, na warì’y nakakahalina sa kaniyá. Mg̃a butil ng̃ pawis ay nagsisimulâ na ng̃ pagsipót sa kaniyáng namumutlâng noó, ng̃unì’t walâng nakababatyág sa gayón, dahil sa lubhâng nang̃alilibáng at nang̃ing̃ilabot.
—¿At papano ang paraang ginawâ sa iyó ng̃ mg̃a parì sa iyóng bayan?—ang tanóng ni Mr. Leeds.
Ang ulo’y bumitíw ng̃ isáng kasakitsakit na daíng na warì’y galing sa kaíbuturan ng̃ pusò at nákita ng̃ mg̃a nanonood na ang kaniyáng mg̃a matá, ang mg̃a matáng iyón na nagbabaga, ay nawalán ng̃ kináng at napunô ng̃ luhà. Nang̃iníg ang lahát at naramdamáng nanindíg ang kaniláng buhók. Hindî, yaon ay hindî dayà, hindî salísalitâ lamang; ang ulo’y isá ng̃âng ginawán ng̃ kataksilan at ang sinasabi’y ang tunay niyáng kabuhayan.
—¡Ay!—ang sabi na umilíng ng̃ lubhâng malungkót—akó’y nang̃ing̃ibig sa isáng dalaga, anák ng̃ isáng parì, na kasinglinis ng̃ liwanag, gaya ng̃ loto kung bagong namumukadkad! Ninanasà rin namán siyáng kamtán ng̃ batàng parì sa Abidos at itó’y nagmunakalà ng̃ isáng pagkakaguló na sinangkalan ang aking pang̃alan at sa tulong ng̃ iláng papiro ko na naparaanang makuha sa aking irog. Ang kaguluhan ay nangyari ng̃ kasalukuyang si Cambises ay papauwîng nagng̃íng̃itng̃ít dahil sa kasawîang nangyari sa kaniyáng sinamâng pakikihamok. Akó’y isinakdál na taksíl, napiít, at sa dahiláng akó’y nakatanan, ay nápatáy akó sa lawà ng̃ Mœris ng̃ mg̃a umuusig.... Mulâ sa kabilâng buhay ay nakita [171]kong nanagumpáy ang kabulaanan, nakikita ko ang pag-usig gabí’t araw ng̃ saserdote sa Abidos sa birheng nagkanlóng sa simbahan ni Isis sa pulô ng̃ Philœ.... nakikita ko siyáng inuusig at inaapung̃utan hanggang sa mg̃a ilalim ng̃ lupà, tuligín sa sindák at mg̃a pahirap, na gaya ng̃ isáng malakíng panikì sa isáng maputîng kalapati.... ¡A! saserdote, saserdote sa Abidos! nabuhay akóng mulî upang ihayág ang iyóng mg̃a kataksilan, at makaraan ang mahabàng panahóng pananahimik ay tinatawag kitáng mámamatay, lapastang̃an sa Dios, mapagparatang!!
Isáng biglâng halakhák, warìng galing sa libing̃an, ang sumunód sa mg̃a salitâng itó, samantalang ang isáng timpîng boses ay sumasagót ng̃:
—Hindî ¡mahabág......!
Yaón ay si P. Salvi na punô ng̃ takot ay iniunat ang dalawáng kamáy at mabubuwal.
—¿Anó mayroon kayó P. Salvi? ¿Masamâ pô ba ang inyóng katawán?—ang tanóng ni P. Irene.
—Ang init ng̃ salas......
—Ang amóy bangkáy na násasamyô dito.
—¡Mámamatay, mapagparatang! lapastang̃an sa Dios,—ang ulit ng̃ ulo—isinúsuplong kitá, mámamatay, mámamatay, mámamatay!
At mulîng umugong ang halakhák, warìng galing sa libing̃an at mapagbalà, na warìng dahil sa pagkalulong ng̃ ulo sa pagmamalas sa mg̃a kaapihán niya’y hindî naaalumana ang kaguluhang naghaharì sa salas. Si P. Salvi ay lubusan nang nahimatáy.
—¡Mahabág! ¡buháy pa....!—ang ulit ni P. Salvi at nawalán ng̃ diwà. Maputlâng maputlâng warì’y bangkáy. Inakalà ng̃ ibáng babai na nararapat namáng maghimatáy silá at gayón ng̃â ang ginawâ.
—¡Nahihibáng...... P. Salvi!
—Sinasabi ko na sa kaniyáng huwag kumain ng̃ sopas na pugad ng̃ lang̃aylang̃ayan!—ang sabi ni P. Irene—iyón ang nakasamâ sa kaniyá.
—¡Walâ namáng nakain!—ang sagót na nang̃ang̃atál ni D. Custodio—sa dahiláng tinitigan siyang mabuti ng̃ ulo, ay nágayuma siyá......
Doon na nagkaguló, ang salas ay warìng hospital, isáng [172]parang ng̃ labanán. Si P. Salvi ay warì patáy, at nang makita ng̃ mg̃a babai na hindî silá dinadaluhán ay minabuti na nilá ang magbalikdiwà.
Samantala ay nagíng abó ang ulo at inilagáy na mulî ni Mr. Leeds ang kayong itim sa ibabaw ng̃ dulang at yumúyukû sa mg̃a naking̃íg sa kaniyá.
—Kailang̃ang ipagbawal ang pagtatanghál na itó—ang sabi ni D. Custodio nang lumálabás—lubhâng napakabandáy at mahalay.
—Lalònglalò na, sapagkâ’t hindî ginagamitan ng̃ salamín—ang dugtóng ni Ben-Zayb.
Datapuwâ’y ninasàng tingnán niyang mulî bago iwan ang pook na iyon, tinalón ang halang, lumapit sa dulang at itinaas ang kayo: walâ, walâ ring gaya ng̃ dati.[1]
Nang kinabukasan ay sumulat ng̃ isáng lathalà na ang tinutukoy ay ang mg̃a karunung̃ang lihim, ang espiritismo, at ibp.; dalîdalîng pumanaog ang isáng utos ng̃ gobernador eclesiástico na pinipigil ang mg̃a palabás; ng̃unì’t walâ na si Mr. Leeds na dinalá sa Hongkong ang kaniyáng lihim.
[1] Gayon man, si Ben-Zayb ay hindi nálilisya. Ang tatlóng paa ng̃ dulang ay may ukit na siyang dinadaanan ng̃ mg̃a salaming nátatago sa ilalim ng̃ tuntung̃an at hindi nápupuna dahil sa mg̃a guhit na paríparisukát ng̃ alpombra. Paglalagáy ng̃ kaha sa ibabaw ng̃ mesa ay pinipisíl ang isáng resorte at dahandahang tumátaás ang mg̃a salamín; pagkatapos ay aalisin ang kayo na pag-iing̃atang buhatin at huwag bataking padausdós at sa gayón ay naaayos ang dulang nang kagaya ng̃ karaniwang dulang ng̃ mg̃a “ulong nagsasalita”. Ang dulang ay may butas na lusót sa ilalim ng̃ kaha. Matapos ang pagtatanghal ay tatakpang mulí ng̃ nagpapalabás ang dulang, pipisilín ang isá pang resorte at bababa namán ang mg̃a salamín.
Umalís sa klase si Plácido Penitente na ang pusò’y sumusulák at ang mg̃a paning̃ín ay may mapaít na luhà. Siya’y lubhâng karapatdapat sa kaniyáng pang̃alan kapag hindî siyá pinagagalit, ng̃unì’t pag namuhî ay nagiging bahâ, isáng halimaw na mapipigil lamang kung mápatay ó makamatáy. Ang gayón karaming paghalay, mg̃a pagsundót, na sa araw araw ay nagpápang̃iníg sa kaniyáng pusò at natatagò rito upang makatulog ng̃ tulog dahong-paláy na nahihimbíng, [173]ay nang̃agbabang̃on ng̃ayón na nang̃agng̃ang̃alit sa poót. Ang mg̃a sutsót ay umuugong sa kaniyáng taing̃a na kasama ang mg̃a palibák na salitâ ng̃ katedrátiko, ang mg̃a salitâng wikàng tindá, at warìng nadiding̃íg niyá ang mg̃a hampás at halakhák. Libo libong balak na paghihigantí ang sumísipót sa kaniyáng pag-iisip na nang̃agkakasalásalabíd at biglâng lumilipas na warì’y mg̃a larawang nakikita sa pang̃ang̃arap. Inuudyukán siyáng walâng humpáy na dapat gumawâ, ng̃ kaniyáng sariling damdamin, na tagláy ang katigasang ulo ng̃ isáng walâng pag-asa.
—Plácido Penitente—anáng boses—ipakilala mo sa lahát ng̃ kabatàang iyán na mayroon kang karang̃alan, na ikáw ay anák ng̃ isáng lalawigang matapang at bayani, na doon ang isáng paghalay ay hinuhugasan ng̃ dugô. ¡Taga Batang̃an ka, Plácido Penitente! ¡Gumantí ka, Plácido Penitente!
At ang binatà’y umuung̃ol at nagng̃ang̃alit ang mg̃a ng̃ipin at binúbunggô ang lahát ng̃ tao sa lansang̃an, sa tuláy ng̃ España, na warì’y naghahanáp ng̃ basagulo. Sa hulíng pook na itó’y nakakita ng̃ isáng sasakyáng kinalululanan ng̃ Vice-Rector na si P. Sibyla, na kasama si D. Custodio, at nagtagláy siya ng̃ malaking nasàng sunggabán ang parì at ihagis sa ilog.
Nagpatuloy sa Escolta at ng̃aling̃alí nang pagsususuntukín ang dalawáng agustino, na nang̃akaupô sa pintûan ng̃ tindahan ni Quiroga, na nagtatawanan at binibirò ang ibá pang prayle na nasa loob ng̃ tindá at nakikipag-usap; nádiding̃íg ang kaniláng masasayang boses at matutunóg na halakhakan. Sa dakong malayô-layô ay nang̃akahalang sa bangketa ang dalawáng cadete na nakikipag-usap sa isáng kawaní ng̃ isáng tindahan, na nakabarò’t walâng amerikana; tinung̃o silá ni Plácido Penitente upang buksán ang daan, ng̃unì’t ang mg̃a cadete na masasayá at nakahalatâ sa masamâng tangkâ ng̃ binatà ay nang̃agsilayô. Nang mg̃a sandalíng yaon ay tagláy ni Plácido ang udyók ng̃ hamok na sinasabi ng̃ mg̃a sumusurì ng̃ ugaling malayô.
Samantalang nálalapít si Plácido sa kaniyáng bahay—ang bahay ng̃ isáng platero na kaniyáng pinang̃ung̃upahan—ay pinipilit na iayos ang kaniyáng mg̃a iniisip at niyayarì ang isáng balak. Umuwî sa kaniyáng bayan at maghigantí [174]upang ípakilala sa mg̃a prayle na hindî naaalimura ng̃ gayongayón lamang ang isáng binatà, at ang gaya niya’y hindî maarìng aglahìin. Iniisip na sumulat agád sa kaniyáng iná, kay kabisang Andáng, upang ipabatíd dito ang nangyari at sabihing hindî na siya makapapasok sa klase, at kahì’t may Ateneo ng̃ mg̃a hesuita upang makapag-aral ng̃ taóng yaón, marahil ay hindî siya bigyáng pahintulot na makalipat ng̃ mg̃a dominiko at kahi’t na maarì ang gayón ay mábabalík din siya sa Universidad sa taóng súsunód na pag-aaral.
—¡Sinasabing hindî kamí marunong maghigantí!—ang sabi—pumutók ang lintík at sakâ makikita.
Ng̃unì’t hindî hinihinalà ni Plácido ang nag-aantáy sa kaniyá sa bahay ng̃ platero.
Karáratíng pa lamang ni kabisang Andáng na galing sa Batang̃an at lumuwás upáng mamilí, dumalaw sa kaniyáng anák at dalhán ng̃ kuwalta, pindáng na usá at mg̃a panyông sutlâ.
Nang makaraan ang mg̃a unang batîán, ang kahabág habág na babaing sa simulâ pa’y nápuná na ang mabalasik na ting̃ín ng̃ kaniyáng anák, ay hindî na nakapagpigil at nagsimulâ na sa kátatanóng. Sa mg̃a unang pagsasalitâ’y inarìng birò ni kabisang Andáng, ng̃umitî’t pinagpapayuhan ang kaniyáng anák, at ipinaalaala dito ang mg̃a paghihirap, ang mg̃a pagtitipíd at ibp., at binanggít ang anák ni kapitang Simona, na dahil sa pagkakapasok sa Seminario, ay warìng obispo na kung lumakad sa kaniláng bayan: ¡Ipinalálagáy na ni kápitang Simona na siyá’y Iná ng̃ Dios; mangyari bagá’y magiging isá pang Jesucristo ang kaniyáng anák!
—Pag nagíng parì ang anák—ang sabi ni kabisang Andáng—ay hindî na pagbabayaran ang utang sa atin.... ¿sino pa ang makásising̃íl sa kaniyá pag nagkagayón?
Ng̃unì’t nang mákitang tinótotoo ni Plácido ang pagsasalitâ at nápansín sa matá nitó ang sigwáng bumabayó sa kalooban, ay nákilalang, dalá ng̃ kasawîán, ay sadyáng tunay ang sinasabi. Mg̃a iláng sandalîng hindî nakapang̃usap at pagkatapos ay naghinagpís ng̃ katakot-takot.
—¡Ay!—aniyá—¡at naipang̃akò ko pa namán sa amá mo na aarugâín kitá, patuturùan at gágawíng abogado! ¡Tinítipíd ko ang lahát upang makapag-aral ka lamang! ¡Sa [175]panggingeng sikosikolo na lamang akó napáparoón at hindî sa manámanalapî, at tinítiís ko na ang masasamâng amóy at marurumíng baraha! ¡Tingnán mo ang mg̃a barò ko’t may sulsí! Kahì’t makabibilí akó ng̃ mg̃a bago ay ginugugol ang kuwalta sa mg̃a pamisa at mg̃a handóg kay San Sebastian, kahì’t na walâ akóng pananalig sa kaniláng bisà, sapagkâ’t dinadalosdalos ng̃ parì at ang santó ay bagong bago at hindî pa marunong gumawâ ng̃ kababalaghán, at hindî batikulíng kundî lanitì.... ¡Ay! ¿Anó ang sasabihin sa akin ng̃ amá mo pagkamatáy ko’t kamí’y magkita?
At ang kaawàawàng babai’y naghihinagpís at umiiyak; lalò pang nagdidilím ang kalooban ni Plácido at namumulás sa kaniyáng díbdíb ang mg̃a timpîng buntóng-hining̃á.
—¿Anó ang máhihitâ ko kung magíng abogado?—ang tugón.
—¿Anó ang sasapitin mo?—ang patuloy ng̃ iná na pinagduop ang kamáy—¡pang̃ang̃anlán kang pilibistiero at bibítayin ka! ¡Sinasabi ko na sa iyóng magtitiìs ka, ikáw ay magpapakumbabâ! Hindî ko sinasabi sa iyóng humalík ka sa kamáy ng̃ parì, alám kóng ang pangamóy mo’y maselan na gaya ng̃ amá mo na hindî makakain ng̃ keso sa Europa.... ng̃unì’t dapat tayong magtiís, huwag umimík, pa oo sa lahát ng̃ bagay.... ¿Anó ang magagawâ natin? Ang mg̃a prayle ay mayroon ng̃ lahát ng̃ bagay; kung ayaw silá ay walâng magiging abogado, ni médiko.... ¡Magtiís ka, anák ko, magtiís ka!
—¡Sa, nakapagtiís na akóng lubhâ, ináng; buwanang akó’y nagbatá!
Patuloy si kabisang Andáng sa kaniyáng paghihinagpís. Hindî niya hiníhing̃îng kumampí sa mg̃a prayle, siya man ay hindî rin; lubos niyáng batíd na sa bawà’t isáng mabuti ay may sampûng masamâ na kumukuha ng̃ salapî ng̃ mahihirap at nagpapadalá sa mayayaman sa tatapunán. Ng̃unì’t dapat na huwag kumibô, magtiís at magbatá; walâng ibáng paraan. At binanggít ang ganoon at ganitóng ginoo na dahil sa nagpakita ng̃ pagka paciencioso at mapakumbabâ, kahi’t na sa kaibuturan ng̃ pusò’y nagagalit sa kaniyáng mg̃a pang̃inoon, ay nagíng promotor piskal gayong galing sa pagíging alilà ng̃ prayle; at si gayón na ng̃ayó’y mayaman at mangyayaring makagawâ ng̃ mg̃a kabang̃isáng asal na makáaasang may ninong na mag-aampón sa kaniya ng̃ laban sa mg̃a kautusan [176]ay galing sa pagiging isáng maralitâng sakristang mapakumbabà’t masunurin, na nagasawa sa isáng magandáng dalaga na ang nagíng anák ay inanák ng̃ kura....
Patuloy si kabisang Andáng ng̃ pagtutukóy sa mg̃a pilipinong mapakumbabâ at paciencioso, gaya ng̃ sabi niyá, at babanggít pa sana ng̃ ibá na dahil sa hindî gayón ay nang̃ápatapon at pinag-uusig, nang si Plácido, dahil sa isáng muntîng bagay na dinahilán, ay umalís at naglagalág sa mg̃a lansang̃an.
Linibot na tátang̃á-tang̃á at masamâ ang uló ang Síbakong, Tundó, San Nicolás, Sto. Cristo, na hindî pinúpuná ang araw at ang oras, at nang makáramdam lamang ng̃ gutom at naunawàng walâ siyáng kuwalta dahil sa ibinigáy niyáng lahát sa mg̃a pistahan at mg̃a ambagan, ay sakâ umuwî sa kaniyáng bahay. Hindî niyá ináantáy na matatagpûán ang kaniyang iná, sapagkâ’t may ugalì itó, kailán ma’t lumuluwas sa Maynilà, na tumung̃o sa mg̃a oras na iyón sa isáng kapit-bahay na pinagsúsugalán ng̃ pangginge. Ng̃unì’t siyá’y ináantáy ni kabisang Andáng upang pagsabihan ng̃ binalak: ang matandâng babai’y patutulong sa procurador ng̃ mg̃a agustino upang mapawì ang pagkamuhî ng̃ mg̃a dominiko sa kaniyáng anák. Pinutol ni Plácido sa isáng ing̃os ang kaniyáng pananalitâ.
—Magtátalón na muna ako sa dagat—ang sabi—manúnulisán na muna akó bago bumalík sa Unibersidad.
At sa dahiláng sinimulán na namán ng̃ iná ang salaysáy na ukol sa pagtitiís at kababàang loób ay umalís na mulî si Plácido na hindî kumain ng̃ anó man at tinung̃o ang daong̃ang himpilan ng̃ mg̃a bapor.
Ang pagkakita ng̃ isáng bapor na aalís na patung̃ong Hongkong ay nag-udyók sa kaniyá ng̃ isáng akalà: pumaroon sa Hongkong, magtanan, magpayaman doon upang bakahin ang mg̃a prayle. Ang pagparoon sa Hongkong ay gumising sa kaniyá ng̃ isáng alaala, isáng kasaysayan ng̃ mg̃a kagayakang pamukhâ ng̃ dambanà, mg̃a ciriales at mg̃a titirikán ng̃ kandilà na pawàng pilak na inihandóg sa isáng simbahan ng̃ kabanalan ng̃ mg̃a mapanampalataya; anáng isáng platero, ay nagpagawâ sa Honkong ang mg̃a prayle ng̃ ibáng kagayakan sa dambanà, mg̃a ciriales at mg̃a titirikàn ng̃ kandilà na pawàng pilák na Ruolz na siyáng ipinalít [177]sa mg̃a tunay na pilak na ipinatunaw at ipinagawâng pisong mehikano. Itó ang kasaysayang kaniyáng náring̃íg at kahì’t mg̃a salísalitâ lamang yaón ó bulúngbulung̃an ay inaarì na niyáng totoo dahil sa samâ ng̃ kaniyáng loob at nagpapaalaala pa sa kaniyá ng̃ iláng gayón ding pangyayari. Ang paghahang̃ád na mabuhay ng̃ malayà at iláng balak na hindî pa lubós na yarì ay nakapag-udyók sa kaniyáng ipatuloy ang balak na tumung̃o sa Hongkong. Kung doon dinadalá ng̃ mg̃a corporación ang lahát ng̃ kaniláng salapî ay dapat na lumakad na mabuti ang pang̃ang̃alakal doon at maáarìng siyá’y yumaman.
—¡Ibig kong magíng malayà, mabuhay ng̃ malayà!....
Inabot siya ng̃ gabí sa paglilibót sa S. Fernando, at sa dahiláng hindî makátagpô ng̃ isáng kaibigang mangdaragát ay nagpatuloy nang umuwî. At sapagkâ’t magandá ang gabí at ang buwan ay kumíkináng sa lang̃it na binibigyán ng̃ anyông kaharìang makababalaghán ng̃ mg̃a hada ang maralitâng siyudad, ay tumung̃o sa periya. Doon nagpayao’t dito, linibot ang mg̃a tindá na hindî nápupuná ang mg̃a bagaybagay; ang pag-iisip ay nasa Hongkong upang mamuhay ng̃ malayà, magpayaman......
Iiwan na sana ang periya nang mámatàan mandín ang manghihiyas na si Simoun na nagpapaalam sa isáng taga-ibáng lupâ at kapuwâng sa wikàng inglés nag-uusap. Sa palagáy ni Plácido ay ang lahát ng̃ wikàng ginágamit sa Pilipinas ng̃ mg̃a dayuhan, kailan ma’t hindî ang kastilà, ay inglés: at sakâ naulinígan pa ng̃ ating binatà ang salitâng Hongkong.
¡Kung mangyayari sanang maipakiusap siya ng̃ magaalahás na si Simoun sa dayuhang yaón na tutung̃o mandín sa Hongkong!
Tumígil si Plácido. Nákikilala niya ang manghihiyás dahil náparoon sa kaniyáng bayan at nagbilí ng̃ alahas. Sinamahan niya sa isáng paglalakbáy at pinagpakitaan siya ng̃ magandáng loob ni Simoun na isinalaysáy sa kaniyá ang mg̃a pamumuhay sa mg̃a Unibersidad ng̃ mg̃a malalayàng bansâ: ¡anóng lakíng kaibhán!
Sinundán ni Plácido ang mag-aalahás.
—¡Ginoong Simoun, ginoong Simoun!—aniyá.
Nang mg̃a sandalîng yaón ay lululan sa sasakyán ang mang-hihiyas. Nang mákilala si Plácido ay tumigil.
[178]—¡Ibig ko sanang makiutang ng̃ loob sa inyó...., dalawáng salitâ lamang!—ang sabi.
Si Simoun ay umanyông may pagkainíp, bagay na sa katuligán ni Plácido ay hindî nápuná. Sa iláng salitâ’y isinalaysáy ng̃ binatà ang nangyari sa kaniyá at ipinahayag ang nasàng tumung̃o sa Hongkong.
—¿At bakit?—ang tanóng ni Simoun na tinitigan si Plácido sa tulong ng̃ kaniyáng mg̃a salamíng bugháw.
Hindî sumagót si Plácido. Sa gayó’y tuming̃alâ si Simoun at ng̃umitî ng̃ dati ring ng̃itîng tahimik at malamlám, at sinabi kay Plácido na:
—¡Siya! sumama kayó sa akin. ¡Sa daang Iris!—ang sabi sa kotsero.
Sa boong linakaran ay namalagìng walâng imík si Simoun na warìng may iníisip na isáng malakíng bagay. Sa pag-aantáy ni Plácido na siya’y kausapin ay hindî bumibigkás ng̃ anománg salitâ at naglibáng sa pagmamasíd sa maraming naglalakád na sinásamantalá ang kaliwanagan ng̃ buwan. Mg̃a binatà, magkakaakbáy na magkasintahan, mg̃a nagkakaibigan na sinúsundán ng̃ mg̃a maiing̃at na iná ó mg̃a inali; pulúpulutóng na mg̃a nag-aaral na nakadamít ng̃ putî na lalò pa mandíng pinatitingkád ng̃ buwan ang kaputîán; mg̃a sungdalong halos lasíng na nang̃akakaruahe, anim na paminsan, na dadalaw sa sambahang pawid na ukol kay Cíteres; mg̃a batàng naglalarô ng̃ tubigán, mg̃a insík na nagtitindá ng̃ tubó at ibp., ang pumúpunô sa dinádaanan at sa liwanag na maningníng ng̃ buwan ay nagkakaroon ng̃ anyông mamalikmatà’t mg̃a kaayaayang ayos. Sa isáng bahay ay tumútugtóg ng̃ mg̃a balse ang orkesta at nákikita ang iláng magkalangkáy na nagsasayawan sa liwanag ng̃ mg̃a kinké at lámpara.... ¡napakahabág na pánoorín iyon sa ganáng kaniyá kung ipapara sa nákikita sa mg̃a lansang̃an! At sa pag-iisíp ng̃ ukol sa Hongkong ay itinatanóng sa sarili kung ang mg̃a gabíng may buwan sa pulông yaon ay kasíng inam, kasíng sasaráp ng̃ sa Pilipinas, at isáng matindíng kalungkutan ang bumálot sa kaniyáng pusò.
Ipinag-utos ni Simoun na humintô ang sasakyan at lumunsád siláng dalawá. Nang mg̃a sandalîng yaón ay siyáng pagdaraán sa kaniláng tabí ni Isagani at ni Paulita Gómez na nagbubulung̃an ng̃ matatamis na salitâ; sa likurán ay kasunód [179]si aling Victorina na kasama si Juanito Pelaez, na malakás ang pagsasalitâ, nagkúkukumpáy at lalò pang nakukubà. Sa pagkalibáng ni Pelaez ay hindî nákita ang kaniyang nagíng kasama sa pag-aaral.
—¡Iyan ang maligaya!—ang bulóng ni Plácido na nagbuntónghining̃á at nakating̃ín sa pulutóng na untî untîng nagiging parang anino na lamang, na ang tang̃ìng nákikitang mabuti ay ang mg̃a bisig ni Juanito na ibinábabâ’t itinátaás na warì’y pamagaypáy ng̃ isáng giling̃an.
—¡Sa gayón na lamang siya magagamit—ang bulóng namán ni Simoun—mabuti na ang lagáy ng̃ kabatàan!
¿Sino ang tinutukoy ni Plácido at ni Simoun?
Hinudyatán nitó ang binatà, iniwan nilá ang dáan at nagsuot sa isáng palikawlikaw na landás at mg̃a daanang pag-itan ng̃ iláng bahay; kung minsa’y nang̃agsisitalón sa maliliít na bató upang iwasan ang mumuntîng putikán at kung minsa’y yumuyukô upang dumaán sa bakod na masamâ ang pagkakayarì at lalò pa mandíng masamâ ang pagkakaing̃at. Namanghâ si Plácido nang mákitang naglalakád sa mg̃a poók na iyon ang mayamang mag-aalahás na warì’y sanáy na sanáy doón. Sa kahulihuliha’y nakaratíng silá sa isáng warì’y kulób na malakí na may nag-iisáng muntîng bahay na dukhá na nalilibid ng̃ saging̃án at mg̃a punò ng̃ bung̃a. Iláng balangkás na kawayan at putól putól na bungbóng ay nakapagpahinalà kay Plácido na silá’y nasa bahay ng̃ isáng kastillero.
—¡A! ginoo....
At daglîng nanaog.
—¿Nariyan na ang pulburá?—ang tanóng ni Simoun.
—Nang̃asa bayóng; inaantáy ko ang mg̃a bungbóng.
—¿At ang mg̃a bomba?
—Náhahandâ.
—Mabuti, maestro.... Ng̃ayóng gabí rin kayó lalakad at makipag-usap sa teniente at sa kabo.... at pagkatapos ay ipatuloy ang inyóng lakad; sa Lamayan ay makatatagpô kayó ng̃ isáng tao sa isáng bangkâ: pagsabihan ninyó ng̃ “kabisa” at siya’y sásagót ng̃ “Tales”. Kailang̃ang dumatíng dito bukas. Hindî makapag-aaksayá ng̃ panahón!
At binigyán ng̃ iláng kuwaltang gintò.
—¿Bakit pô ginoo?—ang tanóng sa mabuting wíkàng [180]kastilà ng̃ tao—¿may bagong bagay pô ba?
—Oo, gágawín sa loob ng̃ linggóng dáratíng.
—¡Sa linggóng dáratíng!—ang ulit ng̃ tao na nápauróng—ang mg̃a arabal ay hindî pa handâ; inaantáy na iurong ng̃ General ang utos.... ang akalà ko’y ipagpapaliban hanggáng sa pagpasok ng̃ kurismá.
Umilíng si Simoun.
—Hindî na natin kakailang̃anin ang mg̃a arrabal—ang sabi—ang mg̃a tao ni kabisang Tales, ang mg̃a nagíng karabinero at isáng regimiento ay sapát na. Kung ipagpapaliban pa marahil ay patáy na si María Clara! ¡Lumakad kayóng agád!
Ang lalaki’y nawalâ.
Kaharáp si Plácido sa maiklíng pag-uusap na itó’t náding̃íg ang lahát; nang inaakalàng nakaaninaw siyá ng̃ bahagyâ ay nanindíg ang kaniyáng buhók at tiningnán si Simoun ng̃ matáng gulát. Si Simoun ay nakang̃itî.
—Ipinagtátaká ninyó—ang sabing malamlám ang ng̃itî—na ang indiong iyán na masamâ ang suót ay makapagsalitâng mabuti ng̃ wikàng kastilà? Nagíng gurô sa páaralán, na nagpumilit na turùan ng̃ kastilà ang mg̃a batà at hindî nagtigil hanggáng náalís sa tungkulin at napatapon dahil sa salang pangguguló ng̃ katiwasayáng bayan at sapagkâ’t nagíng kaibigan ng̃ kaawàawàng Ibarra. Kinuha ko sa kinátapunan na ang inaatupag doon ay ang pagtataním ng̃ niyóg at ginawâ kong magkakastilló.
Nang̃agsibalík sa daan at palakád na tumung̃o sa dakong Trozo. Sa harapán ng̃ isáng muntîng bahay na tablá, na ang anyô’y masayá at malinis, ay may isáng kastilà na naníniín sa isáng tungkód at nag-áalíw sa liwanag ng̃ buwán. Tinung̃o siyá ni Simoun; nang makita itó ng̃ kastilà ay nagtangkâng tumindíg na tinimpî ang isáng daíng.
—¡Humandâ kayó!—aní Simoun sa kaniyá.
—¡Kailán ma’y handâ akó!
—Sa linggóng dáratíng!
—¿Na ba?
—¡Sa unang putók ng̃ kanyón!
At lumayông kasunód si Plácido na nagsísimulâ na ng̃ pagtatanóng sa sarili kung siyá’y nanánaginip.
—Ikinatátaká ninyó—ang tanóng sa kaniyá ni Simoun—ang pagkakita sa isáng kastilàng batà pa’y salantâ nang [181]lubhâ ng̃ mg̃a sakít? May mg̃a dalawáng taón lamang na iyán ay kasingtibay ninyó sa pang̃ang̃atawán, ng̃unì’t nagawâ ng̃ kaniyáng mg̃a kalaban na siyá’y máipadalá sa Balabak upang gumawâ roong kasama ng̃ isáng pangkát na disciplinaria, at náiyán at tingnán ninyóng may isáng reuma at isáng walâng likat na lagnát na nag-aabóy sa kaniyá sa libing̃an. Ang kahabághabág na iyán ay nag-asawa sa isáng magandáng babai......
At sa dahiláng nagdaan ang isáng sasakyáng walâng lulan ay pinahintô ni Simoun at napahatíd na kasama si Plácido sa kaniyáng bahay sa daang Escolta. Nang mg̃a sandalîng iyón ay tinútugtóg sa mg̃a orasán ng̃ mg̃a simbahan ang iká sampû at kalahatì ng̃ gabí.
Makaraan ang dalawáng oras ay nilisan ni Plácido ang bahay ng̃ mag-aalahás at walâng imík at nagiisíp na lumakad sa Escolta, na walâ nang katao tao kahi’t na masayá pa rin ang mg̃a “café”. Mang̃isáng̃ísáng sasakyán ay nang̃agdádaang matulin na nag-uumugong ng̃ katakot-takot sa ibabaw ng̃ dinádaanang gasgás na batóng nakalatag sa lansang̃an.
Mulâ sa isáng silíd ng̃ kaniyáng tahanang nakaharáp sa ilog Pasig ay tinátanáw ni Simoun ang bayang kupkóp ng̃ muog na nakikita sa mg̃a dúrung̃awang bukás ang mg̃a bubóng na hierro galvanizado na pinakikináng ng̃ buwan, at ang kaniyáng mg̃a torre na nábabadhâng malulungkót, bagól, malalamlám, sa gitnâ nang mapanatag na anyô ng̃ gabí. Si Simoun ay nag-alís ng̃ salamíng bugháw sa matá, ang kaniyáng maputing buhók na warì’y kulób na pilak ay nakalibid sa kaniyáng matigás at sunóg na mukhâ na malamlám, na naliliwanagan ng̃ isáng lámpara, na ang ilaw ay warìng mamamatáy dahil sa kakulang̃án sa petróleo. Dahil mandín sa isáng bagay na iniisip ay hindî napupuná ni Simoun na untîuntîng namámatáy ang lámpara at lumalaganap ang kadilimán.
—Sa loob ng̃ iláng araw—ang bulóng—pag nag-alab ang apat na tagiliran ng̃ sinumpâng bayang iyán na tirahan ng̃ mg̃a mapagpalalòng walâng namumuwang̃an at ng̃ walâng awàng panggagagá sa mangmáng at sa nagígipít; pag ang pagkakaguló ay mangyari na sa mg̃a arrabal at palusubin ko sa mg̃a lansang̃an ang aking mg̃a taong manghíhigantí na ibinung̃a ng̃ mg̃a panggagahís at kamalìan, ay sakâ ko bubuksán [182]ang muog ng̃ iyóng bilanggùan, aagawin kitá sa kamáy ng̃ dalubhasàng pananalig, at maputîng kalapati, magiging Fenix kang mulîng sísipót sa mainit na abó....! Isáng panghihimagsík na binalak ng̃ mg̃a tao sa gitnâ ng̃ kadilimán ay siyáng naglayô sa akin sa piling mo; isá namáng paghihimagsík dín ang mag-aabóy sa akín sa mg̃a bisig mo, bubuhay sa aking mulî at ang buwang iyan, bago sumapit sa kaniyáng kabilugan ay tatanglawán ang Pilipinas na linís na sa karimarimarim niyáng yamutmót.
Biglâng humintô si Simoun na warìng natigilan. Isáng ting̃ig ang tumátanóng sa loob ng̃ kaniyáng budhî kung siya, si Simoun, ay hindî bahagi rin ng̃ yamutmót ng̃ kalaitlait na bayan, ó marahil ay siya pa ang bulók na may lalòng masidhîng sing̃áw. At kagaya ng̃ mg̃a magbabang̃ong patáy pagtugtóg ng̃ pakakak na kakílákilabot ay líbo líbong marugông multó, mg̃a aninong nanggígipuspós ng̃ mg̃a lalaking pìnatáy, mg̃a babaing ginahasà, mg̃a amáng inagaw sa kaniláng mg̃a anák, masasamâng hilig na inudyukán at pinalusog, mg̃a kabaitang hinalay, ay nang̃agsipagbang̃on ng̃ayón sa tawag ng̃ matalinghagàng katanung̃an. Noón lamang, sa kaniyang masamâng pamumuhay sapol nang sa Habana, sa tulong ng̃ masamâng hilig ng̃ pagsuhol ay tinangkâ niya ang pagyarì ng̃ isáng kasangkapan upang magawâ ang kaniyang mg̃a balak, isáng taong walâng pananalig, walâng pag-ibig sa bayan at walâng budhî, noón lamang, sa kabuhayang yaón, tumataliwakás ang isáng bagay sa loób niyang sarili at tumututol ng̃ laban sa kaniyang mg̃a inaasal. Ipinikít ni Simoun ang kaniyang mg̃a matá at malaong namalagì na walâng katinagtinag; matapos ay hinaplós ang kaniyang noo, ayaw silayan ang kaniyang budhî at natakot. Ayaw, ayaw surìin ang kaniyang sarili, kinulang siya ng̃ katapang̃an upang ling̃unín ang dakong kaniyang dinaanan.... Kulang̃in pa namán siya ng̃ katapang̃an nang nálalapít na ng̃ sandalî ng̃ pagkilos, kulang̃in siya ng̃ paniniwalà, ng̃ pananalig sa sarili! At sa dahiláng ang mg̃a kakilákilábot na larawan ng̃ mg̃a sawîng palad, na siya ay nákatulong sa sinapit, ay nasa sa kaniyáng harapán pa rin na warì’y nang̃agsisipanggaling sa makináng na îbabaw ng̃ ilog at nilulusob ang silid na sinísigawán siya’t inilalahad sa kaniya ang mg̃a kamáy; sa dahiláng ang mg̃a sisi at panaghóy ay warìng namumunô sa hang̃in at nádiding̃íg ang [183]mg̃a pagbabalà at mg̃a sigáw ng̃ paghíhigantí ay inilayô ang kaniyáng ting̃ín sa durung̃awan at marahil ay noon lamang siya nang̃iníg.
—Hindî, marahil ay may sakít akó, marahil ay masamâ ang aking katawán—ang bulóng—marami ang nagagalit sa akin, ang mg̃a naghíhinalàng akó ang sanhî ng̃ kaniláng kasawîán, ng̃unì’t.....
At sa dahiláng nararamdamáng nag-aalab ang kaniyáng noó ay tumindíg at lumapit sa durung̃awan upang sagapin ang malamíg na simuy sa gabí. Sa kaniyáng paanan ay pinauusad ng̃ ilog Pasig ang kaniyáng pilak na agos, na sa ibabaw ay nanghihinamád na kumíkináng ang mg̃a bulâng umíikit, sumusulong at umuurong na sumúsunód sa lakad ng̃ mumuntîng ulìulì.
Ang siyudad ay nátatayô sa kabiláng ibayo at ang kaniyáng maiitím na muog ay nákikitang nakakikilabot, matalinghagà, at napapawì ang kaniyáng karukhâán sa liwanag ng̃ buwan na nakapagpaparikít at nagpapagandá sa lahát ng̃ bagay. Dátapwâ’t si Simoun ay mulîng nang̃ilabot; warìng nakita sa kaniyáng harapán ang mabagsík na mukhâ ng̃ kaniyáng amá, na namatáy sa bilanggùan, ng̃unì’t namatáy dahil sa paggawâ ng̃ mabuti, at ang mukhâ ng̃ isá pang lalaki na lalò pang mabagsík, ng̃ isáng lalaking nagdulot ng̃ buhay ng̃ dahil sa kaniya, dahil sa inaakalàng kaniyáng hahanapin ang ikabubuti ng̃ kaniyáng bayan.
—Hindî, hindî akó makauurong—ang bulalás na pinahid ang pawis ng̃ kaniyang noó—ang gawàin ay magtatapós na at ang kaniyang pagtatagumpáy ay siyang magbibigáy katwiran sa akin.... Kung akó’y gumaya sa inyó ay nasawî akó marahil.... Siya na ang pang̃ang̃arap, siya na ang malîng pagkukurò! Apóy at patalím sa bikat, parusa sa kasamâán, at masirà pagkatapos kung masamâ ang kasangkapan! Hindî, pinag-isip ko nang mabuti, ng̃unì’t akó’y nilalagnát ng̃ayón.... ang pag-iisip kó’y uulik-ulik.... talagá.... kung ginawâ ko ang kasamâán ay upang makápalâ ng̃ kabutihan at ang nápapalâ’y siyáng nagliligtás sa kaparaanan.... Ang gágawín ko’y ang huwag mápará....
At nahigâng guló ang pag-iisip at tinangkâng mákatulog.
Nang kinabukasan ay pinakinggáng nakasukot at nakang̃itî ni Plácido ang pang̃aral ng̃ kaniyáng iná. Nang tinuran [184]nitó sa kaniyá na makikiusap sa procurador ng̃ mg̃a agustino ay hindî tumutol ni humadláng man lamang; kundî bagkús pa ng̃âng humandóg na siyá na ang gagawâ upang maibisán ng̃ kagambalàán ang kaniyáng iná na pinamanhikáng bumalík na kaagád sa kaniláng lalawigan at kung mangyayari’y sa araw ding yaón. Itinanóng sa kaniyá ni kabisang Andáng kung bakit.
—Sa dahiláng.... sa dahiláng kung mabatíd ng̃ prokurador na náririto kayó ay hindî gágawín ang inyóng kahiling̃an samantalang hindî muna siyá nabibigyán ng̃ anománg handóg at iláng pamisa.
Tunay ang sinabi ni P. Irene: ang ukol sa akademia ng̃ wikàng kastilà, na malaon nang iniharáp, ay tumutung̃o na sa isáng pagkalutas. Si D. Custodio, ang masipag na si D. Custodio, ang lalòng masipag sa lahát ng̃ mg̃a nagpápalagáy sa boông mundó, alinsunod kay Ben-Zayb, ay siyáng tumútungkól sa kaniyá at dinádaán ang mg̃a maghapunan sa pagbabasá sa mg̃a kasulatan at nákakatulóg nang walâng naipapasiyáng anomán: babang̃on sa kinabukasan, gayón din ang gágawín, matutulog na mulî at sunód sunód na gayón ang nangyayari. ¡Gaano ang iginágawâ ng̃ kaawàawàng ginoo, ang lalòng masipag sa lahát ng̃ nagpápalagáy sa Sangsinukob! Ibig niyáng makalusót doon, sa paraang mabigyáng loob ang lahát, ang mg̃a prayle, ang mataas na kawaní, ang kondesa, si P. Irene at ang kaniyáng mg̃a pagkukuròng labusáw. Nagtanóng kay G. Pasta at siya’y hinilo at linitó ni G. Pasta matapos na mahatulan siya ng̃ isáng yutàng bagay na magkakalaban at hindî mangyayari; nagtanóng kay Pepay na mánanayaw, at ang mánanayaw na si Pepay, na hindî nakatatarók ng̃ pinag-uusapan, ay umikot ng̃ isáng ikot, hining̃án siya ng̃ dalawang pû’t límáng piso upang ipagpalibíng sa isáng ali niya na biglâng kamamatáy ng̃ ikalimáng pagkamatáy, ó ipagpapalibing sa ikalimang ali na namatáy sa kaniya, alinsunod sa lalòng masakláw na paliwanag, matapos na mahing̃îng mapasok na auxiliar de fomento ang isá niyáng pinsang lalaki na marunong bumasa, [185]sumulat at tumugtóg ng̃ biolin, mg̃a bagay bagay na pawàng malayòng makapag-bigáy kay D. Custodio ng̃ isáng hakàng makapagliligtás.
Makaraán ang dalawáng araw ng̃ pangyayari sa periya sa Kiyapò, ay gumágawâ si D. Custodio, na gaya ng̃ dati, na pinag-aaralan ang mg̃a kasulatan na hindî mátagpô ang kailang̃ang panglutás. Datapwâ’y samantalang naghihikáb, umuubó, humihitít ng̃ tabakó at inaalaala ang mg̃a ikot at mg̃a hità ni Pepáy, ay babanggitín namin ang iláng bagay ng̃ mataás na taong itó, upang mákilala ang katwiran na kung bakit siyá ang ipinalagáy ni P. Sibyla na lumutas ng̃ matiník na salitâán at kung bakit tinanggáp namán ng̃ kabilâng pangkát.
Si D. Custodio de Salazar y Sanchez de Monteredondo (p.) Buenatinta ay nalalahók diyán sa bahagi ng̃ sosyedad sa Maynilà na hindî nakakikilos ng̃ isáng hakbáng na hindî sinasabitan sa likód at haráp ng̃ mg̃a pamahayagan ng̃ libo libong banság at tinatawag siyáng walang kapaguran, bantóg, maing̃at, masipag, malirip, matalino, bihasa, mayaman, ibp., na warìng ipinang̃ing̃ilag na ipagkámalî sa ibáng may gayón ding pang̃alan at banság na bulagbul at mangmáng. At sakâ walâ namâng kasamâang iaanák ang gayón at hindî nagagambalà ang previa censura. Ang Buena Tinta ay galing sa kaniyáng pakikipagkaibigan kay Ben-Zayb, nang itó, sa dalawáng matunóg na pakipagtunggalî na inabot ng̃ buwanan at lingguhan sa mg̃a tudlíng ng̃ pahayagan ukol sa kung nárarapat ó hindî gumamit ng̃ sombrerong hongo, de copa ó salakót, at kung ang paggamit ng̃ ukol sa marami ng̃ salitâng caracter ay dapat magíng carácteres at hindî caractéres, upang patibayan ang kaniyáng mg̃a pang̃ang̃atwiran ay lumulusót kailan man sa mg̃a salitâng “cónstanos de buena tinta”, “lo sabemos de buena tinta” at ibp. at napag-alamán pagkatapos, sapagkâ’t sa Maynilà ay napag-aalamán ang lahát ng̃ bagay, na ang buena tintang itó ay dilì ibá’t si D. Custodio de Salazar y Sanchez de Monteredondo.
Batàng batà pa ng̃ dumatíng sa Maynilà, na may isáng mabuting katungkulan na siyang nakapagparaan sa kaniyang makapag-asawa sa isáng magandáng mestisa na isá sa mg̃a magkakaanak na lalòng mayaman sa siyudad. Sapagkâ’t may likás na katalinuhan, kapang̃ahasan at walâng pagkatigatig, ay nátutong samantalahín ang lipunáng kaniyang kinalalagyán, [186]at sa tulong ng̃ salapî ng̃ kaniyang asawa ay nang̃alakal at tumanggáp ng̃ anománg pagawâ ng̃ Pamahalàan at ng̃ Ayuntamiento, kayâ’t ginawâ tuloy siyang konsehal, pagkatapos ay alkalde, kagawad ng̃ Sociedad Económica de Amigos del País, kasanggunì ng̃ Pang̃asiwàan, Pang̃ulo ng̃ Lupong Nang̃ang̃asiwà sa Obras Pias, kagawad sa Lupong ng̃ Kawanggawâ, conciliario ng̃ Banco Español Filipino, at ibá’t ibá pa. At huwag akalàing ang ibá’t ibá pang itó ay kagaya ng̃ karaniwang inilalagáy matapos na mabanggít ang isáng mahabàng talâ ng̃ mg̃a kabunyîán: si D. Custodio, kahì’t hindî nakátungháy kailan man ng̃ anománg aklát na ukol sa Higiene, ay nakasapit hanggáng sa pagiging pang̃alawáng pang̃ulo ng̃ Junta de Sanidad sa Maynilà, kahì’t tunay din namán na sa walóng bumubuô ng̃ Lupon ay isá lamang ang kailang̃ang magíng manggagamot at ang isáng itó’y hindî mangyayaring magíng siyá. Gayon dí’y nagíng kagawad ng̃ Junta Central sa pagbabakuna, na binubuô ng̃ tatlóng manggagamot at pitóng walâng pagkabatíd sa bagay na iyon, na sa mg̃a ito’y isá ang arsobispo at ang tatló’y mg̃a provincial: nákakapatíd sa mg̃a cofradía at archicofradía, at, gaya ng̃ naunawà na natin, ay kagawad na magpapalagáy sa Kataastaasang Lupon ng̃ Paaraláng bayan na hindî lagìng kumikilos, mg̃a sanhîng higít na sa kailang̃an upang balutin siya ng̃ mg̃a pamahayagan ng̃ mg̃a palayaw, kailan ma’t naglalakbáy ó nagbábahín.
Kahì’t na may maraming tungkulin, si D. Custodio, ay hindî kabilang ng̃ mg̃a natutulog sa mg̃a pagpupulong at nasisiyahán nang kagaya ng̃ mg̃a kinatawáng kimî at tamád na makikiboto na lamang sa lalòng marami. Hindî kagaya ng̃ maraming harì sa Europa na nagtátagláy ng̃ kabunyîáng harì sa Jerusalém, pinaghaharì ni D. Custodio ang kaniyáng kalagayan at sinásamantalá ang lahát ng̃ mápapakinabang dito, ikinúkunót na mabuti ang kilay, pinalálakí ang boses, umuubó sa pagsasalitâ at madalás na siyá na lamang ang umuubos ng̃ isáng pagpupulong dahil sa pagsasalaysáy ng̃ isáng kabuhayan, paghaharáp ng̃ isáng panukalà ó paglaban sa isáng kasama na nákainipán niyá. Kahì’t hindî pa siyá lumálampás sa apat na pûng taón ay nagsásalitâ na noong dapat dáw magdahandahan sa paggawâ ng̃ anomán, na iwan munang mahinóg ang bubót na bung̃a ng̃ higuera, [187]at idinúdugtóng na marahan ¡mg̃a milón!—nagsasalitâ ng̃ ukol sa paglirip na mabuti at paglakad ng̃ marahan, ng̃ pang̃ang̃ailang̃ang kilalanin muna ang bayan, na ang mg̃a hîlig ng̃ indio ay paganitó, na ang karang̃alan ng̃ pang̃alang kastilà, na sa dahilang una muna ang mg̃a kastilà, na ang pananampalataya at ibp. Náaalala pa sa Maynilà ang isá niyáng talumpatì ng̃ unang ipalagáy ang pag-iilaw ng̃ petróleo, bilang kahalili ng̃ dating lang̃ís ng̃ niyog: sa pagbabagong iyon ay hindî nakita ang pagkamatáy ng̃ paggawâ ng̃ lang̃ís kundî ang tutubùin ng̃ isáng konsehal—sapagkâ’t si D. Custodio ay may matalas na pangamóy—at humadláng ng̃ inubos ang lahát ng̃ tunóg ng̃ kaniyáng boses, na ipinalagáy na ang panukalà ay walâ sa panahón at hinulàang magkakaroon ng̃ malalakíng sakunâng bayan. Hindî rin hulí sa kabantugan ang kaniyáng paghadláng sa isáng pananapatan na ibig gawín ng̃ ilán sa isáng gobernador bago umalís: si D. Custodio na mayroong kaunting samâ ng̃ loob dahil sa iláng paghiyà sa kaniyá, na hindî na namin naaalala, ay natutong ikalat ang balibalitàng ang talàng daratíng ay kalabang masidhî ng̃ aalís, bagay na ipinang̃ambá ng̃ mg̃a mananapát kayâ’t hindî nátuloy.
Isáng araw ay hinatulan siyáng bumalík sa España upang magpagamót ng̃ isáng sakít sa atáy at binanggít siyá ng̃ mg̃a pahayagan na warì’y isáng Anteo na nang̃ang̃ailang̃ang tumuntóng sa Ináng bayan upang kumuha ng̃ mg̃a panibagong lakás; ng̃unì’t ang Anteong taga Maynilà ay nang̃untî at nawalâng kabuluhán sa Corte. Doon ay hindî siyá gasino at hinahanaphanap ang kaniyáng mg̃a kaibigibig na banság. Hindî siyá nákahalobilo ng̃ mg̃a lalòng mayayaman, ang kakulang̃an niyá sa pinag-aralan ay hindî makapagbigáy sa kaniyá ng̃ malakíng kahalagahan sa mg̃a lipunang ukol sa karunung̃an at mg̃a akademia, at dahil sa kaniyang pagkakáhulí at pagtatagláy ng̃ polítikang kombento ay litóng umaalís sa mg̃a lipunán, walâng kasiyahang loob, muhî, at walâng malinawan kundî ang doo’y kinukunan ng̃ kuwalta ang tang̃á at doo’y malakás ang sugál. Inaalala ang kaniyang masunurìng mg̃a utusán sa Maynilà na nang̃agtitiís sa lahát ng̃ kaniyang nakayayamót na maibigan, at sa gayón ay nákikita niyang ang mg̃a yaón ay siyang mabuti; sa dahiláng sa taglamíg ay nang̃ailang̃an siyang maglalapít sa [188]dupàan at kung hindî’y makasasagap ng̃ isáng pamamagâ ng̃ bagà ay ipinagbubuntóng hining̃á ang pag-aalala sa taglamíg sa Maynilà na sukat na ang magtagláy ng̃ isáng bufanda; walâ ang kaniyang hiligán at ang batàng tagapamaypáy kung taginít; sa isáng sabi, sa Madrid ay nagíng isá siya sa mg̃a pangkaraniwan, at, kahì’t na mayroon siyang mg̃a brillante, minsan ay pinagkamalán siyang paleto na hindî marunong umimbáy, at minsan ay pinagkamalán siyang indiano, kinutyâ ang kaniyang mg̃a pagng̃ang̃aning̃aní at talampák siyang inutô ng̃ iláng máng̃ung̃utáng na kaniyang hiniyâ. Muhî sa mg̃a conservador, na hindî pinahalagahán ang kaniyáng mg̃a payo, na gaya rin namán sa mg̃a kákabitkabít sa kaniyang humihitít sa kaniyang bulsá, ay sumapì sa pangkating liberal, at bago matapos ang taón ay bumalík sa Pilipinas, na, kung hindî man magalíng na sa sakít sa atáy ay gulóng guló namán ang paghahakà.
Ang labíng isáng buwang ipinamuhay niya sa Corte na dinaang kahalobilo ng̃ mg̃a polítikong tindahan, mg̃a walâng pinapasukan ang lahát halos; ang iláng talumpatìng náding̃íg sa mg̃a suloksulók, ang gayón ó ganitóng lathalàng laban sa pamamahalà at lahát noong pamumuhay sa polítika na nálalang̃áp doon, mulâ sa pagupitan, sa pag-itan ng̃ mg̃a paggupít ng̃ Fígaro, na naghahayag ng̃ kaniyang pátakarán, hanggáng sa mg̃a piging̃an na pinaghahayagán, sa pamag-itan ng̃ maiinam na pagsasalaysáy at mg̃a nakabibighanìng banggít ng̃ mg̃a sarisarìng kulay ng̃ mg̃a pananalig sa suliraning bayan, ang mg̃a pagkakaibá, mg̃a pagtiwalág, mg̃a dî kasiyahang loob, at ibp., ang lahát ng̃ iyon, samantalang siya’y lumálayô sa Europa, ay mulîng nabubuhay nang lubhâng malusóg sa kaniyáng alaala, na warì’y binhîng nátaním, na napipigláng lumakí ng̃ mg̃a malalabay na punòng nakatatakíp, kayâ’t ng̃ dumaóng sa Maynilà ay inakalàng itó’y maiaayos niya, at gayón ng̃â, tagláy ang lalòng banal na adhikâ at ang lalòng malilinis na mithî.
Sa mg̃a unang buwan ng̃ kaniyáng pagdatíng ay walâ nang nababanggít kundî ang Madrid, ang kaniyáng mabubuting kaibigan, ang ministrong si ganoon, ang nagíng ministrong si ganitó, ang kinatawáng C, ang manunulat na si B; walâng pangyayarí sa polítika, mg̃a kagusutan sa Corte, na hindî niya batíd ang lalòng kaliítliítang pangyayari, ni mg̃a taong bantóg na hindî niya [189]kilalá ang lihim ng̃ kabuhayan, ni walâng nangyaring hindî niya hinulàan ni paglalathalà ng̃ isáng pagbabagong hindî muna isinangunì sa kaniya; at ang lahát nang itó’y may kalahók na pagsundót sa mg̃a conservador, na tagláy ang tunay na pagkasuklám, pagpupuri sa pangkating líberal, isáng kabuhayan dito, isáng salitâ doon ng̃ isáng bantóg na tao, na ipinápatláng, na warìng hindî kinukusà, ang mg̃a pag-aalóg sa kaniyá at mg̃a tungkuling hindî tinanggáp upang huwág lamang magkaroón siyá ng̃ anó máng utang na loob sa mg̃a conservador. Nápakalakí ang kapusukán niyá ng̃ mg̃a unang araw na iyón, na ang ilán sa kausap-usap sa tindahan ng̃ mg̃a sarìsaring kakanín na dinadalaw niyáng maminsanminsan ay nang̃agsisapì sa pangkating liberal, at nagpanggáp nang liberal si D. Eulogio Badana, sargento retirado sa carabinero; ang marang̃ál na si Armendia, piloto at matalik na carlista; si D. Eusebio Picote, kawaní sa aduana, at si Don Bonifacio Tacón, sapatero at talabartero.
Gayón man, ang mg̃a sigabó, dahil sa kakulang̃án ng̃ tunggalìan at mg̃a bagay na makapag-udyók, ay untî-untîng napawì. Hindî niyá binabasa ang mg̃a pamahayagang dumáratíng sa kaniyáng buhat sa España, sapagkâ’t balubalutan kung tanggapín at ang pagkakita noón ay nakapagpapahikáb sa kaniyá; ang mg̃a paghahakàng kaniyáng nápulot na pawàng gamít na, ay nang̃ang̃ailang̃an ng̃ abuloy na dagdág, at doo’y walâ ang kaniyáng mg̃a mánanalumpatî; at kahì’t na malalakás ang larô sa mg̃a casino sa Maynilà at mayroón ding nang̃ing̃risto, gaya ng̃ sa mg̃a lipunán sa Madríd, gayón man ay hindî namán ipinahihintulot sa mg̃a tinuran ang anó mang talumpatì upang buhayin ang mg̃a imbót sa polítika. Ng̃unì’t si D. Custodio ay hindî tamád; gumágawâ ng̃ higít sa pagnanasà lamang, kumikilos; at sa pagkakilala niyáng sa Pilipinas siyá málilibíng at sa pag-aakalàng yaón ang kaniyáng makikilusan, ay pinag-ukulan ng̃ kaniyáng mg̃a pagsusumikap at inakalàng mapabubuti sa pagbabalak ng̃ maraming pagbabago at mg̃a panukalàng kawiliwili. Siya, ang dahil sa náding̃íg sa Madrid ang pag-uusap ng̃ ukol sa mg̃a daang nilalatagan nang kahoy sa Paris, na noon ay hindî pa ginágawâ sa España, ay nagpalagáy na gawín sa Maynilà, sa paraang maglatag ng̃ mg̃a tablá sa mg̃a lansang̃an at ipagpakô na gaya ng̃ [190]nákikíta sa mg̃a baháy-baháy; siya, ang dahil sa mg̃a kasawîáng nangyayarí sa mg̃a sasakyáng dádalawá ang gulóng, at upang maiwasan, ay ipínalagáy na magtagláy ng̃ tatló man lamang; siya rin namán, ang samantalàng gumáganáp sa pagka pang̃alawáng pang̃ulo ng̃ Junta de Sanidad ay nakaisip na wiligán ng̃ panglinis ang lahát ng̃ bagay, sampû ng̃ mg̃a balítàng pahatíd kawad na galing sa mg̃a bayang may sakít na nakahahawa; siya rin ang, sa pagkahabág sa mg̃a presídiario na nang̃agsisigawâ sa init ng̃ araw at sa pagnanasàng makapagtipíd ang Pamahalàan sa paggugol sa mg̃a kasuotan noon, ay ipinalagáy na suotan na lamang ng̃ isáng bahág at pagawín sa gabí at huwag sa umaga. Nahahang̃à at namumuhî, na, ang kaniyáng mg̃a palagáy ay makatagpô ng̃ humahadláng; ng̃unì’t kinakalamay ang saríli pag náiisip na ang taong may halagá, ay sadyâng may kalaban, at naghihigantí namán siya sa paraang pagtuligsâ at pagpapawalâng kabuluhán sa lahát ng̃ panukalà, magíng masamâ ó magíng mabuti, na iharáp ng̃ ibá.
Sapagkâ’t ipinagmamalakí ang kaniyáng pagkalabusáw, kailan ma’t mátatanóng siya kung anó ang palagáy sa mg̃a indio ay karaniwang isagót na, nararapat sa mg̃a gawàin sa kamáy at mg̃a artes imitativas (ang ibig sabihin ay músika, pintura at eskultura), at idinádagdág ang kaniyáng matandâng pabuntót, na, upang mákilala silá’y kailang̃ang bumilang ng̃ maraming maraming taóng pamumuhay sa lupaíng yaón. Gayón man, kung nakadiding̃íg na may nápapabantóg sa anomán na hindî dahil sa mg̃a gáwàin sa kamáy ó arte imitativa, sa kímika, sa medisina ó pilosopia, sa halimbawà, ay sinasabi niyáng: ¡Psh! maaarì.... ¡hindî tang̃á! at sinasapantahà niyá na ang indiong iyon ay may maraming dugông kastilà sa ugát; at kung hindî niya makitàan kahì’t na magpilit ay humahanap namán ng̃ isáng pinanggaling̃ang hapón: noon ay nagsisimulâ ang gawì na iukol sa mg̃a hapón at sa mg̃a árabe ang anománg mabuting bagay na tagláy ng̃ pilipino. Sa kay D. Custodio, ang kundiman, ang balitaw, ang kumintáng ay mg̃a tugtuging árabe, gaya rin namán ng̃ mg̃a titik sa pagsulat ng̃ matatandâng pilipino, at sa bagay na itó’y walâ siyáng pag-aalinlang̃an, kahì’t hindî niya kilala ang árabe, ni hindî man siya nakákita ng̃ katitikang pilipino.
[191]—¡Árabe at lubos na árabe!—aniyá kay Ben-Zayb sa isáng pagsasabing hindî matutulan—kung dilì man, ay insík.
At idinúdugtóng pang may kindát na makahulugán:
—Walâng walâ, walâng bagay na sadyâng likás ang mg̃a indio, ¿batíd ninyó? Malakí ang pagmamahál ko sa kanilá; ng̃unì’t hindî silá dapat purihin, sapagkâ’t nang̃agmamalakí at nagiging mg̃a kahabaghabág.
Kung minsa’y sinasabi na:
—Pinakamamahál ko ang mg̃a indio, ako’y lumálagáy nang para niláng amá’t tagapagtanggol, ng̃unì’t kailang̃ang ang bawà’t bagay ay málagay sa nararapat kalagyán. Ang ibá’y ipinang̃anák upang mag-utos at ang ibá’y upang sumunód; kung sa bagay ay hindî masasabing malakás ang katunayang itó, datapwâ’y ginágawâ nang walâng maraming salitàan. At tingnán ninyó, ang paraan ay walâng kahiraphirap. Pag kailang̃an ninyóng piglán ang bayan ay paliwanagan ninyóng siyá’y pigíl; tatawa sa unang araw, sa ikalawá’y tututol, sa ikatló ay mag-aalinlang̃an at sa ikaapat ay panalig na panalig ná. Upang mapalagì ang pilipino sa pagkamasunurin, ay kailang̃ang uulit-ulitin sa kaniyá sa araw-araw na siyá’y gayón at pananaliging siyá’y walâng magágawâ. ¿Sa isáng dako namán, ay anó pá’t mananalig siyá sa ibáng bagay kung masásawî lamang? Paniwalàan ninyó akó, isáng kawanggawâ ang palagìin ang bawà’t isá sa kalagayang kinaroroonan; diyán naririyan ang kaayusan, ang pagkakasundô. Iyan ang lihim ng̃ karunung̃an sa pamamahalà.
Kung tinutukoy ni D. Custodio ang kaniyáng paraan sa pamamahalà ay dî na nasisiyahan sa salitâng arte. At pagsasabi niya ng̃ pamamahala ay iniuunat ang kamáy na ibinábabâ hanggáng sa taás ng̃ isáng taong nakaluhód, nakaukód.
Tungkol namán sa pananampalataya ay ipinagmámalakí ang kaniyáng pagkakatóliko, lubós na katóliko, ¡á! ang katólikang España, ang lupàín ni María Santísima!.... Ang isáng labusáw ay maaarì at dapat magíng katóliko doon sa pook na, ipinalalagáy silá ng̃ mg̃a kalaban ng̃ pagkakasulong, na sila’y mg̃a diosdiosan ó santó man lamang, gaya nang pangyayaring ang isáng kayumanggí ay inaarìng maputî sa Kaprería. Gayón man, ay kumakain siya ng̃ lamáng kati sa boóng kurismá, tang̃ì lamang sa Viernes Santo; hindî nagkukumpisál kailán man, hindî naniniwalà sa mg̃a kababalaghán, ni sa hindî pagkakámalî [192]ng̃ Papa, at kung nagsisimbá, ay nagsísimbá sa ika sampû ng̃ umaga ó sa lalòng maiklîng misa, sa misa ng̃ tropa. Kahì’t sa Madrid ay nagsalitâ siya ng̃ laban sa mg̃a parì, na ipinalalagáy niyang lipás na sa kapanahunan, upang huwag mátiwalî sa kaniyáng kinagigitnâán, nagsalitâ ng̃ mg̃a paglait sa Inquisición at nagsasalaysáy ng̃ gayón ó ganitóng kabuhayang malaswâ ó palibák na kinalalahukán ng̃ mg̃a hábito, ó, sa lalòng tiyakan, mg̃a prayleng walâng hábito, gayón man, pagsasalitâ ng̃ ukol sa Pilipinas, na dapat pamahalàan ng̃ alinsunod sa mg̃a tang̃ìng batás, ay umuubó, titing̃ín ng̃ isáng titig na may kahulugán, uulitin ang paglalahad ng̃ kamáy na kasingpantáy ng̃ taas na matalinghagà.
—Ang mg̃a prayle ay kailang̃an, silá’y isáng bagay na masamâ, ng̃unì’t kailang̃an—ang sabi.
At nagagalit pag ang isáng indio ay nang̃ahás na mag-alinlang̃an sa mg̃a kababalaghán ó hindî naniniwalà sa Papa. Ang lahát ng̃ pahirap ng̃ Inquisición ay hindî sapát na parusa sa kapang̃ahasang iyón.
Kung ikinakatwiran sa kaniyá na ang panggagagá ó ang mabuhay na sinásamantalá ang kamangmang̃án ay may ibá pang tawag na masamâng dinggín at pináparusahan kapag ang nagkakasala ay nag-íisá, ay lumúlusót namán siyá sa paraang pagtukoy sa ibáng bayang sakóp.
—Kamí—ang sabi, na ang boses ay ang ginagamit sa mg̃a seremonia—kamí’y makapagmámalakí! Hindî kamí kagaya ng̃ mg̃a inglés at mg̃a holandés, na upang mapanatili sa pag-alinsunod ang mg̃a bayan ay gumagamit ng̃ pamalò.... ang aming ginagamit ay ibáng paraan na lubhâng malumanay, lubhâng matibay; ang malunas na tulong ng̃ mg̃a prayle ay higít sa pamalòng inglés......
Ang sabi niyáng itó’y lumaganap at sa mahabàng panahó’y binanggít banggít ni Ben-Zayb at gayón dín ng̃ boông Maynilà; pinakapuripuri ng̃ Maynilàng naghuhulò. Ang salitâ ay nakaabót sa Madrid, at binanggít sa Parlamento, na parang sabi ng̃ isáng labusáw na may mahabang paninirahan at ibp., at sa dahiláng nagíng karang̃alan ng̃ mg̃a prayle ang gayóng paghahawig ay hinandugán siyá ng̃ iláng arrobang sikulate, bagay na ipinabalík ng̃ dî malamuyot na si D. Custodio, na, sa dahiláng ito’y ipinantáy namán ni Ben-Zayb ang tagláy na kabaitan sa kabaitan ni Epaminondas. Dátapwâ’t [193]gayón mán, ay gumagamit din ng̃ yantók ang bagong Epaminondas kung inaabot ng̃ pagkagalit, at ang gayón ay inihahatol sa ibá!
Nang mg̃a araw na iyón, ay inulit ng̃ mg̃a kombento ang kaniláng mg̃a handóg dahil sa pang̃ang̃ambáng bakâ siyá magbigáy ng̃ isáng kapasiyaháng sang-ayon sa kahiling̃an ng̃ mg̃a nag-aaral, at ng̃ hapong nátagpûán natin siyá ay lalò pa mandíng hindî mápalagáy kay sa dati sapagkâ’t malapit masirà ang kaniyáng kabantugang masipag.
Mahigít nang labíng limáng araw na nasa kamáy niya ang mg̃a kasulatan, at nang umagang iyón, matapos na mapuri ang kaniyáng pagka masusì, ay ìtinanóng ng̃ mataás na kawaní ang kaniyáng kapasíyahan. Si D. Custodio ay sumagót ng̃ lubhâng matalinghagà, na ang ibig sabihin ay yarì na: ang mataas na kawaní ay ng̃umitî, at ang ng̃itîng iyon ng̃ayón ay gumágambalà’t umuusig sa kaniya.
Gaya nang sinabi na namin, ang hikab niya’y sunódsunód. Sa isáng pagkilos niya, ng̃ sandalîng idinidílat ang mg̃a matá at inilalapat ang bibíg, ay nápatítig sa mahabàng hanay ng̃ mg̃a sapíng mapulá, na ayós na ayós ang mg̃a pagkakalagáy sa mainam na aklatang kamagóng: sa mg̃a gulugód ng̃ bawà’t isá’y may mg̃a malalakíng titik na ang sinasabi, ay: MAÑGA PANUKALA.
Nalimot sumandalî ang kaniyáng mg̃a kagipitan at ang mg̃a pag-ikot ni Pepáy, upang alalahanin na ang lahát ng̃ linálamán ng̃ mg̃a baitang na iyon ay pawàng sumipót sa kaniyáng palanak na ulo sa mg̃a sandalîng pagliliwanag. ¡Gaano karaming bung̃ang isip na walâng kamukhâ, gaano karaming maririlág na pagkukurò, gaano karaming mg̃a kaparaanang ikaliligtás sa pagsasalát ng̃ Pilipinas! Kailan pa man ay hindî na siya malilimot at tataglayín niya ang pagkilala ng̃ utang na loob ng̃ bayan!
Warìng isáng matandâng magatod na nakátagpô ng̃ isáng balutang ináamag na mg̃a sulat sa palasintahan, ay tumindíg si D. Custodio at lumapit sa lalagyán ng̃ mg̃a aklát. Ang unang balangkáp na makapal, magâng-magâ, punôngpunô, ay may tagláy na taták na “MAÑGA PANUKALANG minumunakala”.
—¡Huwag!—ang bulóng—may mg̃a bagay na maíinam, ng̃unì’t kailang̃an ang sangtaón upang mabasang mulî.
[194]Ang pang̃alawá, na makapálkapál dín, ay may taták na “MAÑGA PANUKALANG nasa pagsusuri”.—¡Huwag dín!
Pagkatapos noon ay sumúsunód ang “MAÑGA PANUKALANG ipinag-aantáy ng̃ panahón.”.... “MAÑGA PANUKALANG iniharáp....” “MAÑGA PANUKALANG pinawalang kabuluhán....” “MAÑGA PANUKALANG pinagtibay....” “MAÑGA PANUKALANG pinigil....” Ang mg̃a hulíng balangkáp ay kákauntî ang lamán, ng̃unì’t ang hulí ay lalò pa, ang sa “MAÑGA PANUKALANG isásagawa”.
Ikinislót ni D. Custodio ang kaniyáng ilóng ¿anó kayâ ang lamán? Nalimot na niyá ang nasa sa loob niyón. Isáng putol na papel na naníniláw ang nakaung̃ós sa dalawáng takíp, na warì’y dinidilàan siyá ng̃ balangkáp.
Kinuha sa lalagyán at binuksán: yaón palá’y ang bantóg na panukalà ng̃ Páaralang Artes y Oficios.
—¡A, putris!—ang bulalás—ng̃unì’t itó’y nasa sa kamáy na ng̃ mg̃a parìng agustino......
Walâng anó anó’y biglâng tinapík ang kaniyáng noo, inihubog ang kilay, isáng pagtatagumpáy ang nálarawan sa kaniyáng mukhâ.
—¡Sa heto palá ang aking pasiyá, C.!—ang bulalás na bumitíw ng̃ isáng mahalay na salitâng hindî ang eureka, ng̃unì’t nagsísimulâ sa pangkatapusán nitó—ang aking kapasiyahán ay yarì na.
At makálimá ó makaanim na inulit ulit ang kaniyáng kinaugalìang eureka, na humaging sa hang̃in na warì’y magalák na hagkís, at masayáng tinung̃o ang kaniyáng mesa at sinimulán ang pagsulat.
Nang gabíng yaón ay may isáng malakíng palabás sa dulàang “Variedades”.
Ang samahán ng̃ óperang pransés ni Mr. Jouy ay magdadaos ng̃ una niyáng palabás na ang itatanghál ay “Les Cloches de Corneville” at ipamamalas sa madlâng manonood ang kaniyáng mg̃a pilìng troupe na inihayag na iláng araw ng̃ mg̃a pahayagan ang kaniláng kabantugan. Sinasabing sa mg̃a aktrís ay mayroong mg̃a may magandáng ting̃ig, ng̃unì’t [195]lalò pa mandíng magandá ang anyô, at kung paniniwalàan ang mg̃a bulongbulung̃an, ay higít pa sa kaniláng ting̃ig at anyô ang kaniláng kagandahang loob.
Ika pitó at kalahatì pa lamang ng̃ gabí ay walâ nang billete ni para sa naghihing̃alông si P. Salvi, at ang mg̃a papasok sa “entrada general” ay mahabàng mahabà ang hanay. Sa takilya ay nagkaroon ng̃ kaguluhan, awayán, tinukoy ang pagpipilibustero at ang ukol sa lahì, ng̃uní’t gayón man ay hindî rin nakakuha ng̃ bilyete. Nang labíng limáng minuto na lamang ang kulang sa ika waló ay malalakíng halagá na ang itinatawad sa isáng uupán sa entrada general. Ang anyô ng̃ dulàan, na naiilawang mabuti, may mg̃a punò’t bulaklák sa mg̃a pintùan, ay nakauulól sa mg̃a náhuhulíng nápapahang̃à at napapasuntók. Isáng makapál na tao ang nang̃agkíkisawan sa mg̃a paligid at pinagmamasdáng naíinggít ang mg̃a pumapasok, ang mg̃a maagang dumáratíng dahil sa natatakot na maunahan sa kaniláng luklukan: tawanan, aling̃awng̃áw, mg̃a pag-aantabáy, nang̃agsisíbatì sa mg̃a bagong datíng na masamâ ang loob na nakikihalobilo sa mg̃a nanonood, at, yamang hindì makapasok ay nang̃atítirá na lamang sa pagtanáw sa mg̃a pumapasok.
Gayón ma’y may isáng warì’y dî kahalò sa mg̃a pag-aasámasám at pagnanasàng makapanood. Siya’y isáng mataas na lalaking payát na kung lumakad ay marahan at kinákaladkád ang isáng paang nanínigás. Ang suot ay isáng masamâng ameríkana na kulay kapé at isáng pantalóng paríparísukát ang guhit, marumí, na nákakapit sa kaniyáng katawáng mabutó at yayát. Isáng sambalilong hongo na maarte na, dahil sa kasiràan, ang nakataklób sa kaniyáng malakíng ulo at nagpapakawalâ sa buhók na ang kulay ay marumíng abuhín, halos bulháw, mahahabà, kulót ang mg̃a dulo na warì’y buhók makatà. Ang lalòng katang̃ìtang̃î sa taong iyon ay hindî ang kaniyáng kasuotan, ni ang kaniyáng mukhâng taga Europa na walâng balbás ni bigote, kundî ang kulay niyáng sagà, kulay na nagíng sanhî ng̃ tawag na Camaroncocido, na siyáng banság sa kaniya. Ang anyô niya’y walâng kapara: anák ng̃ isáng mabuting lípì, ng̃unì’t siya’y nabubuhay sa pagbubulagbul, sa panghihing̃î ng̃ limós; lahìng kastilà, ay hindî pinahahalagahán ang karang̃alang lahì na inaalípustâ sa pamag-itan ng̃ kaniyáng gulágulanít na kasuotan, ipinalalagáy [196]siya ng̃ lahát na warì’y tagapamalità sa mg̃a pahayagan, at tunay ng̃â namáng ang kaniyáng matáng malalakí’t abuhín, na malamlám at warìng mapagnilay kung tuming̃in, ay naroon saan ma’t may bagay na maibabalità. Ang kaniyang kabuhayan ay hindî batíd ng̃ marami; walâng nakaaalám kung saan siyá kumakain at natutulog: marahil ay mayroon siyáng isáng bariles saan mang pook.
Nang mg̃a sandalîng iyon ay hindî tagláy ni Camaroncocido ang dati niyáng anyông matigás at walâng bahalà: isáng warì’y masayáng pagkaawà ang nananaw sa kaniyáng paning̃ín. Isáng muntîng lalaki, isáng mababàng matandâ ang masayáng sumagupà sa kaniyá.
—¡Kaibigaaaan!—ang sabi, na paós ang boses na warì’y sa palakâ, at ipinakikita ang iláng pisong mehikano.
Nákita ni Camaroncocido ang mg̃a mamiso, at kinibít ang balikat. ¿Anó ang mayroon sa kaniya noon?
Ang matandâ’y isáng mainam na kaibayó niya. Maliit, lubhâng maliit, natataklubán ang ulo ng̃ isáng sambalilong de copa na nagíng isáng uod na may balahibo, at nápapaloob sa isáng maluwang na lebita, lùbhâng maluwang at napakahabà hanggáng sa mápantáy sa isáng salawál na nápakaiklî na hindî lumalampás sa bintî. Ang kaniyáng katawan ay warìng siyang lelong at ang mg̃a paa’y siyáng apó, samantalang ang kaniyáng mg̃a sapatos ay naglalayág mandín sa katihan—¡yaón ay dalawáng malalakíng sapatos marinero na tumututol ng̃ laban sa uod na may balahibo na nasa kaniyang ulo na gaya ng̃ matindíng tutol ng̃ isáng kombento na nasa píling ng̃ isáng Exposición Universal! Si Camaroncocido ay sagà, ang matandâ’y kayumanggí; yaón ay walâng buhók sa mukhâ kahì’t lahìng kastilà, ang indio ay may patilla at bigoteng mapuputî, mahahabà’t madalang. Ang paning̃ín ay malikót. Kung tawagin siyá’y Tio Kikò, at, gaya ng̃ kaniyang kaibigan ay nabubuhay din siyá sa pamamahayag: siyá ang nagpapatawag ng̃ mg̃a palabás at nagdidikít ng̃ mg̃a kartel ng̃ mg̃a dulàan. Siya marahil ang tang̃ìng pilipino na kahì’t naka chistera at lebita ay nakapaglalakád nang hindî ginágambalà, gaya rin namán ng̃ kaniyang kaibigan na siya ang tang̃ìng kastilà na nagtátawá sa karang̃alan ng̃ lahì.
—Binigyán akó ng̃ malakíng pabuyà ng̃ pransés—ang sabing nakang̃itî at ipinatanáw ang kaniyáng gilagid na warì’y isáng [197]lansang̃an matapos ang sunog—¡nápabuti ang kamáy ko sa pagdidikít ng̃ mg̃a kartel!
Mulîng ikinibít ni Camaroncocido ang kaniyang mg̃a balikat.
—Kikò—ang sagót na maugong ang boses—kung anim na piso ang ibinigáy sa iyo dahil sa gawâ mo ¿magkano kayâ ang ibibigáy sa mg̃a prayle?
Dahil sa kaliksihang likás ni Tio Kikò, ay itinaas ang ulo.
—¿Sa mg̃a prayle?
—Sapagkâ’t dapat mong maalaman—ang patuloy ni Camaroncocido—na ang pagkapunông itó’y kagagawán ng̃ mg̃a kombento!
Sadyâ ng̃â namáng gayón, ang mg̃a prayle na pinang̃ung̃uluhan ni P. Salvi at iláng hindî parì na pinang̃ung̃uluhan ni D. Custodio ay laban sa pagtatanghál na iyon. Si P. Camorra, na hindî makapanood, ay nanglilisik ang matá’t tátakámtakám; ng̃unì’t nakikipagtalo kay Ben-Zayb na malambót na nagtatanggól sapagkâ’t náiisip ang billeteng walâng bayad na ipadadalá sa kaniyá ng̃ may palabás. Pinagsasalitaán siya ni D. Custodio ng̃ ukol sa maayos na hilig, sa pananampalataya, sa mabubuting kaugalìan, at ibp.
—Ng̃unì’t—ang bulóng ng̃ manunulat—ang ating mg̃a dulàng sainete na may mg̃a salitâ’t pang̃ung̃usap na dalawá ang kahulugán....
—¡Ng̃unì’t nasa wikàng kastilà namán!—ang pasigáw na putol ng̃ mabaít na konsehal, na nag-aalab sa banal na pagkagalit—¡mg̃a kahalayan sa wikàng pransés! tao kayó, Ben-Zayb, maanong alang-alang sa Poong Dios, ¡sa wikàng pransés! ¡Iyán ay hindî dapat mangyari magpakailán man!
At ibinigkás ang hindi dapat mangyari magpakailán man! ng̃ kasingtigás kung pagpipisanin ang tatlóng Guzmán na pinagbábalàang pápatayán ng̃ isáng pulgás kapag hindî isinukò ang dalawáng pûng Tarifa. Gaya nang maáantáy, si P. Irene, ay kasang-ayon ni D. Custodio at nagtútung̃ayáw sa operetang pransés. ¡Puf! Siyá’y nátung̃o sa París, ng̃unî’t hindî man lamang tumuntóng sa pintùan ng̃ isáng dulàan; ¡iligtás siyá ng̃ Maykapal!
Ng̃unì’t marami din namán ang kasang-ayon ng̃ operetang pransés. Ang mg̃a opisiál sa hukbó at mg̃a pangdigmâng dagat, na sa mg̃a itó’y kabilang ang ayudante ng̃ General, ang [198]mg̃a kawaní at iláng matataás na tao ay nang̃agnanasàng lumasáp ng̃ kainaman ng̃ wikàng pransés sa bibíg ng̃ mg̃a tunay na parisien; kabilang nilá ang mg̃a nálulan sa M. M. at nakagamit ng̃ kauntî ng̃ pransés sa paglalayág, ang mg̃a nakadalaw sa París at lahát niyóng mg̃a ibig na masabing silá’y bihasá. Ang lipunan ng̃â sa Maynilà ay nagkahatì sa dalawáng pangkát, ang mg̃a sang-ayon at ang mg̃a laban sa ópera, na pinayuhan ng̃ mg̃a matatandâng babai, mg̃a asawang mapanibughûin at nang̃ang̃anib sa pag-ibig ng̃ kaniláng mg̃a kabyák, at nang may mg̃a katipán sa pag-aasawa, samantalang ang mg̃a malayà’t ang mg̃a magagandá ay nang̃agpakilalang lubós siláng magiliw sa opereta. Nagsalimbayan ang mg̃a sulatán, nagkaroón ng̃ mg̃a pagpaparoo’t parito, salisalitàan, mg̃a pagpupulong, mg̃a pagliliponlipon, mg̃a pagtatalo; natukoy na tulóy sampû ng̃ panghihimagsík ng̃ mg̃a indio, ang katamaran, ang mg̃a lipìng mababà’t lipìng mataás, karang̃alan at ibá pang kamulalàan, at matapos ang maraming hatidhatirang usap at maraming bulóng bulung̃an, ay ibinigáy ang pahintulot, at si P. Salvi ay naglathalà ng̃ isáng pastoral na walâng bumasa kundî ang tagá ayos lamang sa limbagan. Nábalitàng ang General ay nákagalít ng̃ Condesa: na itó’y naninirahang madalás sa mg̃a bahay líwalíwan; na ang marang̃ál na pinunò ay nabugnót; na ang consul ng̃ mg̃a pransés ay gayón, na nagkaroon ng̃ mg̃a handóg, at ibp., at nálahók sa usapan ang maraming pang̃alan, ang sa insík na si Quiroga, ang sa kay Simoun at sampû ng̃ sa maraming artista.
Salamat sa nagpáunang alíng̃awng̃áw na itó, ang pagkasabík ng̃ tao’y naragdagán, at mulâ pa sa araw na sinúsundan ng̃ palabás, araw na idinatíng ng̃ mg̃a artista, ay walâng napag-uusapan kundî ang pagpasok sa unang pagtatanghál. Sapol ng̃ lumabás ang mapupuláng kartel na nagbabalità nang Les Cloches de Corneville, ang mg̃a nanalo’y humandâ na sa pagdiriwang ng̃ kaniláng tagumpáy. Sa iláng káwaníhan, ay hindî na pinalalakad ang panahón sa pagbabasá ng̃ mg̃a pahayagan, kundî dinudumog ang mg̃a kasaysayang limbág nang palalabasín, nang̃agbabasá ng̃ mg̃a nobelang pransés, at ang marami’y tumutung̃o sa palikuran na nagpapakunwarîng ìníiti upang makasanggunì lamang ng̃ palihím sa muntîng díksîonariong pangbulsá. Ng̃unì’t gayón man ay hindî rin nalulutas [199]ang mg̃a expediente; kundî bagkús pa ng̃âng ang lahát ay pinababalík sa kinabukasan, dátapwâ’y hindî mangyayaring magalit ang kahì’t sino: ang nákakaharáp ay mg̃a kawaníng lubhâng magagalang, masuyò, na tumátanggáp sa kanilá at nagpapaalam sa pamagítan ng̃ malalakíng yukô na ugalìng pransés: ang mg̃a kawaní’y nang̃agsasanay, linilínis ang kaniláng pransés na inaamag at silá-silá’y nagbabatîán ng̃ oui monesiour, s’il bous plait, at pardon! sa bawà’t kilos, bagay na lubhâng kaigaigayang máding̃íg at panoorin. Ng̃unì’t sa pásulatán ng̃ mg̃a pamahayagan nároroon ang lalòng galawan at ang kagipítan ay umaabot sa lalòng malakí; si Ben-Zayb, na sinasabing siyáng mánunuligsâ at naghulog sa wikàng kastilà ng̃ kasaysayan ng̃ palalabasín ay nang̃ang̃atál na warì’y babaing násuplóng sa pangkukulam: nákikíta niyáng ang kaniyáng mg̃a kalaban ay nagpupunyagîng makahuli ng̃ kaniyang mg̃a kamalìan at ipinamumukhâ sa kaniya ang dî pagkabatíd na mabuti ng̃ pransés. Nang panahón ng̃ Opera Italiana ay kakauntì nang mapasubò siya sa isáng patayan dahil sa malîng pagkahulog sa wikàng kastilà ng̃ pang̃alan ng̃ isáng tenor; agadagád naglathalà ang isáng mainggitin at ipinalagáy siyang walâng namumuwang̃an, siya, ang una unang ulong nag-iisíp sa Pilipinas! ¡Gaanong hirap ang sinapit niya sa pagsasanggaláng! nang̃ailang̃an siyang sumulat ng̃ dî lamang lalabíng pitóng palathalà at sumanggunì sa labíng limáng diksionario. At dahil sa mabuting pagkakaalaalang iyón, ang kaawàawàng si Ben-Zayb, ay lumalakad na lubhâng maing̃at na ang inilalakad ay kamáy, hindî namin sinabing paa, upang huwag gayahan si P. Camorra na may masamâng ugalìng ipintás kay Ben-Zayb na paa ang ginagamit nitó kung sumusulat.
—¿Nákita mo na Kikò?—ang sabi ni Camaroncocido—ang kalahatì ng̃ taong iyan ay naparito dahil sa sinabi ng̃ mg̃a prayle na huwag pumarito; ang gayó’y warìng isáng pahayag; at ang kalahatì pa, sapagkâ’t anilá sa sarili ay: ¿ipinagbabawal ng̃ mg̃a prayle? kung gayo’y kátutuhan marahil. Maniwalà ka sa akin, Kikò, ang mg̃a palatuntunan mo ay mabubuti ng̃â ng̃unì’t lalò pang mabuti ang pastoral, at ¡dapat mong mabatíd na waláng isá mang nakábasa!
—Kaibigaaaan, ¿inaakalà mo bagâ—ang tanóng ni Tio Kikò na hindî mápalagáy—na dahil sa kagagawán ni P. Salvi, ay alisín na kayâ ang tinútungkol ko?
[200]—Marahil, Kikò, marahil,—ang sagót ng̃ kausap na tuming̃ín sa lang̃it—ang salapî’y untîuntî nang nawawalâ....
Si Tio Kikò ay bumulóng ng̃ iláng salitâ at pang̃ung̃usap na dî malinawan, kung ang mg̃a prayle ay manghíhimasok sa pagbabalità ng̃ mg̃a palabás dulàan ay papasok namán siyàng prayle. At matapos makapagpaalam sa kaniyáng kaibigan ay lumayông uubóubó at pinakakalansíng ang kaniyáng mg̃a mamiso.
Si Camaroncocido, na tagláy ang dati niyang pagwawalâng bahalà, ay nagpatuloy sa pagyayao’t dito na kaladkád ang paá at mapung̃ay ang paning̃ín. Nápuna niya ang pagdatíng ng̃ iláng mukhâng hindî kilalá, na ibá’t ibá ang pinanggagaling̃an at nang̃aghuhudyatan sa pamag-itan ng̃ kindát, at pag-ubó. Noon lamang niyá nákita sa mg̃a gayóng pagkakataón ang mg̃a taong iyon, siyá, na nakakakilala sa lahát ng̃ anyô ng̃ mg̃a naninirahan sa siyudad at sa lahát ng̃ pagmumukhâ. Mg̃a lalaking madidilím ang mukhâ, mg̃a hukót, mg̃a dî mápalagáy at hindî máwastô at masamâ ang pagkakabalátkayô ng̃ suot, na warì’y noon lamang nagsuot ng̃ americana. Hindî nang̃agsisilagáy sa unang hanay upáng makápanood na mabuti, nang̃agkakanlóng sa dilím, na warìng ayaw na silá’y mákita.
—¿Mg̃a polisiya sekreta ó mg̃a magnanakaw?—ang tanóng sa sarili ni Camaroncocido at daglîng ikinibít ang balikat—at ¿anó ba ang mayroon sa akin?
Ang parol ng̃ isáng sasakyáng dumáratíng ay tumangláw sa pagdaraan sa isáng pulutóng ng̃ apat ó limá ng̃ mg̃a taong yaón na nakikipag-usap sa isáng warì’y kawal sa hukbó.
—¡Polisiya sekreta!, marahil ay isáng bagong tatág na kawanihan!—ang bulóng niya.
At kumilos ng̃ isáng anyông nagwawalâng bahalà. Ng̃unì’t makaraan yaon ay nakita ang militar, matapos na makipag-alám sa dalawá ó tatlóng pulutong pa, na tumang̃o sa isáng sasakyán at warìng nakipag-usap ng̃ mahigpitan sa isáng nasa sa loob. Si Camaroncocido ay lumakad ng̃ iláng hakbáng at kahì’t hindî námanghâ ay warìng nákilala niyá si Simoun, samantalang ang matalas niyáng pangding̃íg ay nakáulinig ng̃ ganitóng maiklîng usapan:
—¡Ang palatandàan ay isáng putók!
—Opò.
[201]—Huwág kayóng mag-alaala; ang General ay siyáng nag-uutos; ng̃unì’t pag-iing̃atan ninyóng huwág masasabi. Kung súsundín ninyó ang aking utos ay mátataás kayó.
—Opò.
—¡Kung gayó’y.... humandâ kayó!
Ang boses ay tumigil at makaraán ang iláng sandalî’y lumakad ang sasakyán. Kahì’t na mapagwalâng bahalà si Camaroncocido ay hindî rin nakapigil sa pagbulóng na:
—Mayroong binabalak.... ¡Kaing̃atan ang mg̃a bulsá!
At sa dahiláng náramdamáng ang kaniyáng mg̃a bulsá ay walâng lamán, ay mulîng ikinibít ang balikat. ¿Anó ang mayroón sa kaniyá kung gumuhô man ang lang̃it?
At nagpatuloy sa kaniyáng pakikibatyág. Nang magdaan sa haráp ng̃ dalawá kataong nag-uusap, ay náding̃íg sa isá, na may sabit sa liig na mg̃a kuwintás at kalmén, na sinasabi sa wikàng tagalog, na:
—Ang mg̃a prayle ay malakás pa kay sa General, huwág kang mangmáng; itó’y áalís at ang mg̃a prayle’y maiiwan. Magawâ lamang nating mabuti ay yayaman tayo. ¡Ang palatandàan ay isáng putók!
—¡Abá, abá!—ang bulóng ni Camaroncocido na ipinípiksí ang mg̃a dalirì—doon ay ang General, at dito ay si P. Salvi.... ¡Kahabág-habág na bayan! Ng̃unì’t ¿anó ang mayroon sa akin?
At matapos na máikibít ang balikat na sabáy sa paglurâ at dalawáng ng̃iwî na sa ganáng kaniyá ay siyáng tandâ ng̃ lalòng malakíng pagwawalâng bahalà, ay ipinatuloy ang kaniyáng pakikimatyág.
Samantala namán ay matutuling dumáratíng ang mg̃a sasakyán, biglâng hihintô sa siping ng̃ pintùan at iiwan ang kaniláng sakáy na pawàng tao sa mataás na kalipunan. Ang mg̃a babai, kahì’t bábahagyâ ang lamíg ng̃ gabí, ay may daláng maiinam na chal, mg̃a pañolóng sutlâ at mg̃a panglaban sa gináw; ang mg̃a lalaki, ang mg̃a naka frac at korbatang putî, ay gumagamit ng̃ gabán; ang ibá’y bitbít na lamang at ipinatátanáw ang mg̃a panapíng sutlá.
Sa pulutóng ng̃ mg̃a talogigì, si Tadeo, ang nagkakasakít kung pumapanaog ang gurô, ay kaakbáy ng̃ kaniyang kababayang baguhan na namalas nating nagtiís ng̃ inianák ng̃ masamâng pagkakabasa sa katotohanang sinabi ni Descartes. Ang baguhan [202]ay nápakatalogigì’t mausisà, at sinásamantalá namán ni Tadeo ang kaniyang kamangmang̃án at dî kaalamán upang pagsalaysayán ng̃ lalòng malalakíng kasinung̃aling̃an. Bawà’t kastilàng bumatì sa kaniya, magíng may mababàng katungkulan ó kawaní sa mg̃a tindahan, ay sinasabi sa kaniyang kasama na yaón ay pinunò sa isáng kawanihan, markés, konde, at ibp.; datapwá’y pag patuloy ang paglakad, ¡psh! yaó’y isáng bulagbul, isáng oficial quinto, isáng taong walâng gaanong kabuluhán! At pag walâ nang naglalakád, na makapagpahang̃à sa baguhan ay ang mg̃a magagarang sasakyán namang dumadaán ang hinaharáp; si Tadeo ay bumabatì ng̃ mainam na ayos, ikákawáy nang malugód ang kamáy, bibitíw ng̃ isáng ¡adios! na matiwalà.
—¿Sino yaón?
—¡Bah!—ang sagót na parang walâng anomán—ang Gobernador Civil.... ang Segundo Cabo.... ang Mahistradong si gayón.... ang asawa ni.... na mg̃a kaibigan ko!
Ang baguhan ay náhahang̃à, nakatang̃áng siya’y pinakikinggán at nag-iing̃at upang huwag mápalagáy sa kanan ng̃ kausap. Si Tadeo ay kaibigan ng̃ mg̃a mahistrado at mg̃a gobernador!!
At tinuturan sa kaniya ni Tadeo ang pang̃alan ng̃ lahát ng̃ dumáratíng, at, pag hindî niya kilalá, ay gumagawâ ng̃ mg̃a banság, mg̃a kasaysayan at nagsásaysáy ng̃ mg̃a sarìsarìng bagay.
—¿Nákikita mo ba? iyong taong mataas, na may patilyang itím, dulíng ng̃ kauntì, na itím ang suot, yaón ang mahistrado A, kaibigang matalik ng̃ asawa ng̃ koronel B; isáng araw ay kauntî nang mag-away ang dalawáng iyan kung hindî akó namagitnâ.... ¡adiós! Tingnán mo, hayán at dumáratíng pa námán ang koronel, mag-away kayâ ang dalawá?
Pinígil ng̃ baguhan ang paghing̃á, ng̃unì’t ang koronel at ang mahistrado ay malugód na nang̃agkamayan; ang militar, na isáng matandâng bagongtao, ay nagtanóng ng̃ kung anó ang lagáy ng̃ mg̃a kaanak ng̃ kaharáp, at ibp.
—¡Ah! ¡salamat sa Dios!—ang hing̃á ni Tadeo—akó ang may kapakanán ng̃ kaniláng pagkakásundô.
—Kung hiling̃ín kayâ ninyó sa kanilá na tayo’y ipasok?—ang tanóng na may kauntìng pang̃ambá ng̃ baguhan.
—¡E! ¡Kailan ma’y hindî akó nang̃ung̃utang ng̃ loob!—[203]ang sabing nagmataás ni Tadeo—akó’y gumágawâ nang mabuti, ng̃unì’t hindî akó nag-aantáy na gantihín.
Kinagát ng̃ baguhan ang kaniyáng mg̃a labì, lalò pang nang̃untî at naglagáy ng̃ magalang na layô sa pag-itan niya’t ng̃ kaniyang kababayan.
Nagpatuloy si Tadeo:
—Iyan ang músikong si H.... Iyan ang abogadong si J. na bumigkás, na warì’y kaniya, ng̃ isáng talumpatìng nakatitik sa lahát ng̃ aklát, at siya’y pinuri at hinang̃àan ng̃ mg̃a naking̃íg.... Iyang bumábabâ sa isáng hansomkab ay ang manggagamot na si K, na ang lalò niyang pinagsisikapan ay ang sakít ng̃ mg̃a batà, kayâ’t pinang̃anlán siyang Herodes.... Iyan ang mayamang si L, na walâng násasabisabi kundî ang kaniyang mg̃a kayamanan at mg̃a balaid.... ang makatàng si M, na lagì nang tumutukoy sa mg̃a bituin at sa mg̃a bagaybagay ng̃ dako pa roon.... Hayán ang magandáng asawa ni N, na palagìng nátatagpûáng walá ang asawa kung dínadalaw ni Padre Q.... ang máng̃ang̃alakal na hudiong si P, na isáng libong piso ang dalá nang pumarito at ng̃ayó’y mayroon nang mg̃a ang̃awang̃aw.... Iyong may mahabàng balbás ay ang manggagamot na sí R, na yumamang hindî dahil sa pagpapagalíng kundî sa paggawâ ng̃ maysakít....
—¿Gumágawâ ng̃ maysakít?
—Oo, sa pagsisiyasat sa mg̃a nasusundalo.... ¡huwag kayóng kumilos! Iyang kagalanggalang na ginoo na maayos ang pagkakabihis, ay hindî médiko, ng̃unì’t isáng manggagamot sui generis; tagláy níyang buongbuô ang similia similibus.... Ang kapitán sa kawal na kabayuhan na kaniyáng kasama ay siyá niyáng pinakagigiliw sa mg̃a nag-aaral sa kaniyá.... Iyáng may suot na putîán at ang sambalilo’y nakakiling, ay ang kawaníng si S, na ang batayán ay ang kailan ma’y huwag magpakita ng̃ ugalìng magalang at muhîngmuhî kapag nakakita ng̃ isáng sombrero na nakapatong sa ulo ng̃ ibá; sinasabing ginagawâ niyá ang gayón upang huwág mábilí ang mg̃a sombrerong alemán.... Iyáng dumaratíng na kasama ang kaniyáng ának ay ang mayamang máng̃ang̃alakal na si C, na kumikita ng̃ mahigít sa isáng daang libo.... ng̃unì’t ¿anó ang wiwikàin mo kung sabihin ko sa iyó na may utang pa sa aking apat na piso, [204]limangsikapat at labíngdalawang kualta? Ng̃unì’t sino ba namán ang sising̃íl sa isáng mayamang gaya niyan?
—¿May utang sa inyó ang ginoong iyan?
—¡Mangyari! isáng araw ay iniligtás ko siyá sa isáng kagipitan; isáng biyernes, iká pitó’t kalahatì ng̃ umaga; naaalala ko pa; hindî pa akó nakapag-aagahan noon.... Ang babaing iyan na sinusundán ng̃ isáng matandâng babai rin ay si Pepay na mánanayaw.... ng̃ayó’y hindî na nagsasayáw sapul ng̃.... ipinagbawal sa kaniya.... ng̃ isáng ginoong napakakatóliko at matalik kong kaibigan...... Náriyan ang bulugang si Z; matitiyák na sumúsunód kay Pepay upang itó’y pasayawíng mulî. Isáng mabuting tao na matalik kong kaibigan, walâ kundî isáng kapintasan: siyá’y mistisong insík at nagpapanggáp na tagá España. ¡Sst! Tingnán mo si Ben-Zayb, iyáng mukhâng prayle, na may daláng lapis sa kamáy at isáng balumbóng papel, iyán ang dakilàng manunulat na si Ben-Zayb, matalik kong kaibigan; may isáng katalinuhan!....
—Mawalâng galang sa inyó ¿at iyáng muntîng tao na may mg̃a patillang putî?....
—Iyán ang naghalal sa kaniyáng tatlóng anák na babai, iyang tatlóng malilíít, na mg̃a auxiliar de Fomento upang makasing̃il ng̃ sahod sa talàan ng̃ Pamahalàan...... Iya’y isáng ginoong matalas ang pag-iisip, ng̃unì’t nápakatalas! gagawâ ng̃ isáng kaululán at ibibintáng.... sa ibá; bibilí ng̃ isáng barò at ang nagbabayad ay ang kabangbayan. Matalas, matalas na matalas, ng̃unì’t nápakatalas!....
Si Tadeo ay nápahintô.
—¿At iyáng ginoong may astâng mabang̃ís at ang lahát ng̃ tao’y tiningnán ng̃ paalipustâ?—ang tanóng ng̃ baguhan na itinurò ang isáng taong iginagaláw na mapalalò ang ulo.
Ng̃unì’t si Tadeo ay hindî sumagót, inihabà ang liig upáng tanawín si Paulita Gómez na dumáratíng na kasama ang isáng kaibigan, si aling Victorina at si Juanito Pelaez. Binigyán silá nitó ng̃ isáng palco at lalò pa mandíng kubà kay sa karaniwan.
Datíng at datíng ang mg̃a sasakyán, dumáratíng ang mg̃a artista na sa ibáng pintûan ang pasok at sinúsundán ng̃ mg̃a kaibigan at mg̃a ligaw.
[205]Nang si Paulita’y makapasok ná ay nagpatuloy si Tadeo:
—Iyán ang mg̃a pamangkíng babai ng̃ mayamang si kapitáng D, iyáng nang̃akasakáy sa landó, ¿nakikita mong napakagandá’t napakainam ng̃ pang̃ang̃atawán? Sa loob ng̃ iláng taón marahil ay pawàng patáy na ó balíw.... ayaw si kapitáng D, na silá’y mang̃ag-asawa, at nahahalatâ na sa mg̃a pamangkín ang pagkakahawa sa kabaliwán ng̃ amaín.... Iyan ang binibining E, ang magmamana ng̃ isáng malakíng kayamanan, na pinag-aagawán ng̃ mundó at ng̃ mg̃a kombento... ¡Huwag kang umimík! ¡iyan ay nákikílala ko! ¡si Padre Irene! nakabalat-kayô, may miyas na huwad lamang! ¡Nakikilala ko dahil sa kaniyang ilóng! ¡At siya pa namáng labanglaban!....
Gulilát na tiningnán ng̃ baguhan at nákitang nákanlóng ang isáng lebita na mabuti ang tabas sa isáng pulutóng ng̃ mg̃a babai.
—¡Ang tatlóng Parka!—ang patuloy ni Tadeo ng̃ mákitang dumaratíng ang tatlóng dalagang mg̃a yayát, mabutó, nang̃ang̃alumatá, maluluwang ang bibíg at masagwâ ang bihis,—ang mg̃a pang̃alan niyan....
—¿Atropos?—ang mahinàng sabi ng̃ baguhan na ibig magpakitang siya’y may kauntîng kaalamán, kahì’t sa mitolohiya man lamang.
—Hindî, tao ka, ang mg̃a pang̃alan niyan ay mg̃a binibini ni Balcón, mg̃a mapamintás, mg̃a matatandâng dalaga, mamumulà.... Ang lahát ay kinamumuhîan, ang mg̃a lalaki, ang mg̃a babai, ang mg̃a batà.... Ng̃unì’t tingnán mo’t sa piling ng̃ kasamàán, ay inilalagáy ng̃ Dios ang lunas, kung minsan ng̃â lamang ay náhuhulí. Sa likód ng̃ mg̃a Parca, na panakot sa bayan, ay dumaratíng ang tatlóng iyan, na ipinagmamalakí ng̃ kaniláng mg̃a kaibigang kinabibilang̃an ko. Iyang binatàng payát na malalakí ang matá, hukód ng̃ kauntì na ang kilos ay madalás dahil sa hindî umabot ng̃ billete, iyan ay ang kímikong si S, sumulat ng̃ maraming pagsusurì at mg̃a gawàing ukol sa karunung̃an na ang ilán ay nagtamó ng̃ gantíng palà at nábantóg na lahát; ang sabi ng̃ mg̃a kastilà sa kaniya’y maaasahan, maaasahan.... Ang umaawat sa kaniya na ang tawa’y gaya ni Voltaire ay ang makatàng si T. batàng matalino, matalik kong kaibigan, at dahil ng̃â sa kaniyang katalinuhan ay itinapon ang panitik. Ang isá na [206]nagpapalagáy na silá’y makipasok sa mg̃a artista sa isáng pintùan ay ang binatàng manggagamot na si M, na nakagawâ na ng̃ maraming mabubuting paggamót; siya man ay sinabi ring maaasahan.... hindî lubhâng kubà na gaya ni Pelaez, ng̃unì’t higít dito sa katalasan at lalò pang palabirô. Inaakalà kong sampûng si kamatayan ay hinihilo at pinagsisinung̃aling̃án.
—¿At iyang ginoong kayumanggí na ang miyas ay warì’y tutsáng?
—¡A! iyan ang máng̃ang̃alakál na si F, na ang lahát ng̃ bagay ay pinagdadayàan, sampû ng̃ kaniyang fe de bautismo; pinagpipilitan niyang magíng mistisong kastilà sa lahát ng̃ paraan at iniuubos ang boong kaya upáng malimot ang sarili niyang wikà.
—Dátapwâ’y nápakapuputî ang kaniyang mg̃a anák na babai....
—¡Oo, at iyan ng̃â ang sanhî kung bakit mataás ang halagá ng̃ bigás, gayóng walâ namáng kinakaìn iyan kundî tinapay!
Hindî malinawan ng̃ baguhan ang pagkakálahók ng̃ halagá ng̃ bigás sa kaputîan ng̃ mg̃a dalagang iyon.
—Náriyan ang lumilígaw, iyáng binatàng payát, kayumanggí, ang lakad ay mahinay na sumúsunód sa kanilá at bumatìng anyông mapag-ampón sa tatlóng magkakaibigang nang̃agtátawá sa kaniya.... iyá’y isáng nagbábatá nang dahil sa kaniyáng mg̃a akalà, sa kaniyáng panununtón sa násabi.
Ang baguhan ay nagtagláy ng̃ paghang̃à at paggalang sa binatà.
—May kilos hang̃al, at hang̃ál ng̃âng sadyá,—ang patuloy ni Tadeo—tubò iyan sa S. Pedro Makatí at dî gumágamit ng̃ maraming bagay: kailan ma’y hindì naliligò ni hindî tumítikím ng̃ baboy, sapagkâ’t sang-ayon sa sabi niya’y hindî kumakain noon ang mg̃a kastilà at dahil din sa katwirang iyon ay hindî kumakain ng̃ kanin, patís ni bagoong, kahi’t na siya mamatáy ng̃ gutom at magtulô ang kaniyáng laway.... Lahát ng̃ galing sa Europa, bulók ó naíimbák, ay masaráp na masaráp sa kaniya, at may isáng buwan pa lamang na iniligtás siya ni Basilio sa isáng pamamagâ ng̃ sikmurà: kumain ng̃ isáng pasôpasôang kelwâ upang ipakílalang siyá’y europeo!
[207]Nang mg̃a sandalîng iyón ay nagsimulâ ang orkesta sa pagtugtóg ng̃ isáng balse.
—¿Nákikita mo ang ginoong iyán? ¿iyáng payagót na bíbilíng-bilíng ang ulo at nagháhanáp na siyá’y batìin? Iyán ang bantóg na Gobernador sa Pangasinán, isáng taong hindî makakain kapag may isáng indio na hindî nagpugay sa kaniyá.... Kauntî nang mamatáy kung dî nálagdâ ang bando ng̃ pagpupugay na siyáng sanhî ng̃ kaniyáng kabantugan. ¡Kaawà-awàng tao! may tatlóng araw pa lamang na kagagaling niyá sa lalawigan at ¡gaano na ang ipinang̃ayayat! ¡o! ¡nariyán ang dakilàng tao, ang dî matingkalâ, ibukás mo ang iyóng mg̃a matá!
—¿Sino? ¿Iyang nakakunót ang kilay?
—Oo, iyán ang si D. Custodio, ang labusáw na si Don Custodio, nakakunót ang kilay sapagkâ’t may iniisip na makabuluháng panukalà.... ¡Kung maisásagawâ lamang ang lamán ng̃ kaniyáng utak ay ibá sana ang lakad! ¡Ah! ¡náririto’t dumáratíng si Makaraig, ang iyóng kasambaháy!
Tunay ng̃â, dumáratíng si Makaraig na kasama si Pecson, si Sandoval at si Isagani.
Nang makita silá ni Tadeo ay sumalubong at binatì silá.
—¿Hindî ba kayó paparito?—ang tanóng ni Makaraig.
—Walâ na kamíng inabot na billete....
—Mabuting pagkakátaón, mayroón kamíng isáng palko—aní Makaraig—si Basilio ay hindî makapaparito.... sumama na kayó sa amin.
Hindî na naantáy ni Tadeo na ulitin ang anyaya. Ang baguhan, sa pang̃ing̃ilag na makagambalà, dalá ng̃ katakutang tagláy ng̃ sino mang provinciano, ay nagdahilán at hindî nagawâng siya’y mapapasok.
Ang anyô ng̃ dulàan ay masimbuyó; punôngpunô, at sa entrada general, sa mg̃a daanan ay maraming tao ang nákikitang nakatayô, nagkakahirap sa pagtataás ng̃ ulo ó makasílip man lamang sa pagitan ng̃ isáng liíg at isáng taing̃a. Ang mg̃a palkong walâng takíp, na ang karamihan [208]ay punô ng̃ mg̃a babai, ay nag-áanyông pangnán ng̃ bulaklák, na ang mg̃a talulot ay pinagágaláw ng̃ mahinàng simuy (ang tinutukoy namin ay ang mg̃a pamaypáy) at doo’y naghuhumbahan ang libo-libong hayophayupan. Sa dahiláng may mg̃a bulaklák na masasaráp ó matitindí ang amóy, mg̃a buláklák na pumápatáy at mg̃a bulaklák na nakaáalíw, sa mg̃a pangnán ng̃ ating dulàan ay nasasamyô rin ang mg̃a gayóng amóy, nakadiding̃ig ng̃ mg̃a salitàan, usapan, mg̃a salitâng sumísigíd at ng̃umang̃atng̃át. May tatló ó apat na palko lamang ang walâng lamán kahì’t nápakagabí na; ikawaló’t kalahatì ang takdâng pagsisimulâ ng̃ palabás, ng̃unì’t kulang na lamang ng̃ labínglimáng minuto sa ika siyám ay hindî pa itinátaás ang tabing sapagkâ’t ang Capitan General ay hindî pa dumáratíng. Ang mg̃a nasa entrada general, iníp na’t sikî sa kaniláng mg̃a uupán, ay nanggúguló na’t nag-íing̃áy sa kápapadyák at kápapalò ng̃ mg̃a tungkód sa tuntung̃an.
—¡Bum, bum, bum! ¡buksán na ang tabing! ¡bum, bum, bum!
Ang mg̃a artillero ay siyáng lalòng maiing̃ay. Ang mg̃a kaagáw ni Marte, gaya ng̃ tawag sa kanilá ni Ben-Zayb, ay hindî nasisiyahan sa tugtuging itó; sapagkâ’t inaakalà marahil na silá’y nasa sa isáng “plaza de toros” ay binabatì ang mg̃a babaing magdaan sa kaniláng harap ng̃ mg̃a salitâng dahil sa pabaligtád na banggít ay tinatawag na bulaklák, sa Madríd, gayóng kung minsan ay nang̃ahahawig sa umaaling̃asaw na yamutmót. Hindî pinápansín ang mg̃a pagalít na ting̃ín ng̃ mg̃a asawa at ipinahahayag nang malakás ang mg̃a damdamin at mg̃a pagnanasàng pinabubukál sa kaniláng kalooban ng̃ gayóng karaming kagandahan....
Sa mg̃a butaka, na warìng kinatatakutang babâán ng̃ mg̃a babai, sapagkâ’t walâ roón ni isá man sa kanilá, ay isáng aling̃áwng̃áw nang bulongbulung̃an ang naghaharì, tawanang pinipigil, sa gitnâ nang ulap na asó.... Pinagtátalunan ang kabutihan ng̃ mg̃a artista, pinag-uusapan ang mg̃a kaguluhan, na ang General ay nakipagkagalít sa mg̃a prayle, na kung ang pagparoon ng̃ General sa palabás na iyon ay isáng paghamon ó isáng pagnanasà lamang na makákita; hindî ang mg̃a bagay na itó ang iniisip ng̃ ibá kungdî ang akitin ang paning̃in ng̃ mg̃a babai sa tulong ng̃ pag-upông mabikas, [209]na warì’y mg̃a estatua, at pinagágaláw ang mg̃a suót na singsíng, lalònglalò na kung inaakalàng silá’y tinutudlâan ng̃ walâng humpáy na kátiting̃ín ng̃ isáng largabista; ang ibá’y bumabatì sa gayóng babai ó binibini na iniyuyukô ng̃ kauntî ang ulo, samantalang ibinúbulóng sa kalapít na:
—¡Kakutyâkutyâ! ¡nakaiinís!
Ang babai’y sásagot sa pamagitan ng̃ lalòng masaráp niyáng ng̃itî at isáng kalugódlugód na galaw ng̃ ulo, at bumubulóng sa kaibigang nakikisang-ayon, sa pagitan ng̃ dalawáng galáw na banayad ng̃ pamaypáy, na:
—¡Napakamahang̃in! Ulól na sa pag-ibig.
Samantala namá’y dumádalas ang kápapalò: ¡bum, bum, bum! ¡tok-tok-tok! walâ nang nátitiráng walâng lamán kungdî dádalawáng palko at ang sa General na natatang̃ì dahil sa mg̃a tabing na tersiopelong pulá. Ang orkesta ay tumugtóg ng̃ isá pang balse, ang taong naroroón ay tumututol; mabuti na lamang at dumatíng ang isáng maawâíng magitíng na nakalibáng sa madlâ’t nakapagligtás sa may arì ng̃ palabás; isáng ginoong umupô sa isáng butaka at ayaw tumindíg ng̃ dumatíng ang may-arì ng̃ luklukan, na dilì ibá’t ang mapagbulaybulay na si D. Primitivo. Nang makita ni D. Primitivo na hindî makahinuhod sa taong iyón ang kaniyáng pang̃ang̃atwiran ay tinawag ang tagá-ayos.—¡Ayokong tumindíg! ang tugón ng̃ magitíng na lalaki na hiníhitít na payapàng payapà ang kaniyáng sigarilyo. Ang tagá-ayos ay lumapit sa namamahalà.—¡Ayokong tumindig! ang ulit at nagpakabuti sa pag-upô. Ang namamahalà’y umalís samantalang ang mg̃a artillero sa entrada ay sabáysabáy na umaawit ng̃:
—¡Sa hindî! ¡Sa oo! ¡Sa hindî! ¡Sa oo!
Ang taong iyon, na nápuná nang lahát, ay nag-akalàng ang pag-urong ay ikabababâ niya, kayâ’t nang̃unyapít sa butaka samantalang inuúlit ang kasagutan sa dalawáng veterana na tinawag ng̃ namamahalà. Alang-alang sa tinatagláy na katungkulan ng̃ naglalabán ay tinawag ng̃ mg̃a bantáy ang kabo, samantalang ang lahát ng̃ taong nároroon ay bumigáy ng̃ matindíng pagakpakan at pinupuri ang katigasan ng̃ ginoong iyon na patuloy rin sa pagkakaupô na warì’y isáng senador romano.
Náding̃íg ang pasuwítan at galít na luming̃ón ang ginoong [210]may matigás na kalooban sapagkâ’t inakalàng siya ang sinusutsután: náding̃íg ang takbuhan ng̃ mg̃a kabayo, náramdamán ang kilusán; ang sino man ay mag-aakalàng sumabog ang isáng himagsikan ó kun dî man ay isáng pagkakaguló; hindî, iníhintô ng̃ orkesta ang balse at tinugtóg ang marcha real; ang marang̃al na Capitán General at Gobernador nang sangkapulùan ang dumáratíng: hinanap siya ng̃ lahát nang matá, sinundán siya ng̃ ting̃ín, nawalâ at sa kahulíhulihan ay nátanáw sa kaniyáng palko, at, matapos na makating̃ín sa lahát ng̃ pook at magawâng mapalad ang ilán sa pamag-itan ng̃ isáng makapangyarihang batì, ay umupô na warìng isáng tao sa ibabaw ng̃ isáng sillón na nag-aantáy sa kaniya. Sakâ pa lamang humintô ang mg̃a artillero at tinugtóg ng̃ orkesta ang pasimulâ.
Ang ating mg̃a nag-aaral ay nasa isáng palkong katapát ng̃ kinalalagyán ng̃ mananayaw na si Pepay. Ang palkong itó’y handóg ni Makaraig na nakipag-alám na sa babai upang mapalambót si D. Custodio. Nang hapong iyon ay sumulat si Pepay sa bantóg na mamamalagáy, na nag-aantáy ng̃ kasagutan at tinipanáng magtagpô silá sa dulàan. Dahil dito, kahì’t na pinakalabánlabanan ni D. Custodio ang operetang pransés, ay naparoon din sa dulàan, bagay na nagíng sanhî ng̃ mg̃a pasaríng na pinatatamà sa kaniya ni D. Manuel, ang kaniyang malaon nang kalaban sa mg̃a pulong ng̃ Ayuntamiento.
—¡Naparito akó upang hatulan ang opereta!—ang tugón na warì’y isáng Catón na nasísiyahan sa sarilìng budhî.
Si Makaraig ng̃â ay nakikipaghudyatan sa ting̃ín kay Pepay na ang ibig sabihin nitó’y mayroong ipababatíd; at sa dahiláng masayá ang mukhâ ng̃ mánanayaw, ay sinasapantahà na ng̃ lahát na ang tagumpáy ay napagtibay na. Si Sandoval, na kararatíng pa lamang na galing sa pagdalaw sa ibáng palko, ay nagpatibay na ang kapasiyahan ay nagíng sang-ayon, at ng̃ hapon ding yaón sinurì ng̃ kataastaasang lupon at sinang-ayunan. Pawà ng̃âng kagalakang lahát; sampû ni Pecson ay nakalimot sa kaniyang pagka dî mapaniwalàín sa mabubuting balità dahil sa námamalas na si Pepay ay nakang̃itîng ipinakikita ang isáng sulat; si Sandoval at si Makaraig ay kapuwâ nagdudulután ng̃ maligayang batì, si Isagani lamang ang nátitiráng malamíg at bahagyâ nang máng̃itî.
[211]¿Anó ang nangyari sa binatà?
Nang pumasok si Isagani sa dulàan ay nakita si Paulita sa isáng palko at kinákausap ni Juanito Pelaez. Siya’y namutlâ’t sinapantahàng siya’y nagkamalî. Ng̃unì’t hindî, sadyâng ang binibini ang nároroon na bumabatì sa kaniya ng̃ isáng masaráp na ng̃itî samantalang ang magagandáng matá’y warìng humihing̃îng tawad at nang̃ang̃akòng isásaysáy ang sanhî noon. Sadyâ ng̃âng siláng dalawá’y nagkásundô na si Isagani muna ang papasok upang tingnán kung sa palabás ay walâng anománg hindî nárarapat mápanood ng̃ isáng binibini, at sakâ ng̃ayón ay nátagpûán doon na kasama pa namán ng̃ kaniyang kaagáw. Ang dumanas sa káluluwa ni Isagani’y hindî maisasaysáy: galit, panibughô, pagkaduhagi, pagdaramdám, ang bumayó sa kalooban ng̃ binatà: may sandalíng ninasà na ang dulàan ay gumuhô; tinangkâng humalakhák ng̃ malakás, alimurahin ang kaniyáng iniíbig, hamunin ang kaniyáng kaagáw, gumawâ ng̃ guló, ng̃unì’t ang nayarì sa kaniyáng loob ay ang umupông dahandahan na lamang at huwag tingnán ni minsan ang binibini. Nádiding̃íg ang mg̃a munakalà nina Makaraig at Sandoval, ng̃unì’t warìng sa kaniya’y malalayòng aling̃áwng̃áw ang gayón: ang mg̃a himig ng̃ balse ay warìng malulungkót at nakahahambal sa ganáng kaniya; ang mg̃a nároroon ay pawàng hungháng at balíw, at makáilang kinaílang̃an niya ang magpígil upang maimpít ang pagluhà. Bahagyâ na niyáng nápuná ang nangyari sa ginoong ayaw tumindíg sa butaka at ang pagdatíng ng̃ Capitan General; ang tinátanáw niya ay ang tabing ng̃ paglálabasán na may pintáng anyông dáanan, sa pag-ítan ng̃ malalakíng tabing na mapupulá, na tanáw sa isáng hálamanáng sa gítnâ’y may daluyán ng̃ tubig. ¡Gaano kalungkót, sa warì niya, ang daanang yaon at gaano kalamlám nang anyô nang tánawin! Libo-libong pagbubulay na walâng linaw ang sumísipót sa kaniyang alaala, na warì’y malalayòng ulinigníg ng̃ tugtugang nádiding̃íg sa kinágabihán, warì’y himig ng̃ isáng awit ng̃ panahón ng̃ kabatàan niya, aling̃awng̃áw ng̃ ulilang kagubatan at mapapangláw na batisan, mg̃a gabíng may buwan sa tabí ng̃ dagat na nalalatag ng̃ boong kalaparan sa haráp ng̃ kaniyáng paning̃ín.... At ang umiibig na binatàng nag-aakalang nápakasawîng palad siyá ay tuming̃áting̃alâ sa bubung̃án upang ang mg̃a paták ng̃ luhà’y huwag makapulás sa kaniyáng mg̃a matá.
[212]Isáng matindíng pagakpakan ang nakapukaw sa kaniyang pag-íisíp.
Kabubukás pa lamang ng̃ tabing at náharap sa kaniyang mg̃a matá ang masayáng pulutóng ng̃ mg̃a taong bukid sa Corneville na nang̃akasuot ng̃ gorrang bulak at mabibigát na bakyâng kahoy ang nasa paá. Ang mg̃a babai, mg̃a anim ó pitóng dalaga, na may pahid na pulá sa mg̃a pisng̃i’t labì, may malalaking guhit na itím sa paligid ng̃ matá upang lalòng pakinang̃ín itó, ay ipinamamalas ang kaniláng mapuputîng bisig, mg̃a dalirìng punô ng̃ brillante at mg̃a hitàng mabibilog na warì’y nilalik. At samantalang inaawit ang mg̃a salitâng normando na allez, marchez! allez, marchez! ay nang̃akang̃itî ng̃ tiyakan sa mg̃a nasa butakang umiirog sa kanilá, kayâ’t matapos na makating̃ín si D. Custodio sa palko ni Pepay, na warì’y ibig matunayang hindî itó gumagawâ ng̃ gayón din sa ibáng nang̃ing̃ibig, ay itinalâ sa kaniyáng kalupî ang kahalayang iyón, at upang lalò pang matunayan ay iniyukô pa ng̃ kauntì ang ulo upang mákita kung ang ipinatatanáw ng̃ mg̃a artistang babai ay umaabot hanggang tuhod.
—¡O, ang mg̃a pransesang itó!—ang kaniyáng bulong, samantalang ang pag-iisip ay nagbubuko ng̃ mg̃a pagpaparisparis at panukalà sa isáng dakong mataástaas pa ng̃ kauntì.
Quoi v’lá tous les cancans d’la s’maine!.... ang awit ni Gertrude, isáng magandáng dalaga na sumusulyáp ng̃ makahulugáng sulyáp sa Capitán General.
—¡Magkákaroón tayo ng̃ cancan!—ang bulalás ni Tadeo, ang nakakuha ng̃ unang gantíng palà sa pransés sa kaniyáng klase, at nakaulinig ng̃ tinurang salitâ.—Mang̃agsásayáw ng̃ cancan, Makaraig.
At masayáng pinagkumos ang kaniyáng mg̃a kamáy.
Sapól ng̃ buksán ang tabing ay hindî inaalumana ni Tadeo ang tugtugin; walâ siyáng hinahanap kundî ang kahalayan, ang bagay na malaswâ, ang salaulàng anyô at kagayakan, at sa tulong ng̃ kauntîng pransés na kaniyáng nalalaman ay tinatalasan ang pangding̃íg upang huwág mápalampás ang mg̃a salitâng malalansá na ipinamalità ng̃ mg̃a mahihigpít na tagá ayos ng̃ bayan.
Si Sandoval, na nagsasabing mabuti siyá sa pransés, ay nagíng warì tagasalin ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan. Gaya rin [213]ng̃ nalalaman ni Tadeo ang kaniyáng abót, ng̃unì’t malakí ang naitutulong sa kaniyá ng̃ mg̃a salaysáy ng̃ katuturán na inilathalà ng̃ mg̃a pahayagan, at ang ibá pa’y natatakpán na ng̃ sarili niyáng bulaybulay.
—Oo—aniyá—mang̃agsásayáw ng̃ kankán at ang babai ang siyáng mamámahalà.
Si Makaraig at si Pecson ay humandâ na sa pakikimatyág at nang̃akang̃itî na hindî pa man. Si Isagani’y sa ibáng poók tuming̃ín, nakukutyâng si Paulita ay nakádaló sa gayóng pagtatanghál, at iniisip na dapat hamunin ng̃ patayan sa kinabukasan si Juanito Pelaez.
Ng̃unì’t walâng napalâ ang káaantáy ng̃ ating mg̃a binatà. Dumatíng si Serpolette, isáng kaigaigayang dalaga, na tagláy rin ang gorrang bulak, na nangháhamón at matapang;
Hein! qui parle de Serpolette?
ang tanóng sa mg̃a dalahirà, at ang kamáy ay nasa baywáng at ang astâ’y matapang. Isáng ginoo ang pumagakpák at pagkatapos ay sumunód ang lahát nang nasa butaka. Si Serpolette, kahì’t hindî iniiwan ang anyô niyáng makisig na babai, ay tuming̃ín sa unang pumagakpák at ginantí itó ng̃ isáng ng̃itî, na nagpakita ng̃ maliliít niyáng ng̃ipin na warì’y isáng collar na perlas na nakasilíd sa isáng lalagyáng tersiopelong pulá. Sinundán ni Tadeo ang ting̃ín at nakita ang isáng ginoo, na may balátkayông miyas at may isáng nápakahabàng ilóng.
—¡Voto al chápiro!—aniya—¡si Irenillo!
—Oo—ang sagót ni Sandoval—nakita ko sa loob, na kausap ng̃ mg̃a artistang babai.
Siya ng̃â, si P. Irene, na isáng mawilihíng lubhâ sa músika at nakatatahô nang pransés, ay pinaparoon ni P. Salvi sa dulàan na warì’y isáng polisíya sekreta; gayón ang kaniyáng sabi sa mg̃a taong sa kaniya’y makákilala. At gaya ng̃ mabubuting mánunurì na hindî nasísiyahang tingnán mulâ sa malayò ang mg̃a bagaybagay, ay tinangkâ niyáng siyasatin sa malapit ang mg̃a artista; nakihalò sa pulutóng ng̃ mg̃a mangliligaw at makikisig, pumasok sa bihisán na pinagdadausan ng̃ mg̃a satsatan at ang wikàng pransés na ginagamit ay papilipít, wikàng tindáng pransés, salitâng malinaw na malinaw sa babaing nagtítindá kailan ma’t ang mamímilí ay laan sa pagbabayad ng̃ mabuti.
[214]Si Serpolette ay nalilibid ng̃ dalawáng makiyas na opisial, ng̃ isáng mangdaragát at ng̃ isáng abogado, nang mákitang súsubóksubók at pumapasok sa lahát ng̃ pook at mg̃a puwang ang isáng mahabàng ilóng na warìng sa tulong noón ay sinisiyasat ang mg̃a kababalaghán ng̃ palabasan.
Pinigil ni Serpolette ang pagsasalitâ, ikinunót ang kílay, itinaas, binuksán ang bibig, at dalá ang kaliksihán nang isáng parisien ay iníwan ang mg̃a humahang̃à sa kaniya at tinakbóng warì’y isáng torpedo ang ating mánunurì.
—Tíens, tíens, Toutau! mon lapín!—ang bulalás na hinawakan sa bisig si P. Irene at masayáng inalóg-alóg itó samantalang ipinaíilanláng sa hang̃in ang kaniyáng matagintíng na tíng̃ig.
—Chut, chut!—ang sabi ni P. Irene na nagpupumilit makapagkanlóng.
—Mais, comment! toi ici, grosse bête! Et moi qui t’croyais....
—’Fais pas d’tapage, Lily! ¡il faut m’respecter! ’suis ici l’Pape!
Lubhâng naghirap muna si P. Irene bago napahinuhod ang babai. Ang masayáng si Lily ay lubhâng enchantée sa pagkakatagpô sa Maynilà sa isáng dating kaibigan na nagpapaalaala sa kaniya ng̃ mg̃a coulisses ng̃ dulàan ng̃ Grande Opera. At yaón ng̃â ang dahil kung kayâ’t si P. Irene, sa pagtupád sa kaniyang katungkulang pagiging kaibigan at pagkámanunurì, ay nagsimulâ ng̃ isáng pagakpakan upang mapalakás ang loob ng̃ babai: karapatdapat namán si Serpolette sa gayón.
Samantala’y ináantáy ng̃ ating mg̃a binatà ang kankan; si Pecson ay nagkakandidilat, mayroon ng̃ lahát ng̃ bagay, ang kankán lamang ang walâ. Nagkaroon ng̃ isáng sandalî na kung hindî dumatíng ang isáng taong may katungkulan ay magpapanuntukan na sana ang mg̃a babai, mang̃agsasábunutan, dahil sa udyók ng̃ mg̃a taong nag-aantáy, gaya ng̃ ating mg̃a nag-aaral, na makakita ng̃ higít pa kay sa isáng kankán.
Scit, scit, scit, scit, scit, scit,
Disputez-vous, battez-vous,
Scit, scit, scit, scit, scit, scit,
Nous allons compter les coups.
[215]Ang tugtugin ay humintô, nang̃agsialís ang mg̃a lalaki, untîuntîng bumalík ang mg̃a babai at nagsimulâ silá sa isáng pag-uusap na walâng nalinawang anomán ang ating mg̃a kaibigan. Ang pinag-uusapan ay pagsírà sa isáng hindî kaharáp.
—¡Animo’y mg̃a makáw sa magpapansít!—ang sabing marahan ni Pecson.
—¿At ang kankan?—ang tanóng ni Makaraig.
—¡Pinagtatalunan ang pook na lalòng bagay na pagsayawán!—ang tugóng walâng katawatawa ni Sandoval.
—¡Animo’y mg̃a makáw sa magpapansít!—ang ulít ni Pecson na masamâ ang loob.
Isang babaing kasama ang asawa ay pumasok ng̃ mg̃a sandalîng iyon at lumuklók sa isá ng̃ dalawâng palkong walâng lamán.
Ang galáw ay warì’y reina at tinítingnán nang pawalâng bahalà ang boong salas na warìng ang ibig sabihin ay: “Náhulí pa akó kay sa inyó, talaksán ng̃ mg̃a tiwalî at malalayò sa tunóg ng̃ kampanà, dumatíng akóng hulí pa kay sa inyó”. Tunay ng̃â, may mg̃a taong pumaparoon sa mg̃a dulàan na kagaya ng̃ mg̃a burro sa takbuhan: nananalo ang hulíng dumatíng. Nakakikilala kamí ng̃ mg̃a taong lubhâng matitinô na aakyát na muna sa isáng bibitayán kay sa pumasok sa loob ng̃ dulàan bago simulán ang unang bahagi. Ng̃unì’t ang katuwàan ng̃ babai’y hindî nagluwát; nakita ang isáng palko na walâ pang lamán; ikinunót ang kilay at kinagalitan ang kaniyáng mahál na kabiyák at nag-ing̃áy nang dî gayón na lamang kayâ’t ang maraming nároón ay nang̃ayamót.
—¡Sst! ¡sst!
—¡Ang mg̃a hang̃ál! warì’y marurunong ng̃ pransés!—anáng babai na tuming̃ín ng̃ lubós na paalipustâ sa lahát ng̃ dako at tumitig sa palko ni Juanito na sa akalà niya’y doon náding̃íg na nagbuhat ang isáng walâng pitagang sst.
Sadyâ ng̃âng si Juanito ay may kasalanan; sa simulâ pa’y kunwarìng nauunawà niyáng lahát at umaastâng ng̃uming̃itî, tumatawa at pumapagakpák ng̃ tamà, na warìng walâng nakakakawalâ sa kaniyá sa mg̃a sinasabi. Gayóng hindî siyá umaalinsunod sa kilos ng̃ mg̃a artista sapagkâ’t bahagyâ ng̃ tumanáw sa pinaglalabasán. Sinasadyâ ng̃ mapagbirô [216]ang pagsasabi kay Paulita, na, dahil sa mayroon namáng lalò pang magagandá ay ayaw siyáng mapagod sa pagting̃ín sa malayò.... Si Paulita ay namumulá, tinatakpán ng̃ pamaypáy ang mukhâ at palihím na tumiting̃ín sa kinalalagyán ni Isagani, na hindî tumatawa ni pumapagakpák at nanonood na hindî pinúpuná ang palabás.
Si Paulita ay nagdamdám ng̃ samâ ng̃ loob at panibughô; ¿naiibigan kayâ ni Isagani ang mg̃a mapanuksóng mg̃a artistang iyon? Ang pag-aakalàng itó’y nakapagpasamâ ng̃ kaniyáng ulo kayâ’t bahagyâ nang nading̃íg ang mg̃a pagpuring ginawâ ni aling Victorina kay Juanito.
Gináganáp na mabuti ni Juanito ang kaniyáng tungkulin; maminsan minsan ay umíilíng, tandâ ng̃ dî kasiyahang loob, at sa gayón namán ay nakadíding̃íg ng̃ ubuhan, alíng̃awng̃áw sa iláng pook; kung minsan ay ng̃umíng̃itî, tumátang̃ô at makaraan ang sandalî’y umuugong ang pagakpakan. Si aling Victorina ay wilíngwilí at nagkaroon na tulóy ng̃ hang̃ad na pakasal sa binatà sa araw na si D. Tiburcio ay mamatáy. ¡Si Juanito ay marunong ng̃ pransés at si de Espadaña ay hindî! ¡At nagsimulâ na sa pagpapatanáw ng̃ lambíng sa binatà! Ng̃unì’t hindî nápupuná ni Juanito ang pagbabagong lakad, dahil sa minamatyagán ang isáng mang̃ang̃alakal na katalán na nasa siping ng̃ konsul na suiso: si Juanito na nakakita sa kanilá na nag-uusap sa wikàng pransés ay umaalinsunod sa nábabakás sa mukhâ ng̃ dalawá at sa gayóng paraan ay nakapang-úulól ng̃ buông buô.
Nagsunód sunód ang mg̃a pangyayari, ang mg̃a tao’y nagsunód sunód sa paglabás, mg̃a masasayá at mapagpatawá gaya ng̃ bailli at ni Grenicheux, mg̃a dugông mahal at nakalúlugod gaya ng̃ markés at ni Germaine: ang mg̃a nanonood ay nagkátawanang mabuti dahìl sa tampál ni Gaspard na patungkol sa duwag na si Grenicheux ng̃unì’t ang nakátanggáp ay ang mahinahong bailli, sa peluka nitóng umilandang, sa kaguluhan at sa kaing̃ayan nang ibabâ ang tabing.
—¿At ang kankán?—ang tanóng ni Tadeo.
Ng̃unì’t agád na ìtínaas ang tabing at ang tagpûan ay nagíng anyông tiange ng̃ mg̃a alilà, may tatlóng halíging kinalalagyán ng̃ mg̃a sagisag at may daláng mg̃a pahayag na servantes, cochers at doméstiques. Sinamantalá ni Juanito ang pagkakátaón, [217]at, malakás na sinabi kay aling Victorina upang máding̃íg ni Paulita at itó’y manalig sa kaniyang karunung̃an.
—Ang kahulugan ng̃ servantes ay mg̃a sirviente, ang doméstiques ay doméstico....
—¿At anó ang kaibhán ng̃ mg̃a servantes sa mg̃a doméstiques?—ang tanóng ni Paulita.
Si Juanito’y hindî nang̃untî.
—Doméstiques ang mg̃a domesticado ó napaamò na: ¿hindî ba ninyó nápupuná na ang ilán ay may astâng taong gubat? Iyan ang mg̃a servantes.
—¡Siya ng̃a namán!—ang dugtóng ni aling Victorina—ang ilán ay may masasamâng kilos.... at ang akalà ko pa namán na sa Europa ay pawàng may máaayos na ugalì at.... ng̃unì’t sa dahiláng nangyayari sa Francia.... ¡nákikita ko na!
—¡Sst, sst!
Ng̃unì’t ang kagipitan ni Juanito ay nang dumatíng ang oras ng̃ pagtatawarán at binuksán ang halang, ang mg̃a alilàng nagpápaupá ay nang̃agsilagáy sa piling ng̃ kaníkaniláng mg̃a pahayag na nagpapakilala ng̃ kaniláng kinauukulan. Ang mg̃a alilà, mg̃a sampû ó labíng dalawá, na anyông magagaspáng, nang̃akasuót ng̃ librea at may daláng isáng sang̃áng maliit sa kamáy, ay nang̃agsilagáy sa ilalim ng̃ pahayág na domestiques.
—¡Iyán ang mg̃a maaamò na!—ang sabi ni Juanito.
—Tunay ng̃â na ang mg̃a astâ ay warìng hindî pa nalalaunan ang pag-amò—ang banggít ni aling Victorina—¡tingnán natin ang mg̃a hindî pa lubós na amô!
Makaraán yaón, ang labíng dalawáng dalaga na pinang̃ung̃uluhan ng̃ masayá’t maliksíng si Serpolette, na ang mg̃a suót ay ang lalòng maiinam niláng kagayakan, ang bawà’t isá’y may isáng malakíng kalang̃ì sa baywáng, masasayá, nang̃akang̃itî, malulusog ang katawán, mabighanì, ay nang̃agsilagáy sa piling ng̃ haligi ng̃ mg̃a servantes.
—¿Bakit?—ang tanóng na palagáy na palagáy ni Paulita—¿iyán bagá ang mg̃a taong bundók na inyóng sinasabi?
—Hindî—ang tugóng walâng katigatigatig ni Juanito—nang̃agkámalî.... nang̃agkápalít.... Iyáng mg̃a hulíng dáratíng.
—¿Iyáng mg̃a dumáratíng na may mg̃a daláng látigo?
[218]Patang̃ông sumagót ng̃ oo si Juanito na hindî mápalagáy at nagugulumihanan.
—¿Kung gayón ay ang mg̃a dalagang iyán ang mg̃a cochers?
Isáng nápakalakás na ubó ang sumagì kay Juanito na nakayamót tulóy sa iláng nanónoód.
—¡Lumayas iyán! lumayas ang natútuyô!—ang sigáw ng̃ isáng boses.
¿Natútuyô? ¿Tawagin siyáng natútuyô sa haráp ni Paulita? Ibig makita ni Juanito ang may masamâng dilà upang ipalamon dito ang pagkatuyô. At nang makitang humáhadláng ang mg̃a babai ay lalòng tumapang at lumakí ang loob. Salamat na lamang at si D. Custodio ang siyang nagsabi ng̃ tagláy na sakít at sa pang̃ing̃ilag na mápuna ay nagwawalâng bahalàng warì’y isinusulat ang pagtuligsâ sa dulâ.
—¡Kundî lamang kasama ko kayó!—ang sabi ni Juanito na pinagaláw ang mg̃a matá na gaya ng̃ iláng manikà na nagpapagaláw sa pabató ng̃ mg̃a orasán. At upang lalò pang máhawíg ay manakânakáng inilalawít ang kaniyang dilà.
Nang gabíng yaón ay nagíng matapang at mapuri siya sa matá ni aling Victorina kayâ’t ipinasiya na nitó sa loob ng̃ kaniyang dibdíb na pakasal sa kaniyá pagkamatáy na pagkamatáy ni D. Tiburcio.
Si Paulita ay untîuntîng lalòng nalulungkót dahil sa pag-íisíp na kung bakit ang mg̃a babaing iyon na tinatawag na cochers ay nakaaakit kay Isagani. Ang salitâng cochers ay nagpapaalaala sa kaniya ng̃ iláng bangít na ginagamit ng̃ mg̃a kolehiala upang ipahiwatig ang isáng warì’y damdamin kung silásilá ang nag-uusap.
Natapos din ang unang bahagi at dinalá ng̃ markés na parang alilà si Serpolette at si Germaine, ang nagtatagláy ng̃ anyông mahinhín ng̃ samahan, at pinakakotsero ang hang̃al na si Grenicheux. Isáng matunóg na pagakpakan ang nagpabalík na mang̃agkakawit sa kamáy, sa mg̃a artista, na may mg̃a iláng sandalî pa lamang ang kararaan na nang̃aghahabulán at nang̃ag-aaway; nang̃agsisiyukô sa lahát ng̃ dako ng̃ mairugíng nanonood na taga Maynilà at ang mg̃a babai’y nakipagtapunán ng̃ titig sa iláng nanonood na lalaki.
Samantalang naghaharì ang kaguluhan na gawâ ng̃ [219]mg̃a pag-uunahán sa pagtung̃o sa bihisán upang dulutan ng̃ maligayang batì ang mg̃a artista, at ng̃ mg̃a tumutung̃o namán sa mg̃a palko upang bumatì sa babai, ang ilán ay nagpapahayag ng̃ kaniláng mg̃a pasiyáng ukol sa dulà at sa mg̃a artista.
—Hindî mapag-aalinlang̃anang si Serpolette ang tang̃ìng mabuti—ang sabi ng̃ isá na umanyông matalino.
—Ibig ko si Germaine, isáng bulagáw na kaibigibig.
—¡Walâ namáng boses!
—¿At anó ba ang gágawín ko sa boses?
—Kung sa inam ng̃ katawán, ay ang mataas!
—¡Psh!—aní Ben-Zaib—ang lahát ay walâng kakabukabuluhán, walâ isá mang artistang matatawag.
Si Ben-Zayb ay siyáng mánunuligsâ ng̃ “El Grito de la Integridad” at ang kaniyáng anyông mapagpawalâng kabuluhán ay nagbibigáy sa kaniyá ng̃ katang̃ìan sa matá ng̃ mg̃a nasisiyahán na sa kakauntîng bagay.
—¡Ni si Serpolette ay may boses, ni si Germaine ay may kariktáng kumilos, ni iyan ay músika, ni arte, ni anómáng bagay na may kabuluhán!—ang ipinangtapós na salitâng ang anyô ay lubós na mapagwalâng bahalà.
Upang makapagpanggáp na mabuting manunuligsâ ay walâng ibáng mabuting paraan liban sa pintasán ang lahát. Dalawáng billete lamang ang ipinadalá ng̃ may arì ng̃ palabás sa Pásulatán.
Sa mg̃a palko’y ipinagtátanóng kung sino ang may arî ng̃ palkong walâng lamán. Linalùan noon ang lahát sa chic, sapagkâ’t siyáng hulíng dáratíng.
Hindî maalaman kung saan nagbuhat ang balità na ang palko ay kay Simoun. Ang bulung̃an ay napatunayan. Walâng nakákita sa manghihiyas ni sa butaka, ni sa bihisán, ni saan mang dako ng̃ dulàan.
—¡Dátapwâ’y nákita kong kasama ni Mr. Jouy kang̃inang hapon!—ang sabi ng̃ ìsá.
—At nag-alay ng̃ isáng pamuti sa liig sa isá sa mg̃a artistang babai....
—¿Sa kang̃ino sa kanilá?—ang tanóng ng̃ iláng babaing mausisà.
—Sa mabuti sa lahát, ang sinúsundán ng̃ ting̃ín ng̃ Capitán General.
[220]Ting̃inang makahulugán, kindatan, bulalás na pag-aalinlang̃an, pagpapatunay at mg̃a salitâng paputólputól.
—¡Ibig mag sa Monte-Cristo!—anáng isá na ibig masabing mapagbasá.
—¡O taga dulot-kailang̃an ng̃ Real Casa!—ang dugtóng ng̃ lumalang̃it sa nagsalitâ na naninibughô na kay Simoun.
Sa palko ng̃ ating mg̃a nag-aaral ay naiwan si Pecson, si Sandoval at si Isagani. Si Tadeo ay lumapit kay D. Custodio upang itó’y libang̃ín samantalang si Makaraig ay nakikipagkita kay Pepay.
—Walâ, gaya ng̃ sinabi ko sa inyó, kaibigang Isagani—ang pahayag ni Sandoval na nagkikilós ng̃ masagwâ, pinatatamís ang boses upang máding̃íg siya ng̃ mg̃a binibining nasa palkong kalapít, ang mg̃a anák ng̃ mayamang may utang kay Tadeo—walâ, hindî tagláy ng̃ wikàng pransés ang mayamang tunóg niyang sarìsarì at maalindóg na tagintíng ng̃ wikàng kastilà. Hindî ko mawarì, hindî ko mahakà, hindî ko malirip ang ayos ng̃ mg̃a mánanalumpatîng pransés at nag-aalinlang̃an akó sa paniniwalà na nagkaroon at magkaroon ng̃ alinsunod sa sadyâng kahulugán ng̃ salitâ, sa loob ng̃ sadyâng matatawag na mánanalumpatî. Sapagkâ’t huwag nating pagkámalan ang salitâng mánanalumpatî at salitâng mananatsát at madaldal. Sa lahát ng̃ bayan ay mangyayaring magkaroon ng̃ mg̃a mananatsát at madaldal, sa lahát ng̃ pook ng̃ sangsínukob na tinitirahan ng̃ tao, sa gitnâ ng̃ mg̃a malalamíg at walâng imík na mg̃a inglés, gaya rin namán sa malikót at maramdaming pransés....
At ipinatuloy ang isáng mainam na pagsasalaysáy ng̃ ukol sa mg̃a bayan na sinamahan ng̃ kaníkaniláng nakaiigayang mg̃a hilig at mg̃a tagurîng matagintíng. Si Isagani’y sumasang-ayon sa pamag-itan ng̃ pagtang̃ô, samantalàng inaalala si Paulita na kaniyáng náhuling nakating̃ín sa kaniyá ng̃ isáng ting̃íng nang̃ung̃usap at may ibig sabihing maraming bagay. Ibig hulàan ni Isagani ang tinuturing̃an ng̃ mg̃a matáng iyon; ¡iyón ang tunay na nagsasabi ng̃ maraming bagay at hindî mapanatsát!
—At kayó na isáng makatà na umaalinsunod sa tunóg at sukat, anák ng̃ mg̃a Musa—ang patuloy ni Sandoval na ikinumpáy ng̃ magandáng kilos ang kamáy, na warìng binatì sa abot ng̃ ting̃ín ang siyam na magkakapatíd—¿máaakalà [221]bagá ninyó na sa isáng wikàng nápakasalát at walâng katunógtunóg na gaya ng̃ pransés ay mangyayaring magkaroon ng̃ mg̃a makatàng nápakalalakíng gaya ng̃ ating mg̃a Garcilaso, ng̃ ating mg̃a Herrera, ng̃ ating mg̃a Espronceda at mg̃a Calderón?
—Gayón mán—ang banggít ni Pecson—si Victor Hugo....
—Si Victor Hugo, kaibigang Pecson, si Victor Hugo, sakalì’t makatà, ay sapagkâ’t utang niya sa España.... sapagkâ’t kilalá na, isáng bagay na hindî mapag-aalinlang̃anan, bagay na tinátanggáp ng̃ sampûng mg̃a pransés na nang̃aiingít sa España, na kung si Victor Hugo ay may mataas na pag-iisip, kung makatà, ay sa dahiláng sa Madrid siya nanirahan noong kaniyang kabatàan, doon násimsím ang mg̃a unang buko ng̃ pag-iisip, doon nabuô ang kaniyang utak, doon nagkakulay ang kaniyang paghahakà, ang kaniyang pusò’y naayos at sumipót ang mg̃a magagandáng buko ng̃ kaniyang pagkukurò. At sakâ ang isá pa ay ¿sino si Victor Hugo? ¿Maipapantáy bagá sa ating mg̃a bago....?
Ng̃unì’t ang pagdatíng ni Makaraig na ang anyô’y malungkót at may isáng mapaít na ng̃itî sa labì ay pumutol sa salaysáy ng̃ mánanalumpatî. Pigil ni Makaraig ang isáng papel na iniabót kay Sandoval nang walâng kaimík-imík.
Binasa ni Sandoval:
“Palapati: Ang sulat mo’y náhulí; iniharap ko na ang aking pasiya at sinang-ayunan. Gayón man, dahil sa warìng nahulàan ko na ang iyong nasà, ay linutas ko ang salitàan nang alinsunod sa nais ng̃ iyong mg̃a kinakandili.
Paparoon akó sa dulàan at aantabayanan kitá sa paglabás.
Ang iyong masuyòng lapati,
Custodining.”
—¡Kay buti ng̃ taong iyán!—ang bulalás ni Tadeo na halos malungkót.
—At ng̃ayón?—ang sabi ni Sandoval—walâ akong bagay na masamâng nakikita dito, kundî bagkús pa ng̃âng mabuti!
—Oo,—ang sagót ni Makaraig na ang ng̃itî’y mapaít—¡nalutas ng̃ sang-ayon sa kahiling̃an! ¡Katatapos ko pa lamang sa pakikipagkita kay P. Irene!
—¿At anó ang sabi ni P. Irene?—ang tanóng ni Pecson.
[222]—Gaya rin nang sabi ni D. Custodio, at nang̃ahás pa ang tampalasan na akó’y handugán ng̃ maligayang batì! Ang Lupong kumanyá ng̃ kapasiyahán ng̃ may palagay ay sang-ayon sa balak at naghahandóg ng̃ maligayang batì sa mg̃a nag-aaral dahil sa kaniláng pag-ibig sa ináng bayan at nasàng makapag-aral....
—¿Kung gayón?
—Lamang; sa pag-aalaala sa ating mg̃a gawâin, at upang huwag mapawakawak ang layon, ang sabi, ay inaakalàng nararapat na ang pamamahalà at pagsasagawâ ng̃ binabalak ay isakamáy ng̃ isá sa mg̃a “corporación,” kung sakalìng hindî ibigin ng̃ mg̃a dominiko na másama sa Universidad ang akademia.
Bulalás na samâ ng̃ loob ang sumalubong sa mg̃a salitâng itó: si Isagani ay tumindíg, ng̃unì’t waláng anománg sinabi.
—At upang mákitang tayo’y kalahók sa pamamahalà sa akademia—ang patuloy ni Makaraig—ay ipinagaganáp sa atin ang panining̃íl ng̃ mg̃a ambagan at abuloy, na katungkulan nating ibigáy sa isáng ing̃at-yaman na ihahalál ng̃ “corporacióng” mamámahalà, at ang ing̃at-yamang iyon ay magkakaloob sa atin ng̃ katibayan ng̃ pagkakatanggáp....
—¡Kung gayó’y magigíng kabisa tayo!—ang sabi ni Tadeo.
—Sandoval—ang sabi ni Pecson—naiyan ang guantes, saluhín ninyó!
—¡Puf! iyan ay hindî guantes, ng̃unì’t dahil sa amóy ay náwawankî sa isáng midiás.
—At ang lalòng mainam—ang patuloy ni Makaraig—ay ang turò ni P. Irene, na tayo’y magpigíng ó kayâ’y magdaos ng̃ isáng panapatang may mg̃a sulô, dahil sa pangyayari; isáng pagpapahayag ng̃ pagpapasalamat ng̃ mg̃a nag-aaral sa mg̃a taong nakilahók sa usap na itó.
—Siya ng̃â, matapos ang palò, ay umawit tayo at magpasalamat! Super flumina Babylonis sedimus!
—¡Oo, isáng pigíng na gaya ng̃ sa mg̃a bilanggô!—ang sabi ni Tadeo.
—Isáng pigíng na tayong lahát ay nakaluksâ at bumigkás tayo ng̃ mg̃a talumpatìng ukol sa patáy—aní Sandoval.
—Isáng panapatan na ang tutugtugín ay ang Marsellesa at mg̃a marcha fúnebre,—ang palagáy ni Isagani.
[223]—Huwag, mg̃a ginoo—ang turing ni Pecson na gamit ang kaniyáng tawang bung̃ô—upang ipagsayá ang pangyayari ay walâ ng̃ lalòng kapit kay sa isáng pigíng sa magpapansít na ang maglilingkód ay mg̃a insík na walâng barò, ng̃unì’t walâng barò!
Dahil sa ang palagáy ay lubós na mapang̃utyâ at nápakagaspáng ay tinanggáp; si Sandoval ang unaunang pumagakpák; malaon ng̃ ibig niyáng mákita ang loob ng̃ mg̃a tindahang iyon na kung gabí’y warìng masasayá at maraming tao.
At ang tumutugtóg pa namán nang orkesta upang simulán ang pang̃alawáng bahagi nang tumindíg ang ating mg̃a binatà na iniwan ang dulàan sa gitnâ ng̃ pagkakamanghâ ng̃ lahát ng̃ nároroon.
Si Simoun ng̃â ay hindî naparoon sa dulàan.
Sapól sa ika pitó ng̃ gabí ay umalís nang ligalíg at mapangláw sa kaniyang bahay: nakita siyang makálawáng pumasok na ang kasama’y ibá’t ibáng tao; ng̃ ika waló ay nakita siya ni Makaraig na may binábantayán sa daang Hospital, sa kalapít ng̃ konbento ng̃ Sta. Clara, nang kasalukuyang tinútugtóg ang mg̃a kampanà ng̃ simbahan; nang iká siyam ay nákita siyang mulî ni Camaroncocido sa paligid ng̃ dulàan na nakípag-usap sa isáng warì’y nag-aaral, pumasok at mulîng lumabás, at nawalâ sa dilím na ibinibigáy ng̃ mg̃a punò.
—At anó sa akin?—ang sabing mulî ni Camaroncocidó—¿anó ang mahihitâ kó sa pagsasabi sa bayan?
Si Basilio, gaya ng̃ sabi ni Makaraig, ay hindî rin nanood ng̃ palabás. Ang kaawàawàng nag-aaral sapól ng̃ manggaling sa San Diego upang tubusín sa pagkaalilà ang kaniyang katipang si Hulî, ay mulîng hinaráp ang kaniyáng mg̃a aklát, ang panahón niya’y dinádaan sa hospital, sa pag-aaral ó sa pagkakaling̃à kay kapitáng Tiago, na binábaka ang sakít nitó.
Ang may sakít ay nagíng ugalìng bugnót; sa kaniyang masasamâng sandalî, kapag nanglalambót dahil sa kakauntîan ng̃ apian na pinupunyagî ni Basiliong mapahinà, ay sinusumbatán [224]itó, sinásaktán, minumura; tinitiís ni Basilio na kinakalamay ang loob dahil sa batíd na ang kaniyang ginágawâ ay ikabubuti ng̃ pinagkakautang̃an niya ng̃ malakí, at kung gipít na gipít na lamang sakâ napapahinuhod; matapos masiyahan ang gawì, ang masamâng hilig, ay bumubuti ang ulo ni kapitang Tiago, nalulumbáy, tinatawag siyang anák, nápapaiyák sa pag-aalala sa paglilinkód ng̃ binatà, ang mabuting pang̃ang̃asiwà sa kaniyang mg̃a paupaháng bahay at sinasabing siya niyang pamamanahan; malungkót na napapang̃itî si Basilio at iníisip na sa buhay na itó’y ginagantî pa ng̃ mabuti ang pag-ayò sa masamâng hilig kay sa pagtupád sa katungkulan. Hindî bibihiràng náiisip niyang pabayàan nang lumubhâ ang sakít at patung̃uhin sa libing̃an ang nag-aampón sa kaniyá, sa isáng landás na kinalatan ng̃ bulaklák at magagandáng larawan, kay sa pahabàin ang buhay sa pamag-itan ng̃ pagtitipíd.
—¡Hang̃ál na tao akó!—ang madalás na sabi sa sarili—ang karamihan ay hang̃ál at yayamang nagbabayad....
Ng̃unì’t iniíiling ang ulo at inaalaala si Hulî, ang malawak na kinabukasang nasa sa kaniyang haráp; iniisip niyang mabuhay nang hindî dudung̃isan ang kaniyang budhî. Ipinatutuloy ang pang̃ang̃alagàng takdâ at nagbabantáy.
Gayón man, ang may sakít ay lumulubhâng untîuntî sa araw araw. Si Basilio, na nagpasiyang untîan ng̃ untîan ang nahihitít ó kung dî man ay hindî pinapayagang humitít ng̃ higít kay sa karaniwan, ay nátatagpûán niya sa panggagaling sa hospital ó sa isáng pagdalaw na nákakatulog ang may sakít ng̃ mabigát na tulog ng̃ naáapian, na naglálawáy at namumutlâng warì’y patáy. Hindî mahulò ng̃ binatà kung saan nanggagaling ang apian; ang mg̃a tang̃ìng nagsisidalaw sa bahay ay si Simoun at si P. Irene, ang una’y bibihiràng pumaroon, at itó namáng isá’y walâng humpáy sa pagbibilin sa kaniyá na higpitán at huwag babaguhin ang pang̃ang̃alagà at huwag punahín ang mg̃a pagkamuhî ng̃ maysakít, sapagkâ’t ang unang dapat ganapin ay ang máiligtás.
—Tumupád kayó sa inyóng katungkulan, bínatà,—ang sabi sa kaniya—tumupád kayó sa inyóng katungkulan.
At binibigyán siyá ng̃ isáng muntîng sermon na ukol sa bagay na iyón, sa pamag-itan ng̃ isáng boông pananalig at sigabó, na si Basilio’y nagkákaroón tulóy ng̃ pagkalugód sa [225]nang̃ang̃aral. Bukód sa roón ay pinapang̃akùan siyá ni P. Irene ng̃ isáng mabuting mápapasukan, isáng mabuting lalawigan, at pinabanaagan pa sa kaniyá ang pangyayaring siyá’y máhalál na katedrátiko. Si Basilio namán, kahì’t hindî napadádalá sa mg̃a pag-asa, ay nagpápakunwarîng naníniwalà at sumúsunód sa iniuutos ng̃ sarili niyáng budhî.
Nang gabíng iyón, samantalang itinátanghál ang Les Cloches de Corneville, si Basilio ay nag-aaral sa haráp ng̃ isáng matandâng dulang, sa tulong ng̃ liwanag ng̃ isáng ilawáng lang̃ís, na ang pantallang bubog na malabò ay nakatátakíp at nakadídilím sa kaniyáng mukhâ. Isáng lumàng bung̃ô, iláng butó ng̃ tao, at iláng makakapál na aklát na mabuti ang pagkakahanay ay siyáng nakakalat sa dulang na mayroón pang isáng palanganang tubig at isáng esponha. Isáng amóy apiang nanggagaling sa kanugnóg na silíd, ay nakapagpápabigát sa hang̃in at nakapagpápaantók sa kaniyá, ng̃unì’t ang binatà’y naglálabán sa pamag-itan ng̃ pagbasâ manakânakâ sa kaniyáng noo’t mg̃a matá, handâ sa hindî pagtulog hanggáng sa matapos ang aklát. Iyó’y isáng bahagi ng̃ Medicina Legal at Toxicologia ni Dr. Mata, isáng aklát na kaniyáng náhirám at dapat isaulì sa may-arì sa lalòng madalîng panahón. Ang katedrátiko ay ayaw magturò ng̃ hindî alinsunod sa kumathâng iyón at si Basilio ay walâng sapát na salapî upang makabilí ng̃ aklát na iyón sapagkâ’t sa dahiláng yaón ay bawal ng̃ mg̃a tagasurì sa Maynílà at kailang̃an ang suhulan ang maraming kawaní upang maipasok, ay malakíng halagá ang hiníhing̃î ng̃ mg̃a mang-aaklát. Buhós na buhós ang pag-iisip ng̃ binatà sa kaniyáng pag-aaral, kayâ’t hindî man pinansín ang iláng mumuntîng aklát na ipinadalá sa kaniyáng galing sa labás na hindî maalaman kung saan, mg̃a aklát na tumutukoy sa Pilipinas, na doo’y kasama ang sa kapanahunang iyón ay siyáng nápupuná ng̃ lahát dahil sa masamâ at kalait-lait na pagpapalagáy sa mg̃a anák ng̃ bayan. Walâng kapanápanahón si Basilio upang silá’y mabuksán; marahil ay nakapípigil din sa kaniyá ang pag-aalala na hindî masaráp ang tumanggáp ng̃ isáng pag-alímura ó isáng paghamon at hindî makapagtanggól ó makatugón. Noon ng̃â, ang paglilitis sa anó mang lathalà, ay nagpapabayàng dustâín ang mg̃a pilipino, ng̃unì’t ipinagbabawal sa mg̃a itó ang sumagót.
[226]Sa gitnâ ng̃ katahimikang naghaharì sa bahay, na nabubulahaw lamang sa iláng mahínàng paghíhilík na galing sa kabilâng silíd, ay nakáding̃íg si Basilio ng̃ madalás na yabág sa hagdanan, mg̃a yabág na dumaan sa caida at tung̃o sa kaniyang kinalalagyán. Itinaás niya ang kaniyáng ulo, nákitang nábukás ang pintûan at sumipót ang mapangláw na anyô ni Simoun, sa gítnâ ng̃ kaniyang pagkakamanghâ.
Mulâ sa pagtatagpô nilá sa S. Diego, ay hindî pa nakikipagkita si Simoun, ni sa binatà, ni kay kapitang Tiago.
—¿Anó ang lagáy ng̃ may sakít?—ang tanóng na tiningnáng sumandalî ang silíd at nápatitig sa mg̃a mumuntîng maninipís na aklát, na aming binanggít, na hindî pa napuputol ang mg̃a dahon.
—Ang tibók ng̃ pusò ay babahagyâ.... ang pulsó ay mahinàngmahinà.... pagkain, ay hindî makakain ng̃ anómán,—ang tugóng marahan ni Basilio na malungkót ang ng̃itî—sa magmamadalîng araw ay pinagpapawisan ng̃ katakot-takot.
At sapagkâ’t nakikitang si Simoun, dahil sa tung̃o ng̃ mukhâ, ay nakating̃ín sa mg̃a tinurang mumuntîng aklát at sa pang̃ing̃ilag na mulîng mábanggit ang pinag-usapan sa gubat, ay nagpatuloy:
—Ang boông katawán ay nakakalatan na ng̃ lason; bukas ó makalawá ay mangyayaring mamatáy na warì’y tinamàán ng̃ lintík.... ang lalòng maliit na sanhî, isáng walâng kabuluháng bagay, isáng sulák ng̃ kalooban ay mangyayaring makamatáy sa kaniyá....
—¡Gaya ng̃ Pilipinas!—ang mapangláw na sabi ni Simoun.
Hindî napigil ni Basilio ang isáng ng̃iwî, at sa dahiláng ipinasiya na niya ang huwag mulîng mapag-usapan ang bagay, ay nagpatuloy na warì’y walâng anománg náding̃íg:
—Ang lalòng nakapagpapahinà sa kaniyá ay ang mg̃a pagpapanaginíp, ang kaniyáng mg̃a pagkatakot....
—¡Gaya ng̃ pamahalàan!—ang mulîng turing ni Simoun.
—May iláng gabí nang nágisíng ng̃ walâng ilaw at inakalàng siya’y nabulag; nangguló ng̃ katakottakot, naghinagpís at linait akó na ang sabi’y dinukit ko ang kaniyang mg̃a matá.... Nang pumasok akóng may daláng ilaw ay pinagkámalan akóng si P. Irene at tinawag akóng kaniyáng tagapagligtás....
[227]—¡Walâng pinag-ibhán sa pamahalàan!
—Kagabí—ang patuloy ni Basilio na nagbibing̃ibing̃ihan—ay nagbang̃on at hining̃î ang kaniyáng manók, ang kaniyáng manók na may tatlóng taóng patáy na, napilitan akóng bigyán siyá ng̃ isáng inahín, at ng̃ magkágayon ay pinakapuripuri akó’t pinang̃akùan ng̃ libolibo....
Nang mg̃a sandalîng iyon ay tumugtóg ang isáng orasán ng̃ ikasampû’t kalahatì.
Si Simoun ay kinilabutan at pinigil ang binatà sa isáng kilos.
—Basilio—ang marahang sabi—pakinggán ninyó akóng mabuti, sapagkâ’t ang mg̃a sandalîng itó’y lubhâng mahalagá. Nakikita kong hindî man ninyó binuksán ang mg̃a aklát na ipinadalá ko; walâ kayóng pagling̃ap sa inyóng bayan....
Ang binatà’y nagtangkâng mang̃atwiran.
—¡Hindî na kailang̃an!—ang matigás na patuloy ni Simoun—Sa loob ng̃ isáng oras ay susulák ang himagsikan sa isáng hudyát kó, at bukas ay walâ na ang pag-aaral, walâ nang Universidad, walâ kundî labanán at patayan. Inihandâ ko na ang lahát at hindî mahahadlang̃án ang aking tagumpáy. Kapag kamí’y nanaíg, lahát niyong makatutulong sa amin at hindî kumilos, ay aarìing kalaban. ¡Basilio naparito akó upang ialók sa inyó ang inyóng kamatayan ó ang inyóng tútung̃uhing kinabukasan!....
—¡Ang aking kamatayan ó ang aking kinabukasan!—ang ulit na warì’y walâng nalilinawan.
—Sa piling ng̃ pamahalàan ó sa piling namin—ang sabi ni Simoun—sa mg̃a sumisiil ó sa inyóng bayan. ¡Magpasiya kayó sapagkâ’t tumátakbó ang panahón! ¡Naparito akó upang kayó’y iligtás alang-alang sa mg̃a alaalang nagtalì sa atin!
—¡Sa mg̃a mániniil ó sa aking bayan!—ang marahang ulit.
Ang binatà’y litó; tinitingnán ang manghihiyas ng̃ matáng kinalalarawanan ng̃ pagkasindák, naramdamáng ang kaniyang mg̃a paa’t kamáy ay nanglálamíg at libo-libong nagkakasalimuut na pagkukurò ang nagdáraán sa kaniyáng pag-iisip; nakikitang ang mg̃a lansang̃an ay nagdadanak sa dugô, nádiding̃íg ang putukan, nápapagitnâ siyá sa mg̃a patáy at sugatán at ¡katang̃ì tang̃ìng lakás ng̃ hilig! nakikita niyáng siyá, na suót ang damít sa paggawâ, ay nagpúputól ng̃ mg̃a hità’t nag-áalís ng̃ mg̃a punlô.
[228]—Hawak ko ang kalooban ng̃ pamahalàan—ang patuloy ni Simoun—aking ipinará at inaksayá ang kauntî niyáng lakás at magugugol sa mg̃a halíng na pagsalakay, at sinilaw ko siyá sa kapakinabang̃áng máduduwít; ang mg̃a pang̃ulo niyá ay tahimik na nang̃asa dulàan ng̃ayón at nang̃alílibáng sa pag-iisíp ng̃ isáng gabíng lipus kasayahan, ng̃unì’t walâng isá mang hihilig na mulî sa unan.... Mayroón akóng mg̃a regimiento at mg̃a taong nasa aking kapamahalàan, pinapaniwalà ko ang ilán na ang may utos ng̃ panghihimagsík ay ang General, ang ibá’y pinaniwalà kong ang mg̃a prayle ang may kagagawán; ang ilán ay binilí ko sa pang̃akò, sa katungkulan, sa salapî; ang marami, ang maraming marami ay kikilos upang makagantí, sapagkâ’t nang̃asisiíl at sa dahiláng nátatayô sa kalagayang mamatáy ó pumatáy.... Si kabisang Tales ay nasa sa lupà at sinamahan akó hanggáng dito! Inuulit ko sa inyó ¿sásama kayó sa amin ó ninanasà ninyó ang málaán sa pagdaramdám ng̃ aking mg̃a kabig? Sa mg̃a sandalîng mapang̃anib ang hindî pag-ayon sa kanino man ay isáng paglagáy sa kamuhîán ng̃ dalawáng pangkát na magkalaban.
Makáiláng hinaplós ni Basilio ang kaniyáng mukhâ na warìng ibig mágisíng sa isáng bang̃ung̃ot; náramdamáng ang kaniyáng noo’y malamíg.
—¡Magpasiyá kayó!—ang ulit ni Simoun.
—¿At anó.... ang kailang̃an kong gawín?—ang tanóng na ang tíng̃ig ay pipî, baság, mahinà.
—Isáng bagay na lubhâng madalî—ang tugón ni Simoun na ang mukhâ’y naliwanagan ng̃ isáng sinag ng̃ pag-asa—sa dahiláng pamamahalàan ko ang kilusán, ay hindî ko maiiwan ang alín mang labanán. Kaílang̃an ko, na samantalang ang kaguluhan ay nasa ibá’t ibáng pook ng̃ siyudad, ay pang̃uluhan ninyó ang isáng pulutóng, igibâ ang pintûan ng̃ Sta. Clara at kunín ninyó doon ang isáng tao na liban na sa akin at kay kapitáng Tiago ay kayó lamang ang makakákilala.... Kayó’y hindî mápapang̃anib.
—¡Si María Clara!—ang bulalás ng̃ binatà.
—¡Oo, si María Clara!—ang ulit ni Simoun, at noon lamang nagkaroon ng̃ tunóg na malungkót at malumanay ang kaniyáng ting̃ig—ibig ko siyang iligtás, upang iligtás lamang siya kung kayâ ninasà ko ang mabuhay, nagbalík akó.... [229]¡ginawâ ko ang hímagsíkan sapagkâ’t ang isáng himagsíkan lamang ang makapagbubukás sa akin ng̃ pintô ng̃ mg̃a kombento!
—¡Ay!—ani Basilio na pinagduóp ang kamáy—¡náhulí kayó, lubhâng hulí!
—At ¿bakit?—ang tanóng ni Simoun na ikinunót ang kilay.
—¡Si María Clara ay namatáy na!
Sa isáng lundág ay nápatindíg si Simoun at hinandulong ang binatà.
—¿Namatáy?—ang tanóng na ang ting̃ig ay nakapang̃ing̃ílabot.
—Kaninang hapon, ika anim; ng̃ayón marahil ay....
—¡Hindî totoó!—ang sigáw ni Simoun na namumutlâ’t ang matá’y nanglílisik—¡hindî totoó! ¡Si María Clara ay buháy, si María Clara ay kailang̃ang mabuhay! Iyan ay isáng duwag na pagdadahilán.... ¡hindî mamámatáy, at ng̃ayóng gabí’y ilíligtás ko siya ó bukas ay patáy kayó!
Ikinibít ni Basilio ang kaniyang balikat.
—May iláng araw nang nagkasakít at akó ay pumaparoon sa kombento upang makibalità. Tingnán ninyó, nárito ang sulat ni P. Salvi na dalá rito ni P. Irene. Magdamág na nag-iiyák si kapitang Tiago na hinahagkán at hiníhing̃áng tawad ang larawan ng̃ kaniyáng anák hanggáng sa natapos sa paghitít ng̃ maraming apian.... Kaninang hapon ay tinugtóg ang kaniyang agonías.
—¡Ah!—ang bulalás ni Simoun na piniglán ng̃ dalawáng kamáy ang ulo at nápahintô.
Naaalaala ng̃âng nakading̃íg siya ng̃ tugtóg ng̃ agonías samantalang nanunubok sa paligid ng̃ kombento.
—¡Patáy!—ang mahinàng bulóng na warìng ang nagsasalitâ’y isáng anino—¡patáy! namatáy nang hindî ko man lamang nákita, namatáy ng̃ hindî nalalamang akó’y nabubuhay nang dahil sa kaniyá, namatáy ng̃ nagtitiis!....
At sa pagdaramdám ng̃ isáng sigwáng kalagímlagím, isáng sigwáng may kulóg at buhawi na waláng paták ng̃ ulán, hinagpís na walâng luhà, sigáw na walâng salitâ, nagng̃ang̃alit sa kaniyang díbdíb at nagtatangkâng umapaw na warî’y bugá ng̃ bolkán na malaong natimpî, ay biglâng umalís sa kinalalagyáng silid. Náding̃íg siya ni Basilio na pumápanaog [230]ng̃ hagdán, na ang lakad ay walâng tuto; náding̃íg ang isáng timpîng sigáw, sigáw na warìng nagsasabi ng̃ pagsapit ng̃ kamatayan, malalim, katang̃ìtang̃ì, kahambál-hambál, kayâ’t ang binatà’y tumindíg na namumutlâ’t nang̃ing̃iníg sa kinauupán, ng̃unì’t náding̃íg ang yabág na papalayô at ang pintô sa daan na nag-umugong sa pagkakásará.
—¡Kaawàawàng tao!—ang bulóng at ang kaniyang mg̃a matá’y napunô ng̃ luhà.
At hindî na naalaala ang pag-aaral, at ang ting̃ín ay sa malayò, ay iniisip-isip ang kapalaran ng̃ dalawáng iyon: ang isá’y binatà, mayaman, bihasá, malayà, nakapagpapasiya sa sarilìng kabuhayan, may magandáng kinabukasan, at ang babai’y kasinggandà ng̃ isáng pang̃arap, malinís, lipús pananalig at walâng kamalayan sa lakad ng̃ kamunduhán, nákakandóng sa mg̃a giliw at ng̃itî, nalalàan sa isáng maligayang pamumuhay, na sambahín ng̃ kaniyang mg̃a kaanak at igagalang sa mundó, ng̃unì’t gayón man, ang dalawáng iyon na lipus ng̃ pag-ibig, punô ng̃ mg̃a adhikâ’t pag-asa, dahil sa isáng sawîng kapalaran, ang lalaki’y naglalagalág sa boong lupalop na tang̃áy ng̃ ipo-ipong dugô at luhà, naghahasík ng̃ kasamaán at hindî kabutíhan, inaapí ang kabaitan, at inaayò ang masamâng hilig, samantalang ang babai ay naghihing̃alô sa dilím na mahiwagà ng̃ claustro na kaniyáng pinasukan sa paghanap ng̃ kapayapàan, ng̃unì’t mg̃a pagbabatà marahil ang nátagpô; malinis at walâng bahid dung̃is nang siya’y pumasok at naghing̃alô siya roong warì’y bulaklák na lugás....
¡Humimbíng kang mapayapà, sawîng anák ng̃ aking walâng kapalarang bayan! ¡Dalhín mo sa libing̃an ang kariktán ng̃ iyong kabatàan, na linantá sa gitnâ ng̃ paglusog! Kapag ang isáng bayan ay hindî makapaghandóg sa kaniyang malilinis na dalaga ng̃ isáng payapàng tahanan, sa pagkupkóp ng̃ banal na kalayàan; kapag ang tang̃ìng maipamamana ng̃ lalaki sa kaniyang balo ay kahihiyán, pag-luhà sa iná at kaalipinán sa mg̃a anák, mabuti ng̃â ang kusàin ninyó ang huwag nang magbung̃a, at lunurin na sa inyóng tiyan ang binhî ng̃ mg̃a kalaitlait na iaanák. Ah, mabuti ka na, na hindî ka mang̃ing̃ilabot sa iyóng libing̃an sa pagkáding̃íg ng̃ sigáw ng̃ mg̃a naghihing̃alô sa kadilimán, ng̃ mg̃a nakababatíd na silá’y may pakpák ng̃unì’t nang̃akagapos, ng̃ mg̃a naiinis dahil sa walâng kalayàan. Tumung̃o ka na kaakbáy [231]ng̃ mg̃a pang̃arap ng̃ makatà sa kalang̃itang walâng hangan, anino ng̃ babaing nábanaag sa isáng sinag ng̃ buwan, na ibinúbulong ng̃ maigkás na kawayanán.... ¡Mapalad ang mamatáy ng̃ mayroong umiiyak, ng̃ nag-iiwan sa pusò ng̃ sa kaniyá’y umiibig ng̃ malinis na gunitâ, isáng banal na alaala, na hindî nadung̃isan ng̃ karumaldumal na sigabó ng̃ kalooban na lalòng lumálakí sa katagaláng panahón! ¡Sumulong ka, aalalahanin ka namin! Sa malinis na simuy ng̃ ating bayan, sa ilalim ng̃ kaniyáng lang̃it na bugháw, sa ibabaw ng̃ alon ng̃ lawàng nakukulóng ng̃ bulubunduking kulay sápiro at baybaying esmeralda; sa kaniyáng malilinaw na batisan na nilililiman ng̃ mg̃a punòng kawayan, hinihiyasan ng̃ mg̃a bulaklák at binibigyáng buhay ng̃ mg̃a tutubí’t paróparó sa kaniláng walâng tung̃o at malikót na pagliliparan na warìng nang̃agsisipaglarô sa hang̃in; sa katahimikan ng̃ ating mg̃a gubat, sa awit ng̃ ating mg̃a batisan, sa buhos na brillante ng̃ ating mg̃a talón ng̃ tubig, sa maningníng na liwanag ng̃ ating buwán, sa mg̃a buntóng hining̃á ng̃ hang̃in sa gabí, sa isáng sabi, sa lahát ng̃ bagay, na makapagpapaalala sa larawan ng̃ ginigiliw, ay makikita ka naming gaya ng̃ pinang̃arap naming anyô mo na marilág, magandá, nakang̃itîng gaya ng̃ pag-asa, kasinglinis ng̃ liwanag, dátapwâ’y malungkót at mapighatîng tinátanáw ang aming karumaldumal na kalagayan.
¡Amor, qué astro eres?
Nang kinabukasan, isáng araw ng̃ huwebes, bago lumubóg ang araw, ay naglálakád si Isagani sa liwaliwang María Cristina na tung̃o sa Malecón, upang dumaló sa itinipán sa kaniyá ni Paulita ng̃ umagang iyón. Walâng pag-aalinlang̃an ang binatà na ang kaniláng pag-uusapan ay ang nangyari sa gabíng nagdaán, at sa dahiláng siyá’y handâng hing̃án ng̃ paliwanag ang binibini at alám niyá ang pagkamataás at ugalìng matigás nitó ay ináasahan na ang isáng pagkakasirâ. Dahil sa pananakalìng itó ay tinagláy niyá ang dalawáng bugtóng na sulat ni Paulita, dalawáng kaputol na [232]papel, na bahagyâng kinatatalâán ng̃ iláng talatàng madalìan ang pagkakatitik, na may iláng lamas at dî lubhâng ayos ang pagkakasulat, mg̃a bagay na hindî nakahadláng upang silá’y pakaing̃atan ng̃ binatàng nang̃ing̃ibig na higít pa kay sa silá’y nagíng sulat ni Safo ó ng̃ musa Polimnia.
Ang pagtalagáng itó na pawìin ang pag-ibig sa ng̃alan ng̃ karang̃alan, ang hang̃ád na magtiís makatupád lamang sa katungkulan, ay hindî nakapigil na sumalakay kay Isagani ang isáng matindíng kalungkutan at makapagpaalaala sa kaniyá noong magagandáng umaga at mg̃a gabíng lalò pa mandíng magagandá, na siláng dalawá’y nagbubulung̃an ng̃ matatamís na kahang̃alán sa mg̃a pag-itan ng̃ saláng bakal ng̃ entresuelo, mg̃a kahang̃aláng sa ganang binatà, ay may kahulugán at katuturán na waríng silá ang mg̃a tang̃ìng salitâ na dapat pakinggán ng̃ lalòng mataás na pang-unawà ng̃ tao. Iniisip ni Isagani ang mg̃a paglalakarán, ang mg̃a gabíng may buwán, ang peria, ang mg̃a madalíng araw ng̃ Disyembre matapos ang misa de gallo, ang agua bendita na karaniwang kaniyáng iniáabót at pinasasalamatan namán ng̃ binibini sa pamag-itan ng̃ isáng ting̃íng punô ng̃ isáng boông pagsintá, at kapuwâ silá nang̃íng̃ilabot pagtatamà ng̃ kaniláng mg̃a dalirì. Matutunóg na buntónghining̃á na warìng maliliit na kuwitis ang pumupulas sa kaniyáng dibdíb at sumásalagimsim sa kaniyá ang lahát ng̃ banggít ng̃ mg̃a makatà’t manunulat na ukol sa pagkasalawahan ng̃ babai. Sa loob niyáng sarili’y isinúsumpâ ang pagkakátayô ng̃ mg̃a dulàan, ng̃ operetang pransés, ipinang̃ang̃akòng gagantihân niyá si Pelaez sa lalòng madalíng panahón. Lahát ng̃ nasa paligid ay warìng malungkót at maiitím ang kulay sa ganáng kaniyá; ang dagatan ay ulila’t nag-íisá, lalò pa mandíng warì’y nag-íisá dahil sa kadalang̃an ng̃ mg̃a daóng na nakahintô roon; ang araw ay lulubóg sa likurán ng̃ Mariveles nang walâng anománg kagandahan at kariktán, walâ ang mg̃a ulap na sarìsarì ang ayos at mayaman sa kulay ng̃ mg̃a hapong magagandá; ang monumento ni Anda, na walâng kaayos ayos, marálitâ’t bagól, na walâng anyô, walâng kalakhán: warì’y isáng sorbetes ó mabuti na ang magíng isáng pastel; ang mg̃a ginoong nang̃agliliwalíw sa Malecón, kahì’t na may mg̃a anyông nasisiyahang loob at masasayá, ay warìng masusung̃ít, mapagmataás at mg̃a [233]hambúg sa ganang kaniyá; malilikót at walâng pinag-aralan ang mg̃a batàng naglalarô sa dalampasigan na pinatatalón sa alon ang mg̃a batóng lapád sa tabí ng̃ dagat, ó kayâ’y nang̃ágháhanáp sa buhang̃inán ng̃ mg̃a susô at kokomo na hinuhuli ng̃ walâng patumanggâ at pinápatáy ng̃ walâ namáng pakinabang; sa isáng sabi, sampû ng̃ walâng katapusáng paggawâ ng̃ daong̃an, na pinatungkulán niya ng̃ mahigít sa tatlóng tulâ, ay warìng isáng bagay na walâng kabuluhán, kahalayhalay, gawâng batà, sa ganang kaniyá.
—Ang daong̃an, ¡ah! ang sadsaran ng̃ Maynilà, isáng bastardo na mulâ’t sapol ng̃ ipaglihí ay nagpaluhà na sa lahát dahil sa pang̃ung̃untî’t kahihiyán! Kung hindî man lamang sana mangyari na matapos ang maraming pagluhà ay huwag lumabás na karimarimarim ang bung̃ang sisipót!
Nagpugay ng̃ hindî ininó ang dalawáng hesuita na nagíng mg̃a gurô niya; bahagyâ nang nápuna ang isáng tandem na ang lulan ay isáng amerikano at kínaíingitán ng̃ iláng makisig na nagpapalakad ng̃ kaniláng mg̃a kalesa; nang nálalapít sa monumento ni Anda ay nading̃íg si Ben-Zayb na may kausap at ang pinagsasalitàan ay si Simoun na nang gabíng nakaraán ay biglâng nagkasakít; si Simoun ay ayaw tumanggáp ng̃ anomang dalaw, sampû sa mg̃a alagád ng̃ General.
—¡Iyan!—ang bulalás ni Isagani na nápang̃itî ng̃ malungkót—diyan, ang mg̃a pakitang loob, sapagkâ’t mayaman.... Ng̃unì’t sa mg̃a sundalong sugatín at may sakít na galing sa pagsalakay ay walâng dumadalaw!
At sa pag-iisíp sa mg̃a pagsalakay na itó, sa kapalaran ng̃ mg̃a kaawàawàng sundalo at sa pakikipaglaban ng̃ mg̃a taga kapulùan na ayaw pasakop sa dayuhan, ay náisip ang pagtimbáng ng̃ mg̃a pagkamatáy, na, kung ang sa mg̃a sundalo ay dakilà sapagkâ’t tumútupad sa kaniláng katungkulan, ang sa mg̃a taga kapulùan ay maluwalhatì sapagkâ’t ipinagtátanggol ang kaniláng tinubùan.
—¡Katakátakáng kapalaran ang sa iláng bayan!—aniya—Sapagkâ’t ang isáng manglalakbáy ay lumunsád sa kaniyáng dalampasigan, ay nawawalán na silá ng̃ kalayàan at nagigíng sakóp ó alipin, hindî lamang ng̃ manglalakbáy, hindî lamang ng̃ mg̃a nagmamana sa mg̃a itô, kundî ng̃ kanilá pang mg̃a kababayan, at hindî sa isáng panahón lamang [234]kundî sa boông buhay na! ¡Katakátakáng pag-unawà sa katwiran! Ang kalagayang itó’y nagbibigáy ng̃ malakíng karapatán upang lipulin ang lahát ng̃ dayuhan na warì’y siyáng lalòng mabang̃ís na hayop na maitatapon ng̃ dagat!
At inísipisip, na, ang mg̃a taga pulông iyón, na kabaka ng̃ kaniyang bayan ay walâng ibáng kasalanan kundî ang tagláy na kahinàan. Ang mg̃a manglalakbáy ay lumunsád din namán sa dalampasigan ng̃ ibáng bayan; ng̃unì’t sa dahiláng nátagpûang malalakás ay hindî pinagtangkâán ng̃ kaniláng katang̃ì-tang̃ìng hang̃ád. Kahì’t na mahihinà ay minámagandá niya ang ipinamamalas, at ang pang̃alan ng̃ mg̃a kalaban, na hindî kinaliligtâáng lagyán ng̃ kakabít na duwag at dî mapagtapát ng̃ mg̃a pamahayagan, ay ipinalalagáy niyang mg̃a pang̃alang magitíng, sapagkâ’t namámatáy sa gitnâ ng̃ kadakilàan sa paanan ng̃ mg̃a gibâng muog ng̃ kaniláng dî wastông kutà, mg̃a dakilà pa kay sa matatandâng bayaning taga Troya; ang mg̃a nasa pulông iyon ay hindî nagnakaw ng̃ isá mang Elenang pilipina. At sa kaniyáng kasigabuháng loob sa pagkamakatà, ay iniisip ang mg̃a kabinatàan sa mg̃a pulông iyon na nang̃agkakapuri sa matá ng̃ mg̃a babai doon, at dahil sa siyá’y nang̃ing̃ibig, na may nasàng mawalâ sa mundó, ay kinaiinggitán niyá ang mg̃a kabinatàang iyón na nakakatagpô ng̃ isáng dakilàng pagpapatiwakál. At nábulalás na:
—¡Ah! Ibig kong mamatáy, mauwî sa walâ, iwanan ang aking bayan ng̃ isáng dakilàng pang̃alan, mamatáy ng̃ dahil sa kaniyá, siyá’y ipagtanggól sa pagdagsâ ng̃ mg̃a dayuhan at pagkatapos ay tanglawán ng̃ araw ang aking bangkáy na warì’y tanod na walâng kilos sa mg̃a talampás ng̃ dagat!
At ang pakikilaban sa mg̃a alemán ay pumasok sa kaniyáng alaala, at halos dinamdám niyá ang pagkakasawatâ ng̃ gayón; namatáy sana siyá ng̃ boong kasiyaháng loob sa piling ng̃ watawat ng̃ kastilà’t pilipino, bago sumukò sa dayuhan:
—Sapagkâ’t sa España—aniya—ay nabibigkís kamí ng̃ mahigpít, dahil sa nakaraan, sa kasaysayan, sa pananampalataya, sa wikà....
¡Ang wikà, oo, ang wikà! Isáng palibák na ng̃itî ang nalarawan sa kaniyáng mg̃a labì; ng̃ gabíng yaon ay mayroon siláng gagawíng isáng pigíng sa magpapansit upang ipagdiwang ang pagkamatáy ng̃ Akademia ng̃ wikâng kastilà.
[235]—¡Ay!—ang buntóng-hining̃á niyá—¡kapág ang mg̃a labusáw sa España ay kagaya ng̃ mg̃a náririto, sa madalîng panahón ay mabibilang ng̃ Ináng bayan ang mg̃a nagtátapát sa kaniyá!
Ang gabí’y untî-untîng lumálaganap at dahil doo’y nararagdagán ang kapighatìan sa pusò ng̃ binatà, na walâ nang pag-asa halos na makita si Paulita. Iniiwan na ng̃ mg̃a naglíliwalíw ang Malecón upang tumung̃o sa Luneta, na ang iláng bahagi ng̃ tinutugtóg doon ng̃ músika ay nakaráratíng na dalá ng̃ masaráp na hang̃in sa hapon hanggáng sa kinalalagyán ng̃ binatà; ang mg̃a marino ng̃ isáng pangdigmâng dagat, na nakahimpíl sa ilog, ang gumágawâ ng̃ mg̃a paghahandâng ukol sa gabí, na, nang̃agsísiakyát sa lubid na warì’y mg̃a gagambá; ang mg̃a daóng ay untî-untî nang naglálagáy ng̃ kaniláng ilaw na nagbíbigáy buhay doon at ang dalampasigan
Do el viento riza las calladas olas
Que con blando murmullo en la ribera
Se deslizan veloces por sí solas......
na sinabi ni Alaejos, ay bumúbugá sa dakong malayò ng̃ manipís na sing̃áw na ginágawâng warì’y kayong madalang at matalinghagà ng̃ liwanag ng̃ buwan, na noon ay kabilugan......
Isáng malayòng dagunót ay náding̃íg, dagunót na untîuntîng lumálapít: luming̃ón si Isagani at ang kaniyáng pusò’y tumibók ng̃ malakás; isáng sasakyáng batak ng̃ dalawáng kabayong putî ang dumáratíng, ang mg̃a kabayong putîng makikilala niyá sa gitnâ ng̃ sandaanglibo. Sa sasakyán ay nakalulan si Paulita, si aling Victorina at ang kaibigang kasama ng̃ gabíng nakaraán.
Bago makahakbáng ang binatà’y nakaibís nang biglâ si Paulita at ng̃initîan si Isagani ng̃ isáng ng̃itîng lubós na pakikipagkásundô; si Isagani’y nápang̃itî namán at sa warì niyá’y napawìng parang usok ang lahát ng̃ ulap, ang lahát ng̃ masusung̃ít na akalàng sa kaniyá’y sumalakay; may mg̃a liwanag ang lang̃it, awit ang hang̃in at bulaklák ang nakakalat sa mg̃a damó ng̃ nilalakaran. Ang masamâ lamang ay naroroon si aling Victorina, si aling Victorina na kaylan ma’t nákikita ang binatà’y hindî binibitiwan upang pagtanung̃án nang balitàng ukol kay D. Tiburcio. Tinungkol [236]ni Isagani ang pagtuklás ng̃ kinalalagyán sa pamag-itan ng̃ mg̃a nag-aaral na kakilala niya.
—Walâ pang makapagsabi sa akin hanggá ng̃ayón—ang sagót, at katotohanan ng̃â ang kaniyáng sinasabi, sapagkâ’t si D. Tiburcio ay nagtatagò pa namán sa bahay ng̃ amaín ng̃ binatà, sa bahay ni P. Florentino.
—Ipabalità ninyó sa kaniyá—ang sabing galít na galít ni aling Victorina—na ipinahahanap ko siya sa guardia sibil; sa patáy man ó sa buháy ay ibig kong matantô kung saan naroon.... ¡sapagkâ’t iyang pang̃ang̃ailang̃ang mag-antáy ng̃ sampûng taón bago makapag-asawa ang isáng gaya ko!
Gulilát na nápating̃ín sa kaniyá si Isagani; iniisip ni aling Victorina ang pakasal. ¿Sino kayâ ang kulang palad?
—¿Anó ba ang pagkámasíd ninyó kay Juanito Pelaez?—ang biglâng tanóng ng̃ babai.
—¿Si Juanito?....
Hindî matumpakán ni Isagani ang isásagót; ng̃aníng̃aní nang ibig sabihin ang lahát ng̃ kasamàán ni Pelaez na kaniyáng batíd, ng̃unì’t ang pagkamapagbigáy ay siyang nagharì sa kaniyáng pusò at ang sinabi’y pawàng pagpuri sa kaagáw, sa dahiláng kaagáw ng̃â niya. Dahil sa gayón ay tuwângtuwâ at magalák na pinakapuri ni aling Victorina ang mg̃a kabutihan ni Pelaez, at gágawín na sanang katapatang loob si Isagani tungkol sa kaniyang panibagong pag-ibig, nang dumatíng na tumatakbó ang kaibigan ni Paulita upang sabihin na ang pamaypáy nito’y nahulog sa mg̃a batóng nasa pasigan, sa kalapít ng̃ Malecón. Pakanâ ó pagkakátaón, ng̃unì’t ang pangyayaring itó’y nagbigáy daan upang ang kaibigan ay mátirang kasama ng̃ matandâng babai at si Isagani namán ay mangyaring makipag-alaman kay Paulita. Sa isáng dako namán ay ikinalulugód ni aling Victorina ang gayón, at upáng maiwan sa kaniyá si Juanito, ay linúluwagán ang pag-ligaw ni Isagani.
Mayroon nang handâng paraan si Paulita; nang magpasalamat ay nagpakunwarîng may pagkamuhî, may samâ ng̃ loob, at ipinahiwatig, sa isáng paraang lubhâng mahinhín, na siya’y nagtataká sa pagkakatagpô doon sa binatà, gayóng ang lahát ng̃ tao’y nasa Luneta, sampû ng̃ mg̃a artistang pransesa.
—Tinipanán ninyó akó, ¿papanong hindî....?
[237]—Gayón man, kagabí’y hindî man ninyó nápunang akó’y nasa dulàan; sa boông itinagál ng̃ palabás ay minámatyagán ko kayó at hindî ninyó hinihíwalayán ng̃ ting̃ín iyóng mg̃a babaing cochers....
Nagkápalít ang kalagayan; si Isagani na náparoon upang huming̃î ng̃ paliwanag ay siya pang nagbigáy at sumaligaya siyáng lubós ng̃ tinuran ni Paulita na siya’y pinatatawad. Tungkól sa pagkakaparoon ng̃ babai sa dulàan, ay dapat pang pasalamatan sa kaniyá; siya, sa kápipilit ng̃ inali, ay pumaroon lamang sa pag-asang mákikita ang binatà sa boong palabás. ¡Gaano ang pagkutyâ niya kay Juanito Pelaez!
—¡Ang aking ali ang nakakaibig!—ang sabi na kasabáy ang masayáng halakhák.
Kapuwâ nagtawanan; ang pagkákasal ni Pelaez kay alíng Victorina ay ipinagkatuwâ niláng mabuti at halos namamalas na niláng nangyari; ng̃uní’t naalala ni Isagani na si D. Tiburcio ay buháy at ipinagkátiwalà ang lihìm sa kaniyang giliw, matapos na mapapang̃akòng hindî sasabihin kahì’t kanino. Si Paulita’y nang̃akò, ng̃unì’t sa sarili’y tangkâ ang sabihin sa kaibigan.
Ang bagay na itó’y siyáng naglipat ng̃ usapan sa bayan ni Isagani, na nalilibid ng̃ kagubatan at nálalagáy sa baybayin ng̃ dagat na nag-uumugong sa paanan ng̃ matataas na talampás.
Ang matá ni Isagani ay nagliliwanag sa pagbanggít sa liblíb na sulok na iyon; ang sigáw ng̃ pagmamakatang̃ì ay nagpapapulá sa kaniyáng pisng̃í, nang̃ing̃iníg ang kaniyáng boses, ang kaniyáng damdaming makatà ay sumusulák at ang mg̃a salitá’y pumupulás na mainit, punô ng̃ sigabó na warìng ang pag-ibig ng̃ kaniyáng pag-ibig ang tinuturan, kayâ’t hindî nakapigil sa pagbulalás ng̃:
—¡Oh! ¡Sa iláng ng̃ aking mg̃a kabundukan ay dinadanas ko ang pagkamalayà, malayàng gaya ng̃ simuy, gaya ng̃ liwanag na walâng sagkâng kumakalat sa sangsinukob! ¡Libo mang bayanán, libo mang palasyo ay ipagpapalit ko sa sulok na iyón ng̃ Pilipinas, na malayò sa mg̃a tao, ay dinadanas ko ang tunay na kalayàan! ¡Doón, kaharáp ang mg̃a sadyâng likás, kaharáp ng̃ hiwagà at ng̃ walâng katapusán; ng̃ kagubatan at ng̃ karagatan, ay nag-íisip akó, nagsasalitâ at gumagawâ nang gaya ng̃ isáng taong walâng kinikilalang pang̃inoón!
[238]Si Paulita, sa haráp ng̃ gayóng sigabó ng̃ kalooban dahil sa bayang kinákitàan ng̃ unang liwanag, sigabóng hindî kilalá, siya na hiratíng makáding̃íg ng̃ pag-alipustâ sa kaniyáng bayan at maminsan minsang siyá’y nakíkiayon sa gayón, ay nagpahalatâ ng̃ kauntîng warì’y panibughô sa paraang paghihinampó na gaya ng̃ dati.
Ng̃unì’t madalî siyáng napapayapà ni Isagani.
—¡Oo!—ang sabi—siyá’y iniibig ko ng̃ higít sa lahát ng̃ bagay noong hindî pa kitá nakikilala! Ibig na ibig ko ang magliklík sa kagubatan, humimbíng sa lilim ng̃ mg̃a punò, umupô sa ung̃ós ng̃ isáng talampás upang saklawín ng̃ ting̃ín ang Pasípiko na sa harapán kó’y hinahalò ang kaniyáng mg̃a bugháw na alon, at inihahatíd sa akin ang mg̃a awit na natutuhan sa mg̃a dalampasigan ng̃ malayàng Amérika.... Bago kitá mákilala, ang dagat na iyon ay siyáng aking mundó, aking lugód, aking pag-ibig, aking mg̃a pang̃arap. Kapag nahihimbíng ng̃ mapayapà at ang araw ay nagniningníng sa kaitaasan, ay ikinalulugód ko ang pagtanáw sa bang̃íng nasa sa aking paanan na may limángpung metro ang lalim, at hinahanap ko ang mg̃a kahang̃àhang̃àng hayop sa kagubatan ng̃ mg̃a bulaklák ng̃ bató at mg̃a korales na naaaninag sa bugháw na tubig, ang malalakíng serpiente na, alinsunod sa sabi ng̃ mg̃a taong bukid, ay umaalís umanó sa gubat upang manahanan sa dagat at doo’y magpakálakílakí.... Sa kináhapunan, na, umanó’y, siyáng paglabás ng̃ mg̃a sirena, ay sinusubukan kong masigasig sa pag-itan ng̃ mg̃a alon, na minsan, ay warìng namalas ko silá sa gitnâ ng̃ bulâ at doo’y nang̃aglálarò; maliwanag na nadiding̃íg ko ang kaniláng mg̃a awit, awit na ukol sa kalayàan, at naulinigan ko ang tunóg ng̃ kaniláng matagintíng na alpá. Noong araw ay dumádaan akó ng̃ mahahabàng sandalî sa pagmamalas ng̃ pagbabagobagong anyô ng̃ mg̃a ulap, sa pagmamalas sa punòng nag-iisá sa kapatagan, sa isáng talampás, na hindî ko maunawà ang sanhî ng̃ pagkakagayón, na hindî mákilalang lubós ang damdaming yaon na ginigising sa aking kalooban. Madalás na akó’y pinagsasalaysayán ng̃ mahahabàng pang̃aral ng̃ aking amaín at sinasabing dadalhín akó sa isáng manggagamot dahil sa bakâ akó’y magkaróon ng̃ sakit na mapanglawin. Dátapwâ’y nákita kitá, kitá’y inibig, at sa pagpapahing̃áng ito sa pag-aaral [239]ay warìng may isáng bagay na walâ sa akin ng̃ akó’y nároon, ang kagubatan ay madilím, malungkót ang ilog na umaagos sa kagubatan, ang dagat ay nakaíiníp, ang abot ng̃ malas sa dakong kalookan ay walâng anománg bagay.... ¡At! kung máparóon ka lamang doón, kahì’t miminsan, kung tungtung̃án ng̃ mg̃a paa mo ang mg̃a landás na iyón, kung kanawín ng̃ dulo ng̃ iyóng mg̃a dalirì ang tubig ng̃ mg̃a batisan, kung tingnán mo ang dagat, maupô ka sa talampás at pahiging̃in mo ang hang̃in sa pamag-itan ng̃ iyong mahihimig na awit, ang aking kagubatan ay magigíng Edén, ang agos ng̃ batisan ay aawit, sisipót ang liwanag sa kusim na dahon, magiging batóng brillante ang mg̃a paták ng̃ hamóg at magigíng perlas ang mg̃a bulâ ng̃ dagat!
Ng̃unì’t náding̃íg ni Paulita na upang makaratíng sa bayan ni Isagani ay kailang̃ang magdaán sa mg̃a bundók na maraming maliliít na lintâ, at dahil sa bagay na itó, ay kiníkilíg na ang duwág. Dahil sa gawî na niya ang ayaw mapagod at sa dahiláng siyá’y malayaw ay sinabing maglalakbáy lamang siyá kung naka-karwahe ó naka-tren.
Si Isagani, na nakalimot na sa lahát ng̃ kaniyáng mapaít na pagpapalagáy sa mg̃a bagay bagay at walâ nang nákíkita sa lahát ng̃ dako kundî bulaklák na walâng tiník, ay sumagót na:
—Sa loób ng̃ dî mahabàng panahón ang lahát ng̃ pulô’y makakalatan ng̃ mg̃a daáng bakal,
Na lubhâng matuli’thalos parang hang̃inna pagdaraanánniyóng ferro-carril,
gaya ng̃ sabi ng̃ isáng sumulat; at sa gayón, ang mg̃a sulok ng̃ sangkapulûan ay mabubuksán sa lahát....
—Sa gayón, ng̃unì’t ¿kailan? Kung akó’y hukluban na....
—¡Bah! Hindî mo batíd ang magagawâ natin sa loob ng̃ iláng taón—ang sagót ni Isagani—hindî mo batíd ang lakás at ang sigabó na maibibigáy ng̃ bayan matapos ang daan daang taóng pagkáhimbíng.... Nililing̃ap tayo ng̃ España; ang kabinatàan nating nasa Madrid ay gumagawâ gabí’t araw at iniuukol sa tinubùan ang boô niláng katalinuhan, ang lahát ng̃ sandalî ng̃ kaniláng kabuhayan, ang lahát ng̃ kaniláng kaya; ang mg̃a mahahabaging ting̃íg doon ay nakikisapì [240]sa ating ting̃ig, mg̃a polítiko na nakababatíd na walâng mabuting bigkís kundî ang pag-iisá sa kabuhayan at sa damdamin: kinikilala ang ating katwiran at ang lahát ng̃ bagay ay nagpapahiwatig ng̃ isáng magandáng kinabukasan ng̃ madlâ.... ¡Tunay ng̃â at katatapos pa lamang na kapagtítikím ng̃ isáng muntîng pagkabigô, kamíng mg̃a nag-aaral, ng̃unì’t ang tagumpáy ay untíuntî nang lumalaganap sa lahát ng̃ layunín.... nasa sa budhî na ng̃ lahát! Ang taksíl na pagkatalong aming tinamó ay nagpapatunay ng̃ mg̃a hulíng hing̃á, ng̃ hulíng kilíg ng̃ mamámatáy! Bukas ay mámamayán kamí ng̃ Pilipinas na magandá na ang tutung̃uhin sapagkâ’t málalagáy sa mg̃a mairugíng kamáy; ¡Oo! ang kinabukasan ay amin, nákikiníkinitá ko nang kulay rosa, nakikiníkinitá kong ang pagkilos ay magbibigáy buhay sa dakong itó na laong panahóng patáy, náhihimbíng.... Nákikinikinitá ko ang pagsipót ng̃ mg̃a bayan sa kalapít ng̃ mg̃a daáng bakal, at sa lahát ng̃ pook ay may mg̃a pagawàan na gaya noong nasa Mandaluyong!.... Nádiding̃íg ko na ang pagsipol ng̃ bapor, ang dagundóng ng̃ mg̃a tren, ang ugong ng̃ mg̃a mákina.... namamalas kong pumápaitaas ang usok, ang kaniyáng malakás na hing̃á, at nálalang̃áp ko ang amóy ng̃ lang̃ís; ang pawis ng̃ mg̃a kahang̃àhang̃àng kasangkapan na walâng tígil sa paggawâ.... Ang daong̃ang iyan, na may mahinàng pagkayarì, ang ilog na iyan na warì’y pinaghíhing̃alûán ng̃ pang̃ang̃alakal, ay mákikita nating punô ng̃ albor at maglalarawan sa atin ng̃ panahón ng̃ taglamíg sa kagubatan ng̃ Europa.... Ang malunas na simoy na itó at ang malilinis na batóng iyán ay mapupunô ng̃ uling, ng̃ mg̃a kaha at barriles na gawâ ng̃ tao; dátapwâ’y walâng kailang̃an! maglalakbáy tayo ng̃ madalìan, sa mg̃a maluluwág na sasakyán, upáng hanapin sa dakong loob ang ibáng simuy, ang ibáng tanawin sa ibáng dalampasigan, mg̃a lalòng malalamíg na sing̃áw sa mg̃a paanan ng̃ kabundukan.... Ang mg̃a acorazado ay siyáng magbabantáy sa ating mg̃a baybayin: ang pilipino at ang kastilà ay mag-uunahán sa pagpupunyagîng gapìin ang anománg pagdagsâ ng̃ mg̃a taga ibáng lupàín, upang ipagtanggól ang inyóng mg̃a tahanan at bayàan kayóng matuwâ at mabuhay ng̃ mapayapà, na ginígiliw at iginagalang. Ligtás na sa paraang panghihitít, walâng samâ ng̃ loob at pag-aalinlang̃an, ang bayan ay gágawâ na, [241]sapagkâ’t kung magkakágayón ay hindî na makaduduhagi ang paggawâ, hindî na magiging pang̃ang̃ayupapà, na warì’y takdâ sa alipin; sa gayón ay hindî na pasasamâín ng̃ kastilà ang kaniyáng ugalì sa tulong ng̃ mg̃a hang̃arìng magharìharìan at, tapát ang ting̃ín, malusog ang pusò, ay mag-aabutan kamí ng̃ kamáy, at ang pang̃ang̃alakal, ang paggawâ, ang pag-aani, ang karunung̃an ay magnanawnáw sa lilim ng̃ kalayàan at ng̃ mg̃a kautusáng tuwíd at pantáy pantáy na gaya ng̃ sa mayamang Inglaterra......
Si Paulita ay náng̃ing̃itîng warì’y alinlang̃an at iníilíng ang ulo.
—¡Pang̃arap, pang̃arap!—ang buntóng hining̃á—náding̃íg kong sinasabi na kayó’y maraming kalaban.... Ang sabi ni tia Torina ay alipin magpakailán man ang bayang itó.
—Sapagkâ’t ang ali mo’y isáng hang̃ál; sapagkâ’t hindî maaarìng siyá’y mabuhay nang walâng alipin, at kung walâ siyá noon ay pinápang̃arap ang sa dáratíng na panahón, at kung hindî mangyari ay binubukobuko sa sariling gunitâ. Tunay ng̃âng mayroón kamíng mg̃a kalaban, na magkákaroón ng̃ tunggalìan, ng̃unì’t kamí ang magtátagumpáy. Mangyayaring gawíng walâng wastông kanlung̃an ng̃ matandâng kaparaanan ang mg̃a duróg na muog ng̃ kaniláng mg̃a kastilyo, amin siláng gagapìing umaawit ng̃ kalayàan, sa haráp ng̃ inyóng mg̃a malas, sabáy sa pagakpák ng̃ inyóng mg̃a kamáy na aming minámahal! Sa isáng dako’y hindî ka dapat mang̃anib; ang labanán ay mapayapà; sukat na ang iabóy lamang ninyó kamí sa pag-aaral, gising̃in ninyó sa amin ang marang̃ál at mataas na pag-iisip at udyukán ninyó kamí sa pagtatamán, sa kagiting̃án, na ang pinakagantí’y ang inyóng paggiliw!
Tagláy dín ni Paulita ang kaniyáng ng̃itîng mahiwagà at warìng nag-íisíp; nakatanáw sa dako ng̃ ilog, at tinatapíktapík ng̃ pamaypáy ang pisng̃í.
—¿At kung walâ kayóng mápalâ?—ang tanóng na warìng hindî pinahahalagahán nang gaano ang usapan.
Ang tanóng na itó’y nakasugat kay Isagani; tinitigan ang mg̃a matá ng̃ kaniyáng irog, dahandahang piniglán ang isáng kamáy at nagwikàng:
—Pakingán mo: kung walâ kamíng mápalâ.....
At náhintông nag-aalinlang̃an.
[242]—Pakingán mo, Paulita,—ang patuloy—batíd mo kung gaano ang aking pagsintá at pagsambá sa iyó; alám mong nalilimot ko ang sarili kung akó’y iyóng tinititigan, kapag nábabakás ko sa titig na iyán ang isáng kisláp ng̃ pag-ibig.... gayón man, kapag walâ kamíng nápalâ, ay papang̃arapin ko ang isá mo pang titig at mapalad akóng mamámatáy upáng ang isáng liwaywáy lamang ng̃ pagmamalakí ay sumilay sa iyóng mg̃a matá at masabi mo sa balang araw, sa lahát, kasabáy ng̃ pagtuturò sa aking bangkáy, na: ¡ang aking pag-ibig ay namatáy sa pagsasanggaláng ng̃ mg̃a karapatán ng̃ aking bayan!
—¡Halinang umuwî, inéng, at bakâ ka sipunín!—ang sigáw ng̃ sandalîng iyón ni aling Victorina.
Ang boses na iyón ay nagpabalík sa kanilá sa katunayan ng̃ buhay. Yaón na ang oras ng̃ pag-uwî, at sa kagandahang loób, ay inanyayahang lumulan sa sasakyán si Isagani, anyayang hindî na inantáy ng̃ binatà na ulitin pang mulî. Sa dahiláng ang karuahe ay kay Paulita, ay umupô sa paharáp si aling Victorina at ang kaibigan, at sa bangkông maliít ang dalawáng magsing-irog.
Lulan ng̃ íisang sasakyán, mákasiping ang ginígiliw, lang̃apín ang bang̃ó, masagì ang sutlâ ng̃ damít, makitang nag-íisip, na nakahalukipkíp, naliliwanagan ng̃ buwán sa Pilipinas na nagbibigáy kagandahan at ding̃al sa anománg bagáy na lalòng lubasâ, ay isáng pang̃arap na hindî inantáy ni Isagani na mangyari magpakailán man! Nápakámaralitâ ng̃ mg̃a pauwîng naglálakád, na nang̃ag-íisá, at nang̃agsísiilag upang paraanin ang matuling sasakyán! Sa hinabà habà ng̃ dinaanang iyon, sa boong habà ng̃ baybayin, ng̃ liwaliwan ng̃ Sabana, ng̃ tuláy ng̃ España, ay walâng nákita si Isagani kundî isáng magandáng ulong nakatagilid, na mainam ang pusód, na nagtátapós sa isáng sunúdsunurang liíg na nawawalâ sa mg̃a guyón ng̃ pinyá. Isáng brillante ang kumíkindát sa kaniyá mulá sa ping̃ol ng̃ muntîng taing̃a, na warì’y bituín sa gitnâ ng̃ mg̃a pinilakang ulap. Si Isagani ay nakáring̃íg ng̃ malayòng uliyaw na itinátanóng sa kaniyá si D. Tiburcio de Espadaña, ang pang̃alan ni Juanito Pelaez, ng̃unì’t sa ganáng kaniyá ay nagíng warì’y tunóg ng̃ kampanàng nadíding̃íg na malayò, magulóng ting̃ig na nádiding̃íg sa gitnâ ng̃ bung̃ang-tulog.
[243]Kinailang̃an ang ipaalaala sa kaniyá na nakaratíng na silá sa liwasan ng̃ Sta. Cruz.
Ang loob kabahayán ng̃ “Pancitería Macanista de buen gusto” ng̃ gabíng iyon ay may anyông dî pangkaraniwan.
Labíng apat na binatà, ng̃ mg̃a pulông lalòng tanyág ng̃ Sangkapulûan, mulâ sa indio na walâng ibáng dugông halò (kung mayroong walâng halò) hanggáng sa kastilàng taga España, ay nang̃agkatipon upang idaos ang pigíng na sinabi ni P. Irene, alang-alang sa nagíng hanggá ng̃ salitâang ukol sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà. Inupahan nilá nang sa ganáng kanilá lamang ang lahát ng̃ dulang, pinaragdagán ang ilaw at ipinadikít sa dingdíng, kasíping ng̃ mg̃a palamuti at kakemonong insík, ang ganitóng dî mawatasang mg̃a pananalitâ:
¡LUMUWALHATI SI CUSTODIO DAHIL SA KANIYANG MAÑGA KALIKSIHÁN AT PANSIT SA LUPA SA MAÑGA BINATANG MAY MABUBUTING KALOOBAN!
Sa isáng bayan na ang lahát ng̃ kabalbalán ay tinatabing̃an ng̃ ayos kagalanggalang, at ang karamihan ay nátataás sa tulong ng̃ usok at mainit na hang̃in; sa isáng bayan na yaóng sadyâng katunayan at tapát ay nakasásakít paglabás sa pusò at mangyayaring magíng sanhî ng̃ mg̃a kaguluhan, marahil ay yaón ang lalòng mabuting paraán upang ipaggalák ang sumumpóng sa ulo ng̃ bantóg na si D. Custodio. Sinagót ng̃ mg̃a nádayà ng̃ isáng halakhák ang birò, ang pastel ng̃ pamahalàan ay sinagót ng̃ isáng pinggáng pansít, at mabuti’t gayón na lamang!
Nang̃agtatawanan, nagbibirûán, ng̃unì’t náhahalatâng ang katuwàan, ay pilít; ang tawanan ay tumatagintíng dahil sa kauntîng pang̃ing̃iníg, sa mg̃a paning̃í’y pumúpulás ang matutuling kisláp at hindî íisa ang kinákitàan ng̃ nagniningníng na paták ng̃ luhà. Datapwâ’t gayón man, ang mg̃a binatàng iyón ay mg̃a ganid na loób, mg̃a walâ sa katwiran! Hindî nóon lamang pinasiyahán sa gayóng paraán ang lalòng maiinam na panukalà, na pinápatáy ang mg̃a pag-asa sa tulong ng̃ malalakíng salitá at mumuntîng gawâ: bago si [244]D. Custodio ay nagkaroón na ng̃ marami, lubhâng marami! Sa gitnâ ng̃ kabahayán at sa tapát ng̃ mg̃a paról na pulá, ay may apat na dulang na bilóg, na naáayos na patungkô; ang mg̃a luklukan ay mg̃a uupáng kahoy na bilóg dín. Sa gitnâ ng̃ bawà’t dulang, alinsunod sa kaugalìan ng̃ tindahan, ay may nakahandâng apat na pingáng mumuntî na may tig-apat na kakanín ang bawà’t isá, at apat na tasang tsá, na may kanikaniyáng takíp, na pawàng porselanang pulá; sa haráp ng̃ bawà’t luklukan ay may isáng bote at dalawáng kopang bubog na nang̃ing̃intáb.
Dahil sa pagkamausisà ni Sandoval, ay nagtiting̃ínting̃ín, lahát ay sinisiyasat, tinitíkmán ang mg̃a hopyà, pinagmamasdán ang mg̃a palamutì, binabasa ang talàan ng̃ mg̃a halagá. Ang ibá’y nang̃ag-uusap ng̃ ukol sa mg̃a bagay-bagay na pang-kasalukuyan, ukol sa mg̃a artistang babai ng̃ operetang pransés at mahiwagàng pagkakasakít ni Simoun, na, alinsunod sa ilán, ay natagpûáng may sugat sa lansang̃an; alinsunod namán sa ibá ay nagtangkâng magpatiwakál: gaya ng̃ sadyâng dapat mangyari, siláng lahát ay nanínirá sa mg̃a pagkukuròkurò. Si Tadeo ay may ibáng balità, na alinsunod sa sabi niyá’y hindî magkakabulà. Si Simoun ay sinugatan ng̃ isáng hindî kilalá sa may lumàng líwasan ng̃ Vivak; ang sanhî ay ang higantí, at ang katunayan ay ang pangyayaring si Simoun ay ayaw magpahiwatig ng̃ anomán. Matapos iyón ay napag-usapan ang mg̃a mahiwagàng higantí, at gaya ng̃ maaantáy ay mg̃a kagagawáng prayle ang tinutukoy, na isinalaysáy ng̃ bawà’t isá ang inaasal ng̃ mg̃a kura sa kaníkaniláng bayan.
Isáng tulâ na nasusulat ng̃ malalakíng títik na itím, ang nasa dakong itaas ng̃ pintông kabahayán at nagsasabing:
De esta fonda el cabecilla
Al público advierte
Que nada dejen absolutamente
Sobre alguna mesa ó silla.
—¡Kay inam na paunawà!—ang bulalás ni Sandoval—napagkikilala ang pagtitiwalà sa pulutóng ¿anó? ¡At nakú, ang tulâ! ¡Maipalalagáy na si D. Tiburcio na nagíng tulâ, dalawáng paa, ang isá’y mahabà kay sa isá sa pag-itan ng̃ dalawáng tungkód! ¡Pag nákita iyan ni Isagani, ay iaalay sa kaniyáng magigìng inali!
[245]—¡Nárito si Isagani!—ang sagót ng̃ isáng boses mulâ sa hagdanan.
At ang mapalad na binatà’y lumitáw na lipus katuwàan, na sinusundán ng̃ dalawáng insík na walâng barò na may daláng malalakíng mangkók, na nagkakalat ng̃ masaráp na amóy, na nakasalalay sa dalawáng malalakíng pangnán. Masasayáng paabá ang sa kanilá’y sumalubong.
Walâ pa si Juanito Pelaez, ng̃unì’t sa dahiláng nakaraan na ang oras ay masasayáng nang̃agsidulóg sa dulang. Kailan pa man ay hindî makatutupád sa salitâan si Juanito.
—Kung si Basilio pa ang ating inanyayahan at hindî siya—ang sabi ni Tadeo.—Nilasíng sana natin upang mapagsabi ng̃ iláng lihim.
—Há, ¿ang mapagnilay na si Basilio ay may itinatagòng lihim?
—¡Bah!—ang tugón ni Tadeo—at ang lalò pa namáng mahahalagá! May iláng lihim na pangyayaring siya lamang ang tang̃ìng nakababatíd ng̃ linaw.... ang batàng nawalâ, ang monha....
—¡Mang̃a ginoo; ang pansít lang-lang ay siyang sopas na pinakamabuti!—ang sigáw ni Makaraig;—gaya ng̃ mákikita ninyó, Sandoval, ang halò ay kabutí, hipon, tinipîng itlóg, sotanghon, manók, at hindî ko na maalaman kung anó pa. Bilang pamago ay ihandóg natin ang mg̃a butó kay D. Custodio; ¡tingnán natin, magpanukalà siya ng̃ ukol dito!
Isáng masayáng halakhakan ang sumalubong sa pahayag na itó.
—Pag naalaman....
—¡Patakbóng paparito!—ang dugtóng ni Sandoval—nápakabuti ng̃ sopas, ¿anó ang pang̃alan?
—Pansít lang-lang, itó ng̃â pansít insík upang máibá sa isá na sadyâng gawâ rito.
—¡Bah! mahirap alalahanin ang pang̃alan. ¡Patungkol kay D. Custodio ay bíbinyagán ko ng̃ pang̃alang panukalang sopas!
Tinanggáp ang bagong pang̃alan.
—Mg̃a ginoo,—ang sabi ni Makaraig, na siyang pumilì ng̃ mg̃a kákanin—¡mayroon pa tayong tatlóng ulam! Lumpiyá ng̃ insík na ang lamán ay baboy....
—¡Na inihahandóg kay P. Irene!
[246]—¡Ababá! Si P. Irene ay hindî kakain ng̃ baboy hanggáng hindî nag-aalís ng̃ ilóng—ang marahang sabi ng̃ isáng binatàng taga Iloilo sa kaniyáng kalapít.
—¡Mag-aalís ng̃ ilóng!
—¡Mawalâ ang ilóng ni P. Irene!—ang panabáy na sigáwan ng̃ lahát.
—Galang, mg̃a ginoo, kauntîng galang!—ang hing̃î ni Pecson na pabirông warì’y tinótotoó.
—Ang pang̃atlóng pinggán ng̃ ulam ay panyáng na alimang̃o......
—Na ipinatutungkól sa mg̃a prayle—ang dugtóng ng̃ taga Bisayà.
—Dahil sa pagka-alimang̃o,—ang dugtóng ni Sandoval.
—¡Tamà at tatawaging panyáng na prayle!
Inulit ng̃ lahát na sabáy-sabáy ang: ¡panyáng na prayle!
—¡Tumututol akó sa ng̃alan ng̃ isá!—ang sabi ni Isagani.
—¡At akó, sa ng̃alan ng̃ mg̃a alimang̃o!—ang dugtóng ni Tadeo.
—¡Galang, mg̃a ginoo, kauntìng galang!—ang mulîng sigáw ni Pecson na namumuwalan.
—Ang pang-apat ay pansít na ginisá na ipinatutungkol.... sa pamahalàan at sa bayan!
Lahát ay nápaling̃ón kay Makaraig.
—Hindî pa nalalaunan, mg̃a ginoo,—ang patuloy—ay inaakalàng ang pansít ay gawâng insík ó hapón, ng̃unì’t sa dahiláng siyá’y hindî kilalá ni sa Kainsikán ni sa Hapón, ay tila siyá pilipino, ng̃unì’t gayón man, ang mg̃a naglulutò at nakikinabang ay ang mg̃a insík: idem na idem na idem ang nangyayari sa pamahalàan at sa Pilipinas: warì’y insík, ng̃unì’t insík man silá ó hindî man, ay may mg̃a doktor ang Santa Madre.... Lahát ay kumakain at lumalasa sa kaniyá, ng̃unì’t gayón mán ay nang̃agpapatumpíktumpík pa’t nagpapakunwarîng umaayáw: gayón dín ang nangyayari sa bayan, gayón dín ang sa pamahalàan.... Lahát ay nabubuhay ng̃ dahil sa kaniyá, lahát ay kalahók sa pistahan at pagkatapos ay walâng bayang sásamâ pa kay sa Pilipinas, walâng pamahalàang lalòng maguló. Ipatungkol ng̃â natin ang pansít sa bayan at sa pamahalàan!
—¡Ipatungkól!—ang sabáysabáy na sabi ng̃ lahát.
[247]—¡Tutol akó!—ang bulalás ni Isagani....
—¡Igalang ang mg̃a batà, igalang ang mg̃a nasawî!—ang sigáw na pinaugong ang ting̃ig ni Pecson, na itinaás ang isáng butó ng̃ inahíng manók.
—¡Ipatungkól natin ang pansít sa insík na si Quiroga, na isá sa apat na kapangyarihan ng̃ sangbayanáng pilipino!—ang palagáy ni Isagani.
—¡Huwág, sa Eminencia Negra!
—¡Huwág kayóng maing̃ay!—ang pabiglâng sabing mahiwagà ng̃ isá,—sa liwasan ay may mg̃a pulutóng na nagmamalas sa atin at ang mg̃a dingdíng ay may pangding̃íg.
Tunay ng̃â, pulúpulutóng ng̃ mg̃a nanonoód ay nang̃agtayô sa tapát ng̃ mg̃a durung̃awan, samantalang ang ing̃ayan at tawanan sa mg̃a tindahang kalapít ay lubós na napawì, na warì bagáng minatyagán ang nangyayari sa pigíng. Ang katahimikan ay may ayos na katang̃ìtang̃ì.
—¡Tadeo, ibigkás mo ang iyóng talumpatì!—ang marahang sabi ni Makaraig.
Sa dahiláng si Sandoval ang siyáng lalòng bihasá sa pagkamánanalumpatî ay pinagkásundûáng siya ang sa hulì’y hahaláw sa lahát ng̃ salaysáy.
Si Tadeo, dahil sa ugalìng tamád na tagláy niyáng parati, ay hindî naghandâ at namimilipit. Samantalang sinísipsíp ang isáng mahabàng sotanghon, ay iniisip ang paraang ikaliligtás niya sa kalagáyang iyón, hanggán sa naalaala ang isáng talumpatìng napag-aralan sa klase at humandâ nang gayahan yaón at lahukán ng̃ ibáng bagay.
—¡Mg̃a ginigiliw na kapatíd sa panukalà!—ang simulâ niyáng ikinumpáy ang sipit na kagamitan ng̃ mg̃a insík sa pagkain.
—¡Hayup! ¡bitiwan mo ang sipit, ginuló mo ang buhók ko!—ang sabi ng̃ isá niyáng katabí.
—Sa tawag ng̃ inyóng paghahalál na pagpunan ang kakulang̃ang iniwan sa......
—¡Mánggagaya!—ang putol ni Sandoval,—ang talumpatìng iyan ay sa Pang̃ulo ng̃ ating Liceo!
—“Sa tawag ng̃ inyóng paghahalál”—ang patuloy ni Tadeo na walâng katiga-tigatig—“na pagpunán ang kakulang̃ang iniwan sa aking.... pag-iisip (at itinurò ang kaniyáng tiyan) ng̃ isáng dakilàng lalaki dahil sa kaniyáng banal na aral at kaniyáng [248]mg̃a kagagawán at mg̃a panukalà na karapatdapat na magkaroon ng̃ kauntì pang alaala, ¿anó ang masasabì sa inyó ng̃ isáng gaya ko na may malakíng gutom sa dahiláng hindî nananghalì?”
—¡Nárito ang isáng liig, bigaaán!—ang sabi ng̃ kaniyáng kalapít na iniaabót sa kaniya ang liig ng̃ isáng inahíng manók.
—“May isáng ulam, mg̃a ginoo, na kayamanan ng̃ isáng bayan na ng̃ayó’y sadlakan ng̃ lait at kutyâ ng̃ mundó, na pinagsaukán ng̃ kaniláng mg̃a dayukdók na sandók ng̃ matatakaw na poók, na nasa kalunuran ng̃ sangsinukob....”—itinurò sa pamag-itan ng̃ kaniyáng sipit si Sandoval na nakikipaglaban sa isáng makunat na pakpák ng̃ inahín.
—At ¡mg̃a taga kasilang̃anan!—ang sagót ng̃ tinukoy, na iginuhit ng̃ pabilóg ang kaniyáng panandók upang maiturò ang lahát ng̃ kumakain.
—¡Hindî pinapayagan ang mg̃a patláng!
—¡Humihing̃î akó ng̃ salitâ!
—¡Humíhing̃î akó ng̃ patís!—ang dugtóng ni Isagani.
—¡Dalhín dito ang lumpiyâ!
Hining̃î ng̃ lahát ang lumpiyâ at si Tadeo ay umupông masayá dahil sa pagkakaalpás sa kagipitan.
Ang ulam na ipinatungkol kay P. Irene ay hindî lumabás na mabuti at ang gayón ay ipinahayag ni Sandoval sa isáng paraang lubhàng nápakasakít.
—¡Nang̃ing̃intáb ang labás dahil sa mantikà at baboy ang loob! ¡Dalhín dito ang pang̃atlóng pingán ng̃ ulam, ang panyáng na prayle!
Ang panyáng ay hindî pa lutò; nádiding̃íg ang sagitsít ng̃ mantikà sa kawalì. Sinamantalá ang patláng upang tumunggâ at hining̃î niláng magsalitâ si Pecson.
Walâng kaping̃asping̃as si Pecson ay nag-angtandâ, tumindíg na pinipilit pigilin ang kaniyáng tawang hang̃ál, ginayahan ang isáng predicador na agustino, na noo’y nábabantóg, at nagsimulâ sa pagbulóng na warì’y sinásabi ang lamán ng̃ sermon.
“Si tripa plena laudat Deum, tripa famelica laudabit fratres; kung ang bitukang bundát ay nagpupuri sa Dios, ang bitukang dayukdók ay magpupuri sa mg̃a prayle. Mg̃a salitâng sinabi ni ginoong Custodio, sa bibíg ni Ben-Zayb, pamahayagang [249]El Grito de la Integridad, pang̃alawáng salaysáy, kaululáng ika isáng daan, limang pû’t pitó.
“¡Mg̃a ginìgiliw kong kapatíd kay Jesucristo!
“¡Ibinúbugá ng̃ kasamâán ang kaniyáng maruming hining̃á sa mg̃a kulay dahong baybayin ng̃ Frailandia, Kapulùang Pilipinas sa karaniwang tawag! Hindî sumísilang ang isáng araw na hindî umuugong ang isáng pagbaka, na hindî náding̃íg ang isáng masamâng parunggít sa mg̃a reverendas, venerandas at predicandas corporaciones, na walâng sukat magtanggól at walâng sukat kumatig. Ipahintulot ninyó sa akin, mg̃a kapatíd, na sa isáng sandalî’y magíng caballero andante akó upang magtanggól ng̃ walâng sukat magsanggaláng, ng̃ mg̃a banál na korporasión na nagturò sa atin, at patibayan pang mulî ang karugtóng ng̃ ibig turan noong sáwikâín na, bitukang bundát ay nagpupuri sa Dios, na dilì ibá’t, ang bitukang dayukdók ay magpupuri sa mg̃a prayle.”
—¡Mainam, mainam!
—Hoy,—ang sabing walâng katawatawa ni Isagani—ipinabábatíd ko sa iyo na kapág ang mg̃a prayle ang nátutukoy ay iginagalang ko ang isá.
Si Sandoval, na nasásayahán na, ay umawit:
¡Un fraile, dos frailes, tres frailes en el coooro
Hacen el mismo efecto que un solo toooro!
—Making̃íg kayó, mg̃a kapatíd; ibaling ang inyóng paning̃ín sa magandáng kapanahunan ng̃ inyóng kabatàan; tingnán ninyóng siyasatin ang kasalukuyan at itanóng ninyó sa sarili ang kinabukasan. ¿May anó kayó? ¡Prayle, prayle at prayle! Isáng prayle ang sa inyó’y nagbíbinyág, nagkukumpíl, dumadalaw ng̃ lubhâng masuyò sa páaralán; isáng prayle ang dumíding̃íg ng̃ mg̃a una ninyóng lihim, siyá ang una unang nagpapakain sa inyó ng̃ isáng Dios, ang nagtuturò sa inyó ng̃ landás ng̃ kabuhayan; mg̃a prayle ang una at hulíng gurô ninyó, prayle ang nagbúbukás ng̃ pusò ng̃ inyóng mg̃a magiging asawa, na inilalaan sa inyóng mg̃a suyò; isáng prayle ang nagkákasál sa inyó, ang nag-uutos na kayó’y maglakbáy sa ibá’t ibáng pulô, na binibigyán kayóng daán upang makapagbago ng̃ sing̃áw at libang̃an; siyá ang naglilingkód sa inyó kung kayó’y naghíhing̃alô at kahì’t umakyát kayó sa bibitayán, ay naroroón din ang [250]prayle upang kayó’y samahan ng̃ kaniyáng mg̃a dasál at luhà, at makapapanatag kayóng hindî kayó iiwan hanggáng hindî makitang kayó’y sadyâng patáy na patáy na at bitáy na bitáy. Datapwâ’y hindî hanggáng diyán lamang ang kaniyáng kaawâan; kung patáy na kayó, ay pagpipilitang kayó’y máilibíng ng̃ boóng ding̃al, makikipaglaban upang ang inyóng bangkáy ay dumaán sa simbahan, tanggapín ang kaniláng mg̃a panalang̃in, at magpapahing̃á lamang kapag náibigáy na kayó, sa mg̃a kamáy ng̃ Lumikhâ, na malinis na malinis dito sa lupà, alang-alang sa mg̃a parusang tinanggáp, mg̃a pahirap at mg̃a pagpapakumbabâ. Sa pagkakilala sa mg̃a turò ni Cristo na hindî binúbuksán sa mayayaman ang pintô ng̃ lang̃it, silá, mg̃a bagong mánanakop, mg̃a tunay na kahalili ng̃ Tagapagligtás, ay lumálaláng ng̃ sarìsarìng paraán upang alisán kayó ng̃ sala, kuapi sa karaniwang tawag, at dinádalá sa malayò, lubhâng malayò, doón sa tinítirahán ng̃ mg̃a kalaitlait na mg̃a insík at mg̃a protestante, at iniíwang malinis, mabuti, malunas, ang hiníhing̃ahán natin dito, sa paraán, na kahì’t ibigin man natin pagkatapos, ay walâ tayong matatagpûang halagáng sikapat na magiging sanhî ng̃ ating ipagkakasala!
“Oo, ng̃â, silá’y kailang̃an ng̃ ating kaligayahan; kung sa lahát ng̃ dakong dalhín natin ang ating ilóng ay mátatagpûan natin ang manipís na kamáy, na gutóm sa halík, na sa araw-araw ay lalò pang nagpapatalapyâ sa sung̃álng̃ál na dagdág na tagláy natin sa mukhâ ¿bakit hindî silá suyùin at patabâín at bakit híhing̃ín ang kagagawáng hindî nárarapat na silá’y palayasin? Nilayin sandalî ang malakíng kakulang̃áng mangyayari sa ating kalipunan kung silá’y mawalâ! Mg̃a walâng pagál na manggagawà ay pinabubuti at pinakakapál nilá ang mg̃a lipì; sa pagkakáwatákwaták natin dahil sa mg̃a inggitan at samâan ng̃ loob, ay pinagsasama tayo ng̃ mg̃a prayle sa íisáng kapalaran, sa isáng mahigpít na tungkós, nápakahigpít na hindî na tulóy máigaláw ng̃ marami ang kaniláng siko! Alisín ninyó ang prayle, mg̃a ginoo, at mákikita ninyóng mayayaníg ang kapamayanang pilipino, dahil sa kakulang̃án ng̃ malalakás na balikat at mabalahibong hità; ang pamumuhay pilipino ay makakainíp kung walâ ang nakapagpapasayáng prayle na mapagbirô at malikót, kung walâ ang mumuntîng aklát, at [251]mg̃a sermón na nakapagpápaihít ng̃ tawa, kung walâ ang mainam na pagkakaibayó na malalakíng hang̃arin sa mg̃a bung̃ông walâng kabuluhán, kung walâ ang tunay na pagtatanghál, sa araw-araw, ng̃ mg̃a kuwento ni Boccacio at ni Lafontaine! Kung walâ ang mg̃a korrea at kalmen ¿anó ang ibig ninyóng gawín sa háharapín ng̃ ating mg̃a babai kundî impukín ang salapîng iyán at silá’y magíng maramot at makamkám? Kung walâ ang mg̃a misa, mg̃a nobena at mg̃a prusisyón ¿saan kayó makatatagpô ng̃ mg̃a panggingihang kaniláng mapaglilibang̃án? walâ siláng tutungkulín kundî ang mg̃a gawàin sa bahay at ang pagbabasá nilá ng̃ mg̃a kuwentong kababalaghán ay kailang̃an nating palitán ng̃ mg̃a aklát na walâ pa rito! Alisín ninyó ang prayle, at mawawalâ ang kabayanihan, tataglayín na ng̃ bayan ang mg̃a mabuting pamamayan; alisín ninyó ang prayle at mawawalâ ang indio; ang prayle ay siyáng Amá, ang indio ang Verbo; yaón ang artista at itó ang estatua, sapagkâ’t lahát ng̃ kabagayáng tagláy natin, ang ating iniisip at ginágawâ, ay utang natin sa prayle, sa kaniyáng katiyagàan, sa kaniyáng kasipagan, sa kaniyáng pagtatamáng tatlóng daang taón upang mabago ang ayos na ibinigáy sa atin ng̃ Kalikasán! At kung walâng prayle at walâng indio ang Pilipinas, ¿anó ang mangyayari sa kaawàawàng pamahalàan na mápapaharáp sa mg̃a insík?”
—¡Kakain ng̃ panyáng na alimang̃o!—ang sagót ni Isagani na nabábagót sa talumpatì ni Pecson.
—At iyan ang dápat nating gawín. Siya na ang talumpatì!
Sa dahiláng hindî dumáratíng ang insík na may dalá ng̃ ulam, ay tumindíg ang isá sa mg̃a nag-aaral at tumung̃o sa pinaka look, sa may durung̃awang haráp sa ilog; dátapwâ’y madalîng bumalík na humuhudyát ng̃ palihím.
—Sinusubukan tayo; nákita ko ang minámahal ni P. Sibyla!
—¿Siya ng̃â ba?—ang bulalás ni Isagani na sabáy ang tindíg.
—Huwag nang magpagod: nang makita akó ay umalís.
Lumapit sa durung̃awan at tumanáw sa liwasan. Pagkatapos ay hinudyatán ang kaniyáng mg̃a kasama upang mang̃agsilapit. Nákita niláng lumabás sa pintùan ng̃ magpapansít [252]ang isáng binatà na paling̃ónling̃ón at lumulan, na kasama ang isáng hindî kilalá, sa isáng sasakyáng nag-aantáy sa tabí ng̃ bangketa. Ang sasakyán ay kay Simoun.
—¡Ah!—ang bulalás ni Makaraig:—ang alípin ng̃ Vice-Rector ay pinaglilinkurán ng̃ Pang̃inoon ng̃ General.
Maagang bumang̃on si Basilio upang tumung̃o sa Hospital. Mayroon na siyang takdâng gágawín, dalawin ang kaniyáng mg̃a may sakít, paroon pagkatapos sa Unibersidad upang mabatíd ang iláng bagay na ukol sa kaniyáng licenciatura, at sa kahulíhulihan ay makipagkita kay Makaraig dahil sa gugol na mangyayari sa kaniyáng pagkuha ng̃ grado. Ang malakíng bahagi ng̃ kaniyáng naimpók ay iniukol niya sa itutubós kay Hulî at upang madulutan itó ng̃ isáng dampâ na mapamamahayang kasama ng̃ nunò, at hindî siya makapang̃ahás na lumapit kay kapitáng Tiago, sa pang̃ing̃ilag na bakâ masapantahàng ang gayón ay isáng páuna sa mamanahing sinásabísabí sa kaniyá.
Libáng sa mg̃a gayóng iniisip ay hindî nápuna ang mg̃a pulúpulutóng na mg̃a nag-aaral na maagang nanggagaling sa loob ng̃ Maynilà na warìng isinará ang mg̃a páaralán; lalò pa mandíng hindî nápuna ang anyông natutubigan ng̃ ilán, ang paanás na usapan, ang lihim niláng hudyatan. Kayâ’t nang dumatíng sa San Juan de Dios at tinanóng siya ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan ng̃ ukol sa isáng panghihimagsík, si Basilio ay nápalundág at naalaala ang binabalak ni Simoun, na hindî nátuloy dahil sa mahiwagàng sakunâ na nangyari sa manghihiyas. Lipós katakután at nang̃íng̃iníg ang boses ay tumanóng na nagpakunwarîng walâng kamuwangmuwáng:
—¡Ah! ¿ang panghihimagsík?
—¡Napag-alamán!—ang sabi ng̃ isá,—at tila marami ang náhahalò.
Pinilit ni Basilio ang makapagpigil.
—¿Marami ang náhalò?—ang ulit na tinangkâng makabatíd ng̃ kahì’t muntîng bagay sa mg̃a matá ng̃ ibá;—at sino sino....?
[253]—Mg̃a nag-aaral, maraming mg̃a nag-aaral!
Inakalà ni Basilio na hindî nararapat na magtanóng pa sa pag-aalalang bakâ siyá máhalatâ, at lumayô sa pulutóng, na ang dinahilán ay ang pagdalaw sa kaniyáng mg̃a may sakít. Isáng gurô sa clínica ang sumalubong sa kaniyá, at matapos na mapigilan siyá sa balikat na lubhâng mahiwagà (ang gurô ay kaibigan niyá), ay marahan siyáng tinanóng:
—¿Naparoón ba kayó sa hapunan kagabí?
Sa kalagayang litó ni Basilio ng̃ mg̃a sandalîng iyon, ay nagkáriringgáng kamakalawá sa gabi ang sinabi sa kaniyá. Nang kinamakalawáhan sa gabí nangyari ang pakikipag-usap kay Simoun. Nagtangkâng magpaliwanag.
—Sasabihin ko sa inyó—ang bulóng halos—sa dahiláng masamâ ang lagáy ni kapitang Tiago at sakâ kailang̃an kong matapos ang Mata....
—Mabuti ng̃â ang nágawâ ninyóng hindî naparoón,—ang sabi ng̃ gurô,—¿Ng̃unì’t kasama ba kayó sa kapisanan ng̃ mg̃a nag-aaral?
—Ibiníbigáy ko ang aking ambág....
—Kung gayón ay isáng payo: umuwî kayó ng̃ayón din at pawìin ninyó ang lahát ng̃ papel na makasásamâ sa inyó.
Kinibít ni Basilio ang kaniyáng balikat. Walâ siyang anománg papel, mayroón siyáng mg̃a talâ na ukol sa klínika at walâ nang ibá.
—¿Si ginoong Simoun pô kayâ’y....?
—Walâng pakialám si Simoun sa pangyayari, salamat sa Dios!—ang dagdág ng̃ manggagamot—sinugatan ng̃ isáng taong hindî kilalá, at ng̃ayó’y náhihigâ. Hindî, ditó’y ibáng kamáy ang kumikilos, ng̃unì’t kakilákilabot din.
Si Basilio ay huming̃á. Si Simoun ang tang̃ìng makapag huhulog sa kaniyá. Gayón man ay naálaala si kabisang Tales.
—¿May mg̃a tulisán?....
—Walâ, tao kayó, walâ kundî mg̃a nag-aaral lamang.
Nátiwasáy na si Basilio.
—¿Anó, kung gayón, ang nangyari?—ang naípang̃ahás na itanóng.
—Nakátagpô ng̃ mg̃a paskín na masasamâ ang sinasabi; ¿hindî bagá ninyó batíd?
[254]—¿Saán?
—C....! sa Unibersidad.
—¿Walâ na kundî iyón?
—P....! ¿hindî pa ba sukat sa inyó ang gayón?—ang tanóng na halos galít ng̃ tagapagturò;—hiníhinalàng gawâ ng̃ mg̃a nagsasapìng nag-aaral ang mg̃a paskín, ng̃unì’t ¡huwág kayóng umimík!
Dumáratíng ang gurô sa Patología, isáng ginoóng malamáng pang anyông sakristan kay sa anyông manggagamot. Náhalál sa tulong ng̃ lakás ng̃ Vice-Rector, na hindî na hiniling̃án ng̃ anománg karapatán liban sa lubós na pag-alinsunod sa corporación, at inaarìng isáng tiktík at mangsusumbóng ng̃ ibáng gurô sa Facultad.
Ginantí siyá ng̃ batìng pasumalá ng̃ unang gurô na kinindatán si Basilio at malakás na sinabing:
—Batíd ko nang nag-aamóy bangkáy si kapitáng Tiago; dinalaw na ng̃ mg̃a uwak at buitre.
At pumasok sa salas ng̃ mg̃a propesor.
Tiwátiwasáy na, si Basilio ay nang̃ahás na magsiyasat ng̃ ibá pang bagay. Ang tang̃ìng nabatíd niya ay ang pagkakatagpô ng̃ mg̃a paskín sa mg̃a pintô ng̃ Universidad, mg̃a pasking ipinabakbák ng̃ Vice Rector upang ipadalá sa Gobierno Civil. Sinasabing punô ng̃ pagbabalà, pagputol ng̃ mg̃a liig, pagsalakay at ibá pang mg̃a pagmamatapáng.
Sa bagay na itó’y nang̃agkukuròkurò at nagpapalápalagáy ang mg̃a nag-aaral. Ang mg̃a unang balità ay tinanggáp nilá sa bantáy pintùan, na tumanggáp ng̃ balità sa isáng alilà sa Sto. Tomás, at itó’y sa isáng capista namán nakábalità. Sinasapantahà na niláng magkákaroón ng̃ mg̃a suspenso, mg̃a pagkapiít, at ibp., at itinuturò na ang mg̃a mápaparusahan, na dilì ibá’t ang mg̃a nasa Kapisanan.
Noon naalala ni Basilio ang mg̃a pang̃ung̃usap ni Simoun: Sa araw na magágawâng kayó’y pawìin.... Hindî ninyó matatapos ang inyóng pag-aaral......
—¿Mayroón kayâ siyáng nalalamang bagay?—ang tanóng sa sarili;—tingnán natin kung sino ang lalòng makapangyayari.
At nang makapagbalík loob na, upang mabatíd ang nararapat niyáng gawín at maalám din namán ang ukol sa kaniyáng licenciatura ay tinung̃o ni Basilio ang Universidad. [255]Dumaan sa daang Legazpi, tumulóy sa daang Beaterio, at nang dumatíng sa likô ng̃ daáng itó at ng̃ Solana ay námatyagán ng̃â niya na tila may isáng malakíng bagay na nangyari.
Sa mg̃a dating pulúpulutóng na masasayá at maiing̃ay ay daládalawáng Guardia Veterana ang kaniyáng nákita sa mg̃a banketa na nang̃ag-aabóy sa mg̃a nag-aaral na lumalabás sa Unibersidad, na ang ilán ay walâng kakibôkibô, malalamlám ang mukhâ, ang ibá’y galít na nang̃agsísitayô sa dakong malayôlayô ó nang̃agsísiuwî sa kaníkaniláng mg̃a bahay. Ang kaunaunahan niyang nasagupà ay si Sandoval. Hindî pinuná ang kátatawag ni Basilio; warìng nagíng bing̃í.
—¡Gawâ ng̃ takot sa katás ng̃ bituka!—ang sinapantahà ni Basilio.
Pagkatapos ay si Tadeo namán ang natagpûán, na masayáng masayá. Tila mangyayari din ang walâng katapusáng cuacha.
—¿Anó ang nangyayari, Tadeo?
—¡Walâ tayong pasok ng̃ hindî bababà sa isáng linggó, bigan! ¡mainam! ¡mabuti!
At pinagkikiskis ang mg̃a kamáy sa katuwàan.
—Datapuwâ’y ¿anó ang nangyari?
—¡Ibíbilanggô tayong mg̃a kaanib sa kapisanan!
—¿At masayá ka?
—¡Walâng pasukán, walâng pasukán!—at lumayông hindî magkasiyá sa galák.
Nákitang dumáratíng si Juanito Pelaez na namumutlâ at nang̃ang̃anib; ang kaniyáng kakubàan noon ay umabot sa lalòng katambukán, nagtutumulin siyá sa pag-ilas. Siya’y nagíng isá sa mg̃a lalòng masigasig na nag-uusig na mátayô ang kapisanan samantalang mabuti ang lakad.
—¿E, Pelaez, anó ang nangyari?
—¡Walâ, walâ akóng nálalaman! Akó’y walâng pakialám—ang nang̃ing̃ilabot na sagót—sinasabi ko na sa kanilá; iyan ay kaululán.... ¿Hindî ba gayón ang sabi ko?
Hindî alám ni Basilio kung sinabi niyá ó hindî, ng̃unì’t sa pagbibigáy loob sa kaniyá ay sumagót:
—¡Oo! ng̃unì’t ¿anó ang nangyayari?
—¿Tunay ng̃â, anó? Tingnán mo, ikaw ay saksí; kailan man ay hadláng akó.... ¡ikaw ang saksí, tingnàn mo, huwag mong limutin!
[256]—Oo, oo; ng̃unì’t ¿anó ang nangyari?
—Tingnán mo; ¡saksi ka! Hindî akó nakikilahók kailan man sa kapisanan kundî upang pagpaliwanagan ko kayó.... bakâ mo ipagkailâ pagkatapos! Huwág mong lilimutin ¿ha?
—Hindî, hindî ko itatakwíl, ng̃unì’t ¿anó na ang nangyari, anák ka ng̃ Dios?
Si Juanito ay malayò na: nákitang lumálapit ang isáng guardia at natakot na bakâ siyá hulihin.
Nang magkágayón ay tumung̃o si Basilio sa Unibersidad upang tingnán kung bakâ sakalìng bukás ang Kalihiman at upáng makátanggáp ng̃ balità. Nakalapat ang pintûan ng̃ kalihiman at sa bahay na iyon ay may dî karaniwang kilusán. Akyát manaog sa mg̃a hagdanan ang mg̃a prayle, militar, pulistas, matatandâng abogado at médiko, upang ihandóg marahil ang kaniláng tulong sa may kapang̃aniban.
Nátanáw sa malayò ang kaibigan niyang Isagani, na, namumutlâ at bago ang anyô, tagláy ang boong gilas kabatàan, na nag-uulat sa iláng kasama sa pag-aaral at inilalakás ang pagsasalitâ na warìng walâng kabuluhán sa kaniyá ang máding̃íg man ng̃ lahát.
—¡Kahalayhalay, mg̃a ginoo, kahalayhalay na ang isáng pangyayaring gangganiyan lamang ay makapagpatakbó sa atin at mapailas tayong warì’y mg̃a lang̃aylang̃ayan dahil lamang sa ang panakot upo ay gumaláw! ¿Ng̃ayon lamang ba mangyayaring ang mg̃a binatà’y mabibilanggô ng̃ dahil sa pagtatanggól ng̃ kalayàan? ¿Násaan ang mg̃a patáy, násaan ang mg̃a nábaril? Bakit tataliwakás ng̃ayón?
—Ng̃unì’t sino kayâ ang hang̃ál na sumulat ng̃ mg̃a gayóng paskín?—ang tanóng na pagalít ng̃ isá.
—¿Anó ang mayroon sa atin?—ang sagót ni Isagani—hindî natin katungkulan ang magsiyasat, siyasatin nilá! Bago matantô ang ayos ng̃ pagkakasulat ay hindî natín kailang̃an ang magpakita ng̃ pagkampí sa mg̃a ganitóng sandalî. Doon sa may pang̃anib, doon tayo dapat pumaroon, sapagkâ’t doon nároon ang karang̃alan! Kung ang sinasabi ng̃ mg̃a paskín ay kasang-ayon ng̃ ating karang̃alan at mg̃a damdamin, sino mán ang sumulat, ay mabuti ang ginawâ, nárarapát nating pasalamatan at agarín nating isama sa kaniyá ang ating lagdâ. Kung hindî kapit sa atin, ang ating inuugalì at [257]ang ating mg̃a budhî ay sadyâ nang tumututol sa anománg sumbóng....
Nang máding̃íg ni Basilio ang gayóng pagsasalitâ, kahì’t na mahál sa kaniyá si Isagani, ay pumihit at umalís. Paparoon siyá sa bahay ni Makaraig upang sabihin ang tungkól sa pagsandalì.
Sa kalapít ng̃ bahay ng̃ mayamang nag-aaral ay nakápuná ng̃ mg̃a bulóng bulung̃an at mahiwagàng hudyatan ng̃ mg̃a kapitbahay. Sa dahiláng hindî talós ng̃ binatà ang sanhî ng̃ pinag-uusapan ay palagáy na ipinatuloy ang kaniyáng lakad at pumasok sa pintûan. Dalawáng bantáy na Veterana ang sumalubong sa kaniya’t siya’y tinanóng kung anó ang ibig. Nahalatâ ni Basilio na siya’y nagbiglâbiglâ ng̃unì’t hindî na makaurong.
—Hinahanap ko ang aking kaibigang si Makaraig—ang patuloy na sagót.
Ang mg̃a bantáy ay nagting̃inan.
—Mag-antáy kayó rito—ang sabi sa kaniyá ng̃ isá,—antabayanan ninyó ang kabo.
Si Basilio ay nápakagát labì, at ang mg̃a pang̃ung̃usap ni Simoun ay mulîng umugong sa kaniyáng taing̃a.... Hinuhuli kayâ si Makaraig?—ang inisip niyá, ng̃unì’t hindî nakapang̃ahás na magtanóng.
Hindî nag-antáy nang malaon; ng̃ sandalîng yaón ay pumápanaog si Makaraig na masayáng nakikipag-usap sa kabo, na kapuwâ pinang̃ung̃unahan ng̃ isáng alguacil.
—¿Bakit? ¿Patí ba kayó, Basilío?—ang tanóng.
—Titingnán ko kayó....
—¡Marang̃al na asal!—ang sabing tumatawa ni Makaraig,—noong mg̃a araw na payapà, ay lumálayô kayó sa amin....
Itinanóng ng̃ kabo kay Basilio ang kaniyáng pang̃alan at tiningnán ang isáng talâan.
—¿Nag-aaral sa panggagamot, daang Anloague?—ang tanóng ng̃ kabo.
Kinagát ni Basilio ang kaniyáng labì.
—¿Bakit, patí ba akó?
Si Makaraíg ay humalakhák.
—Huwag kayóng mang̃anib, kaibigan; magkakaruahe tayo, at sa gayón ay isásalaysáy ko sa inyó ang hapunan kagabí.
At sa isáng mainam na kilos, na warìng nasa kaniyáng [258]bahay, ay inanyayahan ang auxilio at ang kabo na lumulan sa sasakyáng nagaantáy sa kanilá sa pintô.
—¡Sa Gobierno Civil!—ang sabi sa kotsero.
Isinalaysáy ni Basilio, na nakapagbalík loób na, kay Makaraíg ang sanhî ng̃ kaniyáng pagdalaw. Hindî siyá binayàang matapos ng̃ mayamang nag-aaral at siya’y kinamayán.
—Maaasahan ninyó akó kaibigan, maaasahan ninyó akó at sa pistá ng̃ ating investidura ay aanyayahan natin ang mg̃a ginoong itó,—ang sabing itinurò ang kabo at ang alguasíl.
Vox populi, vox Dei.
Iniwan natin si Isagani na nagsasalitâ sa kaniyáng mg̃a kaibigan. Sa gitnâ ng̃ kaniyáng kasigabuhán, ay nilapitan ng̃ isáng kapista upang sabihin sa kaniyáng ibig siyáng mákausap ni P. Fernández, isá sa mg̃a katedrátiko sa ampliación.
Si Isagani’y namutlâ. Sa ganáng kaniya’y isáng taong kagalanggalang si P. Fernández: yaón ang isá na kaniyáng itinatang̃ì kailan pa ma’t ang napag-uusapan ay ang pag-alimura sa prayle.
—At ¿anó ang ibig ni P. Fernández?—ang tanóng.
Kinibít ng̃ kapista ang balikat; sinundán ni Isagani na masamâ ang loób.
Si P. Fernández, yaóng prayleng nakita natin sa Los Baños, ay nag-aantáy sa kaniyáng silíd, malungkót at walâng imík, na nakakunót ang noó na warìng nag-iisíp. Tumindíg nang mákitang pumasok si Isagani, binatì itóng kinamayán, at inilapat ang pintûan; pagkatapos ay nagpayao’t dito sa magkábilâng dulo ng̃ silíd. Nakatayô si Isaganing inaantáy na siya’y kausapin.
—Ginoong Isagani,—ang sabing ang ting̃ig ay nang̃ing̃iníg, ng̃ malaunan:—mulâ sa durung̃awan ay náding̃íg ko kayóng nagsasalitâ, sa dahiláng akó’y natutuyô, ay matalas ang aking pangding̃íg, kayâ’t ninasà kong kayó’y [259]mákausap. Kailan man ay kinalugdán ko ang mg̃a binatàng nagpapahayag ng̃ maliwanag at mayroong kaniyáng sariling paghuhulò at pagkilos; walâng kailang̃an sa akin na ang kaniláng pagkukurò ay máibá sa pagkukurò ko. Alinsunod sa aking náding̃íg, ay nagkaroon kayó kagabí ng̃ isáng hapunan, huwag kayóng magdahilán....
—¡Sa hindî namán akó nagdadahilán!—ang putol ni Isagani.
—Lalòng mabuti, iyán ay nagpapakilalang inyóng pinang̃ang̃atawanán ang magiging bung̃a ng̃ inyóng ginawâ. Sa isáng dako ay masamâ pa ang kayó’y tumakwíl; hindî ko kayó sinisisi, hindî ko pinupuná ang mg̃a pinagsabí doon kagabí; hindî ko kayó binibigyang sala, sapagkâ’t may kalayàan kayóng magsabi ng̃ bawà’t maisip na laban sa mg̃a dominiko; kayó’y hindî sa amin aral; ng̃ taóng itó lamang nagkaroon kamí ng̃ lugód na mapatung̃o kayó rito sa amin at marahil ay hindî na kayó mápasok na mulî pa. Huwag ninyóng akalàin na tutukoy akó ng̃ ukol sa utang na loób, hindî; hindî ko aaksayahín ang aking panahón sa mg̃a bagay na walâng kabuluhán. Ipinatawag ko kayó, sapagkâ’t inakalà kong kayó’y isá sa mg̃a kakauntîng nag-aaral na kumikilos ng̃ dahil sa sariling pananalig, at sa dahiláng kinalulugdán ko ang mg̃a taong may lubós na pananalig, aniko sa sarili ay, makikipaglinawán akó kay ginoong Isagani.
Si P. Fernández ay humintông sandalî at ipinatuloy ang kaniyáng pagpapayao’t dito na nakatung̃ó at nakating̃ín sa dakong ibabâ.
—Kayó’y makauupô kung ibig ninyó,—ang patuloy;—may ugalì akóng lumalakad ay nagsasalitâ, sapagkâ’t sa gayón ay lalòng nátutumpák ang aking mg̃a pagkukurò.
Si Isagani’y nagpatuloy na nakatayô, mataas ang ulo, at inaantáy na tiyakín ng̃ katedrátiko ang salitâan.
—Mahigít nang walóng taóng na akó’y nagtuturò,—ang patuloy ni P. Fernández na palakadlakad—at nákilala ko’t nákasalamuhà ang mahigít sa dalawáng libo at limang daang binatà; tinurùan ko silá, pinunyagî ko ang mapadunong, inaralan ko ng̃ pagtatagláy ng̃ katwiran, ng̃ karang̃alan, ng̃unì’t gayón man, sa panahóng itó na lubhâng marami ang inilalait sa amin, ay walâ akóng nákitang isá man na nagkaroon ng̃ kapang̃ahasang pagmatigásan ang kaniyáng mg̃a [260]sinasabi kapag náhaharáp sa isáng prayle.... ni masabi man lamang ng̃ malakás sa haráp ng̃ marami.... May mg̃a binatàng inuupasalàan kamí sa likód at hináhagkán ang aming mg̃a kamáy kung kaharáp at sa tulong ng̃ ng̃itîng bulisik ay nanánanghód ng̃ aming sulyáp! ¡Puf! ¿Anó ang ibig ninyóng gawín namin sa mg̃a ganiyáng tao?
—Hindî nilá sarili ang kasalanan, Padre,—ang sagót ni Isagani,—ang kasalanan ay nasa sa mg̃a nagturò sa kanilá ng̃ pagbabalatkayông ugalì, nasa mg̃a sumisiíl sa malayàng kaisipán, sa malayàng pang̃ung̃usap. Dito, ang lahát ng̃ pagkukuròng sarili, ang anómang salitâ na hindî kasang-ayon ng̃ nasà ng̃ nakapangyayari, ay ipinálalagáy na pagkapilibustero, at alám ninyóng maigi ang kahulugán ng̃ salitâng itó: ¡Balíw ang sa pagnanasàng masabi lamang na malakás ang iniisip ay hahandâ sa pagtitiís ng̃ mg̃a pag-uusig!
—¿Anó ang mg̃a pag-uusig na inyóng tinitiís?—ang tanóng ni P. Fernández na itinaás ang ulo,—¿hindî ko kayó binayàang mang̃usap ng̃ malayà sa aking klase? Ng̃unì’t gayón man, kayó’y isáng maitatang̃ì, na, kung tunay ang sinasabi, ay dapat kong ituwid, upang mapalaganap ang kaugalìan, kung mangyayari, upang maiwasan ang masamâng halimbawà!
Ng̃umitî si Isagani.
—Pinasasalamatan ko kayó at hindî ko ipakikipagtalo kung akó’y nátatang̃ì ó hindî; tatanggapín ko ang katang̃ìan upang tanggapín namán ninyó ang aking sasabihin; kayó man ay tang̃ì rin; at sa dahiláng dito’y hindî natin pag-uusapan ang mg̃a pagkakátang̃ì, ni ang pagpaparangyâ ng̃ ating mg̃a pagkatao, sa ganáng akin ay gayón ang aking akalà, ay ipinamamanhík ko sa aking katedrátiko na mangyaring baguhin ang lakad ng̃ salitàan.
Kahì’t na may pagkukuròng malayà ay nápataás ang ulo ni P. Fernández at tinitigang lipós pagkakamanghâ si Isagani. Ang binatàng iyón ay may mahigít pang pagkamalayà kay sa inakalà niyá; kahì’t tinawag siyang katedrátiko, kung tatayahin, ay inaarì siyáng kapantáy, dahil sa nang̃ahás magmungkahì. Dahil sa mabuting magparaán sa pakipag-usap, ay hindî lamang tinanggáp ni P. Fernández ang pangyayari, kun dî siyá na ang nagbukás.
—¡Mabuti!—ang sabi,—ng̃unì’t huwag ninyóng ipalagáy [261]na akó’y inyóng gurô; akó’y isáng prayle at kayó’y isáng nag-aaral na pilipino; walâng labis, walâng kulang! at ng̃ayón ay itatanóng ko sa inyó: ¿anó ang nasà sa amin ng̃ mg̃a nag-aaral na pilipino?
Dumatíng na pabiglâ ang katanung̃an: si Isagani ay hindî handâ. Iyón ay isáng ulos na biglâng lumusót samantalang nagmumuog, gaya ng̃ tawag sa esgrima. Sa kabiglâanang iyón, si Isagani, ay tumugón ng̃ isáng matindíng salág na warìng isáng baguhang nagsanggaláng:
—¡Na kayó’y mang̃agsitupád sa inyóng kautang̃án!—aniyá.
Si pray Fernandez ay umunat: nagíng warì’y putók ng̃ kanyón, sa ganáng kaniyá, ang kasagutan.
—¡Na kamí’y tumupád sa aming kautang̃án!—ang ulit na nagpakaunat-unat,—kung gayó’y ¿hindî kamí tumútupád sa aming kautang̃án? ¿anóng mg̃a kautang̃án ang itinutungkól ninyó sa amin?
—Yaón díng malayàng iniatang sa sarili ninyó ng̃ kayó’y pumasok sa kalipunan, at yaóng pagkatapos, nang nasa sa loób na kayó, ay ninasàng taglayín! Ng̃unì’t sa aking pagkanag-aaral na pilipino, ay hindî ko inaakalàng akó’y may karapatáng sumurì ng̃ inyóng inaasal sang-ayon sa inyóng mg̃a palatuntunan, sa katolisismo, sa pamahalàan, sa bayang pilipino at sa boong sangkatauhan: mg̃a bagay iyang dapat ninyóng linawin sa mg̃a tagapagtatág ninyó, sa Papa, sa pamahalàan, sa boóng bayan ó sa Dios: sa aking pagkanag-aaral na pilipino, ay ang kautang̃án lamang ninyó sa amin ang tang̃ì kong tutukuyin. Ang mg̃a prayle, ang kalahatán, sa pagiging tagasiyasat ng̃ pagtuturò sa bayan bayán, sa mg̃a lalawigan, at ang mg̃a dominiko, sa ganáng kanilá, sa paglilikom sa kaniláng mg̃a kamáy ng̃ mg̃a pag-aaral ng̃ kabinatàang pilipino, ay tumanggáp ng̃ katungkulan, sa haráp ng̃ walóng ang̃aw-ang̃aw na mámamayán, sa haráp ng̃ España at sa haráp ng̃ sangkatauhan na ating kinasasamahan, na pabutihin sa tuwîtuwî na ang batàng binhî, sa ugalì at pang̃ang̃atawán, upang ilandás siya sa kaniyáng kaligayahan, lumikhâ ng̃ isáng bayang marang̃ál, malusog, matalino, mabaít, marilág at matapát. At ng̃ayó’y akó namán ang magtátanóng: ¿tumupád bagá ang mg̃a prayle sa kaniláng katungkulan?
[262]—Gumáganáp kamí....
—¡Ah! P. Fernandez,—ang paklí ni Isagani;—kung itututóp ninyó ang kamáy sa inyóng pusò ay makasásagót kayóng tumutupád, ng̃unì’t kung itútutóp ang kamáy sa pusò ng̃ inyóng kalipunán, sa ibabáw ng̃ pusò ng̃ lahát nang mg̃a kalipunang prayle, ay hindî ninyó masasabi ang gayón ng̃ hindî masisinung̃aling̃an! ¡Ah, Padre Fernandez! kapag náhaharáp akó sa isáng taong aking minamamahal at iginagalang, ay ibig ko pa ang akó ang sisihin kay sa sumisi, ibig ko pa ang magsanggaláng kay sa sumugat. Ng̃unì’t yamang pumasok na tayo sa pagpapáliwanagán ay magpatuloy na tayo hanggáng sa wakás! ¿Papano ang ginágawâng pagtupád sa kautang̃án ng̃ mg̃a nagsisiyasat ng̃ pagtuturò sa mg̃a bayán bayán? ¡Hináhadlang̃án! At ang mg̃a tang̃ìng may hawak dito ng̃ mg̃a pagpapaaral, ang mg̃a may ibig na mag-ayos ng̃ pag-iisip ng̃ kabatàan, na walâng ibáng makapanghimasok ¿papaano ang ginágawâng pagtupád sa kaniláng katungkulan? Ináawasán hanggáng mangyayaring awasán ang mg̃a pagkatahô, pinápatáy ang lahát ng̃ sulák at sigabó, ináabâ ang lahát ng̃ karang̃alan, tang̃ìng nagpapakilos sa káluluwá, at itinátaním sa amin ang matatandâng pagkukurò, ang mg̃a lipás na karunung̃an, ang mg̃a malîng batasán ng̃ katwiran na dî kaagpáng ng̃ pamumuhay sa pagsulong! ¡Ah! kung ang linalayon ay ang pagpapakain sa mg̃a bilanggô, ang pagbibigay ng̃ kakanin sa mg̃a nagkasala, ay inilálagáy ng̃ pamahalàan sa subasta upang mátagpûán ang makapagdudulot ng̃ lalòng mabuting pagkain, ang hindî pápatáy ng̃ gutom sa kanilá; kapag ang tinutung̃o ay ang palusugin ang pag-iisip ng̃ isáng boông bayanán, palusugin ang kabatàan, ang bahaging lalòng mabuti, ang sa hulí’y magiging siyáng bayan at siyáng lahát, dî lamang hindî inilalagáy sa subasta ng̃ pamahalàan, kung dî pinalalagì ang kapangyarihan doón sa kalipunán na nagpaparangyâ ng̃ pag-ayáw sa ikatututo, ng̃ pag-ayáw sa anománg pagkakasulong. ¿Anó ang wiwikàin natin kung ang nagdádalá ng̃ pagkáin sa mg̃a bilanggùan, matapos na makuha sa pailalím na paraán ang kasundùang pagpapakain, ay bayàang manglambót ang kaniyáng mg̃a bilanggô sa kakulang̃án sa dugô, dahil sa ang ibiníbigáy na pagkain ay lahát noong lipás at laós, at [263]pagkatapos ay magdahiláng sabihin na hindî nababagay na magkaroon ng̃ mabuting katawán ang mg̃a bilanggô, sapagkâ’t ang mabuting katawán ay nagdudulot ng̃ masasayáng kaisipán, sa dahiláng ang katuwâan ay nagpapabuti sa tao, at ang tao’y hindî dapat bumuti, sapagkâ’t naaayon sa hang̃ád ng̃ nagpapakain ang magkaroon ng̃ maraming nagkakasála? ¿Anó ang wiwikàin natin kung ang pamahalàan at ang nagpapakain ay magkásundô na sa sikolo ó labindalawáng kualta na tinatanggap ng̃ isá, sa bawa’t isáng may sala, ay tanggapín namán ng̃ isá ang aliw?
Kinákagatkagát ni P. Fernandez ang kaniyang mg̃a labì.
—Nápakatindíng sumbóng iyan,—ang sabi,—at kayó’y lumálagpás sa hangganan ng̃ ating kasundùan.
—Hindî, Padre; patuloy akó sa pagtukoy ng̃ ukol sa pag-aaral. Ang mg̃a prayle, at hindî ko sinasabing kayóng mg̃a prayle, sapagkâ’t hindî ko kayó ibinibilang sa karamihan, ang mg̃a prayle ng̃ lahát ng̃ orden ay nagíng pawàng tagapagdulot ng̃ aming ikatatalino, at sinasabi nilá at inihahayag ng̃ walâng kahiyâhiyâ, na hindî nararapat na kamí’y dumunong, sapagkâ’t balàng araw ay hahang̃arín namin ang maging malayà! Itó’y kagaya noong ayaw palusugin ang katawán ng̃ bilanggô upang huwag bumuti at makaalís sa bilanggùan. Ang kalayàan, sa tao’y, kagaya ng̃ ikátututo kung sa katalinuhan, at ang pag-ayáw ng̃ prayle na kamí’y tumalino ay siyáng sanhî ng̃ dî namin kasiyahang loób!
—Ang karunung̃an ay ibiníbigáy lamang doon sa karapatdapat magtamó!—ang paklí ni P. Fernández,—kung ipagkákaloob sa mg̃a taong walâng matibay na pusò at mabuting asal ay hahalay lamang.
—At ¿bakit may mg̃a taong walâng matibay na pusò at mabuting asal?
Kinibít ng̃ dominiko ang kaniyáng balikat.
—Mg̃a kasiràang násususo nang kasama ng̃ gatas, na nálalang̃áp sa loób ng̃ lipì.... ¿anó ang malay ko?
—¡Ah hindî pô, P. Fernández!—ang biglâng bulalás ng̃ binatà,—hindî ninyó sinurìng mabuti ang bagay na pinag-uusapan, hindî ninyó ginawâng tanawín ang kailalimilaliman dahil sa pang̃ambáng bakâ mamalas doón ang anino ng̃ inyóng mg̃a kakapatíd. Kayó ang may kagagawán ng̃ aming anyô. Ang bayang sinísiíl ay pinipilit na magtagláy ng̃ balát-kayông [264]ugalì; yaóng pinagkakaitán ng̃ katotohanan ay binibigyán ng̃ kasinung̃aling̃an; ang nagpapakadahás ay gumágawâ ng̃ alipin. Walâng mabuting aral, ang wikà ninyó, kahì’t na! kahì’t mangyayaring pabulàanan kayó ng̃ mg̃a talàan, sapagkâ’t dito’y hindî nangyayari ang mg̃a pagkakasalang kagaya ng̃ sa maraming bayang nabubulag sa kaniláng palalòng tagurîng nang̃ag-aayos ng̃ ugalì. Datapwâ’y kahì’t hindî hang̃ád ang surìin sa ng̃ayón kung anó ang bumubuô ng̃ hilig at sa dahiláng nátutung̃od sa kabutihang ugalì ang aral na tinanggáp, ay sang-ayon akó sa inyó na kamí ng̃â’y may kasiràan. ¿Sino ang may sala sa pangyayaring iyán? ¿O kayóng may tatlong daa’t limang pûng taóng naghahawak ng̃ aming ikatututo ó kaming umaalinsunod sa lahát ng̃ bagay? Kung makaraán ang tatlóng daa’t limáng pûng taón ay walâng nayarì ang eskultor kundî isáng walâng ayos na larawan, ay lubhâng nápakatunggák.
—O masamâ ang putik na ginagamit.
—Lalò pang tunggák kung gayón, sapagkâ’t alám na masamâ palá ay hindî iniíwan ang putik at nagpapatuloy sa pag-aaksayá ng̃ panahón.... at hindî lamang tunggák, kungdî nagdadayà at nagnanakaw, sa dahiláng batíd na walâng kapararakan ang kaniyáng gawâ ay ipinagpapatuloy upang tanggapín ang kaupahán.... at hindî lamang tunggák at magnanakaw kung dî taksíl sapagkâ’t humáhadláng na ang lahát ng̃ ibáng eskultor ay sumubok ng̃ kaniláng kaya upang tingnán kung makakayarì ng̃ bagay na may halagá! ¡Kalaitlait na pang̃ing̃ilag ng̃ walâng kasapatán!
Ang tugón ay nápakatindí at naramdamán ni P. Fernández na siya’y násilò. Tiningnán si Isagani at namalas niyang malakí, hindî madadaíg, namamaibabaw at noon lamang siyá náranasan, sa boô niyáng kabuhayan, ang pag-aakalàng siya’y tinalo ng̃ isáng nag-aaral na pilipino. Nagsisi siya dahil sa kaniyáng pagkakahamon sa pagtatalo, ng̃unì’t hulí na. Sa kaniyáng kagipitan at sa pagkakalagáy sa haráp ng̃ gayóng dapat katakutang kalaban ay humanap ng̃ mabuting kalasag at pinanghawakan ang pamahalàan.
—Ipinapataw ninyó sa amin ang lahát ng̃ kasalanan, sapagkâ’t walâ kayóng nákikita kundî kamíng kalapít,—ang sabing ang boses ay walâ nang pagmamataas,—talagáng gayón, hindî ko ipinagtataká! kinamumuhîan ng̃ bayan ang [265]sundalo ó ang alguasíl na humúhuli sa kaniyá at hindî ang hukóm na nag-utos ng̃ paghuli. Kayó at kamí’y sumasayáw na lahát ng̃ alinsunod sa lakad ng̃ isáng tugtugin: kung itinátaas ninyó ang inyóng mg̃a paa ng̃ sabáy sa amin, ay huwag kamí ang sisihin: ang tugtuging nagtatakdâ ng̃ ating kilos. ¿Inaakalà bagá ninyóng kamíng mg̃a prayle ay walâng budhî at ayaw kamí sa kabutihan? ¿Inaakalà bagá ninyóng hindî namin kayó naaalaala, na hindî namin naaalaala ang aming kautang̃án, at kamí’y kumakain lamang upang mabuhay at nabubuhay upang magharì? ¡Maanong magkagayón na ng̃â! Ng̃unì’t, gaya rin ninyóng kamí’y sumusunód sa lakad ng̃ tugtugin; kamí’y pigipít na pigipít: ó palayasin ninyó kamí ó kamí’y palayasin ng̃ pamahalàan. ¡Ang pamahalàan ay siyang nag-uutos, at sa nakapaguutos ay walâng katwiran kundî ang sumunód!
—Sa bagay na iyan, kung gayón, ay makukurò—ang sabi ni Isagani na nakang̃itî ng̃ malungkót,—na hang̃ád ng̃ pamahalàan ang aming ikasasamâ?
—¡Oh, hindî, hindî iyan ang ibig kong sabihin! Ibig kong sabihin, na may mg̃a paniniwalà, may mg̃a palagáy at mg̃a kautusán na inilalagdâ ng̃ mabuti ang layon ng̃unì’t mg̃a kasakitsakit ang iniaanák. Ipaliliwanag kong lalòng mabuti sa pagbanggít ng̃ isáng halimbawà. Upang pigilin ang isáng muntîng kasamâán, ay naglalagdâ ng̃ maraming kautusán na nagiging sanhî ng̃ lalò pang maraming kasamâán: corruptíssima in republica plurimæ leges, ang sabi ni Tácito. Upang iwasan ang isáng pagdarayà, ay naglalagdâ ng̃ isáng ang̃aw ang̃aw at kalahatì na kapasiyahang nagbabawal at nakadudustâ, na ang iniaanák kaagád ay ang gising̃in ang bayan upang iwasan at linlang̃ín ang mg̃a tinurang pagbabawal: upang gawíng makasalanan ang isáng bayan ay walâng mabuting paraan na dî gaya ng̃ pag-alinlang̃anan ang kaniyáng kabaitan. Lumagdâ ng̃ isáng kautusán, huwag na rito kundî sa España, at tingnán ninyó kundî pag-aaralan ang paraan ng̃ paglinláng sa kaniyá, ang gayó’y sapagkâ’t nalimot ng̃ mg̃a gumágawâ ng̃ kautusán ang pangyayari na samantalàng ipinagkakatagòtagò ang isáng bagay ay lalò namáng pinagnanasàang makita. ¿Bakit ang masamâng gawâ at katalasan ay inaaarìng malakíng sangkáp ng̃ bayang kastilà gayóng walâ siyang mákakapantáy kung sa pagkamahál [266]na tao, sa pagkamapagmataás at sa pagkamahaldika? Sapagkâ’t ang tagalagdâ namin ng̃ kautusán, sa loob ng̃ lalòng mabuting adhikâ, ay nang̃ag-alinlang̃an sa kaniyáng pagkamahál, sinugatan ang kaniyáng kataasan at hinamon ang kaniyáng pagkamahaldika! ¿Ibig ninyóng gumawâ sa España ng̃ isáng daanan sa gitnâ ng̃ mg̃a talampás? Kung gayó’y lagyán ninyó doon ng̃ isáng babalâng magahasà na ipinagbabawal ang magdaan, at iiwan ng̃ bayan, na tumututol sa pagbabawal, ang daanan upang mang̃unyapít sa mg̃a bató. Sa araw na ipagbáwal sa España ang kabaitan, ng̃ isáng manggagawà ng̃ kautusán, at ipaganáp na sápilitan ang kasamâan, sa kinábukasan ay mabait na lahát ang tao!
Humintô ang dominiko, at pagkatapos ay nagpatuloy:
—Ng̃unì’t masasabi ninyóng lumálayò tayo sa salitâan; magbabalík akó.... Ang masasabi ko upang kayó’y maniwalà, ay, na ang kasiràang tinátaglay ninyó ay hindî nararapat na ibintáng sa amin ni sa pamahalàan; iyan ay nasa sa dî wastóng pagkakatatag ng̃ aming kapisanan, qui multum probat, nihil probat, na nasasawî sa kahigitán sa pag-iing̃at, kakulang̃án sa kailang̃an at lampás doon sa kalabisán.
—Kung kiníkilala ninyó ang mg̃a kasiràang iyan ng̃ inyong kapisanan,—ang tugón ni Isagani,—¿bakit nanghihimasok sa pag-aayos ng̃ kapisanan ng̃ ibá at hindî ang unahin ay ang sarili muna?
—Nápapalayô tayo sa ating salitàan, binatà; ang kaparaanang pagsang-ayon sa mg̃a bagay na nangyari na ay dapat tanggapin....
—¡Kahi’t na! tinátanggáp ko, sapagkâ’t isá ng̃ nangyari at patuloy akó sa pagtatanóng: ¿bakit, kung ang pagkakatatag ng̃ inyóng kapisanan ay may kasiràan, ay hindî ninyó palitán ó kayâ’y dinggín man lamang ang ting̃ig ng̃ mg̃a napipinsalàan?
—Nálalayô pa rin tayo: ang pinagsasalitàan natin ay kung anó ang nasà ng̃ mg̃a nag-aaral sa mg̃a prayle....
—Sapol sa sandalîng ang mg̃a prayle ay nagkakanlóng sa likód ng̃ pamahalâan ay itó na ang tutung̃uhin ng̃ mg̃a nag-aaral.
Ang paklí ay makatwiran; sa dakong iyon ay walâng lúlusután.
[267]—Hindî akó ang pamahalàan at hindî ko masasagután ang kaniyáng mg̃a kilos. ¿Anó ang nasà ng̃ mg̃a nag-aaral na gawín namin, alang-alang sa kanilá, sa loób ng̃ hangganang aming kinalalagyán?
—Huwag humadláng sa kalayàan ng̃ pag-aaral, kundî tumulong pa ng̃â.
Inilíng ng̃ dominiko ang ulo.
—Kahì’t hindî ko tuturan ang sarili kong pagkukurò, iyán ay paghilíng sa aming kamí’y magpatiwakál,—ang sabi.
—Hindî pô, kung dî bagkús na ibá, iyan ay paghing̃îng kamí’y paraanin upang huwag kayóng masagasà at madurog.
—¡Hm!—ang sabi ni P. Fernández na humintô at nag-isíp—Simulán ninyó sa paghing̃î ng̃ bagay na hindî gayón kabigát, isáng bagay na maaarìng itulot ng̃ bawà’t isá sa amin na hindî ikasisirà ng̃ karang̃alan at mg̃a karapatáng tagláy, sapagkâ’t kung mangyayaring tayo’y magkalinaw at mamuhay ng̃ payapà ¿anó’t magkakagalít, anó’t maghihinalàan?
—Kung gayón ay tutung̃o tayo sa pagtukoy sa mg̃a kasanhîan....
—Oo, sapagkâ’t kung tatangkîín natin ang kinatitirikan ay maiguguhô natin ang bahay.
—Tung̃uhin natin ang mg̃a kasanhîan kung gayón, iwan natin ang kinalalagyán ng̃ mg̃a batayán ng̃ katwiran; at hindi rin sasabihin ang sarili kong pagkukuro—at dito’y idiniín ng̃ binatà ang salitâ—maghuhumpáy ang mg̃a nag-aaral sa kaniláng inaayos at mapapawì ang iláng kapaitan kung ang mg̃a nagtuturò ay mátututong pagpakitaan silá ng̃ mabuti kay sa ipinakikita hanggáng sa ng̃ayón.... Itó’y nasa sa inyóng mg̃a kamáy.
—¿Anó?—ang tanóng ng̃ dominiko—¿mayroon bagáng anománg daíng sa aking inúugalì ang mg̃a nag-aaral?
—Padre, sa simulâ pa’y nagkásundô tayong hindî tútukuyin ni akó ni kayó. Nag-uusap tayo ng̃ pangkalahatán: bukód sa walâng nápapalâ ang mg̃a nag-aaral sa mg̃a taóng dinádaán sa mg̃a klase, ay madalás pang iwan doon ang bahagi ng̃ kaniláng karang̃alan, kungdî man ang lahát.
Kinagát ni P. Fernandez ang kaniyáng labì.
—Walâng pumipilit sa kaniláng mag-aral; ang mg̃a bukirín ay hindî natatamnán—ang matigás na sagót.
—Oo, may bagay na pumipilit sa kaniláng mag-aral,—[268]ang tugón, na gayón din ang ayos ni Isagani, na pinakaharápharáp ang dominiko.—Bukód sa katungkulan ng̃ bawà’t isá na hanapin ang kaniyáng ikawawastô, ay may isáng likás na nasà ang tao na patalasin ang kaniyáng pag-iisip, pagnanasàng lalòng masidhî dito sa dahiláng lubhâng pinipigil; at ang nagbíbigáy ng̃ kaniyáng salapî at buhay sa pamahalàan ay may karapatáng hing̃ín dito na bigyán siya ng̃ liwanag upang kitaing lalòng mabuti ang kaniyáng salapî at maing̃atang lalò ang kaniyáng buhay. Opò, Padre; may bagay na pumipilit sa kanilá, at ang bagay na iyan ay ang pamahalàan din, kayó ring kumukutyâng walâng habág sa indio na hindî nag-aral at ipinagkákaít ang kaniláng karapatán, sa pananang̃an sa sanhîng silá’y mangmáng. ¡Hinúhubarán ninyó silá at pagkatapos ay kinúkutyâ ang kaniláng ikahíhiyâ!
Si P. Fernandez ay hindî sumagót; nagpatuloy sa pagyayao’t dito, ng̃unì’t hindî mápalagáy na warìng nagugulumihanan.
—¡Sinasabi ninyóng ang mg̃a bukirín ay hindî nátatamnán!—ang patuloy ni Isagani na ibá na ang ayos, makaraán ang isáng sandalîng pananahimik—huwág tayong pumasok ng̃ayón sa pagsurì ng̃ kadahilanan, sapagkâ’t mápapalayô tayo sa pinag-uusapan; ng̃unì’t kayó P. Fernandez, kayó, gurô, kayó, taong may karunung̃an, ibig ninyó ang isáng bayan ng̃ mg̃a manananim, ng̃ mg̃a magsasaká! ¿Sa ganáng inyó bagá’y ang pagkamangsasaká na lamang ang kalagayang lalòng wastông maaabót ng̃ tao sa kaniyáng pagsulong? ¿O ibig ninyóng mapainyó ang karunung̃an at mapasá ibá ang paggawâ?
—Hindî, ibig kong ang karunung̃an ay taglayín noóng dapat magtagláy, noóng makapag-iing̃at sa kaniyá,—ang sagót,—kapag nagpakita ang mg̃a nag-aaral ng̃ katibayan ng̃ pag-ibig sa kaniyá; kapag nagkaroón na ng̃ mg̃a binatàng may pananalig, mg̃a binatàng marunong magtanggól sa kaniyáng karang̃alan at maipagalang itó, ay magkakaroón ng̃ karunung̃an, magkakaroón na ng̃ mg̃a gurông may pagling̃ap! ¡Kung may mg̃a gurông namamasláng ay sa dahiláng may mg̃a tinuturùang umaalinsunod!
—¡Kapag nagkaroón ng̃ mg̃a gurô ay magkakaroón ng̃ mg̃a nag-aaral!
—Kayó ang magpauna sa pagbabagong ayos, sapagkâ’t kayó ang nang̃ang̃ailang̃an ng̃ pagbabago, at kamí’y súsunód.
[269]—Siyá ng̃â,—ang sabi ni Isagani na malungkót ang ng̃itî,—¡magpauna kamí sa dahiláng nasa dako namin ang kasiràan! Tahô ninyóng lubós kung anó ang maaantáy ng̃ isáng tinúturûang humaráp sa isáng gurô: kayó na, na tagláy ang boóng pag-ibig sa katwiran, ang boóng kagandahang loób, ay nagkakahirap kayó sa pagpipigil ng̃ tinuturan ko ang mapapaít na katotohanan, ¡kayóng kayó na, P. Fernandez! ¿Anó ang kabutihang nápalâ ng̃ nagnasàng maghasík sa amin ng̃ ibáng pagkukurò? At ¿anó anóng kasamàán ang dumagsâ sa inyó dahil sa ninasàng umugalì ng̃ mabuti at tumupád sa inyóng kautang̃án?
—Ginoóng Isagani,—ang sabi ng̃ dominiko na iniabót sa kaniyá ang kamáy,—kahì’t sa warì’y walâng lubós na nápalâ sa pag-uusap nating itó, gayón ma’y mayroon dín tayong kauntîng nápulot; sasabihin ko sa aking mg̃a kapatíd ang inyóng mg̃a tinuran at ináantáy kong kahì’t kauntî ay may magagawâ. Ang ipinang̃ang̃anib ko lamang ay ang bakâ hindî mang̃agsipaniwalàng may isáng gaya ninyó.
—Iyan din ang pang̃ambá ko,—ang tugón ni Isagani na kinamayán ang dominiko,—nang̃ang̃anib akóng bakâ ang aking mg̃a kaibigan ay hindî maniwalàng may isáng gaya ninyó, kamukhâ ng̃ pakikipagharapan ninyó sa akin ng̃ayón.
At dahil sa ipinalagáy na tapós na ang salitàan, ay nagpaalam ang binatà.
Binuksán ni P. Fernández ang pintô at sinundán siya ng̃ ting̃ín hanggáng nakalikô sa corredor. Malaong pinakinggán ang tunóg ng̃ kaniyáng yabág, pagkatapos ay pumasok sa silíd at inantáy na siyá’y lumabás sa daan. Nákita ng̃â niya at náding̃íg na sinasabi sa isáng kasama, na nagtatanóng kung saan paparoon, ná:
—Sa Gobierno Civil! Titingnán ko ang mg̃a paskín at makikisama akó sa ibá!
Ang kasama ay sindák na nápating̃ín sa kaniyá, na warìng nagmamalas sa isáng magpapatiwakál, at lumayông tumátakbó.
—¡Kaawàawàng binatà!—ang bulóng ni P. Fernandez, na náramdamáng nang̃ing̃ilíd ang luhà sa kaniyáng mg̃a matá,—kinaiingitán ko ang mg̃a hesuita na nagturò sa iyo!
Si P. Fernandez ay námalîng lubós; galít kay Isagani ang mg̃a hesuita, kayâ’t nang mabatíd sa kinahapunan na napipiit ang binatà, ay sinabi niláng silá’y mádadamay.
[270]—¡Ang binatàng iyán ay sásamâ at makasisirà sa atin! Dapat mapag-alamang ang mg̃a pagkukuròng iyan ay hindî dito nátutuhan!
Hindî nang̃agbulàan ang mg̃a hesuita, hindî; ang Dios ang tang̃ìng nagkákaloób ng̃ mg̃a pagkukuròng iyón, sa tulong ng̃ Kalikasan.
Nagíng parang manghuhulà si Ben-Zayb nang patunayan sa kaniyáng pamahayagan, ng̃ mg̃a nakaraang araw, na ang pag-papaaral ay masamâ, lubhâng makasasamâ sa Kapulùang Pilipinas: ng̃ayón, sa haráp ng̃ mg̃a nangyari niyong araw ng̃ biernes ng̃ mg̃a paskín, ay nang̃akak ang mánunulat at inaawit ang kaniyáng pagtatagumpáy, at pinapangliít at nilitó ang kaniyáng kalabang si Horatius na nang̃ahás na kutyâín siya sa tudlíng ng̃ Pirotecnia sa ganitóng paraan:
Sa aming kapamahayagang El Grito:
“Ang pagpapaaral ay masama, lubhang makasasama sa Pilipinas!”
Nalinawan na namin.
Malaon nang inaakala nang El Grito na kinákatawan niya ang bayang pilipino; ergo........ gaya nang wiwikain ni Fray Ibañez, kung marunong nang latín.
Ng̃uni’t si Fray Ibañez ay nagiging musulmán kapag sumusulat, at alám natin kung papano ang ginágawa nang mañga musulman sa pagpapaaral.
Testiga, gaya nang sabi nang isáng maalindóg na predicador, ang aklatan sa Alejandría!
Ng̃ayón ay may katwiran siya, si Ben-Zayb! ¡Sa siya ang tang̃íng nag-iisìp sa Pilipinas, ang tang̃ìng nakahuhulà ng̃ mg̃a mangyayari!
Kayâ ng̃â, ang balitàng nakakuha ng̃ mg̃a paskíng masasagwâ ang sinásabi sa mg̃a pintô ng̃ Universidad, ay hindî lamang nakapag-alís ng̃ gutom sa marami at nakasirà ng̃ tiyan sa ibá, kundî nakapagpaguló rin sa mg̃a mahinahong insík, na hindî nakapang̃ahás na maupô sa kaniláng mg̃a [271]tindahan na nakataás ang isáng paa na gaya ng̃ kaugalìan, sa takot na bakâ silá gahulín sa pag-uunat upang tumakbó. Nang ika labing-isá ng̃ umaga, kahì’t na patuloy ang araw sa kaniyang lakad at ang Marilág, ang Capitan General, ay hindî lumálabás na nang̃ung̃una sa kaniyáng mg̃a mapagwagíng kabig, ay naglalò pa mandín ang ligalig: ang mg̃a prayleng lagìng pumáparoón sa tindahan ni Quiroga ay hindî nang̃ásisipót at ang bagay na itó’y nagsasabing may mg̃a kakilakilabot na mangyayari. Kung ang araw ay parisukat sana ng̃ sumilang at ang mg̃a Kristo ay mg̃a nakapantalón, ay hindî marahil makabaklá kay Quiroga na dî gaya noón: inarì niyáng liampó marahil ang araw at ang mg̃a santóng larawan ay mg̃a manglalarò ng̃ chapdiquí na nang̃ahubarán; ng̃unì’t ¡ang hindî pagsipót ng̃ mg̃a prayle na nátaón pa namán sa pagtanggáp niyá ng̃ mg̃a bagong bagay!
Sa bilin ng̃ isáng provincial na kaibigan niyá, ay ipinagbawal ni Quiroga sa kaniyáng mg̃a bahay na pinaglálarûán ng̃ liampó at chapdikí ang pagpasok ng̃ sino mang indio na hindî dating kilalá; ang magiging konsul ng̃ insík ay nang̃ang̃ambáng bakâ nakawin ang salapîng ipinatatalo roon ng̃ mg̃a mahihirap. Matapos na maihandâ ang kaniyáng tindahan na mangyayaring biglâng ilapat ang mg̃a pintô sa isáng sandalî, ay napaabay sa isáng bantay na veterana sa maiklîng pag-itan ng̃ bahay ni Simoun sa kaniyáng bahay. Inakalà ni Quiroga na iyon ang sandalîng lalòng kapit upang gamitin ang mg̃a baríl at punglô na nasa kaniyáng imbakan, alinsunod sa paraang sinabi sa kaniyá ng̃ manghíhiyás: maaasahang sa mg̃a araw na súsunód ay ipag-uutos ang paghalughóg sa mg̃a baháybaháy at sa gayó’y gaano ang mábibilanggô, gaano ang taong sa katakutan ay hindî ibibigáy ang lahát ng̃ naiimpók! Yaón ang paraan ng̃ mg̃a dating carabinero, na nagsusulót sa mg̃a silong ng̃ bahay ng̃ mg̃a tabako at dahong ipinagbabawal, pagkatapos ay magpapakunwarîng manghahalughóg at pipilitin ang kahabághabág na may bahay na sumuhol ó magmultá! Ang kaibhán ng̃â lamang ay sa dahiláng lalòng naaayos ang paraan, at sa dahiláng hindî na pigíl ang tabako ay ang mg̃a armás na bawal namán ang ginagamit sa ng̃ayón!
Ng̃unì’t si Simoun ay ayaw makipagkita sa kanino man at ipinasabi kay insík Quiroga na bayaan sa pagkakalagáy [272]ang mg̃a bagay na iyon, kayâ’t tinung̃o ng̃ insík si D. Custodio upang itanóng kung nararapat ó hindî nararapat balutihan ang kaniyáng tindahan, ng̃unì’t si D. Custodio man ay ayaw ring tumanggáp ng̃ dalaw: kasalukuyang pinag-aaralan ang isáng munakalàng ukol sa pagtatanggól, sakalìng siya’y makubkób ng̃ kalaban. Náalaala si Ben-Zayb upang hing̃án ng̃ balità; ng̃unì’t nang mátagpûang nakabalutî mulâ sa ulo hanggáng paa at dalawáng rebolber ang ginagamit na pabigát sa mg̃a papel ay dalìdalìng nagpaalam si Quiroga at umuwî sa kaniyáng bahay, at nahigâng dinahilán na masamâ daw ang kaniyáng katawán.
Nang iká apat ng̃ hapon ay hindî na mg̃a paskín lamang ang sang-usap-usapan. Umaling̃awng̃áw na ang mg̃a nag-aaral at ang mg̃a taga bundók S. Mateo ay nang̃agkakaalám; pinatítibayang pinagsumpâanan sa isáng magpapansít na biglâng lulusubin ang Maynilà; nábanggít ang mg̃a pangdigmâng dagat ng̃ mg̃a alemán, na nasa sa labás ng̃ dagat Maynilà, na tutulong sa kilusán; isáng pulutóng na kabinataan ang umanó’y tumung̃o sa Malakanyáng upang humandóg sa General, na ang dinahilán ay ang pagtutol sa kagagawán at ang kaniláng pagkamakakastilà, ng̃unì’t ipinapiít na lahát sapagkâ’t nakitang mg̃a batbát ng̃ sandata. Iniligtás ng̃ kalawing̃ì ang General, na pinigil na matanggáp yaóng mg̃a batàngbatà pa’y taksíl na, dahil sa noón ay nakikipag-usap sa mg̃a Provincial, sa Vice Rector at kay P. Irene, na kinatawán ni P. Salvi. May katunayan ang mg̃a aling̃awng̃áw na itó kung paniniwalàan natin si P. Irene, na dumalaw ng̃ hapong iyon kay kapitáng Tiago. Alinsunod sa kaniyá, ay may mg̃a taong nag-uudyók sa Capitán General na samantalahín ang pangyayaring yaon upang takutin at bigyán na ng̃ isáng mabuting aral ang mg̃a binatàng pilibustero.
—Barilín ang ilán—anáng isá—mg̃a dalawáng pû’t apat na makabago na ipadaláng agád sa tatapunán at sa gitnâ ng̃ katahimikan ng̃ gabí, ay makaaapulà na ng̃ lubusan sa sigabó ng̃ kalooban ng̃ mg̃a walâng kasiyahang loób!
—Huwag,—ang tugón ng̃ isáng may mabuting pusò,—sukat nang ang mg̃a kawal ay palibutin sa mg̃a lansang̃an, ang batallón ng̃ mg̃a kábayuhan sa halimbawá, na mg̃a bunót ang sable; sukat nang kaladkarín ang iláng kanyón.... [273]sukat na iyón! Ang bayan ay nápakamatatakutín at ang lahát ay mang̃agsisípasok sa kaníkaniláng bahay.
—Huwag, huwag,—ang palagáy ng̃ isá,—itó ang panahóng kapit upang pawìin ang kalaban; hindî sukat ang mang̃agsipasok sa kaniláng pamamahay, kailang̃ang palabasín, na gaya ng̃ masasamâng sing̃áw, sa pamagitan ng̃ mg̃a parapit. Kung hindî mang̃akapang̃ahás na gumawâ ng̃ guló, ay dapat na silá’y udyukán sa tulong ng̃ mg̃a sugòng hahamon.... Inaakalà kong ang nárarapat ay ihandâ ang mg̃a kawal at magkunwarîng nagpapabayà at nagwawalâng bahalà, upang mang̃agsitapang at pangyayari ng̃ anománg kaguluhan ay piyapisin na nang boông tindí!
—Ang layon ay siyáng nagbibigay katuturán sa mg̃a paraan,—ang sabi ng̃ isá pa,—ang layon natin ay ang ating banál na Relihión at ang katibayan ng̃ Inang bayan. Ihayág ang estado de sitio, at sa anománg muntîng kaguluhan ay paghulihín ang mg̃a mayayaman at mg̃a marurunong.... at linisin ang bayan!
—Kung hindî akó dumatíng sa panahón upang pagpayuhan ng̃ pagdadahandahan—ang dugtóng ni P. Irene, na ang hinaráp ay si kapitáng Tiago,—ay tiyák nang umaagos ng̃ayón ang dugô sa mg̃a lansang̃an. Ang naaalaala ko ay kayó, kapitán.... Ang pangkát ng̃ mg̃a masisidhî ay walâng nápalâng gaano sa General, kayâ’t nang̃anghihinayang dahil sa pagkawalâ ni Simoun.... ¡Ah! kung hindî nagkasakít si Simoun....
Ang pagkahuli kay Basilio at ang paghalughóg na ginawâ pagkatapos sa kaniyáng mg̃a aklát at mg̃a papel, ay nakapagpalubhâng lalò kay kapitáng Tiago. Ng̃ayó’y dinagdagán pa ni P. Irene ang kaniyang sindák sa pagsasalaysáy ng̃ mg̃a bagay na nakapang̃ing̃ilabot. Ang kahabághabág ay pinasukan ng̃ isáng matindíng pagkatakot na náhalatâ muna dahil sa isáng mahinàng pang̃ing̃iníg, na untîuntîng lumálakás hanggáng sa siyá’y hindî na nakapang̃usap. Nang̃akadilat ang mg̃a matá, pawisán ang noo, pumigil sa bisig ni P. Irene, nagtangkâng bumang̃on; ng̃unì’t hindî mangyari at matapos na makaung̃ol ng̃ makálawá ay biglâng bumagsák sa ibabaw ng̃ unan. Nang̃akadilat ang matá ni kapitang Tiago at sumasago ang laway: patáy na. Sa pagkasindák ni P. Irene ay tumakbó, ng̃unì’t sa dahiláng kumapit sa kaniyá ang patáy [274]ay nakaladkád niyá at nápaalís sa hihigán sa kaniyáng pagtakas, at naiwan sa gitnâ ng̃ silíd.
Nang kinágabihán ay umabot na sa lalòng sidhî ang katakután. May iláng pangyayari na nag-udyók sa mg̃a matatakutín sa paniniwalàng mayroóng mg̃a sugòng nanghahamon.
Dahil sa isáng binyagan, ay naghagis ng̃ kauntìng kualta sa mg̃a batà at sukat nang maasahan na nagkaroón ng̃ kauntìng kaguluhan sa pintô ng̃ simbahan. Nátaón namáng náparaán doón ang isáng mabalasik na militar, na may iniisip mandín, na inakalàng ang kaguluhan ay isá nang pagsalakay ng̃ mg̃a pilibustero, kayâ’t piniyapis ng̃ sable ang mg̃a batà, pumasok sa simbahan, at kung hindî nagkasalásalabíd sa tabing na nakasabit sa coro ay pinagpupugután sana ng̃ ulo ang lahát ng̃ naroón. Makita ang gayón ng̃ mg̃a matatakutín at magpanakbuhang ipinamamalità na ang himagsikan ay magsísimulâ na, ay bagay na nangyari sa isáng sandalî. Daglîdaglîng nagsarahan ang mg̃a pintô ng̃ mang̃ilán-ng̃iláng tindâng naiiwang bukás, may mg̃a insík na nakaiwan sa labás ng̃ mg̃a piesa ng̃ kayo, at hindî kakauntîng babai ang nawalán ng̃ sinelas dahil sa pagtakbó sa mg̃a lansang̃an. Salamat na lamang at íisá ang nasugatan at ilán ang nasaktán, na isá na ng̃â sa kanilá ang militar nang masubasob dahil sa pakikipagtunggalî sa tabing na may amóy balabal ng̃ pilibusterismo. Ang gayóng kabayanihan ay nagbigáy sa kaniyá ng̃ kabunyîán, at isáng kabunyîáng malinis, na ¡harì na ng̃âng ang lahát ng̃ kabantugan ay makuha sa gayóng paraan! ang mg̃a iná’y hindî na lubhâng íiyák at lalò pa sanang marami ang tao sa mundó!
Sa isáng arrabal ay nakakita, ang mg̃a naninirahan doon, ng̃ dalawá kataong nagbábaón ng̃ armás sa silong ng̃ isáng bahay na tablá. Naguló ang nayon; tinangkâ ng̃ mg̃a naninirahan na habulin ang dalawáng táong iyon na hindî kilalá upang patayín at iharáp sa mg̃a may kapangyarihan, ng̃unì’t sínawatâ silá ng̃ isáng kapit-bahay at sinabing sukat na ang iharáp sa tribunal ang sanhî ng̃ kasalanan. Sakâ ang mg̃a armás namán ay matatandâng baríl na tiyak na makasusugat sa magtangkâng gumamit noon.
—¡Siya!—ang sabi ng̃ isáng matapang—kung ibig na tayo’y manghimagsík ay ¡sulong!
[275]Ng̃unì’t ang matapang ay nilambanog ng̃ palò at suntók, pinagkukurót ng̃ mg̃a babai na warìng siya ang may arì ng̃ mg̃a baríl.
Sa Ermita ay lalòng mahigpít ang nangyari, kahì’t hindî lubhâng nábalità, gayóng nagkaroon pa ng̃ putukan. Isáng kawaníng nápakamaing̃at na nagbalutîng mabuti ay nakakita, nang magtatakíp-silim, ng̃ isáng bulto sa kalapít ng̃ kaniyáng bahay; inakalà na niyáng buôngbuô na yaon ay isáng nag-aaral, kayâ’t pinaputukán ng̃ dalawáng putók ng̃ rebolber. Nang makita ang bulto pagkatapos ay isá paláng beterana, kayâ’t inilibing at, pax Christi! Mutis!
Sa Dulungbayan ay umugong din ang iláng putók na ang nápatáy ay isáng kaawàawàng matandâng bing̃í na hindî nakading̃íg sa quien vive ng̃ bantáy, at isáng baboy na nakading̃íg ng̃unì’t hindî sumagót ng̃ España. Ang matandâ’y hindî náilibíng kaagad sapagkâ’t walâng maibayad sa simbahan, at ang baboy ay pinagkainanan.
Sa loob ng̃ Maynilâ, sa isáng tindahan ng̃ matamís na kalapít ng̃ Unibersidad, na lagìng dinadayo ng̃ mg̃a nag-aaral, ay pinag-uusapan ang mg̃a pagkakáhulihán, sa ganitóng ayos:
—¿Ya cogí ba con Tadeo?—ang tanóng ng̃ babaing may arì ng̃ tindahan.
—Abá, ñora,—ang sagót ng̃ isáng nag-aaral na nátitirá sa Parian,—pusilau ya!
—¡Pusilau! ¡Naku! No pa ta pagá conmigo su deuda.
—¡Ay! no jablá vos puelte, ñora, bakâ pa de quedá vos cómplice. ¡Ya quemá yo ng̃â el libro que ya dale prestáu conmigo! ¡Bakâ pa de riquisá y de encontrá! ¡anda vos listo, ñora!
—¿Ta quedá dice preso Isagani?
—Loco-loco también aquel Isagani,—ang sabing namumuhî ng̃ nag-aaral;—no sana de cogí con ele, ta andá pa presentá! ¡Oh, bueno ng̃â, que topá rayo con ele! ¡Siguro pusilau!
Kinibít ng̃ babai ang balikat.
—¡Conmigo no ta debí nada! ¿Y cosa de jasé Paulita?
—No di faltá novio, ñora. Siguro de llorá un poco, luego de casá con un español.
Ang gabíng iyón ay nagíng isá sa mg̃a lalòng malulungkót. Sa mg̃a baháybaháy ay nagdadasál ng̃ rosario at may mg̃a maawâíng babaing nagpapatungkól na ng̃ mahahabàng [276]padrenuestro at mg̃a requiem sa kaluluwa ng̃ mg̃a kamag-anak nilá’t kaibigan. Ika waló pa lamang ng̃ gabí’y bahagyâ nang makakita ng̃ mang̃isáng̃isáng naglálakád; maminsan minsan ay nakakading̃íg ng̃ takbó ng̃ isáng kabayo na ang tagiliran ay nápapalòng malakás ng̃ isáng sable, pagkatapos ay pasuwít ng̃ mg̃a tanod, mg̃a sasakyáng matutulin ang takbó na warìng hinahabol ng̃ kawan ng̃ mg̃a pilibustero.
Gayón man, hindî sa lahát ng̃ pook ay naghaharì ang pang̃ambá.
Sa plateríang tinitirahán ni Plácido Penitente ay pinag-uusapan din ang mg̃a pangyayari at pinagtatalunan nang may kauntîng layà.
—¡Hindî akó naniniwalà sa mg̃a paskín!—ang sabi ng̃ isáng manggagawàng payát at tuyô na sa kágagamit ng̃ tsukoy;—sa ganáng akin, ay kagagawán iyan ni P. Salvi!
—¡Ehém, ehém!—ang ubó ng̃ maestro platero na, sa pang̃ing̃ilag na pang̃anláng duwag, ay hindî makapang̃ahás na putlín ang pag-uusap. Ang kaawaawàng tao’y nag-uuubó na lamang, kikindatán ang manggagawà at titing̃ín sa daan, na warìng ibig sabihin na:—¡Bakâ tayo masubukan!
—¡Dahil sa opereta!—ang patuloy ng̃ manggagawà.
—¡Ohó!,—ang bulalás ng̃ isáng mukhâng tang̃á;—sinasabi ko na ng̃â! Kayâ’t....
—¡Hm!—ang tugón ng̃ isáng tagasulat na may anyông pagkahabág,—ang ukol sa mg̃a paskín ay totoo, Chichoy, ng̃unì’t ipaliliwanag ko sa iyo!
At idinugtóng na ang ting̃ig ay matalinghagà:
—¡Yaón ay isáng kagagawán ni insík Quiroga!
—¡Ehém, ehém!—ang ulit na ubó ng̃ maestro na inilipat sa kabilâng pisng̃í ang sapá ng̃ hitsóng nasa bibíg.
—¡Paniwalàan mo akó, Chichoy, kagagawán ni insík Quiroga iyán! Náding̃íg ko sa aking pinápasukan.
—¡Nakú, siguro ng̃â!—ang bulalás ng̃ tang̃á, na agád nang naniwalà.
—Si Quiroga—ang patuloy ng̃ tagasulat,—ay may isáng daang libong pisong pilak mehikano, sa bahía. ¿Papano ang pagpapasok? Hindî maliwag; ginawâ ang mg̃a paskín, na sinamantalá ang usap ng̃ mg̃a nag-aaral, at samantalang ang lahát ng̃ tao’y nagúguló, ¡pum! pinadulasán ang mg̃a kawaní at nakaraan ang mg̃a kaha!
[277]—¡Siya ng̃â, siya ng̃â!—ang bulalás ng̃ mapaniwalâín na sumuntók sa ibabaw ng̃ dulang.—¡Siya ng̃â! Kayâ palá si insík Quiroga...... ¡Kayâ!
At nápahintô dahil sa hindî maalaman kung anó ang sasabihing ukol kay insík Quiroga.
—¿At tayo ang magbabayad ng̃ kaniláng kagagawán?—ang tanóng ni Chichoy na nagagalit.
—¡Ehém, ehém, ehhhém!—ang ubó ng̃ platero na nakáding̃íg ng̃ lumálapít na yabág sa daan.
Tunay ng̃â, ang mg̃a yabág ay lumálapít at nang̃agsihintô ang mang̃a sa loob ng̃ platería.
—Si San Pascual Bailon ay isáng dakilàng banál,—ang sabing malakás na pakunwarîng nagbabanálbanalan ang platero, na kinindatán ang ibá;—si San Pascual Bailon....
Nang sandalîng iyón ay dumung̃aw ang mukhâ ni Plácido Penitente, na kasama ang manggagawâ ng̃ kastillo na ating nakitang tumanggáp ng̃ utos kay Simoun. Linibid ng̃ lahát ang mg̃a bagong datíng at tinanóng ng̃ mg̃a balíbalità.
—Hindî ko nakausap ang mg̃a bilanggô—ang tugón ni Plácido,—may mg̃a tatlóng pû!
—¡Mang̃agsihandâ kayó!—ang dugtóng ng̃ magkakastilló na nakipagsulyapan ng̃ may kahulugán kay Plácido,—sinasabing sa gabíng itó’y magkakaroón ng̃ katakot-takot na pugután......
—¿Ha? ¡Lintík!—ang bulalás ni Chichoy, na luming̃ap ng̃ sandata, ng̃unì’t nang walâng mákita, ay sinunggabán ang kaniyáng tsukoy.
Ang maestro ay umupô; ang kaniyáng mg̃a paá’y nang̃ang̃alóg. Nákinikinitá nang mapaniwalâín na ang ulo niyá’y pugót, at umiíyák na dahil sa mangyayari sa kaniyáng kaanák.
—¡She!—ang sabi ng̃ taga-sulat;—¡hindî magkakaroón ng̃ pugután! Ang taga udyók ng̃—at humudyát ng̃ may kahulugán—ay salamat at may sakít.
—¡Si Simoun!
—¡Ehém, ehém, ehhhém!
Si Plácido at ang magkakastilló ay mulîng nagting̃inan.
—Kung iyán ay hindî nagkasakít....
—Ay gágawâ ng̃ isáng warì’y himagsikan!—ang dugtóng na pawalâng bahalà ng̃ magkakastilló, samantalang idinuduldol [278]ang isáng sigarilyo sa itaás ng̃ tubo ng̃ kinke—at ¿anó ang gagawín natin kung gayón?
—Totohanin na, sapagkâ’t yamang pupugutan na rin lamang tayo......
Ang malakás na ubóng sumasál sa platero ay nakapigil na máding̃íg ang karugtóng ng̃ salitâ. Marahil ay kakilakilabot na bagay ang pinagsabí ni Chichoy, sapagkâ’t umanyông mámamatay at ang mukhâ’y anyông hapón na pápatay ng̃ tao.
—Ang sabihin ninyó’y nagpapakunwarîng may sakit sapagkâ’t natatakot na lumabás! Kapag nákita ko siyá....
Mulîng sinasál ng̃ matindíng ubó ang maestro at natuluyan nang pamanhikán ang lahát na mang̃ag-uwîan.
—Gayón man ay humandâ kayó, humandâ kayó,—ang sabi ng̃ magkakastilló—Kung pipilitin tayo sa pumatáy ó mamatáy....
Isá pang ubó ang sumasál sa kaawàawàng may pagawâan at ang mg̃a manggagawà ay nang̃ag-uwìan sa kaníkaniláng bahay na may daláng pamukpók, bandili at ibá pang kasangkapang maipang-iiwà ó maipamamalò, at humandâng ipaglabang mabuti ang kaniláng buhay. Si Plácido at ang manggagawà ng̃ kastillo ay mulîng nagsialís.
—¡Pag-iing̃at, pag-iing̃at!—ang bilin ng̃ maestro na ang ting̃ig ay warìng sa umiiyak.
—¡Kayó na lamang ang bahalà sa aking balo at mg̃a mauulilang anák!—ang samò ng̃ mapaniwalâin na ang ting̃ig ay lálò pa mandíng baság.
Nakikinikinitá na ng̃ kahabághabág na sa katawán niya’y lusútlusutan ang punlô at nálilibíng na siyá.
Nang gabíng yaón ay pinalitán ng̃ mg̃a artillerong kastilà ang mg̃a tanod sa mg̃a pintô ng̃ loob ng̃ Maynilâ, at nang kinabukasan, ng̃ dumudung̃aw na ang mg̃a unang liwanag, si Ben-Zayb, na nang̃ahás na maglakád upang tingnán ang kalagayan ng̃ mg̃a kutà, ay nakátagpô sa glacis na malapit sa Luneta ng̃ bángkáy ng̃ isáng india na magdadalagá, na, halos hubád at nakabulagtâ roong nag-iisá. Si Ben-Zayb ay nalunusan at matapos na matangkî ng̃ kaniyáng tungkód ang patáy at makating̃ín ng̃ tung̃o sa mg̃a pintô, ay ipinatuloy ang kaniyáng lakad, na iniisip na gumawâ ng̃ isáng mapanimdím na kabuhayan dahil sa pangyayaring yaón. Gayón [279]man, ni isáng pahiwatig man lamang ay walâng lumabás sa mg̃a pahayagan sa mg̃a araw na sumúsunód, na ang inatupag ay ang mg̃a pagkakadapâ’t pagkakadupilas na gawâ ng̃ mg̃a balát ng̃ saging, at, sa dahiláng walâng maibalità, si Ben-Zayb man ay nagpakaluritlurit sa pagsasalaysáy ng̃ isáng dumaang bagyó sa Amérika, na sumirà sa mg̃a bayan at nakamatáy ng̃ mahigít sa dalawáng libo katao. Kasama ng̃ iláng pasarìng ay sinabi niyang:
“Ang pagkamahabagin, NA LALONG BUHAY SA MAÑGA BAYANG KATÓLIKO KAY SA IBANG BAYAN, at ang alaala Niyong sa udyók din noon ay naghirap dahil sa sangkatauhan, sa amin ay nagpakilos (sic) sa pagkahabág sa mañga kasawian nang ating kapuwa at idalañgin upang sa lupaing itó, na salantangsalanta sa mañga bagyó, ay huwag maulit ang mañga kasakitsakit na pangyayaring napagmasdán nang mañga naninirahan sa Estados Unidos.”
Hindî pinaraan ni Horatius ang pagkakátaón at hindî rin tinukoy ang mg̃a patáy, ni ang kaawàawàng indiang inutás, ni ang mg̃a kapaslang̃án, ay sinagót si Ben-Zayb sa kaniyang Pirotecnia ng̃:
“Matapos ang gayong karaming pagkahabág at pagliñgap sa katauhan, si Fray Ibañez, itóng, si Ben-Zayb, ay nanirá sa pagdalañging patungkol sa Pilipinas.
Ñguni’t maaaninawan ang gayón.
Sapagka’t hindi siya katóliko at ang pagkamahabagin ay lalong buháy, at ibp.”
Talis vita finis ita.
Si kapitang Tiago ay nagkaroón ng̃ mabuting hanggá, itó ng̃â, nagkaroón ng̃ mainam na libíng. Tunay ng̃â na ipinaalaala kay P. Irene ng̃ kura sa parroquia na si kapitang Tiago ay namatáy nang hindî nagkukumpisál, ng̃unì’t ang mabuting parì, samantalang nakang̃itî nang palibák, ay hinimas ang kaniyáng ilóng at sumagót na:
—Báh ¡akó ba namán ang paglalakùán! kung ating ipagkákaít ang exequias sa mg̃a namamatáy ng̃ hindî nagkukumpisal, ay malilimutan natin ang De profundis! Ang mg̃a kahigpitang iyán, gaya ng̃ inyóng pagkabatíd na mabuti, [280]ay pinaiiral lamang kapag ang hindî nakapagkumpisál ay walâng ibabayad, ng̃unì’t ¡kay kapitáng Tiago!... ¡Bah! kung sampû ng̃ mg̃a insík na hindî binyagan ay inilibíng ninyó ng̃ may misa de requiem!
Si P. Irene ang inihalál ni kapitáng Tiago na kaniyáng albacea at gáganáp ng̃ kaniyáng mg̃a habilin, at iniíwan ang bahagi ng̃ kaniyáng kayamanan sa Sta. Clara, ang bahagi ay sa Papa, sa Arsobispo, sa mg̃a Corporaciones, at nag-iwan ng̃ dalawáng pûng piso upang ipagbayad ng̃ matrícula ng̃ mg̃a nag-aaral na marálitâ. Ang hulíng habiling itó’y ipinatalâ sa udyók ni P. Irene dahil sa pagkamapag-ampón nitó sa kabatàang masipag sa pag-aaral. Pinawalâng bisà ni kapitang Tiago ang pamanang dalawáng pû’t limáng piso na iniiwan niyá kay Basilio, dahil sa masamâng inugalì ng̃ binatà nang mg̃a hulíng araw, ng̃unì’t pinairal din ni P. Irene ang habilin at sinabing kukunin niyá ang halagáng iyón at dádalhín ng̃ kaniyáng bulsá at ng̃ kaniyáng budhî.
Sa bahay ng̃ namatáy na dinaluhán kinábukasan ng̃ mg̃a dating kakilala at mg̃a kaibigan, ay pinag-uusapang mátikabó ang isáng himalâ. Sinasabing noong oras nang paghihing̃alô ay napakita sa mg̃a mongha ang kaluluwá ni kapitang Tiago na libíd ng̃ maningníng na liwanag. Iniligtás ng̃ Dios ang kaluluwá, dahil sa karamihan ng̃ pamisang ipinagawâ at sa mg̃a pamanang iniwan sa mg̃a simbahan. Ang balità’y pinag-uusapan, inilálarawan, nagkákaroón ng̃ ayos at walâng isá mang nag-aalinlang̃an sa bagay na iyón. Isinásaysáy ang suót ni kapitang Tiago, na gaya ng̃ mahihinalà, ay ang prak, ang pisng̃í’y nakaumbók dahil sa sapá ng̃ hitsó, hindî nalimot ang kuakong panghitít ng̃ apian at ang manók na sasabung̃ín. Ang sacristán mayor na kalahók sa umpukan ay nagpapatotoong walâng kaping̃asping̃as sa tulong ng̃ tang̃ô ng̃ ulo, at iniisip na, pagkamatáy niya, ay pakikita namáng dalá ang tasa ng̃ tahúng putî, sapagkâ’t, kung walâ ang pang-agahang iyon, ay hindî niya maunawà ang kaligayahan ni sa lang̃it ni sa lupà. Tungkól sa bagay na itó, at dahil sa hindî mapag-usapan ang mg̃a nangyari ng̃ kináhapunan at sa dahiláng mayroon doong mg̃a tahor, ay maiinam na hakàhakà ang nábabanggít, pinagkukuròkurò kung hahamunin ó hindî ni kapitang Tiago si S. Pedro upang silá’y magdaos ng̃ isáng soltada, kung magpupustahan, kung [281]ang mg̃a manók ay pawàng walâng pagkamatáy, kung hindî tátalabán ng̃ iwà, at kung mangyari ang gayón, ay sino kayâ ang magiging sentenciador, sino ang mananalo, at ibp., mg̃a pagtatalong kinalulugdán ng̃ mg̃a nagtatatág ng̃ karunung̃an, mg̃a paghahakà, mg̃a paraang nábabatay sa isáng aklát na inaakalàng walâng kamalían, na ipinahayag ng̃ Dios sa kaniyáng kabig ó nauukol sa batayáng nagiging kautusán. Bumábanggít pa ng̃ mg̃a bahagi ng̃ nobena, ng̃ mg̃a aklát na ukol sa mg̃a kababalaghán, sabi ng̃ mg̃a kura, kalagayan ng̃ lang̃it at iba pang mg̃a bagaybagay na ukol din doon. Si D. Primitivo, ang pilósopo, ay galák na galák sa pagtutukóy niya ng̃ mg̃a hakà ng̃ mg̃a teólogo.
—Sapagkâ’t ang sinoman sa kanilá’y hindî mangyayaring matatalo,—ang sabing may lubós na pagkatahô;—ang pagkatalo’y nagbibigáy ng̃ samâ ng̃ loob at sa kalang̃itán ay hindî mangyayaring magkaroon ng̃ samàan ng̃ loob.
—Ng̃unì’t ang isá’y sápilitáng mananalo,—ang paklí ng̃ tahur na si Aristorenas,—ang inam ay nasa pananalo!
—Kapuwâ mananalo!
Iyong kapuwâ mananalo ay hindî matanggáp ni Martin Aristorenas, siya, na ang boông buhay ay dinaan sa sabung̃án at kailan ma’y kaniyáng nákita na ang isáng manók ay nananalo at ang isá’y natatalo; kung bagá mán ay magtablá na lamang ang nangyayari. Walâng náhitâ si D. Primitivo sa kálalatín, si Martin Aristorenas ay nag-iíilíng, gayóng ang latín ni D. Primitivo ay madalîng máwatasan: sinasabi niyáng: an gallus talisainus, acuto tarì armatus, an gallus beati Petri bulikus sasabung̃us sit at ibp., hanggáng sa ginamit na tulóy ang pang̃ang̃atwiran nang marami kung ibig magpatigil at magpapanalig.
—Magkakasala ka, kaibigang Martín, mahuhulog ka sa isáng erehía! Cave ne cadas! Hindî na akó makikipagmonte sa iyo! ¡Hindì na tayo magkakabakas! Hindî mo pinanánaligan ang kapangyarihan ng̃ Dios, peccatum mortale! Hindî mo pinaniniwalàan ang katunayan ng̃ Santísima Trinidad: ang tatló ay isá at ang isá ay tatló! ¡Dahandahan ka! ¡Hindî mo pinaniniwalàan warì na ang dalawáng katawán, dalawáng pag-iisip at dalawáng kalooban ay mangyayaring magkaroon ng̃ íisáng alaala lamang! ¡Dahandahan ka! Quicumque non crederit, anathema sit!
[282]Si Martin Aristorenas ay nang̃untîng namumutlâ’t nang̃ing̃iníg, at si insík Quiroga na nakáding̃íg na buô sa pang̃ang̃atwiran, ay dinulutan ng̃ boóng galang ang pilósopo ng̃ isáng mabuting tabako at tinanóng ng̃ masuyò:
—Sigulo, puele akieng kontalata itóng aliendo sabong sa Kilisto, ha? Pag akó pagtáylo, akieng kontalatista, ha?
Sa ibáng pulutóng ang lalòng mahabàng salitàán ay ukol sa patáy; ang pinagtatalunan ay ang damít na isusuót sa bangkáy. Ipinalagáy ni kapitáng Tinong na damít pransiskano ang isuót; mayroón pa namán siyáng isá, lumà, sirâsirâ at takpî takpî, mainam na kasangkapan na, alinsunod sa patunay ng̃ prayle na pinaglimusán niyá sa halagáng tatlóng pû’t anim na piso, nakapagliligtás sa bangkáy sa apóy ng̃ inpierno, at nagsalaysáy ng̃ makapagpapatibay na mg̃a banál na pangyayaring hang̃ò sa mg̃a aklát na ikinákalát ng̃ mg̃a kura. Kahì’t pinakamamahal ni kapitang Tinong ang labíng iyon, ay laan siyáng ipagkaloob sa kaniyang matalik na kaibigang hindî niya nádalaw sa boong pagkakasakít. Ng̃unì’t ipinaklí ng̃ isáng sastré na yamang nákita ng̃ mg̃a mongha si kapitang Tiago na naka prak na umaakyát sa lang̃it, ay dapat suotan ng̃ prak at hindî kailang̃an ang mg̃a pananggól at mg̃a kasuutang hindî tatagusán: nagpaprak kung tumutung̃o sa isáng sáyawan, sa isáng pistá, at hindî maaasahang hindî gayón dín ang mátatagpûan niya sa kaitaasan.... at ¡tingnán! nagkátaón pa namáng mayroon siyáng isáng yarì, na maibibigáy niya sa halagáng tatlóng pû’t dalawáng piso, apat na piso ang kamurahan kay sa ábitong pransiskano, sapagkâ’t ayaw niyang pagtubùan si kapitáng Tiago: nagíng sukî niya noong buháy at ng̃ayón ay magiging pintakasi niya sa kalang̃itán! Ng̃unì’t si P. Irene na albasea at siyáng magpapatupád sa náuutos sa testamento ay sumalansáng sa dalawáng palagáy at ipinag-utos na bihisan ang bangkáy ng̃ alin man sa matatandâ niyang damít, at sinabing na tagláy ang anyông pagkabanál, na hindî tinítingnán ng̃ Dios ang bihis.
Ang mg̃a exequias ng̃â ay ginawâ ng̃ boông ding̃al. Nagkaroón ng̃ responso sa bahay, sa daan, tatlóng prayle ang gumawâ na warìng ang íisa’y hindî makakaya sa káluluwáng yaón, ginawâng lahát ng̃ rito at mg̃a ceremonias na magágawâ, at nábalitàng gumawâ pa ng̃ ibá, nagkaroón ng̃ extra [283]na gaya sa mg̃a tang̃ìng palabás dulàang ukol sa kapakinabang̃án ng̃ isáng tao. Yaón ang nagíng kaigáigaya: maraming kamanyáng ang sinunog, maraming awit sa wikàng latín, nag-aksayá ng̃ maraming agua bendita: alangalang sa kaniyáng kaibigan ay inawit ni P. Irene, sa coro, ang Dies iræ na ang boses ay pahumál; at sumakít ang ulo ng̃ mg̃a nálalapít dahil sa kátutugtog ng̃ plegaria.
Si aling Patrocinio, ang dating katunggalî ni kapitáng Tiago sa pagkamasambahin, ay tunay na tunay na nagnasàng mamatáy namán sa kinabukasan upang makapagpagawâ ng̃ mg̃a exequias na lalò pang malakí kay sa roon. Ang maawâíng matandâ’y hindî makatiis, na iyong inaakalà niyáng talong talo na niyá ay magbang̃on ng̃ boông karang̃alan, sa pagkamatáy. Oo ninanasàng mamatáy siyá at warìng nádiding̃íg na niya ang mg̃a pabulalás ng̃ mg̃a taong nanonood ng̃ responso, na nagsasabing:
—¡Itó ang libíng! ganiyan ang marunong mamatáy, aling Patrocinio.
Ang pagkamatáy ni kapitáng Tiago at ang pagkakahuli kay Basilio ay napag-alamán kaagád sa lalawigan, at alang-alang sa ikadadang̃ál ng̃ mg̃a mapapayapàng tagá San Diego ay sasabihin naming dinamdám pa nang higít ang hulí at siyá lamang halos ang napag-usapan. At gaya ng̃ maaantáy, ang balità’y nagkaroon ng̃ ibá’t ibáng ayos, may nagbigáy ng̃ mg̃a pangyayaring malungkót, kakilakilabot, ipinaliwanag ang hindî nalilinawan, ang mg̃a patláng ay pinunán ng̃ mg̃a hakàhakà, ang mg̃a itó’y nagíng parang tunay na nangyari at ang multóng sumipót sa gayón ay nakatakot na, sampû sa mg̃a tunay na may likhâ.
Sa bayan ng̃ Tiani ay nabalità na batàng batá na sa kaniya ang mapatapon at marahíl ay patayín sa paglalakbáy na tung̃o sa tatapunán. Ang mg̃a matatakutín at mapaghinalà ng̃ masamâ ay hindî pa nasisiyahán sa gayón at pinag-uusapan ang mg̃a bitayán at mg̃a hukumang kawal; ang Enero ay isáng masamâng buan, Enero nang mangyari ang guló sa Kabite, at ang mg̃a taong iyón, gayóng [284]mg̃a parì na, ay nang̃abitay; kayâ’t ang isáng marálitâng kagaya ni Basilio na walâng sukat mag-ampón at walâng mg̃a kakilala....
—¡Sinasabi ko na!—ang buntóng hining̃á ng̃ Hukom pamayapà na warìng minsan man lamang ay nabigyán niya ng̃ isáng payo si Basilio—sinasabi ko ná....
—¡Sadyâng ganiyán ang maaantáy!—ang dugtóng ni hermana Penchang—pumapasok sa simbahan at kapág nakitang marumí ng̃ kauntî ang agua bendita ay hindî na nag-aantandâ! May sinasabing mg̃a mumuntîng hayop at mg̃a sakít, abá, parusa ng̃ Dios! ¡Nararapat iyon sa kaniyá! Warì bagáng ang agua bendita ay mangyayaring makapagpahawa ng̃ mg̃a sakít! Lubhâ pa ng̃âng kaibá, abá.
At ibinuhay ang kaniyáng paggalíng sa isáng pagkasirà ng̃ tiyan sa paglalagáy lamang ng̃ agua bendita sa pusod, na sabáy sa pagdadasál ng̃ Sanctus Deus, at inihahatol ang kagamutan sa mg̃a kaharáp, kapag nang̃agkasakít ng̃ iti ó kabag ó kung may salot, datapwâ’y kailang̃ang dasalín lamang kung gayón sa wikàng kastilà:
Santo Dios
Santo fuerte
Santo inmortal,
Líbranos Señor de la peste
Y de todo mal.
—Ang kagamutan ay walâng pagkasirà, ng̃unì’t lalagyán ng̃ agua bendita ang dakong masakít ó may damdám,—aniyá.
Datapuwâ’y marami sa mg̃a lalaki ang hindî naniniwalà sa mg̃a bagay na itó, ni hindî ipinalalagáy na parusa ng̃ Dios ang pagkakabilanggô ni Basilio. Hindî rin nang̃aniniwalà sa mg̃a panghihimagsík at mg̃a paskín, sa pagkakilala sa ugalìng ibayo pa ng̃ pagkamapayapà at pagkamaing̃at ng̃ nag-aaral, at minagalíng pang iambíl ang gayón sa mg̃a paghihigantí ng̃ mg̃a prayle, dahil sa pagkakátubós sa pagkaalilà, kay Hulî, na anák ng̃ tulisáng mahigpít na kalaban ng̃ isáng malakás na corporación. At sa dahiláng may masamâ siláng pagkákilala sa mg̃a kaugalìan ng̃ korpórasióng iyon at naaalaala ang mg̃a abâng paghihigantí, ay ipinalagáy, na, ang mg̃a hulòhulòng iyon ay siyang malapitlapít na nangyari at siyáng mapaniniwalàan.
—¡Mabuti ng̃â ang nágawâ kong pinalayas sa aking bahay [285]ang babai!—ang sabi ni hermana Penchang—ayokong makipagsirâ sa mg̃a prayle, kayâ’t pinagmadalî kong humanap ng̃ salapî.
Ang katotohanan ay dinamdám niya ang pag-layà ni Hulî; inaakò siya ni Hulî sa pagdadasál at pag-aayuno, at kung lumagì pa ng̃ mahabâhabâng panahón ay marahil nagdigala ng̃ dahil sa kaniyá. ¿Bakit, kung ang mg̃a kura ay nagdádasál ng̃ patungkol sa atin at si Kristo ay namatáy dahil sa ating mg̃a kasalanan, bakit hindî makagagawâ ng̃ gayon din si Hulî na patungkol kay hermana Penchang?
Nang ang balità’y nakasapit sa kubong tinitirahan ni Hulî at nang kaniyáng lelong, ay nang̃ailang̃an ang dalaga na uliting makálawa ang balità. Tiningnán si hermana Balî, na siyang nagbabalità, na warìng hindî maliwanagan ang sinasabi, hindî mapagtuwíd ang kaniyáng pagkukurò; naghumugong ang kaniyáng mg̃a taing̃a, nagkaramdám ng̃ pagsisikíp ng̃ pusò at nagtagláy ng̃ isáng kutób ng̃ kalooban, na ang pangyayaring yaón ay makapagbibigay hapis sa kabuhayan niyáng sásapítin. Gayon ma’y tinangkâng manang̃an sa isáng banaag ng̃ pag-asa, ng̃umitî, inakalàng binibirò siyá ni hermana Balî ng̃ isáng masamâng birò, ng̃unì’t dî pa man ay ipinatatawad na niyá kung sasabihing birò ng̃â, ng̃unì’t pinagkurús ni hermana Balî ang kaniyáng hinglalakí’t hintuturò at hinagkán, sa katunayang totoo ang kaniyáng sinasabi. Sa gayón ay nawalâ na ang ng̃itî sa labì ng̃ dalaga, namutlâ, maputlâng maputlâ, naramdamáng nawalán siyá ng̃ lakás at, noon lamang nangyari sa boô niyang buhay, nawalán ng̃ diwàng tuminbuang.
Nang sa káhahampás, kákukurót, wisík ng̃ tubig, mg̃a krús at paglalagáy ng̃ mg̃a palaspás na benendita ay pinagsaulán ang dalaga at napag-unawà ang kaniyáng kalagayan ay piping bumalong sa kaniyáng mg̃a matá ang luhà, sunód sunód ang paták, walâng hibík, walâng panaghóy, walâng daíng! Inaalaala niyá si Basilio na walâng ibáng tagapag-ampón kung dî si kapitáng Tiago, at sa pagkamatáy nitó, ay lubós nang nawalán ng̃ kandili at kalayàan. Batid nang sa Pilipinas ay kailang̃an ang ninong sa lahát ng̃ bagay, mulâ sa araw na binibinyagán ang isáng tao hanggáng sa mamatáy, sa pagtatamó ng̃ katwiran, sa pagkuha ng̃ isáng katibayan sa paglalakbáy ó upang magawâ ang isáng paghahanap-buhay. [286]At sa dahiláng sinasabing ang pagkakábilanggông yaón ay alinsunod sa mg̃a paghihigantí ng̃ dahil sa kaniyá at sa kaniyáng amá, ang kalungkutan ng̃ binibini ay nagíng isáng paghihinagpís. Ng̃ayón ay siyá namán ang nárarapat na magligtás, gaya ng̃ ginawâ ng̃ lalaki ng̃ siya’y alisín sa pagkaalilà, at ang isáng boses na lihim ang nag-uudyók sa kaniyá ng̃ gagawín at naghahain sa kaniyáng pag-iisip ng̃ isáng kakilakilabot na paraan.
—¡Si P. Camorra, ang kura!—ang sabi ng̃ boses.
Si Hulî’y nápapakagát labì at nahuhulog sa isáng malamlám na pag-iisíp.
Dahil sa pagkakasala ng̃ kaniyáng amá ay dinakíp ang lelong, sa pag-asang sa gayóng paraan ay lilitáw ang anák. Ang tang̃ìng nakapagbigáy ng̃ kalayàan ay si P. Camorra, at si P. Camorra ay nagpakilala ng̃ dî kasiyahang loob sa mg̃a pasasalamat at sa pamag-itan ng̃ kaniyáng karaniwang ugalìng tiyakan kung magsalitâ ay huming̃î ng̃ mg̃a paghahandóg.... Mulâ noon ay iniwasan ni Hulî ang siya’y mákatagpô, ng̃unì’t pinahahalík siya ng̃ kamáy ng̃ parì, hinihipò siya sa ilóng, sa pisng̃í, biníbirò siyáng may mg̃a kindát at tumatawa, tumatawang siya’y kinúkurot. Si Hulî ang sanhî ng̃ pagkakabugbóg ng̃ mabuting kura sa iláng bìnatà na naglilibót sa nayon at nanánapatan sa mg̃a dalaga. Ang mg̃a mapaghinalà, kung nakikita siyáng nagdáraan na walâng kaimík-imík at nakatung̃ó, ay nagsasabing ipinadíding̃íg sa kaniyá:
—¡Kung iibígin, ay magtatamóng kapatawarán si kabisang Tales!
Ang binibini’y dumáratíng na malungkót sa kaniyáng bahay at susuling suling ang matá.
Malakí ang ipinagbago ni Hulî; nawalâ ang kaniyáng kasayahan, walâng nakakitang siya’y ng̃umitî, bahagyâ ng̃ magsalitâ at warì mandíng nang̃ang̃ambáng malasin ang mukhâ niyáng sarili. Minsan ay nakita siya sa bayan na may malakíng guhit na uling sa noo, siya, na palagìng maayos at mahusay ang gayák kung lumakad. Minsan ay itinanóng kay hermana Balî kung nátutung̃o sa impierno ang mg̃a nagpapatiwakál.
—Walâng sala!—ang tugón ng̃ babai, at isinalaysáy ang poók na iyón na warìng siyá’y galing doón.
Dahil sa pagkakábilanggô ni Basilio, ang mg̃a dukhâ’t [287]marunong luming̃ap na mg̃a kaanak ay gumawâ ng̃ lahát ng̃ magagawâ upang máiligtás ang binatà; ng̃unì’t sa dahiláng siláng lahát ay hindî pa makabuô ng̃ tatlóng pûng piso, ay si hermana Balî, gaya rin ng̃ dati, ang siyáng nagkaroón ng̃ lalòng mabuting akalà.
—Ang dapat nating gawín ay ang huming̃îng sanggunì sa taga-sulat,—aniyá.
Sa mg̃a abâng taong iyón, ang taga-sulat sa tribunal ay siyáng oráculo sa Delfos ng̃ matatandâng griego.
—Bigyán lamang ng̃ sikapat at sakâ isáng tabako,—ang dugtóng—ay sasabihin pa sa iyo ang lahát ng̃ batás na magpapalakí ng̃ ulo mo sa pagding̃íg sa kaniyá. Pag mayroón kang piso ay maililigtás ka kahì’t nasa sa paanán ka ng̃ bibitayán. Nang ipasok sa bilanggùán ang kapit bahay kong si Simón at hinagupít ng̃ palò, dahil sa hindî nakapagpahayag ng̃ ukol sa isáng nakawáng nangyari sa malapit sa kaniyáng bahay, abá ¡sa halagáng kahatì’t sikolo lamang at isáng balukay na bawang, ay nakuha siya ng̃ taga-sulat! At nákita ko si Simón na babahagyâ nang makalakad at náhigâng isáng buang mahigít. ¡Ay! nabulók ang pigî, abâ ¡at namatáy dahil doón!
Ang payo ni hermana Balî ay tinanggáp at siyá na ang nakipag-usap sa taga-sulat; binigyán siyá ni Hulî ng̃ isáng salapî at dinagdagán pa ng̃ iláng putol na pindáng na usá na náhuli ng̃ lelong. Mulî na namáng inatupag ni tandâng Selo ang pang̃ang̃aso.
Ng̃unì’t walâng magawâ ang taga-sulat; ang bilanggô ay nasa Maynilâ at hindî umaabot doón ang kaniyáng lakás.
—¡Kung nasa sa kabesera man lamang, maná pa!..—ang sabi na ipinagpaparangyâ ang kaniyáng kaya.
Lubós na batíd ng̃ tagasulat na ang kaniyáng lakás ay hindî lumalampás sa mg̃a hanggahan ng̃ Tianì, ng̃unì’t kailang̃an niya ang huwag masirà ang pananalig sa kaniyá at upang maiwan ang pindáng na usá.
—Ng̃unì’t mabibigyán ko kayó ng̃ isáng mabuting payo, na dìlì ibá kundî ang pumaroón kayóng dalawá ni Hulî sa Hukom pamayapà. Kailang̃ang pumaroón si Hulî.
Ang Hukom pamayapà ay isáng taong pabugál-bugál, ng̃unì’t kung makikita si Hulî marahil ay mapipigil ng̃ kauntì ang dating ugalì: náriritó ang katalinuhan ng̃ payo.
[288]Pinakinggáng walâng kaping̃asping̃as sa tigás ng̃ ginoong Hukóm si hermana Balî, na siyáng nagsasalitâ, na maminsanminsan ay tinitingnán ang dalagang nakatung̃ó at hiyâng hiyâ. Masasabí na lamang ng̃ tao na malakí ang pagling̃ap niya kay Basilio, hindî naáalala ng̃ mg̃a tao ang kaniyáng utang na loob at na ang sanhî ng̃ pagkakábilanggông iyon, ayon sa balità, ay dahil sa kaniya.
Matapos makadigháy ng̃ makáitló ó makaapat, sapagkâ’t may masamâng ugalìng itó ang ginoong Hukóm, ay nagsabing ang tang̃ìng makapagliligtás kay Basilio ay si P. Camorra, kung íibigin niya—at tiningnán ng̃ may makahulugáng títig ang binibini.—Itó’y pinápayuhan niyáng makípag-usap sa kura.
—Alám na ninyó ang kaniyáng lakás; nakuha sa pagkakábilanggô ang inyóng nunò.... Sukat na ang isáng salítâ niya upang mapasa tatapunán ang isáng batàng bagong pang̃anák ó máligtas sa kamatayan ang isáng binitay.
Si Hulî ay hindî umíimík, ng̃unì’t sa ganang kay hermana Balî ay warìng nabasa sa isáng nobena ang hatol: laan siyáng samahan sa bahay ng̃ parì ang dalaga. Lilimós pa namán siya ng̃ isáng kalmen sa halagáng isáng salapî.
Dátapwâ’y umíilíng si Hulî at ayaw pumaroon sa kombento. Si hermana Balî ay warìng nakararamdám sa sanhî ng̃ pag-ayáw (si P. Camorra ay may katawagán ding si kabayo at nápakalikót) at pinanánahimik siya:
—¡Walâ kang dapat ikatakot! kasama mo akó!—aniya—¿hindî mo ba nabasa sa muntîng aklát na Tandang Basio na bigáy ng̃ kura, na ang mg̃a dalaga’y dapat pumaroon sa kombento, kahì’t hindî nálalaman ng̃ mg̃a magulang, upang ipagsabi ang nangyayari sa bahay? Abá! Ang aklát na iyón ay nálimbág nang may pahintulot ang Arsobispo, abá!
Si Hulî, iníp na’t sa nasàng putulin ang usapan, ay namanhík sa mapanata na siyang pumaroon kung ibig, ng̃unì’t sinabi ng̃ Hukóm, sabáy sa pagdígháy, na ang samò ng̃ isáng mukhâ ng̃ dalaga ay nakaaakit ng̃ malakí kay sa mukhâ ng̃ isáng matandâ, na ang lang̃it ay nagkakalat ng̃ kaniyáng hamóg sa mg̃a sariwàng bulaklák at hindî sa mg̃a tuyô na. Ang talinhagà’y nagíng isáng magandáng kahalayan.
Si Hulî’y hindî sumagót at nanaog ang dalawáng babai. Sa daan ay nagmatigás ang dalaga sa pag-ayáw na pumaroon [289]sa kombento, kayâ’t nang̃agsiuwî sa kaniláng nayon. Si hermana Balî na sumamâ ang loob dahil sa kakulang̃án ng̃ pagtitiwalà, gayóng siya’y kasama, ay naghihigantí sa paraang binigyán ng̃ isáng mahabâhabâng sermon ang binibini.
Sadyâ ng̃âng hindî magagawâ ng̃ dalaga ang pagparoong iyon sa kombento nang hindî susuwatán ang kaniyáng sarili, na hindî siyá susuwatán ng̃ tao, na hindî siyá susuwatán ng̃ Dios! Makáilán nang sinabi sa kaniyá, may katwiran ó walâ, na kung susundín ang hang̃ád sa kaniyá, ay patatawarin ang kaniyáng amá, ng̃unì’t gayón man ay hindî siyá pumayag, kahì’t na isinísigáw sa kaniyá ng̃ kaniyáng budhî ang pag-aalaala ng̃ kautang̃án sa magulang. ¿At ng̃ayón ay gágawín niyá ng̃ dahil kay Basilio, dahil sa kaniyáng kasintahan? Yaón ay isáng pagsadlák sa mg̃a kutyâ at paglibák ng̃ lahát ng̃ tao, sampûng si Basilio ay aalipustâ sa kaniyá; hindî mangyayari ang gayón, magpakailan man! Magbibigtí na muna siyá ó magtatalón sa alín mang bang̃ín. Kahì’t na anó ang gawín ay nasuwatán na siyá na masamâng anák.
Binatá pa rin ng̃ kaawàawàng si Hulî ang mg̃a sisi ng̃ kaniyang mg̃a kamag-anak, na sa dahiláng hindî nakababatíd ng̃ nangyayari sa kanilá ni P. Camorra, ay kinúkutyâ ang kaniyang mg̃a katakután. Máiibigan bagá ni P. Camorra ang isáng dalagang tagá bukid gayóng marami namán sa bayan? At tinukoy ng̃ mg̃a babai, ang mg̃a pang̃alan ng̃ mg̃a dalagang magagándá’t mayayaman, na nagkaroon ng̃ ganitó ó gayóng kasawîán. At samantala’y ¿kung barilín si Basílio? tinátakpán ni Hulî ang kaniyang taing̃a, lumiling̃ap sa lahát ng̃ sulok at humahanap ng̃ isáng ting̃ig na sukat magtanggól sa kaniyá, tiningnán ang kaniyang lelong; ng̃unì’t ang lelong ay pipi at nakatitig sa dulo ng̃ kaniyáng tandós na gamit sa pang̃ang̃aso.
Nang gabíng yaón ay bahagyâ nang nákatulog. Mg̃a bung̃ang tulog át panaginip, kung minsán ay kahambálhambál, kung minsán ay madugô, ang nagdáraan sa kaniyáng matá at sandásandalî’y nágigisíng na pigtâ sa malamig na pawis. Parang nakadiding̃ig siyá ng̃ putukan, parang nákikita ang kaniyang amá, ang amá niyang nagsumakit ng̃ lubhâ dahil sa kaniyá, na nakikipaghamok sa mg̃a kagubatan, hinuhuling warì’y isáng hayop sapagkâ’t siya’y nag alinlang̃ang kaniyáng iligtás. At [290]ang larawan ng̃ kaniyáng amá’y nagbago at nákita ni Basilio na naghihing̃alô at tinítitigan siya ng̃ mg̃a ting̃íng sumisisi. Ang kahabághabág ay titindíg, magdadasál, tataghóy, tatawagan ang kaniyáng iná, ang kamatayan, at sumapit ang sandalî na, patâ na sa sindák, kung hindî lamang nagíng gabí noon ay tumakbó na sanang tuloytuloy sa kombento, mangyari na ang mangyayari.
Dumatíng ang umaga, at ang mg̃a malulungkót na paghihinalà, ang mg̃a pang̃ing̃ilabot sa kadilimán ay bahagyâng nagbawa. Ang kaliwanagan ay nagbigáy sa kaniyá ng̃ mg̃a pag-asa. Ng̃unì’t ang mg̃a balitàng tinanggáp nang kinahapunan ay lubhâng kakilakilabot; napag-usapan ang mg̃a binaríl at ang gabíng yaó’y nagíng karumaldumal sa dalaga. Sa kaniyáng pagdadalitâ’y tinangkâ ng̃ ipagkaloob ang kaniyáng katawán pagsapit na pagsapit ng̃ umaga at pagkatapos ay magpakamatáy: lahát, huwag na lamang magdaán ng̃ gayóng paghihirap! Ng̃unì’t ang umaga’y nagtagláy ng̃ mg̃a panibagong pag-asa at ayaw pumanaog sa bahay ang binibini, ni pumaroón sa simbahan. Nang̃ang̃anib siyáng mapahinuhod.
At sa gayó’y nakaraan ang iláng araw: nananalang̃in at nagtutung̃ayáw, tumatawag sa Dios at ninanasà ang kamatayan. Ang umaga ay nagigíng isáng patláng, si Hulî’y umaasa sa isáng kababalaghán; ang mg̃a balitàng galing sa Maynilà, kahì’t dumáratíng na may dagdág, ay nagsasabing ang iláng bilanggô ay nakalayà na dahil sa kaniláng mg̃a ninong at mg̃a kaibikaibigan.... May maiiwang magtitiís, ¿sino kayâ? si Hulî ay nang̃ing̃ilabot at umuuwî sa kaniyáng bahay na ng̃inang̃atng̃át ang kaniyáng mg̃a kukó, sa gayón ay dumáratíng ang gabí na ang mg̃a pang̃ang̃ambá, na nagkakaroón ng̃ ibayong lakí, ay warìng nagigíng katotohanan. Kinatatakutan ni Hulî ang pananaginip; natatakot siyáng matulog, sapagkâ’t ang kaniyáng pananaginip ay isáng sunód-sunód na bang̃ung̃ot. Mg̃a titig na may hinanakít ang lumulusót sa kaniyáng mg̃a balintatáw kapag nápikít, mg̃a daíng at panang̃is ang umuukilkíl sa kaniyáng mg̃a taing̃a. Nakikitang pagalàgalà ang kaniyáng amá, dayukdók, walâng tigil ni pahing̃á; nakikitang si Basilio ay naghihing̃alô sa gitnâ ng̃ daan, may tamâ ng̃ dalawáng punglô, gaya ng̃ pagkakita niyá sa bangkáy ng̃ isáng kalapít-bahay na pinatáy samantalàng iniháhatíd ng̃ guardia sibil. At nakikita niyá [291]ang mg̃a talìng gumitgít sa lamán, nakikita ang dugông lumálabás sa bibíg at nádiding̃íg na sinasabi sa kaniyá ni Basilio, na: “¡Iligtás mo akó, iligtás mo akó! ikáw lamang ang tang̃ìng makapagliligtás sa akin!” Mag-uumugong pagkatapos ang isáng halakhák, ililing̃ón ang mg̃a matá at makikita ang kaniyáng amá, na tinititigan siyá ng̃ isáng titig na lipos paghihinanakít. At si Hulî ay mágigisíng, tatagilid sa ibabaw ng̃ kaniyáng baníg, hihimasin ng̃ kamáy ang noó upang tungkusín ang buhók: malamíg na pawis, gaya ng̃ pagpapawís kung mamamatáy, ang nakababasâ sa kaniyá.
—¡Iná, iná!—ang taghóy.
At samantala’y ang mg̃a nakapagpápasiya ng̃ boông katuwâan sa mg̃a sasápitin ng̃ mg̃a bayan, ang nakapag-uutos ng̃ makatwirang pagpatáy, ang sumisirà ng̃ katwiran at ginagamit ang karapatán upang magpatibay sa lakás, ay mapayapàng nang̃ahihimbíng.
Sa kahulíhulihan, ay dumatíng ang isáng manglalakbáy na taga Maynilà at nagsalaysáy nang kung papano nakawalâ ang lahát ng̃ bilanggó, lahát, maliban si Basilio na walâng mag-ampón. Nababalità sa Maynilà, ang dagdág ng̃ manglalakbáy, na ang binatà ay mapapatapon sa Carolinas, at pinalagdâán na muna sa kaniyá ang isáng kahiling̃an na kinatatalâan na gayón ang hilíng niyáng kusà. Nákita ng̃ manglalakbáy ang bapor na magdadalá sa kaniyá.
Ang balitàng iyón ay tumapos sa mg̃a pagaalinlang̃an ng̃ dalaga na sadyâ namáng guló na ang pag-iisíp dahil sa karamihan ng̃ gabíng ipinagpuyát at sa kaniyáng mg̃a kakilakilabot na mg̃a pang̃ang̃arap. Maputlâ’t ang matá’y susuling suling, ay hinanap si hermana Balî at ang boses ay nakatatakot ng̃ sinabing siya’y nálalaán na at itinatanóng kung ibig siyáng samahan.
Natuwâ si hermana Balî at siya’y pinayapà, ng̃unì’t si Hulî ay hindî nakiking̃íg at warìng nagmamadalî upang makaratíng sa kombento. Siya’y nag-ayos, isinuot ang kaniyáng pinakamabuting gayák at warì pa mandíng siya’y may malakíng hang̃ád. Nagsasásalitâ kahì’t walâng linaw.
Lumakad silá. Si Hulî ay náuuna at naíiníp sapagkâ’t ang kasama’y náhuhulí. Dátapwâ’y samantalang nang̃alalapít sa bayan, ay untîuntî siyang nanghihinà, nagwawalâng imík, nag-aalinlang̃an, nápapahinà ang hakbang, at pagkatapos ay [292]nápapahulí. Kailang̃an ang paliksihín pa siya ni hermana Balî.
—¡Gágabihín tayo!—ang sabi.
Si Hulî ay patuloy na namumutlâ, ang ting̃í’y sa ibabâ at hindî makapang̃ahás na itaás ang matá. Ang akalà niya’y siyá ang tinitingnán ng̃ lahát ng̃ tao at siya ang itinuturò. Isáng pang̃alang mahalay ang humihiging sa kaniyáng taing̃a, ng̃unì’t nagbibing̃íbing̃ihan at nagpapatuloy ng̃ lakad. Gayón mán, nang mákita ang kombento, ay humintô at nang̃iníg na.
—¡Bumalík na tayo sa nayon, bumalík na tayo!—ang samò na pinigil ang kaniyáng kasama.
Kinailang̃an ni hermana Balî ang hawakán siyá sa bisig at halos binatak, na pinamamayapà at pinagsasabihan siyá ng̃ ukol sa mg̃a aklát ng̃ mg̃a prayle. Hindî siyá pababayàan, walâng dapat ikatakot; si P. Camorra ay may ibáng bagay sa ulo; si Hulî ay isáng tagabukid lamang....
Datapwâ’y nang dumatíng sa pintùan ng̃ kombento ó bahay pari ay nagmatigás na si Hulî sa pag-ayáw na umakyát at nang̃unyapít sa pader.
—¡Huwag, huwag!—ang samòng lipós sindák;—¡O, huwag; mahabág kayó!......
—Ng̃unì’t nápakahang̃ál......
Itinutulak siyáng marahan ni hermana Balî; si Hulî ay ayaw pumayag, namumutlâ, na ang mukhâ’y nakahahambál. Ipinahayag ng̃ kaniyáng paning̃ín na nakikitang kaharáp niyá ang kamatayan.
—¡Siyá, bumalík tayo kung ayaw ka!—ang bulalás na tulóy na masamâ ang loób ng̃ mabaít na babai, na hindî naniniwalà sa anománg sakunâng tunay na mangyayari. Kahì’t na may masamâng kabantugan si P. Camorra ay hindî mang̃ang̃ahás sa haráp niyá.
—¡Mádalá na sa tatapunán ang kaawàawàng si D. Basilio, barilín siyá sa daan at sabihing nagtangkâng tumakas!—ang dagdág;—pag patáy na ay sakâ magsisisi. Sa ganang akin, akó’y walâng anománg utang na loób sa kaniyá. Sa akin ay walâng isusumbát!
Yaón ang bayóng nakapagpanibulos. Sa harap ng̃ gayóng sumbát, may halòng galit, handâ sa lahát, gaya ng̃ isáng magpapatiwakal, ay ipinikít ni Hulî ang kaniyáng mg̃a matá, upang huwág mátanaw ang bang̃íng tatalunán, at tulóytulóy [293]na pumasok sa kombento. Isáng buntóng-hining̃á na wárìng hing̃alô ang namulás sa kaniyang mg̃a labì. Sinundán siya at pinagbibilinan ni hermana Balî.
Nang kinagabihán ay marahang pinag-uusap-usapan ang nangyari ng̃ hapong iyon.
Sa durung̃awan ng̃ kombento ay tumalón ang isáng dalaga na bumagsák sa mg̃a bató at namatáy. Halos kasabáy noon, isá pang babai ang lumabás na nagsisigáw át nagtititilî sa mg̃a lansang̃an na warì’y balíw. Ang mg̃a maing̃at na mámamayan ay hindî makapang̃ahás na bumanggít ng̃ mg̃a pang̃alan at maraming iná ang kumurót sa kaniláng mg̃a anák na babai dahil sa pagkakabigkás ng̃ mg̃a salitâng makapagbibigáy ligalig sa kanilá. Makaraan yaón, ng̃unì’t malaon ng̃ nakaraan, ng̃ nagtatakipsilim, ay isáng matandâng lalaki ang nanggaling sa nayon at tumawag ng̃ malaon sa pintùan ng̃ kombento na nakasará at binabantayán ng̃ mg̃a sakristan. Ang matandâ’y tumatawag sa pamagitan ng̃ suntók, ng̃ ulo, bumibigwás ng̃ mg̃a timpîng sigáw, na walâng linaw, na gaya ng̃ sa isáng pipi, hanggáng sa napalayas doon sa pamagitan ng̃ palò at kátutulak. Nang mangyari ang gayón ay tumung̃o sa bahay ng̃ kapitán sa bayan, ng̃unì’t sinabi sa kaniya roon na walâ ang kapitán, na nasa kombento; tumung̃o sa Hukóm pamayapà, ng̃unì’t ang Hukóm pamayapà ay walâ rin, ipinatawag sa kombento; tinung̃o ang teniente mayor, gayon din, nasa kombento; tumung̃o sa kuartel, ang teniente ng̃ guardia sibil ay nasa kombento.... Sa gayón ay bumalík sa kaniyáng nayon ang matandâ na umiiyak na parang isáng batà: ang kaniyang ung̃al ay nádiding̃íg sa gitnâ ng̃ katahimikan ng̃ gabí; ang mg̃a lalaki’y nang̃apapakagátlabì, ang mg̃a babai’y nang̃agdadaóp-kamáy, at ang mg̃a aso ay pumapasok sa kaníkaniláng bahay, mg̃a takót, at ipít ng̃ dalawáng hità ang buntót!
—¡A, Dios, á, Dios!—anáng isáng abâng babai na nang̃ang̃alirang dahil sa kákokolasión;—sa haráp mo ay walâng mayaman, walâng mahirap, walâng maputî, walâng maitím.... ¡ikáw ang hahatol sa amin!
—Oo,—ang sagót ng̃ asawa,—kailan ma’t ang Dios na iyáng kaniláng iniaaral ay hindî tunay na gawâgawâ lamang, isáng dayà! Silá na ang una unang hindî naníniwalà doon!
Nang ikawaló ng̃ gabí, ay sinasabing mahigít sa pitóng [294]prayle, na galing sa mg̃a bayang kalapít, ang nang̃asa sa kombento at nagpupulong. Nang kinábukasan ay nawalâ nang patuluyan sa nayon si tandâng Selo na dalá ang kaniyáng tandós sa pang̃ung̃usá.
L’Espagne et sa vertu, l’Espagne et sa grandeur
Tout s’en va!
(Victor Hugo.)
Ang mg̃a pamahayagan sa Maynilà ay nang̃alululong sa pagsasalaysáy ng̃ ukol sa isáng nábunyág na patayang nangyari sa Europa, sa mg̃a pagpupuri at pagbibigáy karang̃alan sa iláng predicador sa Maynilà, sa lalò’t lalò pang masigabóng pagtatatagumpáy ng̃ operetang pransés, kayâ babahagyâ nang makapaglaán ng̃ gayón ó ganitóng balitàng ukol sa mg̃a katampalasanang ginágawâ sa mg̃a lalalawigan ng̃ isáng pulutóng ng̃ tulisán na pinang̃ung̃uluhan ng̃ isáng pinunòng mabang̃ís at ganid na nagpapamagát na Matanglawin. Tang̃ì lamang, kung ang nilolooban ay isáng kombento ó isáng kastilà, ay sakâ lumálabás ang mahahabàng salaysáy na nagsisiwalat ng̃ mg̃a kakilakilabot na pangyayari at hinihing̃î ang estado de sitio, mg̃a matitindíng panupil, ibp. Kayâ’t hindî rin naatupag ang nangyari sa bayan ng̃ Tiani, ni hindî man nagkaroon ng̃ isá mang banggít ni isáng aling̃awng̃áw. Sa mg̃a lipunáng tang̃ì ay may kauntìng bulungbulung̃an, ng̃unì’t nápakalabò, nápakamahinà, napaka walâng katibayan na hindî man lamang nabatíd ang pang̃alan ng̃ nasawî, at yaóng mg̃a nagpakita ng̃ malakíng nasàng makaalám ay madalîng nakalimot, na naniwalàng nagkaroon nang kasundùan sa kaanák ó mg̃a kamag-anak na may galit. Ang tang̃ìng tiyák na napag-alamán ay ang pag-alís sa bayang iyon ni P. Camorra upang lumipat sa ibá ó manirahan ng̃ kauntîng panahón sa kombento sa Maynilà.
—¡Kaawaawàng P. Camorra!—ang bulalás ni Ben-Zayb na nagwarìng mahabagin,—gayóng kasayá, gayóng kabuting pusò!
Tunay ng̃â na ang mg̃a nag-aaral ay nang̃akalayà sa kálalakad ng̃ kaniláng mg̃a kamag-anak, na hindî tiningnán [295]ang magugugol, mg̃a handóg at mg̃a paghihirap. Ang uná unang nakalayà, gaya ng̃ maaantáy, ay si Makaraíg, at ang hulí’y si Isagani, sapagkâ’t si P. Florentino ay hindî nakaratíng sa Maynilà kung dî nang makaraan muna ang isáng linggó sapol ng̃ mangyari ang mg̃a bagaybagay. Ang gayóng karaming pagkahabág ay nagíng sanhî upang bigyan ang General ng̃ palayaw na mahabagin at maawàín na dalìdalìng idinagdág ni Ben-Zayb sa mahabàng kabilang̃an ng̃ kaniyáng mg̃a palayaw.
Ang tang̃ìng hindî nakalayà ay si Basilio, na násasakdál pa sa kasalanang pagkakaroon ng̃ mg̃a aklát na bawal. Hindî namin malaman kung ang sinasabi nilá’y ang aklát na Medicina Legal y Toxicología ni Dr. Mata ó ang iláng pahayagan na ukol sa mg̃a bagay bagay sa Pilipinas na natagpûán sa kaniyá, ó magkasama na ang dalawáng bagay na iyon; ng̃unì’t sinasabi rin namán na nagbibilíng palihím ng̃ mg̃a aklát na bawal at napataw sa kaawàawàng binatà ang boông bigát ng̃ timbang̃an ng̃ katwìran.
May nagbalitàng sinabi sa General:
—Kailang̃an na magkaroon ng̃ isá upang máligtás ang karang̃alan ng̃ kapangyarihan at huwag masabing tayo’y nag-ing̃áy nang katakot-takot ng̃ walâ namáng sanhî. Una muna sa lahát ang kapangyarihan. Kailang̃ang may mátira!
—Iisá na lamang ang nátitirá, isá na, alinsunod kay P. Irene ay, nagíng alilà ni kapitáng Tiago.... Walâng naghahabol sa kaniyá....
—¿Alilà at nag-aaral?—ang tanóng ng̃ General:—kung gayón ay iyan, mátirá, iyan!
—Maipahintulot po sa akin ng̃ inyóng Karilagán—ang sabi ng̃ mataas na kawaní na nagkátaóng kaharáp;—ng̃unì’t may nagsabi sa akin na ang binatàng iyan ay nag-aaral sa Medicina, ang kaniyáng mg̃a gurô’y mabutí ang sinasabing ukol sa kanyá.... kung magpapatuloy sa pagkábilanggô ay masasayang̃an ng̃ isáng taón, at sa dahiláng sa taóng itó magtátapós....
Ang pamamagitnâ ng̃ mataas na kawaní na ayon kay Basilio, sa lugal na makabutí dito, ay nakasamâ pa. Malaon nang ang kawaní at ang General ay nagkakabigatan, may samàan ng̃ loob, na naragdagán ng̃ mg̃a salísalitàan. Ang General ay ng̃umitî at sumagót:
[296]—¿Siya ng̃â ba? Kung gayó’y lalò pa ng̃âng dapat na magpatuloy sa pagkakábilanggô; isáng taón pang pag-aaral, sa lugal na makasasamâ, ay makabubutí sa kaniyá, sa kaniyá at sa lahát ng̃ mahuhulog pagkatapos sa kaniyáng mg̃a kamáy. Dahil sa maraming pagsasanay ay hindî magiging masamâng manggagamot ang isáng tao. Isá pa ng̃âng katwiran upang mátirá! At pagkatapos ay sasabihin ng̃ mg̃a mapagbagong pilibustero na hindî namín ináalagatâ ang bayan!—ang dagdág ng̃ General na tumatawang paaglahì.
Nakilala ng̃ mataás na kawaní ang kaniyáng kamalìan at pinang̃atawanán na ang usap ni Basilio.
—Dátapwâ’y sa ganáng akin ay inaakalà kong ang binatàng iyán ay siyáng lalòng walâng kakasákasalanan sa lahát,—ang tugón na may kauntìng katakutan.
—Náhulihan siya ng̃ mg̃a aklát,—ang sagót ng̃ kalihim.
—Oo, mg̃a aklát sa panggagamot at mg̃a pahayagang sinulat ng̃ mg̃a taga España.... na hindî pa nagugupít ang mg̃a dahon.... at ¿anó ang ìbig sabíhin nitó? At sakâ, ang binatàng iyan ay walâ sa pigíng na idinaos sa magpapansít, ni hindî nakihimások sa anómán.... Gaya ng̃ sinabi ko, siyá ang lalòng walâng kakasákasalanan....
—¡Lalò’t lalò pa ng̃âng mabuti!—ang masayáng bulalás ng̃ General;—sa gayóng paraán, ang parusa, ay magigíng lalòng malunas at katang̃ìtang̃ì sapagkâ’t makasisindák pang lalò! Mamahalà ay ang umasal ng̃ ganiyán, ginoo; madalás na kailang̃ang ipailalim ang ikabubuti ng̃ isá sa ikabubuti ng̃ marami.... Datapwâ’y higít pa sa roón ang ginágawâ ko: sa ikabubuti ng̃ isá, kinukuha ko ang ikabubuti ng̃ lahát, inalíligtás ko ang tibay ng̃ kapangyarihan na nápapang̃anib, ang karang̃alan ay naigagalang at tumátatág. Sa ginawâ kong itó ay naaayos ko ang mg̃a kamalìán ng̃ mg̃a tagarito’t ng̃ mg̃a hindî tagarito!
Gumamit ng̃ malakíng lakás ang mataás na kawaní upang makapagpigil, hindî pinuná ang mg̃a parunggít, at nagtangkâng humanap ng̃ ibáng paraán.
—¿Ng̃unì’t hindî pô ba ninyó kinatatakutan ang kapanagutan?
—¿Anó ang ikatatakot ko?—ang paklíng nayayamót ng̃ General;—¿hindî ba mayroón akóng kapangyarihang magagamit ng̃ alinsunod sa sariling kapasiyahan? ¿hindî ko ba magagawâ [297]ang máibigan sa ikabubuti ng̃ pamamahalà sa kapulùáng itó? ¿Anó ang ikatatakot ko? ¿Maaarì bagáng ipagsakdál akó sa mg̃a hukuman ng̃ isáng alilà at akó’y hing̃án ng̃ kapanagutan? ¡Ba! At kahì’t na mayroón siyáng magagamit na kaparaanan ay dadaán muna sa Ministerio, at ang Ministro....
Ikinumpáy ang kamáy at nagtawá.
—Ang Ministrong naghalál sa akin, ay ang diablo lamang ang nakaaalám kung saán na nároroón, at aarìin na niyáng malakíng karang̃alan ang akó’y kaniyáng mábatì sa aking pagbalík! Ang kasalukuyan, iyán ay pararaanín ko sa.... at dadalhín din iyán ng̃ diablo.... Ang hahalili diyán ay malilitó sa bago niyáng tungkulin na hindî makukuhang pumuná ng̃ mg̃a mumuntîng bagay. Akó, ginoo, walâ akóng anomán kundî ang budhî ko lamang, gumágawâ akó ng̃ alinsunod sa aking budhî, ang budhî ko ay nasisiyahán, at walâng kakabukabuluhán sa akin ang hakà ni ganoón ó ni ganitó. Ang aking budhî, ginoo, ang aking budhî!
—Opò, aking General, ng̃unì’t ang bayan....
—Tu, tu, tu, tu! Ang bayan, ¿anó ang mayroon sa akin ng̃ bayan? ¿Nagkaroón bagá akó ng̃ pakikipagkasundùan sa kaniyá? ¿Utang ko ba sa kaniyá ang aking katungkulan? ¿Síya ba ang naghalál sa akin?
Nagkaroon ng̃ muntîng pananahimik. Ang mataas na kawaní’y nakatung̃ó. Pagkatapos, warìng may tinangkâ nang gawín, ay tuming̃alâ, tinitigan ang General at, namumutlâng nang̃ing̃iníg ng̃ kauntì, ay nagsabing pigil ang katigasan:
—¡Walâng kailang̃an, aking General, walâng kailang̃an iyan! Kayó’y hindî inihalál ng̃ bayang pilipino kundî ng̃ España, katwiran pa ng̃â upang pagpakitaan ninyó ng̃ mabuti ang mg̃a pilipino upáng walâng maisisi sa España! Katwiran pa ng̃â, aking General! Sa pagparito ninyó ay nang̃akòng ilalagáy sa katwiran ang pamamahalà, hahanapin ang kabutihan....
—¿At hindî ko ba ginagawâ?—ang tanóng na pabugnót ng̃ General na humakbáng,—¿hindî ko ba sinabi sa inyó na kinukuha ko sa ikabubuti ng̃ isá ang ikabubuti ng̃ lahát? ¿Tuturùan pa ba ninyó akó ng̃ayón? Kung hindî ninyó maliwanagan ang aking mg̃a gawâ ¿anó ang kasalanan ko? ¿Pinipilit ko ba kayóng makihatî sa aking kapanagutan?
[298]—Hindî ng̃â!—ang paklí ng̃ mataas na kawaní na tumuwíd ng̃ may halòng pagkamataas.—Hindî ninyó akó pinipilit, hindî ninyó akó mapipilit na makihatî sa inyóng kapanagutan! Ibá ang pagkakilala ko sa aking sariling kapanagutan, at sapagkâ’t akó’y mayroon din namán, ay magsasalitâ akó, yamang hindî akó umimík ng̃ mahabàng panahón. ¡Oh huwag iayos ng̃ inyóng karang̃alan ang mg̃a ganiyáng anyô, sapagkâ’t ang pagkáparitó ko, na gayón ó ganitó ang katungkulan, ay hindî ang pagtakwíl ko na sa aking mg̃a karapatán ang ibig sabihin at manirá na lamang akó sa pagiging alipin, na walâng bibíg ni karang̃alan! Hindî ko ibig na mawalay sa España ang magandáng lupàíng itó, iyang walóng ang̃aw na sakop na masunurin at mapagtiís na nabubuhay sa mg̃a pag-asa at pagkakilala ng̃ mg̃a pagkakámalî, ng̃unì’t hindî ko rin namán ibig na dung̃isan ang aking mg̃a kamáy sa ganid na pang̃ang̃alakal sa kaniyá; ayokong masabi kailan man, na matapos lumipas ang pagbibili ng̃ tao, ay ipinatuloy ng̃ lalò pang malusog ng̃ España, na kinákanlung̃án ng̃ kaniyáng bandilà, at lalò pang iniayos sa ilalim ng̃ maraming magagarang kapasiyahan. Hindî, upang ang España ay magíng malakí ay hindî niya kailang̃an ang magíng maniniíl; sukat na ang España sa kaniyáng sarili, lalò pang malakí ang España noong walâng arì kundî ang sarili niyáng lupaín na naagaw sa kukó ng̃ moro! Akó ma’y kastilà rin, ng̃unì’t bago ang aking pagkakastilà ay naroroon ang aking pagkatao at bago ang España at sa ibabaw ng̃ España ay nároroon ang kaniyáng karang̃alan, nároroon ang matataás na turò ng̃ magandáng aral, ang mg̃a walâng lipas na batayán ng̃ dî mababalìng katwiran. ¡Ah! namamanghâ kayó na akó’y mag-isip ng̃ gayón, sapagkâ’t hindî ninyó nauunawà ang kalakhán ng̃ pang̃alang kastilà, hindî ninyó kilalá, hindî; ikinakapit ninyó sa mg̃a tao, sa mg̃a pag-aarì; sa ganang inyó, ang kastilà, ay mangyayaring magíng mangdadambóng, mangyayaring magíng mamamatáy, mapagbalatkayô, bulàan, lahát na, matang̃anan lamang ang kaniyáng inaarì; sa ganang akin, ang kastilà, ay dapat na iwan ang lahát, ang sakop, ang kapangyarihan, ang kayamanan, ang lahát na, lahát bago ang karang̃alan! A, aking ginoo! Tayo’y tumututol kung nababasa nating ang lakás ay nápapaibabaw sa katwiran, at pinapupurihan natin kung sa pag-gawâ ay nákikita nating siya’y balatkayô na hindî lamang [299]inilílikô kundî ipinaiilalim sa inyóng kapasiyahan upang kayó’y makapangyari.... Sa dahilán ng̃âng iniibig ko ang España, ay nagsásalitâ ako dito at hindî ko pinang̃ang̃aniban ang pang̃ung̃unót ng̃ inyóng noo! Ayokong sa mg̃a daratíng na panahón ay masabing siya’y inainahan ng̃ mg̃a bansâ, manghihitít ng̃ mg̃a bayan, maniniíl ng̃ maliliít na pulô, sapagkâ’t ang gayó’y kakilakilabot na laít sa mg̃a mararang̃al na adhikâ ng̃ ating mg̃a unang harì! ¿Papano ang ginágawâ nating pagtupád sa kaniláng mg̃a banál na habilin? Pinang̃akùan nilá ang mg̃a pulông itó ng̃ pag-aampón at matuwíd, at pinaglalarùan natin ang mg̃a buhay at kalayàan ng̃ kaniyáng mámamayán; pinang̃akùan nilá ng̃ kabihasnán, at pinagkákaitán natin, sa katakutang magnasà ng̃ isáng lalòng marang̃al na kabuhayan; pinang̃akùan silá ng̃ liwanag, at binúbulag natin ang kaniláng mg̃a matá upang huwag mákita ang ating mg̃a kalaswâan; pinang̃akùang tuturùan silá ng̃ mg̃a kabaitan at pinaaayùan natin ang kaniláng masasamâng hilig at, sa lugál ng̃ kapayapàan at ng̃ katuwiran, ang naghaharì ay ang pag-aalinlang̃an, ang kalakal ay namamatáy at ang dî pananalig ay lumalaganap sa taong bayan. Lumagáy tayo sa lagay ng̃ mg̃a pilipino at itanóng natin sa sarili kung anó ang ating gágawín kung tayo ang nasa gayóng kalagayan! ¡Ay! sa inyóng hindî pag-imík ay nábabasa ko ang inyóng karapatán sa panghihimagsík, at kung ang mg̃a bagaybagay ay hindî bubuti ay mang̃aghihimagsik balang araw at ang katuwiran ay málalagáy sa kaniláng panig at kasama pa ang pagling̃ap ng̃ lahát ng̃ taong may puri, ng̃ lahát ng̃ bayani sa sangsinukob! Kapag ipinagkákait sa isáng bayan ang liwanag, ang tahanan, ang kalayàan, ang katwiran, mg̃a biyayang kung walâ ay hindî maaring mabuhay at dahil ng̃â doo’y silá ang taglayin ng̃ tao, ang bayang iyan ay may karapatáng arìin, ang sa kaniya’y nag-aalís ng̃ mg̃a gayón, na warìng isáng magnanakaw na humaharang sa atin sa daan: walâng kabuluhán ang pagtatang̃ì, walâ kundî iisáng pangyayari, isàng pag-aarì, isáng pagtatangkâ, at ang sino mang taong may kapurihán na hindî kumampí sa hinalay, ay nakikitulong at dinudung̃isan ang sariling budhî. Oo, hindî akó militar, at pinápatáy ng̃ kagulang̃an ang kauntìng sulák ng̃ aking dugô; ng̃unì’t gaya rin namán ng̃ pangyayari na ipagúgutáy ko ang aking [300]katawán sa pagtatanggól sa katibayan ng̃ España na laban sa isáng mananalakay na taga ibáng lupà ó laban sa mg̃a walâng katwirang paggaláw ng̃ kaniyáng mg̃a lalawigan, gayon din namáng pinatutunayan ko sa inyó na makikipiling akó sa mg̃a pilipinong sinísiíl, sapagkâ’t nasà ko pa ang mamatáy nang dahil sa mg̃a niyuyurakang karapatán, ng̃ sangkatauhan, kay sa magtagumpáy sa piling ng̃ mg̃a hang̃arìng ikagagalíng ng̃ isáng bansâ, kahì’t na ang bansâng itó’y may pang̃alang kagaya ng̃ pang̃alan ng̃ España!
—¿Alám bagá ninyó kung kaílan áalís ang correo?—ang malamíg na tanóng ng̃ General ng̃ matapos nang makapagsalitâ ang mataas na kawaní.
Tinitigan siyang mabuti ng̃ mataas na kawaní, pagkatapos ay ibinabâ ang ulo at iniwang walâng imík ang palasyo.
Sa halamanan nátagpûan ang kaniyáng sasakyáng nag-aantáy sa kaniyá.
—Kapag balang araw ay nakapagsarilí na kayó,—ang sabing natutubigan sa indiong lacayo na nagbukás ng̃ pintùan ng̃ sasakyán,—ay alalahanin ninyó na sa España ay hindî nagkulang ng̃ mg̃a pusòng tumibók ng̃ dahil sa inyó at nakitunggalî ng̃ dahil sa inyóng mg̃a karapatán!
—¿Saan pô?—ang sagót ng̃ lacayo na hindî siya napakinggáng mabuti at itinátanóng kung saan silá paparoon.
Makaraan ang dalawáng oras, ay iniharáp ng̃ mataas na kawaní ang kaniyáng pagbibitíw sa katungkulan at ipinababatíd ang kaniyáng pagbalík sa España sa unang korreong áalís.
Dahil sa mg̃a pangyayaring isinaysáy, maraming iná ang tumawag sa kaniláng mg̃a anák na lalaki upang iwan kaagád agád ang pag-aaral at atupagin na lamang ang pagbubulagbul ó ang pagtataním.
Nang dumatíng ang mg̃a paglilitis, ay marami ang mg̃a hindî nakaraan at bihirà ang nang̃akalampás sa taón ng̃ kaniláng pag-aaral sa mg̃a nagíng kasapì sa nabantóg na kapisanan na hindî na mulì pang nabangít ng̃ kahì’t sino. [301]Si Pecson, si Tadeo at si Juanito Pelaez ay pawà ring nang̃apigil; tinanggáp ng̃ una ang mg̃a kalabasa na tagláy ang kaniyáng tawang hang̃al at nang̃akòng papasok na opisial sa alin mang hukuman; si Tadeo, na natagpûán din ang walâng katapusáng cuacha, ay nagdaos ng̃ isáng pag-iilaw na ang ginagawâ’y sinigán ang kaniyáng mg̃a aklát; ang ibá’y hindî rin nang̃akaligtás na mabuti, kayâ’t nang̃apilitang iwan ang kaniláng mg̃a pag-aaral, sa gitnâ ng̃ kasiyahang loób ng̃ mg̃a iná, na kailan pa ma’y nang̃akakiníkinitáng ang kaniláng mg̃a anák ay bitáy pag nang̃akaalam ng̃ sinasabi ng̃ mg̃a aklát. Si Juanito Pelaez lamang ang tang̃ìng hindî nasiyahang loób sa bayóng iyon ng̃ kapalaran, na iniwan na ang paaralan dahil sa tindahan ng̃ kaniyáng amá, na mulâ noo’y isinamá na siya sa kalakal: ang tindahan ay hindî nagiliwan ng̃ alisagâ, ng̃unì’t nang makaraan ang kauntîng panahón ay nákita siyáng mulî ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan na bilóg ang kakubàan, bagay na nagpapakilalang bumábalík ang kaniyáng masayáng ugalì. Sa haráp ng̃ gayóng pagkadiwarà, ang mayamang si Makaraig ay naging̃at na mabuti upang huwag siyáng mapang̃anib at nang makakuha ng̃ pasaporte sa tulong ng̃ lakás ng̃ salapî ay matuling sumakáy na tung̃o sa Europa: nábalitàng ang marilág na Capitán General, sa kaniyáng hang̃ád na gumawâ ng̃ kabutihan nang alang-alang sa kabutihan at sa pagiing̃at sa ikaluluwag ng̃ mg̃a pilipino, ay binigyáng salabíd ang pag-alís ng̃ sinománg hindî makapagpakilalang tunay na tunay na mangyayaring makapaggugol at makapamumuhay ng̃ maluwag sa mg̃a siyudad sa Europa. Sa ating mg̃a kilala, ang mg̃a nakalusót na mabutibutí ng̃ kauntî ay si Isagani at si Sandoval: ang una ay nakalampás sa asignatura na pinag-aaralan sa ilalim ng̃ pagtuturò ni P. Fernández at napigil sa ibá, at ang pang̃alawá’y nagawâng mahilo ang mg̃a lumilitis sa tulong ng̃ mg̃a talumpatì. Si Basilio ang tang̃ìng hindî nakalampás sa mg̃a asignatura, ni hindî napigil, ni hindî nakapatung̃o sa Europa: nagpatuloy siyá sa pagkakakulóng sa Bilibid, na sa bawà’t ikatlóng araw ay isinásailalim siya ng̃ isáng pagtatanóng, yaón ding kagaya nang sa simulâ’t simulâ pa, na walâng ibáng kabaguhan kungdî ang pagpapalít ng̃ mg̃a “instructor”, sapagkâ’t warìng sa haráp ng̃ gayóng kalakíng pagkakasala ay napipipilang lahát ó nang̃agsísitakas na nang̃ing̃ilabot.
[302]At samantalang nang̃akákatulóg at náuusad ang mg̃a kasulatan, samantalang ang mg̃a papel sellado ay dumádami na warì mg̃a tapal ng̃ mg̃a mangmáng na manggagamot sa katawán ng̃ isáng may sakít na pagkalungkót, si Basilio ay tumatanggáp namán ng̃ balità ng̃ boong nangyari sa Tianì, ang pagkamatay ni Hulî at pagkawalâ ni tandâng Selo. Si Sinong, ang kotserong nábugbóg na naghatíd sa kaniya sa S. Diego, ay nasa sa Maynilà noon, dumádalaw sa kaniya at sinasabi sa kaniya ang lahát ng̃ pangyayari.
Samantala namá’y gumalíng na si Simoun, gayón ang sabi ng̃ mg̃a pahayagan, si Ben-Zayb ay nagpasalamat sa “Nakapangyayari sa lahát na nag-ing̃at sa gayóng mahalagáng buhay” at ipinahayag ang pag-asa na gagawín ng̃ Lumikhâ na mákilala sa balang araw ang nagkasalang ang kagagawán ay hindî pa napaparusahan dahil sa kaawàan ng̃ nilapastang̃an, na lubós na nagpapalakad noong mg̃a wikà ng̃ Dakilàng Pinagpalà na: Amá, patawarin mo silá, at hindi nalalaman ang ginágawa! Itó at ibá pang bagay ang sinasabi sa limbág ni Ben-Zayb, samantalang sa salitâ’y inuusisà kung tunay ang aling̃áwng̃áw na ang mayamang mag-aalahás ay magdaraos ng̃ isáng malakíng pistá, isáng pigíng na hindî pa nákikita magpakailan man, sa isáng dako’y bilang pasasalamat sa kaniyáng paggalíng at sa isá’y bilang pagpapaalam sa bayang nagdagdág sa kaniyáng kayamanan. Nababalità, at siyáng totoo, na si Simoun ay nagsusumakit, dahil sa ang Capitang General ay dapat nang umalís sapagkâ’t matatapos sa buwan ng̃ Mayo ang pagganáp sa katungkulan, upang málakad sa Madrid ang isáng palugit pa at inuudyukán ang General na gumawâ ng̃ isáng pagsalakay upang magkaroón ng̃ kadahilanan ang dî pag-alís, ng̃unì’t nábabalità rin namán na noón lamang hindî dining̃íg ng̃ General ang payo ng̃ kaniyáng itinatang̃ì, at inaarìng bagay na kapit sa karang̃alan niyá ang huwág binbinín ng̃ isáng araw man lamang sa kaniyáng kamáy ang kapangyarihang ipinagkaloób sa kaniyá, aling̃awng̃áw itóng nakapagpapaniwalà na ang nábabalitàng pistá ay gágawín sa loób ng̃ madalíng panahón. Sa isáng dako naman, si Simoun, ay hindî mapakimatyagán; lalò pang nagíng matahimik, bibihiràng pakita, at bumibigkás ng̃ ng̃itîng mahiwagà kapag kinákausap siyá ng̃ ukol sa sinasabing pistá.
[303]—Anó, ginoóng Simbad—ang sabi sa kaniyáng minsan ni Ben-Zayb;—silawin ninyó kamíng minsan sa isáng bagay na ayos yankee! Isáng pinakagantí sa bayang itó.
—Mangyari ng̃â ba!—ang sagót sa pamagitan ng̃ kaniyáng ng̃itîng matigás.
—Ihahagis ninyó marahil ang bahay sa bintanà, anó?
—Marahil, ng̃unì’t sa dahiláng walâ akóng bahay....
—Binilí sana ninyó ang kay kapitang Tiago, na murang murang nakuha ni ginoóng Pelaez!
Si Simoun ay hindî umimík at mulâ na noón ay bihirà na siyáng nákita sa tindahan ni D. Timoteo Pelaez, na nábalitàng nakipagkasamá sa kaniyá. Makaraán ang iláng linggó, ng̃ buwán ng̃ Abril, ay kumalat ang sabisabihan na si Juanito Pelaez, ang anák ni D. Timoteo, ay mag-aasawa kay Paulita Gomez, ang dalagang ninanasà ng̃ mg̃a taga rito’t ng̃ mg̃a dayuhan.
—May mg̃a taong mapapalad!—anáng mg̃a naiinggít na máng̃ang̃alakal;—makabilí ng̃ bahay na murang-mura, magbilí ng̃ kaniyáng tindáng zinc, makisamá kay Simoun at maipakasal ang kaniyáng anák sa isáng mayamang binibini, ang wikàin ninyó’y mg̃a kakanín iyáng hindî natitikmán ng̃ lahát ng̃ mg̃a taong may puri.
—Kung nalalaman lamang ninyó kung sa anóng paraán natamó ni G. Pelaez ang kakaníng iyan!
At sa tunóg ng̃ ting̃íg ay ipinahihiwatig ang sarili niya.
—At mapatitibayan ko rin sa inyó na magkakaroon ng̃ pistá at malakí,—ang dugtóng na may hiwagà.
Tunay ng̃â na si Paulita ay mag-aasawa kay Juanito Pelaez. Ang kaniyáng pag-ibig kay Isagani ay napawì na gaya ng̃ alin mang mg̃a unang pag-ibig, na nanánang̃an sa magagandáng pang̃arap, sa damdamin. Ang mg̃a pangyayaring dahil sa mg̃a paskín at ang pagkakabilanggô ay nag-alís sa binatà ng̃ lahàt ng̃ tagláy na pang-akit. ¿Kang̃ino bagá mangyayari ang hanapin ang kasawîán, nasàin ang makíisá sa kapalaran ng̃ kaniyáng mg̃a kasama, humaráp na kusà, gayóng ang lahát ay nagtatagò at umiiwas sa lahát ng̃ kapanagutan? Iyón ay isáng kabang̃awán, isáng kaululán, na hindî maipatatawad sa kaniya ng̃ sino mang taong matinô sa Maynilà at may lubós ng̃âng katwiran si Juanito Pelaez sa pagkutyâ sa kaniyá, na ginagayahan ang sandalîng pagtung̃o [304]niya sa Gobierno Civil. Gaya ng̃ maáantáy, ang maníngníng na si Paulita ay hindî na mangyayaring umibig sa isáng binatàng lubhâng malîng malî sa pagkaunawà sa kalipunan at sinísisi ng̃ lahát. Si Paulita ay nagsimulâ na ng̃ pagkukurò kurò. Si Juanito ay matalas, maliksí, masayá, malikót, anák ng̃ isáng mayamang máng̃ang̃alakal sa Maynilà, at may dugông kastilà pa, at kung paniniwalàan si D. Timoteo, ay tunay na tunay na dugông kastilà; samantalang si Isagani ay indiong taga lalawigan na nang̃ang̃arap sa kaniyáng mg̃a kagubatan na punô ng̃ lintâ, ang kaanak ay malabò, may isáng amaíng klérigo na marahil ay kalaban ng̃ pagmamagarâ at ng̃ mg̃a sayawan, na kaniyáng kinalulugdán. Isáng magandá ng̃âng umaga ay napaghulòhulò niya na malakíng kahang̃alán ang nágawâ niyáng nápilì pa si Isagani kay sa kaniyáng kaagáw at mulâ na noon ay nápuná ang pagdaragdág ng̃ kakubàan ni Pelaez. Ang batás na natuklás ni Darwin ay gináganáp ni Paulita ng̃ walâng kamalaymalay, ng̃unì’t buôngbuô; ang babai’y napaaarì sa lalaking lalòng may kasanayán, sa marunong makibagay sa kalagayang kinabubuhayan, at upang mamuhay sa Maynilà ay walâng makapapantáy kay Pelaez, na sapól pagkabatà ay nakatátalós na ng̃ gawâng palikawlikaw.
Ang kurismá ay nakaraang kasama ang kaniyáng mahál na araw, kasama ang kaakbáy niyang mg̃a prusisyon at mg̃a ceremonias, na walâng ibáng kabaguhang nangyari kundî isáng mahiwagàng pagkakaguló ng̃ mg̃a artillero, na ang sanhî ay hindî sumapit na mákalát. Iginibâ na ang mg̃a bahay na pawid, sa tulong ng̃ isáng pulutóng na “caballería” upáng dumumog sa mg̃a may arì, sakalìng mang̃agsilaban: nagkaroon ng̃ maraming iyakan at maraming paghihinagpís, ng̃unì’t hindî na namán lumalò pa roon. Ang mg̃a mapag-usisà, na isá na sa kanilá’y si Simoun, ay nang̃agsiparoong lálakadlakad na dî pinahahalagahán ang nangyayari, na pinanonood ang mg̃a nawalán ng̃ tahanan at anilá sa sarili’y makatutulog na nang payapà.
Nang magtatapós ang Abril, nang nalimot na ang lahát ng̃ pang̃ambá, ay walâng pinaghuhunhunan sa Maynilà kundî íisang bagay. Ang pistáng gágawín ni D. Timoteo Pelaez, dahil sa pag-aasawa ng̃ kaniyáng anák na ang humandóg na mag-aanák, malugód at mapagbigáy loob, ay ang General. [305]Sinasabing si Simoun ang may kagágawán noon. Ang kasál ay idadaos nang dalawáng araw muna bago umalís ang General; papupurihan nitóng dumaló sa bahay at maghahandóg sa novio. Kumakalat ang aling̃awng̃áw na ang mag-aalahás ay magpapabahâ ng̃ brillante, magtatapon ng̃ dakótdakót na perlas, alang-alang sa anák ng̃ kaniyáng kasamá, at sa dahiláng hindî siyá makapagpistá dahil sa walâ siyáng bahay na sarili at dahil sa siyá’y matandâng bagong-tao, ay sasamantalahín ang pagkakátaón upang biglâín ang bayang pilipino ng̃ isáng dáramdamíng pagpapaalam. Ang boông Maynilà ay humáhandâ nang mapapaanyayahan: Kailán ma’y hindî pumasok ang pagkagulumihanan sa mg̃a budhî ng̃ gayón kabagsík na gaya ng̃ hinalàng bakâ dî máanyayahan. Nang̃ag-úunahán sa pakikipag-ibigang mabuti kay Simoun, at maraming lalaki, ang sa pilit ng̃ kaniláng mg̃a asawa, ang bumilí ng̃ mg̃a tanák at mg̃a zinc upang magíng kaibigan ni D. Timoteo Pelaez.
Sumapit din ang araw.
Si Simoun, magmulâ sa umaga, ay hindî umalís sa kaniyáng bahay, dahil sa pag-aayos ng̃ kaniyáng mg̃a sandata at mg̃a hiyás. Ang kaniyáng malakíng kayamanan, ay nasa sa loob na ng̃ malakíng takbáng patalím na may sapot na lona. Kákauntîng sisidlán na lamang na may mg̃a galáng at mg̃a panusok ang nalalabí, marahil ay mg̃a panghandóg na kaniyáng ipamímigáy. Aalís na ng̃â siyáng kasama ng̃ Capitan General, na ayaw na ayaw palawigin ang panghahawak sa katungkulan, dahil sa pang̃ing̃ilag sa sasabihin ng̃ tao. Ibinúbulóng ng̃ mg̃a malabigà na si Simoun ay ayaw mang̃ahás na maiwang mag-isá, na, kung mawalán ng̃ pinanánang̃anan, ay ayaw na mapaghigantihán ng̃ maraming pinagtubùan at mg̃a nasawî, at ang lalò pa mandíng malakíng sanhî ay ang pangyayaring ang General na dáratíng, ay kilalá sa pagka may matuwíd na hilig, at marahíl-dahíl ay ipasaulì sa kaniyá ang lahát ng̃ kinita. Sa isáng dako namán ay sinasapantahà ng̃ mg̃a mapamahiing indio na si Simoun ay isáng diablo na ayaw málayô sa kaniyáng huli. [306]Ang mg̃a mapaghakà ng̃ masamâ ay kumíkindát ng̃ may pakahulugán at nagsasabing:
—Kung pudpód na ang parang ay lilipat na sa ibáng dako ang balang.
Ang ilán lamang, kakauntî, ang nang̃agsising̃itî’t hindî umíimík.
Nang kináhapunan ay iniutos ni Simoun sa kaniyáng alilà na kung daratíng ang isáng binatàng nagng̃ang̃alang Basilio, ay papasuking agad. Pagkatapos ay nagkulóng sa kaniyáng silíd at warìng nasadlák sa isáng malalim na pagkukuròkurò. Mulâ’t sapul noong magkasakít, ang mukhâ ng̃ mag-aalahás ay lalò pa mandíng tumigás at lalòng pumangláw, lumalim na mabuti ang guhit niya sa pag-itan ng̃ dalawáng kilay. Warìng nahukót ng̃ kauntì; ang ulo’y hindî na tayôngtayô, náyuyukô. Lubhâng nálululong sa kaniyáng pag-iisíp na hindî tulóy nading̃íg na may tumatawag sa pintûan. Kinailang̃ang ulitin ang katóg. Si Simoun ay nang̃ilabot:
—¡Tulóy!—aniya.
Ang dumatíng ay si Basilio, ng̃unì’t quantum mutatus! Kung ang pagkakabago ng̃ anyô ni Simoun sa loób ng̃ dalawáng buwan ay malakí, ang sa binatà’y kakilakilabot. Ang kaniyáng mg̃a pisng̃í’y hukáy, walâng ayos ang bihis, gusót ang buhók. Nawalâ ang matamís na kalamlamán sa kaniyáng mg̃a paning̃ín at ang nagniningníng ay ang madilím na lagabláb; masasabing siya’y namatáy at ang kaniyáng bangkáy ay mulîng nabuhay sa pagkasindák sa mg̃a bagay na nákita sa kabiláng buhay. Kundî man ang gawâng linsíl, ay ang kakilákilabot na anino noon ang nakakalat sa boô niyáng tikas. Si Simoun na ay nágulat pa at nagdamdám habág sa sawîng palad na iyon.
Si Basilio ay lumapit na dahandahan, na hindî na bumatì, at nagwikàng ang ting̃ig ay nakapagpakilabot sa mag-aalahás, na:
—Ginoong Simoun, akó’y nagíng masamâng anák at masamâng kapatíd; linimot kó ang pagkakapatáy sa hulí at ang pagpapahirap sa una, at pinarusahan akó ng̃ Dios! Ng̃ayó’y walâ na akó kungdî isáng nasà upang gantihín ng̃ samâ ang samâ, ng̃ linsíl ang linsíl, ng̃ dagok ang dagok.
Tahimik siyáng pinakikinggán ni Simoun.
[307]—May apat na buwan na,—ang dugtóng ni Basilio—na kinausap ninyó akó nang ukol sa inyóng mg̃a balak; tumanggí akóng makilahók, at masamâ ang nágawâ ko; may katwiran kayó. May tatlóng buwan na at kalahatìng kamuntík nang bumugá ang panghihimagsík; hindî ko rin inibig ang makilahók, at ang galawan ay nábakô. Ang kapalít ng̃ aking inasal ay ang mábilanggô at utang ko sa inyóng pagsusumakit ang aking paglayà. May katwiran kayó, at naparito akó ng̃ayón upang sabihin sa inyó, na: bigyán ng̃ sandata ang aking kamáy at bumugá na ang himagsikan! Laan akóng paglinkurán kayóng kasama ang tanáng sawî!
Ang ulap na nagpapadilím sa noo ni Simoun ay biglâng napawì, isáng sinag ng̃ pagtatagumpáy ang kumináng sa kaniyáng paning̃ín, at warìng nátagpûán ang hinahanap, ay bumulalás nang:
—¡May katwiran akó, oo, may katwiran akó! ang karapatán ay tagláy ko, ang matuwíd ay nasa sa aking piling, sapagkâ’t ang itinatanggól ko’y ang mg̃a sawî.... ¡Salamat, binatà, salamát! Dumatíng kayó upang pawìin ang aking mg̃a pagaalinlang̃an, upang bakahin ang aking pag-uuróngsulóng....
Si Simoun ay tumindíg at ang kaniyáng mukhâ’y galák na galák: ang silakbóng nag-uudyók sa kaniyá nang, may apat na buwan na, ipinahahayag kay Basilio ang kaniyáng mg̃a balak sa gubat ng̃ kaniyáng mg̃a ninunò, ay mulîng namakás sa kaniyáng mukhâ na warì’y isáng mapuláng pagtatakípsilim, matapos ang isáng maghapong malamlám.
—Oo,—ang patuloy,—ang kilusán ay nábakô at marami ang lumayô sa akin sapagkâ’t nákita akóng lupaypáy na uuróngsulóng nang sandalîng kikilos na: may itinagò pa akó sa aking pusò, hindî ko supíl ang lahát ng̃ aking damdamin at umiibig pa akó noon!.... Patáy na ang lahát sa akin, at walâ ng̃ bangkáy na dapat kong igalang ang kaniyáng paghimláy! Hindî na magkakaroon ng̃ pag-uuróngsulóng; kayóng kayó na, binatàng huwaran, kalapating walâng apdó, ay nakakakilala ng̃ pang̃ang̃ailang̃an, pumarito sa akin at inuudyukán akó sa pagkilos! May kagabihán na nang buksán ninyó ang inyóng mg̃a matá! Tayong dalawá sana’y nakapagbalangkás at nakagawâ ng̃ mg̃a kahang̃àhang̃àng balak: akó’y sa itaás, sa mataás na lipunán, magsasabog akó ng̃ [308]kamatayan sa gitnâ ng̃ mg̃a bang̃ó at gintô, gawíng asal hayop ang may masasamâng hilig, at pasamâín ó huwag pakilusin ang iláng mabuti, at kayó namán ay sa dakong ibabâ, sa bayan, sa gitnâ ng̃ kabinatàan, na gising̃in ang buhay sa gitnâ ng̃ dugô at mg̃a luhà! Ang ating gawâ, sa lugal na magíng madugô at ganid, ay nagíng kahabagán sana, ayós, anyông anyô, at ang tagumpáy sana ay siyáng nagíng dulo ng̃ ating pagsusumíkap! Ng̃unì’t walâng katalinuhang tumulong sa akin; tákot at kahinàang loób ang nátagpûán ko sa mg̃a may kabihasnán, pagkamapagsarilí sa mayayaman, pagkamapaniwalà sa kabatàan, at sa mg̃a bundók lamang, sa mg̃a kaparang̃an, sa mg̃a may mahihirap na kabuhayan lamang natagpûan ko ang aking mg̃a tao! Datapwâ’y walâng kailang̃an! kung hindî tayo makatapos ng̃ isáng ayós na larawan, na makinis ang lahát ng̃ kaniyáng anyô, sa batóng magaspang na ating tatapyasín, ay ang mg̃a súsunód na ang siyang magsisiganáp.
At pinigilan sa bisig si Basilio, na nakiking̃íg nang hindî nawawatasan ang kaniyáng sinasabi, at dinalá siyá sa gawàan na pinagtatagùan ng̃ kaniyáng mg̃a yarìng ukol sa kímika.
Sa ibabaw ng̃ isáng mesa ay may isáng kahang maitím na chagrín, na náhahawíg sa mg̃a pinagsisidlán ng̃ mg̃a kasangkapang pilak na inihahandóg sa kapwâ ng̃ mg̃a mayayaman at mg̃a harì. Binuksán ni Simoun at inilantád, sa ibabaw ng̃ rasong pulá, ang isáng lámpara na katang̃ìtang̃ì ang ayos. Ang sisidlán ay anyông isáng granada, kasinglakí ng̃ ulo ng̃ tao, may kauntîng biták, na kinakakikitàan ng̃ mg̃a butil sa loób, na ginayahan ng̃ malalakíng cornalina. Ang balát ay gintông nang̃itím at kuháng kuhá sampû ang mg̃a kilabot ng̃ bung̃ang kahoy.
Dahandahang kinuha ni Simoun, at matapos na maalís ang ilawán, ay inilantád ang loób ng̃ sisidlán: ang bao ay patalím, na ang kapal ay mg̃a dalawáng dalì, at maaarìng maglamán ng̃ higít sa dalawáng litro. Tinátanóng siyá sa ting̃ín ni Basilio: walâng máwawàan sa bagay na iyón.
Hindî na nagsalisalitâ ay maing̃at na kinuha sa isáng tinggalan ang isáng praskó at ipinakita sa binatà ang nasusulat sa ibabaw.
—¡Nitro-glicerina!—ang bulóng ni Basilio na nápaurong at inilayông biglâ ang kamáy.—¡Nitro-glicerina! Dinamita!
[309]At nang maunawà na mandín ay nang̃alisag ang kaniyáng mg̃a buhók.
—Oo, nitro-glicerina!—ang dahandahang ulit ni Simoun na tagláy ang kaniyáng malamlám na ng̃itî at malugód na tinitingnán ang praskó;—itó’y higít pa kay sa nitro-glicerina! Itó’y mg̃a luhàng naipon, mg̃a pagtataním na tinimpî, mg̃a kagagawáng walâ sa katwiran, at mg̃a pag-apí! Itó ang dakilàng katwiran ng̃ mahinà, lakás laban sa lakás, bayóng laban sa bayó.... Dî pa nalalaong akó’y nag-aalinlang̃an, ng̃unì’t kayó’y dumatíng at akó’y napapanibulos! Sa gabíng itó’y mang̃agsisiilandáng ang mg̃a lalòng mapang̃anib na maniniíl, ang mg̃a mániniíl na walâng muwáng, ang mg̃a nagkakanlóng sa likód ng̃ Dios at ng̃ Pamahalàan, na ang kaniláng mg̃a pamamasláng ay hindî napaparusahan sapagkâ’t walâng makausig sa kanilá! Sa gabíng itó mádiding̃íg ng̃ Pilipinas ang putók na dudurog sa walâng wastông monumento na pinadalî ko ang pagkabulók!
Si Basilio ay uulíg-ulíg: ang kaniyáng mg̃a labì’y gumágaláw nang walâng mapalabás na tunóg, nararamdamán niyáng hindî maikilos ang kaniyáng dilà, nanúnuyô ang kaniyáng ng̃aláng̃alá. Noon lamang niyá nakita ang marahás na tubig na napagdíding̃íg niyáng sinasabi, na warì’y tinigis sa dilím ng̃ mg̃a mapapangláw na tao, na lantád na kalaban ng̃ kalipunán. Ng̃ayó’y nasa sa haráp niyá, malinaw at naníniláwniláw, na ibinubuhos ng̃ boông pag-iing̃at sa loób ng̃ mapanutong granada. Sa ganáng malas niya, warìng si Simoun ay yaóng genio sa Sanglibo’t isáng gabí na lumalabás sa gitnâ ng̃ dagat: nag-aanyông malakíngmalakî, ang ulo’y abot sa lang̃it, pinasabog ang bahay at niyaníg ang boông siyudad sa isáng galáw ng̃ kaniyáng likód. Ang granada ay nag-aanyông isáng malakíng esfera, at ang biták ay isáng kakilakilabot na ng̃isi, na nilálabasán ng̃ apóy at lagabláb. Noon lamang napadalá si Basilio sa katakutan at nawalâng lubós ang kaniyáng kalamigang loób.
Samantala namá’y itinotornilyo ni Simoun ang isáng katang̃ìtang̃ì at pasalisalimuot na kasangkapan, inilagáy ang túbong bubog, ang bomba, at ang lahát ng̃ iyon ay pinutung̃an ng̃ isáng magaràng pantalya. Pagkatapos ay lumayô nang kauntî upang tanawín ang anyô, pinakilingkiling ang ulo sa magkabikabilâng tagiliran upang lalòng mataya ang ayos at kainaman.
[310]At nang makitang tinítitigan siya ni Basilio ng̃ ting̃íng nagtatanóng at nang̃ang̃anib, ay nagsabing:
—Mamayâng gabí’y magkákaroon ng̃ isáng pistá at ang lámparang itó’y ilalagáy sa gitnâ ng̃ isáng kioskong kakainán na sadyâ kong ipinagawâ. Ang lámpara ay magbibigáy ng̃ isáng maningníng na ilaw na sukat na siyang mag-isá upang magpaliwanag sa lahát: ng̃unì’t pagkaraan ng̃ dalawáng pûng minuto ay lalamlám ang ilaw, at sa gayón, kapag tinangkâng itaás ang lambal ay púputók ang isáng kapsulang fulminato de mercurio, ang granada ay sasabog at kasabáy niyá ang kakainán na sa bubóng at sahíg ay kinanlung̃án ko ng̃ mg̃a bayóng ng̃ pulbura upang walâng makaligtás na sino man......
Nagkaroón ng̃ sandalîng pananahimik: pinagmámasdán ni Simoun ang kaniyáng aparato at si Basilio ay bahagyâ nang humíhing̃á.
—Kung gayón ay hindî na kailang̃an ang aking tulong,—ang paklí ng̃ binatà.
—Hindî, kayó’y may ibáng katungkulang gáganapín,—ang sagót ni Simoung nagkukuròkurò,—sa iká siyám ay nakaputók na marahil ang mákina at ang tunóg ay náding̃íg na sa mg̃a kanugnóg na bayan, sa mg̃a bundukin, sa mg̃a yung̃íb. Ang kilusáng aking minunakalà na kasabwát ang mg̃a artillero ay hindî nangyari sa kakulang̃án ng̃ pamamahalà at pagsasabáysabáy. Sa ng̃ayó’y hindî na magkakagayón. Pagkáding̃íg ng̃ putók, ang mg̃a mahihirap, ang mg̃a sinísiíl, ang mg̃a naglálagalág na inuusig ng̃ kapangyarihan, ay mang̃agsísilabás na may sandata at makíkisama kay kabisang Tales sa Santamesa upang lusubin ang siyudad; sa isáng dako namán, ang mg̃a militar na pinaniwalà kong ang General ay nagpakanâ ng̃ isáng warì’y panghihimagsík upang huwag umalís, ay lálabás sa kaniláng mg̃a kuartel upang paputukán ang sino mang iturò ko. Samantala namáng ang bayan, sindák, at sa pag-aakalàng dumatíng na ang oras na silá’y pagpúpupugután, ay magbabang̃ong handâ sa pagpapakamatáy, at sa dahiláng walâng sandata at hindî silá ayós, kayó, na kasama ang ilán pa, ay siyáng mang̃ulo sa kaniyá at itung̃o ninyó sa tindahan ni insík Quiroga na pinagtagùan ko ng̃ aking mg̃a baríl. Kamí ni kabisang Tales ay magtátagpô sa siyudad at itó’y aming kukunin, at kayó sa mg̃a arabal ay tátayô kayó sa mg̃a tuláy, magmumuog [311]kayó roon, háhandâng sumaklolo sa amin at patayín ninyó, hindî lamang ang laban sa panghihimagsík, kungdî ang lahát ng̃ lalaking ayaw sumamang manandata!
—¿Ang lahát?—ang bulóng ni Basilio na ang boses ay mahinà.
—¡Ang lahát!—ang ulit ni Simoun na ang boses ay kasindáksindák,—ang lahát, indio, mestiso, insík, kastilà, ang lahát ng̃ mátagpûang walâng tapang at lakás ng̃ loob.... kailang̃ang baguhin ang lipì! Ang mg̃a amáng duwag ay walâng iaanák kundî mg̃a alipin, at walâng kabuluhán ang maggibâ kung magtatayô rin, na, ang gagamitin ay mg̃a bulók na sangkáp! ¿Anó? nang̃ing̃ilabot kayó? ¿Nang̃ing̃iníg, natatakot kayóng magsabog ng̃ kamatayan? ¿Anó ang kamatayan? ¿Anó ang kabuluhán ng̃ pagkamatáy ng̃ dalawáng pûng libong sawî? ¡Dalawángpûng libong paghihirap na mababawas at mg̃a ang̃awang̃aw na dahóp ang máililigtás sapól sa pinanggaling̃an! Ang lalòng matatakutíng namamahalà ay hindî nag-aalinlang̃an sa paglalagdâ ng̃ isáng kautusán, na nagiging sanhî ng̃ pagdadahóp at ng̃ untîuntîng paghihing̃alô ng̃ libo at libong nasasakop, na masasagwâ, masisipag, marahil ay maliligaya, upang masunod lamang ang isáng nasà, ang isáng náiisip, ang pagmamataás: at ¿kayó’y nang̃ing̃ilabot sapagka’t sa iisáng gabí ay matatapos na ang paghihirap ng̃ budhî ng̃ maraming duwag, sapagkâ’t ang isáng bayang hindî kumikilos at náhilig sa masamâ ay mamámatáy upang paraanin ang isáng bago, batà, masipag, punô ng̃ lakás? ¿Anó ang kamatayan? Isáng bagay na walâng kabuluhán ó isáng paghimbíng! ¿Ang kaniyáng mg̃a panagimpán bagá ay maipapantáy sa katunayan ng̃ paghihirap ng̃ lahát ng̃ dustâng anák sa isáng kapanahunan? Kailang̃ang lipulin ang kasamâán, patayín ang dragon upang ipaligò ang kaniyáng dugô sa bayang bago upáng gawin itóng malusog at dî madadaig! ¿Anó pa ang dî mababalìng batás ng̃ kalikasán, batás ng̃ pagtutunggalî na ang mahinà’y sápilitáng madadaíg upang huwag mamalagì ang lipìng masamâ at ang mg̃a lumikhâ ay pumauróng? ¡Iwaksí ng̃â ang mg̃a pagninilay babai! Maganáp ang mg̃a batás na walâng paglipas, tulung̃an natin siyá, at yayamang ang lupà ay lalò pang tumátabâ kapag siyá’y dinídilíg ng̃ dugô, at ang mg̃a trono ay lalòng nagtitibay kapag pinatitibayan ng̃ mg̃a pagkakasala at ng̃ [312]mg̃a bangkáy, ay hindî dapat mag-uróng sulóng, hindî dapat mag-alinlang̃an! ¿Anó ang sakít ng̃ kamatayan? Ang sandalîng pagkakaramdám, marahil ay walâng linaw, marahil ay masaráp gaya ng̃ sandalîng pag-itan ng̃ pag-aantók at nang paghimbíng.... ¿Anó ang mapapawì? Isáng kasamâán, isáng pagtitiís, mg̃a damóng unsiyamî upáng sa kanilá’y ipalít na itaním ang ibáng sariwà! ¿Tatawagin bagá ninyóng pag-utás ang gayón? Sa ganang akin ay tatawagin kong paglíkhâ, pagyarì, pagpapaunlád, pagbibigáy buhay....
Ang gayong mg̃a marurugông paghuhulòhulò na sinabi sa loob ng̃ boông pananalig at kalamigang loob, ay nakapanglupaypáy sa binatà, na ang pag-íisip ay ng̃aláy na dahil sa mahigit na tatlóng buwáng pagkakábilanggô at bulág sa hang̃àd na makapaghigantí, ay hindî na laan sa pagsurì nang tinutung̃o ng̃ mg̃a bagaybagay. Sa lugal na isagot na ang taong lalòng masamâ ó matatakutín ay mahigít magpakailan man sa damó, sapagkâ’t may isáng káluluwa at isáng pag-íisip, na, kahì’t mapakasamâ-samâ at magpakaasal hayop, ay mangyayarìng mapabuti; sa lugal na itugóng ang tao ay walâng karapatáng mamahalà sa buhay ng̃ sino man sa kapakinabang̃án ng̃ kahì’t sino, at na ang karapatán sa buhay ay tagláy ng̃ bawà’t isá, gaya rin namán ng̃ karapatán sa kalayàan at sa kaliwanagan; sa lugal na ipinaklíng kung kapaslang̃án man ng̃ mg̃a pamahalàan ang pagpaparusa sa mg̃a pagkukulang ó kasamaanggawâ, na kaniláng pinag-abuyán dahil sa kakulang̃án sa pag-iing̃at ó kamalìan, gaano pa kayâ ang isáng tao, kahì’t na nápakalákí at nápakasawî, na magpaparusa sa kaawàawàng bayan ng̃ pagkukulang ng̃ kaniyáng mg̃a pamahalàan at mg̃a ninunò; sa lugal na sabihing ang Dios lamang ang tang̃ìng makagágawâ ng̃ mg̃a gayóng paraan, na, ang Dios ay maaarìng lumikhâ, ang Dios ang may hawak ng̃ gantíngpalà, ng̃ walâng katapusán at ng̃ kinabukasan upang mabigyáng katwiran ang kaniyáng mg̃a gawâ, ng̃unì’t ang tao’y hindî, magpakailan man! Sa lugál ng̃ mg̃a pang̃ang̃atwirang itó, ay walâng inilaban si Basilio kundî isáng karaniwang puná:
—¡Anó ang sasabihin ng̃ boong mundó sa haráp ng̃ gayong pagpapapatáy!
—Gaya ng̃ karaniwan, ang mundó’y papagakpák, at bibigyáng katuwiran ang lalòng malakás, ang lalòng mabang̃ís!—[313]ang pang̃itîng sagót ni Simoun.—Ang Europa ay pumagakpák nang ang mg̃a bansâ sa kanluran ay pumatáy ng̃ ang̃aw ang̃aw na indio sa Amérika, at hindî pa upang makapagtatag ng̃ mg̃a bansâng lalòng may mabubuting hilig ni lalòng matahimik; nariyan ang Hilagà, na may tagláy na kalayàang sinasarili, may batás ni Lynch, may mg̃a dayà sa polítika; naiyan ang Timog na may mg̃a walâng katahimikang repúblika, may mg̃a himagsikan ng̃ magkababayan, mg̃a pagbabang̃on, gaya ng̃ nangyari sa kaniyáng ináng España! Ang Europa ay pumagakpák ng̃ hubarán ng̃ Portugal ang mg̃a pulông Molukas, pumagakpák ng̃ pugnawín ng̃ makapangyarihang Inglaterra ang mg̃a lipìng likás sa Pasípiko upang ilagáy ang sa kaniyang mg̃a taong naglilipat bayan. Ang Europa ay papagakpák nang gaya ng̃ pagakpák sa pagtatapós ng̃ isáng drama, sa pagkatapós ng̃ isáng tragedia: hindî lubhâng pinapansín ng̃ madlâ ang pinakalayon, ang tinitignán lamang ay ang ipinamamalas na mainam sa matá! Gawíng maayos ang kabuktután at hahang̃âan at magkakaroon pa nang higít na kampí kay sa mg̃a gawâng kabutihan, na ginanáp sa paraang mabanayad at kimî.
—Siya ng̃â,—ang paklí ng̃ binatà,—¿at sakâ anóng mayroon sa akin ang pumagakpák man ó pumulà, kung ang mundóng iyan ay hindî nababalino ng̃ dahil sa mg̃a sinisiil, sa mg̃a maralitâ’t sa mg̃a babai? ¿Anóng ipagpipitagan kó sa kalipunan sa siyá’y hindî nagtatagláy ng̃ gayón sa akin?
—Ganiyán ang ibig ko,—ang sabing matagumpáy ng̃ nag-uudyók.
At kumuha ng̃ isáng rebolber sa isáng kahón, at iniabót sa kaniyang ang sabi’y:
—Sa ika sampû ay antabayanan ninyó akó sa tapát ng̃ simbahan ng̃ S. Sebastián upang tanggapín ang aking mg̃a hulíng bilin na dapat gawín. ¡Ah! Sa ika siyam ay nárarapat kayóng málayô, lubhâng malayò, sa daáng Anloague!
Siniyasat ni Basilio ang armás, linagyán ng̃ punglô at itinagò sa kaniyáng bulsáng pangloob ng̃ amerikana. Nagpaalam sa pamagitan ng̃ isáng putól na:—¡Hanggáng mámayâ!
Nang nasa sa daán na si Basilio ay iniisip kung anó ang kaniyang mágagawâ hanggáng sa sumapit ang kalagím lagím na sandalî; mag-iika pitó pa lamang. Panahón niyon nang pamamahing̃á sa pag-aaral at ang mg̃a nag-aaral ay nasa sa kaníkaniláng bayan. Si Isagani ang tang̃ìng hindî umuuwî, ng̃unì’t nawalâ mulâ ng̃ umagang iyon at hindî maalaman kung saan nároroon. Itó ang sinabi kay Basilio, ng̃ makapanggaling sa bilanggûan at dinalaw ang kaniyang kaibigan upang makituloy. Hindî maalaman ni Basilio kung saan siya páparoon, walâ siyang kualta, walâ siyang anoman, liban na lamang sa rebolber. Ang pagkaalaala sa lámpara ang siyáng gumiít sa kaniyáng pag-iisip: sa loób ng̃ dalawáng oras mangyayari ang malakíng sakunâ at, kung maalaala ang gayón, sa warì niya’y pawàng walâng ulo ang mg̃a lalaking nagdadaán sa kaniyáng harapán: nagdamdám siya ng̃ isáng mabang̃ís na katuwàan sa pagsasabi sa sarili, na kahì’t gayóng dayukdók sa gabíng iyon ay magiging siyang kakilakilabot, na kahì’t galing sa pagka nag-aaral at alilà marahil ay makita siya ng̃ araw na kasindáksindák at kalagímlagím, na nakatayô sa ibabaw ng̃ buntón ng̃ mg̃a bangkáy, naglalagdâ ng̃ mg̃a kautusán doon sa mg̃a nagdadaang nakalulan sa kaniláng maiinam na sasakyán. Humalakhák na warì’y isáng napakasamâ, at kinapâ ang puluhán ng̃ rebolber: ang mg̃a kaha ng̃ punglô ay nasa sa kaniyáng mg̃a bulsá.
Bumukó sa kaniyang loob ang isáng katanung̃an ¿saan magsisimulâ ang patayan? Sa kaniyáng kalituhán ay hindî niya naisip ang itanóng kay Simoun, ng̃unì’t sinabi sa kaniyá ni Simoun na lumayô sa daang Anloague.
Nang magkagayó’y nagkaroon siya ng̃ isáng hinalà; nang kinahapunang iyon, ng̃ siya’y lumabás sa bilanggûan, ay tumung̃o siya sa dating bahay ni kapitáng Tiago, upang hanapin ang kaniyáng kauntìng kasangkapan, at nátagpûan niyáng ibá ang anyô at laan sa isáng pistá; yaon ang kasál ni Juanito Pelaez!
May sinabing isáng pistá si Simoun.
Nákitang nagdaan sa harapán niya ang isáng mahabàng [315]hanay ng̃ mg̃a sasakyán na punô ng̃ babai’t lalaking kaginoohan na nang̃agsasalitâan; warìng nakakita siya sa loób ng̃ malalakíng kumpol ng̃ bulaklák, ng̃unì’t hindî niya pinuná ang bagay na iyon. Ang mg̃a karuahe ay patung̃o sa daang Rosario, at sa dahiláng násagupà sa mg̃a nanggagaling namán sa tuláy ng̃ España, ay nang̃áhihintông madalás at dahandahan ang lakad. Sa isáng sasakyán ay nakita si Juanito Pelaez sa piling ng̃ isáng babai na putî ang bihis at may talukbong na madalang; nákilala niyang iyon ay si Paulita Gomez.
—¡Si Paulita!—ang bulalás na pamanghâ.
At nang makitang tunay ng̃âng siyá, gayák ikinasal, na kasama si Juanito Pelaez, na warìng nang̃agsipanggaling sa simbahan.
—¡Kaawàawàng Isagani!—ang bulóng—¿anó kayâ ang nangyari sa kaniyá?
Inalalang iláng sumandalî ang kaniyáng kaibigan, káluluwáng dakilà, mahabagin, at itinanóng sa sarili niya kung hindî kayâ mabuting balítàan ng̃ balak, ng̃unì’t sinagót din niya ang sarili, na si Isagani ay hindî makíkialám magpakailan man sa gayóng patayan.... Hindî inasal kay Isagani ang ginawâ sa kaniyá.
Pagkatapos ay naisip na kung hindî sa pagkakabilanggô, sa mg̃a oras na iyon, siya’y ikinákasal ó may asawa na, licenciado sa Medicina, namumuhay at nanggagamót sa isáng sulok ng̃ kaniyáng lalawigan. Ang larawan ni Hulî, na lurayluráy dahil sa pagkakalagpák, ay nagdaán sa kaniyáng pag-iisip; mg̃a maitím na lagabláb ng̃ pagtataním ang nag-apóy sa kaniyáng balintatáw, at mulîng hinimas ang puluhán ng̃ rebolber na dináramdám ang hindî pa pagsapit ng̃ kakilakilabot na sandalî. Sa gayó’y nákita si Simoun na lumabás sa pintô ng̃ kaniyáng bahay na tagláy ang sisidlán ng̃ lámpara, na nababalot nang boông ing̃at, lumulan sa isáng sasakyáng nakisunód sa hanay ng̃ mg̃a umaabay sa mg̃a bagong kasál. Upang huwag maligtâan ni Basilio si Simoun ay kinilala ang kotsero, at namanghâ siya ng̃ mákilala na iyón ay ang kaawàawàng naghatíd sa kaniyá sa S. Diego, si Sinong, ang binugbóg ng̃ Guardia Civil, iyón ding nagbabalità sa kaniyá sa bilanggûan ng̃ lahát ng̃ nangyayari sa Tiani. Sa pagkukuròkurò niya na ang daang Anloague [316]ay siyang pangyayarihan, ay doon tumung̃o ang binatà, na nagmadalî’t nagpáuna sa mg̃a karuahe. Tunay ng̃â, ang lahát ay tung̃o sa dating bahay ni kapitang Tiago: doon nagkakatipong ang hanap ay isáng sáyawan upang magsiikot sa hang̃in! Nátawá si Basilio nang makita ang mg̃a Guardia Veterana na nang̃ag-aayos doon. Dahil sa kaniláng dami ay mahúhulàan ang kahalagahan ng̃ pistá at ng̃ mg̃a panaohin. Siksikan ang tao sa bahay, ang liwanag ay tumatapon sa kaniyáng mg̃a durung̃awán; ang silong ay nakakalatan ng̃ alpombra at punô ng̃ bulaklák; sa itaás, marahil ay sa kaniyáng ulila at dating silíd, tumútugtóg ang orkesta ng̃ masasayáng tugtugin, na hindî namán nakatatakíp na lubós sa magusót na aling̃awng̃áw ng̃ tawanan, salitàan at halakhakan.
Si D. Timoteo Pelaez ay umaabot sa tugatog ng̃ kapalaran, ng̃unì’t ang mg̃a nákikitang iyón ay higít sa kaniyáng mg̃a pinang̃arap. Naipakasál din ang kaniyáng anák sa isáng binibining magmamana sa mg̃a Gómez, at salamat sa salapîng ipinautang sa kaniyá ni Simoun, ay nábilí niya ang bahay na iyon sa kalahatì ng̃ halagá, doon niya ginawâ ang pistá, at ang mg̃a pinakamalalakíng diosdiosan ng̃ Olimpo sa Maynilâ ay kaniyáng magiging panaohin, upang sapuhín siya sa kináng ng̃ kaniláng mg̃a karang̃alan. Sapol sa umaga ay masidhîng pumapasok sa kaniyáng kalooban, na warì’y isáng karaniwang awit, ang isáng malabòng sambít na nábasa sa kaniyáng mg̃a pakikinabang: “¡Sumapit na ang oras na mapalad! Lumapít na ang sandalîng maligaya! Matutupad nang madalî sa iyó ang mg̃a kahang̃àhang̃àng salitâ ni Simoun: Buháy akó, ng̃unì’t hindî akó kundî ang Capitán General ang nabubuhay sa akin, at ibp.” Ang Capitán General ay ináama ng̃ kaniyáng anák! Tunay ng̃â’t hindî kaharáp sa kasál, kinatawán siya ni D. Custodio, ng̃unì’t páparoong hahapon, at magdadalá ng̃ isáng handóg sa ikinasál, isáng lámpara na kahì’t ang kay Aladín ay hindî makapapantáy....—sa lihim—si Simoun ang nagbigáy ng̃ lámpara. Timoteo ¿anó pa ang ibig mo?
Ang pagkakabago ng̃ bahay ni kapitáng Tiago ay lubhâng malakí; diniktán ng̃ mg̃a bagong papel na maiinam; ang usok at amóy ng̃ apian ay nawalâ. Ang malakíng salas na lalòng pinaluluwang ng̃ malalakíng salamín na nakapagpaparami pa sa mg̃a ilaw ng̃ mg̃a araña, ay nalalatagan ng̃ alpombra: may alpombra [317]ang mg̃a salón sa Europa, at kahì’t ang daling ay makintáb na makintáb at malalapad ang tablá, ay dapat ding magkaroon ng̃ alpombra ang kaniyang salas, sapagkâ’t ¡hindî mangyayaring hindî magkágayon! Ang maiinam na sillería ni kapitang Tiago ay nawalâ, siya’y napalitán ng̃ ayos Luis XV, malalakíng tabing na tersiopelong pulá na may burdáng gintô, may letra ng̃ pang̃alan ng̃ mg̃a ikinasál, at napipiglán ng̃ tinuhog na bulaklák ng̃ suhàng huwad, ang nang̃akasabit sa mg̃a portiers at nagwawasiwas sa sahíg ng̃ kaniláng malapad na laylayang gintô rin. Sa mg̃a sulok ay may malalakíng pasông yarì sa Japón na násasalít sa mg̃a gawâ sa Sevres, na kulay bugháw na malinis, na nang̃alalagáy sa mg̃a pedestal na kahoy na may lílok. Ang tang̃ìng walâ sa ayos ay ang mg̃a matitingkád na cromo na ipinalít ni D. Timoteo sa mg̃a dating grabado at mg̃a larawan ng̃ santó ni kapitang Tiago. Hindî siya nahikayat ni Simoun; ayaw ng̃ mg̃a cuadrong óleo ang mang̃ang̃alakal, bakâ may maghinalàng gawâ ng̃ mg̃a artistang pilipino.... ¡siya ay magbigáy buhay sa mg̃a artistang pilipino, iyan ang hindî mangyayari kailan man! sa gayó’y mahahalò ang kaniyáng katiwasayán at marahil ay sampû ng̃ buhay, at alám niya kung papano ang pamamangkâ sa Pilipinas! Tunay ng̃â’t nakáding̃íg siya ng̃ pag-uusap na ukol sa mg̃a artistang taga ibáng lupà na gaya nina Rafael, Murillo, Velázquez, ng̃unì’t hindî niya maísip kung papano ang gágawíng pakikipagalám sa mg̃a taong yaón, at sakâ ang isá pa’y bakâ mang̃agsilabás na may laban sa pamahalàan..... Sa cromo ay walâ siyang ináalaalang anomán, hindî gawâng pilipino, mura pa, gayon din ang anyô, kundî lalong mabuti, ang mg̃a kulay ay lalòng makikináng at mabuti ang pagkakayarì! Alám ni D. Timoteo kung papano ang dapat ugalìin sa Pilipinas!
Ang malakíng caida, na nahiyasán ng̃ mg̃a bulaklák, ay siyang nagíng kakainán, isáng malakíng dulang na sukat sa tatlóng pû katao ang nasa gitnâ, at sa mg̃a paligid, nátatabí sa mg̃a pader, ay may iláng maliliít na sukat sa dalawá ó tatló katao. Mg̃a kumpól na bulaklák, mg̃a buntón ng̃ bung̃ang kahoy na kahalò ng̃ mg̃a sintás at ilaw ang siyáng namumunô sa gitnâ ng̃ mg̃a dulang. Ang pinggán ng̃ ikinasál na lalaki ay may tandâng isáng kumpol na alehandría, ang sa babai ay isá namáng kumpol na bulaklák [318]ng̃ suhà at asusena. Sa haráp nang gayóng karing̃alan at karaming bulaklák ay papasok sa guníguní ng̃ kahì’t sino, na mg̃a ninfa na madalang ang damít at mg̃a kupidong malilíit, na ang pakpák ay makulay, ang siyáng magdudulot ng̃ mg̃a alak at pagkain ng̃ mg̃a dioses sa mg̃a panaohing taga alapaap, na sinasaliwán ng̃ mg̃a kudyapî at alpá ng̃ mg̃a taga Eolia.
Gayón man, ang dulang na ukol sa malalakíng dioses, ay walâ roón, nálalagáy sa gitnâ ng̃ malapad na asotea, sa isáng magandáng kiosko, na sadyâng niyarìng ukol doon. Isáng persianang kahoy na ginintûan, na kinákapitan ng̃ mg̃a punòng gumágapang, ang nagkakanlóng ng̃ pinakaloób sa malas ng̃ madlâ, ng̃unì’t hindî nakapipigil sa paglalabás pumasok ng̃ hang̃in, upang mapalagì ang masaráp na simoy na kailang̃an. Isáng mataás na tuntung̃an ang pinagpatung̃an ng̃ mesa upang tumaás kay sa ibáng dulang na kakanan ng̃ mg̃a tao lamang, at isáng bubóng, na pinalamutihan ng̃ lalòng mabubuting artista, ang magsasanggaláng sa mg̃a tuktók harì sa mg̃a may inggit na tanáw ng̃ mg̃a bitûin.
Doó’y walâ kun dî pípitóng cubiertos; ang mg̃a kagamitán ay pawàng pilak, ang mg̃a mantel at serbilyeta ay manipís na lino, ang mg̃a alak ay yaóng lalòng pinakamahál at masaráp. Hinanap ni D. Timoteo ang lalòng bibihirà at mahalagá at hindî siyá marahil nag-alinlang̃ang gumawâ ng̃ isáng kabuktután kung násabi sa kaniyáng ang General ay maibigíng kumain ng̃ lamán ng̃ tao.
“Danzar sobre un volcán.”
Nang iká pitó ng̃ gabí’y nagdatíngdating̃an na ang mg̃a inangyayahan: una, ang mg̃a mumuntîng diosdiosan, mg̃a kawaníng may mababàng katungkulan, mg̃a pang̃ulo sa kagawarán, mg̃a máng̃ang̃alakal, at ibp., na tagláy ang mg̃a pagbatìng lubós na magalang at ang mg̃a kilos na tuwíd na tuwíd, sa mg̃a unang sandalî, na warìng noón lamang natutuhan: ang gayóng karaming ilaw, tabing at mg̃a kristal ay nakapagpapang̃aníng̃aní ng̃ kauntî. Pagkatapos ay nawawalâ [319]na ang gayóng ayos at palihím na nagtutumbukan, tampalan sa tiyán at ang ilán ay umabót sa pagkukutusan. Tunay ng̃âng ang ilán ay umaayos ng̃ anyông pagwawalâng bahalà upang ipakilala na silá’y dagí sa mg̃a bagay na higít pa sa roón, ¡at sadyâ ng̃âng gayón! May diosa na naghikáb dahil sa ang lahát nang iyón, sa palagáy niya, ay tiwalî at sinabing may gazuza; isá pa’y nagalit sa kaniyang dios, ikinumpáy ang kamáy upang tampalín. Si D. Timoteo ay payukôyukô sa lahát ng̃ pook; nagtatapon ng̃ isáng ng̃itî, igagaláw ang baywáng, uurong, bibigáy ng̃ kalahatìng ikit, boong ikit, ibp., kayâ’t ang isá pang diosa ay nakapagsabi tulóy sa kaniyáng kalapít, sa tulong ng̃ pagkákanlóng sa pamaypáy, na:
—¡Chica, que filadelfio está el tío! Mía que paese un fantoche.
Pagkatapos ay dumatíng ang mg̃a bagong kasál, na kaakbáy si aling Victorina at ang lahát ng̃ kaang̃ay. Mg̃a maligayang batì, kámayan, mg̃a tapík na warìng pag-aampón sa lalaking bagong kasál, mg̃a ting̃íng patitíg, malansá, masurì ng̃ mg̃a lalaki sa binibining bagong kasál; sa dako ng̃ mg̃a babai ay pagsisiyasat ng̃ kagayakan, ng̃ hiyás, pag taya ng̃ lakás, ng̃ buti ng̃ katawán, ibp.
—¡Si Psiquis at si Cupido na dumatíng sa Olimpo!—ang binuko sa sarili ni Ben-Zayb at itinalâ niyang mabuti sa pag-iisip ang pag-aanyô upang bitiwan sa lalòng katampatang sandalî.
Ang lalaking bagong kasál ng̃â’y may tagláy ng̃ mukhâng palabirô ng̃ dios ng̃ pag-ibig, at kung ipagpapaumanhin ng̃ kauntî ay mapagkákamalang lalagyán ng̃ panà ang kaniyang kakubàang napakaumbók, na hindî maikanlong sa suot niyang frac.
Si D. Timoteo ay nagdáramdam na ng̃ pananakít ng̃ baywang, ang mg̃a kalyo ng̃ kaniyáng paa ay untîuntîng nananakít, ang kaniyang liig ay nang̃ang̃awit at ¡walâ pa ang Capitán General! Ang mg̃a malalakíng dioses, na sa kanilá’y kabilang si P. Irene at si P. Salvi, ay nang̃agsidatíng na ng̃â ng̃unì’t walâ pa ang malakíng kulóg. Hindî siya mápalagáy, nang̃ang̃anib, ang kaniyang pusò’y tumítibók nang malakás, sinusumpóng siya ng̃ isáng kailang̃an, ng̃unì’t dapat munang unahin ang pagbatì, pagng̃itî, at pagkatapos ay paparoon, ng̃unì’t hindî [320]mangyari, uupô’t titindíg, hindî nádiding̃íg ang sa kaniyá’y sinasabi, hindî masabi ang ibig sabihin. At samantala’y isáng malulugdíng dios ang nagsabi sa kaniyá ng̃ iláng punáng ukol sa mg̃a cromo, ná tinútuligsâ’t sinasabing nakadudung̃is sa mg̃a dingdíng.
—¡Nakadudung̃is sa mg̃a dingdíng!—ang ulit ni D. Timoteo na nakang̃itî ng̃unì’t ng̃alíng̃alíng labnutín ang nagsasalitâ:—datapuwâ’y yarì iyan sa Europa at siyang mg̃a pinakamahál na nátagpûan ko sa Maynilà! ¡Nakadudung̃is sa mg̃a dingdíng!
At isinúsumpâ sa sarili ni D. Timoteo na kinabukasan ay ipasising̃íl ang lahát ng̃ utang ng̃ mánunuligsâ sa tindahan niya.
Nakáding̃íg ng̃ mg̃a pasuwít, takbuhan ng̃ mg̃a kabayo, dumatíng dín!
—¡Ang General!—¡Ang Capitan General!
Namumutlâ sa pagkagulumihanan, ay tumindíg si D. Timoteo na dî ipinahahalatâ ang sakít ng̃ kaniyáng mg̃a kalyo, at kasama ng̃ kaniyáng anák at iláng malalakíng dios, ay pumanaog upang salubung̃in ang Magnum Jovem. Nawalâ ang sakít ng̃ kaniyáng baywang dahil sa pag-aalinlang̃ang pumasok sa kaniyáng kalooban ¿dapat siyang ng̃umitî ó magpakita ng̃ mukhâng walâng katawatawa? ¿dapat niyang iabót ang kaniyáng kamáy ó antabayanang iabót sa kaniyá ang sa General? ¡Putris! ¿bakit kayâ hindî niya naalaala ang ukol sa bagay na iyon at nang naitanóng sana sa kaibigan niyang si Simoun? Upang huwag mápuná ang kaniyáng pagkagulumihanan ay itinanóng nang marahan at sirâ ang boses sa kaniyáng anák:
—¿Naghandâ ka ba ng̃ talumpatì?
—Hindî na ginagamit ang mg̃a talumpatì, tatay, at dito ay lalò pa!
Dumatíng si Jupiter na kasama si Juno, na warì’y isáng kastilyong sususuhan: may brillante sa ulo, may brillante sa liig, sa mg̃a bisig, mg̃a balikat, sa boông katawán! Ang suot ay isáng mainam na kagayakang sutlâ; mahabà ang cola, na may burdáng bulaklák na namumukód sa ibabaw.
Tunay ng̃âng inarì ng̃ General ang kaniyáng bahay, gaya ng̃ ipinamanhík na búbulóngbulóng ni D. Timoteo. Ang orkesta ay tumugtóg ng̃ marcha real at ang mag-asawang [321]Dios ay tuwíd na tuwíd na umakyát sa hagdanang may sapíng alpombra.
Ang katigasan ng̃ anyô ng̃ General ay hindî gawâ-gawâ lamang; marahil noon lamang siyá nagdamdám lungkót, sapól nang dumatíng sa Pilipinas; muntîng pighatî ang namamahay sa kaniyáng dilidili. Yaón ang hulíng tagumpáy, sa kaniyáng tatlóng taóng paghaharì, at sa loob ng̃ dalawáng araw, ay iiwan na niyá ang gayóng kataás na kalagayan. ¿Anó ang iiwan sa kaniyáng likurán? Hindî ibinabaling ng̃ General ang kaniyáng ulo at ibig pa niyá ang tumanáw sa hináharáp, sa dáratíng! Dadalhín niyá ang isáng kayamanan, malalakíng halagáng nálalagáy sa mg̃a Banko sa Europa ang nag-áantáy sa kaniyá, mayroón siyáng mg̃a hotel, ng̃unì’t marami siyáng sinaktán, marami siyáng kalaban sa Corte, ináantáy siyá roon ng̃ mataás na kawaní! Ang ibáng general ay yumamang madalî na gaya niyá at ng̃ayó’y mg̃a hiráp na hiráp. ¿Bakit hindî siyá magpalumagák ng̃ kauntì pang panahón na gaya ng̃ payo ni Simoun? Hindî, bago ang lahát ay ang kahihiyán muna. Sa isáng dako’y hindî na lubhâng payukô ang mg̃a batì sa kaniyá na gaya ng̃ dati; nakápupuná siyá ng̃ mg̃a ting̃íng patitíg, at pagkainíp; at sinásagót niyáng magiliw at tinátangká niyáng ng̃umitî.
—¡Napagkíkilalang papalubóg na ang araw!—ang bulóng ni P. Irene, sa taing̃a ni Ben-Zayb,—¡marami na ang tumititig sa kaniyá ng̃ haráp harapan!
¡Putris na kura! yaón pa namán sana ang kaniyáng sásabihin.
—Inéng—ang bulóng sa taing̃a ng̃ kalapít ng̃ babaing nagpang̃anláng fantoche kay D. Timoteo—¿Nakita mo ba kung anó ang saya?
—Uy! ang mg̃a tabing sa palasyo!
—¡Hantáy! at siyá ng̃â palá! Dádalhíng lahát kung gayón. Tingnán mo’t pag hindî ginawâng abrigo ang mg̃a alpombra!
—¡Ang gayó’y walâng ibáng ipinakikilala kundî may katalinuhan at mabuting mamilì!—ang paklí ng̃ asawa na kinagalitan ang kabiyak niya sa pamag-itan ng̃ isáng ting̃ín,—ang mg̃a babai’y dapat magíng masinop!
Dináramdám pa ng̃ kaawàawàng dios ang sining̃íl ng̃ modista.
[322]—¡Anák ko! dî bigyán mo akó ng̃ mg̃a panabing na tig lalabíng dalawáng piso ang isáng bara at tingnán mo kung isusuot ko ang mg̃a basahang itó!—ang paklí ng̃ namuhîng diosa;—¡Jesús! sakâ ka na magsalitâ kapag nagkaroon ka nang magaràng sinundán!
Samantala’y si Basilio, na nasa tapát ng̃ bahay, ay kahalobilo ng̃ mg̃a nanonood, at binibilang ang mg̃a taong pumapanaog sa mg̃a karuahe. Nang mákita ang gayóng karaming taong masasayá at tiwalà, nang mákita ang dalawáng bagong kasál, na sinusundán ng̃ mg̃a kaang̃ay niyang mg̃a dalagindíng na mg̃a walâng malay at walâng agam-agam, at naisip na mátatagpûán doón ang kakilakilabot na kamatayan, ay naawà siyá at náramdamáng nagbawa ang kaniyáng galit.
Nagtagláy siyá ng̃ nasàng iligtás ang gayóng karaming mg̃a walâng sala, inísip na sumulat at magbigáy alám sa mg̃a may kapangyarihan; ng̃unì’t dumatíng ang isáng karuahe at nagsibabâ si P. Salvi at si P. Irene, na kapuwâ may kasiyahang loób, at warìng ulap na dumaán, ay napawì ang kaniyáng mabubuting hang̃ád.
—Anó ang mayroon sa akin?—aniyá sa sarili—¡magbayad ang mabubuti na kasama ng̃ masasamâ!
At idinagdág pagkatapos upáng panahimikin ang kaniyáng mg̃a pagkabalisa:
—Hindî akó mánunuplóng, hindî ko dapat pang̃ahasán ang pagtitiwalà sa akin. Ang utang ko sa kaniyá ay higít kay sa lahát nang iyan; siyá ang humukay ng̃ pinaglibing̃án sa aking iná; ang mg̃a taong iyán ang pumatáy! ¿Anó ang mayroón nilá sa akin? Ginawâ ko ang lahát upang magíng mabuti, magkaroón ng̃ halagá; pinagsikapan ko ang lumimot at magpatawad; tiniís ko ang lahát ng̃ pataw at walâ akóng hining̃î kundî ang bayàan lamang akóng mátiwasáy! Akó’y hindî nakasasagabal sa kanino man.... ¿Anó ang ginawâ sa akin? ¡Umilandáng sa hang̃in ang kaniláng luráy na katawán! Labis na ang tiniís namin!
Pagkatapos ay nakitang pumasok si Simoun na dalá sa kamáy ang kakilakilabót na lámpara, nakitang binagtás na dahandahan ang silong, ang ulo’y nakatung̃ó at warìng nag-íisíp. Naramdamán ni Basilio na ang kaniyáng pusò’y tumítibók ng̃ mahinàngmahinà, na ang kaniyáng mg̃a paá’t kamáy ay nanglálamíg at ang maitím na anino ng̃ mag-aalahás ay [323]nagkákaroón ng̃ anyông nakapang̃ing̃ilabot na nalilibid ng̃ lagábláb. Sa tabí ng̃ hagdán ay tumigil si Simoun na warì’y nag-aalinlang̃an; si Basilio’y hindî humíhing̃á. Ang pag-aalinlang̃an ay hindî nagluwát: itinaás ni Simoun ang kaniyáng ulo, patuloy na umakyát sa hagdanan at nawalâ.
Sa warì ng̃ nag-aaral ay sasabog na ang bahay at ang mg̃a dingdíng, mg̃a lámpara, mg̃a panaohin, bubung̃án, mg̃a durung̃awan, orkesta, ay umíilandáng sa hang̃in na warìng isáng dakót na baga sa gitnâ ng̃ isáng kasindáksindák na putók; tuming̃ín sa kaniyáng paligid at inakalàng ang mg̃a nanónoód na nároon ay pawàng bangkáy; nakikita niyáng luráyluráy, sa warì niya’y napúpunô ng̃ apoy ang hang̃in, ng̃unì’t ang kalamigang loób ng̃ kaniyáng pagkukurò ay nanagumpáy sa pag-uulap na iyóng dumaán na tinulung̃an ng̃ gutom, at aniyá sa sarili:
—Samantalang hindî pumápanaog, ay walâng pang̃anib. Hindî pa dumáratíng ang Capitán General!
At pinilit na mag-anyô siyáng panatag at pinipigil ang pang̃ang̃aykáy ng̃ kaniyáng mg̃a paa, at tinangkâng malibáng sa pag-iisíp ng̃ ukol sa ibáng bagay. Mayroong warì’y kumúkutyâ sa kaniyá sa sariling kalooban at sinasabi sa kaniyáng:
—Kung nang̃ing̃iníg ka ng̃ayóng hindî pa sumasapit ang sandalîng takdâ ¿anó ang aasalin mo kapag iyóng nakitang bumábahâ ang dugô, nag-aalab ang mg̃a bahay at sumásagitsít ang mg̃a punlô!
Dumatíng ang General, ng̃unì’t hindî siyá nápuná ng̃ binatà; minámataan ang mukhâ ni Simoun na isá sa mg̃a pumanaog upang sumalubong, at nákilala niyá sa walâng awàng anyông iyón ang hatol na kamatayan sa lahát ng̃ taong nároon, at sa gayón ay pumasok sa kaniyá ang mulîng pagkasindák. Siya’y nanglamíg, sumandíg sa pader ng̃ bahay, at nakatitig sa mg̃a durung̃awan at tinalasan ang mg̃a pangding̃íg, tinangkâng hulàan ang mangyayari. Nakita sa salas ang maraming taong nakaligid kay Simoun at pinagmamasdán ang lámpara; nakáding̃íg ng̃ mg̃a maliligayang batì, mg̃a bulalás na paghang̃à; ang mg̃a salitâng “comedor estreno” ay náulit-ulit; nákitang ng̃umitî ang General at kinuròkurò niyáng sa gabíng iyón gagawín ang unang paggamit, alinsunod sa itinakdâ ng̃ mag-aalahás, at tunay ng̃âng sa dulang [324]na hahapunan ng̃ General. Si Simoun ay nawalâng sinusundán ng̃ maraming humahang̃à.
Nang mg̃a katang̃ìtang̃ìng sandalîng iyón ay nagtagumpáy ang kaniyáng magandáng pusò, linimot ang lahát ng̃ kaniyáng pagtataním, linimot si Hulî, tinangkâng iligtás ang mg̃a walâng sala, at humandâ, mangyari na ang mangyayari, tinawíd ang daán at nagtangkâng pumasok. Ng̃unì’t nalimot ni Basilio na nápakadukhâ ang kaniyáng suot; pinígil siya ng̃ bantáy-pintô, at nang mákita ang kaniyáng pagpupumilit ay binantâán siyáng tatawag ng̃ dalawang Veterana.
Nang mg̃a sandalîng iyón ay pumapanaog si Simoun na namumutlâ nang kauntî. Binayàan ng̃ bantáy si Basilio upang yumukô sa mag-aalahás na warì’y nagdaán ang isáng santó. Nàhalatâ ni Basilio sa anyó ng̃ mukhâ na lilisanin nang pátuluyan ang sawîng bahay na iyón at ang làmpara ay may ilaw na. Alea jacta est. Dalá ng̃ pag-íing̃at sa sarili, ay náisip ang lumigtás. Maaarìng másumpung̃án ng̃ kahì’t sino na galawín ang ilawán, alisín ang timtím at sa gayón ay puputók at ang lahát ay matatabunan. Náding̃íg pa si Simoun na nagsabi sa kotsero na:
—¡Sa Escolta, tulinan mo!
Gulilát at sa takot na mading̃íg ang kakilákilabot na putók, ay lumayô si Basilio nang boông tulin sa sawîng poók na iyón: sa warì niya’y walâ ang liksíng kailang̃an ng̃ kaniyáng mg̃a hità, ang kaniyáng mg̃a paa’y nádudulás sa mg̃a bangketa na warìng lumalakad at hindî kumikilos, ang mg̃a taong nakakasalubong ay humáhadláng sa kaniyáng lakad, at bago makadalawang pûng hakbáng ay warìng hindî lamang limáng minuto na ang nakaraán. Sa malayô layô’y nátagpûán ang isáng binatàng nakatayô, na ang ulo’y nakataás, nakatitig sa bahay. Nakilala ni Basilio si Isagani.
—¿Anó ang ginagawâ mo rito?—ang tanóng.—¡Halika!
Tiningnán siyá ng̃ malamlám na ting̃ín ni Isagani, ng̃umitî nang malungkót at mulîng tuming̃ín sa mg̃a bukás na durung̃awán, na sa puwang nilá’y nátatanáw ang maputîng anyô ng̃ binibining ikinasál, na nakapigil sa bisig ng̃ nagíng asawa, na dahandahang lumalayô.
—Halika, Isagani! Lumayô tayo sa bahay na iyan, halika!—ang sabi ni Basilio na ang boses ay paós at piniglán sa bisig ang kausap.
[325]Inilálayô siyang banayad ni Isagani at patuloy ding nakatanáw na tagláy sa labì ang malungkót na ng̃itî.
—¡Alang-alang sa Dios lumayô tayo!
—¿Bakit akó lálayô? Bukas ay hindî na siya!
Nápakalakíng lungkót ang tagláy ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap na iyon, na, nalimot sandalî ni Basilio ang kaniyáng sindák.
—¿Ibig mo bang mamatáy?—ang tanóng.
Ikinibít ni Isagani ang balikat at nagpatuloy sa pagting̃ín.
Mulîng tinangkâ ni Basilio ang siya’y kaladkarín.
—¡Isagani, Isagani, pakingán mo akó, huwag tayong mag-aksayá ng̃ panahón! Ang bahay na iyan ay punô ng̃ pulbura, sasabog na, dahil sa isáng kapang̃ahasan, sa isáng pagsisiyasat...... Isagani ang lahát ay mamámatáy sa ilalim ng̃ kaniyáng duróg na labí.
—¿Sa kaniyáng labí?—ang ulit ni Isagani na inuunawà mandín ang ibig turan, ng̃unì’t hindî rin inilálayô sa durung̃awan ang ting̃ín.
—Oo, sa ilalim ng̃ kaniyáng labí, oo, Isagani! alang-alang sa Dios, halika! sakâ ko na isásalaysáy sa iyó, halika! isáng lalò pang sawî kay sa ating dalawá ang humatol sa kanilá.... ¿Nákikita mo ang ilaw na putîng iyán, maliwanag, na warìng ilaw eléktriko, na nanggagaling sa azotea? Iyán ang ilaw ng̃ kamatayan! Isáng lámpara na may lamáng dinamita, sa isáng kakainang may baóng pulbura.... púputók at walâng makaliligtás na buháy ni isáng dagâ man lamang, halika!
—¡Huwág!—ang sagót ni Isagani na iniilíng na malungkót ang ulo—ibig kong lumagì rito, ibig ko siyáng makita pang mulî na bilang pahimakás.... bukas ay ibá na!
—¡Masunód ang nátatakdâ!—ang bulalás ni Basilio nang mákita ang gayón at matuling lumayô.
Nakita ni Isagani na ang kaniyáng kaibigan ay matuling lumalayô na tagláy ang pagmamadalîng nagpapakilala ng̃ tunay na takot at nagpatuloy din nang pagting̃ín sa nakaaakit na mg̃a bintanà, gaya ng̃ caballero de Toggenburg na nag-aantáy na dumung̃aw ang iniibig, na sinabi ni Schiller. Nang mg̃a sandalîng yaón ay walâng tao sa salas; ang lahát ay tumung̃o sa mg̃a kakainán. Náisip ni Isagani na mangyayaring may katunayan ang ikinatatakot ni Basilio. [326]Náalaala ang mukhâ niyáng gulilát, siyá na hindî napapawìan ng̃ kalamigang loób, at nagsimulâ na sa paghuhulòhulò. Isáng bagay ang maliwanag na bumábakás sa kaniyáng pag-iisip: ang bahay ay sasabog at si Paulita ay naroroón, si Paulita’y mamámatáy sa isáng kakilákilabot na pagkamatáy....
Sa haráp ng̃ pagkabatíd na itó ay nalimot ang lahát: panibughô, pagtitiís, mg̃a samâ ng̃ loób; ang maawàíng binatà’y walâng naalaala kun dî ang kaniyáng pag-ibig. Hindî na inalala ang sarili, walâng kagatól-gatól, tinung̃o ang bahay, at salamat sa kaniyáng makisig na kagayakan at kaniyáng anyông walâng alinlang̃an, ay madalîng nakaraán sa pintûan.
Samantalang ang mg̃a bagay na itó’y nangyayari sa daán, sa kakainan ng̃ mg̃a malalakíng dios, ay nagpatawidtawid sa mg̃a kamáy ang isáng pergamino na kinababasahan ng̃ mg̃a salitâng itó, na tintáng pulá ang ipinangsulat:
Mane Thecel Phares.
Juan Crisóstomo Ibarra.
—Juan Crisóstomo Ibarra? ¿Sino iyan?—ang tanóng ng̃ General na iniabót sa kalapít ang papel.
—¡Isáng masamâng birò!—ang tugón ni D. Custodio;—lagdâán ang papel ng̃ pang̃alan ng̃ isáng filibusterillo, na may sampûng taón nang patáy.
—¡Filibusterillo!
—¡Iya’y isáng biròng magigiging sanhî ng̃ kaguluhan!
—May mg̃a babai pa namán....
Hinahanap ni P. Irene ang nagbirô at ang nákita ay si P. Salvi, na nakaupô sa kanan ng̃ kondesa, na namutlâ nang kasingputî ng̃ kaniyang servilleta samantalang minamasdáng nangdididilat ang matá ang mg̃a mahiwagàng pang̃ung̃usap. Ang nangyari sa espinghe ay kaniyáng náalaala!
—¿Anó, P. Salvi?—ang tanóng—¿nákikilala bagá ninyó ang lagdâ ng̃ inyóng kaibigan?
Si P. Salvi ay hindî sumagót; umanyông mang̃ung̃usap, at hindî alumana ang ginágawâ’y ipinahid sa noo ang serbilyeta.
—¿Anó ang nangyari sa inyó?
—¡Iyan ang kaniyang sulat!—ang mahinàng sagót, na halos hindî máding̃íg;—iyan ang tunay na sulat ni Ibarra!
At matapos makasandíg sa sandalan ng̃ luklukan ay binayàang [327]mábitin ang kaniyáng mg̃a kamáy na warìng kinulang ng̃ lakás.
Ang dî kapalagayang loob ay nagíng sindák; nang̃agkáting̃inan silásilá nang walâng kahumáhumá. Tinangkâ ng̃ General ang tumindíg, ng̃unì’t sa pang̃ing̃ilag na bakâ ipalagáy na pagkatakot ang gayón, ay nagpigil at luming̃ap sa kaniyáng paligid. Walâng mg̃a sundalo: ang mg̃a alilàng naglilinkód ay hindî niya nákikilala.
—Magpatuloy tayo ng̃ pagkain, mg̃a ginoo,—aniya—at huwag natin bigyáng halagá ang isáng birò!
Ng̃unì’t ang kaniyáng boses ay hindî nakapagbigáy katiwasayán kundî bagkús pa ng̃âng nagpalalò nang dî kapalagayang loob. Ang boses ay nang̃ing̃iníg.
—Ipinalálagáy kong hindî ibig sabihin ng̃ Mane thecel phares na iyan, na tayo’y pápatayín ng̃ayóng gabí?—ani D. Custodio.
Ang lahát ay nápahintô.
—Ng̃unì’t mangyayaring tayo’y malason....
Binitiwan ang kaniláng mg̃a cubiertos.
Samantala’y untîuntî nang nagkukulimlím ang ilaw.
—Ang lámpara ay nang̃ung̃ulimlím,—ang sabi ng̃ General na hindî mapalagáy;—ibig bagá ninyóng itaás ang timtím, P. Irene?
Nang sandalîng yaón, matulíng warì’y lintík, ay pumasok ang isáng anino na nagbuwal ng̃ isáng uupán at sinagasà ang isáng alilà, at sa gitnâ ng̃ pagkakagitlá ng̃ lahát, ay sinunggabán ang lámpara, tumakbó sa asotea at inihagis sa ilog. Ang lahát nang itó’y nangyari sa isáng kisáp-matá, ang kakainán ay nagdilím.
Ang lámpara ay lumagpák na sa ilog nang ang mg̃a utusán ay nakasigáw nang:—¡magnanakaw, magnanakaw! at patakbó ring tumung̃o sa asotea.
—¡Isáng rebolber!—ang sigáw ng̃ isá;—¡madalî ang isáng rebolber! Habulin ang magnanakaw!
Ng̃unì’t ang anino, lalò pang maliksí ay nakapang̃ibabaw na sa babaháng ladrilyo, at bago dumatíng ang isáng ilaw ay nakalundág na sa ilog at nagpading̃íg ng̃ isáng alaguwák sa pagbagsák sa tubig.
Agád-agád na mabatíd ang pangyayari, nang makakuha ng̃ mg̃a ilaw, at mákita ang dî ayós na anyô ng̃ mg̃a nábiglâng mg̃a dios, si Ben-Zayb, lipús kamuhîan at tagláy na ang pagsang-ayon ng̃ sumisiyasat ng̃ mg̃a inililimbág, ay nagtatakbóng tung̃o sa kaniyang bahay (isáng entresuelo na tinitirahan niyáng may ibáng kasáma), upang sulatin ang lalòng malamáng salaysáy na nabasa sa silong ng̃ lang̃it ng̃ Pilipinas; ang General ay aalís na masamâ ang loob kung hindî mababasa muna ang kaniyáng mg̃a pasaríng, at ang gayó’y hindî mapahihíntulutang mangyari ni Ben-Zayb, na may magandáng pusò. Nagtiís na ng̃âng iwan ang hapunan at ang sayawan at hindî natulog ng̃ gabíng yaón.
¡Mauugong na bulalás sa pagkagulat, pagkamuhî, ipalagáy na warì’y gumuhô ang mundó at ang mg̃a bituin, ang mg̃a walâng lipas na bituin ay nang̃agkakaumpugan! Pagkatapos ay isáng mahiwagàng pangbung̃ad, punô ng̃ mg̃a banggít, mg̃a pasaríng.... makaraan itó’y ang salaysáy ng̃ pangyayari at ang panghulíng patì. Dinamihan ang mg̃a paligoy, inubos ang mg̃a pasapyáw na salitâ sa pag-lalarawan ng̃ pagkakatiwangwáng at nang nápakahulíng pagkakabinyág ng̃ sabáw na tinanggáp ng̃ General sa kaniyáng noong tagalang̃it; pinuri ang kaliksihang ginamit sa pagtayô, na inilagáy ang ulo sa dating kinálagyán ng̃ paa at tiwarík; bumigkás ng̃ isáng pagpupuri sa Lumikhâ dahil sa mairog na pagkakaling̃à sa mg̃a kabanalbanalang mg̃a butóng yaón, at ang pagkakásalaysáy ay lumabás na nápakainam, na ang General ay lumabás na warì’y isáng magitíng at lalò pang mataas ang kináhulugan, gaya ng̃ sabi ni Victor Hugo. Nagsulát, kumatkát, nagdagdág at nagbanháy upang lumabás na dakilà ang salaysáy nang walâng pagkakalisyâ sa katotohanan—itó ang kaniyáng tang̃ìng karapatán sa pagkamamamahayag,—magíng kalakhán ang ukol sa pitóng dioses at karuagan at abâ sa hindî kilaláng magnanakaw, “na nagparusa sa sarili, sindák at nakakilala sa kalakhán ng̃ kaniyáng pagkakasála nang sandalî ring iyón.” Ipinalagáy ang ginawá ni P. Irene na pagpasok sa ilalim ng̃ dulang na “bigláng udyók ng̃ likás na katapang̃an, na hindî napaglubág ng̃ hábito ng̃ isáng [329]Dios ng̃ kapayapàan na isinuot boong buhay”, tinangkâ ni P. Irene na habulin ang nagkasala at sa pagbagtás niya nang patuwid ay dumaan sa silong ng̃ dulang. Sa pagsasalaysáy noon ay bumanggít ng̃ mg̃a lunggâ sa ilalim ng̃ dagat, tinukoy ang isáng balak ni D. Custodio, inalala ang katalinuhan at mg̃a mahahabàng paglalakbáy ng̃ parì. Ang pagkawalâ ng̃ diwà ni P. Salvi ay isáng malakíng dalamhatì na dinamdám ng̃ mabaít na pransiskano, sa pagkakitang kakauntî ang nápapalâ ng̃ mg̃a indio sa kaniyang mg̃a banal na pang̃aral; ang pagkakatigagal at sindák ng̃ ibáng kasalo, na ang isá sa kanilá’y ang kondesa na “pumigil” (nang̃unyapít) kay P. Salvi, ay dilì ibá kundî katiwasayán at kalamigáng loob ng̃ mg̃a magigitíng, na sanáy sa mg̃a pang̃anib sa gitnâ nang pagtupád sa kaniláng mg̃a kautang̃án, na, sa piling nilá, ang mg̃a senador romano, na nabiglâ ng̃ mg̃a dumagsâng galo, ay pawàng mg̃a binibining masindakin lamang na nang̃agugulat sa haráp ng̃ larawan ng̃ mg̃a ipis. Pagkatapos at upang magíng kaibayó, ay ang larawan ng̃ magnanakaw: takot, kabaliwán, dî pagkakangtututo, ting̃íng mabalasik, anyông gulát at ¡lakás ng̃ kataasan ng̃ urì sa kabaitan ng̃ lipì! ang kaniyáng paggalang nang makita roong nang̃akalimpî ang gayong katataás na tao! At kapit na kapit ng̃âng isunód doon ang isáng mahabàng parirala, isá ng̃ paghikayat, isáng talumpatìng laban sa pagkasirà ng̃ mg̃a mabubuting kaugalìan, at yaón ang sanhî ng̃ pang̃ang̃ailang̃an ng̃ isáng lagìng hukumang kawal, “ang pagtatatag ng̃ estado de sitio sa loob ng̃ tatág nang estado de sitio, isáng tang̃ìng kautusán, na makapipigil, matindí, sapagkâ’t lubhâng kailang̃ang dalîdalîin ang pagpapakita sa mg̃a masasamâ at mg̃a salarín, na kung sakalì mang ang pusò’y mahabagin at maling̃ap sa mg̃a mapang̃ayupapà’t masunurin sa kautusán, ay malakás namán ang kamáy, matatág, walâng pagmamaliw, matuwid at matindí sa mg̃a lumálabág sa kaniyá ng̃ walâng kakatuwikatuwiran at humahalay sa mg̃a banál na kapalakarán ng̃ Inángbayan! Oo, mg̃a ginoo, itó’y kailang̃an nang dî lamang ng̃ ikabubuti ng̃ kapulùang itó, hindî lamang ng̃ ikabubuti ng̃ boong sangkatauhan, kundî ikabuti ng̃ pang̃alan ng̃ España, ng̃ karang̃alan ng̃ pang̃alang kastilà, ng̃ karang̃alan ng̃ bayang ibero, sapagkâ’t sa ibabaw ng̃ lahát ng̃ bagay ay mg̃a kastilà tayo at ang bandilà ng̃ España” ibp.
[330]At dinuluhan ang sulatín sa ganitóng pangtapós:
“Matahimik na yumao ang matapang na bayani, na humawak sa kapalaran ng̃ bayang itó sa kapanahunang lubhâng maligalig! Matahimik na yumao upáng lumang̃áp ng̃ malunas na simuy ng̃ Manzanares! Kamí rito’y maiiwan na warì’y matatapát na talibà upang dalang̃inan ang kaniyang ala-ala, hang̃àan ang kaniyang matatalinong kapasiyahan, at igantí ang kataksiláng ginawâ sa kaniyang mainam na handóg, na mákukuha rin namin sukdâng kailang̃aning patuyûín ang mg̃a dagat! Ang gayóng maalindóg na relikia ay magíging isáng walâng pagkapawìng tandâ sa bayang itó ng̃ kaniyang karilagán, kalamigáng loob at katapang̃an.”
Ganiyán niya tinapos ang sinulat na may kauntîng kadilimán, at bago mag-umagá ay ipinadalá sa pásulatan, na may tagláy nang kapahintulután ng̃ tagasurì. At natulog na warì’y si Napoleon nang matapos maitakdâ ang paraan ng̃ labanán sa Jena.
Ginísing siya nang nag-uumagá, na ang mg̃a cuartilla ay ibinábalîk at may isáng sulat ng̃ namamahalà, na sinasabing ipinagbawal na mahigpít ng̃ General na pag-usapan ang nangyari at ipinagbilin na pabulaanan ang kahì’t anóng sabisabihan at usap-usapang kumalat, na, ang lahát ay ipalagáy na salísalitâ lamang, mg̃a palanghâ at mg̃a pakápakanâ.
Sa ganáng kay Ben-Zayb, ang gayón, ay pagpatáy sa isá niyang anák na nápakagandá’t nápakatapang, na inianák at inalagàan nang lubhâng malakí ang paghihirap at pagpapagál at ¿saán niya iuukol ng̃ayón ang mainam na pagtatatakáp, ang magandáng paghahayag ng̃ mg̃a paghahandâng may katapang̃an at pagpaparusa? At alalahanin, na sa loob ng̃ isá ó dalawáng buwan ay iiwan niya ang Pilipinas, at ang sinulat na iyon ay hindî mangyayaring lumabás sa España, sapagkâ’t ¿papano ang pagsasabi noon sa mg̃a salarín sa Madrid, sa ang naghaharì doón ay ibáng pagkukurò, humahanap ng̃ mg̃a pangyayaring nakapagpapagaán ng̃ sala, tinítimbáng ang mg̃a pangyayari, may mg̃a jurado, ibp.? Ang mg̃a sulat na gaya ng̃ kaniyá ay kawang̃is ng̃ iláng aguardienteng may lason na ginágawâ sa Europa, na mabuting ipagbilí lamang sa mg̃a taong itím, good for negroes, na ang kaibhán lamang ay ang kung hindî máinóm ng̃ mg̃a maiitím ay hindî nang̃asisirà, samantaláng ang mg̃a sulat ni Ben-Zayb, basahin [331]man ó hindî ng̃ mg̃a pilipino, ay nagkakaroon din ng̃ bisà.
—¡Kung bukas ó makalawá man lamang sana ay may mangyayaring ibáng pagkakasala!—aniyá.
At sa haráp ng̃ pag-aalala doón sa anák niyáng namatáy bago málimbág, mg̃a bukong nababad sa lamíg, at sa pagkakaramdám na ang kaniyáng mg̃a matá’y nababasâ ng̃ luhà, ay nagbihis upang makipagkita sa namamahalà. Kinibít ng̃ namamahalà ang balikat: ipinagbawal ng̃ General, sapagkâ’t kung mapag-alamán na pitóng malalakíng mg̃a dioses ay nagpabayàng mapagnakawan ng̃ isáng balà na, samantalang ikinúkumpáy ang mg̃a tenedor at cuchillo, ay mápapang̃anib ang tibay ng̃ Ináng-bayan! At gayón ding ipinagbiling huwág paghanapin ni ang lámpara ni ang magnanakaw at ipinagbibilin sa mg̃a súsunód sa kaniyá na huwág mang̃ahás na kumain sa alin mang bahay ng̃ ibáng tao nang hindî nalilibid ng̃ mg̃a alabardero at mg̃a bantáy. At sa dahiláng ang mg̃a nakaalám ng̃ kauntì, sa mg̃a nangyari sa bahay ni D. Timoteo ng̃ gabíng iyón, ay mg̃a kawaní at mg̃a kawal ay hindî maliwag ang pabulàanan ang pangyayari sa haráp ng̃ madlâ: nátutukoy sa katibayan ng̃ ináng-bayan. Sa haráp ng̃ pang̃alang itó’y itinung̃ó na punô ng̃ kagiting̃an ni Ben-Zayb ang kaniyáng ulo, na iniisip si Abraham, si Guzman el Bueno ó, si Brutus man lamang at ang ibá pang matatandâng magitíng na nasa kasaysayan.
Ang gayóng karaming paghihirap ay hindî mangyayaring hindî magkákaroón ng̃ gantíng palà. Ang Dios ng̃ mg̃a mámamahayag ay nasiyahán kay Abraham-Ben-Zayb.
Halos kasabáy noon ay dumatíng ang anghel na tagá-balità na tagláy ang tupa, na, anyông isáng pangloloob sa isáng bahay liwaliwan sa baybáy ng̃ ilog Pasig, bahay na tinítirahán ng̃ iláng prayle kung tag-inít! ¡Yaón ang panahón, at si Abraham-Ben-Zayb ay nagpuri sa kaniyáng dios!
—Ang mg̃a tulisán ay nakakuha ng̃ mahigít sa dalawáng libong piso, sinugatan nang malubhâ ang isáng parì at dalawáng alilà.... Ang kura ay nagtanggól sa likurán ng̃ isáng silla, na nagkásirâsirâ sa kaniyáng mg̃a kamáy......
—¡Hintáy, hintáy!—aní Ben-Zayb na nagtátalâ;—apat ó limangpûng tulisáng sa paraang taksíl.... mg̃a rebolber, [332]iták, escopeta, pistola.... leong nanánandata, silla.... putólputól.... sinugatan nang walâng kaawà-awà... sampûng libong piso......
At sa kagalakán, at dahil sa hindî pa lubós na nasisiyahán sa mg̃a balità, ay tumung̃o sa pook na pinangyarihan, na, sa daan ay binabalak ang salaysáy ng̃ paglalaban. ¿Isáng muntîng bigkás na tinuran ng̃ namumunò? ¿Isáng salitâng paalipustâng galing sa bibíg ng̃ parì? Lahát ng̃ pagpaparis at talinghagà, na iniukol sa General, kay P. Irene at kay P. Salvi ay mákakapit sa parìng nasugatan, at ang salaysáy na ukol sa magnanakaw ay sa bawà’t isáng tulisán. Sa pagmumurá ay maaarìng lumawig pa, maaarìng banggitín ang pananampalataya, ang pananalig, ang kaawàan, ang tugtóg ng̃ mg̃a kampanà, ang utang ng̃ mg̃a indio sa mg̃a prayle, malungkót sa sarili at gumamit ng̃ maraming banggít at mg̃a himig na ayos Castelar. Bábasin yaon ng̃ mg̃a dalaga sa siyudad at sásabihing:
—Si Ben-Zayb ay mabang̃ís na gaya ng̃ león at masuyò na gaya ng̃ isáng tupa!
Nang dumatíng sa pook na pinangyarihan, ay napamanghâ siya nang mákita na ang nasugatan, ay dilì ibá’t si P. Camorra, na tinakdâán ng̃ kaniyáng provincial na magdusa sa bahay liwaliwan, sa baybáy ng̃ ilog Pasig, dahil sa kaniyáng pinaggagawâ sa Tianì. May isáng muntîng sugat sa kamáy, isáng bukol sa ulo dahil sa kaniyáng pagkakátiwangwáng; ang mg̃a tulisán ay tatló at ang mg̃a sandata’y pawàng iták; ang halagáng nánakaw ay limang pûng piso.
—¡Hindî mangyayari!—ani Ben-Zayb;—magtigil kayó.... hindî ninyó alám ang inyóng sinasabi!
—¡Hindî ko malalaman, puñales!
—¡Huwag kayóng hang̃ál!.... ang mg̃a tulisán ay mahigít kay sa sinabi ninyó....
—¡Abá! ang manghihitit na itó ng̃ tintá....
Nagkaroon silá ng̃ isáng malakíng pagtatalo. Ang mahalagá kay Ben-Zayb ay ang huwag masirà ang isinulat, palakihín ang mg̃a pangyayari upang kumapit ang kaniyáng mg̃a pinagturán.
Isáng aling̃awng̃áw ang pumutol sa pagtatalo. Ang mg̃a tulisáng nang̃áhuli ay nang̃agpahayag ng̃ malalakíng bagay. Isá sa mg̃a tulisán ni Matanglawin (si kabisang Tales) ay [333]tinipán silá sa Santamesa upang makisama sa kaniyáng pulutóng at looban ang mg̃a kombento at ang mg̃a bahay ng̃ mg̃a mayayaman.... Ang mang̃ung̃ulo sa kanilá’y isáng kastílàng mataas, kayumanggí, maputî ang buhók, na ang sabi’y gágawâ nang gayón sa utos ng̃ General na matalik niyáng kaibigan, pinatibayan pa rin sa kanilá na ang artillería at iláng regimiento ay makikisama sa kanilá, kayâ’t walâ siláng dapat ikatakot. Ang mg̃a tulisán ay patatawarin at ang isáng katlông bahagi ng̃ másamsám ay ibíbigáy sa kanilá. Ang palatandâan ay isáng putók ng̃ kanyón, at sa dahiláng hindî dumatíngdatíng ang kaniláng inaantáy na hudyát, ay inakalà ng̃ mg̃a tulisán na silá’y binirò, ang ilá’y nang̃agsiuwî, ang ilán ay nang̃agsibalîk sa kaníkaniláng bundók at nang̃akòng paghigantihán ang kastilà, na makalawá nang nagkulang sa kaniyáng salitâ. Sa gayón, siláng mg̃a náhuli ay nagnasàng gumawâ, kahì’t sa kaniláng sarili, at linooban ang isáng bahay liwaliwan na nasumpung̃án, at ipinang̃ang̃akòng ibigáy na walâng kakulangkulang ang dalawáng katlông bahagi ng̃ nasamsám kung paghahabulin ng̃ kastilàng maputî ang buhók.
Sa pagkakawangkî sa anyô ni Simoun ng̃ mg̃a tinurang ayos ay ipinalagáy na hindî katotohanan ang mg̃a pahayag na iyon, kayâ’t binigyán ng̃ katakottakot na pahirap ang magnanakaw, sampû ng̃ mákina eléctrica, dahil sa gayóng kahalayhalay na tung̃ayaw. Dátapwâ’t ang balitàng pagkawalâ ng̃ mag-aalahás na nápuná ng̃ lahát ng̃ taga Escolta, at dahil sa pagkakatagpô ng̃ mg̃a bayóng ng̃ pulburá at maraming punlô sa kaniyáng bahay, ay nagkaroon ng̃ warì’y katotohanan ang pahayag ng̃ tulisán at untîuntîng kumalat ang lihim, na nababalot ng̃ ulap, nang̃agbulóng-bulung̃an, umuubó, na ang ting̃í’y nang̃ang̃anib, mg̃a puntos suspensivos at maraming salitâng pinalalakí na ukol sa mg̃a gayóng mg̃a pangyayari. Ang mg̃a nakabatíd ng̃ lihim ay hindî matapos tapos sa pagkakamanghâ, inihahabà ang mg̃a mukhâ, nang̃amumutlâ at kuntì nang nasiràan ng̃ isip ang marami nang mapag-alamán ang iláng bagaybagay na hindî nápuná.
—Mabuti’t nakaligtás tayo! ¿Sino ang makapagsasabi....?
Nang kináhapunan, si Ben-Zayb, na punông punô ng̃ mg̃a rebolber at bala ang mg̃a bulsá, ay dumalaw kay D. Custodio, na natagpûang masigasig na gumagawâ ng̃ isáng panukalà na laban sa mg̃a mag-aalahás na amerikano. Bumulóng [334]na marahang marahan sa taing̃a ng̃ mámamahayag ng̃ mg̃a mahiwagàng salitâ sa pag-itan ng̃ dalawáng palad na pinagtaklóp.
—¿Tunay ba?—ang tanóng ni Ben-Zayb na idinukot ang kamáy sa bulsá, samantalang namumutlâ ng̃ bahagyâ.
—At kahì’t saán mátagpûan....
Tinapos ang salitâ sa isáng galáw na makahulugán. Itinaás ang dalawáng kamáy hanggáng pantáy mukhâ, na ang kanan ay lalò pang baluktót kay sa kaliwâ, ang mg̃a palad ay tung̃o sa ibabâ, ipinikít ang isáng matá at makálawang gumaláw ng̃ papasulóng.
—¡Psst, psst!—ang kaniyáng sipol.
—¿At ang mg̃a brillante?—ang tanóng ni Ben-Zayb.
—Kung mátatagpûan....
At gumawâ ng̃ isá pang kilos sa pamagitan ng̃ mg̃a dalirì ng̃ kanang kamáy, na pinaikit-ikit mulâ sa haráp hanggáng sa likód at mulâ sa labás na papaloób, na warì kilos ng̃ pamaypáy na nátitiklóp, warìng may iniipon, mg̃a labayang umiikit na pumapalís nang patung̃o sa kaniyá, na malinis ang pagkakapangdukot. Sinagót ni Ben-Zayb ng̃ isá ring kilos, na pinapangdilat na mabuti ang mg̃a matá, binalantók ang mg̃a kilay at malakás na lumang̃áp ng̃ hang̃in, na warìng ang hang̃ing nakabubusóg ay nátuklasán na.
—Jhs!!!
Todo se sabe.
Kahì’t na pinagkáing̃atan ng̃ labis ay nakaratíng din sa kabatirán ng̃ madlâ ang aling̃awng̃áw, subali’t malakí na ang kaibhán at marami na ang kulang. Yaón ang sanhî ng̃ mg̃a sang-usapan ng̃ sumunód na kagabihán sa bahay ng̃ isáng mayamang mag-aanak na sina Orenda, na nang̃ang̃alakal ng̃ hiyás sa masipag na bayang Sta. Cruz. Siyá na lamang náaatupag ng̃ marami niláng kaibigan. Hindî nang̃aglálarô ng̃ tres-siete, ni nagtutugtugan ng̃ piano, at ang muntîng si Tinay, ang pinakabatà sa lahát ng̃ dalaga, ay nayáyamót sa paglalarông mag-isá ng̃ sungká, na hindî mapag-unawà kung anó’t pinag-uusapan ang mg̃a pangloloob, panghihimagsík, ang mg̃a bayóng ng̃ [335]pulbura, gayóng may maraming magagandáng sigay sa pitóng bahay, na warìng kiníkindatán siyá at ng̃iníng̃itîán ng̃ kaniláng mg̃a mumuntîng bibíg, na nakabuká, upang isubí sa iná. Si Isagani, na kung pumáparoón, ay lagìng nakíkipaglarô sa kaniyá at napadadayàng mátikabó, ay ayaw making̃íg sa kaniyáng kátatawag; pinakíkinggáng tahimik at malamlám ni Isagani ang isinásaysáy ng̃ platerong si Chichoy. Si Momoy, ang katipán ni Sensia, ang pinakamatandâ sa mg̃a Orenda, maliksí at magandáng dalaga kahì’t may kauntîng pagka mapalabirô, ay umalís sa durung̃awang sa gabígabí’y lagìng pook ng̃ pag-uusap niláng magsing-ibig. Ang bagay na itó’y nakamúmuhî sa loro na ang kulung̃an ay nakasabit sa pairap ng̃ bahay, lorong minámahál ng̃ lahát ng̃ tagá bahay sapagkâ’t marunong bumatì sa lahát kung umaga sa pamagitan ng̃ maiinam na salitâng ukol sa pag-ibig. Si kapitana Loleng, ang masipag at matalinong si kapitana Loleng, ay pigil na nakabukás ang kaniyáng aklát talâan, ng̃unì’t hindî makuhang basahin ni masulatan; hindî minámasdán ang mg̃a pinggán, na punô ng̃ mg̃a perlas na lagás, ni ang mg̃a brillante; noon ay nakakalimot at ang pakiking̃íg lamang ang ginágawà. Ang kaniyá nang asawa, ang dakilàng si kapitang Toringoy, galing sa pang̃alang Domingo, ang lalòng maligaya sa boong arabal, na walâng gawâ liban sa magbihis ng̃ mainam, kumain, dumaldál, samantalang ang lahát ng̃ kaanak ay gumágawâ at nagsusumakit, ay hindî tumung̃o sa dati niyáng pinaparoonang pinakikipaglipunan, at pinakíkinggáng natátakóttakòt at nang̃áng̃ambá ang mg̃a kakilakilabot na ibinabalità ng̃ payagót na si Chichoy.
At hindî mangyayaring hindî magkágayón. Si Chichoy ay naghatíd ng̃ iláng gawâ kay D. Timoteo Pelaez, isáng pares na hikaw ng̃ bagong kasál, nang iginígibâ pa namán ang kiosko na ginamit na kakainan ng̃ mg̃a may lalòng mataás na kapangyarihan. Sa dakong itó’y namumutlâ si Chichoy at nanínindíg ang buhók.
—Nakú!—aniya,—mg̃a bayóng ng̃ pulburá sa ilalim ng̃ tungtung̃an, sa bubung̃án, sa ilalim ng̃ dulang, sa loob ng̃ mg̃a uupan, sa lahát ng̃ sulok! Mabuti na lamang at walâ isá mang manggagawàng humihitit!
—At ¿sino ang naglagáy ng̃ mg̃a bayóng na iyon ng̃ pulburá?—ang tanóng ni kapitana Loleng, na may katapang̃an [336]at hindî namumutlâ na gaya ng̃ máng̃ing̃ibíg na si Momoy.
Si Momoy ay dumaló sa kasalan, kayâ’t may katuwiran ang kaniyáng náhulíng pang̃ing̃ilabot. Si Momoy ay nápalapít sa kiosko.
—Iyan ang walâng makapagsabi,—ang sagót ni Chichoy:—¿sino ang dapat magkaroon ng̃ hang̃ád na guluhín ang kapistahan? Walâ kundî íisá lamang, ang sabi ng̃ bantóg na abogadong si G. Pasta na nároong dumalaw, ó isang kagalít ni D. Timoteo ó isáng kaagáw ni Juanito....
Ang mg̃a dalagang Orenda ay biglâng nápaling̃ón kay Isagani: si Isagani’y tahimik na ng̃umitî.
—Magtagò kayó,—ang sabi sa kaniya ni kapitana Loleng;—bakâ kayó pagbintang̃án.... magtagò kayó!
Mulîng ng̃umitî si Isagani at hindî sumagót nang anoman.
—Hindî maalaman ni D. Timoteo—ang patuloy ni Chichoy,—kung sino ang may kagagawán; siyá ang namahalà sa pagpapagawâ, siya at ang kaibigan niyang si Simoun, at walâ na. Sa bahay ay nagkaguló, dumatíng ang teniente ng̃ Veterana, at matapos na ipagbilin sa lahát ang paglilihim ay pinaalís akó. Ng̃unì’t....
—Ng̃unì’t.... ng̃unì’t....—ang bulóng na nang̃ing̃iníg ni Momoy.
—Nakú!—ang sabi ni Sencia na tiningnán ang kaniyang nobio at nang̃ing̃iníg din dahil sa pagka-alaalang náparoon sa pistá:—ang señoritong itó.... kung sakalìng pumutók....
At tiningnán ng̃ matáng galít ang kaniyang iniibig at hinahang̃àan ang kaniyang katapang̃an.
—Kung sakalìng pumutók....
—Walâng mátitiráng buháy sa daang Anloague!—ang dagdág ni kapitang Toringoy na nagpatanáw ng̃ katapang̃an at pagwawalâng bahalà sa kaniyáng ának.
—Akó’y umuuwîng litóng litó,—ang patuloy ni Chichoy,—na iníisip na kahì’t isáng titis lamang, isáng sigarilyo, ay nagkátaóng nahulog ó may sumabog na isáng lámpara, sa mg̃a sandalîng itó’y walâ tayong General, ni Arsobispo, ni anomán, ni mg̃a kawaní man lamang! Abó ang lahát ng̃ nápatung̃o sa pistá kagabí!
—¡Virgen Santísima! ang máginoong itó....
—¡Susmariosep!—ang bulalás ni kapitana Loleng;—ang [337]lahát ng̃ may utang sa atin ay nároroon; susmariosep! At mayroon kamíng isáng bahay na malapit doon. ¿Sino kayâ ang?...
—Ng̃ayón ninyó málalaman,—ang patuloy ni Chichoy na mahinà ang boses,—ng̃unì’t kailang̃an ninyóng ipaglíhim. Ng̃ayóng hapon ay aking nátagpûán ang isá kong kaibigang mánunulat sa isáng káwanihán, at sa pag-uusap namin ng̃ ukol sa bagay na iyan ay sinabi sa akin ang lihim: nabatíd niya sa iláng kawaní.... ¿Sino sa akalà ninyó ang naglagáy ng̃ mg̃a bayóng ng̃ pulbura?
Ikinibít ng̃ marami ang kaniláng balikat; si kapitáng Toringoy lamang ang tuming̃ín nang pasulyáp kay Isagani.
—¿Ang mg̃a prayle?
—¿Ang insík na si Quiroga?
—¿Isáng nag-aaral?
—¿Si Makaraig?
Si kapitang Toringoy ay umuubó at tinitingnán si Isagani.
Si Chichoy ay nakang̃itîng umilíng.
—¡Ang mag-aalahás na si Simoun!
—Si Simoun!!!
Isáng katahimikang anák ng̃ pagkakamanghâ ang sumunód sa mg̃a salitâng iyon. Si Simoun, ang nag-uudyók ng̃ kasamâán sa General, ang mayamang máng̃ang̃alakal na pinaparoonan nilá sa kaniyáng bahay upang bilhán ng̃ mg̃a batóng kalás, si Simoun na tumátanggáp sa mg̃a Orenda nang lubhâng magalang at pinagsasabihan silá ng̃ mg̃a maiínam na pang̃ung̃usap! Dahil ng̃â sa ang balità’y warìng hindî mangyayari, kung kayâ’t pinaniwalàan. Credo quia absurdum, ang sabi ni San Agustin.
—Ng̃unì’t ¿walâ ba si Simoun sa pistá kagabí?—ang tanóng ni Sensia.
—Nároroon,—ang sabi ni Momoy,—ng̃uní’t náalaala ko ng̃â palá! Umalís nang kamí’y maghahapunan. Umalís upang kunin ang kaniyáng handóg sa kasál.
—¿Ng̃unì’t hindî ba kaibigan ng̃ General? ¿hindî ba kasamá ni D. Timoteo?
—Opò, nakipagsamá upang magawâ ang pakay at nang mápatáy ang lahát ng̃ kastilà.
—¡Ah!—ani Sensia,—ng̃ayón ko nalinawan!
[338]—¿Ang alín?
—Ayaw ninyóng paniwalàan si tia Tentay. Si Sîmoun ay siyang diablo na nakábilí sa kaluluwa ng̃ lahát ng̃ kastilà.... sinasabi na ni tia Tentay!
Si kapitana Loleng ay nag-antandâ, hindî mápalagáy na tiningnán ang mg̃a bató na nang̃ang̃anib siyáng makitang magíng baga; hinubád ni kapitáng Toringoy ang sinsíng na galing kay Simoun.
—Si Simoun ay nawalâ nang hindî nag-iwan ng̃ bakás,—ang dagdág ni Chichoy;—hinahanap siya ng̃ guardia sibil.
—Oo!—ang sabi ni Sensia,—hanapin nilá ang demonio!
At nag-antandâ. Ng̃ayón nilá nalinawan ang maraming bagay, ang malakíng kayamanan ni Simoun, ang katang̃ìtang̃ìng amóy ng̃ kaniyáng bahay, amóy asupré. Si Binday, isá sa mg̃a dalagang Orenda, mapaniwalâín at kaigaigayang binibini, ay nakaalaalang nakakita ng̃ mg̃a apóy na bugháw sa bahay ng̃ mag-aalahás, nang isáng hapon na kasama ang iná’y naparoón silá upang mamilí ng̃ bató.
Si Isagani’y taimtím na nakíking̃íg, na walâng kaimík-imík.
—¡Kayâ palá, kagabí....!—ang pabulóng ni Momoy.
—¿Kagabí?—ang ulit ni Sensia na may panibughô’t nasàng makaalám.
Hindî makapang̃ahás na makapagpatuloy si Momoy, ng̃unì’t nawalâ ang kaniyáng takot dahil sa mukhâng ipinatanáw sa kaniyá ni Sensia.
—Kagabí, samantalang kamí’y humahapon, ay nagkaroón ng̃ isáng guló; ang ilaw sa kinakainan ng̃ General ay namatáy. Sinasabing ninakaw ng̃ isáng hindî nákilala kung sino ang lámparang handóg ni Simoun.
—¿Isáng magnanakaw? ¿Isá sa mg̃a Mano Negra?
Si Isagani ay tumindíg at nagpalakadlakad.
—¿At hindî náhuli?
—Lumundág sa ilog; walâng nakakita sa kaniyá. May nagsasabing kastilà raw; anáng ibá’y insík; ang ibá’y indio....
—Inaakalàng sa pamagitan ng̃ lámparang iyón,—ang tugón ni Chichoy;—ay pag-aalabin ang boông bahay, ang púlbura....
Mulîng nang̃iníg si Momoy, ng̃unì’t nang mákitang náramdamán ni Sensia ang kaniyáng katakutan, ay tinangkâng iayos.
[339]—¡Sayang!—ang bulalás na nilakasán ang loób,—¡masamâ ang nágawâ ng̃ magnanakaw! Nang̃amatáy sanang lahát....
Tiningnán siyáng gulilát ni Sensia; ang mg̃a babai’y nang̃ag-angtandâ. Si kapitáng Toringoy na natatakot sa polítika ay umanyông lálayô. Si Isagani ang tinung̃o ni Momoy.
—Kailan ma’y hindî mabuti ang kumuha ng̃ hindî sariling arì,—ang sagót ni Isagani na may matalinghagàng ng̃itî;—kung nálalaman lamang ng̃ magnanakaw na iyón kung anó ang pinapakay at nakapag-isip sana, ay tunay na hindî gágawín ang gayón!
At idinagdág matapos ang muntîng hintô:
—Pantayán man ng̃ kahì’t gaano’y hindî akó lálagáy sa kalagayan niyá.
At nagpatuloy silá sa pagkukuròkurò at pagpapalápalagáy.
Makaraán ang isáng oras, ay nagpaalam na si Isagani sa mag-aanak upang manirahan na sa habàng buhay sa piling ng̃ kaniyáng amaín.
Si Matanglawin ay siyáng kilabot sa Lusón. Ang kaniyáng pangkát ay sísipot kung minsan sa isáng lalawigang hindî inaakalàng kaniyáng lulusubin at kung minsan ay biglâng susulpót sa isáng lalawigang humáhandâng maglabán sa kaniyá. Susunugin ang isáng kabyawan sa Batang̃an, sisiràin ang mg̃a pananím; kinabukasan ay pápatayín ang hukóm pamayapà sa Tianì, sa isá pa’y lolooban ang isáng bayan sa Kabite at kukunin ang lahát ng̃ armás sa tribunal. Ang mg̃a lalawigang panggitnâ, mulâ sa Tayabas hanggáng Pangasinan, ay inaabot ng̃ kaniyáng mg̃a kabang̃isan at ang kaniyáng madugông pang̃alan ay umaabot hanggáng Albáy, sa timog, at sa hilagà’y hanggáng Kagayán. Sapagkâ’t inalisán ng̃ sandata ang mg̃a bayánbayán dahil sa pagkukulang ng̃ tiwalà ng̃ isáng mahinàng pamahalàan ay nahuhulog sa kaniyáng mg̃a kamáy na warìng walâng kabuluháng bihag; paglapit niyá, ay iniiwan ng̃ mg̃a manananim ang kaniláng [340]mg̃a bukid, ang mg̃a hayop ay napúpuksâ at isáng bakás na dugô at apóy ang nagiging tandâ ng̃ kaniyáng pagdaraan. Hinahalay ni Matanglawin ang lahát ng̃ mg̃a mahihigpít na kautusáng laban sa mg̃a tulisán: walâng napapahirapan sa mg̃a kautusáng yaón kundî ang mg̃a naninirahan sa mg̃a nayon, na kaniyáng binibihag ó sinasalantâ kung naglalabán, ó kung nakikipagkásundô sa kaniya ay ipinalalamóg ó ipinatatapon ng̃ pamahalàan, kung sakalìng dumáratíng sa pagtatapunan at hindî abutin ng̃ malubhâng sakunâ sa paglalakbáy. Dahil sa gayóng kalagayan ay marami sa mg̃a taga bukid ang sumasailalim sa kaniyang kapangyarihan.
Sanhî sa kakilakilabot na kaparaanang itó, ang naghihing̃alô nang pang̃ang̃alakal ng̃ mg̃a bayan ay nagpatuloy na namatáy ng̃ lubusan. Ang mayaman ay hindî makapang̃ahás na makapaglakbáy, at ang mahihirap ay natatakot na máhuli ng̃ guardia sibil, na, dahil sa nauutusang umusig sa mg̃a tulisán ay madalás na hinuhuli ang unang másumpung̃an at pinahíhirapan ng̃ katakot-takot. Sa kaniyáng dî karapatán, ang pamahalàan ay nagpapakita ng̃ kalakasan sa mg̃a taong kaniyáng pinaghihinalàan, upang, sa kápapahirap, ay huwag máhalatâ ng̃ mg̃a bayan ang kaniyáng kahinàan, ang takot na nagtatakdâ ng̃ mg̃a gayóng kautusán.
Isáng hanay ng̃ mg̃a kaawàawàng itó na pinaghihinalàan, mg̃a anim ó pitó, na nang̃akabalitì ng̃ abot siko at nang̃átatalìng warì’y pilíng nang tao, ay nang̃aglálakád isáng tanghalìng tapát sa isáng daang namamaybáy sa isáng bundók, na dalá ng̃ sampû ó labíng dalawáng guardia na nang̃akabaríl. Lubhâng matindí ang init. Ang mg̃a bayoneta ay nagkikintaban sa araw, ang kanyón ng̃ mg̃a baríl ay nag-iinit, at ang mg̃a dahon ng̃ sambóng na nálalagáy sa mg̃a kapasete ay halos hindî makapagpahina sa tindí ng̃ nakasusunog na araw sa buwan ng̃ Mayo.
Dahil sa hindî máikilos ang mg̃a bisig at nang̃agkakadikitan, upang huwag gumamit ng̃ maraming lubid, ay lumalakad ang mg̃a huli na halos lahát ay walâng takíp sa ulo at mg̃a walâng sapín ang paa: mabuti na ang may isáng panyông nakatalì sa ulo. Hing̃ál na hing̃ál, hiráp, punông punô ng̃ alikabók na nagigíng putik dahil sa pawis, ay náraramdamáng natutunaw ang kaniláng utak, may lumilipanàng ilaw sa kaitaasan, mg̃a badhâng pulá sa himpapawíd. Ang kapatâán [341]at ang panghíhinà ay nálalarawan sa kaniláng pagmumukhâ, ang paghihinagpís, ang pagkagalit, isáng bagay na hindî mawarì, ting̃íng mamámatáy na sumusumpâ, taong naiiníp sa buhay, sa sarili, na nagtutung̃ayáw sa Dios.... Ang mg̃a lalòng nakapagtátagál ay itinútung̃ó ang ulo, ikinúkuskós ang mukhâ sa marumíng likurán ng̃ sinúsundán upang mapahid ang pawis na tumátakíp sa kaniláng mg̃a matá; ang marami’y pípiláy-piláy. Kapag may nakaabala sa lakad dahil sa pagkadapâ ay mádiding̃íg ang isáng tung̃ayaw at lalapit ang isáng sundalo na iniwawasíwas ang isáng sang̃á, na kinuha sa isáng punò, at pinipilit na pinatitindíg sa palò dito’t palo doon. Sa gayó’y tumátakbó ang hanay, na, kaladkád ang nádapâ na nágugumon sa alabók at umuung̃al na hiníhing̃îng siya’y patayín: sa isáng pagkakátaón ay nápapatindíg, nápapatayô, at sakâ ipinatutuloy ang kaniyáng paglakad na umiiyak na warì’y batà at isinúsumpâ ang oras na siya’y nagíng tao.
Ang pilíng na tao ay maminsan minsang humihintô samantalang nang̃agsisiinóm ang mg̃a may dalá sa kanilá, at pagkatapos ay ipatutuloy ang lakad na ang bibíg ay tuyô, ang pag-iisip ay madilím at ang pusò’y punô ng̃ paglait. Ang uhaw ay siyáng pinakamuntîng bagay na inaalintana ng̃ mg̃a kaawàawàng taong iyon.
—¡Lakad, mg̃a anák ng̃ p....!—ang sigáw ng̃ sundalo, na nakapagpanibagong lakás, na ibinigkás ang karaniwang lait ng̃ mg̃a pilipinong pinakadukhâ.
At sumasagitsít ang sang̃á at tumatamà sa likurán ng̃ kahì’t sino, ng̃ lalòng nálalapít, kung minsan ay tumatamà sa isáng mukhâ, nag-iiwan muna ng̃ isáng bakás, pagkatapos ay mapulá, at mayâmayâ’y marumi dahil sa alikabók ng̃ lansang̃an.
—¡Lakad mg̃a duwág!—ang sigáw sa wikàng kastilà na pinalálakíng mabuti ang boses.
—¡Mang̃a duwág!—ang ulit ng̃ aling̃awng̃áw ng̃ bundók.
At tinutulinan ang lakad ng̃ mg̃a duwág, sa silong ng̃ lang̃it na warì’y nagbabagang bakal, sa isáng daáng nakapapasò na iniáabóy ng̃ mabukóng sang̃á na nalúluráy sa malatay na balát. Ang lamíg sa Siberia ay mabuti pa kay sa araw sa buwan ng̃ Mayo sa Pilipinas! Gayón man, sa mg̃a sundalo ay may isáng namúmuhî sa gayóng mg̃a kabang̃isáng walâng kapararakan: [342]lumalakad ng̃ walâng imík at kunót ang kilay na warìng masamâ ang loob. Sa káhulíhulihan, nang mákita na ang guardia ay hindî na nasísiyahán sa sang̃á kundî pinagsisipâ pa ang mg̃a huli na nápaparapâ, ay hindî na nakapagpigil at bugnót na sumigáw nang:
—Hoy, Mautang, bayàan mo na siláng lumakad na mapayapà!
Si Mautang ay luming̃óng nápamanghâ.
—At anó ang mayroón sa iyo, Carolino?—ang tanóng.
—Sa ganáng akin ay walâ, ng̃unì’t naaawà akó!—ang sagót ni Carolino;—mg̃a tao rin iyáng kagaya natin!
—Napagkíkilalang baguhan ka pa!—ang paklí ni Mautang na tumawang may habág,—¿kung gayó’y anó ang inaasal ninyó sa mg̃a máhuli sa labanán?
—Mabuting dî sápalâ kay sa ganiyán!—ang sagót ni Carolino.
Nápahintông sandalî si Mautang, at pagkatapos, warìng nakátagpô ng̃ isásagót ay panatag na tumugón, na:
—A, ang mg̃a huli doon ay mg̃a kaaway at lumalaban, samantalang ang mg̃a itó ay.... itó’y mg̃a kababayan natin!
At lumapit na ibinulóng kay Carolino:
—¡Nápakahang̃ál ka! Ginágawâ sa kanilá ang ganiyán upang magtangkâng lumaban ó tumanan, at sa gayón ay.... pung!
Ang Carolino ay hindî sumagót.
Ang isá sa mg̃a huli ay namanhík na pahintulutan siyáng tumigil sapagkâ’t mayroón lamang gágawíng kailang̃an.
—¡Ang poók na itó’y mapang̃anib!—ang sagót ng̃ kabo, na dî mápalagáy na tinítingnán ang bundók:—sulong!
—Sulong!—ang ulit ni Mautang.
At humaging ang pamalò. Ang hulí ay namilipit at tiningnán siyá ng̃ ting̃íng may sumbát.
—Mabang̃ís ka pa kay sa tunay na kastilà—ang sabi ng̃ balitî.
Tinugón siyá ni Mautang ng̃ iláng palò. Halos sabáy doo’y humaging ang isáng punlô na sinundán ng̃ isáng putók: nabitiwan ni Mautang ang baril, bumitíw ng̃ isáng tung̃ayaw at matapos madalá sa dibdib ang dalawáng kamáy ay umikit at bumagsák. Nákita siyá ng̃ hulí na kumikisáy sa alikabók at linálabasán ng̃ dugô sa bibíg.
[343]—Tigil!—ang sigáw ng̃ kabo na biglâng namutlâ.
Ang mg̃a sundalo’y humintô at tuming̃ín sa kaniláng paligid. Isáng muntîng bugá ng̃ asó ang lumalabás sa isáng kasukalan sa dakong itaás. Humaging ang isá pang punlô, náding̃íg ang isá pang putók at ang kabo’y namaluktót na nagtutung̃ayáw at may sugat sa hità. Ang pulutóng ay binabaka ng̃ mg̃a taong nang̃agkakanlóng sa mg̃a batóng nasa kaitaasan.
Ang kabo, lipós kagalitan, ay tumurò sa dako ng̃ kumpol ng̃ mg̃a balitî, at sumigáw nang:
—Fuego!
Ang mg̃a huli ay nang̃ápaluhód, na punô ng̃ sindák. Sa dahiláng hindî máitaás ang mg̃a kamáy, ay nang̃agmamakaawàng humáhalík sa lupà at iniuuna ang ulo: may tumutukoy sa kaniláng mg̃a anák, may sa kaniyáng iná na walâ nang mag-aampón; ang isá’y nang̃ang̃akò ng̃ salapî, binábanggít ng̃ isá ang ng̃alan ng̃ Dios, ng̃unì’t ang bung̃ang̃à ng̃ mg̃a baril ay nakababâ na at isáng kakilákilabot na putók ang nagpapipi sa kanilá.
Sinimulán na ang pakikipagputukan sa mg̃a nasa sa itaás na untîuntîng linaganapan ng̃ asó. Dahil sa asóng itó at sa kadalang̃an ng̃ putók ay marahil hindî hihigít sa tatló ang baríl ng̃ mg̃a hindî nákikitang kalaban. Samantala namán ay sumasagupà at nagpapaputók ang mg̃a sundalo, nang̃agkakanlóng sa mg̃a punò ng̃ kahoy, humihigâ at nagpupumilit na makapaitaás. Umiilandáng ang mg̃a putol-putól na bató, nababaklî ang sang̃á ng̃ mg̃a punò, natutukláp ang lupà. Ang unang guardia na nagtangkâng makapanhík ay gumulong na may tamà ng̃ punlô sa balikat.
Ang lihim na kalaban ay nakalalamáng dahil sa kinalalagyán; ang mg̃a matatapang na guardia na hindî marunóng tumakbó ay kauntî nang umurong, sapagkâ’t nang̃ahihintô at ayaw mang̃agsisulong. Ang pakikipaglabang iyón sa hindî nákikita ay nakasindák sa kanilá. Walâ siláng nákikita kundî pawàng asó lamang at batuhán; walâng boses ng̃ tao, ni anino man lamang; mawiwikàng nakipaglaban silá sa bundók.
—¡Hale, Carolino! Násaán ang katalasan mong tumudlâ, p....!—ang sigáw ng̃ kabo.
Nang mg̃a sandalîng iyón ay isáng lalaki ang sumipót [344]sa ibabaw ng̃ isáng bató at ikinúkumpáy ang baríl na hawak.
—¡Paputukán iyán!—ang sigáw ng̃ kabo na bumitíw ng̃ isáng malaswâng tung̃ayaw.
Tatlóng guardia ang sumunód, ng̃unì’t ang lalaki’y nakatayô rin; sumisigáw, ng̃unì’t hindî malinawan ang kaniyáng sinasabi.
Ang Carolino ay nápahintô, na warìng nákikilala ang anyông iyón na nababalot ng̃ liwanag ng̃ araw. Ng̃unì’t binantâan siyá ng̃ kabo na tátarakan kung hindî magpapaputók. Tumudlâ ang Carolino at náding̃íg ang isáng putók. Ang taong nasa bató ay umikit at nawalâng kasabáy ang sigáw na nakatulíg sa Carolino.
Isáng kilusán ang nangyari sa kagubatan na warìng nagpanakbuhan ang mg̃a nároroon. Sa gayó’y nang̃agsisalung̃a ang mg̃a sundalo, na walâ nang kalaban. Isá pang lalaki na ikinúkumpay ang isáng sibát ang sumipót sa ibabaw ng̃ mg̃a bató; pinaputukán ng̃ mg̃a sundalo, at ang lalaki’y untî untîng nápayukô, pumigil sa isáng sang̃á, isá pang putók at lumagpák na pasubasob sa bató.
Matuling nang̃agsipang̃unyapít ang mg̃a sundalo, na inilagáy sa dulo ng̃ baríl ang mg̃a bayoneta at laán sa isáng labanáng subûán; ang Carolino’y siyáng tang̃ìng dahandahan ang lakad, na ang ting̃ín ay pasulingsuling, malamlám, na inaalala ang sigáw ng̃ taong nabuwal dahil sa tamà ng̃ punlô. Ang unang dumatíng sa kaitaasan ay nakátagpô ng̃ isáng matandâng naghihing̃alô, na nakatimbuwang sa bató; sinaksák sa katawán ng̃ bayoneta ng̃unî’t hindî man lamang kumisáp ang matandâ: ang matá’y nakatítig sa Carolino, isáng titig na hindî mawarì, at sa tulong ng̃ mabutóng kamáy ay may itinuturò sa kaniyáng nasa likód ng̃ mg̃a bató.
Ang mg̃a sundalo’y nang̃ápaling̃ón at nákitang si Carolino ay maputlâng maputlâ, nakang̃ang̃á at sa paning̃ín ay naglalarawan ng̃ hulíng kisláp ng̃ pag-iisip. Nákilala ng̃ Carolino, na dilì ibá’t si Tanò, ang anák ni kabisang Tales, na galing sa Carolinas, na ang naghihing̃alô ay ang kaniyáng lelong, si matandâng Selo, na, dahil sa hindî siya makausap ay naghahayág sa kaniyá, sa tulong ng̃ mg̃a naghihing̃alông matá, ng̃ isáng kabuhayang lipús ng̃ sákit. At nang bangkáy [345]na ay patuloy din sa pagtuturò ng̃ isáng bagay na nasa likód ng̃ mg̃a bató......
Sa kaniyáng ulilang tahanan, sa baybáy ng̃ dagát, na ang magaláw na ibabaw nitó’y nákikita sa mg̃a bukás na durung̃awan, na umaabot sa malayò, hanggáng sa makiisá sa hulíng dako ng̃ nátatanáw, ay nililibáng ni P. Florentino ang kaniyáng pag-iisá sa pamag-itan ng̃ pagtugtóg sa armonium ng̃ mg̃a malulungkót at dî masasayáng tugtugin, na sinasaliwán ng̃ maugong na aling̃awng̃áw ng̃ mg̃a alon at ng̃ bulóng ng̃ mg̃a sang̃á ng̃ kagubatang kalapít. Mang̃a tunóg na mahahabà, malalakás, mahinagpís, na warì’y mg̃a plegaria, kahì’t matitindí, ang lumálabás sa matandâng panugtóg; si P. Florentino, na isáng tunay na músiko, ay tumútugtóg ng̃ alinsunod sa biglâng udyók ng̃ kalooban at sa dahiláng siya’y nag-iisá, ay ibinúbulalás ang mg̃a kalungkutang tagláy ng̃ kaniyáng pusò.
Sadyâ ng̃âng ang matandâ’y malungkót. Ang kaniyáng mabuting kaibigan na si D. Tiburcio de Espadaña ay kaáalís pa lamang na umiilas sa pag-uusig ng̃ asawa. Nang umagang iyón ay tumanggáp ng̃ isáng sulat ng̃ isáng teniente ng̃ guardia sibil, na ang sabi ay:
“Minamahal kong Capellán: Katatanggáp ko pa lamang ng̃ isáng telegrama ng̃ komandante na ang sinasabi’y: español escondido casa Padre Florentino cojera remitirá vivo muerto. Sa dahiláng ang telegrama ay lubhâng maliwanag ay pagsabihan ninyó ang kaibigan upang huwag siyang matagpûan pagpariyan kong huhulihin siya sa ika waló ng̃ gabí.
Ang inyóng tagisuyòng,
Perez.”
Sunugin ninyó ang sulat.
—A... a.... ang Victorinang itó, ang Victorinang itó!—ang pautal-utal na sabi ni D. Tiburcio;—a.... a.... ay mangyayaring umabot hanggáng sa akó’y ipabaril.
Hindî siya napigil ni P. Florentino: walâng náhitâ sa pagpapaliwanag sa kaniya na ang ibig marahil sabihin ng̃ salitáng cojera ay cogerá; na ang kastilàng nagtatagò ay hindî [346]mangyayaring si D. Tiburcio kundî si Simoun, na may dalawáng araw pa lamang na kararatíng, na sugatán at warìng pinag-uusig, na huming̃îng patuluyin. Si D. Tiburcio ay hindî napahinuhod; ang cojera ay ang kaniya ng̃âng pagkapilay, ang tandâ niya sa katawán: yaón ay pakanâ ni Victorina na ibig siyang mátagpûáng patáy ó buháy, gaya ng̃ isinulat ni Isagani buhat sa Maynilà. At iniwan ng̃ kaawàawàng Ulises ang bahay ng̃ parì upang magtagò sa kubo ng̃ isáng mang̃ang̃ahóy.
Walâng pag-aalinlang̃an si P. Florentino na ang kastilàng hinahanap ay ang manghihiyas na si Simoun. Mahiwagà ang kaniyang pagdatíng, dugôdugûan, mapangláw at patângpatâ, na siya ang may pasán sa kaniyang takbá. Sa tulong ng̃ malayà’t masuyòng pagpapatuloy ng̃ mg̃a pilipino ay tinanggáp siya ng̃ klérigo ng̃ walâng kaanóanománg kasiyasiyasat, at sa dahiláng hindî pa umaabot sa kaniyang taing̃a ang mg̃a nangyari sa Maynilà ay hindî niya lubós na maisip ang gayóng kalagayan. Ang tang̃ìng paghuhulòng pumasok sa kaniyang pag-iisip ay ang pangyayari, na sa dahiláng umalís na ang General, ang kaibigan at nag-áampón sa mag-aalahás, marahil ang mg̃a kagalít nitó, ang mg̃a pinasláng, ang mg̃a napinsalàan, ay nang̃agsipagbang̃on ng̃ayón na sumísigáw ng̃ higantí, at siyá’y pinag-uusig ng̃ samantalang General upang makuha sa kaniyá ang kayamanang naipon. Iyán ang sanhî ng̃ pagtatanan! Ng̃unì’t ang kaniyáng mg̃a sugat ay ¿saan nagbuhat? ¿Nagtangkâ kayâng magpakamatáy? ¿yaón kayâ’y anák ng̃ paghihigantí? ¿anák kayâ ng̃ isáng kapusukán, gaya ng̃ ibig ipahiwatig ni Simoun? ¿Tinanggáp kayâ niyá yaón sa pag-ilas sa mg̃a kawal na umuusig sa kaniyá?
Ang hulíng paghuhulòng itó ang siyáng inaakalà niyáng siyáng lalòng nálalapít marahil sa katotohanan. Nakatulong pa sa pagpapatibay sa gayóng paghuhulò ang telegrama na katátanggáp pa lamang niyá at ang pagmamatigás ni Simoun sa mulâ’t mulâ pa na ayaw pagamót sa médikong nasa pang̃ulong bayan ng̃ lalawigan.
Ang tang̃ìng tinátanggáp ng̃ mag-aalahás ay ang pang̃ang̃alagà ni D. Tiburcio at yaón pa man ay napagháhalatâng walâ siyáng tiwalà. Sa pangyayaring itó’y itinátanóng sa sarili ni P. Florentino ¿anó ang dapat niyáng gawín pagdatíng ng̃ guardia sibil na huhuli kay Simoun? Sa kalagayan [347]ng̃ may sakít ay hindî mangyayari ang gumaláw at lalò pa mandíng hindî mangyayari ang maglakbáy ng̃ mahabà.... Ng̃unì’t sinasabi ng̃ telegrama na patáy ó buháy......
Si P. Florentino ay humintô sa pagtugtóg at lumapit sa durung̃awan upang tanawín ang dagat. Ang patag na ibabaw, na walâ ni isá mang daóng, ni isá mang layag, ay walâng maiudyók sa kaniyá. Ang pulông maliit na nátatanáw na nag-íisá sa malayò, ay walâng sinasabi sa kaniyá kundî ang tagláy na pag-iisá at lalò pa mandíng nagpapakilala nang pagkaulila ng̃ tinátanáw na kalawakan. Ang walâng hanggáng kalawakan kung minsan ay pipingpipi.
Tinangkâ ng̃ matandâng hulàan ang ng̃itîng malungkót at pakutyâ na isinalubong ni Simoun sa balitàng siya’y huhulihin. ¿Anó ang kahulugán ng̃ ng̃itîng iyon? ¿At ang isá pang ng̃itî, na lalò pang malungkót at pakutyâ nang mabatíd na sa ika waló pa ng̃ gabí magsisidatíng? ¿Anó ang ibig sabihin ng̃ hiwagàng iyon? ¿Bákit ayaw magtagò si Simoun?
Sumaalaala niya yaóng bantóg na tinuran ni San Juan Crisóstomo nang ipinagtanggól ang eunuco na si Eutropio: “¡Kailan man ay hindî nagíng lalòng kapit na dî gaya ng̃ayón sabihíng: Kapalalùán ng̃ mg̃a kapalalùán at ang lahát ay kapalalùán!”
—Oo, ang Simoung yaón na nápakayaman, makapangyarihan, kinatatakutan, nang walâ pang iisáng linggó ang nakararaan, ng̃ayón, ay sawîng kapalaran pa kay Eutropio, humahanap ng̃ matutuluyan, at hindî sa mg̃a dambanà ng̃ isáng simbahan, kundî sa dukhâng bahay ng̃ isáng klérigong indio, na liblíb sa kagubatan, sa ulilang baybáy ng̃ dagat! Kapalalùán ng̃ mg̃a kapalalùán at ang lahát ay kapalalùán! At ang taong yaón, sa loob ng̃ iláng oras, ay huhulihin, aalisín sa hihigáng kinahihiligan, na dî igagalang ang kaniyáng kalagayan, dî bibigyáng halagá ang kaniyáng mg̃a sugat, sa patáy ó buháy ay hiníhing̃î siya ng̃ kaniyáng mg̃a kaaway! ¿Papano ang pagliligtás sa kaniyá? ¿Saan mátatagpô ang mg̃a bigkás na nakaaakit ng̃ obispo sa Constantinopla? Anó ang kapangyarihan ng̃ kaniyáng mg̃a dukhâng salitâ, ang salitâ ng̃ isáng klérigong indio, na ang kaniyáng kaapihán ay warìng ikinagágalák at iniuudyók pa ng̃â ng̃ Simoung iyon nang panahóng siya’y nagtatagumpáy.
[348]Hindî na naaalaala ni P. Florentino ang pawalâng bahalàng pagtanggáp sa kaniyá ng̃ manghihiyás, na may dalawáng buwan pa lamang ang nakararaan, nang siya’y pinakiusapan tungkól kay Isagani na náhuli dahil sa isáng walâng hunos dilìng sigabó ng̃ kalooban; nalimot ang pagsusumakit ni Simoun upang mádalî ang pag-aasawa ni Paulita, pag-aasawang siyang nag-abóy kay Isagani sa isáng matindíng pag-ilag sa kapuwâ tao, na siyang ikinababalino ng̃ amaín: nalimot ni P. Florentino ang lahát, at walâng naáalaala kundî ang kalagayan ng̃ may sakít, ang kaniyáng katungkulan sa pagka may bahay, at sinasaliksík ang kaniyáng pag-iisip, ¿Dapat niyáng itagò upang huwag masunód ang nasà ng̃ may kapangyarihan? Ng̃unì’t ang may katawán ay walâng kaligáligalig: ng̃umîng̃itî....
Itô ang sumásaisip ng̃ mabuting matandâ nang dumatíng ang isáng alilà at sinabi sa kaniyáng ibig siyang mákausap ng̃ may sakít. Tumung̃o sa kanugnóg na silíd, na malinis at maaliwalas na tahanan, na ang pinakasahíg ay malalapad na tabláng makikintáb at makikinis, na may malalakí’t mabibigát na sillon, na may matandâng ayos, walâng barnis ni mg̃a dibuho. Sa isáng dako ay may isáng katreng kamagóng na may kaniyáng apat na haliging pumipigil sa lalagyán ng̃ kulambô, at sa siping ay may isáng mesa na punô ng̃ mg̃a botella, hilatsá ng̃ mg̃a putol putol na kayo. Ang isáng luhuran sa dakong ibabâ ng̃ isáng Cristo at isáng muntîng aklatan ang nagpapakilalang yaón ang silíd ng̃ parì, na ipinagamit sa tumuloy, alinsunod sa ugalìng pagpapatuloy ng̃ mg̃a pilipino na ipagkaloob sa nanunuluyan ang lalòng masaráp na pagkain, ang lalòng mabuting silíd at ang lalòng mabuting hihigán sa loob ng̃ bahay. Nang mákitang bukás na bukás ang lahát ng̃ durung̃awan upang bayaang makapasok ang dalisay na hang̃in sa dagat at ang aling̃awng̃áw ng̃ kaniyáng walâng patíd na hinagpís, ay walâng makapagsasabi sa Pilipinas na doo’y may isáng may karamdaman, sapagkâ’t nákaugaliang ilapat ang mg̃a bintanà at sampû ng̃ lalòng maliliit na puang kailan pa ma’t may isáng sinisipón ó kayâ’y nagdáramdám ng̃ muntîng sakít ng̃ ulo na walâng kakabúkabuluhán.
Tuming̃ín si P. Florentino sa dako ng̃ hihigán at namanghâ siya nang makitang walâ na sa mukhâ ng̃ may sakít ang anyông palagáy at pakutyâ. Isáng lihim na sakít ang warì’y nagpapakunót sa kaniyáng kilay, sa kaniyáng paning̃ín ay namamalas [349]ang dî kapalagayang loób at ang kaniyáng bibíg ay nápapang̃iwî dahil sa isáng ng̃itîng lipos ng̃ sakit.
—¿Nahihirapan bagá kayó, ginoóng Simoun?—ang masuyòng tanóng ng̃ parìng lumapit.
—Kauntî, ng̃unì’t sa loób ng̃ iláng sandalî, ay matatapos na ang paghihirap ko—ang tugón na iginaláw ang ulo.
Sindák na pinapagduop ni P. Florentino ang mg̃a kamáy, dahil sa warìng nákilala ang kakilákilabot na katotohanan.
—¿Anó ang ginawâ ninyo, Dios ko? ¿Anó ang inyóng ininóm?—at iniunat ang kamáy sa dakong kinalalagyán ng̃ mg̃a botella.
—Walâ nang magagawâ! walâ ng̃ lunas!—ang sagót sa tulong ng̃ kasakitsakit na ng̃itî—¿anó ang ibig ninyóng gawín ko? bago tumugtóg ang iká waló... Sa patáy ó sa buháy.... patáy ay oo, ng̃unì’t buháy ay hindî.
—¡Dios ko, Dios ko! ¿anó ang ginawâ ninyó?
—Huminahon kayó—ang putol ng̃ may sakít sa tulong ng̃ isáng galáw ng̃ mukhâ—ang nagawâ’y nagawâ na. Hindî dapat na akó’y mahulog na buháy sa kamáy ng̃ sino man.... maaarìng makuha ang aking lihim. Huwág kayóng magambalà, huwág kayóng malitó, walâ nang magagawâ.... Pakinggán ninyó akó! Sasapit na ang gabí at kailang̃ang huwág mag-aksayá ng̃ panahón.... kailang̃an kong sabihin sa inyó ang aking lihim, kailang̃an kong ipagkatiwalà sa inyó ang hulí kong nasà.... kailang̃an kong mákilala ninyó ang aking kabuhayan.... Sa mg̃a sandalîng itó na katang̃îtang̃ì ay ibig kong iibís sa akin ang isáng pasanin, ibig kong paliwanagan ninyó sa akin ang isáng pag-aalinlang̃an.... kayóng may malakíng pananalig sa Dios.... ibig kong sabihin ninyó sa akin kung may isáng Dios!
—Ng̃unì’t isáng panglunas sa lason, ginoóng Simoun.... mayroón akóng apomorfina.... mayroón akóng eter, cloroformo....
At humahanap ang parì ng̃ isáng botella hanggáng si Simoun ay yamót na sumigáw.
—Walâ nang mangyayari.... walâ nang mangyayari! Huwag kayóng magaksayá ng̃ panahón! Yayaon akóng dalá ang aking lihim.
Ang klérigo’y litóng nagpatiluhód sa kaniyáng reclinatorio, [350]nanalang̃in sa paanan ng̃ Cristo, isinubsób ang mukhâ sa dalawáng kamáy at pagkatapos ay tumindíg na walâng imík at kagalanggalang na warìng tinanggáp sa kaniyáng Dios ang boông bagsík, ang boông sanghayâ, ang boông kapangyarihan ng̃ isáng Hukom ng̃ mg̃a budhî. Inilapit ang isáng sillón sa dakong ulunán ng̃ may sakít at humandâng making̃íg.
Sa mg̃a unang salitâng ibinulóng sa kaniyá ni Simoun, nang sabihin sa kaniyá ang tunay na pang̃alan, ay nápaurong ang matandâng parì at tiningnáng lipús sindák ang kaharáp. Ang may sakít ay malungkót na ng̃umitî. Dahil sa pagkakábiglâ ay hindî nasupil ang sarili, ng̃unì’t madalîng nakapagpigil, at matapos na matakpán ng̃ panyô ang mukhâ ay mulîng tumung̃ó upang making̃íg.
Isinalaysáy ni Simoun ang kaniyáng kasakitsakit na kabuhayan, ang pangyayaring may labíng tatlóng taón na, nang magbalík siyang galing sa Europa, na punô ng̃ pag-asa at magagandáng pang̃arap, ay umuwî siya upang mákasal sa isáng binibining iniírog, at laán sa paggawâ ng̃ kabutihan at magpatawad sa lahát nang gumagawâ sa kaniyá ng̃ masamâ, bayaan lamang siyang mabuhay nang mapayapà. Hindî nagkágayón. Isáng mahiwagàng kamáy ang nag-abóy sa kaniyá sa gitnâ ng̃ isáng kaguluhang gawâgawâ ng̃ kaniyáng kalaban; pang̃alan, yaman, pag-ibig, kinabukasan, kalayàan, nawalâ sa kaniyá ang lahát at nakaligtás lamang sa kamatayan dahil sa kagiting̃án ng̃ isáng kaibigan. Sa gayó’y isinumpâ niyang maghihigantí. Nagtanan siyang dalá ang kayamanan ng̃ kaniyáng kaanak, na nábabaón sa isáng gubat, nagtung̃o sa ibáng lupaín at inatupag niya ang pang̃ang̃alakal. Nakilahók sa himagsikan sa Cuba, na tinulung̃an ang magkabilâng pangkát, ng̃unì’t saan man, siya’y nakikinabang. Doon niya nákilala ang General, na noo’y komandante, na nagíng kakilala niyá dahil sa pang̃ung̃utang sa kaniyá at pagkatapos ay nagíng kaibigan dahil sa iláng kataksiláng ginawâ na alám ng̃ magaalahás ang lihim. Siyá, sa tulong ng̃ salapî ay nakuha niyáng máparito ang General, at nang nasa Pilipinas na ay ginawâ niyáng isáng bulág na kasangkapan at iniabóy niyá sa paggawâ ng̃ lahát ng̃ kasamâán na ang ginawâ niyáng pain ay ang walâng habas na katakawan sa salapî.
Ang pang̃ung̃umpisál ay nagíng mahabà at mabigát, ng̃unì’t sa boông hinabàhabà ay hindî nagpahalatâ ng̃ anománg [351]pagkakagulat ang nagpapakumpisál at bíbihiràng pinatlang̃án ang may sakít. Gabí na nang si P. Florentino, ay tumindíg na pinapahid ang pawis sa mukhâ at nag-isíp. Mahiwagàng kadilimán ang naghaharì sa loob ng̃ silíd, na pinúpunô ng̃ sinag ng̃ buwán, na pumapasok sa mg̃a durung̃awan, ng̃ liwanag na malamlám at pang̃ang̃aninag na warì’y sing̃áw.
Sa gitnâ ng̃ katahimikan, ang ting̃ig ng̃ parì ay náding̃íg na malungkót, banayad, ng̃unì’t mahimok:
—Patatawarin kayó ng̃ Dios, ginoong.... Simoun,—ang sabi:—batíd Niyáng tayo’y anák sa pagkakámalî, nakita Niyá ang inyóng tiniís, at sa pagpapahintulot na mátagpûán ninyó ang kaparusahán ng̃ inyóng mg̃a sala sa pagtatamó ng̃ kamatayan sa kamáy din ng̃ mg̃a iniabóy ninyó, ay nakikita natin ang Kaniyáng walâng hanggáng awà! Siya ang sumiràng isá-isá sa inyóng mg̃a paraan, ang lalòng mabubuti ang pagkakabalak, ang una sa pagkamatáy ni María Clara, makaraan yaón ay dahil sa isáng pagkakáling̃át, at pagkatapos ay sa isáng paraang lubhâng mahiwagà.... ¡sundín natin ang kaniyáng kalooban at pasalamatan natin Siya!
—Sa ganáng inyó,—ang mahinàng sagót ng̃ maysakít,—ang kalooban niya ay, na, ang mg̃a pulông itó’y....
—Magpatuloy sa kalagayang kinasasadlakán?—ang dugtóng ng̃ klérigo nang makitang ang isá’y humintô.—Hindî ko maalaman, ginoo; hindî ko matahô ang inaakalà noong Hindî malirip! Batíd kong hindî pinabayàan sa mg̃a mahihigpít na sandalî ang mg̃a bayang nananang̃an sa Kaniya at Siya ang ginawâng hukom ng̃ kaniláng pagkasiíl; alám ko na ang Kaniyang bisig ay hindî nawalâ kailan man kapag niyuyurakan na ang katwiran at ubós na ang lahát ng̃ paraan, ay humawak na ng̃ sandata ang sinisiíl at nakipaglaban nang dahil sa kaniyang tahanan, dahil sa kaniyang asawa, dahil sa kaniyang mg̃a anák, dahil sa kaniyang mg̃a dî maitatakwíl na karapatán, na, gaya ng̃ sabi ng̃ makatàng alemán, ay kumíkináng ng̃ walâng pagkaagnás at matibay doon sa kaitaasan ng̃ mg̃a walâng pagkapawìng mg̃a bituín! Hindî, ang Dios na siyang katwiran, ay hindî mangyayaring magpabayà sa kanìyang layon, ang layong kalayàan na kung walâ ay walâ namáng katwiran!
—¿Kung gayón ay bakit ipinagkaít sa akin ang kaniyang [352]tulong?—ang tanóng ng̃ ting̃ig ng̃ maysakit, na lipús hinanakít.
—Sapagkâ’t pinilì ninyó ang isáng paraan na hindî Niya masasang-ayunan!—ang sagót ng̃ parì na matigás ang boses—ang kaluwalhatìang pagliligtás sa isáng bayan ay hindî kakamtín ng̃ isáng nákatulong sa pagpapahirap sa kaniya! Inakalà ninyóng ang dinung̃isan at sinirà ng̃ pagkakasala at kasamâán ay nangyayaring malinis at mailigtás ng̃ isá ring pagkakasala at isá ring kasamâán! Kamalìan! Ang pagtataním ay walâng ibubung̃a kundî kakilakilabot na anyô; ang sala ay mg̃a salarín; tang̃ìng ang pag-ibig ang nakagagawá ng̃ mg̃a bagay na kahang̃àhang̃à, ang kabaitan lamang ang nakapagliligtás! Hindî; kung balàng araw, ang ating bayan ay magiging malayà ay hindî dahil sa masasamâng hilig at pagkakasala, hindî sa paraang pasamâín ang kaniyang mg̃a anák, dayàin ang ilán, bigyán ng̃ salapî ang ibá, hindî; ang kaligtasan ay may kahulugáng kabanalan, ang kabanalan ay pagtitiís at pag-ibig.
—Siya! tinatanggáp ko ang inyóng sabi,—ang tugón ng̃ maysakít, makaraan ang isáng sandalî;—akó’y námalî; ng̃unì’t sa dahiláng akó’y námalî ¿ay ipagkákaít na ba ng̃ Dios na iyan ang kalayàan sa isáng bayan at ililigtás ang maraming lalò pang salarín kay sa akin? ¿anó na lamang ang kamalìan ko sa piling ng̃ mg̃a pagkakasala ng̃ mg̃a namamahalà? ¿Bakit pahahalagahán pa ng̃ Dios na iyan ang aking kabuktután kay sa mg̃a daíng ng̃ nápakaraming walâng sala? ¿Bakit hindî akó sinugatan at pinagtagumpáy pagkatapos ang bayan? ¿Bakit binabayàang magtiís ang gayóng karaming mg̃a karapatdapat at mg̃a tapát na loob at nasisiyaháng walâng katigátigatig sa kaniláng mg̃a paghihirap?
—Ang mg̃a tapát na loob at ang mg̃a karapatdapat ay kailang̃ang mang̃agtiís upang ang kaniláng mg̃a adhikâ’y mákilalà’t lumaganap! Kailang̃ang iwaksí ó basagin ang sisidlán upang halimuyak ang bang̃ó, kailang̃ang pingkîín ang bató upang sumipót ang apóy! Mayroon ding pasiya ng̃ kalang̃itán sa mg̃a paguusig ng̃ mg̃a maniniíl, ginoong Simoun!
—Alám ko,—ang bulóng ng̃ may sakít—kayâ ng̃â’t inudyukán ko ang kabang̃isan....
—Tunay, kaibigan ko, ng̃unì’t ang lalòng maraming sumabog ay ang may tagláy na kabulukán! Pinalusog ninyó [353]ang kabulukán sa kapamayanan nang hindî naghasík ng̃ anomang adhikâín. Sa pagtitiím na iyan ng̃ mg̃a masasamâng hilig ay walâng sisipót kundî ang pananawà, at kung mayroon mang biglâng sumipót, ay hindî mangyayaring hindî kabutí lamang, sapagkâ’t sa biglâbiglâan ay walâng sisipót sa layák kundî ang kabutí. Tunay ng̃â’t ang mg̃a masasamâng hilig ng̃ isáng pamahalàan ay makamamatáy sa kaniya, ng̃unì’t pumapatáy din namán sa kapisanang pinangyayarihan ng̃ gayón. Sa isáng pamahalàan na may masamâng hilig ay bagay ang isáng bayang walâng tuus; sa pang̃asiwàang walâng budhî ay mg̃a mámamayang maninibad at mapang̃ayupapà sa loob ng̃ bayan, ng̃unì’t mg̃a tulisán at magnanakaw sa mg̃a kabundukan! Kung anó ang pang̃inoon, gayón ang alipin. Kung anó ang pamahalàan, gayón ang bayan.
Nagharì ang sandalîng pananahimik.
—Kung gayó’y ¿anó ang nararapat gawín?—ang tanóng ng̃ ting̃ig ng̃ may sakít.
—¡Magtiís at gumawâ!
—¡Magtiís.... gumawâ!—ang malungkót na ulit ng̃ may sakít—¡ah! madalîng sabihin iyan kapag hindî nagtitiís.... kapag ang paggawâ ay pinapagkákamít ng̃ gantíng-palà!.... Kung hiníhing̃án ng̃ inyóng Dios ang tao ng̃ gayóng karaming mg̃a paghihirap, ang taong babahagyâ nang makapanang̃an sa kasalukuyan at nag-aalinlang̃an sa mangyayari sa kinabukasan; kung nakákita lamang kayó ng̃ gaya ng̃ mg̃a nápagkitá kong mg̃a marálitâ, mg̃a kahabághabág na nang̃agbatá ng̃ katakot-takot na pahirap dahil sa mg̃a pagkakasalang hindî nilá ginawâ, mg̃a pagpatáy upang mapagtakpán ang sala ng̃ ibá ó ang dî kasapatán sa panunungkulan, mg̃a kaawàawàng amá na inagaw sa kaniláng tahanan upang gumawâ ng̃ walâng kapararakan sa mg̃a lansang̃an na nasisirà sa tuwîng umaga at warìng naglilibáng lamang sa pagsusugbá sa mg̃a boô boông magkakaanak sa karalitàan.... ¡ah! magtiís.... gumawâ.... siyang kalooban ng̃ Dios! Papanaligin ninyó silá na ang kaniláng pagkamatáy ay siya niláng kaligtasan, na ang kaniláng paggawâ ay siyang ikagiginhawa ng̃ kaniláng tahanan! Magtiís.... gumawâ.... ¿Anóng Dios iyan?
—Isáng Dios na lubhâng matapát, ginoong Simoun—ang sagót ng̃ parì;—isáng Dios na nagpaparusa sa kakulang̃án natin sa pananalig, sa ating masasamâng hilig, sa muntîng [354]pagpapahalagá natin sa karang̃alan, sa ating pagkamámamayán.... Pinababayàan natin at tayo’y nagiging katulong ng̃ masamâng hilig, kung minsan pa’y ating pinupuri ang gayón; kayâ’t dapat, lubhâng nárarapat na batahín natin ang ibubung̃a at batahín din namán ng̃ ating mg̃a anák. Ang Dios ng̃ kalayàan, ginoong Simoun, na siyang nag-uutos sa ating ibigin itó, at ginagawâng magíng mabigát sa atin ang pasanin; isáng Dios ng̃ kaawàan, ng̃ pagpapantáypantáy, na sabáy sa pagpaparusa sa atin ay pinabubuti tayo, at ang binibigyán lamang ng̃ mabuting kalagayan ay yaóng nararapat bigyán dahil sa kaniyáng pagsusumakit; ang paaralan ng̃ pagtitiís ay nakapagpapatibay, ang kaparang̃an ng̃ tunggalìan ay nakapagpapalakás sa mg̃a káluluwa. Hindî ko ibig sabihin na ang ating kalayàan ay tuklasín sa talas ng̃ sandata; ang espada ay dî lubhâng kagamitán sa mg̃a bagong kabuhayan, ng̃unì’t, oo, ating tutuklasín sa pamagitan ng̃ karapatán, sa pamagitan ng̃ pagpapataás ng̃ urì ng̃ katwiran at ng̃ karang̃alan ng̃ tao, na ibigin ang tapát, ang mabuti, ang dakilà, hanggáng sa mamatáy ng̃ dahil dito, at kapag ang isáng bayan ay nakasapit na sa gayóng kalagayan, ang Dios ay nagbibigáy ng̃ sandata, at lumálagpák ang mg̃a diosdiosan, lumálagpák ang mg̃a maniniíl na warì’y mg̃a kastilyong baraha at kumikináng ang kalayàan na kasabáy ng̃ unang liwaywáy! Ang ating kasamâán ay sa atin din buhat, huwág nating sisihin ang kahì’t sino. Kung nákikita ng̃ España na tayo’y hindî lubhâng masunurin sa pagpapahirap, at handâ sa pakikipagtunggalî at pagtitiís ng̃ dahil sa ating mg̃a karapatán, ang España ay siyá nang unaunang magbibigáy sa atin ng̃ kalayàan, sapagkâ’t kapag ang bung̃a ng̃ paglilihí ay dumatíng na sa pagkahinóg ay ¡kahabághabág ang ináng magtangkâng doo’y lumunod! Subalì’t samantalang ang bayang pilipino ay walâ pang sapát na katigasang loób upang ipahayag, na mataás ang noo at lantád ang dibdib, ang kaniyáng karapatán sa pamamayan at patibayan itó sa pamagitan ng̃ mg̃a paghihirap, ng̃ kaniyáng sariling dugô; samantalang nákikita natin ang ating mg̃a kababayan, sa kaniláng sariling pamumuhay ay magdamdám hiyâ sa sariling kaloobán, máding̃íg ang sigáw ng̃ kaniyáng budhî na nagbabalikwás at tumútutol, at sa lantarang pamumuhay ay hindî umímík, makisama sa pumápasláng upang kutyaín ang pinasláng; samantalang [355]nákikita nating naninirahan sa labis na pagling̃ap sa sarili at pinupuri sa tulong ng̃ pilít na ng̃ití ang lalòng mahahalay na kagagawán, at nagmamakaawàng hiníhing̃î, sa pamagitan ng̃ ting̃ín, ang isáng bahagi ng̃ nápalâ ¿anó’t bibigyán silá ng̃ kalayàan? Sa piling ng̃ España ó hiwaláy sa España silá’y hindî mag-iibá, at marahil, marahil ay lalò pang sásamâ! ¿Anó ang kailang̃an ng̃ pag-sasarilí kung ang mg̃a alipin sa ng̃ayon ay siyang magiging mániniíl bukas? At gayón ng̃â ang káuuwîan nilá sapagkâ’t umiibig sa paniniíl ang sumasailalim nitó! Ginoong Simoun, samantalang ang ating bayan ay hindî pa náhahandâ, samantalang tumutung̃o sa labanán nang nadadayà ó naiaabóy, na walâng lubós na kaalamán sa gágawín, ay masisirà ang lalòng matalinong pagtatangkâ at mabuti pa ng̃â ang masirà sapagkâ’t ¿anó’t ibibigáy ang asawa sa lalaki kung hindî lubós na iniirog at hindî nálalaáng magpakamatáy nang dahil sa kaniyá?
Náramdamán ni P. Florentino na pinigilan ng̃ may sakít ang kaniyáng kamáy at pinisíl; humintô na inantáy na magsalitâ, ng̃unì’t ang tang̃ìng náramdamán niya ay ang dalawá pang pisíl, nakading̃íg ng̃ isáng buntónghining̃á at mahabàng katahimikan ang naghari sa loób ng̃ silíd. Ang dagat lamang, na ang mg̃a alon ay nang̃agsilakí dahil sa hang̃in sa gabí na warìng nágisíng sa init ng̃ umaga, ang nagtatapon ng̃ kaniyáng paós na ung̃ol, ng̃ kaniyáng walâng katapusáng awit, pag bayó sa mg̃a nagtayông talampás. Ang buwan, na walâ nang kalabang araw, ay payapàng nagtatalík sa lang̃it, at ang mg̃a punò sa gubat na nang̃agyuyukùan ay nagsasalaysayan ng̃ kaniláng matatandâng alamát sa pamag-itan ng̃ mahiwagàng bulung̃an na ipinaghahatidhatiran ng̃ hang̃in.
Nang mákitang walâng sinasabi sa kaniyá ang may sakít, si Padre Florentino ay bumulóng na warì’y natutubigan dahil sa isáng iniisip:
—¿Násaan ang kabatàan na maglálaán ng̃ kaniláng mg̃a magagandáng sandalî, mg̃a pang̃arap at kasigabuhán sa ikabubuti ng̃ kaniláng bayan? ¿Násaan ang maling̃ap na magbúbubô ng̃ kaniyáng dugô upang hugasan ang ganiyáng maraming kahihiyán, ang gayón karaming pagkakasala, ang gayón karaming bagay na kamuhîmuhî? Malinis at walâng bahid dung̃is ang kailang̃ang magíng buhay na alay upang ang handóg ay magíng karapatdapat!.... ¿Saan kayó nang̃ároón, [356]mg̃a kabinatàan, na magtátagláy ng̃ lakás ng̃ buhay na tumanan na sa aming mg̃a ugát, ang kalinisan ng̃ mg̃a pagkukurò na nadung̃isan sa aming mg̃a kaisipán at ang lagabláb ng̃ sigabó na namatáy na sa aming mg̃a pusò?.... Inaantáy namin kayó, oh mg̃a binatà, halíkayó at kayó’y aming ináantáy!
At sa dahiláng náramdamáng ang kaniyáng mg̃a matá’y pinang̃ing̃ilirán ng̃ luhà ay binitiwan ang kamáy ng̃ maysakít, tumindíg at lumapit sa durung̃awan upang tanawín ang malawak na dagat. Iláng mahinàng katóg sa pintûan ang pumukaw sa kaniyá sa gayóng pag-iisíp. Yaón ay ang alilà na nagtatanóng kung magsísindí ng̃ ilaw.
Nang ang parì’y lumapit sa may sakít at nakita itó, sa tulong ng̃ liwanag ng̃ lámpara, na hindî kumikilos, nakapikít ang mg̃a matá, ang kamáy na pumigil sa kaniyáng kamáy ay nakabuká at nálalahad sa gilid ng̃ hihigán, ay inakalà niyáng natutulog; ng̃unì’t nang máramdamáng hindî humíhing̃á, ay marahan niyáng hinipò at sakâ pa lamang náhalatâng patáy: untî-untî nang lumálamíg.
Nang magkágayó’y lumuhód at nanalang̃in.
Nang tumindíg at pinagmasdán ang bangkáy na sa mukhâ’y nábabakás ang isáng matindíng hapis, ang sakit ng̃ isáng boông buhay na walâng kabuluhán, na tinagláy hanggáng sa dako pa roon ng̃ kamatayan, ay nang̃ilabot ang matandâ at bumulong na:
—¡Kaawâán nawâ ng̃ Dios ang mg̃a naglikô sa kaniyá ng̃ daan!
At samantalang ang mg̃a alilàng tinawag niyá ay nang̃agsísiluhód at nang̃agdádasál ng̃ patungkól sa namatáy, mg̃a alilàng maurirà at nang̃alílibáng sa pagting̃ín sa hihigán at inuulit-ulit ang mg̃a sunód sunód na requiem, ay kinuha ni P. Florentino sa tatagûán ang bantóg na takbáng bakal na kinalalagyán ng̃ malakíng kayamanan ni Simoun. Iláng sandalîng nag-alinlang̃an, dátapwâ’y biglâng pumanaog sa hagdanang dalá ang takbá, na may tangkâ nang gágawín, tínung̃o ang batóng lagìng inuupán ni Isagani upang siyasatin ang kailaliman ng̃ dagat.
Tuming̃ín si P. Florentino sa dako ng̃ kaniyáng paanan. Sa ibabâ’y nákikita ang paghampás sa mg̃a ukab ng̃ bató ng̃ mg̃a maiitím na alon ng̃ Pasípiko, na lumilikhâ ng̃ mauugong [357]na kulóg, na sabáy sa pagniningníng na warì’y apóy ng̃ mg̃a alon at mg̃a bulá, dahil sa tamà ng̃ sinag ng̃ buwan, na warì’y dakótdakót na brillante na inihahagis sa hang̃in ng̃ isáng gawi ng̃ kailaliman. Tumanáw sa boô niyang paligid. Nag-íisá siya. Ang ulilang baybayin ay nagtátapós sa malayò na warì’y isáng paguulap, na pinapawì untî-untî ng̃ buwan hanggáng sa makiisà sa lalòng malayòng dako na abot ng̃ tanáw. Ang kagubatan ay bumúbulóng ng̃ mg̃a ting̃ig na walâng linaw. Sa gayó’y inihagis ng̃ matandâ na itinapon sa dagat ang takba, sa tulong ng̃ kaniyáng malalakás na bisig. Umikit na makáilan at matuling tumung̃o sa kailaliman na gumuhit ng̃ pabalantók at naglarawan sa kaníyáng makinis na ibabaw ng̃ iláng malamlám na sinag ng̃ buwán. Nakita ng̃ matandâ ang pagtilampon ng̃ mg̃a paták, nakáding̃íg ng̃ isáng buluwák at naghilom ang tubig matapos malamon ang kayamanan. Nag-antabáy ng̃ iláng sandalî upang tingnán kung may isasaulî ang kailaliman, ng̃unì’t mulîng naghilom ang mg̃a alon na mahiwagàng gaya ng̃ dati, at hindî naragdagán ng̃ isá mang kutón ang kaniyáng kulót na ibabaw, na warìng sa nilapadlapad ng̃ dagat ay walâng nahulog kundî isáng muntîng bató lamang.
—¡Itagò ka ng̃ Kalikasán sa kailaliman na kasama ng̃ mg̃a korales at mg̃a perlas ng̃ kaniyáng walâng pagkapawìng mg̃a dagat!—ang sabi ng̃ klerigo na iniunat ang kamáy.—Kapag sa isáng banal at mataás na layon ay kakailang̃anin ka ng̃ mg̃a tao, ay mátututuhan kang kunin ng̃ Dios sa sinapupunan ng̃ mg̃a alon.... Samantala, diyán ay hindî ka makagagawâ ng̃ kasamâán, hindî mo ililikô ang katwiran, hindî ka mag-uudyók sa kasakimán!....
Wakás ñg “Ang Filibusterismo”.
Talâ ng Tagapagsalin
Ang pabalat ay ginawa ng tagapagsalin gamit ang isang larawan mula sa aklat. Ito ay inilalagay sa public domain.
Ang mga larawan ng mga pahina (page scans) na pinagbatayan ng e-text na ito ay matatagpuan sa archive.org/details/angfilibusterism00riza.
May mga ibang edisyon ng nobelang ito sa Project Gutenberg:
Ang sinundang nobelang Noli Me Tángere ay may Tagalog na edisyon na salin ni Pascual Hicaro Poblete sa gutenberg.org/ebooks/20228.
Ang mga ilang bilang ng pahina ay wala dahil sa mga tinanggal na blankong pahina.
Ang Indice ay inilipat mula sa hulihan ng teksto, at iwinasto ang mga maling bilang ng pahina dito.
Isinaayos ang pagbabantas (punctuation).
Walang binago sa mga salita sa orihinal, kabilang ang mga di pagkakatulad sa pagbabaybay, paggamit ng gitling, paggamit ng mga tuldik, at pag-eestilo sa teksto, maliban lamang sa mga sumusunod: